Ang Salita ng Diyos || The Tagalog New Testament


Mateo || Marcos || Lucas || Juan || Mga Gawa || Mga Taga-Roma || 1 Mga Taga-Corinto || 2 Mga Taga-Corinto || Mga Taga Galacia || Mga Taga Efeso || Mga Taga Filipos || Mga Taga Colosas || 1 Mga Taga-Tesalonica || 2 Mga Taga-Tesalonica || 1 Kay Timoteo || 2 Kay Timoteo || Kay Tito || Kay Filemon || Hebreo || Santiago || 1 Pedro || 2 Pedro || 1 Juan || 2 Juan || 3 Juan || Judas || Pahayag


Webmaster's Note: I prepared this page for you so you could have the entire New Testament in one file (about 1.9 MB in size). I'm willing to email the whole file to you if you write to me and ask for it. It's an HTML file which you can open with any browser and if it's installed on your device, you would have the New Testament right at your fingertips, including links for each book. Also, if you would like a more modern edition of the Tagalog Bible, there is a complete modern Tagalog Bible (Old and New Testaments) also available online by clicking here, however, that's not at my domain, so I can't email you that file, only this one.


Mateo

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13 | 14 | 15 | 16 | 17 | 18 | 19 | 20 | 21 | 22 | 23 | 24 | 25 | 26 | 27 | 28

Mateo 1

Ang Talaan ng mga Ninuno ni Jesucristo

 

 1Ang aklat ng talaan ng angkan ni Jesucristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.

   
 2Naging anak ni Abraham si Isaac at naging anak ni Isaac si Jacob. Naging anak naman ni Jacob si Juda at ang kaniyang mga kapatid. 3Naging anak ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara. Naging anak naman ni Fares si Esrom at naging anak ni Esrom si Aram. 4Naging anak ni Aram si Abinadab at naging anak ni Abinadab si Naason. Naging anak naman ni Naason si Salmon. 5Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz at naging anak ni Booz kay Ruth si Obed. Naging anak naman ni Obed si Jesse.

   
 6Naging anak ni Jesse si haring David at naging anak ni haring David si Solomon sa naging asawa ni Urias. 7Naging anak ni Solomon si Rehoboam at naging anak ni Rehoboam si Abias. Naging anak naman ni Abias si Asa. 8Naging anak ni Asa si Jehosafat at naging anak naman ni Jehosafat si Joram. Naging anak naman ni Joram si Uzia. 9Naging anak ni Uzia si Jotam at naging anak ni Jotam si Acas. Naging anak naman ni Acas si Hezekia. 10Naging anak ni Hezekia si Manase at naging anak naman ni Manase si Amon. Naging anak naman ni Amon si Josia. 11Naging anak naman ni Josia si Jeconia at ang kaniyang mga kapatid. Ito ay noong ang mga taga-Israel ay dinalang bihag sa Babilonia.

   
 12Nang sila ay dinala sa Babilonia, naging anak ni Jeconia si Shealtiel. Naging anak ni Shealtiel si Zerubabel. 13Naging anak ni Zerubabel si Abiud at naging anak ni Abiud si Eliaquim. Naging anak naman ni Eliaquim si Azor. 14Naging anak ni Azor si Sadoc at naging anak ni Sadoc si Aquim. Naging anak naman ni Aquim si Eliud. 15Naging anak ni Eliud si Eleazar at naging anak ni Eleazar si Matan. Naging anak naman ni Matan si Jacob. 16Naging anak naman ni Jacob si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang nanganak kay Jesus na tinatawag na Cristo.

   
 17Samakatuwid, ang lahat ng sali't saling lahi mula kay Abraham hanggang kay David ay labing-apat na lahi. Mula naman kay David hanggang sa panahon ng pagkabihag sa Babilonia ay labing-apat na sali't saling lahi. Mula naman sa panahon ng pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labing-apat na sali't saling lahi.

 

Ipinanganak si Jesus

 

 18Ganito ang naging kapanganakan ni Jesucristo. Ang kaniyang inang si Maria ay nakatakdang mapangasawa ni Jose. Ngunit bago pa sila nagsama, si Maria ay natagpuang nagdadalang-tao na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19Si Jose na kaniyang asawa ay lalaking matuwid at hindi niya ginusto na mapahiya sa madla si Maria, kaya nagpasiya siyang paalisin nang lihim si Maria.

   
 20Samantalang iniisip niya ang mga bagay na ito, narito, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa kaniya sa isang panaginip. Sinabi ng anghel: Jose, ikaw na nagmula sa angkan ni David, huwag kang mangambang tanggapin si Maria na iyong asawa. Ito ay dahil ang dinadala niya sa kaniyang sinapupunan ay sa Banal na Espiritu. 21Siya ay manganganak ng isang lalaki. Ang ipangangalan mo sa kaniya ay Jesus sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao sa kanilang kasalanan.

   
 22Ang lahat ng ito ay naganap upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta. 23Sinabi nila: Narito, isang dalagang birhen ang magdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. Tatawagin nila siyang Emmanuel na ang ibig sabihin ay: Ang Diyos ay sumasaatin.

   
 24Sa pagbangon ni Jose mula sa pagkakatulog, ginawa niya ang ayon sa ipinag-utos sa kaniya ng anghel ng Panginoon. Tinanggap niya si Maria upang maging asawa. 25Hindi niya sinipingan ang kaniyang asawa hanggang sa maipanganak niya ang kaniyang panganay na anak na lalaki. Pinangalanan siya ni Jose na Jesus.

 

 

 

Mateo 2

 

Ang Pagdating ng mga Pantas

 

 1Pagkatapos na maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Juda, sa panahon ng paghahari ni Herodes, may dumating sa Jerusalem mula sa silangan, na mga lalaking pantas sa pag-aaral ng mga bituin. 2Sinabi nila: Saan naroroon ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Ito ay sapagkat nakita namin ang kaniyang bituin sa silangan at naparito kami upang sambahin siya.

   
 3Nang marinig ni haring Herodes ang mga bagay na ito, naligalig siya at ang lahat ng mga tao sa Jerusalem. 4Tinipon niya ang lahat ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ng mga tao. Tinanong niya sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. 5Sinabi nila sa kaniya: Sa Bethlehem ng Judea sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:
    6Ikaw Bethlehem sa lupain ng Juda, hindi ikaw
      ang pinakamaliit sa mga gobernador ng Juda
      sapagkat mula sa iyo ay lalabas ang isang pinuno
      na siyang mamumuno sa aking bayang Israel.

   
 7Nang magkagayon, tinawag ni Herodes nang palihim ang mga pantas na lalaki. Itinanong niyang mabuti sa kanila kung kailan nagpakita ang bituin. 8At pinapunta niya sila sa Bethlehem. Sinabi niya: Pumaroon kayo at matiyaga ninyong ipagtanong ang patungkol sa bata. Kapag natagpuan ninyo siya, balitaan ninyo ako upang makapunta rin ako at sambahin siya.

   
 9Pagkarinig nila sa hari ay tumuloy na sila sa kanilang lakad. Narito, ang bituin na kanilang nakita sa silanganan ay nanguna sa kanila. Nanguna ito sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng maliit na bata. 10Nang makita nila ang bituin, lubos silang nagalak. 11Nang sila ay nasa loob na ng bahay, nakita nila ang bata, kasama ang kaniyang inang si Maria. Sila ay nagpatirapa at sinamba ang bata. Nang mabuksan na nila ang kanilang mga kayamanan, naghandog sila sa kaniya ng mga kaloob. Ang mga ito ay ginto, kamangyan at mira. 12At nagbabala ang Diyos sa kanila sa isang panaginip na huwag na silang bumalik kay Herodes. Kaya sila ay nag-iba ng daan pauwi sa kanilang sariling lupain.

 

Tumakas Sila Papuntang Egipto

 

 13Nang sila ay nakauwi na, nangyari na ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa isang panaginip. Sinabi ng anghel: Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina. Tumakas kayo papuntang Egipto sapagkat ipahahanap na ni Herodes ang bata upang patayin. Manatili kayo roon hanggang sa sabihin ko sa iyo.

   
 14Bumangon siya at sa kinagabihan, dinala niya ang bata at ang ina nito papuntang Egipto. 15Nanatili sila roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Ito ay upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi: Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.

   
 16Nang magkagayon, nakita ni Herodes na nalinlang siya ng mga lalaking pantas. Labis siyang nagalit at nag-utos siya na patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa buong palibot nito. Ang mga batang ipinapatay ay mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahon na maingat niyang tinanong sa mga lalaking pantas. 17Nang magkagayon, natupad ang sinabi ng propetang Jeremias, na sinasabi:
    18Isang tinig ang narinig sa Rama. Panaghoy,
      pananangis at pagdadalamhati. Tinatangisan ni
      Rachel ang kaniyang mga anak. Hindi niya ibig
      na maaliw sapagkat sila ay wala na.

 

Bumalik Sila Mula sa Egipto

 

 19Ngunit nang patay na si Herodes, narito, isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa Egipto sa isang panaginip. 20Sinabi niya: Bumangon ka at dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumaroon kayo sa lupain ng Israel sapagkat patay na silang naghahangad sa buhay ng bata.

   
 21Bumangon siya at dinala ang bata at ang ina nito at dumating sa lupain ng Israel. 22Si Arquelao ang naghahari sa Judea bilang kapalit ng kaniyang amang si Herodes. Nang mabalitaan ito ni Jose, natakot siyang pumunta roon. Sa isang panaginip binigyan siya ng Diyos ng babala. Umalis siya patungo sa mga dako ng Galilea. 23Siya ay dumating at tumira sa isang lungsod na tinatawag na Nazaret. Sa ganito natupad ang sinabi ng mga propeta:
      Siya ay tatawaging taga-Nazaret.

 

Mateo 3

 

Si Juan na Tagapagbawtismo ay Nangaral at Nagbawtismo

 

 1Nang panahong iyon, dumating si Juan na tagapagbawtismo. Siya ay nangangaral sa ilang ng Judea. 2Sinabi niya: Magsisi kayo sapagkat malapit na ang paghahari ng langit. 3Ito ay sapagkat siya ang tinutukoy ni propeta Isaias nang kaniyang sabihin:
      Ang tinig ng isang lalaking sumisigaw sa ilang.
      Sinabi niya: Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon.
      Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.

   
 4Ang damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo at may isang pamigkis na katad sa kaniyang baywang. Ang kaniyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan. 5Pumunta sa kaniya ang mga tao mula sa Jerusalem, mula sa buong Judea at sa lahat ng mga dako sa palibot ng Jordan. 6Pinagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan at binabawtismuhan niya sila sa ilog ng Jordan.

   
 7Maraming Fariseo at Saduseo ang lumalapit sa kaniyang pagbabawtismo. Nang makita niya sila, sinabi niya: Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang takasan ang malapit nang dumating na galit ng Diyos? 8Magbunga nga kayo nang karapat-dapat sa pagsisisi. 9Huwag ninyong ipalagay sa inyong sarili: Si Abraham ang aming ama. Sinasabi ko sa inyo na ang Diyos ay makakalikha ng mga anak ni Abraham mula sa batong ito. 10Ngayon din ay nakalapat na ang palakol sa ugat ng mga punong-kahoy. Kaya nga, ang bawat punong-kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay puputulin at ihahagis sa apoy.

   
 11Binabawtismuhan ko nga kayo ng tubig sa pagsisisi, ngunit siya na dumarating na kasunod ko ay higit na dakila kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat magdala ng kaniyang panyapak. Siya ang magbabawtismo sa inyo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12Hawak na niya ang kaniyang pantahip upang linisin niya nang lubos ang kaniyang giikan. Titipunin niya ang kaniyang trigo sa bangan. Ngunit ang dayami ay susunugin niya sa apoy na hindi namamatay.

 

Binawtismuhan ni Juan si Jesus

 

 13Nang magkagayon, dumating si Jesus mula sa Galilea. Pumunta siya kay Juan sa ilog ng Jordan upang magpabawtismo. 14Ngunit tumanggi si Juan. Sinabi niya: Ako ang dapat mong bawtismuhan. Bakit ka magpapabawtismo sa akin?

   
 15Sumagot si Jesus sa kaniya: Pumayag ka nang mangyari ito ngayon sapagkat nararapat nating tuparin ang lahat ng katuwiran sa ganitong kaparaanan. Nang magkagayon, pumayag na si Juan.

   
 16Nang mabawtismuhan na si Jesus, kaagad siyang umahon mula sa tubig. Narito, ang mga langit ay nabuksan sa kaniya. Nakita ni Juan ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad ng isang kalapati at lumapag kay Jesus. 17Narito, isang tinig mula sa langit ang nagsabi: Ito ang pinakamamahal kong anak na labis kong kinalulugdan.

 

Mateo 4

 

Tinukso ng Diyablo si Jesus

 

 1Nang magkagayon, pinatnubayan ng Banal na Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2Nang siya ay makapag-ayuno na ng apatnapung araw at apatnapung gabi, nagutom siya. 3Lumapit ang manunukso sa kaniya at sinabi: Yamang ikaw ang Anak ng Diyos, sabihin mo sa mga batong ito na maging tinapay.

   
 4Sumagot si Jesus sa kaniya, na sinasabi: Nasusulat:
      Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao
      kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig
      ng Diyos.

   
 5Nang magkagayon, dinala siya ng diyablo sa banal na lungsod. Pinatayo siya sa taluktok ng templo. 6Sinabi ng diyablo sa kaniya: Yamang ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon ka sapagkat nasusulat:
      Uutusan niya ang kaniyang mga anghel
      patungkol sa iyo. Bubuhatin ka at dadalhin ka
      ng kanilang mga kamay upang hindi tumama
      ang iyong paa sa bato.

   
 7Sinabi sa kaniya ni Jesus: Nasusulat din naman:
      Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.

   
 8Muli siyang dinala ng diyablo sa isang napakataas na bundok. Ipinakita sa kaniya ang lahat ng paghahari sa sanlibutan at ang kaluwalhatian nito. 9Sinabi ng diyablo sa kaniya: Lahat ng mga bagay na iyon ay ibibigay ko sa iyo kung magpatirapa ka at sambahin ako.

   
 10Nang magkagayon, sinabi ni Jesus sa kaniya: Lumayo ka, Satanas, sapagkat nasusulat:
      Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos at
      siya lamang ang iyong paglingkuran.

   
 11Nang magkagayon, iniwan siya ng diyablo. Narito, dumating ang mga anghel at naglingkod sa kaniya.

 

Nagpasimulang Mangaral si Jesus

 

 12Nang marinig ni Jesus na si Juan ay naibilanggo, pumunta siya sa Galilea. 13Mula sa Nazaret ay pumunta siya sa Capernaum at doon nanirahan. Ito ay nasa tabi ng dagat, sa may hangganan ng Zebulon at Neftali. 14Ginawa niya ito upang matupad ang inihula ni propeta Isaias na nagsabi:
    15Ang lupain ng Zebulon at ang lupain ng
      Neftali, daanan sa gawing dagat sa ibayong
      Jordan, Galilea ng mga Gentil. 16Ang mga
      taong nanahan sa kadiliman ay nakakita ng
      dakilang liwanag. Sumikat ang ilaw sa kanila na
      nanahan sa pook at lilim ng kamatayan.

   
 17Mula noon, nagsimulang mangaral si Jesus. Sinabi niya: Magsisi kayo sapagkat malapit na ang paghahari ng langit.

 

Tinawag ni Jesus ang Unang mga Alagad

 

 18Habang si Jesus ay naglalakad sa tabi ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid. Sila ay sina Simon na tinatawag na Pedro at ang nakakabata niyang kapatid na si Andres. Naghahagis sila ng lambat sa lawa sapagkat sila ay mga mangingisda. 19Sinabi niya sa kanila: Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao. 20Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.

   
 21Sa pagpapatuloy niya sa paglalakad, nakita niya ang magkapatid na Santiago at Juan. Sila ay nasa bangka at nag-aayos ng lambat kasama ang kanilang amang si Zebedeo. At tinawag sila ni Jesus. 22Agad-agad nilang iniwan ang kanilang bangka at ang kanilang ama at sumunod sa kaniya.

 

May mga Pinagaling si Jesus sa Sinagoga

 

 23Nilibot ni Jesus ang buong Galilea na nagtuturo sa mga sinagoga. Ipinangangaral niya ang ebanghelyo ng paghahari ng Diyos. Nagpagaling siya ng lahat ng uri ng sakit at panghihina ng katawan ng mga tao. 24Napabantog siya sa buong Siria. Dinala nila sa kaniya ang lahat ng mga taong maysakit na pinahihirapan ng iba't ibang mga sakit at karamdaman. Dinala rin sa kaniya ang mga inaalihan ng mga demonyo, mga epileptiko at mga paralitiko. Pinagaling silang lahat ni Jesus. 25Sinundan siya ng napakaraming tao na nanggaling sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea at sa ibayo ng Jordan.

 

 

Mateo 5

 

Ang Pangangaral sa Bundok

 

 1Pagkakita niya sa napakaraming tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya, nilapitan siya ng kaniyang mga alagad. 2Nagsalita siya upang turuan ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya:
    3Pinagpala ang mga mapagpakumbabang-loob sapagkat
   sa kanila ang paghahari ng langit. 4Pinagpala ang mga
   nahahapis sapagkat sila ay aaliwin. 5Pinagpala ang mga
   maaamo sapagkat mamanahin nila ang lupa. 6Pinagpala
   ang mga nagugutom at mga nauuhaw sa katuwiran
   sapagkat sila ay bubusugin. 7Pinagpala ang mga
   mahabagin sapagkat kahahabagan sila. 8Pinagpala ang
   mga may dalisay na puso sapagkat makikita nila ang
   Diyos. 9Pinagpala ang mga mapagpayapa sapagkat
   tatawagin silang mga anak ng Diyos. 10Pinagpala ang
   mga inuusig dahil sa katuwiran sapagkat sa kanila ang
   paghahari ng langit.
    11Pinagpala kayo kung kayo ay inaalimura ng mga tao
   at pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng
   masasamang salita na pawang kasinungalingan dahil sa
   akin. 12Magalak at magsaya kayong totoo sapagkat
   malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ganyan din ang
   ginawa nilang pag-uusig sa mga propetang nauna sa inyo.

 

Kayo ay Asin at Ilaw

 

 13Kayo ang asin ng lupa. Ngunit kapag ang asin ay nawalan ng alat, paano pa ito muling aalat? Wala itong kabuluhan kundi itapon na lamang at yurakan ng mga tao.

   
 14Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago. 15Hindi rin sinisindihan ng sinuman ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan. Ngunit ito ay inilalagay sa lalagyan ng ilawan at nagliliwanag sa lahat ng nasa bahay. 16Sa ganitong paraan pagliwanagin ninyo ang inyong ilawan sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa. Sa gayon ay luluwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.

 

Ang Katuparan ng Kautusan

 

 17Huwag ninyong isiping naparito ako upang sirain ang Kautusan o ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang sirain kundi upang tuparin ang mga ito. 18Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Lilipas ang langit at ang lupa ngunit kahit isang tuldok o isang kudlit sa Kautusan ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang matupad ang lahat. 19Kaya ang sinumang lumabag sa isa sa mga utos na ito, kahit na ang kaliit-liitan, at ituro sa mga tao ang gayon, ay tatawaging pinakamababa sa paghahari ng langit. Ngunit ang sinumang gumaganap at nagtuturong ganapin ito ay tatawaging dakila sa paghahari ng langit. 20Sinasabi ko sa inyo: Maliban na ang inyong katuwiran ay hihigit sa katuwiran ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo, sa anumang paraan ay hindi kayo makakapasok sa paghahari ng langit.

 

Ang Pagpatay

 

 21Narinig ninyong sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang papatay. Ang sinumang pumatay ay mapapasapanganib sa paghatol. 22Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang sinumang nagagalit sa kaniyang kapatid ng walang dahilan ay mapapasapanganib ng kahatulan. Ang sinumang magsabi sa kaniyang kapatid: Hangal ka, siya ay mapapasapanganib sa Sanhedrin. Ngunit ang sinumang magsabi: Wala kang kabuluhan, siya ay mapapasapanganib sa apoy ng impiyerno.

   
 23Kaya nga, kapag ikaw ay magdala ng iyong kaloob sa dambana at doon ay maala-ala mo na ang iyong kapatid ay may laban sa iyo, iwanan mo roon sa harap ng dambana ang iyong kaloob. 24Lumakad ka at makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid. Pagkatapos ay bumalik ka at maghandog ng iyong kaloob.

   
 25Makipagkasundo ka muna sa nagsasakdal sa iyo habang ikaw ay kasama niya sa daan. Kung hindi ay baka ibigay ka ng nagsasakdal sa iyo sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa opisyal at ipabilanggo ka. 26Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa anumang paraan ay hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang huling sentimo.

 

Ang Sanhi ng Pagkakasala

 

 27Narinig ninyong sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang mangalunya. 28Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang tumingin sa isang babae na may masamang pagnanasa sa kaniya ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso. 29Kaya nga, kapag ang iyong kanang mata ay makapagpatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Makabubuti pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa mabulid sa impiyerno ang iyong buong katawan. 30Kapag ang iyong kanang kamay ay makapagpatisod sa iyo, putulin mo ito at iyong itapon. Makabubuti pa na wala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa mabulid sa impiyerno ang iyong buong katawan.

 

Ang Paghihiwalay

 

 31Sinabi rin naman: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay. 32Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa, maliban na lamang sa dahilan ng pakikiapid, ay nagtutulak sa kaniya upang mangalunya. At sinumang magpakasal sa babaeng hiniwalayan ay nagkakasala ng kasalanang sekswal.

 

Ang Panunumpa

 

 33Narinig ninyong muli na sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang manumpa nang walang katotohanan kundi tutuparin mo ang mga sinumpaan mo sa Panginoon. 34Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag kang mangako ng anuman, ni sa ngalan ng langit sapagkat ito ay trono ng Diyos. 35Kahit ang lupa ay huwag mong ipanumpa sapagkat ito ang tuntungan ng kaniyang mga paa. Kahit ang Jerusalem man ay huwag mong ipanumpa sapagkat ito ang lungsod ng Dakilang Hari. 36Kahit man ang ulo mo ay huwag mong ipangako sapagkat kahit isa mang buhok nito ay hindi mo mapapaputi o mapapaitim. 37Dapat lang na ang pananalita ninyo ay oo kung oo, at hindi kung hindi. Subalit anuman ang hihigit pa rito ay nanggagaling na sa masama.

 

Mata sa Mata

 

 38Narinig ninyong sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. 39Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong kalabanin ang masamang tao. Ngunit ang sinumang sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila. 40Kung may ibig magsakdal sa iyo at kunin ang iyong damit, payagan mo na rin siyang kunin ang iyong balabal. 41Sinumang pumilit sa iyo na lumakad ng higit sa isang kilometro, lumakad ka ng higit pa sa dalawang kilometro na kasama niya. 42Bigyan mo ang humihingi sa iyo at huwag mong talikdan ang ibig humiram sa iyo.

 

Ibigin mo ang Iyong Kaaway

 

 43Narinig ninyong sinabi: Ibigin mo ang iyong kapwa at kapootan mo ang iyong kaaway. 44Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Pagpalain ninyo ang mga napopoot sa inyo. Gawan ninyo ng mabuti ang mga nagagalit sa inyo. Ipanalangin ninyo ang mga umaalipusta sa inyo at ang mga umuusig sa inyo. 45Ito ay upang kayo ay magiging mga anak ng inyong Ama na nasa langit sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at sa mga mabuti. At binibigyan niya ng ulan ang mga matuwid at ang mga hindi matuwid. 46Ito ay sapagkat kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47Kapag ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kahigitan ninyo sa iba? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 48Kaya nga, kayo ay magpakasakdal tulad ng inyong Ama na nasa langit ay sakdal.

 

 

Mateo 6

 

Ang Pagtulong sa Nangangailangan

 

 1Mag-ingat kayo na huwag gawing pakitang-tao lamang ang inyong pamamahagi sa mga kahabag-habag. Kung magkagayon ay hindi kayo tatanggap ng gantimpala sa inyong Ama sa langit.

   
 2Kaya nga, kapag ikaw ay namamahagi sa mga kahabag-habag, huwag mong hipan ang trumpeta na nasa harap mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan. Ginagawa nila ito upang sila ay luwalhatiin ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3Kung mamahagi ka sa mga kahabag-habag, huwag mo nang ipaalam sa iyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng iyong kanang kamay. 4Sa gayon, maililihim ang iyong pamamahagi sa mga kahabag-habag. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ay magbibigay ng gantimpala sa iyo nang hayagan.

 

Nagturo si Jesus Patungkol sa Pananalangin

 

 5Kapag ikaw ay mananalangin, huwag mong tularan ang mga mapagpaimbabaw. Ito ay sapagkat gustong-gusto nilang manalangin habang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6Ngunit kung ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid. Kapag naisara mo na ang pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang magbibigay sa iyo ng gantimpala nang hayagan. 7Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, huwag mong gamitin ang mga walang kabuluhang paulit-ulit na mga panalangin gaya ng ginagawa ng mga Gentil. Ito ay sapagkat nananalangin sila nang paulit-ulit dahil sa kanilang palagay ay diringgin sila sa dami ng kanilang salita. 8Huwag ninyo silang tularan sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan bago pa man kayo humingi sa kaniya.

   
 9Manalangin kayo sa ganitong paraan:
   Ama namin na nasa langit, pakabanalin ang pangalan mo.
    10Dumating nawa ang paghahari mo. Mangyari nawa ang
   kalooban mo dito sa lupa gaya ng sa langit. 11Ibigay mo
   sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw.
    12Patawarin mo kami sa aming pagkakautang, gaya
   naman ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang
   sa amin. 13Huwag mo kaming dalhin sa tukso, sa halip
   iligtas mo kami sa masama, sapagkat iyo ang paghahari,
   ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian magpakailanman.
   Siya nawa.

    14Ito ay sapagkat kung patawarin ninyo ang mga tao sa kanilang pagsalangsang, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15Ngunit kung hindi ninyo patawarin ang mga tao sa kanilang mga pagsalangsang, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong pagsalangsang.

 

Ang Pag-aayuno

 

 16Kapag kayo ay mag-aayuno, huwag ninyong tularan ang mga mapagpaimbabaw na pinapalungkot ang kanilang mukha. Ito ay sapagkat pinasasama nila ang anyo ng kanilang mga mukha upang makita ng mga tao na sila ay nag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17Ngunit kung mag-aayuno ka, langisan mo ang iyong ulo at maghilamos ka ng iyong mukha. 18Sa ganoon, hindi makikita ng mga tao na nag-aayuno ka kundi ng iyong Ama na nasa lihim. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang magbibigay sa iyo ng gantimpala nang hayagan.

 

Ang Kayamanan sa Langit

 

 19Huwag kayong mag-ipon para sa inyong sarili ng kayamanan dito sa lupa na kung saan maraming tanga at kalawang ang naninira. Nanakawin din ang mga ito ng mga magnanakaw. 20Sa halip, mag-ipon kayo ng kayamanan sa langit dahil doon ay walang tanga at kalawang na sisira, at wala ring mga magnanakaw. 21Ito ay sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan ay naroroon din naman ang inyong puso.

   
 22Ang mata ang ilawan ng katawan. Kaya nga, kapag malinaw ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23Ngunit kapag masama ang iyong mata, mapupuno ng dilim ang iyong buong katawan.

   
 24Walang taong makapaglilingkod sa dalawang panginoon sapagkat maaaring kapootan niya ang isa at ibigin ang ikalawa. Maaaring maging tapat siya sa isa at pawalang-halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.

 

Huwag Mabalisa

 

 25Dahil dito, sinasabi ko sa inyo: Huwag kayong mabalisa sa inyong buhay kung ano ang inyong kakainin, o iinumin, o kung ano ang inyong daramtin. Hindi ba ang buhay ay higit pa sa pagkain at ang katawan ay higit pa sa damit? 26Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila naghahasik, ni gumagapas, ni nag-iipon sa mga bangan, ngunit pinakakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba lalo kayong higit na mahalaga kaysa sa kanila? 27Sino sa inyo na sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa kaniyang tangkad?

   
 28Bakit kayo nababalisa patungkol sa damit? Masdan ninyo ang mga liryo sa parang kung paano sila lumalaki. Hindi sila gumagawa, ni humahabi man. 29Ngunit sinasabi ko sa inyo: Kahit si Solomon, sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian, ay hindi nakapaggayak katulad ng isa sa mga ito. 30Dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buhay at bukas ay susunugin. Kung dinaramtan niya ang damo sa ganoong paraan, hindi ba niya kayo daramtan, kayong maliliit ang pananampalataya? 31Kaya nga, huwag kayong mabalisa at inyong sasabihin: Ano ang aming kakainin, ano ang aming iinumin at ano ang aming daramtin? 32Ang mga bagay na ito ay mahigpit na hinahangad ng mga Gentil. Alam ng inyong Ama na nasa langit na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. 33Ngunit hanapin muna ninyo ang paghahari ng Diyos at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo. 34Huwag nga kayong mabalisa patungkol sa kinabukasan sapagkat ang kinabukasan ang mababalisa sa kaniyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang kasamaan nito.

 

Mateo 7

 

Huwag Hahatol sa Kapwa

 

 1Huwag kayong hahatol upang hindi kayo hatulan. 2Ito ay sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo. Sa sukat na inyong ipinanukat ay isusukat sa inyo.

   
 3Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? Ngunit hindi mo tinitingnan ang troso na nasa iyong mata. 4Narito, papaano mo sabihin sa iyong kapatid: Payagan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata. At narito, isang troso ang nasa mata mo. 5Ikaw na mapagpaimbabaw. Alisin mo muna ang troso sa iyong mata. Kung magkagayon, makikita mong malinaw ang pag-aalis ng puwing sa mata ng iyong kapatid.

   
 6Huwag ninyong ibigay sa aso ang anumang banal. Huwag ninyong ihagis ang inyong mga perlas sa mga baboy. Kung gayon, yuyurakan lang nila ito at muling babalik at lalapain kayo.

 

Humingi, Maghanap, Kumatok

 

 7Humingi kayo at ito ay ibibigay sa inyo. Maghanap kayo at makakasumpong kayo. Kumatok kayo at ito ay bubuksan sa inyo. 8Ito ay sapagkat ang bawat isang humihingi ay tumatanggap. Siya na naghahanap ay nakakasumpong. Ang kumakatok ay pinagbubuksan.

   
 9Sino kaya sa inyo ang magbibigay ng isang bato sa kaniyang anak kung ito ay humingi ng tinapay? 10Kung humingi siya sa kaniya ng isda, bibigyan ba niya ito ng ahas? 11Kayo, bagaman masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Hindi ba niya ibibigay ang mabubuting bagay sa kanila na humihingi sa kaniya? 12Kaya nga, ang lahat ng bagay na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo ay gayundin ang gawin ninyo sa kanila sapagkat ito ang kabuuan ng Kautusan at ng mga Propeta.

 

Ang Makipot at ang Maluwang na Daan

 

 13Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan sapagkat ang maluwang na tarangkahan at malapad na daan ay patungo sa kapahamakan. Marami ang patungo roon. 14Subalit ang makipot na tarangkahan at makitid na daan ay patungo sa buhay. Kakaunti ang mga nakakasumpong nito.

 

Ang Puno at ang Bunga Nito

 

 15Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta. Lumalapit sila sa inyo na nagdaramit-tupa, ngunit sa loob ay mababangis na lobo. 16Makikilala ninyo sila nang lubos sa pamamagitan ng kanilang mga bunga. Ang mga tao ba ay makakapitas ng mga ubas sa tinikan o ng mga igos sa dawagan? 17Maging ang bawat mabuting punong-kahoy ay nagbubunga ng mabuti. Ngunit ang isang masamang punong-kahoy ay nagbubunga ng masama. 18Ang isang mabuting punong-kahoy ay hindi makapagbubunga ng masama, ni ang masamang punong-kahoy ay makapagbubunga ng mabuti. 19Ang bawat punong-kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy. 20Kaya nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.

   
 21Hindi ang bawat isa na nagsasabi sa akin: Panginoon, Panginoon, ay makakapasok sa paghahari ng langit, kundi ang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. 22Sa araw na iyon ay marami ang magsasabi sa akin: Panginoon, Panginoon, hindi ba sa iyong pangalan ay naghayag kami ng salita katulad ng mga propeta, at sa iyong pangalan ay nagpalayas kami ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming himala? 23Pagkatapos nito ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong hindi kumikilala sa kautusan ng Diyos.

 

Ang Matalino at Mangmang na Tagapagpatayo

 

 24Kaya nga, ang sinumang dumirinig sa mga pananalita kong ito at isinasagawa ang mga ito, ay maihahalintulad ko sa isang lalaking matalino na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng bato. 25Bumuhos ang ulan at bumaha. Umihip ang malakas na hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi bumagsak. Ito ay sapagkat itinayo niya iyon sa ibabaw ng bato. 26Ang bawat isa na dumirinig ng mga pananalita kong ito at hindi isinasagawa ay maihahalintulad ko sa isang lalaking mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng buhanginan. 27Bumuhos ang ulan at bumaha. Umihip ang malakas na hangin at hinampas ang bahay na iyon. Bumagsak ito at lubusang nawasak.

   
 28Nangyari nga, nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, ang mga tao ay nanggilalas sa kaniyang turo. 29Ito ay sapagkat siya ay nagturo sa kanila tulad ng may kapamahalaan at hindi tulad ng mga guro ng kautusan.

 

 

Mateo 8

 

Nilinis ni Jesus ang Lalaking Ketongin

 

 1Nang siya ay bumaba mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. 2Narito, may lumapit na isang ketongin at sinamba siya na sinasabi: Panginoon kung ibig mo ay malilinis mo ako.

   
 3Iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinipo siya na sinasabi: Ibig ko. Maging malinis ka. Kaagad-agad na luminis ang kaniyang ketong. 4Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tiyakin mong huwag sabihin ito sa kaninuman kundi lumakad ka at magpakita ka sa mga saserdote. Maghain ka ng kaloob ayon sa inutos ni Moises bilang patotoo sa kanila.

 

Ang Kapitan ay Nanampalataya

 

 5Nang pumasok na si Jesus sa Capernaum, may lumapit sa kaniya na isang kapitan na namamanhik sa kaniya. 6Sinabi ng kapitan: Panginoon, ang aking lingkod ay nakaratay sa bahay, lumpo at lubhang nahihirapan.

   
 7Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ako ay paroroon at pagagalingin ko siya.

   
 8Ngunit sumagot ang kapitan: Panginoon, hindi ako karapat-dapat na ikaw ay pumasok sa aking bahay. Ngunit magsalita ka lamang at mapapagaling mo na ang aking lingkod. 9Ito ay sapagkat ako rin naman ay isang taong nasa ilalim ng kapamahalaan na may nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isang tao: Pumaroon ka. At pumaparoon siya. Sinasabi ko naman sa iba: Halika. At lumalapit siya. Sa aking alipin naman ay sinasabi ko: Gawin mo ito. At kaniya itong ginagawa.

   
 10Namangha si Jesus nang marinig niya ito. Sinabi niya sa mga sumusunod sa kaniya: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kahit sa mga taga-Israel ay hindi ko nasumpungan ang ganito kalaking pananampalataya. 11Sinasabi ko sa inyo na marami ang manggagaling sa silangan at kanluran at kakaing kasama ni Abraham, Isaac at Jacob sa paghahari ng langit. 12Ngunit ang mga anak ng paghahari ay itatapon sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

   
 13Sinabi ni Jesus sa kapitan: Lumakad ka na. Mangyayari ang ayon sa pananampalataya mo. At ang kaniyang lingkod ay gumaling sa oras ding iyon.

 

Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao

 

 14Nang dumating si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang kaniyang biyenang babae na nakahiga at nilalagnat. 15Hinipo ni Jesus ang kamay nito at nawala ang lagnat. At siya ay bumangon at naglingkod sa kanila.

   
 16Kinagabihan, dinala nila sa kaniya ang maraming tao na inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng mga maysakit. 17Ito ay upang matupad ang sinabi ni propeta Isaias na mangyayari. Sinasabi niya:
      Kinuha niya ang ating mga kahinaan at dinala
      niya ang ating mga sakit.

 

Ang Halaga ng Pagsunod kay Jesus

 

 18Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa palibot niya, nag-utos siya upang tumawid sa kabilang ibayo ng lawa. 19May lumapit sa kaniya na isang guro ng kautusan. Sinabi nito sa kaniya: Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.

   
 20Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang mga sora ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad. Ngunit ang Anak ng Tao ay walang mapaghihiligan ng kaniyang ulo.

   
 21At isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi: Panginoon, pahintulutan mo muna akong makauwi upang ilibing ang aking ama.

   
 22Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Sumunod ka sa akin. Bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang patay.

 

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo

 

 23Pagkasakay niya sa isang bangka, sumunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad. 24Narito, nagkaroon ng isang malakas na bagyo sa lawa. Ang bangka ay natatabunan ng malalakas na alon. Ngunit si Jesus ay natutulog. 25Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad at ginising siya. Sinabi nila: Panginoon, iligtas mo kami, napapahamak kami.

   
 26Sinabi ni Jesus sa kanila: Bakit kayo natatakot? O, kayong maliliit ang pananampalataya. Nang magkagayon, bumangon siya at sinaway ang mga hangin at ang mga alon. At nagkaroon ng isang malaking katahimikan.

   
 27Ngunit ang mga lalaki ay namangha at nagsabi: Anong uri ng tao ito na maging ang mga hangin at dagat ay tumatalima sa kaniya?

 

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Inaalihan ng Demonyo

 

 28Pagdating niya sa kabilang ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng mga demonyo. Sila ay nanggaling sa libingan at totoong napakabangis. Kaya walang sinumang maglakas-loob na dumaan sa daang iyon. 29Narito, sila ay sumigaw na sinabi: Ano ang kinalaman ng bagay na ito sa amin at sa iyo Jesus, ikaw na Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami bago pa man dumating ang panahon?

   
 30Sa hindi kalayuan ay may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain. 31Nagmakaawa ang mga demonyo sa kaniya. Sinabi nila: Kapag palalayasin mo kami, pahintulutan mo kaming pumaroon sa kawan ng mga baboy.

   
 32Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo. Pagkalabas nila, pumasok sila sa kawan ng mga baboy. Narito, ang buong kawan ng baboy ay tumakbong padaluhong sa isang malalim na bangin at nahulog sa kalalim-laliman ng lawa at nalunod. 33Ang mga tagapag-alaga ay tumakbo at pumunta sa lungsod. Ipinamalita nila ang lahat ng nangyari at ang sinapit ng mga inalihan ng mga demonyo. 34Narito, ang buong mamamayan sa lungsod ay lumabas upang salubungin si Jesus. Nang makita nila siya, nagmakaawa sila sa kaniya na umalis na sa kanilang lupain at sa mga hangganan nito.

 

 

Mateo 9

 

Pinagaling ni Jesus ang Paralitiko

 

 1Sumakay siya sa isang bangka. Tumawid siya sa ibayo at dumating sa kaniyang sariling lungsod. 2Narito, dinala nila sa kaniya ang isang lalaking paralitiko na nakahiga sa isang higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko: Anak, lakasan mo ang iyong loob. Pinatawad na ang lahat mong kasalanan.

   
 3Narito, may ilan sa mga guro ng kautusan ang nagsabi sa kanilang sarili: Namumusong ang taong ito.

   
 4Si Jesus na nakakaalam ng kanilang mga iniisip ay nagsabi: Bakit kayo nag-iisip ng masama sa inyong mga puso? 5Ito ay sapagkat alin ba ang higit na madali, ang sabihin: Ang kasalanan mo ay pinatawad na, o ang sabihin: Bumangon ka at lumakad? 6Ginawa ko ito upang inyong malaman na ako, ang Anak ng Tao ay may kapamahalaang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa. At sasabihin ko sa kaniya: Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan. Umuwi ka na sa bahay ninyo. 7Siya ay bumangon at umalis pauwi sa bahay niya.

   
 8Nang makita ito ng napakaraming tao ay namangha sila. Niluwalhati nila ang Diyos na nagbigay ng gayong kapamahalaan sa mga tao.

 

Tinawag ni Jesus si Mateo

 

 9Sa patuloy na paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaki na nakaupo sa paningilan ng buwis na ang pangalan ay Mateo. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sumunod ka sa akin. Tumindig siya at sumunod sa kaniya.

   
 10Nangyari, na nang si Jesus ay nakaupo sa hapag-kainan ng bahay, narito, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila ay umupo upang kumaing kasama niya at ang kaniyang mga alagad. 11Nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kaniyang mga alagad: Bakit ang guro ninyo ay kumakaing kasalo ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan?

   
 12Ngunit nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit. 13Humayo kayo at pag-aralan ninyo ang kahulugan nito. Habag ang ibig ko at hindi hain sapagkat naparito ako, hindi upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang magsisi.

 

Tinanong ng mga Alagad ni Juan si Jesus Patungkol sa Pag-aayuno

 

 14Nang magkagayon, lumapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan na nagsasabi: Bakit kami at ang mga Fariseo ay madalas mag-ayuno ngunit ang iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?

   
 15Sinabi ni Jesus sa kanila: Maaari bang mamighati ang mga abay sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikakasal? Darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay aalisin sa kanila. Kung magkagayon, mag-aayuno na sila.

   
 16Walang taong nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit sapagkat ang tagpi ay bumabatak sa damit at lalong lumalaki ang punit. 17Hindi rin isinasalin ng sinumang tao ang bagong alak sa mga lumang sisidlang-balat. Kung magkakagayon, puputok ang mga sisidlang-balat. Ngunit isinasalin nila ang bagong alak sa mga bagong sisidlang-balat at kapwa silang tatagal.

 

Ang Babaeng Maysakit at Batang Babaeng Patay

 

 18Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na iyon sa kanila, narito, dumating ang isang pinuno. Sinamba siya at kaniyang sinabi: Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae. Ngunit sumama ka sa akin at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya at mabubuhay siya. 19Tumindig si Jesus at sumama sa kaniya at gayundin ang kaniyang mga alagad.

   
 20At narito, isang babaeng may labindalawang taon nang dinudugo ang lumapit sa kaniyang likuran. Hinipo niya ang laylayan ng damit ni Jesus. 21Ito ay sapagkat iniisip ng babae: Kung mahihipo ko lamang ang kaniyang damit, gagaling na ako.

   
 22Ngunit lumingon si Jesus at pagkakita niya sa kaniya, sinabi niya: Anak, lakasan mo ang iyong loob. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At ang babae ay gumaling mula sa oras na iyon.

   
 23Nang dumating si Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga tumutugtog ng plawta at ang maraming tao na nagkakagulo. 24Sinabi niya sa kanila: Lumabas na kayo sapagkat ang batang babae ay hindi patay kundi natutulog lamang. At pinagtawanan nila siya. 25Nang mapalabas na niya ang mga tao, pumasok siya. Hinawakan niya ang kamay ng batang babae at siya ay bumangon. 26At napabalita ang pangyayaring ito sa buong lupaing iyon.

 

Pinagaling ni Jesus ang Bulag at Pipi

 

 27Nang lisanin ni Jesus ang dakong iyon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sila ay sumisigaw na sinasabi: Ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin.

   
 28Pagpasok niya sa bahay, lumapit ang dalawang lalaki sa kaniya. Sinabi ni Jesus sa kanila: Sumasampalataya ba kayong magagawa ko ito?
   Sinabi nila sa kaniya: Oo, Panginoon.

   
 29Nang magkagayon, hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi: Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya. 30Namulat ang kanilang mga mata. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na sinasabi: Huwag ninyong sabihin ito kahit na kanino. 31Ngunit nang makaalis na sila, ikinalat nila ang nangyari sa buong lupaing iyon.

   
 32Nang sila ay papaalis na, narito, may mga taong nagdala sa kaniya ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. 33Nang mapalayas na niya ang demonyo, nagsalita ang pipi. Ang napakaraming tao ay namangha na sinasabi: Kailanman ay hindi pa nasaksihan sa Israel ang ganito.

   
 34Ngunit sinabi ng mga Fariseo: Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo.

 

Kakaunti ang mga Manggagawa

 

 35Nilibot ni Jesus ang lahat ng lungsod at nayon. Siya ay nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng ebanghelyo ng paghahari. Siya ay nagpagaling ng lahat ng uri ng mga sakit at karamdaman. 36Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat nanlulupaypay sila at nangalat katulad ng mga tupang walang pastol. 37Nang magkagayon, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Totoong marami ang aanihin ngunit kakaunti ang manggagawa. 38Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng anihan na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang anihan.

 

 

Mateo 10

 

Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad

 

 1Tinawag niya at pinalapit ang kaniyang labindalawang alagad. Pagkatapos, binigyan niya sila ng kapamahalaan upang magpalabas ng mga karumal-dumal na espiritu. Binigyan din niya sila ng kapamahalaang magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at lahat ng uri ng karamdaman.

   
 2Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: Ang una ay si Simon na tinatawag na Pedro at ang kaniyang kapatid na si Andres. Si Santiago na anak ni Zebedeo at ang kaniyang kapatid na si Juan. 3Sina Felipe, Bartolome at Tomas, at si Mateo na maniningil ng buwis. Si Santiago na anak ni Alfeo at si Leveo na tinatawag na Tadeo. 4Si Simon na kabilang sa Makabayan at si Judas na taga-Keriot, na nagkanulo sa kaniya.

   
 5Ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus. Sila ay inutusan niya na sinasabi: Huwag kayong pupunta sa daan ng mga Gentil at huwag kayong papasok sa alin mang lungsod ng mga taga-Samaria. 6Sa halip, pumunta kayo sa nawawalang tupa sa sambahayan ni Israel. 7Sa inyong paghayo, ito ang inyong ipangangaral: Ang paghahari ng langit ay nalalapit na. 8At pagalingin ninyo ang mga maysakit at linisin ninyo ang mga ketongin. Buhayin ninyo ang mga patay at magpalayas kayo ng mga demonyo. Ang tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad. 9Huwag kayong magbaon ng ginto, o pilak o tanso man sa inyong mga pamigkis. 10Huwag kayong magbaon ng bayong sa inyong paglalakbay, o ng dalawang balabal, o panyapak o ng tungkod man sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang pagkain.

   
 11Kapag pumasok kayo sa anumang lungsod o bayan, alamin ninyo kung sino ang karapat-dapat doon. Tumuloy kayo sa kanila hanggang sa inyong pag-alis. 12Pagpasok ninyo sa isang bahay, bumati kayo sa kanila. 13Kung ang bahay ay karapat-dapat, sumakanila nawa ang inyong kapayapaan. Ngunit kung ito ay hindi karapat-dapat, bumalik nawa sa inyo ang inyong kapayapaan. 14Ang sinumang hindi tumanggap sa inyo, ni makinig sa inyong mga salita, lumabas kayo sa bahay, o lungsod na iyon. Paglabas ninyo, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. 15Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa araw ng paghatol ay higit na magaan ang parusa sa lupain ng Sodoma at Gomora kaysa sa lungsod na iyon. 16Narito, sinusugo ko kayong katulad ng mga tupa sa gitna ng mga lobo. Kaya nga, magpakatalino kayong katulad ng mga ahas at maging maamong katulad ng mga kalapati.

   
 17Mag-ingat kayo sa mga tao sapagkat ibibigay nila kayo sa mga sanggunian. Hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga. 18Dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin. Ihaharap kayo sa kanila upang magbigay ng patotoo laban sa kanila at sa mga Gentil. 19Ngunit kapag ibinigay nila kayo, huwag kayong mag-alala kung papaano o ano ang inyong sasabihin sapagkat sa oras ding iyon ay ipagkakaloob sa inyo kung ano ang inyong sasabihin. 20Ito ay sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

   
 21Ipapapatay ng kapatid ang kaniyang kapatid at ng ama ang kaniyang anak. Ang mga anak ay maghihimagsik laban sa kanilang mga magulang at ipapapatay sila. 22Kapopootan kayo ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ang siyang maliligtas. 23Ngunit kapag inuusig nila kayo sa lungsod na ito, tumakas kayo patungo sa iba sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi pa ninyo natatapos libutin ang mga lungsod ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.

   
 24Ang alagad ay hindi nakakahigit sa kaniyang guro at ang alipin ay hindi nakakahigit sa kaniyang panginoon. 25Sapat na sa alagad na matulad sa kaniyang guro at ang alipin ay matulad sa kaniyang panginoon. Kung tinatawag nila ang may-ari ng sambahayan na Beelzebub, gaano pa kaya na kanilang sasabihin iyon sa mga kabahagi ng sambahayan.

   
 26Huwag nga kayong matakot sa kanila sapagkat walang anumang natatakpan na hindi mahahayag, at walang anumang natatago na hindi malalaman. 27Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay sabihin ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong ay ipahayag ninyo mula sa mga bubungan ng bahay. 28Huwag kayong matakot sa mga pumapatay sa katawan ngunit hindi makakapatay sa kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa kaniya na makakapatay kapwa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno. 29Hindi ba ipinagbibili ang dalawang maya ng isang sentimo? Gayunman, kahit isa sa kanila ay hindi mahuhulog sa lupa kung hindi pahihintulutan ng iyong Ama. 30Maging ang mga buhok ninyo sa inyong mga ulo ay bilang niya ang lahat. 31Kaya nga, huwag kayong matakot sapagkat higit kayong mahalaga kaysa sa maraming maya.

   
 32Kaya nga, ang sinumang maghahayag sa akin sa harap ng mga tao ay ihahayag ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit. 33Ngunit ang sinumang magkakaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit.

   
 34Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan kundi ng tabak. 35Naparito ako upang paghimagsikin
      ang isang tao laban sa kaniyang ama.
      Papaghimagsikin ko ang anak na babae laban sa
      kaniyang ina, at ang manugang na babae laban
      sa kaniyang biyenang babae. 36Ang kaaway ng
      isang tao ay ang kaniyang sariling kasambahay.

   
 37Ang umiibig sa kaniyang ama o ina ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang sinumamg umiibig sa kaniyang anak na lalaki, o anak na babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38Ang sinumang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39Ang sinumang makakasumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ang sinumang mawawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpung nito.

   
 40Siya na tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at siya na tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41Siya na tumatanggap sa isang propeta dahil sa pangalan ng isang propeta ay tatanggap ng gantimpalang ukol sa propeta. Siya na tumatanggap sa isang taong matuwid ay tatanggap ng gantimpalang ukol sa taong matuwid. 42Ang sinumang magbigay ng maiinom sa isa sa mga maliliit na ito kahit isang basong malamig na tubig dahil sa pangalan ng isang alagad, sinasabi ko sa inyo ang totoo: Hindi siya mawawalan ng gantimpala.

 

 

Mateo 11

 

Si Jesus at si Juan na Tagapagbawtismo

 

 1Nangyari nang matapos magbigay ng utos si Jesus sa kaniyang labindalawang alagad, umalis siya roon upang magturo at mangaral sa kanilang mga lungsod.

   
 2Nang marinig nga ni Juan sa bilangguan ang mga gawa ni Cristo, nagsugo siya ng dalawa sa kaniyang mga alagad. 3At sinabi nila sa kaniya: Ikaw ba yaong paparito, o maghihintay pa kami ng iba?

   
 4Sumagot si Jesus sa kanila: Pumaroon kayo kay Juan at ibalita ninyo ang mga bagay na inyong narinig at nakita. 5Nakakakita na ang mga bulag at nakakalakad na ang mga lumpo. Luminis na ang mga ketongin at nakakarinig na ang mga bingi. Nabuhay ang mga patay at ang ebanghelyo ay ipinangaral na sa mga dukha. 6Pinagpala ang taong hindi natitisod sa akin.

   
 7Pagkaalis nila, nagsimulang magsalita si Jesus sa napakaraming tao patungkol kay Juan. Ano ang nais ninyong makita at lumabas kayo sa ilang? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? 8Sa inyong paglabas, ano ba ang nais ninyong makita? Isang taong nagdadamit ng malambot na kasuotan? Narito, ang mga nagdadamit ng malambot na kasuotan ay nasa mga bahay ng mga hari. 9Ngunit ano ang nais ninyong makita at lumabas kayo? Isa bang propeta? Oo, at sinasabi ko sa inyo: Higit pa sa isang propeta. 10Ito ay sapagkat siya ang tinutukoy sa isinulat sa mga kasulatan:
      Narito, isinusugo ko ang aking sugo na mauuna
      sa iyo. Siya ang maghahanda ng iyong daraanan.

    11Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa lahat nang ipinanganak ng mga babae, walang lumitaw nang higit na dakila kaysa kay Juan na tagapagbawtismo. Gayunman, ang pinakamaliit sa paghahari ng langit ay higit na dakila kaysa sa kaniya. 12Ngunit mula sa mga araw ni Juan na tagapagbawtismo hanggang ngayon, ang paghahari ng langit ay nagbabata ng karahasan. Ito ay inaagaw ng mararahas na tao sa pamamagitan ng dahas. 13Ito ay sapagkat hanggang kay Juan, ang lahat ng Propeta at ang Kautusan ay naghahayag ng mga bagay na darating. 14Kung tatanggapin ninyo ito, siya ang Elias na inaasahang paparating na. 15Ang may pandinig ay makinig.

   
 16Ngunit saan ko itutulad ang lahing ito? Ito ay katulad ng mga batang nakaupo sa mga pamilihang dako at tinatawag ang kanilang mga kasama. 17Sinasabi nila:
   Tinugtugan namin kayo ng plawta, ngunit hindi kayo
   sumayaw. Nagluksa kami ngunit hindi kayo tumangis.

    18Ito ay sapagkat dumating si Juan. Hindi siya kumakain ni umiinom, at sinabi nilang siya ay may demonyo. 19Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom. Sinabi nila: Narito ang isang taong matakaw at manginginom ng alak. Isang taong kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan. Ngunit ang karunungan ay pinapaging-matuwid ng kaniyang mga anak.

 

Kaabahan at Pagpapasalamat

 

 20Pagkatapos, pinasimulan niyang sumbatan ang mga lungsod na ginawan niya ng maraming himala sapagkat hindi pa rin sila nagsisi. 21Sa aba mo, Corazin! Sa aba mo, Betsaida! Ito ay sapagkat kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, malaon na sana silang nakapagsisi at nagsuot ng magaspang na damit at nagbuhos ng abo sa kanilang sarili. 22Ngunit sinasabi ko sa inyo: Lalong madali ang titiisin ng Sidon at Tiro sa araw ng paghuhukom kaysa ng sa inyo. 23Ikaw naman Capernaum, itinaas ka hanggang sa langit, ibababa ka naman hanggang sa hades. Ito ay sapagkat kung ang mga himalang ginawa sa iyo ay sa Sodoma nangyari, mananatili sana iyon hanggang sa araw na ito. 24Ngunit sinasabi ko sa inyo: Lalong madali ang titiisin ng Sodoma sa araw ng paghuhukom kaysa ng sa inyo.

 

Pasasalamat at Paanyaya ni Jesus

 

 25Nang sandaling iyon, sinabi ni Jesus: O Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, pinasasalamatan kita sapagkat ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino. Ngunit inihayag mo ang mga ito sa mga sanggol. 26Gayon nga Ama, sapagkat ito ang nakakalugod sa iyong paningin.

   
 27Ibinigay na sa akin ng Ama ang lahat ng mga bagay. Walang sinumang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama. Gayundin, walang sinumang lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at ang sinumang ibig pagpahayagan ng Anak.

   
 28Kayong lahat na napapagal at nabibigatang lubha, pumarito kayo sa akin at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29Pasanin ninyo ang aking pamatok at mag-aral kayo sa akin sapagkat ako ay maamo at mababang-loob. At masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. 30Ito ay sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.

 

 

Mateo 12

 

Panginoon ng Sabat

 

 1Nang panahong iyon, sa araw ng Sabat, naglakad si Jesus sa triguhan. Kasama niya ang kaniyang mga alagad, at sila ay nagutom. Nagsimula silang pumigtal ng uhay ng trigo at kinain nila. 2Ngunit nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kaniya: Narito, ang iyong mga alagad ay gumagawa ng gawaing labag sa kautusan sa araw ng Sabat.

   
 3Ngunit sinabi niya sa kanila: Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David noong siya at ang kaniyang mga kasama ay nagutom? 4Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang mga tinapay na inihandog. Subalit labag sa kautusan na siya at ang mga kasama niya na kumain nito, dahil ito ay para sa mga saserdote lamang. 5O, hindi ba ninyo nabasa sa Kautusan, kung paanong sa mga araw ng Sabat, na ang mga saserdote sa templo ay lumabag sa araw ng Sabat, at hindi sila nagkasala? 6Ngunit sinasabi ko sa inyo na naririto ang isang lalo pang dakila kaysa sa templo. 7Ngunit kung alam lamang ninyo kung ano ang kahulugan nito: Habag ang ibig ko at hindi hain, hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang kasalanan. 8Ito ay sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng araw ng Sabat.

   
 9Pagkaalis niya roon, pumasok siya sa kanilang sinagoga. 10Narito, may isang lalaking naroroon na tuyot ang kamay. Tinanong nila siya na sinabi: Naaayon ba sa kautusan ang magpagaling sa araw ng Sabat? Tinanong nila siya upang may maiparatang sila sa kaniya.

   
 11Sinabi niya sa kanila: Kung ang sinuman sa inyo ay may isang tupa at nahulog ito sa malalim na hukay sa araw na Sabat, hindi ba ninyo ito kukunin at iaahon? 12Ang isang tao ay higit na mahalaga kaysa sa tupa. Kaya naaayon sa kautusan ang gumawa ng mabuti sa araw ng Sabat.

   
 13Nang magkagayon, sinabi niya sa lalaki: Iunat mo ang iyong kamay. Iniunat niya ito at gumaling ito at naging katulad ng isa. 14Nang magkagayon, umalis ang mga Fariseo at nagpulong sila nang laban sa kaniya, kung papaano nila siya papatayin.

 

Ang Lingkod na Hinirang ng Diyos

 

 15Ngunit alam ito ni Jesus. At lumayo siya roon. Napakaraming tao ang sumunod sa kaniya at pinagaling niya silang lahat. 16Ipinagbilin niya sa kanila na huwag nilang ihayag kung sino siya. 17Ito ay upang matupad ang sinabi ni propeta Isaias, na sinasabi:
    18Masdan ninyo ang lingkod ko na aking
      hinirang. Minahal ko siya at labis na
      kinalulugdan ng aking kaluluwa. Ibibigay ko
      ang aking Espiritu sa kaniya at ihahayag niya
      ang paghatol sa mga Gentil. 19Hindi siya
      makikipagtalo o sisigaw man, ni walang
      makakarinig ng kaniyang tinig sa mga lansangan.
    20Hindi niya babaliin ang gapok na tambo.
      Hindi rin niya papatayin ang mitsang umuusok,
      hanggang hindi niya napagtatagumpay ang
      paghatol. 21Sa kaniyang pangalan aasa ang
      mga Gentil.

 

Paanong Mapapalabas ni Satanas si Satanas?

 

 22Pagkatapos, dinala nila sa kaniya ang isang inaalihan ng demonyo. Ito ay bulag at pipi. Pinagaling niya ito, at siya ay nakapagsalita at nakakita. 23Nanggilalas ang lahat ng mga tao na sinabi: Hindi ba ito ang Anak ni David?

   
 24Ngunit nang marinig ito ng mga Fariseo, sinabi nila: Ang taong ito ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub na pinuno ng mga demonyo.

   
 25Ngunit alam ni Jesus ang kanilang mga kaisipan. Sinabi niya sa kanila: Ang bawat paghaharing nagkakabaha-bahagi sa kaniyang sarili ay mawawasak. Ang bawat lungsod o sambahayan na nagkakabaha-bahagi sa kaniyang sarili ay hindi makakatayo. 26Kung si Satanas ay nagpapalayas kay Satanas, nahahati siya laban sa kaniyang sarili. Kung gayon, papaano pa makakatayo ang kaniyang paghahari? 27Kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino nagpapalayas ng mga demonyo ang inyong mga anak? Kaya nga, sila ang magiging mga tagahatol ninyo. 28Ngunit yamang ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, dumating na nga sa inyo ang paghahari ng Diyos.

   
 29O, paano ba mapapasok ng isang tao ang bahay ng isang malakas na tao at masamsam ang kaniyang mga ari-arian? Hindi ba kailangang gapusin muna niya ang malakas na tao? Pagkatapos, masasamsam na niya ang kaniyang bahay.

   
 30Ang hindi pumapanig sa akin ay laban sa akin. Ang hindi sumasama sa akin ay mangangalat. 31Kaya nga, sinasabi ko sa inyo: Lahat ng uri ng kasalanan at pamumusong ay ipatatawad sa mga tao. Ngunit ang pamumusong laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao. 32Ang sinumang mamusong laban sa Anak ng Tao ay ipatatawad sa kaniya. Ngunit ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu ay hindi siya mapapatawad sa kapanahunang ito, maging sa darating pa.

   
 33Gawin ninyong mabuti ang punong-kahoy at mabuti ang magiging bunga nito. O kaya naman, pasamain ninyo ang punong-kahoy at masama ang magiging bunga nito. Ito ay sapagkat ang punong-kahoy ay nakikilala sa pamamagitan ng kaniyang bunga. 34 O, kayong anak ng mga ulupong! Papaano kayo makakapagsalita ng mabubuting bagay gayong napakasama ninyo? Ito ay sapagkat mula sa kasaganaan ng puso nagsasalita ang bibig. 35Ang isang mabuting tao ay nagbubunga ng mabubuting bagay mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso. Ang masamang tao ay kumukuha ng masasamang bagay mula sa masamang kayamanan ng kaniyang puso. 36Ngunit sinasabi ko sa inyo: Sa bawat salitang walang kabuluhan na sabihin ng mga tao, magbibigay-sulit nga sila sa araw ng paghuhukom. 37Ito ay sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay mapapaging-matuwid, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.

 

Si Jonas Bilang Isang Tanda

 

 38Nang magkagayon, ang ilan sa mga guro ng kautusan at mga Fariseo ay sumagot sa kaniya: Ibig naming makakita ng isang tanda mula sa iyo.

   
 39Ngunit sinabi niya sa kanila: Kayo ay isang lahing masama at mapangalunya. Mahigpit kayong naghahangad ng isang tanda. Walang tanda na ibibigay sa inyo kundi ang tanda ni Jonas na propeta. 40Ito ay sapagkat kung paanong si Jonas ay nasa loob ng tiyan ng balyena sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, gayundin naman ang Anak ng Tao. Siya ay pupunta sa kailaliman ng lupa sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. 41Ang mga lalaki sa Nineve ay titindig sa araw ng paghuhukom na kasama ng lahing ito. Sila ang hahatol sa lahing ito sapagkat nagsisi sila sa pangangaral ni Jonas. At narito, ang isang higit na dakila kaysa kay Jonas. 42Ang Reyna ng Timog ay titindig sa araw ng paghuhukom kasama ng lahing ito. Siya ang hahatol sa lahing ito sapagkat nanggaling pa siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon. At narito, ang isang higit na dakila kaysa kay Solomon.

   
 43Kapag ang karumal-dumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala siya sa mga tuyong dako. Naghahanap siya ng mapagpapahingahan ngunit wala siyang matagpuan. 44Kaya sasabihin niya: Babalik ako sa bahay na pinanggalingan ko. At sa pagbalik niya, matatagpuan niya itong walang laman, nawalisan at nagayakan na. 45Kung magkagayon, paroroon siya at magsasama ng pito pang espiritu, na higit pang masama kaysa sa kaniya. Papasok sila roon at doon maninirahan. Kaya ang sasapitin ng lalaking iyon ay masahol pa kaysa rati. Gayundin naman ang mangyayari sa masamang lahing ito.

 

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus

 

 46Samantalang nagsasalita pa siya sa mga tao, narito, ang kaniyang ina at kaniyang mga nakakabatang kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas. Ibig nila siyang makausap. 47At may nagsabi sa kaniya: Narito ang iyong ina at iyong mga nakakabatang kapatid na lalaki, na nakatayo sa labas. Ibig ka nilang makausap.

   
 48Ngunit si Jesus ay sumagot sa kaniya: Sino ang aking ina at sino ang aking mga kapatid na lalaki? 49Iniunat niya ang kaniyang kamay at itinuro ang kaniyang mga alagad na sinabi: Narito ang aking ina at mga kapatid na lalaki. 50Ito ay sapagkat ang sinumang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit ay siyang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.

 

 

Mateo 13

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Manghahasik christian books online books

 

 1Nang araw ring iyon, lumabas ng bahay si Jesus at umupo sa tabing-lawa. 2Pinalibutan siya ng napakaraming tao, kaya pumunta siya sa isang bangka. Doon siya umupo habang ang buong karamihan naman ay nakatayo sa tabing-lawa. 3Maraming bagay ang sinabi niya sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya: Narito, lumabas ang isang manghahasik upang maghasik. 4Sa kaniyang paghahasik, may ilang binhing nahulog sa tabing-daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga ito. 5Ang ilan naman ay nahulog sa mga mabatong lugar at doon ay walang sapat na lupa. Tumubo agad ang mga ito, palibhasa hindi malalim ang lupa. 6Pagsikat ng araw, nalanta ang mga ito, at dahil sa walang ugat, tuluyan nang nanuyot. 7Ang ilan naman ay nahulog sa dawagan. Lumago ang mga dawag at siniksik ang mga ito. 8Ngunit ang ilan ay nahulog sa matabang lupa at nagbunga. Ang ilan ay nagbunga ng tig-iisangdaan, ang ilan ay tig-aanimnapu at ang ilan naman ay tig-tatatlumpu. 9Ang mga may pandinig ay makinig.

   
 10Dumating ang mga alagad at sinabi nila sa kaniya: Bakit ka nagsasalita sa kanila sa mga talinghaga?

   
 11Sumagot siya sa kanila: Ito ay sapagkat ipinagkaloob sa inyo na makaalam ng mga hiwaga ng paghahari ng langit. Ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12Ito ay sapagkat ang sinumang mayroon ay bibigyan pa, at magkakaroon ng sagana. Ngunit ang sinumang wala, aalisin pa ang nasa kaniya. 13Kaya nga, nagsasabi ako sa kanila sa mga talinghaga.
      Ito ay sapagkat tumitingin sila at hindi nakakakita.
      May pinapakinggan sila ngunit hindi sila totoong
      nakikinig at hindi sila nakakaunawa.

    14Natupad sa kanila ang isinulat ni propeta Isaias na sinasabi:
      Sa pamamagitan ng pakikinig ay makakarinig
      kayo ngunit hindi kayo makakaunawa. Sa
      pagtingin ay makakakita kayo, ngunit hindi
      kayo makakatalos. 15Ito ay sapagkat ang mga
      puso ng mga taong ito ay matigas na.
      Nahihirapan nang makinig ang kanilang tainga.
      Ipinikit na nila ang kanilang mga mata. Kung
      hindi ay baka makakita pa ang kanilang mga
      mata at makarinig ang kanilang mga tainga.
      Baka makaunawa pa ang kanilang mga puso at
      manumbalik sila, at aking pagagalingin.

    16Pinagpala ang inyong mga mata sapagkat ang mga ito ay nakakakita. Pinagpala ang iyong mga tainga sapagkat ang mga ito ay nakakarinig. 17Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Maraming propeta at mga taong matuwid ang mahigpit na naghangad na makita ang mga bagay na inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita. Hinangad nilang marinig ang mga bagay na inyong naririnig ngunit hindi nila narinig.

   
 18Kaya nga, pakinggan ninyo ang talinghaga patungkol sa manghahasik. 19Ang sinumang nakikinig sa salita ng paghahari ng Diyos at hindi ito nauunawaan ay pinupuntahan ng masama. Inaagaw nito ang salitang naihasik na sa kaniyang puso. Siya itong nahasikan ng binhi sa tabing-daan. 20Ang mga naihasik na binhi sa mabatong lupa ay ang mga nakikinig ng salita, at agad-agad itong tinanggap nang buong galak. 21Ngunit wala itong ugat sa kaniyang sarili kaya hindi ito nagtagal. Kapag dumating ang paghihirap o pag-uusig dahil sa salita, kaagad itong natitisod. 22Ang mga naihasik sa mga dawagan ay ang nakikinig ng salita. Ngunit ang kabalisahan ng kapanahunang ito at ang daya ng kayamanan ang dumaig sa salita, at hindi ito nagbunga. 23Ang mga naihasik sa matabang lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawaan ito. Kaya naman, ito ay nagbubunga, ang ilan ay tig-iisangdaan, ang ilan ay tig-aanimnapu at ang ilan ay tig-tatatlumpu.

 

Ang Talinghaga Ukol sa Masamang Damo

 

 24Isinalaysay niya ang isa pang talinghaga sa kanila na sinasabi: Ang paghahari ng langit ay natutulad sa isang lalaki na naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukirin. 25Ngunit habang natutulog ang mga tao, dumating ang kaniyang kaaway. Naghasik siya ng masamang damo sa pagitan ng mga trigo at umalis. 26Nang sumibol na ang mga usbong ng trigo at namunga, lumitaw rin ang mga masamang damo.

   
 27Kaya ang mga alipin ng may-ari ng sambahayan ay lumapit sa kaniya at sinabi: Ginoo, hindi ba mabubuting binhi ang iyong inihasik sa iyong bukid? Kung gayon, saan nanggaling ang masasamang damong ito?

   
 28Sinabi niya: Isang kaaway ang may kagagawan nito.
   Sinabi ng mga alipin sa kaniya: Kung gayon, ibig mo bang tipunin namin ang mga ito?

   
 29Ngunit sinabi niya: Huwag. Ito ay sapagkat baka sa pagtipon ninyo ng masasamang damo ay mabunot din ninyo ang mga trigo. 30Pabayaan ninyong kapwa silang tumubo hanggang sa anihan. Sa panahon ng anihan, sasabihin ko sa mang-aani: Tipunin muna ninyo ang masasamang damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin. Ngunit ang mga trigo ay tipunin sa aking bangan.

 

Ang Talinghaga Ukol sa Binhi ng Mustasa

 

 31Isinalaysay niya sa kanila ang isa pang talinghaga na sinasabi: Ang paghahari ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa. Kinuha ito ng isang lalaki at inihasik sa kaniyang bukirin. 32Pinakamaliit ito sa lahat ng mga binhi. Ngunit nang lumaki na, ito ang pinakamalaki sa mga gulay at naging isang punong-kahoy. Dumating dito ang mga ibon sa himpapawid at namugad sa kaniyang mga sanga.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Pampaalsa

 

 33Isa pang talinghaga ang isinalaysay niya sa kanila: Ang paghahari ng langit ay katulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae. Inihalo niya ito sa tatlong takal na harina hanggang sa mahaluan ang lahat.

   
 34Ang lahat ng mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa napakaraming mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 35Ito ay upang matupad ang sinabi ng propeta na sinasabi:
      Magsasalita ako ng mga talinghaga. Ipahahayag
      ko ang mga bagay na natatago buhat pa nang
      likhain ang sanlibutan.

 

Ang Kahulugan ng Talinghaga ng Masamang Damo

 

 36Nang magkagayon, pinaalis ni Jesus ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad at sinabi: Ipaliwanag mo sa amin ang talinghagang patungkol sa masamang damo sa bukid.

   
 37Siya ay sumagot at sinabi sa kanila: Ang naghasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao. 38Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi ay ang mga anak ng paghahari ng Diyos. Ngunit ang masamang damo ay ang mga anak ng masama. 39Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang tag-ani ay ang katapusan ng kapanahunang ito. Ang mang-aani ay ang mga anghel.

   
 40Kung paano nga ang pagtipon at pagsunog sa apoy ng masasamang damo, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng kapanahunang ito. 41Susuguin ng Anak ng Tao ang kaniyang mga anghel. Titipunin nila sa labas ng kaniyang paghahari ang lahat ng bagay na nakakapagpatisod at ang mga hindi kumikilala sa kautusan ng Diyos. 42Ihahagis nila ang mga ito sa nagniningas na pugon ng apoy. Dito magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin. 43Kung magkagayon ang mga matuwid ay magliliwanag katulad ng araw sa paghahari ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig.

 

Ang mga Talinghaga Patungkol sa Natatagong Kayamanan at sa Perlas

 

 44Ang paghahari ng langit ay katulad ng natatagong kayamanan sa bukid. Natagpuan ito ng isang tao at muli niyang itinago ito. Dahil sa kagalakan, siya ay umuwi at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik at binili ang bukid na iyon.

   
 45Gayundin naman, ang paghahari ng langit ay katulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas. 46Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, umuwi siya. Ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik at binili ang perlas.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Lambat

 

 47Ang paghahari ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihulog sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. 48Nang mapuno ito, hinila nila sa pampang. Umupo sila at tinipon ang mabubuting isda sa mga lalagyan. Ngunit ang masasamang isda ay itinapon nila. 49Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng kapanahunang ito. Lalabas ang mga anghel at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid. 50Itatapon nila ang masasama sa nagniningas na apoy. Doon magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

   
 51Sinabi ni Jesus sa kanila: Naunawaan ba ninyo ang lahat ng bagay na ito?
   Sinabi nila sa kaniya: Oo, Panginoon.

   
 52Nang magkagayon, sinabi niya sa kanila: Ito ay sapagkat ang bawat guro ng kautusan na naging alagad ng paghahari ng langit ay katulad sa isang lalaking may-ari ng sambahayan na naglabas ng kaniyang mga bago at mga lumang kayamanan.

 

Ang Propetang Walang Karangalan

 

 53Nangyari na nang matapos na ni Jesus ang mga talinghagang ito, umalis siya roon. 54Pagdating niya sa kaniyang sariling lupain, nagturo siya sa kanila sa kanilang sinagoga. Labis silang nanggilalas na sinabi: Saan kumuha ang lalaking ito ng karunungan at gayundin ang mga ganitong himala? 55Hindi ba ito ang anak ng karpentero? Hindi ba ang kaniyang ina ay si Maria? Hindi ba ang mga kapatid niyang lalaki ay sina Santiago, Jose, Simon at Judas? 56Hindi ba ang kaniyang mga kapatid na babae ay kasama natin? Kung gayon, saan nga kumuha ang lalaking ito ng ganitong mga bagay? 57At kinatisuran nila siya.
   Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: Ang isang propeta ay walang karangalan sa kaniyang sariling bayan at sambahayan.

   
 58Hindi siya gumawa roon ng maraming himala dahil sa hindi nila pagsampalataya.

 

 

Mateo 14

 

Pinugutan si Juan na Tagapagbawtismo

 

 1Nang panahong iyon, narinig ni Herodes na tetrarka ang patungkol sa katanyagan ni Jesus. 2Sinabi niya sa kaniyang mga lingkod: Ito ay si Juan na tagapagbawtismo. Siya ay muling nabuhay mula sa mga patay kaya nakakagawa siya ng ganitong mga himala.

   
 3Ito ay sapagkat si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan noon. Ginapos niya siya at ipinabilanggo alang-alang kay Herodias na asawa ni Felipe na kaniyang nakakabatang kapatid. 4Ito ay sapagkat sinabi ni Juan sa kaniya: Hindi matuwid na ariin mo siyang asawa. 5Hangad ni Herodes na ipapatay si Juan ngunit natakot siya sa mga tao sapagkat ibinilang nila siya na isang propeta.

   
 6Ngunit nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak ni Herodias sa harapan nila. Labis na nasiyahan si Herodes sa kaniya. 7Kaya nangako siyang may panunumpa na ibibigay sa kaniya ang anumang hingin niya. 8Sa udyok ng kaniyang ina, sinabi niya: Ibigay mo sa akin dito ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo na nakalagay sa isang pinggan. 9Ang hari ay labis na nagdalamhati. Ngunit dahil sa kaniyang sinumpaan at sa mga kasalo niya sa dulang, iniutos niyang ibigay sa kaniya ang kahilingan. 10Nagsugo siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11Dinala ang kaniyang ulo na nakalagay sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Dinala naman ito sa kaniyang ina. 12Dumating ang kaniyang mga alagad at kinuha ang kaniyang bangkay at inilibing ito. Pumaroon sila kay Jesus at ibinalita ito sa kaniya.

 

Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki

 

 13Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya roon na sakay ng bangka upang magtungong mag-isa sa isang ilang na pook. Nang marinig nga ito ng mga tao, sumunod sila sa kaniya na naglalakad mula sa mga lungsod. 14Pumunta si Jesus sa baybayin at nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila. Pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila.

   
 15Nang magtatakip-silim na, lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad. Sinabi nila: Ito ay isang ilang na pook at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang napakaraming tao upang sila ay pumunta sa mga nayon at nang makabili sila ng kanilang makakain.

   
 16Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: Hindi na kailangang umalis pa sila. Bigyan ninyo sila ng makakain.

   
 17Sinabi nila sa kaniya: Mayroon lang tayo ritong limang tinapay at dalawang isda.

   
 18Sinabi niya: Dalhin ninyo sa akin ang mga iyan. 19At inutusan niya ang napakaraming tao na umupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at kaniyang pinagpala at pinagputul-putol ito. Pagkatapos, ibinigay niya ito sa kaniyang mga alagad at ibinigay naman ng kaniyang mga alagad sa napakaraming tao. 20Kumain silang lahat at nabusog. Inipon nila ang mga lumabis at nakapuno ng labindalawang bakol. 21May mga limang libong kalalakihan ang mga kumain bukod pa ang mga babae at mga bata.

 

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig

 

 22Pinasakay kaagad ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa isang bangka. Pinauna niya sila sa kabilang ibayo, habang pinaaalis niya ang napakaraming tao. 23Nang makaalis na ang napakaraming tao, umahon siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Nang gumabi na, nag-iisa siya roon. 24Samantala, ang bangka ay nasa kalagitnaan na ng lawa na sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin sa kanila.

   
 25Sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi, pumaroon si Jesus sa kanila na naglalakad sa ibabaw ng lawa. 26Lubhang natakot ang mga alagad nang makita siya na naglalakad sa ibabaw ng lawa. Sinabi nila: Multo! At sumigaw sila dahil sa takot.

   
 27Nagsalita kaagad si Jesus na sinabi sa kanila: Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito, huwag kayong matakot.

   
 28Sumagot sa kaniya si Pedro: Panginoon, kung ikaw nga, hayaan mong makapariyan ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.

   
 29Sinabi niya: Halika.
   Pagkababa ni Pedro mula sa bangka, lumakad siya sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. 30Ngunit nang makita niya ang malakas na hangin, natakot siya at nagsimulang lumubog. Sumigaw siya na sinasabi: Panginoon, sagipin mo ako.

   
 31Kaagad na iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya. Sinabi niya sa kaniya: O, ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?

   
 32Nang makasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. 33Kaya ang mga nasa bangka ay lumapit at sumamba kay Jesus. Sinabi nila: Totoong ikaw nga ang Anak ng Diyos.

   
 34Nang makatawid na sila, dumating sila sa lupain ng Genezaret. 35Nang makilala siya ng mga tao sa dakong iyon, ipinamalita nila sa buong palibot ng lupaing iyon. Kaya dinala nila sa kaniya ang lahat ng mga maysakit. 36Ipinamanhik nila sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit. At lahat ng humipo sa kaniyang damit ay pinagaling niya nang lubos.

 

 

Mateo 15

 

Ang Malinis at ang Marumi

 

 1Nang magkagayon, lumapit kay Jesus ang mga guro ng kautusan at mga Fariseo na mula sa Jerusalem. Sinabi nila: 2Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang kaugalian ng mga matanda? Ito ay sapagkat hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.

   
 3Sumagot siya sa kanila: Bakit nilalabag din ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian? 4Ito ay sapagkat iniutos ng Diyos na sinasabi: Igalang mo ang iyong ama at ina. Ang sinumang manungayaw sa kaniyang ama o sa kaniyang ina ay dapat mamatay. 5Ngunit sinasabi ninyo: Ang sinumang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina: Ang anumang dapat ko sanang ibigay na kapakinabangan sa iyo ay naging kaloob ko na sa Diyos. At sa pamamagitan nito ay wala na siyang pananagutan sa kaniyang ama o sa kaniyang ina. 6Sa ganitong paraan ay winawalang kabuluhan ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian. 7Kayong mapagpaimbabaw! Tama ang paghahayag ni Isaias sa inyo na sinabi:
    8Lumalapit sa akin ang mga taong ito
      sa pamamagitan ng kanilang mga bibig at
      iginagalang nila ako sa pamamagitan ng
      kanilang mga labi. Ngunit ang kanilang mga
      puso ay malayo sa akin. 9Walang kabuluhan
      ang pagsamba nila sa akin. Ang aral na
      kanilang itinuturo ay mga kautusan ng mga tao.

   
 10Tinawag niya ang napakaraming tao. Sinabi niya sa kanila: Pakinggan ninyo ako at unawain. 11Ang nakakapagparumi sa isang tao ay hindi ang pumapasok sa bibig kundi ang lumalabas sa bibig. Ito ang nagpaparumi sa isang tao.

   
 12Nang magkagayon, lumapit ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kaniya: Alam mo bang natisod ang mga Fariseo pagkarinig nila ng mga pananalitang ito?

   
 13Ngunit sumagot siya sa kanila: Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. 14Pabayaan ninyo sila. Sila ay mga bulag na umaakay sa mga bulag. Kapag ang bulag ang aakay sa bulag, kapwa silang mahuhulog sa hukay.

   
 15Nang magkagayon, sinabi ni Pedro sa kaniya: Ipaliwanag mo sa amin ang talinghagang ito.

   
 16Sinabi ni Jesus: Wala pa rin ba kayong pang-unawa? 17Hindi pa ba ninyo alam na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan? Pagkatapos, hindi ba idinudumi ito sa palikuran? 18Ngunit ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso. Ang mga ito ang nagpaparumi sa tao. 19Ito ay sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, ang pakikiapid, mga pagnanakaw, mga walang katotohanang pagsaksi at mga pamumusong. 20Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa isang tao. Ang hindi paghuhugas ng kamay bago kumain ay hindi nagpaparumi sa isang tao.

 

Ang Pananampalataya ng Isang Taga-Canaan

 

 21Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta siya sa mga lupain ng Tiro at Sidon. 22Narito, may babaeng taga-Canaan na nakatira sa lupain ding iyon ang lumabas at sumisigaw sa kaniya na sinasabi: O, Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa akin. Ang aking anak na babae ay labis na pinahihirapan ng demonyo.

   
 23Ngunit hindi niya siya tinugon ng kahit isang salita. Nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at pinakiusapan na sinasabi: Paalisin mo siya sapagkat sigaw siya nang sigaw habang sumusunod sa atin.

   
 24Sinabi niya: Sinugo lamang ako para sa mga naliligaw na tupa sa sambahayan ng Israel.

   
 25Ngunit lumapit siya sa kaniya at kaniya siyang sinamba na sinasabi: Panginoon, tulungan mo ako!

   
 26Ngunit sumagot siya: Hindi nararapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon ito sa mga aso.

   
 27Sinabi ng babae: Totoo, Panginoon. Ang mga aso man ay kumakain ng mga mumong nalalaglag mula sa hapag kainan ng kanilang mga panginoon.

   
 28Nang magkagayon sinabi ni Jesus sa kaniya: O, babae, napakalaki ng iyong pananampalataya. Mangyari sa iyo ang ayon sa ibig mo. Mula sa oras ding iyon, gumaling ang kaniyang anak.

 

Pinakain ni Jesus ang Apat na Libo

 

 29Pagkaalis ni Jesus doon, nagtungo siya sa tabi ng lawa ng Galilea. Umahon siya sa isang bundok at doon naupo. 30Lumapit sa kaniya ang napakaraming tao. Dinala nila ang mga pilay, ang mga bulag, ang mga pipi at ang mga may kapansanan, at marami pang iba. Inilagay nila sila sa kaniyang paanan at pinagaling niya sila. 31Namangha ang napakaraming tao nang makita nilang nakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga may kapansanan, nakalakad na ang mga lumpo at nakakita na ang mga bulag. At niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.

   
 32Kaya tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at pinalapit sa kaniya. Sinabi niya: Nahahabag ako sa napakaraming taong ito sapagkat tatlong araw na silang sumusunod sa akin at wala man lang silang makain. Hindi ko ibig na pauwiin silang gutom at baka manlupaypay sila sa daan.

   
 33Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Saan tayo kukuha sa ilang na ito ng sapat na tinapay upang mabusog ang napakaraming taong ito?

   
 34Sinabi ni Jesus sa kanila: Ilang tinapay mayroon kayo?
   Sinabi nila: Pito at ilang maliliit na isda.

   
 35Inutusan niya ang mga tao na umupo sa lupa. 36Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda. Nagpasalamat siya at pinagputul-putol ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad at ibinigay naman ng mga alagad sa napakaraming tao. 37Kumain silang lahat at nabusog. Pinulot nila ang mga lumabis sa mga pinagputul-putol at nakapuno sila ng pitong kaing. 38Ang kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata. 39Nang mapaalis na niya ang napakaraming tao, sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa mga hangganan ng Magdala.

 

 

Mateo 16

 

Hiningan si Jesus ng Tanda

 

 1Lumapit ang mga Fariseo at ang mga Saduseo upang siya ay subukin. Hiniling nila sa kaniya na magpakita siya sa kanila ng isang tanda mula sa langit.

   
 2Sumagot siya at sinabi sa kanila: Kung gabi ay sinasabi ninyo: Bubuti ang panahon dahil mapula ang langit. 3Kung umaga naman ay sinasabi ninyo: Masama ang panahon dahil mapula at makulimlim ang langit. O, kayong mga mapagpaimbabaw! Alam ninyong kilalanin ang anyo ng langit ngunit hindi ninyo alam kilalanin ang mga tanda ng panahon. 4Ang mga tao sa panahong ito ay masama at mapangalunya. Mahigpit silang naghahangad ng isang tanda. Ngunit walang ibibigay na tanda sa kanila kundi ang tanda ni propeta Jonas. Umalis si Jesus at iniwan sila.

 

Mag-ingat sa Pampaalsa ng mga Fariseo at Saduseo

 

 5Nang ang kaniyang mga alagad ay makarating sa kabilang ibayo, nakalimutan nilang magdala ng tinapay. 6Sinabi ni Jesus sa kanila: Mag-ingat kayo sa mga pampaalsa ng mga Fariseo at mga Saduseo.

   
 7Nangatwiran sila sa kanilang sarili patungkol dito na sinasabi: Ito ay sapagkat hindi tayo nakapagdala ng tinapay.

   
 8Ngunit nalaman ito ni Jesus at sinabi niya sa kanila: O, kayong maliit ang pananampalataya. Bakit kayo nangatwiranan sa inyong mga sarili na hindi kayo nakapagdala ng tinapay? 9Hindi pa ba ninyo naunawaan ni naala-ala ang limang tinapay na ipinakain sa limang libo? Ilang bakol ang inyong nakuha? 10Hindi ba ninyo naala-ala ang pitong tinapay na ipinakain sa apat na libo? Ilang kaing ang inyong nakuha? 11Bakit hindi ninyo nauunawaan ang sinabi ko sa inyo. Ang sinabi ko ay dapat kayong mag-ingat sa pampaalsa ng mga Fariseo at mga Saduseo at hindi ang patungkol sa tinapay. 12Sa ganoon, naunawaan na nila na hindi sila pinag-iingat sa pampaalsa ng tinapay kundi sa aral ng mga Fariseo at mga Saduseo.

 

Ang Pahayag ni Pedro Patungkol sa Mesiyas

 

 13Nang makarating si Jesus sa mga lupain ng Cesarea Filipo, tinanong niya ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Ayon sa sinasabi ng mga tao, sino raw ba ako na Anak ng Tao?

   
 14Sinabi nila: Ang sabi ng iba: Si Juan na tagapagbawtismo. Ang sabi ng ilan: Si Elias. At ang iba ay nagsabing ikaw si Jeremias, o isa sa mga propeta.

   
 15Sinabi niya sa kanila: Ngunit ayon sa inyo sino ako?

   
 16Sumagot si Simon Pedro: Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na buhay.

   
 17Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas sapagkat hindi ito ipinahayag sa iyo ng laman at dugo kundi ng aking Ama na nasa langit. 18At sinasabi ko rin sa iyo: Ikaw ay Pedro. Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesiya. Hindi makakapanaig sa kaniya ang tarangkahan ng Hades. 19Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng paghahari ng langit. Anuman ang iyong tatalian sa lupa ay tatalian sa langit. Anuman ang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit. 20Pagkatapos, ipinagbilin niya sa kaniyang mga alagad na huwag nilang sabihin kaninuman na siya ay si Jesus, ang Mesiyas.

 

Ipinagpaunang Banggitin ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

 

 21Magmula noon, ipinaalam ni Jesus ang mga bagay na ito sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Kailangan kong pumunta sa Jerusalem. Doon ay magbabata ako ng maraming pahirap sa kamay ng mga matanda, mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan. Papatayin nila ako at muli akong mabubuhay sa ikatlong araw.

   
 22Isinama siya ni Pedro at nagsimulang sawayin siya na sinasabi: Panginoon, malayo nawa ito sa iyo. Hindi ito mangyayari sa iyo.

   
 23Ngunit humarap siya at sinabi kay Pedro: Pumunta ka sa likuran ko, Satanas. Ikaw ay hadlang sa akin sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa mga tao.

 

Tanggihan ang Sarili at Sumunod sa Akin

 

 24Nang magkagayon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus at sumunod sa akin. 25Ito ay sapagkat ang sinumang ibig magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang sinumang mawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin ay makakasumpong nito. 26Ito ay sapagkat kung makamtan man ng isang tao ang buong sanlibutan ngunit mapahamak naman ang kaniyang kaluluwa, ano ang pinakinabangan niya? Ano ang maibibigay ng isang tao bilang katumbas ng kaniyang kaluluwa? 27Ito ay sapagkat paparito ang Anak ng Tao sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama, kasama ng kaniyang mga anghel. Gagantimpalaan niya ang mga tao ayon sa kanilang mga gawa. 28Katotohanang sinasabi ko sa inyo: May ilan sa inyo na nakatayo rito ang hindi makakaranas ng kamatayan hanggang hindi nila makita ang Anak ng Tao sa kaniyang paghahari, sa kaniyang pagdating.

 

 

Mateo 17

 

Ang Pagbabagong Anyo

 

 1Pagkaraan ang anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro at Santiago, at si Juan na kaniyang kapatid. Dinala niya silang bukod sa isang mataas na bundok. 2Nagbagong-anyo siya sa harap nila. Nagliwanag ang kaniyang mukha na parang araw. Pumuti ang kaniyang mga damit na gaya ng busilak ng liwanag. 3Narito, biglang nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kaniya.

   
 4Sinabi ni Pedro kay Jesus: Panginoon, mabuti para sa amin na kami ay naririto. Kung ibig mo, gagawa kami rito ng tatlong kubol. Isa ang para sa iyo, isa kay Moises at isa kay Elias.

   
 5Habang nagsasalita pa siya, narito, nililiman sila ng isang maningning na ulap. Narito, may isang tinig na buhat sa ulap na nagsasabi: Ito ang pinakamamahal kong Anak na labis kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya.

   
 6Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa at sila ay lubhang natakot. 7Lumapit si Jesus at hinipo niya sila. Sinabi niya: Tumayo kayo at huwag kayong matakot. 8Nang tumingin sila sa paligid, wala silang ibang nakita kundi si Jesus lamang.

   
 9Habang bumababa sila sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus na sinabi: Huwag ninyong sabihin kaninuman ang pangitaing ito hanggang sa muling mabuhay mula sa mga patay ang Anak ng Tao.

   
 10Tinanong siya ng kaniyang mga alagad na sinasabi: Bakit sinasabi ng mga guro ng kautusan na dapat munang dumating si Elias?

   
 11Sumagot si Jesus: Darating muna si Elias upang ipanumbalik ang lahat ng bagay. 12Ngunit sinasabi ko sa inyo: Dumating na si Elias at hindi nila siya nakilala. Ginawa nila sa kaniya ang anumang kanilang naibigan. Gayundin naman ang Anak ng Tao ay pahihirapan na nila. 13Nang magkagayon, naunawaan ng mga alagad na si Juan na tagapagbawtismo ang tinutukoy niya.

 

Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu

 

 14Pagdating nila sa napakaraming tao, nilapitan siya ng isang lalaki na nanikluhod sa kaniya na sinasabi: 15Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalaki sapagkat siya ay may epilepsiya at lubha nang nahihirapan. Madalas siyang nabubuwal sa apoy at sa tubig. 16Dinala ko siya sa iyong mga alagad at hindi nila siya napagaling.

   
 17Kaya tumugon si Jesus: O, lahing walang pananampalataya at lahing nagpakalihis, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo at magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin. 18Sinaway ni Jesus ang demonyo at lumabas ito mula sa kaniya. Gumaling ang bata sa oras ding iyon.

   
 19Pagkatapos, lumapit nang bukod ang mga alagad kay Jesus at nagtanong: Bakit hindi namin siya mapalayas?

   
 20Sinabi ni Jesus sa kanila: Ito ay dahil sa hindi ninyo pananampalataya. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kung kayo ay may pananampalatayang tulad ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito: Lumipat ka roon, at ito ay lilipat. At walang bagay na hindi ninyo mapangyayari. 21Ngunit ang ganitong uri ay hindi mapapaalis maliban sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.

   
 22Samantalang nagkakatipon sila sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo na sa mga kamay ng mga tao. 23Papatayin nila siya at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin. Sila ay lubhang namighati.

 

Ang Buwis sa Templo

 

 24Nang sila ay dumating sa Capernaum, ang mga maniningil ng buwis ng templo ay lumapit kay Pedro. Sinabi nila: Hindi ba nagbabayad ng buwis ang inyong guro?

   
 25Sinabi niya: Oo.
   Nang makapasok na siya sa bahay, kinausap muna siya ni Jesus na sinasabi: Simon, ano ba ang palagay mo? Kanino naniningil ng bayarin at buwis pangdayuhan ang mga hari sa daigdig? Naniningil ba sila sa kanilang mga anak o sa mga dayuhan?

   
 26Sinabi ni Pedro sa kaniya: Sa mga dayuhan.
   Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung gayon, di saklaw ang mga anak. 27Gayunman, upang hindi nila tayo katisuran, pumaroon ka sa lawa at ihulog mo ang kawil. Kunin mo ang unang isda na iyong mahuhuli. Kapag ibinuka mo ang kaniyang bibig ay makakakita ka ng isang salaping pilak. Kunin mo at ibayad mo na buwis mo at buwis ko para sa kanila.

 

 

Mateo 18

 

Sino ang Pinakadakila?

 

 1Nang oras na iyon, lumapit ang mga alagad kay Jesus na sinasabi: Sino ang pinakadakila sa paghahari ng langit?

   
 2Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at inilagay sa kalagitnaan nila. 3Sinabi niya: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Malibang kayo ay magbago at tumulad sa maliliit na bata, hindi kayo makakapasok sa paghahari ng langit. 4Kaya nga, ang sinumang magpapakumbaba katulad ng maliit na batang ito ay siyang pinakadakila sa paghahari ng langit.

   
 5Sinumang tumanggap sa isa sa maliit na batang katulad nito sa aking pangalan, ako ang tinatanggap. 6Ngunit ang sinumang maging katitisuran sa isa sa mga maliliit na ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian ng malaking gilingang bato ang kaniyang leeg at itapon sa dagat.

 

Mga Kadahilanan ng Pagkatisod

 

 7Sa aba ng sangkatauhan dahil sa mga katitisuran. Ito ay sapagkat kailanman ay hindi mawawala ang mga kadahilanan ng pagkatisod. Ngunit sa aba ng taong pinanggalingan ng pagkatisod. 8Kaya nga, kung ang iyong kamay o ang iyong paa ang makakapagpatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon. Higit pang mabuti para sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw o pilay kaysa may dalawang kamay o dalawang paa, ngunit ihahagis naman sa apoy na walang hanggan. 9Kung ang iyong mata ang makakapagpatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Higit pang mabuti para sa iyo ang pumasok sa buhay na may isang mata, kaysa may dalawang mata, ngunit ihahagis naman sa apoy ng impiyerno.

 

Ang Talinghaga ng Tupang Nawawala

 

 10Ingatan ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: Ito ay sapagkat ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama na nasa langit. 11Ito ay sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang nawawala.

   
 12Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may isangdaang tupa at ang isa sa mga ito ay naligaw, hindi ba niya iiwanan ang siyamnapu't siyam at aakyat sa mga bundok at hahanapin ang naligaw? 13Kapag natagpuan niya ito, sinasabi ko sa inyo ang totoo: Higit niyang ikagagalak ang patungkol sa natagpuang tupang naligaw kaysa sa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14Gayundin naman, hindi kalooban ng inyong Ama na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.

 

Kung ang Kapatid mo ay Magkasala sa Iyo

 

 15Gayunman, kapag ang iyong kapatid na lalaki ay magkasala sa iyo, puntahan mo siya, sabihin mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na kayong dalawa lang. Kung pakinggan ka niya, napanumbalik mo ang iyong kapatid. 16Ngunit kung ayaw ka niyang pakinggan, magsama ka ng isa o dalawa pa upang sa bibig ng dalawa o tatlo pang mga saksi, ang bawat salita ay mapagtibay. 17Kung ayaw niya silang pakinggan, sabihin ito sa iglesiya. At kung ang iglesiya man ay ayaw niyang pakinggan, ituring mo na siyang Gentil o maniningil ng buwis.

   
 18Sinasabi ko sa inyo ang totoo: Anuman ang inyong tatalian sa lupa ay tatalian sa langit. Anuman ang inyong kakalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.

   
 19Muli kong sinasabi sa inyo: Kapag ang dalawa sa inyo ay magkaisa rito sa lupa sa paghingi ng anumang bagay, ipagkakaloob ito sa kanila ng aking Ama na nasa langit. 20Ito ay sapagkat kung saan ang dalawa o tatlo ay nagkakatipon sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang kalagitnaan.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Alipin na di Marunong Magpatawad

 

 21Lumapit si Pedro sa kaniya at sinabi: Panginoon, makailang ulit bang magkasala sa akin ang aking kapatid at siya ay aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?

   
 22Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sinasabi ko sa iyo na hindi lamang makapito kundi hanggang makapitumpung pitong ulit.

   
 23Ito ay sapagkat ang paghahari ng langit ay katulad sa isang hari na ibig maningil sa kaniyang mga alipin. 24Nang magsimula na siyang maningil, iniharap sa kaniya ang isa na may utang sa kaniya ng sampung libong talento. 25Ngunit sa dahilang wala siyang maibayad, iniutos ng kaniyang panginoon na ipagbili siya, gayundin ang kaniyang asawa, mga anak at lahat ng kaniyang tinatangkilik upang makabayad.

   
 26Ang alipin nga ay lumuhod at sinamba siya na sinasabi: Panginoon, pagpasensyahan mo muna ako at babayaran kita sa lahat ng utang ko. 27Kaya ang panginoon ng aliping iyon ay nahabag at pinawalan siya at pinatawad ang kaniyang utang.

   
 28Ngunit paglabas ng alipin ding iyon, nakita niya ang kaniyang kapwa alipin na may utang sa kaniya ng isangdaang denaryo. Hinawakan niya ito at sinakal na sinabi: Bayaran mo ang utang mo sa akin.

   
 29Ang kaniyang kapwa alipin ay nagpatirapa sa kaniyang paanan. Nagmakaawa siya sa kaniya na sinasabi: Pagpasensyahan mo ako at babayaran kita sa lahat ng utang ko.

   
 30Ngunit ayaw niyang pumayag. Sa halip, ipinabilanggo niya ito hanggang sa makabayad ng kaniyang utang. 31Kaya nang makita ng mga kapwa niya alipin ang nangyari, labis silang namighati. Lumapit sila sa kanilang panginoon at sinabi sa kaniya ang lahat ng nangyari.

   
 32Kaya, nang maipatawag na siya ng kaniyang panginoon, sinabi sa kaniya: O, ikaw na masamang alipin, pinatawad ko ang lahat mong pagkakautang dahil nagmakaawa ka sa akin. 33Hindi ba nararapat na mahabag ka rin sa iyong kapwa alipin katulad nang pagkahabag ko sa iyo? 34Sa matinding galit ng kaniyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagpahirap sa bilangguan hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng kaniyang utang.

   
 35Gayundin naman ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kapag hindi kayo nagpatawad nang taos sa inyong puso sa bawat kapatid sa kanilang pagsalangsang.

 

Mateo 19

 

Ang Pagpapalayas ng Lalaki sa Asawang Babae

 

 1Nangyari, na nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, nilisan niya ang Galilea at pumaroon siya sa mga hangganan ng Judea sa kabilang ibayo ng Jordan. 2Sinundan siya ng napakaraming tao at pinagaling niya sila roon.

   
 3Nilapitan din siya ng mga Fariseo upang subukin siya. Sinabi nila sa kaniya: Naaayon ba sa kautusan na palayasin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa anumang dahilan?

   
 4Sumagot siya sa kanila: Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila sa pasimula pa ay nilalang sila na lalaki at babae? 5Sinabi pa niya: Dahil dito, iiwanan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikisama sa kaniyang asawa. Silang dalawa ay magiging isang laman. 6Kung gayon, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.

   
 7Sinabi nila sa kaniya: Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises na magbigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago palayasin ang babae?

   
 8Sinabi niya sa kanila: Dahil sa katigasan ng inyong mga puso kaya ipinahintulot ni Moises na palayasin ninyo ang inyong mga asawa. Ngunit hindi gayon sa pasimula. 9Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang magpalayas sa kaniyang asawang babae maliban sa pakikiapid nito at mag-aasawa ng iba ay magkakasala ng pangangalunya. Ang sinumang magpakasal sa babaeng pinalayas ng kaniyang asawa ay nagkakasala ng kasalanang sekswal.

   
 10Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Kung ganyan ang kalalagayan ng lalaki at ng kaniyang asawa, makakabuti pang huwag nang mag-asawa.

   
 11Ngunit sinabi niya sa kanila: Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito kundi doon lamang sa pinagkalooban. 12Ito ay sapagkat may mga ipinanganak na bating. Sila ay gayon na mula pa sa sinapupunan ng kanilang ina. May mga bating naman na ginagawang bating ng mga tao. May mga bating din na sinadya nilang maging mga bating alang-alang sa paghahari ng langit. Ang makakatanggap nito ay hayaang tumanggap nito.

 

Si Jesus at ang Maliliit na Bata

 

 13Pagkatapos, may dinala sa kaniya na maliliit na mga bata upang ipatong niya ang kaniyang kamay sa kanila at sila ay ipanalangin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad.

   
 14Ngunit sinabi ni Jesus: Pahintulutan ninyo ang maliliit na bata na lumapit sa akin at huwag ninyo silang hadlangan sapagkat sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng langit. 15Ipinatong niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at siya ay umalis doon.

 

Ang Mayamang Pinuno

 

 16Narito, may isang lalaking lumapit sa kaniya at sinabi: Mabuting guro, anong mabuting bagay na dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?

   
 17Sinabi niya sa kaniya: Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi isa lamang at iyon ay ang Diyos. Ngunit yamang ibig mong pumasok sa buhay, sundin mo ang mga utos.

   
 18Sinabi niya sa kaniya: Alin sa mga kautusan?
   Sinabi ni Jesus: Huwag kang papatay. Huwag kang mangalunya. Huwag kang magnakaw at huwag kang sasaksi sa hindi totoo. 19Igalang mo ang iyong ama at ina. Ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili.

   
 20Sinabi ng binata sa kaniya: Ang lahat ng mga bagay na ito ay nasunod ko na simula pa sa aking pagkabata. Ano pa ang kulang sa akin?

   
 21Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong tinatangkilik, at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, halika at sumunod sa akin.

   
 22Ngunit nang marinig ng binata ang pananalitang ito, namimighati siyang umalis sapagkat napakarami ng kaniyang ari-arian.

   
 23Kaya sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Napakahirap sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng langit. 24Muli kong sinasabi sa inyo: Madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng Diyos.

   
 25Nang marinig ito ng kaniyang mga alagad, lubha silang nanggilalas na sinabi: Kung gayon, sino ang maliligtas?

   
 26Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila: Para sa mga tao, hindi ito maaring mangyayari, ngunit sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.

   
 27Kaya sumagot sa kaniya si Pedro: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano nga ang aming makakamtan?

   
 28Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa pagbabago ng lahat ng mga bagay kapag umupo na ang Anak ng Tao sa trono ng kaniyang kaluwalhatian, kayong sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono. Uupo kayo upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. 29Iyan ang mangyayari sa bawat isang nag-iwan ng bahay, o ng mga kapatid na lalaki, o ng mga kapatid na babae, o ng ama, o ng ina, o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan. Siya ay tatanggap ng isangdaang ulit. Magmamana rin siya ng buhay na walang hanggan. 30Ngunit maraming nauuna na mahuhuli at nahuhuli na mauuna.

 

Mateo 20

 

Ang Talinghaga Patungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan

 

 1Ito ay sapagkat ang paghahari ng langit ay katulad sa isang may-ari ng sambahayan na lumabas nang maagang-maaga upang umupa ng mga manggagawa sa kaniyang ubasan. 2Nang nakipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denaryo sa bawat araw, sinugo na niya sila sa kaniyang ubasan.

   
 3Lumabas siya nang mag-iikatlong oras na at nakita niya ang iba na nakatayo sa pamilihang dako na walang ginagawa. 4Sinabi niya sa kanila: Pumunta rin naman kayo sa ubasan at kung ano ang nararapat, ibibigay ko sa inyo. Pumunta nga sila.

   
 5Lumabas siyang muli nang mag-iikaanim at mag-iikasiyam na ang oras at gayundin ang ginawa. 6Nang mag-ikalabing-isang oras na, lumabas siya at natagpuan ang iba na nakatayo at walang ginagawa. Sinabi niya sa kanila: Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?

   
 7Sinabi nila sa kaniya: Ito ay sapagkat walang sinumang umupa sa amin.
   Sinabi niya sa kanila: Pumunta rin naman kayo sa aking ubasan. Anuman ang nararapat, iyon ang tatanggapin ninyo.

   
 8Nang magtatakip-silim na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala: Tawagin mo ang mga manggagawa. Ibigay mo sa kanila ang kanilang mga upa, mula sa mga huli hanggang sa mga una.

   
 9Paglapit ng mga dumating ng mag-iikalabing-isang oras, tumanggap ng isang denaryo ang bawat isa. 10Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang sila ay tatanggap ng higit pa. Ngunit sila ay tumanggap din ng tig-iisang denaryo. 11Nang matanggap na nila ito, nagbulung-bulungan sila laban sa may-ari ng sambahayan. 12Sinabi nila: Ang mga huling ito ay isang oras lamang gumawa at ipinantay mo sa amin na nagbata ng hirap at init sa maghapon.

   
 13Sumagot siya sa isa sa kanila: Kaibigan, wala akong ginawang kamalian sa iyo. Hindi ba nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14Kunin mo ang ganang sa iyo at lumakad ka na. Ibig kong bigyan itong huli nang gaya ng ibinigay ko sa iyo. 15Hindi ba nararapat lamang na gawin ko ang ibig kong gawin sa aking ari-arian? Tinitingnan ba ninyo ako nang masama dahil ako ay mabuti?

   
 16Kaya nga, ang mga huli ay mauuna at ang mga una ay mahuhuli sapagkat marami ang mga tinawag ngunit kakaunti ang mga pinili.

 

Binanggit Muli ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

 

 17Nang umaahon si Jesus patungong Jerusalem, isinama niya ang labindalawang alagad. Sa daan, ibinukod niya sila at sinabi: 18Narito, tayo ay aahon sa Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga pinunong-saserdote at sa mga guro ng kautusan. Hahatulan nila siya ng kamatayan. 19Ibibigay siya sa mga Gentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.

 

Ang Kahilingan ng Isang Ina

 

 20Nang magkagayon, lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak ni Zebedeo kasama ang kaniyang mga anak na lalaki, na sumasamba at may hinihingi sa kaniya.

   
 21Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ano ang ibig mo?
   Sinabi niya sa kaniya: Sabihin mo na ang dalawang kong anak ay maupo sa iyong kanan at sa iyong kaliwa, sa iyong paghahari.

   
 22Ngunit sumagot si Jesus: Hindi mo nalalaman kung ano ang iyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang sarong malapit ko nang iinuman? Mababawtismuhan ba kayo ng bawtismong ibabawtismo sa akin?
   Sinabi nila sa kaniya: Kaya namin.

   
 23Sinabi niya sa kanila: Makakainom kayo sa aking saro at mababawtismuhan ng bawtismong ibinawtismo sa akin. Ngunit ang pag-upo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi sa akin ang pagkakaloob. Ito ay ipagkakaloob sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama.

   
 24Nang marinig ito ng sampu, lubha silang nagalit sa magkapatid. 25Ngunit tinawag sila ni Jesus at sinabi: Nalalaman ninyo na ang mga namumuno sa mga Gentil ay namumuno na may pagkapanginoon sa kanila. Sila na mga dakila ang may malaking kapamahalaan sa kanila. 26Ngunit hindi dapat maging gayon sa inyo. Sa halip, ang sinumang ibig maging dakila sa inyo ay magiging tagapaglingkod ninyo. 27Sinumang ibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo. 28Maging katulad siya ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng kaniyang buhay na pantubos sa marami.

 

Nakakita ang Dalawang Bulag

 

 29Nang sila ay papalabas sa Jerico, sumunod sa kaniya ang napakaraming tao. 30Narito, may dalawang lalaking bulag ang nakaupo sa tabi ng daan. Nang narinig nilang dumadaan si Jesus, sumigaw sila na sinasabi: O Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin!

   
 31Sinaway sila ng napakaraming tao upang tumahimik ngunit lalo pa silang sumigaw na sinasabi: O Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin!

   
 32Huminto si Jesus, at tinawag sila at sinabi: Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo?

   
 33Sinabi nila sa kaniya: Panginoon, ibig naming makakita.

   
 34Kaya, nahabag si Jesus at hinipo ang kanilang mga mata. Kaagad silang nakakita at sumunod sa kaniya.

 

 

Mateo 21

 

Pumasok si Jesus sa Jerusalem na Gaya ng Hari

 

 1Pagdating sa Betfage, na malapit sa Jerusalem, sa may bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad. 2Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo sa nayong nasa unahan ninyo. Kaagad kayong makakatagpo ng isang nakataling asno na may kasamang isang bisirong asno. Kalagan sila at dalhin sa akin. 3Kapag may magsabi sa inyo, ito ang sabihin ninyo: Kailangan sila ng Panginoon. At kaagad niyang ipadadala ang mga ito.

   
 4Ang lahat ng ito ay nangyari upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta na sinasabi:
    5Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion,
      narito, dumarating ang iyong hari. Siya ay
      maamo at nakasakay sa isang bisirong asno na
      anak ng isang hayop na nahirati sa hirap.

   
 6Lumakad ang mga alagad at ginawa ang ayon sa iniutos ni Jesus sa kanila. 7Kinuha nila ang asnong babae at ang batang asno. Pagkatapos, ipinatong nila sa likod ng mga ito ang kanilang mga damit at siya ay umupo sa mga ito. 8Ang napakaraming tao ay naglatag ng kanilang mga damit sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng mga punongkahoy at inilatag sa daan. 9Ang napakaraming tao na nasa kaniyang unahan at ang mga sumusunod sa kaniya ay sumigaw na sinasabi:
   Hosana sa Anak ni David! Papuri sa kaniya na pumaparito
   sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!

   
 10Pagpasok niya sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod na sinasabi: Sino ito?

   
 11Sinabi ng napakaraming tao: Siya ay si Jesus, ang propeta na taga-Nazaret ng Galilea.

 

Nilinis ni Jesus ang Templo

 

 12Pumasok si Jesus sa templo ng Diyos at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo. Itinumba niya ang mga mesa ng mga mamamalit-salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. 13Sinabi niya sa kanila: Nasusulat:
      Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan
      ngunit ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.

   
 14Lumapit kay Jesus sa templo ang mga bulag at mga pilay. Pinagaling niya sila. 15Nang makita ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya, lubha silang nagalit. Lubha rin silang nagalit dahil sa nakita nila sa templo ang mga batang sumisigaw na sinasabi: Hosana sa Anak ni David!

   
 16Kaya sinabi nila kay Jesus: Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?
   Sinabi ni Jesus sa kanila: Oo, hindi ba ninyo nabasa:
      Mula sa bibig ng mga bata at mga sanggol ay
      inihanda mo ang wagas na pagpupuri sa iyo?

   
 17Iniwan niya sila roon at pumunta siya sa lungsod ng Betania. Doon siya nagpalipas ng gabi.

 

Natuyo ang Puno ng Igos

 

 18Kinaumagahan, nang siya ay pabalik na sa lungsod, nagutom siya. 19Pagkakita niya sa isang puno ng igos sa tabing-daan, nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang nakita rito kundi mga dahon lamang kaya sinabi niya rito: Kailanman ay hindi ka na mamumunga. Kaagad na natuyo ang puno ng igos.

   
 20Nang makita ito ng mga alagad, namangha sila na sinabi: Bakit natuyo kaagad ang puno ng igos?

   
 21Sumagot si Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kung kayo ay may pananampalataya at hindi mag-aalinlangan, hindi lamang ang nangyari sa puno ng igos ang magagawa ninyo. Ngunit magagawa rin ninyong sabihin sa bundok na ito: Umalis ka riyan at bumulusok ka sa dagat at mangyayari ito. 22Makakamit ninyo ang lahat ng inyong hingin sa panalangin kung kayo ay may pananampalataya.

 

Tinanong si Jesus Patungkol sa Kaniyang Kapangyarihan

 

 23Pagpasok niya sa templo, nilapitan siya ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda ng bayan habang siya ay nagtuturo. Sinabi nila sa kaniya: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?

   
 24Sumagot si Jesus sa kanila: Isang bagay lang ang itatanong ko sa inyo. Kung masasagot ninyo ako ay sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapamahalaan mayroon ako upang gawin ang mga bagay na ito. 25Saan nanggaling ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao?
   Sila ay nangatwiranan sa isa't isa na sinasabi: Kapag sabihin nating mula sa langit, sasabihin niya sa atin: Kung gayon bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan? 26Ngunit kung sabihin nating mula sa mga tao, dapat tayong matakot sa mga tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.

   
 27Sinagot nila si Jesus: Hindi namin alam.
   Sinabi niya sa kanila: Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ko ginagawa ang mga bagay na ito.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Dalawang Anak

 

 28Ngunit ano sa palagay ninyo? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa una at sinabi: Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at gumawa ka roon.

   
 29Sumagot siya: Ayaw ko. Ngunit nagsisi siya at pumunta rin pagkatapos.

   
 30Lumapit siya sa pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot siya: Pupunta ako. Ngunit hindi siya pumunta.

   
 31Sino sa kanilang dalawa ang gumanap ng kalooban ng ama?
   Sinabi nila sa kaniya: Ang una.
   Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang mga maniningil ng buwis at mga patutot ay mauuna sa inyo sa pagpasok sa paghahari ng Diyos. 32Ito ay sapagkat dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot. Samantalang kayo, nakita ninyo ito ngunit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kaniya.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa mga Magsasaka

 

 33Narito ang isa pang talinghaga. May isang may-ari ng sambahayan na nagtanim ng ubasan. Binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaang-ubas at nagtayo ng isang mataas na bahay bantayan. Pagkatapos, ipinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lupain. 34Nang dumating na ang panahon ng pag-aani, sinugo niya ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang kaniyang bahaging ani.

   
 35Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin. Hinagupit ang isa, pinatay ang iba pa at ang isa ay binato. 36Muli siyang nagsugo ng mga alipin na higit na marami kaysa sa mga nauna. Gayundin ang ginawa sa kanila ng mga magsasaka. 37Sa huli, ang kaniyang anak na lalaki ang kaniyang sinugo sa kanila na sinasabi: Igagalang nila ang aking anak.

   
 38Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang kaniyang anak, sinabi nila sa isa't isa: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kaniyang mamanahin. 39Sinunggaban nila siya. Itinapon nila siya sa labas ng ubasan at pinatay.

   
 40Sa pagbabalik nga ng panginoon ng ubasan, ano ang kaniyang gagawin sa mga magasasakang iyon?

   
 41Sinabi nila sa kaniya: Walang awa niyang pupuksain ang lahat ng mga tampalasang iyon. Ang ubasan naman ay ipauupahan niya sa ibang magsasaka na magbibigay sa kaniya ng mga bahaging ani pagdating ng panahon.

   
 42Sinabi ni Jesus sa kanila: Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa kasulatan:
      Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay
      siya ring naging batong panulok. Ginawa ito ng
      Panginoon at kahanga-hanga sa ating mga paningin.

   
 43Kaya nga, sinasabi ko sa inyo: Ang paghahari ng Diyos ay aalisin sa inyo at ibibigay sa bansang nagbubunga nang nararapat sa paghahari dito. 44Ang sinumang bumagsak sa ibabaw ng batong ito ay magkakapira-piraso at ang sinumang mabagsakan nito ay madudurog.

   
 45Nang marinig ng mga pinunong-saserdote at ng mga Fariseo ang talinghagang ito, naunawaan nila na sila ang tinutukoy niya. 46Huhulihin sana nila siya ngunit natakot sila sa napakaraming tao sapagkat kinikilala nila siya na isang propeta.

 

 

Mateo 22

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Malaking Piging

 

 1Muling sumagot si Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga. 2Sinabi niya: Ang paghahari ng langit ay katulad sa isang hari na nagbigay ng isang piging para sa kasal ng kaniyang anak na lalaki. 3Isinugo niya ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ngunit ayaw nilang dumalo.

   
 4Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na sinasabi: Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naghanda ako ng hapunan. Kinatay na ang aking mga baka at ang lahat ng mga bagay ay nakahanda na. Halina kayo sa piging.

   
 5Ngunit hindi nila ito binigyang pansin at sila ay umalis. Ang isa ay pumunta sa kaniyang bukid, at ang isa ay sa kaniyang kalakal. 6Ang iba ay sinunggaban ang kaniyang mga alipin, kanilang nilait ang mga ito at pinatay. 7Nang marinig ito ng hari, siya ay nagalit. Sinugo niya ang kaniyang hukbo at pinuksa ang mga mamamatay taong iyon. Sinunog niya ang kanilang lungsod.

   
 8Pagkatapos, sinabi niya sa kaniyang mga alipin: Nakahanda na ang piging ngunit ang mga inanyayahan ay hindi karapat-dapat. 9Pumunta nga kayo sa mga lansangan at sinuman ang inyong matagpuan ay anyayahan ninyo sa piging. 10Lumabas nga ang mga alipin sa mga lansangan at dinala ang lahat ng kanilang mga natagpuan. Dinala nila kapwa ang masama at mabuti. Ang piging ay napuno ng mga panauhin.

   
 11Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang lalaking hindi nakasuot ng damit na pampiging. 12Sinabi niya sa kaniya: Kaibigan, papaano ka nakapasok dito nang hindi nakasuot ng damit na pampiging? Ngunit wala siyang masabi.

   
 13Sinabi ng hari sa mga tagapaglingkod: Igapos ninyo ang kaniyang mga paa at mga kamay. Dalhin ninyo siya at itapon sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

   
 14Ito ay sapagkat marami ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.

 

Ang Pagbabayad ng Buwis-pandayuhan kay Cesar

 

 15Umalis ang mga Fariseo at nagplano sila kung paano mahuhuli si Jesus sa kaniyang pananalita. 16Sinugo nila kay Jesus ang kanilang mga alagad kasama ang mga tauhan ni Herodes. Sinabi nila: Guro, alam naming ikaw ay totoo at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Hindi ka nagtatangi sa kaninuman sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17Sabihin mo nga sa amin: Ano ang iyong palagay? Naaayon ba sa kautusan na magbigay kay Cesar ng buwis-pandayuhan o hindi?

   
 18Ngunit alam ni Jesus ang kanilang kasamaan. Kaniyang sinabi: Bakit ninyo ako sinusubukan, kayong mga mapagpakunwari? 19Ipakita ninyo sa akin ang perang ginagamit na buwis-pandayuhan. Dinala nila sa kaniya ang isang denaryo. 20Sinabi niya sa kanila: Kaninong anyo ang narito at patungkol kanino ang nakasulat dito?

   
 21Sinabi nila sa kaniya: Kay Cesar.
   Sinabi niya sa kanila: Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.

   
 22Sila ay namangha nang marinig nila ito. Iniwan nila si Jesus at sila ay umalis.

 

Ang Muling Pagkabuhay at ang Pag-aasawa

 

 23Nang araw na iyon, pumunta sa kaniya ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay na mag-uli. Tinanong nila siya. 24Kanilang sinabi: Guro, sinabi ni Moises: Kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak, pakakasalan ng kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki ang asawang babae. Ito ay upang siya ay magka-anak para sa kaniyang kapatid na lalaki. 25Ngayon, sa amin ay mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay namatay na may asawa at walang anak. Naiwan niya ang asawang babae sa kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki. 26Ganoon din ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo hanggang sa pangpito. 27Sa kahuli-hulihan ay namatay rin ang babae. 28Kaya nga, sa muling pagkabuhay, kanino siya magiging asawa sa pitong magkakapatid na lalaki? Ito ay sapagkat naging asawa siya ng lahat.

   
 29Sumagot si Jesus sa kanila: Kayo ay naliligaw at hindi ninyo nalalaman ang kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 30Ito ay sapagkat sa muling pagkabuhay, wala nang mag-aasawa ni ibibigay sa pag-aasawa. Sila ay katulad ng mga anghel ng Diyos sa langit. 31Patungkol sa pagkabuhay sa mga patay, hindi ba ninyo nabasa yaong sinabi sa inyo ng Diyos? 32Sinasabi: Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob. Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay.

   
 33Nang marinig ito ng napakaraming tao, sila ay nanggilalas sa kaniyang turo.

 

Ang Pinakamahalagang Utos

 

 34Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo, sila ay nagtipun-tipon. 35Ang isa sa kanila na dalubhasa sa kutusan ay nagtanong kay Jesus, na sinusubukan siya. 36Sinabi niya: Guro, alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?

   
 37Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo. 38Ito ang una at dakilang utos. 39Ang pangalawa ay katulad din nito: Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili. 40Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang lahat ng bagay na nasa mga Kautusan at sa mga Propeta.

 

Kaninong Anak ang Mesiyas

 

 41Tinanong ni Jesus ang mga Fariseo habang sila ay nagkakatipun-tipon. 42Kaniyang sinabi: Ano ang inyong palagay patungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?
   Sinabi nila sa kaniya: Kay David.

   
 43Sinabi niya sa kanila: Bakit nga tinawag siya ni David sa Espiritu na Panginoon? 44Sinasabi:
      Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon:
      Maupo ka sa gawing kanan ko hanggang
      sa mailagay ko ang iyong mga kaaway na
      tungtungan ng iyong mga paa.

    45Yamang tinawag nga siya ni David na Panginoon, paano siya naging anak nito? 46Walang isa mang makasagot sa kaniya. At mula sa araw na iyon, ni isa ay wala nang naglakasloob na tanungin siya.

 

Mateo 23

 

Mag-ingat sa mga Mapagpaimbabaw

 

 1Pagkatapos, si Jesus ay nagsalita sa napakaraming tao at sa kaniyang mga alagad. 2Kaniyang sinabi: Ang mga guro ng kautusan at ang mga Fariseo ay umupo sa upuan ni Moises. 3Lahat nga ng kanilang sabihin sa inyo upang sundin ay inyong sundin at gawin. Ngunit huwag ninyong gawin ang kanilang mga ginagawa sapagkat sila ay nagsasalita ngunit hindi gumagawa. 4Ito ay sapagkat sila ay nagtatali ng mga mabibigat na pasanin na mahirap dalhin at inilalagay sa mga balikat ng mga tao. Ngunit ayaw man lamang nila itong maigalaw ng kanilang mga daliri.

   
 5Lahat ng kanilang mga gawa ay kanilang ginagawa upang makita ng mga tao. Iyan ang dahilan na pinalalapad nila ang kanilang mga pilakterya at pinalalaki ang mga laylayan ng kanilang mga damit. 6Inibig nila ang pangunahing dako sa mga hapunan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga. 7Inibig din nila ang mga pagpupugay sa mga pamilihang dako at sila ay tawagin: Guro! Guro!

   
 8Huwag kayong patawag sa mga tao na guro sapagkat iisa ang inyong pinuno, si Cristo, at kayong lahat ay magkakapatid. 9Huwag ninyong tawaging ama ang sinuman dito sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama na nasa langit. 10Huwag kayong patawag na mga pinuno sapagkat iisa ang inyong pinuno, si Cristo. 11Ngunit ang higit na dakila sa inyo ay magiging tagapaglingkod ninyo. 12Ang sinumang magtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at ang sinumang magpapakumbaba sa kaniyang sarili ay itataas.

   
 13Ngunit sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat isinasara ninyo ang paghahari ng langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumapasok at ang mga pumapasok ay inyong hinahadlangan. 14Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaeng balo. At sa pagkukunwari ay nananalangin nang mahaba. Dahil dito, kayo ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.

   
 15Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nililibot ninyo ang mga dagat at ang mga lupain upang sila ay maging Judio. Kapag siya ay naging Judio na, ginagawa ninyo siyang taong patungo sa impiyerno nang makalawang ulit kaysa sa inyo.

   
 16Sa aba ninyo, mga bulag na tagapag-akay! Sinasabi ninyo: Kung sinumang sumumpa sa pamamagitan ng banal na dako, ito ay walang halaga. Ngunit ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng ginto sa banal na dako, siya ay may pananagutan. 17Mga mangmang at bulag! Alin ang higit na dakila, ang ginto o ang banal na dako na nagpabanal sa ginto? 18Sinasabi rin ninyo: Ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng dambana, ito ay walang halaga. Ngunit ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng kaloob na nasa dambana ay may pananagutan. 19Mga mangmang at bulag! Alin ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng dambana ay sumusumpa sa pamamagitan nito at sa lahat ng mga bagay na naririto. 21Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng banal na dako ay sumusumpa sa pamamagitan nito at sa pamamagitan niya na naninirahan dito. 22Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng langit ay sumusumpa sa pamamagitan ng trono ng Diyos at sa kaniya na nakaupo rito.

   
 23Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nagbabayad kayo ng ikasampung bahagi ng yerbabuena, anis at komino ngunit pinababayaan ninyo ang higit na mahalaga sa kautusan. Ito ay ang mga paghukom, habag at katapatan. Ang mga ito ang dapat ninyong gawin at huwag kaligtaan ang iba. 24Mga bulag na tagapag-akay! Sinasala ninyo ang lamok ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo.

   
 25Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nililinis ninyo ang labas ng saro at ng pinggan ngunit sa loob nito ay puno ng kasakiman at kawalan ng pagpipigil sa sarili. 26Kayong mga bulag na Fariseo! Linisin muna ninyo ang loob ng saro at ng pinggan upang maging malinis ang labas ng mga ito.

   
 27Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat kayo ay katulad ng mga pinaputing nitso. Ito ay maganda sa labas ngunit sa loob ay puno ng buto ng mga patay at lahat ng karumihan. 28Gayundin nga kayo, sa panlabas ay matuwid kayo sa harap ng mga tao ngunit sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.

   
 29Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat itinayo ninyo ang mga nitso ng mga propeta at ginayakan ang mga puntod ng mga matuwid. 30Inyong sinasabi: Kung kami ay nabubuhay noong panahon ng ating mga ama, hindi kami makikisali sa kanila sa pagbuhos ng dugo ng mga propeta. 31Kayo ang nagpapatotoo sa inyong mga sarili na kayo ay mga anak ng mga pumatay sa mga propeta. 32Punuin na ninyo ang sukat ng inyong mga ama.

   
 33Mga ahas, mga anak ng ulupong! Papaano kayo makakaligtas mula sa hatol ng impiyerno? 34Dahil dito, narito, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga pantas na lalaki at mga guro ng kautusan. Ang ilan sa kanila ay inyong papatayin at ipapako sa krus. Ang ilan sa kanila ay inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bawat lungsod. 35Ito ay upang dumating sa inyo ang dugo ng lahat ng mga matuwid na nabuhos sa lupa. Ito ay mula pa sa dugo ni Abel, ang matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias. Si Zacarias ang inyong pinatay sa pagitan ng templo at ng altar. 36Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.

   
 37Jerusalem! Jerusalem! Ikaw na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak katulad ng pagtipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang pakpak, ngunit ayaw ninyo? 38Narito, ang iyong bahay ay iniwanang wasak. 39Ito ay sapagkat sinasabi ko sa iyo: Hindi mo na ako makikita mula ngayon, hanggang sabihin mo: Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.

 

 

Mateo 24

 

Mga Tanda ng Huling Kapanahunan

 

 1Si Jesus ay lumabas at umalis mula sa templo. Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad upang ituro sa kaniya ang mga gusali ng templo. 2Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: Nakikita ba ninyo ang lahat ng mga ito? Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Walang maiiwanang isang bato dito na nakapatong sa kapwa bato na hindi babagsak.

   
 3Habang siya ay nakaupo sa bundok ng mga Olibo, ang kaniyang mga alagad ay lumapit sa kaniya nang bukod. Sinabi nila: Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? Ano ang tanda ng iyong pagdating at ang mga tanda ng katapusan ng kapanahunang ito?

   
 4Sumagot si Jesus sa kanila: Mag-ingat kayo, na hindi kayo mailigaw ng sinuman. 5Ito ay sapagkat maraming darating sa aking pangalan. Sasabihin nila: Ako ang Mesiyas. At marami silang ililigaw. 6Maririnig na ninyo ang mga digmaan at mga bali-balita ng mga digmaan. Ngunit huwag kayong mabalisa sapagkat ang mga bagay na ito ay kinakailangang mangyari, ngunit hindi pa ito ang wakas. 7Ito ay sapagkat babangon ang isang bansa laban sa isang bansa at babangon ang isang paghahari laban sa isang paghahari. Magkakaroon ng mga taggutom, at mga salot at mga lindol sa iba't ibang dako. 8Ang lahat ng mga ito ay pasimula ng sakit na nararamdaman ng isang babaeng manganganak.

   
 9Pagkatapos ay ibibigay nila kayo sa paghihirap at papatayin nila kayo. Kapopootan kayo ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10Marami ang matitisod at magkakanulo sa isa't isa at mapopoot sa isa't isa. 11Maraming lilitaw na mga bulaang propeta at ililigaw ang marami. 12Dahil sa paglaganap ng hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos, ang pag-ibig ng marami ay manlalamig. 13Ngunit siya na makapagtitiis hanggang wakas ay maliligtas. 14Ang ebanghelyo ng paghahari ng Diyos ay ipapangaral muna sa buong daigdig upang maging patotoo sa lahat ng mga bansa. Pagkatapos ay darating na ang wakas.

   
 15Makikita nga ninyo ang kasuklam-suklam na paninira na sinabi ni Daniel, ang propeta na nakatayo sa banal na dako. Siya na bumabasa, unawain niya. 16Kapag mangyari ang mga bagay na ito, sila na nasa Judea ay tatakas sa mga bundok. 17Siya na nasa bubungan ay huwag nang bababa upang kumuha ng anuman sa kaniyang bahay. 18Siya na nasa bukid ay huwag nang babalik upang kumuha ng kaniyang mga damit. 19Ngunit sa aba ng mga nagdadalang-tao at doon sa mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 20Manalangin kayo na ang inyong pagtakas ay huwag mangyari sa taglamig o sa araw ng Sabat. 21Ito ay sapagkat magkakaroon ng malaking kahirapan na hindi pa nangyayari mula pa ng simula ng sanlibutan hanggang sa ngayon. At wala ng mangyayaring katulad nito kailanman. 22Malibang bawasan ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, babawasan ang mga araw na iyon.

 

Ang Pagdating ng Anak ng Tao

 

 23Kung ang sinuman ay magsabi sa iyo: Narito, tingnan mo ang Mesiyas, o naroon, huwag mo siyang paniwalaan. 24Ito ay sapagkat may lilitaw na mga bulaang Mesiyas at mga bulaang propeta. Magpapakita sila ng mga dakilang tanda at mga kamangha-manghang gawa upang iligaw, kung maaari, kahit ang mga hinirang. 25Narito, ipinagpauna ko na itong sabihin sa inyo.

   
 26Kung sasabihin nga nila sa inyo: Narito, siya ay nasa ilang, huwag kayong pupunta. Kung sasabihin nila: Siya ay nasa silid, huwag ninyo itong paniwalaan. 27Ito ay sapagkat kung papaanong ang kidlat ay nagmumula sa silangan at nakikita hanggang sa kanluran, gayundin ang pagdating ng Anak ng Tao. 28Ito ay sapagkat kung nasaan ang bangkay, doon nagtitipon ang mga buwitre.

   
 29Pagkatapos ng mga paghihirap sa mga araw na iyon,
      kaagad ang araw ay magdidilim. Ang buwan ay
      hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang
      mga bituin ay babagsak mula sa langit. Ang mga
      kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.

   
 30Pagkatapos ay makikita ang mga tanda ng Anak ng Tao sa langit. Pagkatapos ay mananaghoy ang lahat ng mga lipi ng lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta. Kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na mga hangin, mula sa mga hangganan ng mga langit hanggang sa mga kabilang hangganan.

   
 32Ngunit alamin ninyo ang talinghaga mula sa puno ng igos. Kapag ang sanga nito ay nanariwa na, at lumabas na ang mga dahon, alam ninyo na malapit na ang tag-init. 33Gayon nga rin kayo. Kapag nakita na ninyo ang mga bagay na ito, alam ninyo na ito ay malapit na, nasa pintuan na. 34Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi lilipas ang lahing ito hanggang mangyari ang mga bagay na ito. 35Ang langit at ang lupa ay lilipas ngunit kailanman ay hindi lilipas ang aking mga salita.

 

Walang Nakaaalam sa Araw at Oras

 

 36Patungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam kahit ang mga anghel kundi tanging ang aking Ama lamang. 37Ngunit katulad sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao. 38Ito ay sapagkat katulad ng mga araw bago ang baha, sila ay kumakain at umiinom. Sila ay nag-aasawa at ipinakikipagkasundo sa pag-aasawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa loob ng daong. 39Hindi nila ito nalaman hanggang sa dumating ang baha at kinuha silang lahat. Gayon nga ang pagdating ng Anak ng Tao. 40Sa araw na iyon, dalawa ang nasa bukid. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan. 41Dalawang babae ang naggigiling sa gilingan. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.

   
 42Kaya nga, dapat kayong magbantay sapagkat hindi ninyo alam kung anong oras darating ang inyong Panginoon. 43Ngunit alamin ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng sambahayan ang oras ng pagdating ng magnanakaw, siya ay magbabantay. Hindi niya pababayaang mawasak ang kaniyang bahay. 44Kaya nga, kayo rin ay maging handa sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.

   
 45Sino nga ang tapat at matalinong alipin na pinagkatiwalaan ng kaniyang panginoon at ipinagkatiwala ang kaniyang sambahayan upang magbigay sa kanila ng pagkain sa takdang panahon? 46Pinagpala ang aliping iyon na pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gumagawa ng gayon. 47Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakatiwala sa kaniya ang lahat ng ari-arian ng kaniyang panginoon. 48Ngunit kapag ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kaniyang puso: Maantala ang pagdating ng aking panginoon. 49Sisimulan niyang hampasin ang kaniyang mga kapwa alipin. Siya ay kakain at iinom kasama ng mga manginginom. 50Ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan. Siya ay darating sa oras na hindi niya alam. 51Puputulin siya sa dalawa at ang kaniyang bahagi ay ilalagay kasama ng mga mapagpaimbabaw. Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

 

 

Mateo 25

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Sampung Dalaga

 

 1Ang paghahari ng mga langit ay katulad sa sampung dalagang birhen. Pagkakuha nila ng kanilang mga ilawan, sila ay lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal. 2Ang lima sa kanila ay matalino at ang lima ay mangmang. 3Ito ay sapagkat sila na mga mangmang, pagkakuha ng kanilang mga ilawan, ay hindi nagdala ng langis. 4Ang mga matalino ay nagdala ng langis sa kanilang lalagyan kasama ng kanilang mga ilawan. 5Ngunit natagalan ang lalaking ikakasal. Silang lahat ay inantok at nakatulog.

   
 6Ngunit mayroong sumigaw sa kalagitnaan na ng gabi. Kaniyang sinabi: Narito, dumarating na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo at salubungin siya.

   
 7Bumangon ang lahat ng mga dalagang birhen at inihanda ang kanilang mga ilawan. 8Sinabi ng mga mangmang na mga birhen sa mga matalino: Bigyan ninyo kami ng mga langis sapagkat mamamatay na ang aming ilawan.

   
 9Sumagot ang matatalinong birhen: Hindi maaari. Baka hindi ito maging sapat para sa inyo at sa amin. Pumunta na lang kayo roon sa mga nagtitinda at bumili kayo para sa inyong sarili.

   
 10Ngunit nang sila ay umalis upang bumili, ang lalaking ikakasal ay dumating. Silang mga nakahanda ay pumasok na kasama ang lalaking ikakasal sa piging ng kasalan at ang pinto ay isinara.

   
 11Maya-maya ay dumating ang ibang mga dalagang birhen. Sinabi nila: Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.

   
 12Ngunit sumagot siya: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi ko kayo nakikilala.

   
 13Magbantay nga kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras ng pagdating ng Anak ng Tao.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Talento

 

 14Ito ay katulad din sa isang lalaking papaalis ng bansa. Tinawag niya ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga ari-arian. 15Ibinigay niya sa isang alipin ang limang talento, sa isa pang alipin ay dalawang talento at sa isa pang alipin ay isang talento. Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kaniyang kakayanan. Siya ay umalis agad ng bansa. 16Siya na nakatanggap ng limang talento ay nangalakal at tumubo ng lima pang talento. 17Gayundin ang nakatanggap ng dalawang talento, siya ay tumubo ng dalawa pa. 18Ngunit siya na nakatanggap ng isang talento ay umalis. Siya ay naghukay sa lupa at itinago ang salapi ng kaniyang panginoon.

   
 19Pagkatapos ng mahabang panahon, dumating ang Panginoon ng mga aliping iyon at sila ay nagbigay-sulit sa kaniya. 20Dumating ang nakatanggap ng limang talento at nagdala siya ng lima pang talento. Sinabi niya: Panginoon, ipinagkatiwala mo sa akin ang limang talento. Narito, bukod dito ay tumubo pa ako ng lima.

   
 21Sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa. Ikaw ay mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming mga bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

   
 22Dumating din ang nakatanggap ng dalawang talento. Sinabi niya: Ipinagkatiwala mo sa akin ang dalawang talento. Tingnan mo, bukod dito ay tumubo pa ako ng dalawa.

   
 23Sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa. Ikaw ay mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

   
 24Dumating din ang nakatanggap ng isang talento. Sinabi niya: Panginoon, kilala kita na ikaw ay isang malupit na tao. Umaani ka sa hindi mo inihasik at nagtitipon sa hindi mo ikinalat. 25Dahil sa takot, ako ay umalis at itinago ang iyong talento sa lupa. Narito ang para sa iyo.

   
 26Sumagot ang kaniyang panginoon: Ikaw ay masama at tamad na alipin! Nalalaman mo na ako ay umaani sa hindi ko inihasik at nagtitipon sa hindi ko ikinalat. 27Nararapat sana na inilagay mo ang aking salapi sa mga mamamalit ng salapi. At sa aking pagdating ay tatanggapin ko ang aking salapi na may tubo.

   
 28Kunin nga sa kaniya ang talento at ibigay sa kaniya na may sampung talento. 29Ito ay sapagkat ang bawat mayroon ay bibigyan at siya ay tatanggap ng sagana. Ngunit sa kaniya na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin sa kaniya. 30Ang walang silbing alipin ay itatapon sa kadiliman sa labas. Doon ay may pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

 

Ang mga Tupa at ang mga Kambing

 

 31Darating ang Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian kasama ng mga banal na anghel. Kapag siya ay dumating, siya ay uupo sa trono ng kaniyang kaluwalhatian. 32Titipunin niya ang lahat ng mga bansa sa kaniyang harapan. Ihihiwalay niya sila sa isa't isa katulad ng paghihiwalay ng pastol sa mga tupa mula sa mga kambing. 33Itatalaga niya ang mga tupa sa kaniyang kanang kamay, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.

   
 34Pagkatapos ay sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanang kamay: Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang paghaharing inihanda sa inyo mula pa nang itatag ang sanlibutan. 35Ito ay sapagkat nagutom ako at binigyan ninyo ako ng makakain. Nauhaw ako at binigyan ninyo ako ng maiiinom. Ako ay naging taga-ibang bayan at ako ay inyong pinatuloy. 36Ako ay naging hubad at dinamitan ninyo. Nagkasakit ako at ako ay inyong dinalaw. Nabilanggo ako at ako ay inyong pinuntahan.

   
 37Sasagot naman ang mga matuwid sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin o nauhaw at binigyan ng maiinom? 38Kailan ka namin nakitang naging taga-ibang bayan at pinatuloy ka o naging hubad at dinamitan ka namin? 39Kailan ka namin nakitang nagkasakit o nabilanggo at dumalaw kami sa iyo?

   
 40Sasagot ang hari sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin.

   
 41Sasabihin din niya roon sa mga nasa kaliwa: Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel. 42Ito ay sapagkat nagutom ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng makakain. Nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng maiinom. 43Ako ay naging taga-ibang bayan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy. Ako ay naging hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan. Nagkasakit ako at nabilanggo ngunit hindi ninyo ako dinalaw.

   
 44Sasagot din sila sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o naging taga-ibang bayan, o naging hubad o nabilanggo at hindi kami naglingkod sa iyo?

   
 45Siya ay sasagot sa kanila na sinasabi: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang hindi ninyo ginawa para sa isa sa mga pinakamaliit na ito, hindi rin ninyo ito ginawa sa akin.

   
 46Ang mga ito ay pupunta sa kaparusahang walang hanggan. Ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.

 

Mateo 26

 

Nagbalak Sila ng Masama laban kay Jesus

 

 1Nangyari, nang matapos nang ituro ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, nagsalita siya sa kaniyang mga alagad. 2Sinabi niya: Alam ninyo na pagkatapos ng dalawang araw ay magaganap na ang Paglagpas. May isang magkakanulo sa akin na Anak ng Tao upang ako ay ipapako sa krus.

   
 3Nagtipun-tipon nga ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at mga matanda sa mga tao sa bulwagan ng pinakapunong-saserdote na ang pangalan ay Caifas. 4Sila ay sumangguni sa isa't isa upang si Jesus ay kanilang mahuli, malinlang at kanilang patayin. 5Ngunit sinabi nila: Huwag sa araw ng paggunita na dumarating upang hindi magkagulo ang mga tao.

 

Binuhusan ng Pabango ng Makasalanang Babae si Jesus

 

 6Sa oras na iyon, si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin. 7May isang babaeng lumapit sa kaniya. Siya ay may dalang garapong alabastro na may mamahalin at napakabangong pamahid. Ibinuhos niya ito sa ulo ni Jesus habang siya ay nakadulog sa hapag.

   
 8Nang makita ito ng mga alagad, sila ay lubhang nagalit. Sinabi nila: Para ano at sinayang ito? 9Ang pamahid na ito ay maaaring ipagbili sa malaking halaga at ipamigay sa mga dukha.

   
 10Ngunit nalalaman ito ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ginagambala ang babae? Siya ay gumawa ng mabuti sa akin. 11Ito ay sapagkat lagi ninyong kasama ang mga dukha ngunit ako ay hindi ninyo laging kasama. 12Ginawa ng babaeng ito ang pagbuhos ng mabangong pamahid sa aking katawan para sa aking paglilibing. 13Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Saan man ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaeng ito ay isasalaysay din bilang pag-alaala sa kaniya.

 

Nakipagkasundo si Judas upang Ipagkanulo si Jesus

 

 14Nang magkagayon isa sa labindalawang alagad, na tinatawag na Judas na taga-Keriot, ay pumunta sa mga pinunong-saserdote. 15Sinabi niya: Ano ang ibibigay ninyo sa akin kapag maibigay ko si Jesus sa inyo? Itinakda nila sa kaniya ang tatlumpung pirasong pilak. 16Mula sa oras na iyon, siya ay naghanap ng pagkakataon upang maipagkanulo niya si Jesus.

 

Ang Huling Hapunan

 

 17Sa unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, pumunta kay Jesus ang mga alagad. Sinabi nila sa kaniya: Saan mo ibig na kami ay maghanda para sa iyo upang makakain ng hapunan ng Paglagpas?

   
 18Sinabi niya: Pumunta kayo sa isang lalaki na nasa lungsod. Sabihin ninyo sa kaniya: Sinabi ng guro: Ang aking oras ay malapit na. Gaganapin ko ang Paglagpas sa iyong bahay kasama ang aking mga alagad. 19Ginawa ng mga alagad ang ayon sa iniutos sa kanila ni Jesus. Sila ay naghanda para sa Paglagpas.

   
 20Nang gumabi na, dumulog si Jesus sa hapag kasama ng labindalawa. 21Habang sila ay kumakain, sinabi niya sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.

   
 22Ang bawat isa sa kanila ay labis na namighati. Nagsimula silang magsabi sa kaniya: Ako ba, Panginoon?

   
 23Ngunit sumagot siya: Ang kasama kong nagsawsaw ng kamay sa mangkok, siya ang magkakanulo sa akin. 24Ang Anak ng Tao ay hahayo ayon sa isinulat patungkol sa kaniya. Ngunit sa aba ng taong iyon na magkakanulo sa Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon kung hindi na siya naipanganak.

   
 25Sumagot si Judas, ang magkakanulo kay Jesus: Ako ba, guro?
   Sinabi niya sa kaniya: Tama ang iyong sinabi.

   
 26Habang sila ay kumakain, kinuha ni Jesus ang tinapay. Pinagpala niya ito, pinagputul-putol at ibinigay sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ang aking katawan.

   
 27Kinuha niya ang saro at nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila. Sinabi niya: Uminom kayong lahat. 28Ito ay ang aking dugo ng bagong tipan. Nabuhos ito para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng marami. 29Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas hanggang sa maipanumbalik ko ang aking pag-inom nito sa paghahari ng aking Ama.

   
 30Pagkaawit ng isang himno, sila ay umalis patungo sa bundok ng mga Olibo.

 

Ipinagpauna ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro

 

 31Nang magkagayon, sinabi ni Jesus sa kanila: Kayong lahat ay matitisod dahil sa akin sa gabing ito sapagkat nasusulat:
      Sasaktan ko ang pastol at mangangalat sa ibang
      dako ang mga tupa ng kawan.

    32Ngunit pagkatapos na ako ay ibinangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.

   
 33Sumagot si Pedro sa kaniya: Kung ang lahat ay matitisod dahil sa iyo, ako ay hindi matitisod.

   
 34Sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na sa gabing iyon, bago tumilaok ang tandang ay tatlong ulit mo akong ipagkakaila.

   
 35Sinabi ni Pedro sa kaniya: Kung kinakailangang ako ay mamatay na kasama mo, kailanman ay hindi kita ipagkakaila. Gayundin ang sinabi ng lahat ng mga alagad.

 

Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo

 

 36Nang magkagayon pumunta si Jesus sa isang dako na tinatawag na Getsemane kasama ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Maupo kayo rito, pupunta ako sa dako roon upang manalangin. 37Isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Siya ay nagsimulang nalumbay at lubos na nabagabag. 38Sinabi niya sa kanila: Lubhang namimighati ang aking kaluluwa maging sa kamatayan. Manatili kayo rito at magbantay na kasama ko.

   
 39Pumunta siya sa di kalayuan at nagpatirapa siya at nanalangin. Sinabi niya: Aking Ama, kung maaari, lumampas nawa sa akin ang sarong ito. Gayunman, hindi ang aking kalooban kundi ang sa iyo.

   
 40Pumunta siya sa mga alagad at nasumpungan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro: Hindi ba ninyo kayang magbantay ng isang oras na kasama ko? 41Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong mapasok sa tukso. Ang espiritu nga ay nagnanais ngunit ang katawan ay mahina.

   
 42Sa pangalawang pagkakataon, muli siyang umalis upang manalangin. Sinabi niya: Ama, kung ang sarong ito ay hindi makakalampas malibang ito ay aking inumin, mangyari ang kalooban mo.

   
 43Pagbalik niya, nasumpungan niya silang muling natutulog sapagkat lubha na silang inantok. 44Iniwan niya silang muli at nanalangin sa ikatlong pagkakataon. Sinabi niyang muli ang gayong panalangin.

   
 45Pagkatapos ay pumunta siya sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: Matulog na kayo at magpahinga. Narito, malapit na ang oras at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo na sa mga makasalanan. 46Bumangon kayo at lalakad na tayo. Narito, siya na magkakanulo sa akin ay malapit na.

 

Dinakip nila si Jesus

 

 47Habang siya ay nagsasalita pa, narito, si Judas na isa sa labindalawa ay dumating. Kasama niya ang napakaraming tao na may mga tabak at mga pamalo. Sila ay mula sa mga pinunong-saserdote at mga matanda sa mga tao. 48Siya na magkakanulo ay nagbigay sa kanila ng isang tanda. Sinabi niya: Ang sinumang halikan ko, siya iyon. Dakpin ninyo siya. 49Kaagad, siya ay lumapit kay Jesus. Sinabi niya: Bumabati, Guro! Pagkatapos ay hinalikan niya si Jesus.

   
 50Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Kaibigan, anong dahilan ng pagparito mo?
   Lumapit sila sa kaniya, hinawakan ang kaniyang mga kamay at siya ay dinakip. 51At narito, isa sa mga kasama ni Jesus ay bumunot ng kaniyang tabak. Inundayan niya ng taga ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang tainga nito.

   
 52Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan nito: Ito ay sapagkat ang sinumang gumagamit ng tabak ay sa tabak din mamamatay. 53Ipinapalagay mo bang hindi ako makakapamanhik kaagad sa aking Ama? Pagkakalooban niya ako ng higit pa sa labindalawang hukbo ng mga anghel. 54Paano nga matutupad ang mga kasulatan na dapat mangyari nang ganito?

   
 55Sa oras na iyon, sinabi ni Jesus sa napakaraming tao: Pumarito ba kayong may mga tabak at mga pamalo na parang makikipaglaban sa isang tulisan? Araw-araw akong nakaupong kasama ninyo sa templo at hindi ninyo ako dinakip. 56Ngunit ang lahat ng ito ay nangyari upang matupad ang mga sulat ng mga propeta. Nang magkagayon, iniwan siya ng mga alagad at sila ay tumakas.

 

Si Jesus sa Harap ng mga Sanhedrin

 

 57Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kaniya kay Caifas, ang pinakapunong-saserdote. Doon ay nagkakatipon ang mga guro ng kautusan at ang mga matanda. 58Ngunit si Pedro ay sumunod sa kaniya nang hindi kalayuan hanggang sa patyo ng pinakapunong-saserdote. Siya ay pumasok sa loob at naupong kasama ng mga tanod sa templo upang makita kung ano ang magaganap.

   
 59Ang mga pinunong-saserdote at ang mga matanda at ang buong Sanhedrin ay naghanap ng mga huwad na patotoo laban kay Jesus. Ito ay upang maipapatay nila si Jesus. 60Ngunit sila ay walang makitang sinuman bagamat maraming mga huwad na saksi ang nagkusa.

   
 61Subalit sa wakas, lumapit ang dalawang huwad na saksi na sinasabi: Sinabi ng lalaking ito: Kaya kong wasakin ang banal na dako ng Diyos at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko itong muli.

   
 62Tumayo ang pinakapunong-saserdote at sinabi sa kaniya: Wala ka bang isasagot? Ano itong ipinaparatang ng mga saksing ito laban sa iyo? 63Ngunit si Jesus ay nanahimik.
   Sinabi ng pinakapunong-saserdote sa kaniya: Inuutusan kita sa pamamagitan ng buhay na Diyos. Sabihin mo sa amin kung ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos?

   
 64Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong sinabi. Gayunman, sinasabi ko sa iyo: Mula ngayon ay makikita mo ang Anak ng Tao na nakaupo, siya ay makikita mo sa kanang kamay ng Makapangyarihan at dumarating sa mga ulap ng langit.

 

Nilibak ng mga Kawal si Jesus

 

 65Pinunit ng pinakapunong-saserdote ang kaniyang damit. Sinabi niya: Siya ay namusong. Bakit kailangan pa natin ang mga saksi? Narito, narinig ninyo ang kaniyang pamumusong. 66Ano ang palagay ninyo?
   Sumagot sila: Siya ay nararapat na mamatay!

   
 67Dinuraan nila ang mukha ni Jesus at siya ay pinagsusuntok. Pinagsasampal siya ng iba. 68Kanilang sinabi: Ihayag mo, Mesiyas! Sino ang sumampal sa iyo?

 

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus

 

 69Sa oras ding iyon ay nakaupo si Pedro sa labas. Lumapit sa kaniya ang isang utusang babae. Sinabi niya: Kasama ka ni Jesus na taga-Galilea.

   
 70Ngunit ipinagkaila niya sa lahat. Sinabi niya: Hindi ko alam ang sinasabi mo.

   
 71Pumunta siya sa may tarangkahan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi niya sa mga naroroon: Ang lalaking ito ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.

   
 72Muli siyang nagkaila na may panunumpa. Kaniyang sinabi: Hindi ko kilala ang lalaking iyon.

   
 73Pagkaraan ng ilang sandali, lumapit sa kaniya yaong mga nakatayo roon. Sinabi nila kay Pedro: Totoong ikaw ay isa sa kanila sapagkat nahahayag ito nang malinaw sa iyong pananalita.

   
 74Nagsimula siyang manungayaw at manumpa. Sinabi niya: Hindi ko kilala ang lalaking iyon.
   Pagdaka ay tumilaok ang isang tandang. 75Naalaala ni Pedro ang salita ni Jesus na sinabi sa kaniya: Bago tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo akong ipagkakaila. At siya ay umalis at tumangis nang may kapaitan.

 

 

Mateo 27

 

Nagbigti si Judas

 

 1Kinaumagahan, lahat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao ay sumangguni sa isa't isa laban kay Jesus upang maipapatay nila siya. 2Tinalian nila si Jesus at ibinigay kay Pontio Pilato na gobernador.

   
 3Nang makita ni Judas, na siyang nagkanulo kay Jesus, na siya ay hinatulan, nagsisi siya. Isinauli niya ang tatlumpung pilak sa mga pinunong-saserdote at sa mga matanda. 4Sinabi niya: Nagkasala ako sa pagkakanulo ko sa walang salang dugo.
   Ngunit sinabi nila: Ano iyan sa amin? Ikaw na ang bahala diyan.

   
 5Itinapon niya ang tatlumpung pilak sa banal na dako at siya ay umalis. Pagkaalis niya roon, siya ay nagbigti.

   
 6Kinuha ng mga pinunong-saserdote ang tatlumpung pilak. Kanilang sinabi: Labag sa kautusan na ilagay ang mga ito sa kaban ng yaman sapagkat ibinayad sa dugo ang salaping ito. 7Nang sila ay nakapagsanggunian na, ibinili nila ito ng bukid ng magpapalayok upang ito ay maging libingan ng mga dayuhan. 8Kaya nga, ang bukid na iyon ay tinawag, hanggang sa araw na ito na: Bukid ng dugo. 9Natupad nga ang sinabi ni propeta Jeremias. Sinabi niya: Kinuha ko ang tatlumpung pilak. Ito ang ibinigay na kaniyang halaga, na itinakdang halaga ng mga anak ni Israel. 10Ito ay ibinigay para sa bukid ng magpapalayok ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.

 

Si Jesus sa Harap ni Pilato

 

 11Si Jesus ay tumayo sa harap ng gobernador. Tinanong siya ng gobernador na sinasabi: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?
   Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong sinabi.

   
 12Nang siya ay pinaratangan ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda, wala siyang isinagot. 13Sinabi ni Pilato sa kaniya: Narinig mo ba ang marami nilang paratang laban sa iyo? 14Hindi sumagot si Jesus sa kaniya, na lubhang ikinamangha ng gobernador.

   
 15Kinaugalian na ng gobernador na sa tuwing araw ng paggunita ay magpapalaya siya sa karamihan ng isang bilanggo na ibig nila. 16Nang panahong iyon, ay mayroon silang isang kilalang bilanggo na tinatawag na Barabas. 17Nang sila ay nagtipun-tipon sinabi ni Pilato sa kanila: Sino ang nais ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas o si Jesus na tinatawag na Cristo? 18Ito ay sapagkat alam niya na inggit ang dahilan nang ibinigay nila si Jesus sa kaniya.

   
 19Samantalang siya ay nakaupo sa upuan ng hukom, lumapit sa kaniya ang kaniyang asawa. Kaniyang sinabi: Huwag mo nang pakialaman ang matuwid na taong iyan. Ang dahilan ay lubha akong nahirapan sa araw na ito sa isang panaginip dahil sa lalaking iyan.

   
 20Ngunit hinikayat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao, na hingiin ng karamihan si Barabas at ipapatay si Jesus.

   
 21Sumagot ang gobernador: Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko para sa inyo?
   Sinabi nila: Si Barabas!

   
 22Sinabi ni Pilato sa kanila: Ano nga ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?
   Sinabi nilang lahat sa kaniya: Ipapako siya sa krus!

   
 23Sinabi ng gobernador: Ano ang ginawa niyang masama?
   Ngunit lalo silang sumigaw, na sinasabi: Ipapako siya sa krus!

   
 24Nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa dito at ang mga tao ay nagsimula ng magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng napakaraming tao. Sinabi niya: Wala akong sala sa dugo ng matuwid na lalaking ito. Kayo na ang bahala sa bagay na ito.

   
 25Sumagot ang lahat ng mga tao: Mapasaamin at sa aming mga anak ang kaniyang dugo.

   
 26Pagkatapos nito ay pinalaya niya si Barabas ngunit ipinahagupit niya si Jesus at ibinigay niya sa kanila upang ipako sa krus.

 

Kinutya ng mga Kawal si Jesus

 

 27Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa hukuman at pinalibutan siya ng buong batalyon ng mga kawal. 28Hinubaran nila siya at sinuotan ng isang balabal na kulay ube. 29Nagsalapid sila ng isang koronang tinik at inilagay sa kaniyang ulo. Isang tangkay ng tambo ang inilagay sa kaniyang kanang kamay. Lumuhod sila sa harap ni Jesus at siya ay kinutya. Sinabi nila: Binabati ang Hari ng mga Judio! 30Dinuraan nila siya at kinuha ang tambo at ipinalo sa kaniyang ulo. 31Kinutya nila siya at kinuha sa kaniya ang kaniyang balabal. Isinuot nila sa kaniya ang kaniyang damit at siya ay dinala upang ipako sa krus.

 

Ipinako nila sa Krus si Jesus

 

 32Nang sila ay papunta na roon, nakita nila ang isang lalaking taga-Cerene na nagngangalang Simon. Isinama nila siya upang ipapasan sa kaniya ang krus. 33Dumating sila sa isang dako na tinatawag na Golgota. Ang kahulugan nito ay Lugar ng mga Bungo. 34Binigyan nila si Jesus ng maasim na alak na hinaluan ng apdo upang inumin. Nang matikman niya ito, ayaw niya itong inumin. 35Nang maipako na nila siya, pinaghati-hatian nila ang kaniyang damit at sila ay nagpalabunutan. Ito ay upang matupad ang sinabi ng propeta na sinasabi: Pinaghati-hatian nila ang aking damit at nagpalabunutan sa aking kasuotan. 36Sila ay naupo roon at binantayan siya. 37Inilagay nila sa kaniyang ulunan ang paratang sa kaniya. Ito ang nakasulat: ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO. 38Ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan. Ang isa ay sa kaniyang gawing kanang kamay at ang isa ay sa kaniyang gawing kaliwang kamay. 39Nilait siya ng mga dumaraan na iniiling ang kanilang mga ulo. 40Sinasabi nila: Ikaw na magwawasak ng banal na dako at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili. Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka mula sa krus.

   
 41Sa gayunding paraan kinutya siya ng mga pinunong-saserdote kasama ng mga guro ng kautusan at ng mga matanda, na sinasabi: 42Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili. Kung siya ang hari ng Israel, bumaba siya mula sa krus at sasampalataya kami sa kaniya. 43Nagtiwala siya sa Diyos. Magpaligtas siya sa kaniya, kung ililigtas siya sapagkat sinabi niya: Ako ay ang Anak ng Diyos. 44Gayundin nilibak siya ng mga tulisang ipinakong kasama niya.

 

Si Jesus ay Namatay

 

 45Nagkaroon ng kadiliman sa buong lupa mula sa ika-anim na oras hanggang sa ika-siyam na oras. 46Nang mag-iikasiyam na ang oras, si Jesus ay sumigaw nang may malakas na tinig. Sinabi niya: Eli, Eli, lama sabachthani? Ang ibig sabihin nito ay: Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?

   
 47Narinig siya ng ilan sa mga nakatayo roon. Sinabi nila: Tinatawag ng lalaking ito si Elias.

   
 48Ang isa sa kanila ay agad-agad na tumakbo at kumuha ng isang espongha. Inilubog niya ito sa maasim na alak at inilagay sa isang tambo upang ipainom sa kaniya. 49Sinabi ng iba: Pabayaan mo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.

   
 50Muling sumigaw si Jesus na may malakas na tinig. Pagkatapos, ipinaubaya niya ang kaniyang espiritu.

   
 51Narito, ang telang tabing sa banal na dako ay napunit sa dalawa mula sa itaas pababa. Ang lupa ay nayanig at nabiyak ang mga bato. 52Ang mga libingan ay nabuksan at maraming katawan ng mga banal na namatay ang bumangon. 53Pagkatapos niyang mabuhay muli, lumabas sila sa mga libingan at pumasok sa banal na lungsod. Nagpakita sila roon sa maraming tao.

   
 54Isang kapitan ang naroroon at kasama niya ang mga nagbabantay kay Jesus. Pagkakita nila sa lindol at sa mga bagay na nangyari, lubha silang natakot. Sinabi nila: Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.

   
 55Maraming mga babae roon ang nakamasid mula sa malayo. Sila yaong sumunod kay Jesus mula sa Galilea at naglingkod sa kaniya. 56Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina nina Santiago at Jose at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.

 

Inilibing si Jesus

 

 57Nang gumabi na, dumating ang isang mayamang lalaki na taga-Arimatea. Siya ay si Jose na naging alagad ni Jesus. 58Sa pagpunta niya kay Pilato ay hiningi niya ang katawan ni Jesus. Iniutos ni Pilato na ibigay ang katawan ni Jesus. 59Pagkakuha ni Jose sa katawan ni Jesus, binalot niya iyon sa malinis na telang lino. 60At inilagay niya iyon sa kaniyang bagong libingan na inuka niya sa malaking bato. Nang maipagulong na ang isang malaking bato tungo sa pintuan ng libingan ay umalis na siya. 61Naroroon si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria. Sila ay nakaupo sa harap libingan.

 

Ang mga Bantay ng Libingan

 

 62Kinabukasan ay ang araw pagkatapos ng paghahanda. Ang mga pinunong-saserdote at mga Fariseo ay nagtipun-tipon sa harap ni Pilato. 63Sinabi nila: Ginoo, naala-ala namin ang sinabi ng mandarayang iyon nang nabubuhay pa siya. Sinabi niya: Pagkalipas ng tatlong araw, ako ay babangon. 64Ipag-utos mo nga na bantayang maigi ang libingan hanggang sa ikatlong araw at baka sa gabi ay nakawin siya ng kaniyang mga alagad. At sabihin nila sa mga tao: Siya ay nabuhay mula sa mga patay. Kung magkakagayon, ang pandaraya ay magiging malala kaysa una.

   
 65Sinabi ni Pilato sa kanila: Mayroon kayong tagapagbantay. Humayo kayo at ipabantayang mahigpit ayon sa inyong kakayanan. 66Sa pag-alis nila, tiniyak nila na nakasara na ang libingan at nilagyan ng selyo ang bato at ipinabantayan sa mga bantay.

 

 

Mateo 28

 

Muling Nabuhay si Jesus

 

 1Sa pagtatapos ng Sabat, magbubukang-liwayway na sa unang araw ng linggo. Si Maria na taga-Magdala at ang isang Maria ay dumating upang tingnan ang libingan.

   
 2Narito, nagkaroon ng malakas na lindol sapagkat isang anghel ng Panginoon ang bumaba mula sa langit. Pumunta siya sa libingan at iginulong ang bato papalayo sa bukana ng libingan at umupo sa ibabaw nito. 3Ang anyo niya ay parang kidlat. Ang damit niya ay kasimputi ng niyebe. 4Dahil sa takot sa anghel, ang mga bantay ay nanginig at naging parang mga patay.

   
 5Sumagot ang anghel sa mga babae, na sinasabi: Huwag kayong matakot sapagkat alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. 6Wala siya rito. Ito ay sapagkat nabuhay na siya ayon sa sinabi niya. Halikayo at tingnan ninyo ang dakong pinaghigaan sa Panginoon. 7Magmadali kayong pumunta at sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad: Nabuhay na siya mula sa mga patay at narito, mauuna siya sa inyo patungong Galilea. Doon ay makikita ninyo siya. Narito, sinabi ko na sa inyo.

   
 8Sila ay mabilis na umalis mula sa libingan na may takot at malaking kagalakan. Sila ay tumakbo upang sabihin sa kaniyang mga alagad. 9Nang sila ay papunta na sa kaniyang mga alagad, narito, sinalubong sila ni Jesus. Sinabi niya: Bumabati! Lumapit sila sa kaniya, hinawakan ang kaniyang paa at sinamba siya. 10Sinabi ni Jesus sa kanila: Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea at doon ay makikita nila ako.

 

Ang Ulat ng mga Bantay

 

 11Habang sila ay papaalis, narito, ang mga bantay ay umalis papuntang lungsod. Kanilang iniulat sa mga pinunong-saserdote ang lahat ng mga nangyari. 12Sila ay nagtipun-tipon kasama ng matatanda. At nang makapagsangguni na sila, binigyan nila ng malaking halagang salapi ang mga bantay. 13Sinabi nila: Sabihin ninyo na dumating ang kaniyang mga alagad nang gabi habang kami ay natutulog at ninakaw nila si Jesus. 14Kapag ito ay narinig ng gobernador, hihimukin namin siya at ililigtas kayo sa inyong pananagutan. 15Kinuha nila ang salapi at ginawa ang ayon sa itinuro sa kanila. Ang ulat na ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa kasalukuyan.

 

Ang Dakilang Utos

 

 16Ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Jesus. 17Nang makita nila si Jesus, sinamba nila siya. Ngunit ang iba sa kanila ay nag-alinlangan. 18At lumapit si Jesus at nagsalita sa kanila, na sinasabi: Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay sa akin sa langit at sa lupa. 19Humayo nga kayo. Gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, inyong bawtismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. 20Turuan ninyo sila na ganapin ang lahat ng mga bagay na aking iniutos sa inyo. At narito, ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng kapanahunang ito. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Marcos

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13 | 14 | 15 | 16

Marcos 1

Inihanda ni Juan na Tagapagbawtismo ang Daan

1Ito ang pasimula ng ebanghelyo patungkol kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos.

   
 2Ito ang nasusulat sa aklat ng mga propeta:
      Narito, isusugo ko ang aking sugo na mauuna sa
      inyo. Siya ang maghahanda sa harap mo ng
      iyong daraanan. 3May isang tinig ng isang
      sumisigaw sa ilang. Sinabi niya: Ihanda ninyo
      ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang
      kaniyang mga landas.

    4Si Juan ay dumating na nagbabawtismo sa ilang. Ipinapangaral niya ang bawtismo ng pagsisisi para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. 5Pumunta sa kaniya ang lahat ng mga taga-Judea at lahat ng mga taga-Jerusalem. Inihahayag nila ang kanilang mga kasalanan, at lahat sila ay binawtismuhan ni Juan sa ilog ng Jordan. 6Ang damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at sa baywang niya ay may pamigkis na katad. Balang at pulut-pukyutan ang kaniyang kinakain. 7Kaniyang ipinapangaral ang ganito: Ang sumusunod sa hulihan ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kaniyang mga panyapak. 8Binabawtismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babawtismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.

 

Binawtismuhan ni Juan si Jesus

 

 9Pagkatapos noon ay dumating si Jesus mula sa Nazaret ng Galilea at binawtismuhan siya ni Juan sa ilog ng Jordan. 10Pagkaahon ni Jesus sa tubig ay nakita niyang nabuksan ang kalangitan. Ang Espiritu na katulad ng kalapati ay bumababa sa kaniya. 11Isang tinig na nagmula sa langit ang nagsabi: Ikaw ang pinakamamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.

   
 12Kaagad siyang itinaboy ng Espiritu sa ilang. 13Apatnapung araw siyang naroroon sa ilang at tinukso ni Satanas. Ang kasama niya roon ay maiilap na hayop. At pinaglingkuran siya ng mga anghel.

 

Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad

 

 14Pagkatapos maipabilango ni Herodes si Juan, pumunta sa Galilea si Jesus at nangaral ng ebanghelyo ng paghahari ng Diyos. 15Sinasabi niya: Naganap na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos. Magsisi kayo at sampalatayanan ninyo ang ebanghelyo.

   
 16Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon at ang kapatid nitong si Andres. Sila ay naghahagis ng lambat sa lawa sapagkat sila ay mga mangingisda. 17Sinabi ni Jesus sa kanila: Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng tao. 18Kaagad na iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.

   
 19Nang sila ay malayo-layo na, nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo at ang kapatid nitong si Juan. Sila ay nasa kanilang bangka at naghahayuma ng kanilang mga lambat. 20Agad din silang tinawag ni Jesus. Iniwan nila sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo kasama ang mga upahang katulong, at sumunod kay Jesus.

 

Nagpagaling si Jesus sa Capernaum

 

 21Dumating sila sa Capernaum. Pagdaka, pumasok si Jesus sa sinagoga nang araw ng Sabat at nagturo. 22Nanggilalas ang mga tao sa kaniyang turo sapagkat nagturo siya sa kanila bilang isang may kapamahalaan at hindi gaya ng mga guro ng kautusan. 23Sa kanilang sinagoga ay may lalaking inaalihan ng karumal-dumal na espiritu na sumisigaw. 24Sinasabi niya: Anong kaugnayan mayroon tayo sa isa't isa, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami ay lipulin? Kilala kita kung sino ka, ang Banal ng Diyos.

   
 25Sinaway siya ni Jesus na sinabi: Tumahimik ka! Lumabas ka sa kaniya! 26Matapos pangisayin ng karumal-dumal na espiritu ang lalaki at sumigaw nang malakas na tinig, ang karumal-dumal na espiritu ay lumabas mula sa kaniya.

   
 27Namangha ang lahat at sila-sila ay nagtanungan: Ano ito? Ano itong bagong turo? Kapag inuutusan niyang may kapamahalaan ang mga karumal-dumal na espiritu, sumusunod sila sa kaniya. 28Mabilis na kumalat ang balita patungkol kay Jesus sa palibot ng lupain ng Galilea.

   
 29Agad silang umalis sa sinagoga at pumunta sa bahay nina Simon at Andres. Kasama nila sina Santiago at Juan. 30Ang ina ng asawa ni Simon ay nakaratay na nilalagnat. Agad nilang sinabi kay Jesus ang patungkol sa kaniya. 31Nilapitan siya at ibinangon ni Jesus na hawak ang kaniyang kamay. Kaagad na inibsan ng lagnat ang babae at naglingkod sa kanila.

   
 32Sa pagdapit-hapon, pagkalubog ng araw, dinala nila kay Jesus ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo. 33Ang buong lungsod ay nagkatipon sa may pintuan. 34Marami siyang pinagaling na may iba't ibang sakit. Nagpalayas din siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinayagang magsalita ang mga demonyo sapagkat kilala nila kung sino siya.

 

Nanalangin si Jesus sa Isang Tahimik na Dako

 

 35Nang madaling-araw na, habang madilim pa, si Jesus ay bumangon at lumabas. Pumunta siya sa ilang na dako at doon ay nanalangin. 36Hinanap siya ni Simon at ng kaniyang mga kasama. 37Nang makita nila siya ay sinabi nila: Hinahanap ka ng lahat!

   
 38Sinabi niya sa kanila: Tayo na sa mga kabayanan upang makapangaral din ako roon sapagkat iyan ang layon ng pagparito ko. 39Kaya sa buong Galilea, si Jesus ay nangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.

 

Nilinis ni Jesus ang Lalaking Ketongin

 

 40At isang ketongin ang lumapit kay Jesus na namamanhik at naninikluhod sa kaniya. Sinabi niya kay Jesus: Kung ibig mo, malilinis mo ako!

   
 41Nahabag si Jesus. Iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo ang ketongin at sinabi: Ibig ko. Luminis ka. 42Nang masabi ito ni Jesus, biglang nawala ang ketong at luminis siya.

   
 43Agad siyang pinaalis ni Jesus na may mahigpit na bilin. 44Sinabi ni Jesus: Huwag na huwag mong sasabihin kaninuman ang nangyaring ito, sa halip, pumunta ka at magpakita sa saserdote. Maghain ka para sa iyong pagkalinis ayon sa iniutos ni Moises, bilang patotoo sa kanila. 45Ngunit nang lumabas ang tao ay ipinamalita at ikinalat sa marami ang nangyari sa kaniya. Dahil dito, hindi na hayagang makapasok ng lungsod si Jesus. Naroon na lamang siya sa mga ilang na pook sa labas ng bayan. Gayunman, pinuntahan pa rin siya ng mga tao buhat sa iba't ibang dako.

 

 

Marcos 2

 

Pinagaling ni Jesus ang Paralitiko

 

 1Makalipas ang ilang araw muling pumasok si Jesus sa Capernaum. Kumalat ang balita na siya ay nasa isang bahay. 2Kaagad na natipon ang maraming tao, anupa't wala nang matayuan kahit na sa may pintuan. Ipinangaral niya ang salita sa kanila. 3At pumunta sa kaniya ang apat na tao na pasan-pasan ang isang paralitiko. 4Hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, kayat binakbak nila at binutasan ang bubong sa tapat niya. Kanilang inihugos ang higaan na kinararatayan ng paralitiko. 5Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko: Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.

   
 6Ang ilang mga guro ng kautusan na nakaupo roon ay nagtatalo-talo sa kani-kanilang sarili: 7Bakit namumusong ng ganito ang taong ito? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan? Hindi ba ang Diyos lamang?

   
 8Nang matalos ni Jesus sa kaniyang espiritu ang kanilang pagtatalo, sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo pinagtatalunan ang mga bagay na ito? 9Alin ba ang higit na madaling sabihin sa paralitiko: Pinatawad na ang iyong mga kasalanan o tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka? 10Upang inyong malaman na ang Anak ng Tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan, sasabihin ko ito sa kaniya: 11Sinasabi ko sa iyo: Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka sa iyong bahay. 12Kaagad na tumindig ang paralitiko at binuhat ang kaniyang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Kaya nga, ang lahat ay namangha at niluwalhati ang Diyos na nagsasabi: Kailanman ay hindi tayo nakakita nang ganito!

 

Tinawag ni Jesus si Levi

 

 13Nagtungo muli si Jesus sa tabi ng lawa. Lahat ng mga tao ay pumunta sa kaniya at sila ay tinuruan niya. 14Sa kaniyang paglalakad ay nakita niya si Levi, na anak ni Alfeo, na nakaupo sa may singilan ng buwis. Sinabi sa kaniya ni Jesus: Sumunod ka sa akin. At siya ay tumindig at sumunod kay Jesus.

   
 15Nangyari nga nang si Jesus ay kumain sa bahay ni Levi, maraming mga maniningil ng buwis at makasalanan ang nakisalo sa kaniya at sa kaniyang mga alagad. Marami sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ang sumusunod kay Jesus. 16Nakita ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo na siya ay kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis. Sinabi nila sa kaniyang mga alagad: Bakit siya kumakain at umiinom na kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?

   
 17Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Ang nangangailangan ng manggagamot ay ang mga maysakit, hindi ang mga malulusog. Hindi ako naparito upang tawagin sa pagsisisi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.

 

Tinanong ng mga Tao si Jesus Patungkol sa Pag-aayuno

 

 18Ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo ay nag-aayuno. At sila ay lumapit kay Jesus at sinabi nila sa kaniya: Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?

   
 19At sinabi ni Jesus sa kanila: Makapag-aayuno ba ang mga panauhin ng lalaking ikakasal habang siya ay kasama nila? Hindi sila makapag-aayuno habang kasama nila ang lalaking ikakasal. 20Subalit darating ang mga araw na aalisin siya sa kanila at sila ay mag-aayuno sa mga araw na iyon.

   
 21Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit sapagkat ang bagong telang itinagpi, kapag umurong ay babatak sa lumang tela at ang punit ay lalong lalaki. 22Walang nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kung gagawin ito, papuputukin ng bagong alak ang sisidlang-balat. Masisira ang balat at matatapon ang alak. Ang bagong alak ay dapat isalin sa bagong sisidlang-balat.

 

Panginoon ng Sabat

 

 23Nangyari nga, isang araw ng Sabat, nang dumaan si Jesus sa triguhan ay kasama ang kaniyang mga alagad. Habang naglalakad sila, namigtal ng uhay ng mga trigo ang mga alagad. 24Kaya nga, ang mga Fariseo ay nagsabi sa kaniya: Narito, bakit ginagawa nila sa araw ng Sabat ang hindi ayon sa kautusan?

   
 25Sumagot si Jesus: Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David at ng kaniyang mga kasama nang sila ay nangailangan at nagutom? 26Nang si Abiatar ang pinunong-saserdote, pumasok si David sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na itinalaga sa Diyos na hindi dapat kainin. Ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyaon, ngunit kinain iyon ni David. Binigyan pa niya ang mga kasama niya. Hindi ba ninyo nabasa ito?

   
 27Sinabi ni Jesus sa kanila: Ang araw ng Sabat ay ginawa para sa tao at hindi ang tao para sa araw ng Sabat. 28Kaya nga, ako na Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.

 

Marcos 3

 

 1Muling pumasok si Jesus sa sinagoga at may lalaki doon na tuyot ang isang kamay. 2Minamatiyagan nila siya kung pagagalingin niya ang lalaking iyon sa araw ng Sabat upang may maiparatang sila sa kaniya. 3Sinabi ni Jesus sa lalaking tuyot ang kamay: Tumindig ka at pumunta ka sa kalagitnaan.

   
 4Sinabi niya sa kanila: Naaayon ba sa kautusan ang gumawa ng kabutihan o ang gumawa ng kasamaan sa araw ng Sabat? Ang magligtas ng buhay o pumatay? Ngunit hindi sila sumagot.

   
 5Tiningnan ni Jesus ang mga taong nasa paligid niya na may galit at pagdadalamhati dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi niya sa lalaki: Iunat mo ang iyong kamay. Iniunat niya ang kaniyang kamay at ito ay nanauli na gaya ng isa. 6Sa paglabas ng mga Fariseo, kaagad silang nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes kung paano nila maipapapatay si Jesus.

Sinundan si Jesus ng Maraming Tao

 7Umalis si Jesus kasama ang kaniyang mga alagad patungo sa lawa. Napakaraming taong mula sa Galilea at Judea ang sumunod sa kaniya. 8Maraming dumating mula sa Jerusalem, sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan at sa palibot ng Tiro at Sidon. Napakaraming tao ang pumaroon sa kaniya pagkarinig nila sa mga ginawa ni Jesus. 9Sinabi niya sa kaniyang mga alagad na maghanda para sa kaniya ng isang maliit na bangka upang hindi magsiksikan sa kaniya ang napakaraming tao. 10Ito ay sapagkat marami siyang pinagaling, kaya nagsiksikan sa kaniya ang mga naghihirap sa kanilang sakit upang mahipo siya. 11Nang makita siya ng mga karumal-dumal na espiritu, nagpatirapa ang mga ito sa harapan niya at sumigaw: Ikaw ang Anak ng Diyos! 12Ngunit mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nilang ihayag kung sino siya.

 

Tinawag ni Jesus ang Labindalawang Alagad

 

 13Umahon siya sa bundok, tinawag niya ang kaniyang mga maibigan at sila ay lumapit sa kaniya. 14Humirang siya ng labindalawang lalaki upang makasama niya at suguing mangaral. 15Ito ay upang magkaroon sila ng kapamahalaang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo. 16Si Simon ay tinagurian niyang Pedro. 17Si Santiago, na anak ni Zebedeo at ang kapatid niyang si Juan na tinagurian ni Jesus na mga Boanerges, na ang ibig sabihin ay mga taong tulad ng kulog. 18Sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago, na anak ni Alfeo, at si Tadeo at si Simon na kabilang sa mga Makabayan. 19At si Judas na taga-Keriot na siyang nagkanulo sa kaniya. Sila ay pumasok sa isang bahay.

 

Paanong Napalabas ni Satanas si Satanas

 

 20Muling nagkatipon ang napakaraming tao na anupa't si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay hindi man lamang makakain ng tinapay. 21Nang marinig ito ng kaniyang mga kamag-anak, sila ay pumaroon upang hulihin siya sapagkat sinasabi ng mga tao: Nasisiraan siya ng bait.

   
 22Ang mga guro ng kautusan na dumating mula sa Jerusalem ay nagsabi naman: Nasa kaniya si Beelzebul. Sa pamamagitan ng pinakapinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.

   
 23Pinalapit ni Jesus ang mga tao sa kaniya at nangusap sa kanila sa mga talinghaga. Paanong mapapalabas ni Satanas si Satanas? 24Kapag ang isang paghahari ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang paghaharing iyon ay hindi makakatayo. 25At kapag ang isang sambahayan ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang sambahayang iyon ay hindi makakatayo. 26Gayundin, kung si Satanas ay maghimagsik laban sa kaniyang sarili at mahati, hindi siya makakatayo kundi iyon na ang kaniyang wakas. 27Walang makakapasok sa anumang paraan sa bahay ng isang taong malakas at magnakaw at manira ng kaniyang ari-arian. Malibang magapos muna niya ang taong malakas saka pa lamang niya mananakawan at masisira ang bahay na iyon. 28Katotohanang sinasabi ko sa inyo, lahat ng kasalanan ay ipapatawad sa mga anak ng tao at ang anuman pamumusong. 29Ngunit ang sinumang mamusong laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin kailanman. Nanganganib siya sa walang hanggang kahatulan.

   
 30Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi nila: Mayroon siyang karumal-dumal na espiritu.

 

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus

 

 31Pagkatapos nito ay dumating ang ina at mga kapatid na lalaki ni Jesus. Sila ay nakatayo sa labas ng bahay at nagsugo na tawagin siya. 32Nakaupo ang napakaraming tao sa palibot niya. Sinabi ng mga sinugo sa kaniya: Narito, nasa labas ang iyong ina at mga kapatid, hinahanap ka.

   
 33Sinagot sila ni Jesus: Sino ang aking ina o mga kapatid?

   
 34Pagtingin niya sa mga taong nakaupo sa palibot, sinabi niya: Tingnan ninyo ang aking ina at mga kapatid. 35Ito ay sapagkat ang sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae at ina.

 

Marcos 4

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Manghahasik

 

 1Nagsimula muling magturo si Jesus sa tabi ng lawa. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao, kayat siya ay sumakay at umupo sa bangka na nasa lawa. Ang karamihan naman ay nasa lupa sa tabi ng lawa. 2Tinuruan niya sila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sa kaniyang pagtuturo, sinabi niya sa kanila: 3Makinig kayo! Narito, lumabas ang manghahasik upang maghasik. 4Nangyari na sa kaniyang paghahasik may binhing nalaglag sa tabi ng daan. At dumating ang mga ibon mula sa langit at tinuka at inubos ang binhi. 5Ang iba ay nalaglag sa lupang mabato na walang gaanong lupa at ito ay kaagad na sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa. 6Ngunit nang sumikat ang araw, ito ay nalanta at dahil ito ay walang mga ugat, ito ay natuyo. 7May binhi namang nalaglag sa dawagan. Lumago ang mga dawag at nasiksik ito kaya hindi namunga. 8Ang iba ay nalaglag sa matabang lupa. Ito ay tumubo, lumago at namunga. May namunga ng tatlumpu, may namunga naman ng animnapu at may namunga ng isangdaan.

   
 9Sinabi niya sa kanila: Ang may pandinig ay makinig.

   
 10Nang nag-iisa na si Jesus, ang mga nasa palibot niya, kasama ang labindalawang alagad ay nagtanong sa kaniya patungkol sa talinghaga. 11Sinabi niya sa kanila: Ang makaalam ng hiwaga ng paghahari ng Diyos ay ibinigay sa inyo. Ngunit sa kanila na nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa talinghaga. 12Ginawa ko ito sa ganitong paraan upang:
      Sa pagtingin, sila ay makakakita ngunit hindi
      makakatalos. Sa pakikinig, sila ay makakarinig
      ngunit hindi makakaunawa. Kung hindi gayon,
      sila ay manunumbalik at ang kanilang mga
      kasalanan ay mapapatawad.

   
 13At sinabi niya sa kanila: Hindi ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano nga ninyo malalaman ang lahat ng talinghaga? 14Ang manghahasik ay naghahasik ng salita. 15Ang binhing nahasik sa daan ay ang inihasik na salita. Nang ito ay napakinggan ng tao, agad na dumating si Satanas at kinuha ang naihasik na salita sa kanilang mga puso. 16Gayundin yaong naihasik sa batuhan. Nang marinig nila ang salita agad nila itong tinanggap na may galak. 17Dahil walang ugat sa kanilang sarili, ang mga ito ay pansamantalang nanatili. Nang dumating ang paghihirap at pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang natisod. 18Iyon namang naihasik sa dawagan ay yaong mga nakakarinig ng salita. 19Ang pagsusumakit sa kapanahunang ito, ang pandaraya ng kayamanan at ang mahigpit na paghahangad sa ibang mga bagay ay pumasok sa kanila. Ang mga ito ang sumiksik sa salita at naging sanhi ng hindi pagbubunga. 20Iyon namang naihasik sa matabang lupa, sila ang nakikinig at tumatanggap sa salita. Sila ay nagbubunga, ang isa ay tatlumpu, ang isa ay animnapu at ang isa ay isangdaan.

 

Ang Ilawan sa Ibabaw ng Patungan

 

 21Sinabi ni Jesus sa kanila: Dinadala ba ang ilawan upang ilagay sa loob ng takalan o sa ilalim ng higaan. Hindi ba inilalagay ito sa lagayan ng ilawan? 22Ito ay sapagkat ang anumang natatago ay mahahayag at ang mga bagay na nangyari sa lihim ay maibubunyag. 23Ang sinumang may pandinig ay makinig.

   
 24Sinabi niya sa kanila: Ingatan ninyong mabuti ang inyong naririnig, sa panukat na inyong ipinangsukat, kayo ay susukatin. At sa inyo na nakikinig, kayo ay bibigyan pa. 25Ito ay sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa. Ngunit siya na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin pa.

 

Ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo

 

 26Sinabi ni Jesus: Ang paghahari ng Diyos ay katulad sa isang tao na nagtanim ng binhi sa lupa. 27Siya ay natutulog at bumabangon araw at gabi. Ang binhi ay sumisibol at lumalaki na hindi niya nalalaman kung papaano. 28Ito ay sapagkat ang lupa mismo ang nagpapabunga sa mga binhi, una muna ang usbong, saka uhay, pagkatapos ay mga hitik na butil sa uhay. 29Kapag hinog na ang bunga, kaagad na ipinagagapas niya ito sapagkat dumating na ang anihan.

 

Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa

 

 30Gayundin, sinabi ni Jesus: Sa ano natin itutulad ang paghahari ng Diyos o sa anong talinghaga natin ihahambing ito? 31Katulad ito ng binhi ng mustasa na itinatanim sa lupa. Ito ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na itinatanim sa lupa. 32Kapag naitanim at lumago, ito ay nagiging pinakamalaki sa mga gulay. Lumalago ang mga sanga nito na anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay makakapamugad sa lilim nito.

   
 33Nangaral sa kanila si Jesus ng salita sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa kakayahan nilang makinig. 34Hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa pamamagitan ng talinghaga. Ngunit ipinapaliwanag niya nang bukod sa kaniyang mga alagad ang lahat ng mga bagay.

 

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo

 

 35Sa araw na iyon, nang gumabi na, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Tumawid tayo sa kabilang ibayo ng dagat. 36Kaya nga, nang napauwi na nila ang napakaraming tao, sumakay sila sa bangka na kinalululanan ni Jesus. Ngunit may kasabay siyang ibang maliliit na bangka. 37At dumating ang malakas na bagyo. Sinasalpok ng mga alon ang bangka na anupa't halos mapuno ito ng tubig. 38Si Jesus ay nasa hulihan at natutulog na may unan. Ginising nila siya at sinabi: Guro, bale wala ba sa iyo na tayo ay mapahamak?

   
 39Pagbangon ni Jesus, kaniyang sinaway ang hangin at sinabi: Pumanatag ka! At sinabi niya sa alon: Pumayapa ka! Tumigil ang hangin at nagkaroon ng lubos na kapayapaan.

   
 40Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Bakit kayo lubhang natakot? Paano nagkagayon na wala kayong pananampalataya?

   
 41Nagkaroon nga sila ng matinding takot at nagsabi sila sa isa't isa. Sino nga ba ito? Maging ang hangin at alon ay sumusunod sa kaniya.

 

 

Marcos 5

 

Pinagaling ni Jesus ang Inalihan ng Demonyo

 

 1Dumating sila sa kabilang ibayo ng lawa sa lupain ng mga taga-Gadara. 2Pagkababa ni Jesus mula sa bangka agad siyang sinalubong ng isang lalaking galing sa mga libingan na may karumal-dumal na espiritu. 3Siya ay may tirahan sa mga libingan at walang makagapos sa kaniya kahit na sa pamamagitan ng mga tanikala. 4Madalas siyang lagyan ng mga pangaw at tanikala ngunit nilalagot niya ang tanikala at pinagsisisira ng mga pangaw. Walang sinumang makapagpaamo sa kaniya. 5Palagi siyang sumisigaw, araw at gabi, sa mga bundok at sa mga libingan at sinusugatan niya ng bato ang kaniyang sarili.

   
 6Subalit pagkakita niya kay Jesus mula sa malayo, siya ay tumakbo at sinamba niya si Jesus. 7Sumigaw siya nang malakas: Ano ang kinalaman ko sa iyo, Jesus, Anak ng kataas-taasang Diyos? Ipangako mo sa Diyos na huwag mo akong pahirapan! 8Sapagkat sinabi sa kaniya ni Jesus: Lumabas ka sa taong iyan, karumal-dumal na espiritu!

   
 9Tinanong siya ni Jesus: Ano ang pangalan mo?
   Siya ay sumagot: Ang pangalan ko ay Hukbo, sapagkat marami kami. 10Nagmakaawa siya nang husto sa kaniya na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

   
 11Doon sa may libis ng bundok ay mayroong isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. 12Nagmakaawa ang lahat ng mga demonyo na nagsasabi: Papuntahin mo kami sa mga baboy upang sa kanila kami pumasok. 13Kaagad silang pinayagan ni Jesus. Ang mga karumal-dumal na espiritu ay lumabas sa lalaki at pumasok sa mga baboy at mabilis na tumakbong palusong tuloy-tuloy sa lawa. At lahat ay nalunod sa lawa. Ang kawan ng mga baboy ay halos dalawang libo ang bilang.

   
 14Ang mga nagpapakain ng mga baboy ay nagmamadaling tumakbo at ipinamalita ito sa lungsod at sa kabukiran. Pumunta roon ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari. 15Lumapit sila kay Jesus at nakita ang taong inalihan ng mga demonyo na nakaupo, nakadamit at nasa wastong pag-iisip. Siya ang nagkaroon ng isang Hukbo at sila ay natakot. 16Isinalaysay sa kanila ng mga nakasaksi ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at patungkol sa baboy. 17Nagsimula silang mamanhik kay Jesus na umalis sa kanilang lupain.

   
 18Nang sumakay na si Jesus sa bangka, namanhik ang inalihan ng mga demonyo na isama siya. 19Hindi siya pinayagan ni Jesus. Sa halip ay sinabi niya: Umuwi ka sa iyong bahay, sa iyong pamilya. Ibalita mo sa kanila kung ano ang ginawa sa iyo ng Panginoon at kung papaano ka niya kinahabagan. 20Siya ay umalis at nagsimulang maghayag sa Decapolis kung ano ang ginawa sa kaniya ni Jesus. Ang lahat ay namangha.

 

Ang Babaeng Maysakit at Batang Babaeng Patay

 

 21Si Jesus ay muling tumawid sa kabilang ibayo sakay ng isang bangka. Nagsiksikan sa kaniya ang napakaraming tao at siya noon ay nasa tabi ng lawa. 22Narito, lumapit ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita niya kay Jesus nagpatirapa siya sa kaniyang paanan. 23Siya ay namanhik nang lubos na nagsasabi: Nag-aagaw-buhay ang anak kong dalagita. Sumama ka sa akin, ipatong mo sa kaniya ang inyong mga kamay upang siya ay gumaling at mabuhay. 24Sumama si Jesus sa kaniya.
   Sumunod kay Jesus ang napakaraming tao at nagsiksikan sila sa kaniya. 25May isang babae roon na labindalawang taon nang dinurugo. 26Siya ay lubhang naghirap sa maraming manggagamot na tumingin sa kaniya. Naubos na ang lahat niyang ari-arian ngunit hindi pa rin siya napabuti kahit kaunti, bagkus ay lalo pa siyang lumubha. 27Nang marinig niya ang patungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa napakaraming tao hanggang sa likuran ni Jesus. Hinipo niya ang damit ni Jesus. 28Iniisip niya: Kung mahihipo ko lang ang kaniyang damit, ako ay gagaling. 29Dagling naampat ang kaniyang pagdurugo at nalaman niya sa kaniyang katawan na magaling na siya mula sa sakit na nagpapahirap sa kaniya.

   
 30Kaagad ding nalaman ni Jesus sa kaniyang sarili na may kapangyarihang lumabas sa kaniya. Pagbaling niya sa karamihan, nagtanong siya: Sinong humipo sa aking damit?

   
 31Sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad: Nakikita mong nagsisiksikan sa iyo ang napakaraming tao. Ngayon ay nagtatanong ka: Sinong humipo sa akin?

   
 32Nagpalinga-linga pa rin siya sa palibot upang tingnan ang babaeng gumawa nito. 33Ang babae ay natatakot at nanginginig sa pagkaalam ng nangyari sa kaniya. Siya ay lumapit at nagpatirapa sa harap ni Jesus at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34Sinabi ni Jesus: Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang payapa. Gumaling ka na sa sakit na nagpapahirap sa iyo.

   
 35Habang nagsasalita pa si Jesus, may mga taong dumating mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga. Sinabi nila: Ang anak mong babae ay patay na. Bakit inaabala mo pa ang guro?

   
 36Ngunit nang marinig ito ni Jesus, kaagad niyang sinabi sa pinuno ng sinagoga: Huwag kang matakot. Manampalataya ka lamang.

   
 37Hindi niya pinahintulutang sumama sa kanila ang sinuman maliban kina Pedro, Santiago at Juan na kapatid ni Santiago. 38Siya ay dumating sa bahay ng pinuno ng sinagoga. Nakita niya ang pagkakagulo ng mga tao, may umiiyak at humagulhol nang husto. 39Nang nakapasok na siya, sinabi niya sa kanila: Bakit kayo nagkakagulo at umiiyak? Ang bata ay hindi patay kundi natutulog lang. 40Pinagtawanan nila si Jesus.
   Nang maitaboy niya ang lahat, isinama niya ang ama at ina ng bata at ang mga kasama niya. Pumasok sila sa kinahihigaan ng bata. 41Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kaniya: Talitha kumi! Ang ibig sabihin nito ay: Dalagita, sinasabi ko sa iyo: Bumangon ka. 42Agad na bumangon ang dalagita at lumakad. Siya ay labindalawang taong gulang na. Lubhang namangha ang mga tao. 43Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag itong ipaalam kahit kanino. Sinabi rin niya na bigyan nila ng makakain ang dalagita.

 

 

Marcos 6

 

Ang Propetang Walang Karangalan

 

 1Si Jesus ay umalis doon at nagtungo sa kaniyang sariling lalawigan. Sumunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad. 2Nang sumapit ang Sabat, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Ang maraming nakarinig ay nanggilalas.
   Sinasabi nila: Saan kinuha ng taong ito ang ganitong ang mga bagay? At ano itong karunungang ibinigay sa kaniya na maging ang ganitong himala ay ginawa ng mga kamay niya? 3Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba kasama natin ang kaniyang kapatid na babae? Kaya nga, dahil sa kaniya natisod sila.

   
 4Subalit sinabi sa kanila ni Jesus: Ang isang propeta ay may karangalan maliban sa sarili niyang bayan, kamag-anak at sambahayan. 5Si Jesus ay hindi makagawa roon ng himala maliban lamang sa iilang maysakit. Ipinatong niya sa kanila ang kaniyang kamay at sila ay pinagaling. 6Namangha siya dahil sa kanilang di-pananampalataya. Gayunman pumunta siya sa mga nayon at nagturo roon.

 

Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad

 

 7Tinawag niya ang labindalawang alagad. Sila ay isinugo niyang dala-dalawa at binigyan ng kapamahalaan laban sa mga karumal-dumal na espiritu.

   
 8Inutusan niya sila na huwag magdadala ng anumang bagay sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Hindi rin sila pinagdadala ng pamigkis o tinapay o salapi sa bulsa. 9Pinagsusuot sila ng sandalyas. Gayundin hindi sila pinagsusuot ng dalawang balabal. 10Sinabi niya sa kanila: Saan mang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon hanggang kayo ay umalis. 11Ang sinumang hindi tumanggap o makinig sa inyo, sa pag-alis ninyo roon, ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong talampakan. Gawin ninyo ito bilang patotoo laban sa kanila. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Higit na mabigat ang parusa sa lungsod na iyon kaysa sa parusa sa Sodoma at Gomora sa araw ng paghuhukom.

   
 12Sa kanilang paghayo, ipinangaral nila sa mga tao na magsisi. 13Gayundin, maraming mga demonyo ang kanilang pinalabas, pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.

 

Pinugutan si Juan na Tagapagbawtismo

 

 14Narinig ni Herodes ang patungkol sa kaniya sapagkat bantog na ang pangalan ni Jesus. Sinabi ni Herodes: Si Juan na tagapagbawtismo ay bumangon mula sa mga patay kaya nakakagawa siya ng ganitong mga himala.

   
 15Ang iba ay nagsasabi: Siya ay si Elias.
   May nagsasabi naman: Siya ay isang propeta o gaya ng isa sa mga propeta.

   
 16Subalit nang marinig ito ni Herodes, sinabi niya: Ito nga si Juan na siyang pinapugutan ko na ng ulo. Bumangon siya mula sa mga patay.

   
 17Sinabi ito ni Herodes dahil siya ang nagsugo noon ng mga tao upang dakpin at itanikala sa bilangguan si Juan. Ito ay sapagkat kinuha niya si Herodias para maging kaniyang asawa. Si Herodias ay asawa ni Felipe na nakakabatang kapatid ni Herodes. 18Dahil sinabi ni Juan kay Herodes: Hindi matuwid na kunin mo ang asawa ng iyong kapatid. 19Kaya si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at hinangad niyang ipapatay ito ngunit hindi niya ito magawa. 20Wala siyang pagkakataong ipapatay si Juan sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Talastas niyang si Juan ay matuwid at banal na tao, kaya ipinagsanggalang niya siya. Sa pakikinig ni Herodes kay Juan, maraming bagay siyang ginawa. Gayunman, natutuwa siyang makinig sa kaniya.

   
 21At dumating ang pagkakataon ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes kaya ipinaghanda niya ng isang piging ang kaniyang mga matataas na opisyal, pinuno ng hukbo at mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22Ang anak na babae ni Herodias ay pumasok at sumayaw. Nasiyahan si Herodes at ang mga kasama niya sa kainan.
   Dahil dito sinabi ng hari sa dalagita: Hingin mo ang anumang ibigin mo at ibibigay ko sa iyo. 23Nanumpa siya sa dalagita: Ibibigay ko ang anumang iyong hingin kahit na kalahati ng aking paghahari.

   
 24Lumabas ang dalagita at tinanong ang kaniyang ina. Ano ang hihingin ko?
   Sinabi ng ina: Ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo.

   
 25Nagmamadaling pumasok ang dalagita sa kinaroroonan ng hari at humingi na nagsasabi: Ibig kong ibigay mo kaagad sa akin ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo na nakalagay sa isang bandehado.

   
 26Ang hari ay lubhang nagdalamhati. Ngunit dahil sa mga ginawa niyang panunumpa at sa mga panauhin hindi niya matanggihan ang dalagita. 27Kaagad na isinugo ng hari ang kaniyang sundalo na dalhin sa kaniya ang ulo ni Juan. Umalis ang sundalo at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 28Dinala ang kaniyang ulo na nasa bandehado at ibinigay ito sa dalagita. Ibinigay naman ito ng dalagita sa kaniyang ina. 29Pumunta roon ang mga alagad ni Juan nang marinig nila ito. Kinuha nila ang bangkay at inilibing.

 

Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki

 

 30Ang mga apostol ay magkakasamang nagkatipun-tipon kay Jesus at iniulat sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa at itinuro. 31Sinabi ni Jesus sa kanila: Sumama kayo sa akin sa isang ilang na dako at mamahinga sandali. Dahil marami ang pumaparoon at pumaparito, wala na silang panahong kumain.

   
 32Kaya umalis silang lulan ng bangka patungo sa isang ilang na dako. 33Nakita sila ng napakaraming tao sa kanilang pag-alis, at marami ang nakakilala kay Jesus. Nagtakbuhan sila mula sa lahat ng mga lungsod at nauna pang dumating sa kanila. Sama-sama silang lumapit kay Jesus. 34Pagkalunsad ni Jesus, nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila sapagkat sila ay parang mga tupang walang pastol. Sinimulan niyang turuan sila ng maraming bagay.

   
 35Nang palubog na ang araw, lumapit kay Jesus ang kaniyang mga alagad. Kanilang sinabi: Ang lugar na ito ay ilang at gumagabi na. 36Paalisin ninyo ang mga tao upang pumunta sa mga karatig pook at nayon upang makabili sila ng kanilang makakain sapagkat sila ay walang makakain.

   
 37Subalit sinabi ni Jesus sa kanila: Bigyan ninyo sila ng makakain.
   At sinabi nila sa kaniya: Aalis ba kami at bibili ng halagang dalawang daang denariong tinapay at ipapakain sa kanila?

   
 38At sinabi niya sa kanila: Ilang tinapay mayroon tayo? Lumakad kayo at tingnan ninyo.
   Nang kanilang malaman sinabi nila: Limang tinapay at dalawang isda.

   
 39Inutusan sila ni Jesus na paupuin nang pangkat-pangkat sa luntiang damo ang lahat ng mga tao. 40Kayat sila ay umupo nang pangkat-pangkat na tig-iisangdaan at tiglilimampu. 41Nang kunin niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin siya sa langit at pinagpala niya ito. Pinagputul-putol niya ang tinapay at ibinigay sa kaniyang mga alagad upang idulot naman nila sa mga tao. Gayundin, ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda. 42Nakakain silang lahat at nabusog. 43Kanilang kinuha ang mga lumabis na pira-pirasong tinapay at isda, at nakapuno sila ng labindalawang bakol. 44Ang mga nakakain ng tinapay ay halos limang libong lalaki.

 

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig

 

 45Agad na inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na sumakay sa bangka at pinauna sa kabilang ibayo patungong Betsaida. Siya ay nagpaiwan upang pauwiin ang napakaraming tao. 46Nang makagpaalam si Jesus sa mga tao, siya ay umahon sa bundok upang manalangin.

   
 47Nang gumabi na, ang bangka na sinasakyan ng mga alagad ay nasa gitna na ng lawa, at si Jesus ay nag-iisa sa lupa. 48Nakita niyang nahihirapan sila sa paggaod sapagkat pasalungat ang hangin sa kanila. Nang madaling-araw na, pumunta sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng lawa na tila lalampasan sila. 49Pagkakita nila sa kaniya na lumalakad sa ibabaw ng lawa ay inakala nilang siya ay multo, kaya napasigaw sila. 50Ito ay sapagkat nakita siya ng lahat at sila ay lubhang natakot.
   Subalit kaagad niyang sinabi sa kanila: Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito, huwag kayong matakot. 51Sumakay siya sa bangka at humupa ang hangin. Lubos silang nanggilalas at namangha. 52Ang dahilan nito ay hindi nila maunawaan ang nangyari sa tinapay dahil sa katigasan ng kanilang mga puso.

   
 53Nang sila ay nakatawid na ng lawa, dumating sila sa lupain ng Genesaret at dumaong sa dalampasigan. 54Sa kanilang paglunsad mula sa bangka kaagad na nakilala ng mga tao si Jesus. 55Sa paglibot ng mga tao sa paligid, sinimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. Dinadala nila ang mga maysakit saan man nila mabalitaang naroroon siya. 56Saan man pumasok si Jesus, maging sa nayon, o lungsod o karatig pook ay inilalagay nila sa mga pamilihang dako ang mga maysakit. Ipinamamanhik nila sa kaniya na payagan silang mahipo man lamang ang laylayan ng kaniyang damit. Lahat ng nakahipo sa kaniya ay gumaling.

 

 

Marcos 7

 

Ang Malinis at ang Marumi

 

 1Sama-samang nagkatipun-tipon sa kinarooronan ni Jesus ang mga Fariseo at ilang mga guro ng kautusan na nagmula sa Jerusalem. 2Nakita nila ang ilan sa mga alagad ni Jesus na kumakain ng tinapay na may madungis na mga kamay. Pinulaan nila ang mga alagad. 3Ito ay sapagkat ang mga Fariseo at lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makakapaghugas sila sa natatanging paraan ng kanilang mga kamay. Pinanghahawakan nila ang kaugalian ng mga matanda. 4Kapag galing sa pamilihang dako, hindi rin sila kumakain nang hindi muna sila naghuhugas ng kanilang sarili. Marami pang ibang mga bagay ang kanilang pinanghahawakan na kanilang tinanggap at sinusunod. Ito ay tulad ng paglubog ng saro, ng banga, ng mga kagamitang tanso at ng mga higaan.

   
 5Kayat tinanong siya ng mga Fariseo at ng mga guro ng kautusan. Bakit hindi lumalakad ang mga alagad mo ayon sa mga kaugalian ng mga matanda? Subalit kumakain sila ng tinapay, na hindi naghuhugas sa natatanging paraan ng kanilang mga kamay.

   
 6Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Tama ang pagkahayag ni Isaias patungkol sa inyo, mga mapagpaimbabaw. Ito ay gaya ng nasusulat:
      Iginagalang ako ng mga taong ito sa pamamagitan
      ng kanilang mga labi, ngunit ang kanilang mga
      puso ay malayo sa akin. 7Sinasamba nila ako
      nang walang kabuluhan, na nagtuturo ng mga
      turong utos ng tao.

    8Ito ay sapagkat iniwanan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghawakan ang mga kaugalian ng mga tao tulad ng paglubog sa natatanging paraan ng mga banga at mga saro. Marami pang ganitong mga bagay ang inyong ginagawa.

   
 9Sinabi pa niya sa kanila: Napakahusay ninyong magpawalang-bisa sa utos ng Diyos, upang masunod ninyo ang inyong mga kaugalian. 10Sinabi nga ni Moises: Igalang mo ang iyong ama at ina. Sinabi rin niya: Ang magsalita ng masama sa kaniyang ama o ina ay dapat siyang mamatay. 11Subalit sinasabi ninyo: Kapag ang isang tao ay magsabi sa kaniyang ama at ina: Ang aking kaloob na salapi na kapaki-pakinabang sa inyo ay Corban. Ang ibig sabihin nito ay inihandog sa Diyos. 12Sa gayong paraan ay pinahihintulutan ninyo siya na hindi na siya gumawa ng anumang bagay para sa kaniyang ama at ina. 13Winawalang kabuluhan nga ninyo ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong kaugalian, na inyong ibinigay. Marami pang bagay na tulad nito ang ginagawa ninyo.

   
 14Muling pinalapit ni Jesus sa kaniya ang napakaraming tao at sinabi niya sa kanila: Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain ang aking mga salita. 15Ang nagpaparumi sa tao ay hindi ang pumapasok sa kaniya mula sa labas kundi ang lumalabas sa kaniya. 16Ang sinumang may tainga na nakakarinig ay makinig.

   
 17Iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at nang makapasok siya sa bahay, tinanong siya ng kaniyang mga alagad patungkol sa talinghaga. 18Sinabi niya sa kanila: Kayo ba ay wala ring pang-unawa? Hindi ba ninyo nauunawaan na anumang bagay na pumasok sa tao mula sa labas ay hindi nagpaparumi sa kaniya? 19Ito ay sapagkat hindi ito pumapasok sa kaniyang puso kundi sa tiyan at ito ay idinudumi sa palikuran. Sinabi ito ni Jesus upang ipahayag na ang lahat ng pagkain ay malinis.

   
 20Sinabi niya: Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kaniya. 21Ito ay sapagkat mula sa loob, sa puso ng tao nagmumula ang masamang kaisipan, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagpatay. 22Mga pagnanakaw, mga pag-iimbot, mga kasamaan, pandaraya, kalibugan, pagkainggit, matang masama, pamumusong, kayabangan at kahangalan. 23Ang lahat ng kasamaang ito ay nagmumula sa loob at siyang nagpaparumi sa tao.

 

Ang Pananampalataya ng Babaeng Taga-Sirofenicia

 

 24Mula roon, umalis si Jesus at pumunta sa mga lupaing nasasakupan ng Tiro at Sidon. Pumasok siya sa bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na naroroon siya, ngunit hindi siya makapagtago. 25Ito ay sapagkat narinig ng isang inang may anak na babae, na inaalihan ng karumal-dumal na espiritu, na naroroon si Jesus. Pumunta siya kay Jesus at nagpatirapa sa kaniyang paanan. 26Ang babae ay taga-Grecia, ipinanganak sa Sirofenicia. Hiniling niya kay Jesus na palabasin ang demonyo mula sa kaniyang anak.

   
 27Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Hayaan munang mabusog ang mga anak sapagkat hindi mabuti na kunin sa mga anak ang tinapay at itapon sa mga aso.

   
 28Subalit ang babae ay sumagot kay Jesus: Totoo, Panginoon. Sapagkat maging ang mga aso man na nasa ilalim ng hapag kainan ay kumakain ng mga nahuhulog na mumo mula sa mga anak.

   
 29Sinabi ni Jesus sa kaniya: Dahil sa sinabi mong ito, lumakad ka na. Lumabas na ang demonyo sa iyong anak.

   
 30Pagdating ng babae sa kaniyang bahay, nakita niyang lumabas na ang demonyo sa kaniyang anak. Ang kaniyang anak ay nakahiga sa kama.

 

Ang Pagpapagaling sa Lalaking Bingi at Pipi

 

 31Muling umalis si Jesus sa lupaing nasasakupan ng Tiro at Sidon, at dumating siya sa lawa ng Galilea hanggang sa sakop ng Decapolis. 32Kanilang dinala sa kaniya ang isang lalaking bingi na nahihirapang magsalita. Ipinamanhik nila sa kaniya na ipatong niya sa lalaking ito ang kaniyang mga kamay.

   
 33Nang mailayo siya ni Jesus mula sa napakaraming tao, isinuot niya ang kaniyang daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura si Jesus at hinipo ang dila nito. 34Sa pagtingala niya sa langit, siya ay dumaing at sinabi sa lalaki: Efata. Ang ibig sabihin nito ay: Mabuksan. 35Kaagad na nabuksan ang mga tainga ng lalaki. Nakalag ang tali na pumipigil sa kaniyang dila at nagsalita na siya nang malinaw.

   
 36Iniutos sa kanila ni Jesus na huwag itong sasabihin kaninuman. Ngunit kung gaano silang pinagbawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. 37Sila ay lubhang nanggilalas na nagsasabi: Ang lahat ng kaniyang ginawa ay napakabuti. Ginawa niyang ang bingi ay makarinig at ang pipi ay makapagsalita.

 

 

Marcos 8

 

Pinakain ni Jesus ang Apat na Libong Tao

 

 1Nang mga araw na iyon, ang mga tao ay napakarami. Walang makain ang mga ito kaya tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: 2Ako ay nahahabag sa mga tao, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at walang makain. 3Kung pauwin ko sila sa kanilang tirahan na hindi pa nakakakain, manlulupaypay sila sa daan sapagkat malayo pa ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.

   
 4Sinabi ng mga alagad: Papaano mapapakain ng sinuman ang mga taong ito ng tinapay sa ilang na dakong ito?

   
 5Tinanong niya sila: Ilan ang inyong tinapay diyan?
   Sumagot sila: Pito.

   
 6Iniutos niya sa napakaraming tao na maupo sa lupa. Nang makuha niya ang pitong tinapay at makapagpasalamat, pinagpira-piraso niya ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad upang idulot sa mga tao. Idinulot nila ang mga ito sa mga tao. 7Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Nang mapagpala niya ito ay ninais din niyang ito ay maidulot sa kanila. 8Kumain ang lahat at sila ay nabusog. Kanilang kinuha ang lumabis na pira-pirasong tinapay. Nakapuno sila ng pitong kaing. 9Iyong mga nakakain ay halos apat na libo. Nang magkagayon, pinauwi sila ni Jesus. 10Kapagdaka, nang siya ay sumakay sa bangka kasama ng kaniyang mga alagad. Nagtungo sila sa mga sakop ng Dalmanuta.

 

Hiningan si Jesus ng Tanda

 

 11Lumabas ang mga Fariseo at nagsimulang makipagtalo sa kaniya. Hinahanapan siya ng isang tanda mula sa langit, upang subukin siya. 12Dumaing siya sa kaniyang espiritu na sinasabi: Bakit mahigpit na naghahangad ng tanda ang lahing ito? Tunay na sinasabi ko sa inyo: Hindi bibigyan ng isang tanda ang mga tao sa panahong ito. 13Pagkaiwan niya sa kanila at pagkasakay muli sa bangka, tumawid siya sa kabilang ibayo.

 

Mag-ingat sa Pampaalsa ng mga Fariseo at ni Herodes

 

 14Nalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay maliban sa iisang tinapay na dala nila sa bangka. 15Sila ay pinagbilinan ni Jesus na sinasabi: Narito, mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Fariseo at sa pampaalsa ni Herodes.

   
 16Sila ay nangatwiranan sa isa't isa na nagsasabi: Ito ay sapagkat wala tayong tinapay.

   
 17Sa pagkaalam nito sinabi sa kanila ni Jesus: Bakit kayo nangangatwiran sa isa't isa? Ito ba ay dahil sa wala kayong tinapay? Hindi ba ninyo napag-iisipan at nauunawaan? Pinatigas na ba ninyo ang inyong puso? 18Mayroon kayong mga mata, hindi ba ninyo nakikita? Mayroon kayong mga tainga, hindi ba ninyo naririnig? Hindi ba ninyo maalaala? 19Noong putul-putulin ko ang limang tinapay para sa limang libo at inipon ninyo ang natirang tinapay, ilang bakol ang napuno?
   Sinabi nila sa kaniya: Labindalawa.

   
 20Nang putul-putulin ko ang pitong tinapay para sa apat na libo at ipunin ninyo ang natirang tinapay, ilang kaing ang napuno ninyo?
   Sinabi nila: Pito.

   
 21Sinabing muli ni Jesus sa kanila: Paanong hindi ninyo nauunawaan?

 

Ang Pagpapagaling sa Lalaking Bulag na Taga-Betsaida

 

 22Siya ay pumunta sa Betsaida at kanilang dinala sa kaniya ang isang lalaking bulag. Ipinamanhik nila sa kaniya na siya ay hipuin ni Jesus. 23Sa paghawak ni Jesus sa kamay ng lalaking bulag, kaniyang inakay siya na palabas sa nayon. Niluraan niya ang mga mata ng bulag at ipinatong ang kaniyang kamay sa kaniya. Tinanong siya ni Jesus: May nakita ka bang anuman?

   
 24Pagtingala niya ay kaniyang sinabi: Nakikita ko ang mga tao na parang mga punong-kahoy na lumalakad.

   
 25Muling ipinatong ni Jesus ang kamay niya sa kaniyang mga mata at muli siyang pinatingala. Siya ay napanauli at malinaw niyang nakikita ang lahat ng mga tao. 26Pinauwi siya ni Jesus sa kaniyang bahay na sinasabi: Huwag kang papasok sa anumang nayon at huwag mo itong sasabihin sa kaninuman.

 

Ang Pahayag ni Pedro Patungkol sa Mesiyas

 

 27Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay umalis patungo sa mga nayon ng Cesarea Filipo. Habang sila ay nasa daan, tinanong sila ni Jesus: Ayon sa sinasabi ng mga tao, sino raw ako?

   
 28Sumagot sila: Ang sabi ng iba: Si Juan na tagapagbawtismo. Ang sabi ng ilan: Si Elias. Ngunit ang iba ay nagsabing ikaw ay isa sa mga propeta.

   
 29Sinabi niya sa kanila: Ngunit ayon sa inyo, sino ako?
   Sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya: Ikaw ang Mesiyas.

   
 30Kaya mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag nilang sasabihin sa kaninuman ang patungkol sa kaniya.

 

Ipinahayag ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

 

 31Sinimulan niyang magturo sa kanila: Kinakailangang ang Anak ng Tao ay maghirap ng maraming bagay at tanggihan ng mga matanda, mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at ipapapatay. At pagkalipas ng tatlong araw ay muling mabubuhay. 32Hayagang sinabi ito ni Jesus sa kanila. Gayunman, isinama siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang sawayin siya.

   
 33Ngunit sa paglingon at pagkakita ni Jesus sa kaniyang mga alagad, sinaway niya si Pedro na sinasabi: Pumunta ka sa likuran ko, Satanas. Ito ay sapagkat hindi ukol sa Diyos ang iniisip mong mga bagay kundi ukol sa mga tao.

 

Tanggihan ang Sarili at Sumunod sa Akin

 

 34Pinalapit ni Jesus ang mga tao kasama ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin. 35Ito ay sapagkat ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Datapuwat ang sinumang mawalan ng buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas niya ito. 36Ano ang mapapakinabangan ng isang tao kung makamtan man niya ang buong sanlibutan at mawala ang kaniyang kaluluwa? 37Ano ang maibibigay ng tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa? 38Ito ay sapagkat ang sinumang magkakahiya sa akin at sa aking mga salita sa harapan ng lahing ito na mapangalunya at makasalanan ay ikakahiya rin ng Anak ng Tao pagdating niya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.

 

 

Marcos 9

 

 1Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Mayroong ilang nakatayo rito na sa anumang paraan ay hindi makakaranas ng kamatayan hangga't hindi nila nakikita ang paghahari ng Diyos na dumating na may kapangyarihan.

 

Ang Pagbabagong Anyo

 

 2Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan. Dinala niya silang bukod sa mataas na bundok na sila lang ang naroroon. Siya ay nagbagong anyo sa harap nila. 3Ang kaniyang kasuotan ay naging makinang, pumuti na gaya ng niyebe. Walang tagapagpaputi ng damit sa lupa ang makapagpapaputi ng ganoon. 4Si Elias, kasama ni Moises ay nagpakita sa kanila na nakikipag-usap kay Jesus.

   
 5Si Pedro ay nagsabi kay Jesus: Guro, mabuti para sa amin na kami ay naririto. Magtatayo kami ng tatlong kubol, isa para sa iyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias. 6Hindi niya alam ang kaniyang sasabihin sapagkat sila ay takot na takot.

   
 7At dumating ang isang ulap at nililiman sila. Narinig nila ang isang tinig mula sa ulap na nagsasabi: Ito ang minamahal kong Anak, pakinggan ninyo siya.

   
 8Ngunit kapagdaka sa pagtingin nila sa paligid, wala na silang nakitang sinuman kundi si Jesus na lamang na kasama nila.

   
 9Habang sila ay bumababa mula sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus na huwag nilang sabihin kaninuman ang kanilang nakita malibang mabuhay mula sa mga patay ang Anak ng Tao. 10Iningatan nila sa kanilang sarili ang pananalitang ito at nagtatanungan sila kung ano ang ibig sabihin ng pagkabuhay mula sa mga patay.

   
 11Tinanong nila si Jesus: Bakit sinasabi ng mga guro ng kautusan na dapat munang dumating si Elias?

   
 12Sumagot si Jesus: Tunay na darating muna si Elias, at kaniyang pananauliin ang lahat ng mga bagay. Bakit isinulat ang patungkol sa Anak ng Tao na siya ay magdurusa ng maraming mga bagay at siya ay hahamakin? 13Subalit sinasabi ko sa inyo: Si Elias ay dumating na. Ginawa sa kaniya ang anumang inibig nila ayon sa nasusulat patungkol sa kaniya.

 

Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu

 

 14Sa paglapit nila sa mga alagad, nakita niya ang napakaraming tao na nakapalibot sa kanila. Ang mga guro ng kautusan ay nakikipagtalo sa kanila. 15Kapagdaka nang makita siya ng lahat, sila ay lubhang nagtaka at naglapitan na bumabati sa kaniya.

   
 16Tinanong niya ang mga guro ng kautusan: Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?

   
 17Sumagot ang isa mula sa napakaraming tao: Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na may piping espiritu na siyang dahilan ng kaniyang pagkapipi. 18Tuwing siya ay sinusunggaban nito, siya ay ibinabalibag nito. Bumubula ang kaniyang bibig at nagngangalit ang kaniyang mga ngipin at siya ay nanunuyot. Sinabi ko sa iyong mga alagad na palabasin ang espiritu ngunit hindi nila kaya.

   
 19Sinabi ni Jesus: O lahing walang panananampalataya, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin.

   
 20Dinala nga nila siya kay Jesus. Pagkakita kay Jesus, kaagad na pinangisay ng espiritu ang bata. Bumagsak ito sa lupa at nagpagulong-gulong na bumubula ang bibig.

   
 21Tinanong ni Jesus ang ama ng bata: Kailan pa nangyari sa kaniya ang ganito?
    Sinabi ng ama: Mula pa sa pagkabata. 22Madalas siyang itapon sa apoy at tubig upang siya ay patayin nito. Ngunit kung may magagawa ka, tulungan mo kami, mahabag ka sa amin.

   
 23Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung sumampalataya ka, ang lahat ay maaaring mangyari sa kaniya na sumasampalataya.

   
 24Kaagad na sumigaw na may luha ang ama ng bata: Sumasampalataya ako, Panginoon. Tulungan mo ako sa kawalan ko ng pananampalataya.

   
 25Nang makita ni Jesus na patakbong dumarating ang mga tao, sinaway niya ang karumal-dumal na espiritu: Sinabi niya: Espiritu ng pipi at bingi, inuutos ko sa iyo na lumabas ka sa kaniya at huwag ka nang papasok sa kaniya.

   
 26Ang espiritu ay sumigaw, pinangisay ang bata at lumabas sa kaniya. Nagmistulang patay ang bata na anupa't marami ang nagsabi na patay na ang bata. 27Ngunit nang hawakan siya ni Jesus sa kamay at ibangon, ang bata ay bumangon.

   
 28Nang makapasok si Jesus sa bahay, tinanong siya nang bukod ng kaniyang mga alagad: Bakit hindi namin siya mapalabas?

   
 29Sinabi niya sa kanila: Ang ganitong uri ay hindi mapapalabas maliban sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno.

   
 30Sa kanilang pag-alis mula roon, dumaan sila sa Galilea. Ayaw ni Jesus na malaman ng sinuman na siya ay naroroon. 31Ito ay sapagkat tinuturuan niya ang kaniyang mga alagad. Sinasabi niya sa kanila: Ang Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao at siya ay papatayin nila. Pagkatapos ay babangon siya sa ikatlong araw. 32Hindi nila ito naunawaan at natakot silang tanungin siya.

 

Sino ang Pinakadakila?

 

 33Dumating siya sa Capernaum. Nang siya ay nasa bahay, tinanong niya sila: Ano ang pinagtatalunan ninyo habang kayo ay nasa daan? 34Ngunit sila ay tumahimik sapagkat ang kanilang pinagtatalunan habang nasa daan ay kung sino ang pinakadakila sa kanila.

   
 35Umupo siya at tinawag ang labindalawang alagad. Sinabi niya sa kanila: Kung ang sinuman ay nagnanais maging una ay mahuhuli sa lahat at maging tagapaglingkod ng lahat.

   
 36Kinuha niya ang isang maliit na bata, dinala sa kalagitnaan nila at kinalong niya ito. Sinabi niya sa kanila: 37Sinumang tumanggap sa maliit na batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay ako ang tinatanggap. Sinumang tumanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.

 

Sinumang Hindi Laban sa Atin ay Panig sa Atin

 

 38Sumagot sa kaniya si Juan: Guro, nakita namin ang isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan mo. Ngunit hindi siya sumusunod sa atin. Pinagbawalan namin siya sapagkat hindi siya sumusunod sa atin.

   
 39Ngunit sinabi ni Jesus: Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat walang taong gumagawa ng himala sa pangalan ko at makakapagsalita agad ng masama laban sa akin. 40Ito ay sapagkat ang hindi laban sa inyo ay panig sa inyo. 41Dahil kayo ay kay Cristo maaaring may magbigay sa inyo ng isang basong tubig sa pangalan ko. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tiyak na hindi mawawalan ng gantimpala ang taong iyon.

 

Ang Sanhi ng Pagkakasala

 

 42Ang sinuman ay maaaring maging sanhi ng pagkatisod ng isa sa mga maliliit na ito na nananampalataya sa akin. Mabuti pa sa kaniya na talian ng gilingang-bato sa leeg at itapon siya sa dagat. 43Kapag ang kamay mo ang naging sanhi ng iyong pagkakatisod, putulin mo ito. Mabuti pa sa iyo na pumasok sa buhay na putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na pumunta sa impiyerno. Ang apoy doon ay hindi namamatay. 44Doon ay hindi namamatay ang kanilang uod at hindi namamatay ang apoy. 45Gayundin kapag ang isang paa mo ang naging sanhi ng iyong pagkakatisod, putulin mo ito. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na itapon sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. 46Doon ay hindi namamatay ang kanilang uod at hindi namamatay ang apoy. 47Kapag ang mata mo ang naging sanhi ng iyong pagkakatisod, dukitin mo ito. Mabuti pa sa iyo na pumasok sa paghahari ng Diyos na iisa ang mata kaysa may dalawang mata na itapon sa impiyerno ng apoy.
    48Doon ay hindi namamatay ang kanilang uod
      at hindi namamatay ang apoy.

   
 49Ito ay sapagkat ang bawat isa ay aasnan ng apoy at ang bawat hain ay aasnan ng asin.

   
 50Mabuti ang asin, ngunit kapag ito ay tumabang, paano pa ito muling aalat? Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili at magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't isa.

 

 

Marcos 10

 

Pagpapalayas ng Lalaki sa Asawang Babae

 

 1Si Jesus ay umalis doon. Dumaan siya sa kabilang ibayo ng Jordan, at pumunta sa mga nasasakupan ng Judea. Muling dumating ang napakaraming tao sa kaniya at tulad ng kinaugalian niya, sila ay tinuruan niyang muli.

   
 2Ang mga Fariseo, na lumapit kay Jesus, ay nagtanong upang subukin siya: Matuwid ba sa lalaki na palayasin ang kaniyang asawa?

   
 3Sumagot si Jesus na sinasabi sa kanila: Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?

   
 4Sumagot sila: Ipinahintulot ni Moises na sumulat ng katibayan ng paghihiwalay at palayasin siya.

   
 5Sa pagsagot ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Dahil sa katigasan ng inyong puso sinulat niya para sa inyo ang utos na ito. 6Ngunit buhat pa sa pasimula ng paglalang, ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.
    7Dahil dito iiwan ng lalaki ang kaniyang ama
      at ina at siya ay makikipag-isa sa kaniyang
      asawa. 8Ang dalawa ay magiging isang laman

   kaya hindi na sila dalawa kundi isang laman. 9Kaya nga, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.

   
 10Sa bahay, siya ay muling tinanong ng kaniyang mga alagad patungkol sa bagay na ito. 11Sinabi niya sa kanila: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kaniyang asawa. 12Gayundin kapag pinalayas ng babae ang kaniyang asawa at nag-asawa ng iba, siya ay nangangalunya rin.

 

Si Jesus at ang Maliliit na Bata

 

 13Dinala nila kay Jesus ang maliliit na bata upang mahipo niya, ngunit sinaway ng mga alagad ang nagdala sa mga bata. 14Subalit lubhang nagalit si Jesus nang makita ito. Sinabi niya sa kanila: Pahintulutan ninyong lumapit sa akin ang mga bata at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng Diyos. 15Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos nang tulad sa isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon sa anumang paraan. 16Nang makalong ni Jesus at maipatong ang kaniyang mga kamay sa mga bata, pinagpala niya sila.

 

Ang Mayamang Pinuno

 

 17Nang papaalis na si Jesus, may isang lalaking patakbong lumapit sa kaniya. Ang lalaki ay lumuhod sa harapan niya at tinanong siya: Mabuting guro, ano ang gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?

   
 18Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Bakit mo ako tinawag na mabuti? Walang mabuti kundi isa lang, ang Diyos. 19Alam mo ang mga utos: Huwag kang mangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnakaw, huwag kang sumaksi sa kasinungalingan, huwag kang mandaya. Igalang mo ang iyong ama at ina.

   
 20Sinabi ng lalaki sa kaniya: Guro, ang lahat ng mga bagay na ito ay aking sinunod mula sa aking kabataan.

   
 21Tiningnan siya ni Jesus at inibig siya. Sinabi niya sa kaniya: Isang bagay ang kulang sa iyo. Humayo ka at ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik. Ibigay mo ang salapi sa mga dukha at magkakaroon ka ng nakaimbak na kayamanan sa langit. Pagkatapos pumarito ka, pasanin mo ang krus at sumunod ka sa akin.

   
 22Ang lalaki ay nalungkot sa salitang ito at siya ay umalis na namimighati sapagkat marami siyang pag-aari.

   
 23Sa pagtingin sa palibot, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Napakahirap para sa mga mayroong kayamanan ang pumasok sa paghahari ng Diyos.

   
 24Namangha ang mga alagad sa kaniyang mga salita. Muling sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Mga anak, napakahirap makapasok sa paghahari ng Diyos ang mga nagtitiwala sa kanilang kayamanan. 25Madali pang dumaan ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa pumasok ang isang mayaman sa paghahari ng Diyos.

   
 26Sila ay lubhang nanggilalas at nagtanungan sa isa't isa: Sino kaya ang maaaring maligtas?

   
 27Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi: Ang mga ito ay hindi maaaring magawa ng mga tao subalit hindi gayon sa Diyos sapagkat ang lahat ng mga bagay ay maaaring magawa ng Diyos.

   
 28Pagkatapos, si Pedro ay nagsimulang magsabi sa kaniya: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo.

   
 29Sumagot si Jesus at sinabi: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: May mga taong nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o asawang babae, o mga anak o mga bukid dahil sa akin at dahil sa ebanghelyo. 30Ang sinumang nag-iwan ng mga ito ay tatanggap ngayon sa panahong ito ng tig-iisangdaang dami ng gayon. Tatanggap siya ng mga bahay, mga kapatid na lalaki at babae, mga ina, mga anak at mga lupain. Tatanggapin niya ang mga ito na may pag-uusig ngunit sa darating na kapanahunan, siya ay tatanggap ng buhay na walang hanggan. 31Subalit maraming nauna na mahuhuli. Gayundin ang nahuli ay mauuna.

 

Binanggit Muli ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

 

 32Nang sila ay nasa daan paahon sa Jerusalem, nagtaka sila na si Jesus ay nasa unahan na nila. At sa kanilang pagsunod kay Jesus, sila ay natakot. Tinipon niyang muli ang labindalawang alagad at sinimulang sabihin sa kanila ang patungkol sa mga bagay na mangyayari na sa kaniya. 33Sinabi ni Jesus: Narito, aahon tayo sa Jerusalem. Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga pinunong-saserdote at sa mga guro ng kautusan. Siya ay kanilang hahatulan ng kamatayan at ibibigay sa mga Gentil. 34Siya ay kanilang kukutyain, hahagupitin, luluraan at papatayin. At sa ikatlong araw, siya ay mabubuhay muli.

 

Ang Kahilingan ng Isang Ina

 

 35Lumapit kay Jesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sinabi nila: Guro, nais naming gawin mo sa amin ang anumang aming hingin sa iyo.

   
 36Sinabi ni Jesus sa kanila: Ano ang ibig ninyong gawin ko para sa inyo?

   
 37Sinabi nila sa kaniya: Ipagkaloob mo sa amin na makaupo kami sa tabi mo sa iyong kaluwalhatian, ang isa ay sa kanan at ang isa ay sa kaliwa.

   
 38Sinabi sa kanila ni Jesus: Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang sarong aking iinuman? Kaya ba ninyong magpabawtismo ng bawtismong ibinawtismo sa akin?

   
 39Sinabi nila kay Jesus: Kaya namin.
   Subalit sinabi ni Jesus sa kanila: Ang saro na aking iinuman ay tunay na iinuman ninyo. Ang bawtismo na ibinawtismo sa akin ay ibabawtismo sa inyo. 40Ngunit ang umupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob. Ito ay ipagkakaloob sa kanila na pinaghandaan nito.

   
 41Nang marinig ito ng sampu, sila ay lubhang nagalit kina Santiago at Juan. 42Tinawag sila ni Jesus at sinabi: Nalalaman ninyo na ang mga kinikilalang namumuno sa mga Gentil ay namumuno na may pagkapanginoon sa kanila. Ang mga dakila sa kanila ay gumagamit ng kapamahalaan sa kanila. 43Huwag maging gayon sa inyo. Ang sinuman sa inyo ang magnanais na maging dakila ay magiging tagapaglingkod ninyo. 44Ang sinuman sa inyo ang magnanais na maging una ay magiging alipin ng lahat. 45Ito ay sapagkat maging ang Anak ng Tao ay pumarito hindi upang paglingkuran kundi maglingkod at ibigay ang kaniyang buhay bilang pantubos sa marami.

 

Nakakita ang Bulag

 

 46Sila ay dumating sa Jerico. Habang si Jesus na kasama ang kaniyang mga alagad at ang napakaraming tao ay papalabas sa Jerico, ang bulag na si Bartimeo na anak ni Timeo ay nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 47Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang naroon, nagsimula siyang sumigaw. Sinabi niya: O anak ni David, Jesus, mahabag ka sa akin.

   
 48Sinaway siya ng napakaraming tao upang tumahimik. Ngunit lalo siyang sumigaw: Anak ni David, mahabag ka sa akin.

   
 49Huminto si Jesus at ipinatawag siya.
   Tinawag nila ang bulag na sinasabi: Lakasan mo ang iyong loob, tumindig ka, tinatawag ka ni Jesus. 50Itinapon niya ang kaniyang balabal, tumindig at lumapit kay Jesus.

   
 51Sinabi sa kaniya ni Jesus: Ano ang nais mong gawin ko sa iyo?
   Sumagot ang bulag at sinabi: Guro, nais kong matanggap ang aking paningin.

   
 52Sinabi ni Jesus: Humayo ka. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Kaagad tinanggap ng bulag ang kaniyang paningin. Siya ay sumunod kay Jesus sa daan.

 

 

Marcos 11

 

Pumasok si Jesus sa Jerusalem na Gaya ng Hari

 

 1Nang papalapit na sila sa Jerusalem, sa Betfage at Betania, patungong bundok ng Olibo, sinugo ni Jesus ang dalawa sa kaniyang mga alagad. 2Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo sa nayong nasa unahan ninyo. Pagkapasok na pagkapasok ninyo roon, may masusumpungan kayong nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng sinumang tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 3Kapag may nagsabi sa inyo: Bakit ninyo ginagawa ito? Sabihin ninyo: Kailangan ito ng Panginoon at agad na ipapadala iyon dito.

   
 4Sila ay pumaroon, at nasumpungan ang bisirong nakatali sa labas ng pintuan sa tabi ng daan at kinalagan nila ito. 5Ilan sa mga nakatayo roon ay nagsabi sa kanila: Ano ang ginagawa ninyo na kinakalagan ninyo ang batang asno? 6Sinabi ng mga alagad sa kanila ang ayon sa utos ni Jesus at kanilang pinayagan sila. 7Dinala nila kay Jesus ang batang asno. Isinapin nila sa ibabaw nito ang kanilang mga damit at sinakyan ito ni Jesus. 8Marami ang naglatag ng kanilang mga damit sa daanan. Ang iba ay pumutol ng mga sanga ng mga punong-kahoy at inilatag sa daan. 9Ang mga nauuna at mga sumusunod ay nagsisisigaw na sinasabing:
   Hosana! Papuri sa kaniya na pumaparito sa pangalan ng
   Panginoon! 10Papuri sa parating na paghahari ng ating
   amang si David na pumaparito sa pangalan ng Panginoon!
   Hosana sa kataas-taasan!

   
 11Pumasok si Jesus sa Jerusalem, at sa loob ng templo. Nang tumingin siya sa palibot sa lahat ng mga bagay, yamang dumidilim na, lumabas siya patungong Betania kasama ng labindalawang alagad.

 

Nilinis ni Jesus ang Templo

 

 12Kinabukasan, pagkagaling sa Betania, nagutom siya. 13Sa di-kalayuan ay natanaw niya ang isang puno ng igos na may mga dahon. Nilapitan niya ito sa pagbabakasakaling makasumpong doon ng anuman. Nang malapitan niya ito, wala siyang nasumpungan kundi mga dahon lang, sapagkat hindi panahon ng pagbunga ng mga igos. 14Nagsalita si Jesus at sinabi sa puno: Wala nang sinumang makakakain ng iyong bunga mula ngayon at magpakailanman. Narinig ito ng kaniyang mga alagad.

   
 15Dumating sila sa Jerusalem. Pagpasok ni Jesus sa loob ng templo, itinaboy niya ang mga nagtitinda at ang mga bumibili sa templo. Ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati ay itinaob niya. 16Hindi niya pinayagang ang sinuman ay dumaan na may dalang sisidlan sa loob ng templo. 17Nangaral siyang nagsabi sa kanila: Hindi ba nakasulat:
      Ang bahay ko ay tatawagin ng lahat ng mga
      bansa na bahay-dalanginan. Subalit ginawa
      ninyo itong yungib ng mga tulisan.

   
 18Narinig ito ng mga guro ng kautusan at mga pinunong-saserdote. Hinanapan nila ng paraan kung papaano nila siya papatayin. Ito ay sapagkat takot sila kay Jesus dahil namangha ang lahat ng mga tao sa kaniyang mga turo.

   
 19Nang gumabi na ay lumabas siya sa lungsod.

 

Natuyo ang Puno ng Igos

 

 20Kinaumagahan, sa pagdaan nila, nakita nila ang puno ng igos na natuyo simula sa mga ugat. 21Nang maala-ala ito ni Pedro, sinabi niya: Guro, tingnan mo. Ang puno ng igos na iyong isinumpa ay tuyo na.

   
 22Sumagot si Jesus sa kanila: Manampalataya kayo sa Diyos. 23Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang sinumang magsabi sa bundok na ito: Umalis ka at maihagis sa dagat, makakamtam niya iyon. Ito ay kung hindi siya mag-alinlangan sa kaniyang puso sa halip ay manalig na matupad ang kaniyang sinabi. 24Kaya nga, sinasabi ko sa inyo: Anumang mga bagay ang hingin ninyo sa pananalangin, manalig kayo na ito ay inyong nakamtam at ito ay mapapasainyo. 25Kapag kayo ay nakatayo at nananalangin, kung mayroon kayong anumang laban sa kaninuman, patawarin ninyo siya. Ito ay upang patawarin din naman kayo sa inyong mga pagsalansang ng inyong Amang nasa langit. 26Kung hindi kayo magpatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga pagsalansang ng inyong Amang nasa langit.

 

Tinanong Nila si Jesus sa Kaniyang Kapangyarihan

 

 27Nagtungo silang muli sa Jerusalem. Habang naglalakad si Jesus sa templo, lumapit sa kaniya ang mga pinunong-saserdote at ang mga guro ng kautusan at ang mga matanda. 28Sinabi nila sa kaniya: Anong kapamahalaan mayroon ka upang gawin mo ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang gawin ang mga bagay na ito?

   
 29Sinagot sila ni Jesus na sinabi sa kanila: Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. Kung sasagutin ninyo ako, sasabihin ko kung anong kapamahalaan mayroon ako upang gawin ang mga bagay na ito. 30Ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao? Sagutin ninyo ako.

   
 31Nangatwiranan sila sa isa't isa na sinasabi: Kapag sinabi nating mula sa langit, sasabihin niya: Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan? 32Ngunit kapag sinabi natin: Mula sa tao... At sila ay natakot sa mga tao sapagkat kinikilala nila si Juan bilang isang tunay na propeta.

   
 33Sumagot si Jesus sa kanila, na sinasabi: Hindi namin alam.
   Tumugon si Jesus sa kanila, na sinasabi: Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

 

 

Marcos 12

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Magsasaka

 

 1Nagsimula si Jesus na magsabi sa kanila ng mga talinghaga: Isang lalaki ang nagtanim ng ubasan. Nilagyan niya ng bakod ang paligid niyon at naghukay ng dako para sa pisaan ng ubas at nagtayo ng isang bantayan. Pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at siya ay naglakbay sa isang malayong dako. 2Sa panahon ng anihan siya ay nagsugo ng isang alipin sa mga magsasaka. Ito ay upang matanggap niya ang bunga ng ubasan mula sa mga magsasaka. 3Subalit sinunggaban nila ang alipin, hinagupit at pinauwing walang dala. 4Muli siyang nagsugo sa kanila ng ibang alipin. Subalit binato ito, hinampas sa ulo at pagkatapos alipustain ay pinauwi siya. 5Muli siyang nagsugo ng ibang alipin ngunit ito ay pinatay nila. Nagsugo pa rin siya ng iba pang mga alipin. Ngunit ang ilan ay hinagupit at ang ilan ay pinatay.

   
 6Mayroon siyang isang anak na lalaki na kaniyang minamahal. Isinugo rin nga niya ito sa kanila sa huling pagkakataon na sinasabi: Igagalang nila ang aking anak.

   
 7Nag-usap-usap ang mga magsasaka: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at nang mapasaatin ang mana. 8Pagkatapos nila siyang sunggaban, pinatay nila siya at itinapon sa labas ng ubasan.

   
 9Ano nga ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. 10Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi ng kasulatan:
      Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ay
      siyang naging batong-panulok. 11Ito ay mula
      sa Panginoon, at ito ay kamangha-mangha sa
      ating mga mata. Hindi ba ninyo ito nabasa?

   
 12Humahanap sila ng paraan upang hulihin si Jesus dahil batid nila na ang talinghagang kaniyang sinabi ay tila laban sa kanila. Ngunit dahil takot sila sa mga tao, umalis sila at iniwan si Jesus.

 

Pagbabayad ng Buwis-pandayuhan kay Cesar

 

 13Isinugo nila kay Jesus ang ilan sa mga Fariseo at ilan sa mga Herodiano upang hulihin siya sa kaniyang salita. 14Lumapit sila kay Jesus at sinabi: Guro, alam naming ang sinasabi mo ay totoo. Alam din namin na hindi ka nagtatangi ng sinuman sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng mga tao. Sa halip ay itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Naaayon ba sa kautusan na magbigay kami kay Cesar ng buwis-pandayuhan o hindi? 15Dapat ba tayong magbigay nito o hindi?
   Ngunit alam ni Jesus ang kanilang pagpapaimbabaw. Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng isang denaryo upang makita ko. 16At dinalhan nila siya nito. Sinabi niya sa kanila: Kaninong anyo ang narito at patungkol kanino ang nakasulat dito?
   Sinabi nila: Kay Cesar.

   
 17Sinabi sa kanila ni Jesus: Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.
   At namangha sila sa kaniya.

 

Ang Muling Pagkabuhay at Pag-aasawa

 

 18Pumunta sa kaniya ang mga Saduseo na nagtuturo na walang muling pagkabuhay. Tinanong nila siya. 19Sinabi nila: Guro, si Moises ay sumulat sa amin nang ganito: Kung ang sinumang kapatid na lalaki na may asawa at namatay na walang anak, dapat kunin ng kapatid niyang lalaki ang asawa nito, upang magkaanak para sa kaniyang kapatid na namatay. 20Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa at namatay ng walang anak. 21Kinuha siya ng pangalawa upang maging asawa at ang lalaki ay namatay na wala ring anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22Ang babae ay naging asawa ng pitong magkakapatid at namatay ang mga ito na walang anak. Sa kahuli-hulihan, namatay din ang babae. 23Kaya nga, sa muling pagkabuhay, kapag sila ay ibabangon, sino kaya sa kanila ang magiging asawa niya? Ang dahilan nito ay naging asawa siya ng pito.

   
 24Sumagot si Jesus na sinabi sa kanila: Kaya nga, hindi ba naliligaw kayo dahil hindi ninyo alam ang kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos? 25Ito ay sapgkat kapag bumangon sila mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa ni magpapakasal. Sila ay magiging katulad ng mga anghel sa langit. 26Ngunit patungkol sa patay na bumangon: Isinulat ni Moises sa kaniyang aklat sa salaysay patungkol sa palumpong. Nagsalita ang Diyos sa kaniya: Ako ay Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob, hindi ba ninyo nabasa ito? 27Hindi siya Diyos ng mga patay kundi Diyos ng mga buhay, kaya nga, lubha kayong naligaw.

 

Ang Pinakamahalagang Utos

 

 28Ang isang guro ng kautusan na nakarinig ng kanilang pagtatalo ay dumating. Nabatid niya na mahusay ang pagsagot ni Jesus sa kanila. Tinanong niya si Jesus: Alin ba ang pangunahin sa lahat ng mga utos?

   
 29Sumagot si Jesus sa kaniya: Ang pangunahin sa lahat ng mga utos ay ito: Pakinggan mo Israel. Ang Panginoon mong Diyos ay iisang Panginoon. 30Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo. Ito ang unang utos. 31Ang ikalawang utos ay tulad nito ay: Ibigin mo ang iyong kapwa tulad sa iyong sarili. Walang ibang utos na higit na dakila pa sa mga ito.

   
 32Sinabi sa kaniya ng guro ng kautusan: Guro, mahusay ang pagkakasabi mo. Naayon sa katotohanan ang sinabi mo na iisa ang Diyos at wala nang iba maliban sa kaniya. 33Tama ka nang sabihin mo: Ibigin siya nang buong puso, at nang buong pang-unawa, at nang buong kaluluwa at nang buong lakas. At ibigin mo ang iyong kapwa katulad sa iyong sarili. Ito ay higit na mahalaga kaysa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain.

   
 34Nang makita ni Jesus na sumagot siyang may katalinuhan, sinabi niya ang mga ito sa kaniya: Hindi ka malayo sa paghahari ng Diyos. Mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kaniya.

 

Kaninong Anak ang Mesiyas?

 

 35Sumagot si Jesus habang nagtuturo sa templo na nagsasabi: Paano nasabi ng mga guro ng kautusan na ang Mesiyas ay anak ni David? 36Si David mismo ang siyang nagsabi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu:
      Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon:
      Umupo ka sa may kanang kamay ko hanggang
      mailagay ko ang iyong mga kaaway bilang
      patungan para sa iyong paa.

    37Kaya nga, si David mismo ay tumawag sa kaniya na Panginoon. Papaano siya magiging anak ni David?
   Ang napakaraming tao ay nakinig sa kaniya na may kagalakan.

 

Mag-ingat Kayo sa mga Mapagpaimbabaw

 

 38Sa kaniyang pagtuturo sinabi niya sa kanila: Mag-ingat kayo sa mga guro ng kautusan na gustong laging makalakad na may mahabang kasuotan. Nais din nila ang pagbati sa kanila sa mga pamilihang dako. 39Nais din nila ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga pangunahing dako sa mga hapunan. 40Sila ang mga lumalamon sa mga bahay ng mga balo. Sila ay nagkukunwaring nananalangin ng mahaba. Ang mga ito ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.

 

Ang Handog ng Babaeng Balo

 

 41Umupo si Jesus sa tapat ng kaban ng yaman. Nakita niya kung papaano naghuhulog ng salapi sa kaban ng yaman ang napakaraming tao. Maraming mayayaman ang naghulog ng maraming salapi sa kaban ng yaman. 42Lumapit ang isang dukhang babaeng balo at naghulog ng dalawang sentimos na maliit lang ang halaga.

   
 43Tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang dukhang babaeng balong ito ang naghulog ng higit na malaking halaga kaysa sa kanilang lahat na naghulog ng salapi sa kaban ng yaman. 44Ito ay sapagkat silang lahat ay naghulog ng mga labis nila. Ngunit siya, sa kabila ng kaniyang karukhaan, ay inihulog ang lahat ng kaniyang kabuhayan.

 

 

 

Marcos 13

 

Ang Tanda ng Huling Panahon

 

 1Habang si Jesus ay papalabas na sa templo, isa sa kaniyang mga alagad ay nagsabi sa kaniya: Guro, narito, anong ganda ng mga bato at anong ganda ng mga gusali.

   
 2Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitirang bato sa ibabaw ng isang bato na hindi babagsak.

   
 3Si Jesus ay umupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo. Tinanong siya ng lihim nina Pedro, Santiago, Juan at Andres. 4Sinabi nila: Sabihin mo sa amin: Kailan mangyayari ang mga bagay na ito? Ano ang tanda na ang ang lahat mga bagay na ito ay mangyayari na.

   
 5Sa pagsagot ni Jesus sa kanila, nagsimula siyang magsabi: Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ninuman. 6Ito ay sapagkat marami ang darating sa aking pangalan. Sila ay magsasabi: Ako siya. At ililigaw nila ang marami. 7Kapag marinig ninyo ang mga digmaan at mga bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mangamba. Ito ay sapagkat kailangang mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. 8Ito ay sapagkat may mga bansa na babangon laban sa bansa at mga paghahari laban sa paghahari. Magkakaroon ng mga lindol sa iba't ibang dako. Magkakaroon ng mga taggutom at mga kaguluhan. Ang mga ito ang simula ng kahirapang tulad ng mga nararamdamang sakit ng babaeng manganganak.

   
 9Datapuwat ingatan ninyo ang inyong sarili sapagkat: Ibibigay nila kayo sa mga sanggunian at sa mga sinagoga. Kayo ay kanilang hahagupitin at dadalhin sa harapan ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin. Dahil sa mga bagay na ito, kayo ay magiging patotoo sa kanila. 10Kinakailangang ipangaral muna sa lahat ng mga bansa ang ebanghelyo. 11Kapag kayo ay hulihin at dalhin sa hukuman, huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin. Huwag din ninyong pakaisipin kung ano ang inyong sasabihin. Subalit kung ano ang ipagkaloob sa inyo sa sandaling iyon, iyon ang inyong sabihin sapagkat hindi kayo ang magsasalita sa kanila kundi ang Banal na Espiritu.

   
 12Ibibigay ng kapatid sa kamatayan ang kapatid, ibibigay ng ama ang kaniyang anak. At ang mga anak ay maghihimagsik sa mga magulang at kanila silang ipapapatay. 13Kayo ay kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan. Subalit siya na magtitiis hanggang wakas ay maliligtas.

   
 14Makikita ninyo ang kasuklam-suklam na tao na maninira, na nakatayo doon sa hindi niya dapat kalagyan. Isinulat ni Daniel na propeta ang patungkol sa kaniya. Unawain ito ng bumabasa. Kapag nakita ninyo ito, ang nasa Judea ay magmadaling tumakbo sa bundok. 15Ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba sa bahay. Huwag na rin siyang pumasok upang maglabas ng anuman sa kaniyang bahay. 16Ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kaniyang kasuotan. 17Sa aba ng mga nagdadalangtao at sa mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 18Manalangin kayo na huwag mangyari sa taglamig ang inyong pagtakas. 19Ito ay sapagkat sa mga araw na iyon ay magkakaroon ng kahirapan. Ang mga ganito ay hindi pa nangyayari mula pa sa unang nilalang na nilikha ng Diyos hanggang ngayon at ito ay hindi mangyayari kailanman. 20Kung hindi babawasan ng Panginoon ang bilang ng mga araw na iyon ay walang taong makakaligtas. Subalit dahil sa hirang na kaniyang pinili, babawasan niya ang mga araw na iyon.

Ang Pagdating ng Paghahari ng Diyos

 21Kaya kung may magsabi sa inyo: Narito, ang Mesiyas ay narito na. O narito, ang Mesiyas ay naroon. Huwag ninyo itong paniwalaan. 22Ito ay sapagkat mayroong lilitaw na mga bulaang Mesiyas at mga bulaang propeta. Magpapakita sila ng mga tanda at mga kamangha-manghang gawa. Gagawin nila ito upang dayain kung maaari kahit ang hinirang. 23Subalit mag-ingat kayo. Narito, sinabi ko na sa inyo noong una ang lahat ng mga bagay.

   
 24Ngunit sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kahirapang iyon,
      ang araw ay magdidilim. Ang buwan ay hindi
      magbibigay ng kaniyang liwanag. 25Ang mga
      bituin ng langit ay malalaglag. Ang mga kapangyarihan
      na nasa mga langit ay mayayanig.

   
 26Sa oras ding iyon, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating, na nasa mga ulap, na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27Sa oras ding iyon, susuguin niya ang mga anghel. Titipunin niya ang kaniyang mga pinili mula sa apat na sulok ng daigdig. Titipunin niya sila mula sa dulo ng daigdig hanggang sa dulo ng langit.

   
 28Pag-aralan ninyo ang talinghaga ng puno ng igos. Kapag ang sanga nito ay nananariwa na at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyo na malapit na ang tag-init. 29Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, alam ninyo na malapit na, nasa mga pintuan na. 30Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi lilipas ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito. 31Ang langit at ang lupa ay lilipas subalit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.

 

Walang Nakakaalam sa Araw at Oras

 

 32Ngunit patungkol sa araw o oras na iyon walang nakakaalam, kahit na ang mga anghel sa langit, kahit na ang Anak kundi ang Ama lamang ang nakakaalam. 33Kayo ay mag-ingat, magpuyat at manalangin, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang panahon. 34Ito ay tulad ng isang taong naglakbay at lumabas sa lupain. Iniwan niya ang kaniyang bahay at ibinigay ang kapamahalaan sa kaniyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng sariling gawain. Inutusan din niya ang tanod-pinto na magbantay.

   
 35Magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay. Maaari siyang dumating sa gabi, o sa hatinggabi, o sa pagtilaok ng manok, o sa umaga. 36Maaaring sa bigla niyang pagdating ay masumpungan kang natutulog. 37Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat. Magbantay kayo.

 

 

Marcos 14

 

Nakipagkasundo si Judas na Ipagkanulo si Jesus

 

 1Pagkaraan ng dalawang araw ay ang pista ng Paglampas at pista ng tinapay na walang pampaalsa. Ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ay humahanap ng paraan upang palinlang nilang mahuli at maipapatay si Jesus. 2Ngunit ang sabi nila: Huwag sa araw ng paggunita, at baka magkagulo ang mga tao.

   
 3Samantalang siya ay nasa Betania, dumulog siya sa hapagkainan sa bahay ni Simon na isang ketongin. May dumating na isang babaeng may dalang garapong alabastro na puno ng mamahaling pabango na purong nardo. Binasag niya ang garapong alabastro at ibinuhos niya ang pabango sa ulo ni Jesus.

   
 4Ang ilan sa mga naroroon ay lubhang nagalit at nagsabi: Bakit niya sinayang ang pabango? 5Naipagbili sana ito nang higit sa tatlong daang denario at naipamahagi sa mga dukha. At pinagalitan nila ang babae.

   
 6Ngunit ang sabi ni Jesus: Hayaaan ninyo siya. Bakit ninyo siya ginagambala? Mabuti ang ginawa niya sa akin. 7Ito ay sapagkat ang mga dukha ay lagi ninyong kasama. Tuwing nais ninyo, magagawan ninyo sila ng mabuti. Ngunit ako ay hindi ninyo laging kasama. 8Ginawa ng babaeng ito ang kaniyang makakaya. Ipinagpauna na niya ang pagpahid sa aking katawan para sa aking libing. 9Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Saan man ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa niyang ito ay mababanggit. Ito ay magiging isang pag-alaala sa kaniya.

   
 10Si Judas na taga-Keriot, isa sa labindalawang alagad ay pumunta sa mga pinunong-saserdote upang ipagkanulo si Jesus. 11Pagkarinig nila, sila ay natuwa at nangakong bigyan siya ng salapi. Naghanap siya ng tamang panahon kung papaano ipagkakanulo si Jesus sa kanila.

 

Ang Huling Hapunan

 

 12Sa unang araw ng pista ng tinapay na walang pampaalsa, kaugalian nilang magkatay ng batang tupa ng Paglagpas. Sinabi ng mga alagad ni Jesus sa kaniya: Saan mo nais na kami ay pumunta upang maihanda namin ang hapunang Paglagpas upang ikaw ay makakain?

   
 13Kaya sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: Pumunta kayo sa lungsod at may masasalubong kayong lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya. 14Sabihin ninyo sa may-ari ng sambahayan na kaniyang papasukan. Sinabi ng guro: Saan ang silid-pampanauhin na aking kakainan ng hapunan para sa Paglagpas kasama ng aking mga alagad? 15Ipapakita niya ang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan at nakaayos na. Doon kayo maghanda para sa atin.

   
 16Umalis ang mga alagad at pumasok sa lungsod. Natagpuan nila roon ang gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. Inihanda nila ang hapunang Paglagpas.

   
 17Nang gumabi na, si Jesus ay dumating kasama ng labindalawang alagad. 18Habang nakadulog at kumakain, sinabi ni Jesus: Katotohonang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo na kumakaing kasalo ko.

   
 19Sila ay nagsimulang nalungkot at isa-isang nagsabi sa kaniya: Ako ba? Sinabi rin ng iba: Ako ba?

   
 20Sumagot sa kanila si Jesus: Ang isa sa inyo sa labindalawang alagad na kasabay ko sa pagsawsaw sa mangkok, siya iyon. 21Ang naisulat patungkol sa Anak ng Tao ay siyang mangyayari sa akin. Ngunit sa aba ng taong magkakanulo sa Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon kung hindi na siya ipinanganak.

   
 22Habang kumakain sila, dumampot ng tinapay si Jesus. Pinagpala niya ito, pinagputul-putol at ibinigay sa kanila. Sinabi niya: Kunin ninyo ito at kainin, ito ay aking katawan.

   
 23Kinuha niya ang saro at matapos magpasalamat ay ibinigay niya sa kanila. Silang lahat ay uminom sa saro. 24Sinabi niya sa kanila: Ito ang aking dugo ng bagong tipan na nabuhos para sa marami. 25Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi ako iinom ng bunga ng ubas hanggang sa araw na maipanumbalik ko ang aking pag-inom nito sa paghahari ng Diyos.

   
 26Umawit sila ng isang himno. Pagkatapos, sila ay pumunta sa bundok ng mga Olibo.

 

Hinulaan ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro

 

 27Sinabi ni Jesus sa kanila: Katitisuran ninyo ako ngayong gabi sapagkat nasusulat:
      Sasaktan ko ang pastol at ang tupa ay mangangalat.

    28Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.

   
 29Sumagot si Pedro: Kahit na katitisuran ka ng lahat, ako ay hindi.

   
 30Sinabi sa kaniya ni Jesus: Katotohonang sinasabi ko sa iyo, ngayong gabing ito, bago tumilaok nang dalawang ulit ang tandang, tatlong ulit mo akong ipagkakaila.

   
 31Ngunit lalong naging matigas ang sinabi ni Pedro: Kung kailangang ako ay mamatay na kasama mo, kailanman ay hindi kita ikakaila. Gayundin ang sinabi ng lahat ng alagad.

 

Nanalangin si Jesus Doon sa Bundok ng Olibo

 

 32Sila ay dumating sa lugar na kung tawagin ay Getsemane. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Umupo kayo rito habang ako ay nananalangin. 33Isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimula siyang mabagabag nang lubha at lubos na nahirapan ang kaniyang kalooban. 34Sinabi niya sa kanila: Ang kaluluwa ko ay lubhang namimighati na halos aking ikamatay. Dumito kayo at magbantay.

   
 35Nang makalayo siya ng kaunti, nagpatirapa siya sa lupa at nanalangin. Idinalangin niya na kung maaari ay lumagpas sa kaniya ang pangyayaring ito. 36Sinabi niya: Abba, Ama. Ang lahat ng mga bagay ay magagawa mo. Alisin mo ang sarong ito sa akin, ngunit hindi ang aking kalooban ang mangyari kundi ang kalooban mo.

   
 37Lumapit siya sa mga alagad at nasumpungan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro: Simon, natutulog ka ba? Hindi mo ba kayang magbantay nang isang oras? 38Manatili kayong gising at manalangin upang huwag kayong pumasok sa tukso. Ang espiritu ay nagnanais ngunit ang katawan ay mahina.

   
 39Siya ay muling umalis at nanalangin na sinasabi ang gayunding salita. 40Siya ay bumalik at muling nasumpungan silang natutulog sapagkat antok na antok na sila. Hindi nila alam kung ano ang nararapat nilang isagot sa kaniya.

   
 41Lumapit siya sa ikatlong ulit at sinabi sa kanila: Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, dumating na ang oras. Narito, ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 42Bumangon kayo! Tayo na! Narito, ang magkakanulo sa akin ay papalapit na.

 

Dinakip Nila si Jesus

 

 43Kapagdaka, habang nagsasalita pa siya, si Judas na isa sa labindalawang alagad ay lumapit. Kasama niya ang napakaraming tao na may dalang mga tabak at pamalo. Ang mga taong ito ay galing sa mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at mga matanda.

   
 44Siya na nagkanulo ay nagbigay sa kanila ng tanda na nagsasabi: Sinuman ang aking halikan ay siya na nga. Dakpin ninyo siya at dalhing palayo at bantayang mabuti. 45Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. Sinabi niya: Guro! Guro! At mataimtim niyang hinalikan si Jesus. 46Pagkatapos nito, si Jesus ay sinunggaban at dinakip ng mga tao. 47Ngunit isa sa mga nakatayo doon ay bumunot ng tabak at tinaga niya ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang tainga nito.

   
 48Si Jesus ay sumagot na nagsasabi sa kanila: Pumunta ba kayo ditong may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako na tulad ng isang tulisan? 49Araw-araw ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo ngunit hindi ninyo ako dinakip. Ito ay upang ang mga kasulatan ay maganap. 50Iniwan nila si Jesus at silang lahat ay nagmamadaling tumakbo.

   
 51Isang binata ang sumusunod kay Jesus na walang suot sa katawan maliban sa nakabalabal na lino. Siya ay sinunggaban ng mga binata. 52Ngunit iniwan niya ang nakabalabal sa kaniya at nagmamadaling tumakbo mula sa kanila na walang damit.

 

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin

 

 53Dinala ng mga tao si Jesus patungo sa pinakapunong-saserdote. Ang lahat ng mga pinunong-saserdote at mga matanda at mga guro ng kautusan ay nagkatipon sa kaniya. 54Samantala, si Pedro ay sumusunod sa kaniya sa may di-kalayuan hanggang sa patyo ng pinakapunong-saserdote. Siya ay nakiupo kasama ng mga tanod at nagpapainit sa apoy.

   
 55Ang mga pinunong-saserdote at ang buong Sanhedrin ay humanap ng saksi laban kay Jesus. Ito ay upang mapatay nila si Jesus. Ngunit wala silang nahanap. 56Ito ay sapagkat maraming nagbigay ng maling patotoo laban sa kaniya ngunit ang kanilang mga patotoo ay hindi magkakatugma.

   
 57May ilang tumayo at nagbigay ng maling patotoo laban sa kaniya. 58Sinabi nila: Narinig namin siyang nagsasabi: Gigibain ko ang banal na dakong ito na gawa ng mga kamay. Sa loob ng tatlong araw, magtatayo ako ng iba na hindi gawa ng mga kamay. 59Ngunit maging ang patotoo nilang ito ay hindi magkakatugma.

   
 60Ang pinunong-saserdote ay tumayo sa gitna at tinanong si Jesus. Sinabi niya: Wala ka bang isasagot? Ano itong mga paratang na laban sa iyo? 61Siya ay nanatiling tahimik at walang isinagot. Muli siyang tinanong ng pinunong-saserdote.
   Sinabi nito sa kaniya: Ikaw ba ang Mesiyas na pinahiran, ang Anak ng Pinagpala?

   
 62Sinabi ni Jesus: Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanang kamay ng makapangyarihan. Makikita ninyo siya na dumarating sa mga ulap ng langit.

   
 63Pinunit ng pinunong-saserdote ang kaniyang mga damit. Sinabi niya: Kailangan pa ba natin ang mga saksi? 64Narinig ninyo ang kaniyang pamumusong. Ano sa palagay ninyo?
   Silang lahat ay nagbigay hatol patungkol sa kaniya na siya ay nararapat mamatay. 65Ang ilan ay nagsimulang duraan siya. Piniringan nila siya at pinagsusuntok at sinabi sa kaniya: Maghayag kang tulad ng isang propeta. Pinagsasampal siya ng mga tanod.

 

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus

 

 66Nang si Pedro ay nasa patyo sa ibaba, isang utusang babae ng pinunong-saserdote ang dumating. 67Nakita ng lingkod na babae si Pedro na nagpapainit. Pagkatapos niyang pagmasdang mabuti si Pedro, sinabi niya: Ikaw ay nakasama ni Jesus na taga-Nazaret.

   
 68Nagkaila si Pedro. Kaniyang sinabi: Hindi ko alam ni nauunawaan ang sinasabi mo. Siya ay lumabas patungong portiko at isang tandang ang tumilaok.

   
 69Nakita siyang muli ng isang utusang babae. Nagsimula siyang magsabi sa mga nakatayo: Siya ay isa sa kanila. 70Muling nagkaila si Pedro.
   Pagkatapos ng maikling sandali, ang mga nakatayo roon ay muling nagsabi kay Pedro: Totoong ikaw ay isa sa kanila sapagkat ikaw ay isang taga-Galilea at ang punto mo ay tulad sa isang taga-Galilea.

   
 71Sinimulan niyang sabihin: Sumpain man ako ng Diyos. At nanumpa siya: Hindi ko kilala ang lalaking ito na sinasabi ninyo.

   
 72Sa ikalawang pagkakataon tumilaok ang isang tandang. Naala-ala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kaniya: Bago tumilaok nang dalawang ulit ang tandang, ikakaila mo ako nang tatlong ulit. Nang maisip niya ito, siya ay tumangis.

 

 

Marcos 15

 

Si Jesus sa Harap ni Pilato

 

 1Kapagdaka, sa kinaumagahan, ang mga pinunong-saserdote ay bumuo ng sanggunian kasama ang mga matanda at mga guro ng kautusan at ang buong Sanhedrin. Kanilang tinalian si Jesus at ibinigay nila siya kay Pilato.

   
 2Tinanong siya ni Pilato: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?
   Sumagot si Jesus na nagsasabi: Tama ang iyong sinabi.

   
 3Ang mga pinunong-saserdote ay nagparatang sa kaniya ng maraming bagay. 4Tinanong siyang muli ni Pilato na nagsasabi: Tingnan mo kung gaano karami ang paratang nila laban sa iyo. Hindi ka ba sasagot?

   
 5Ngunit hindi pa rin tumugon si Jesus at namangha si Pilato.

   
 6Ngayon, sa araw ng paggunita, kaugalian ni Pilato na magpalaya sa kanila ng isang bilanggo na nais nilang hingin. 7Mayroong isang lalaki na kung tawagin ay Barabas. Siya ay nakabilanggo kasama ang kapwa niyang mga maghihimagsik na nakapatay sa isang pag-aalsa. 8Nagsimulang humiling kay Pilato ang napakaraming tao. Hiniling nila na gawin niya ang nakaugalian niyang ginagawa para sa kanila.

   
 9Sumagot sa kanila si Pilato na nagsasabi: Nais ba ninyong pakawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio? 10Sinabi niya ito dahil batid niya na dinala si Jesus ng mga pinunong-saserdote dahil sa inggit. 11Inudyukan ng mga pinunong-saserdote ang napakaraming tao na ang pawalan para sa kanila ay si Barabas.

   
 12Sumagot muli si Pilato. Sinabi niya sa kanila: Ano ang nais ninyong gawin ko sa kaniya na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio.

   
 13Muli silang sumigaw: Ipako siya sa krus!

   
 14Sinabi ni Pilato sa kanila: Ano bang kasamaan ang kaniyang ginawa?
   Higit pa silang sumigaw: Ipako siya sa krus!

   
 15Sa pagnanais ni Pilato na bigyang-lugod ang napakaraming tao ay pinalaya niya si Barabas sa kanila. Si Jesus naman pagkatapos na hagupitin ay ibinigay sa kanila upang ipako siya sa krus.

 

Nilibak ng mga Kawal si Jesus

 

 16Dinala siya ng mga kawal sa loob ng patyo na tinatawag na hukuman. Tinawag nila ang buong batalyon ng mga kawal na naroroon upang magtipon. 17Sinuotan nila siya ng kulay ubeng damit. Nagsalapid din sila ng koronang tinik at inilagay nila ito sa kaniya. 18Nagsimula silang bumati sa kaniya na sinasabi: Binabati, Hari ng mga Judio. 19Hinampas nila siya sa ulo sa pamamagitan ng tambo at dinuraan siya. Lumuhod sila at sinamba siya. 20Matapos nila siyang kutyain, hinubad nila ang kulay ubeng damit at isinuot sa kaniya ang kaniyang mga damit. Kanilang inaakay siya papalabas upang ipako sa krus.

 

Ipinako Nila si Jesus sa Krus

 

 21May isang dumadaan na pinilit nilang magbuhat ng krus ni Jesus. Ito ay si Simon na taga-Cerene na dumating galing sa kaniyang bukid. Siya ang ama ni Alejandro at ni Rufo. 22Dinala nila si Jesus sa dako ng Golgota na ang kahulugan ay dako ng bungo. 23Binigyan nila siya ng alak na may halong mira upang kaniyang inumin ngunit hindi niya ito tinanggap. 24Matapos siyang ipako sa krus, pinaghati-hatian nila ang kaniyang mga damit. Nagpalabunutan sila upang malaman nila kung kanino at ano ang madadala ng bawat isa.

   
 25Ika-tatlo na ang oras nang siya ay ipako nila sa krus. 26Mayroong paratang na nakasulat, na nakaukit sa kaniyang ulunan: ANG HARI NG MGA JUDIO. 27Ipinako rin nila sa krus kasama ni Cristo ang dalawang tulisan, ang isa ay nasa kanan at ang isa ay nasa kaliwa. 28Ito ang kaganapan ng mga kasulatan na nagsasabi: Siya ay ibinilang sa mga walang kinikilalang kautusan ng Diyos. 29Nilait siya ng mga dumaraan. Umiiling sila na nagsasabi: Aba! Gigibain mo ang banal na dako at sa ikatlong araw ay itatayo ito. 30Iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.

   
 31Sa ganoon ding paraan ay kinukutya siya ng mga pinunong-saserdote kasama ang mga guro ng kautusan. Sinabi nila: Iniligtas niya ang iba ngunit hindi naman niya mailigtas ang kaniyang sarili. 32Bumaba mula sa krus ang Mesiyas, ang Hari ng Israel upang makita natin at tayo ay maniwala. Yaong mga kasama niyang ipinako ay inalipusta din siya.

 

Si Jesus ay Namatay

 

 33Nang dumating ang ika-anim na oras, dumilim ang buong lupa hanggang sa ika-siyam na oras. 34At sa ika-siyam na oras, sumigaw si Jesus ng malakas na tinig na nagsasabi: Eloi, Eloi, lama sabachthani? Ang kahulugan nito ay: Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?

   
 35Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo na malapit doon. Sinabi nila: Narito, tinatawag niya si Elias.

   
 36Tumakbo ang isang tao at pinuno ang isang espongha ng maasim na alak. Inilagay niya ito sa isang tambo. Ibinigay niya ito upang ipainom sa kaniya na nagsasabi: Pabayaan ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang ibaba siya.

   
 37Ngunit sumigaw si Jesus nang malakas na tinig. Pagkatapos nito, nalagutan siya ng hininga.

   
 38Ang makapal na tabing ng banal na dako ay napunit sa dalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba. 39Isang Kapitan ng Romano ang nakatayo sa tapat niya. Pagkatapos niyang makita na sumigaw si Jesus at nakitang nalagutan ng hininga, siya ay nagsabi: Totoong ang taong ito ay ang Anak ng Diyos.

   
 40May mga babae ring nakamasid mula sa malayo. Kabilang sa mga ito si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina ni Santiago, na maliit, at ni Jose. Kabilang din si Salome. 41Sila rin ang sumunod at naglingkod kay Jesus nang siya ay nasa Galilea. Naroroon din ang maraming babae na sumunod sa kaniya sa Jerusalem.

 

Inilibing Nila si Jesus

 

 42Noon ay araw ng Paghahanda, nang gumabi, na siyang araw bago ang araw ng Sabat. 43At dumating si Jose na taga-Arimatea na isang marangal na kasapi ng Sanhedrin. Siya ay naghihintay din sa paghahari ng Diyos. Naglakas-loob siyang pumunta kay Pilato upang hingin ang katawan ni Jesus. 44Namangha si Pilato na patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang Kapitan at itinanong niya kung matagal nang patay si Jesus. 45Nang mabatid niya ito sa Kapitan pinahintulutan niya si Jose na kunin ang bangkay ni Jesus. 46Bumili siya ng telang lino. Ibinaba niya siya at binalot ng telang lino at inilagay sa libingan. Ang libingan ay iniuka sa bato at sa bukana nito ay may iginulong na bato. 47Nakita ni Maria na taga-Magdala at ni Maria na ina ni Jose kung saan siya inilagay.

 

 

Marcos 16

 

Si Jesus ay Muling Nabuhay sa mga Patay

 

 1Pagkalipas ng Sabat, bumili ng pamahid na pabango si Maria na taga-Magdala at si Maria, na ina ni Santiago at si Salome upang pahiran siya. 2Maagang-maaga sa unang araw ng sanlinggo, pumunta sila sa libingan sa pagsikat ng araw. 3Sinabi nila sa isa't isa: Sino ang magpapagulong para sa atin ng bato sa bukana ng libingan?

   
 4Nang tumingin sila pataas, nakita nila na naigulong na ang bato sapagkat ito ay napakalaki. 5Nang pumasok sila sa loob ng libingan, nakita nila ang isang binatang nakaupo sa gawing kanan na nakasuot ng puting kasuotan. Dahil dito sila ay lubhang nanggilalas.

   
 6Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong manggilalas. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Nagbangon siya! Wala siya rito! Tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan sa kaniya. 7Ngunit humayo kayo at sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ay makikita ninyo siya gaya ng sinabi niya sa inyo.

   
 8Pagkalabas nila sa libingan, nagmamadali silang tumakbo na nanginginig at nanggigilalas at dahil sa takot, wala silang sinabing anuman sa kaninumang tao.

   
 9Nang si Jesus ay bumangon sa unang araw ng sanlinggo, siya ay unang nagpakita kay Maria na taga-Magdala. Siya ang babaeng na may pitong demonyo na pinalabas ni Jesus. 10Umalis si Maria at isinalaysay ito sa mga naging kasama ni Jesus na namimighati at tumatangis. 11Isinalaysay niya na si Jesus ay buhay at kaniyang nakita. Ngunit nang marinig nila ito, hindi nila ito pinaniwalaan.

   
 12Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpakita si Jesus sa dalawang alagad sa ibang kaanyuan. Siya ay nagpakita habang ang mga ito ay naglalakad patungo sa kanilang bukid. 13Nang bumalik sila ay isinalaysay nila ito sa mga iba nilang kasama. Hindi rin sila naniwala sa kanila.

 

Nagpakita si Jesus sa mga Alagad

 

 14Pagkatapos nito, nagpakita siya sa labing-isang alagad habang sila ay nakadulog sa hapag kainan. Pinagwikaan niya sila sa kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso. Ito ay sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga salita ng mga nakakita sa kaniya na muling nabuhay.

   
 15Sinabi niya sa kanila: Humayo kayo sa buong sanlibutan. Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. 16Ang sinumang sumampalataya at mabawtismuhan ay maliligtas. Ang sinumang hindi sumampalataya ay hahatulan. 17Sa mga sumasampalataya ay susunod ang mga tandang ito: Palalabasin nila ang mga demonyo sa aking pangalan. Makakapagsalita sila ng mga bagong wika. 18Makakadampot sila ng mga ahas. Kapag uminom sila ng anumang bagay na nakakamatay, hindi sila mapipinsala niyaon sa anumang paraan. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa may mga karamdaman at bubuti sila.

   
 19Kaya nga, pagkatapos magsalita ng Panginoon sa kanila, siya ay dinalang paitaas sa langit at umupo sa kanang tabi ng Diyos. 20Ang mga alagad ay umalis at nangaral kahit saang dako. Ang Panginoon ay kasama nilang gumagawa. Pinag-titibay niya ang kaniyang salita sa pamamagitan ng mga tandang sumusunod dito. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

 

Lucas

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13 | 14 | 15 | 16 | 17 | 18 | 19 | 20 | 21 | 22 | 23 | 24

Lucas 1

Panimulang Salita

 1Marami ang nagsagawa ng pagsusulat ng isang salaysay patungkol sa mga bagay na lubos na pinaniwalaan sa atin. 2Ito ang mga ibinigay sa atin ng mga saksing nakakita at mga lingkod ng Salita buhat pa sa pasimula. 3Kagalang-galang na Teofilo, ako ay may wastong kaalaman sa lahat ng mga bagay dahil ito ay maingat kong binantayan mula pa nang una. Dahil dito, minabuti kong sumulat sa iyo nang maayos. 4Isinulat ko ito upang malaman mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.

 

Ipinahayag ng Anghel ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbawtismo

 

 5Sa mga araw ni Herodes, ang hari ng Judea, may isang saserdote na ang pangalan ay Zacarias. Kasama siya sa pangkat ni Abias. Ang kaniyang asawa ay isa sa mga anak na babaeng mula sa angkan ni Aaron na nagngangalang Elisabet. 6Sila ay kapwa matuwid sa harapan ng Diyos. Namumuhay silang walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga tuntunin ng Panginoon. 7Wala silang anak sapagkat si Elisabet ay baog at sila ay kapwa matanda na.

   
 8Dumating ang panahon upang ganapin ni Zacarias ang paglilingkod bilang saserdote sa harapan ng Diyos ayon sa kaugalian ng kaniyang pangkat. 9Ayon sa kaugalian ng paglilingkod bilang saserdote, nakamit niya sa palabunutan ang magsunog ng kamangyan nang siya ay pumasok sa banal na dako ng Diyos. 10Ang buong karamihan ng mga tao ay nananalangin sa labas sa oras ng pagsusunog ng kamangyan.

   
 11At isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kaniya na nakatayo sa dakong kanan ng dambana ng kamangyan. 12Pagkakita ni Zacarias sa anghel, siya ay naguluhan at natakot. 13Sinabi ng anghel sa kaniya: Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat ang iyong daing ay dininig na. Ang iyong asawang si Elisabet ay manganganak ng isang lalaki. Ang ipapangalan mo sa kaniya ay Juan. 14Siya ay magiging kaligayahan at kagalakan sa iyo at marami ang magagalak sa kaniyang kapanganakan. 15Ito ay sapagkat siya ay magiging dakila sa harapan ng Panginoon. Kailanman ay hindi siya iinom ng alak at ng matapang na inumin. Siya ay mapupuspos ng Banal na Espiritu mula pa sa bahay-bata ng kaniyang ina. 16Marami sa mga anak ni Israel ang papapanumbalikin niya sa Panginoon na kanilang Diyos. 17Siya ay yayaon sa harapan ng Panginoon sa espiritu at kapangyarihan ni Elias upang ibalik ang mga puso ng mga ama sa mga anak. Gayundin, upang ang suwail ay ibalik sa karunungan ng matuwid at upang maghanda siya ng mga taong inilaan para sa Panginoon.

   
 18Sinabi ni Zacarias sa anghel: Papaano ko ito malalaman? Ito ay sapagkat ako ay lalaking matanda na at ang aking asawa ay matanda na rin.

   
 19Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya: Ako ay si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Sinugo ako upang makipag-usap sa iyo at ipahayag sa iyo ang mabuting balitang ito. 20Narito, mapipipi ka at hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito. Ito ay sapagkat hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na ang mga ito ay matutupad sa kanilang tamang panahon.

   
 21At ang mga tao ay naghihintay kay Zacarias. Namamangha sila sa kaniyang pagtatagal sa loob ng banal na dako. 22Nang lumabas siya, hindi siya makapagsalita sa kanila. Napag-isip-isip nila na siya ay nakakita ng pangitain sa banal na dako sapagkat siya ay nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga senyas at siya ay nanatiling pipi.

   
 23Pagkatapos na maganap ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, umuwi siya sa kaniyang bahay. 24Pagkalipas ng mga araw na iyon, ang kaniyang asawang si Elisabet ay naglihi. Siya ay nagtago ng limang buwan. 25Kaniyang sinabi: Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw na ako ay kaniyang isinaalang-alang upang alisin ang aking kahihiyan sa mga tao.

 

Ang Kapanganakan ni Jesus

 

 26Sa ika-anim na buwan, ang anghel na si Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, isang lungsod ng Galilea. 27Isinugo siya sa isang dalagang birhen na ipinagkasundong mapangasawa ng isang lalaking nagngangalang Jose. Si Jose ay mula sa angkan ni David, at ang pangalan ng dalagang birhen ay Maria. 28Paglapit ng anghel ay sinabi sa kaniya: Binabati kita, ikaw na kinalugdan. Ang Panginoon ay kasama mo. Kapuri-puri ka sa mga kababaihan.

   
 29Nang makita ni Maria ang anghel, siya ay naguluhan sa kaniyang salita at pinag-isipan niya kung ano kayang uri ng bati ito. 30Sinabi ng anghel sa kaniya: Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakasumpong ka ng biyaya sa Diyos. 31Narito, ikaw ay magdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. At ang ipapangalan mo sa kaniya ay Jesus. 32Siya ay magiging dakila at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kaniya ng Panginoong Diyos ang trono ni David na kaniyang ninuno. 33Siya ay maghahari sa tahanan ni Jacob magpakailanman at ang kaniyang paghahari ay hindi magwawakas.

   
 34Sinabi ni Maria sa anghel: Paano ito mangyayari yamang ako ay hindi nakakakilala ng isang lalaki?

   
 35Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya: Darating sa iyo ang Banal na Espiritu, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ang lililim sa iyo. Dahil dito, ang banal na ito na iyong ipapanganak ay tatawaging Anak ng Diyos. 36Narito, ang pinsan mong si Elisabet ay nagdadalang-tao rin ng isang anak na lalaki sa kaniyang katandaan. Ito ngayon ang ika-anim na buwan ng kaniyang pagdadalang-tao, siya na tinatawag na baog. 37Ito ay sapagkat sa Diyos ay walang anumang bagay na hindi mangyayari.

   
 38Sinabi ni Maria: Narito ang aliping babae ng Panginoon. Mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel.

 

Dumalaw si Maria kay Elisabet

 

 39Sa mga araw na iyon, si Maria ay tumindig at nagmamadaling pumunta sa lupaing maburol sa lungsod ng Juda. 40Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elisabet. 41At nangyari, nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, ang sanggol sa kaniyang sinapupunan ay napalundag. At si Elisabet ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42Sa isang malakas na tinig, siya ay sumigaw na sinasabi: Kapuri-puri ka sa mga kababaihan. Kapuri-puri ang bunga ng iyong sinapupunan. 43Papaano nangyari ito sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay pumunta sa akin? 44Narito, sa pagdinig ko ng iyong tinig ng pagbati, ang sanggol sa aking sinapupunan ay napalundag sa kagalakan. 45Ikaw na sumampalataya ay lubos na pinagpala sapagkat magkakaroon ng kaganapan ang mga bagay na sinabi sa iyo ng Panginoon.

 

Ang Awit ni Maria

 

 46Sinabi ni Maria: Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon. 47Ang aking espiritu ay lubos na nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas. 48Ito ay sapagkat nilingap niya ang pagpapakumbaba ng kaniyang aliping babae at mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng salin ng lahi. 49Ito ay sapagkat ang Makapangyarihan ay gumawa sa akin ng mga dakilang bagay at Banal ang kaniyang pangalan. 50Ang kaniyang kahabagan ay sa lahat ng saling lahi, sa kanila na may pagkatakot sa kaniya. 51Nagpakita siya ng lakas sa pamamagitan ng kaniyang mga bisig. Ikinalat niya ang mapagmataas sa haka ng kanilang mga puso. 52Ibinaba niya ang mga makapangyarihan mula sa kanilang mga trono at itinaas niya ang mga mabababang-loob. 53Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom. Ang mga mayaman ay pinaalis niyang walang dala. 54Tinulungan niya si Israel na kaniyang lingkod bilang ala-ala ng kaniyang kahabagan. 55Ginawa niya ito ayon sa sinabi niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kaniyang lahi magpakailanman.

   
 56Si Maria ay nanatiling kasama ni Elisabet ng halos tatlong buwan at pagkatapos nito, umuwi siya sa sarili niyang bahay.

 

Isinilang si Juan na Tagapagbawtismo

 

 57Dumating na ang panahon ng panganganak ni Elisabet at siya ay nagsilang ng isang lalaki. 58Narinig ng mga kapitbahay at ng kaniyang mga kamag-anak na dinadagdagan ng Panginoon ang habag niya sa kaniya. At sila ay nakigalak sa kaniya.

   
 59Nangyari, nang ika-walong araw, sila ay dumating upang tuliin ang sanggol. At siya ay tinatawag nilang Zacarias alinsunod sa pangalan ng kaniyang ama. 60Ngunit sumagot ang kaniyang ina at sinabi: Hindi. Siya ay tatawaging Juan.

   
 61Sinabi nila sa kaniya: Wala kang kamag-anak na tinawag sa ganiyang pangalan.

   
 62Sila ay sumenyas sa ama ng sanggol kung ano ang nais niyang itawag sa kaniya. 63Pagkahingi niya ng isang masusulatan, sumulat siya na sinasabi: Juan ang kaniyang pangalan. At silang lahat ay namangha.

   
 64At kaagad nabuksan ang kaniyang bibig at nakalag ang kaniyang dila at siya ay nagsalita na nagpupuri sa Diyos. 65Natakot ang lahat ng mga naninirahan sa kanilang paligid. At ang lahat ng mga bagay na ito ay pinag-usap-usapan sa buong lupain sa burol ng Judea. 66Isinapuso ng mga nakarinig ang mga bagay na ito. Kanilang sinasabi: Magiging ano kaya ang batang ito? At ang kamay ng Panginoon ay sumakaniya.

 

Ang Awit ni Zacarias

 

 67Si Zacarias na kaniyang ama ay napuspos ng Banal na Espiritu. Nagsalita siyang tulad ng propeta. 68Sinabi niya: Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sapagkat dumating siya at tinubos ang kaniyang mga tao. 69Siya ay nagbangon ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa bahay ni David na kaniyang lingkod. 70Ito ay ayon sa kaniyang sinabi sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang pasimula. 71Kaniyang sinabi na tayo ay ililigtas mula sa ating mga kaaway. Gayundin, mula sa kamay ng lahat ng mga napopoot sa atin. 72Ito ay upang tuparin ang kaniyang kahabagan sa ating mga magulang at alalahanin ang kaniyang banal na tipan. 73Ito ang panunumpa na kaniyang sinumpaan sa ating amang si Abraham na ibibigay sa atin. 74Ginawa niya ito upang tayo ay maglingkod sa kaniya nang walang takot, pagkatapos niya tayong iligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway. 75Tayo ay maglilingkod sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya habang tayo ay nabubuhay. 76Ikaw, maliit na bata, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan sapagkat yayaon ka sa harapan ng Panginoon upang ihanda ang kaniyang mga daan. 77Ikaw ay yayaon upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kaniyang mga tao, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 78Ito ay sa pamamagitan ng taos-pusong kahabagan ng ating Diyos, kung saan ang bukang-liwayway mula sa kataasan ay dumating sa atin. 79Ito ay upang magliwanag sa mga nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan at upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.

   
 80At ang bata ay lumaki at pinalakas sa espiritu. At siya ay nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.

 

 

Lucas 2

 

Ipinanganak si Jesus

 

 1Nangyari, nang mga araw na iyon, na lumabas ang isang batas mula kay Augusto Cesar na nag-uutos na dapat magpatala ang buong sanlibutan. 2Ang pagpapatalang ito ay unang nangyari nang si Cirenio ay gobernador ng Siria. 3Ang lahat ay pumunta upang makapagpatala, bawat isa sa kaniyang sariling lungsod.

   
 4Si Jose ay umahon din mula sa Galilea, mula sa lungsod ng Nazaret patungo sa Judea. Sa dahilang siya ay kabilang sa sambahayan at angkan ni David, siya ay umahon sa lungsod ni David na tinatawag na Bethlehem. 5Siya ay umahon upang magpatalang kasama si Maria, na ipinagkasundong mapangasawa niya. At kabuwanan na noon ni Maria. 6Nangyari, samantalang sila ay naroroon, sumapit ang araw ng kaniyang panganganak. 7Isinilang niya ang kaniyang panganay na anak, isang lalaki at binalot niya siya ng mga mahabang tela. Siya ay inihiga niya sa isang sabsaban sapagkat wala ng lugar para sa kanila sa bahay-tuluyan.

 

Nagbalita ang mga Anghel sa mga Pastol

 

 8Sa lupain ding iyon ay may mga tagapag-alaga ng mga tupa na namamalagi sa parang. Binabantayan nila sa gabi ang kanilang kawan. 9Narito, tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon. Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila at sila ay lubhang natakot. 10Sinabi sa kanila ng anghel: Huwag kayong matakot. Narito, inihahayag ko sa inyo ang ebanghelyo ng malaking kagalakan para sa lahat ng mga tao. 11Ito ay sapagkat sa araw na ito sa lungsod ni David ay ipinanganak sa inyo ang isang Tagapagligtas. Siya ang Cristo na Panginoon. 12Ito ang palatandaan ninyo. Inyong masusumpungan ang sanggol na nababalot ng mga mahabang tela at nakahiga sa isang sabsaban.

   
 13At biglang lumitaw ang isang karamihan ng hukbo ng langit na kasama ng anghel na iyon. Sila ay nagpupuri sa Diyos at nagsasabi:
    14Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, sa lupa ay
   kapayapaan, sa mga tao ay kaluguran.

   
 15Nangyari, nang ang mga anghel ay umalis patungo sa langit, ang mga tagapag-alaga ng tupa ay nag-usap-usap. Sinabi nila sa isa't isa: Pumunta tayo hanggang sa Bethlehem. Tingnan natin ang bagay na ito na nangyari, na ipinaalam sa atin ng Panginoon.

   
 16Sila ay nagmadaling pumunta roon. Nasumpungan nila roon si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17Pagkakita nila, kanilang ipinamalita ang salitang sinabi sa kanila patungkol sa sanggol na ito. 18Ang lahat ng mga nakarinig ay namangha sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga tagapag-alaga ng tupa. 19Sinarili ni Maria ang lahat ng mga salitang ito, at isina-alang-alang sa kaniyang puso. 20At bumalik ang mga tagapag-alaga ng tupa na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil sa lahat ng mga bagay na kanilang narinig at nakita tulad ng pagkasabi sa kanila.

 

Dinala ni Jose at ni Maria si Jesus sa Templo

 

 21Dumating ang ikawalong araw para sa pagtutuli sa maliit na bata. Ang kaniyang pangalan ay tinawag na Jesus. Ito ang ipinangalan ng anghel bago siya ipinagdalang-tao sa bahay-bata.

   
 22Naganap na ang araw ng kanilang pagdadalisay ayon sa kautusan ni Moises. Pagkatapos nito, dinala nila si Jesus sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon. 23Gaya ng nasusulat sa kautusan ng Panginoon: Ang bawat batang lalaki na nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal sa Panginoon. 24Dinala nila siya upang maghandog ng hain ayon sa sinabi sa kautusan ng Panginoon. Ang hain ay isang tambal na batu-bato o dalawang inakay na kalapati.

   
 25Narito, sa Jerusalem ay may isang lalaki na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito ay matuwid at maka-diyos na naghihintay sa kaaliwan ng Israel. At ang Banal na Espiritu ay sumasakaniya. 26Ang Banal na Espiritu ay naghayag sa kaniya na hindi siya mamamatay hanggang hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. 27Siya ay pumunta sa loob ng templo sa pamamagitan ng Espiritu. Dinala ng mga magulang ang maliit na batang si Jesus sa templo. Ito ay upang magawa nila sa kaniya ang naaayon sa naging kaugalian sa kautusan. 28Nang dinala nila ang maliit na bata, kinarga siya ni Simeon at pinuri ang Diyos. 29Sinabi niya: Panginoon, ngayon ay papanawin mo na ang iyong alipin na may kapayapaan ayon sa iyong salita. 30Ito ay sapagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas. 31Inihanda mo ito sa harap ng lahat ng mga tao. 32Ang kaligtasang ito ay isang liwanag upang maging kapahayagan sa mga Gentil. Ito ay kaluwalhatian ng Israel na iyong mga tao.

   
 33Si Jose at ang ina ni Jesus ay namangha sa mga bagay na sinabi patungkol sa kaniya. 34Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria na ina ng bata: Narito, siya ay itinalaga upang ibagsak at itindig ang marami sa Israel. Siya ay magiging isang tanda na kanilang tututulan. 35Ito ay mangyayari upang mahayag ang mga pagtatalo ng maraming puso. Sa iyo rin, isang tabak ang tatagos sa iyong kaluluwa.

   
 36Naroroon din si Ana, isang babaeng propeta na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay lubhang matanda na. Mula sa kaniyang kadalagahan, pitong taon siyang namuhay na may asawa. 37Siya ay mga walumpu't-apat na taon na at siya ay isang balo. At hindi na siya umalis sa templo. Araw at gabi siya ay naglilingkod na may mga pag-aayuno at mga pagdalangin. 38Sa oras ding iyon, pumasok siya sa kinaroroonan nila at nagpuri sa Panginoon. Nagsalita siya patungkol kay Jesus sa kanilang lahat na nasa Jerusalem na naghihintay ng katubusan.

   
 39Naganap na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon. Sila ay bumalik sa Galilea, sa Nazaret na kanilang lungsod. 40Ang bata ay lumaki at lumakas sa espiritu. Napuspos siya ng karunungan at ang biyaya ng Diyos ay sumakaniya.

 

Ang Batang si Jesus ay Naiwan sa Loob ng Templo

 

 41Taun-taon ay pumupunta ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem para sa pista ng Paglagpas. 42Nang si Jesus ay labindalawang taong gulang na, sila ay umahon sa Jerusalem ayon sa kaugalian ng kapistahan. 43Sila ay bumalik nang mabuo na nila ang mga araw ng kapistahan. Sa kanilang pagbabalik, ang batang si Jesus ay nanatili sa Jerusalem na hindi nalalaman ni Jose at ng ina ng bata. 44Sa pag-aakala nilang siya ay nasa kasamahan nila, sila ay yumaon at naglakbay ng isang araw. Pagkatapos nito, hinanap nila siya sa mga kamag-anak at mga kakilala. 45Nang hindi nila siya natagpuan, bumalik sila sa Jerusalem at hinanap siya. 46Pagkalipas ng tatlong araw, natagpuan nila siya sa templo. Siya ay nakaupo sa kalagitnaan ng mga guro, nakikinig at nagtatanong sa kanila. 47Ang lahat ng mga nakarinig sa kaniya ay namangha sa kaniyang pang-unawa at mga sagot. 48Nanggilalas ng labis ang kaniyang mga magulang nang makita siya. Sinabi sa kaniya ng kaniyang ina: Anak, bakit mo ginawa sa amin ang ganiyan? Ako at ang iyong ama ay naghanap sa iyo ng may hapis.

   
 49Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ako hinanap? Hindi ba ninyo alam na kinakailangan kong gawin ang mga bagay na may kinalaman sa aking Ama? 50Hindi nila naunawaan ang mga salitang sinabi niya sa kanila.

   
 51At siya ay lumusong na kasama nila at dumating sa Nazaret. Siya ay nagpasakop sa kanila. At iningatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga bagay na ito. 52At si Jesus ay lumago sa karunungan, at pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Diyos, at sa mga tao.

 

 

Lucas 3

 

Si Juan na Tagapagbawtismo ay Nangaral at Nagbawtismo

 

 1Sa ika-labinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, ang gobernador sa Judea ay si Poncio Pilato. Ang tetrarka sa Galilea ay si Herodes. Ang kaniyang nakakabatang kapatid na si Felipe ay punong tagapamahala sa Iturea at sa lalawigan ng Traconite. Si Lisonias ay punong tagapamahala sa Abilinia. 2Ang mga pinakapunong-saserdote ay sina Anas at Caifas. Sa panahong iyon, ang salita ng Diyos ay dumating kay Juan na nasa ilang. Si Juan ay anak ni Zacarias. 3Siya ay pumunta sa lahat ng lupain sa palibot ng Jordan. Ipinapangaral niya ang bawtismo ng pagsisisi para sa ikakapagpatawad ng mga kasalanan. 4Sa aklat ng mga salita ni Isaias, ang propeta, ay ganito ang nasusulat:
      May tinig na sumisigaw sa ilang. Ihanda ninyo
      ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang
      kaniyang mga landas. 5Tatambakan ang bawat
      bangin at papatagin ang bawat bundok at burol.
      Ang mga liku-liko ay tutuwirin at ang mga
      baku-bako ay papantayin. 6Makikita ng lahat
      ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos.

   
 7Lumabas ang karamihan upang magpabawtismo sa kaniya. Sinabi niya sa kanila: Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyong tumakas sa paparating na galit? 8Kayo nga ay magbunga na karapat-dapat sa pagsisisi. Huwag ninyong sabihin sa inyong sarili: Si Abraham ang aming ama. Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makakagawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito. 9Ngayon din naman ay nakalapat na ang palakol sa ugat ng mga punong-kahoy. Ang bawat punong-kahoy nga na hindi nagbubunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

   
 10Tinanong siya ng napakaraming tao: Ano ngayon ang dapat naming gawin?

   
 11Sumagot siya at sinabi sa kanila: Ang may dalawang balabal ay magbahagi sa kaniya na wala. Gayundin ang gawin ng may pagkain.

   
 12Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabawtismo. Sinabi nila sa kaniya: Guro, ano ang dapat naming gawin?

   
 13Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong maningil ng buwis nang higit sa nakatakdang singilin ninyo.

   
 14Tinanong din siya ng mga kawal: Ano ang dapat naming gawin?
   Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong mangikil sa sinuman, ni magparatang ng mali. Masiyahan na kayo sa inyong mga sinasahod.

   
 15Ang mga tao ay umaasa sa pagdating ng Mesiyas. Ang lahat ay nagmumuni-muni sa kanilang mga puso patungkol kay Juan kung siya nga ang Mesiyas o hindi. 16Si Juan ay sumagot sa kanilang lahat: Binabawtismuhan ko nga kayo ng tubig ngunit darating ang isang higit na dakila. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kaniyang panyapak. Babawtismuhan niya kayo ng Banal na Espiritu at ng apoy. 17Ang pangtahip ay nasa kaniyang kamay. Lilinisin niya nang lubusan ang kaniyang giikan. Kaniyang titipunin ang trigo sa kaniyang kamalig. Susunugin niya ang dayami sa pamamagitan ng apoy na hindi mapapatay. 18Marami pang mga bagay ang kaniyang ipinagtagubilin sa kaniyang pangangaral ng ebanghelyo sa mga tao.

   
 19Ngunit pinagwikaan ni Juan si Herodes na tetrarka patungkol kay Herodias na asawa ng kaniyang kapatid na si Felipe. Pinagwikaan din niya si Herodes patungkol sa lahat ng mga kasamaang ginawa niya. 20Ang kasamaang ito ay nadagdagan pa nang si Juan ay kaniyang ipabilanggo.

 

Binawtismuhan ni Juan si Jesus

 

 21Nangyari, na ang lahat ng mga tao ay nabawtismuhan. Nang si Jesus ay nabawtismuhan at nananalangin, ang langit ay nabuksan. 22Ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kaniya na may anyong tulad ng kalapati. Isang tinig ang nagmula sa langit na nagsasabi: Ikaw ang aking pinakamamahal na anak. Lubos akong nalulugod sa iyo.

 

Ang Talaan ng Angkan ni Jesus

 

 23Si Jesus ay magtatatlumpung taong gulang na. Siya ay ipinalagay na anak ni Jose, na anak ni Eli. 24Si Eli ay anak ni Matat, na anak ni Levi, na anak ni Melki. Si Melki ay anak ni Janna, na anak ni Jose. 25Si Jose ay anak ni Matatias, na anak ni Amos, na anak ni Nahum. Si Nahum ay anak ni Esli, na anak ni Nage. 26Si Nage ay anak ni Maat, na anak ni Matatias, na anak ni Semei. Si Semei ay anak ni Jose, na anak ni Juda. 27Si Juda ay anak ni Joana, na anak ni Resa, na anak ni Zerubabel. Si Zerubabel ay anak ni Shealtiel, na anak ni Neri. 28Si Neri ay anak ni Melki, na anak ni Adi, na anak ni Cosam. Si Cosam ay anak ni Elmadam, na anak ni Er. 29Si Er ay anak ni Josue, na anak ni Eleazar, na anak ni Jorim. Si Jorim ay anak ni Matat, na anak ni Levi. 30Si Levi ay anak ni Simeon, na anak ni Juda, na anak ni Jose. Si Jose ay anak ni Jonam, na anak ni Eliakim. 31Si Eliakim ay anak ni Melea, na anak ni Mena, na anak ni Matata. Si Matata ay anak ni Natan, na anak ni David. 32Si David ay anak ni Jesse, na anak ni Obed, na anak ni Boaz. Si Boaz ay anak ni Salmon, na anak ni Naason. 33Si Naason ay anak ni Aminadab, na anak ni Aram, na anak ni Esrom. Si Esrom ay anak ni Fares, na anak ni Juda. 34Si Juda ay anak ni Jacob, na anak ni Isaac, na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Tera, na anak ni Nacor. 35Si Nacor ay anak ni Serug, na anak ni Reu, na anak ni Peleg. Si Peleg ay anak ni Heber, na anak ni Selah. 36Si Selah ay anak ni Cainan, na anak ni Arfaxad, na anak ni Sem. Si Sem ay anak ni Noe, na anak ni Lamec. 37Si Lamec ay anak ni Metusela, na anak ni Enoc, na anak ni Jared. Si Jared ay anak ni Mahalalel, na anak ni Cainan. 38Si Cainan ay anak ni Enos, na anak ni Set, na anak ni Adan. Si Adan ay anak ng Diyos.

 

 

Lucas 4

 

Tinukso ng Diyablo si Jesus

 

 1Si Jesus na puspos ng Banal na Espiritu ay bumalik mula sa Jordan. Pinatnubayan siya ng Espiritu sa ilang. 2Doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Sa mga araw na iyon ay wala siyang kinaing anuman. Pagkatapos ng mga ito, nagutom siya.

   
 3Sinabi ng diyablo sa kaniya: Yamang ikaw ang anak ng Diyos, sabihin mo sa batong ito na maging tinapay.

   
 4Sumagot si Jesus sa kaniya na sinasabi: Nasusulat:
      Hindi lamang sa tinapay mabubuhay ang tao
      kundi sa bawat Salita ng Diyos.

   
 5Dinala siya ng diyablo sa isang mataas na bundok. Ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga paghahari sa sanlibutan sa sandaling panahon. 6Sinabi ng diyablo sa kaniya: Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapamahalaang ito at ang kanilang kaluwalhatian sapagkat ibinigay na ito sa akin at ibibigay ko ito kung kanino ko naisin. 7Kung ikaw nga ay sasamba sa akin, ang lahat ng mga ito ay magiging iyo.

   
 8Sinagot siya ni Jesus at sinabi: Lumayo ka, Satanas! Ito ay sapagkat nasusulat:
      Dapat mong sambahin ang Panginoon mong
      Diyos, at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.

   
 9Dinala ng diyablo si Jesus sa Jerusalem at inilagay siya sa taluktok ng templo. Sinabi sa kaniya: Yamang ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka. 10Ito ay sapagkat nasusulat:
      Uutusan niya ang kaniyang mga anghel
      patungkol sa iyo upang ingatan kang mabuti.
    11Bubuhatin ka nila ng kanilang mga kamay
      upang hindi tumama ang iyong paa sa bato.

   
 12Pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya: Nasusulat:
      Huwag mong tuksuhin ang Panginoon mong
      Diyos.

   
 13Nang matapos ang bawat pagtukso ng diyablo, siya ay umalis at iniwan si Jesus ng pansamantala.

 

Si Jesus ay Tinanggihan ng mga Taga-Nazaret

 

 14Si Jesus ay bumalik sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu. Kumalat sa buong lupain ang balita patungkol sa kaniya. 15Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga na niluluwalhati ng lahat.

   
 16Siya ay pumunta sa Nazaret, ang lugar na kinalakihan niya. Ayon sa kaniyang kinaugalian, siya ay pumasok sa sinagoga sa araw ng Sabat. Siya ay tumayo upang bumasa. 17Ibinigay sa kaniya ang nakabalumbong aklat ni Isaias na propeta. Nang mailadlad ang aklat, natagpuan niya ang bahagi na ganito ang nasusulat:
    18Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin
      dahil pinahiran niya ako upang ipahayag ang
      ebanghelyo sa mga dukha. Sinugo niya ako
      upang pagalingin ang mga sugatang puso.
      Sinugo niya ako upang ipangaral ang kalayaan
      sa mga bihag at ang pananauli ng paningin sa
      mga bulag. Sinugo niya ako upang palayain ang
      mga inapi. 19Sinugo niya ako upang ipangaral
      ang katanggap-tanggap na taon ng Panginoon.

   
 20Nang mabalumbon na ang aklat, ibinigay ito ni Jesus sa tagapaglingkod sa templo at umupo. Ang mga mata ng lahat ng mga nasa loob ng sinagoga ay nakatuon sa kaniya. 21Sinimulan niyang sabihin sa kanila: Sa araw na ito, habang kayo ay nakikinig, ang kasulatang ito ay naganap.

   
 22Ang lahat ay nagpatotoo sa kaniya. Namangha sila sa mga mabiyayang salita na lumabas sa kaniyang bibig. Sinabi nila: Hindi ba ito ang anak ni Jose?

   
 23Sinabi ni Jesus sa kanila: Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang talinghagang ito: Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili. Ang anumang narinig naming ginawa mo sa Capernaum ay gawin mo rin dito sa sarili mong bayan.

   
 24Sinabi niya: Totoong sinasabi ko sa inyo, walang propetang tinatanggap sa kaniyang sariling bayan. 25Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: Sa panahon ni Elias ay maraming mga babaeng balo sa Israel. Ang langit ay isinara sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. Nagkaroon ng malaking taggutom sa lahat ng lupain. 26Sa panahong iyon ay hindi isinugo si Elias sa mga babaeng balo maliban sa isang babaeng balo sa Sarepat. Ang Sarepat ay isang bayan sa Sidon. 27Sa panahon ng propetang si Eliseo ay maraming ketongin sa Israel. Walang nilinis sa kanila maliban kay Naaman na taga-Siria.

   
 28Sa pagkarinig ng mga bagay na ito, ang lahat ng nasa sinagoga ay nag-alab sa galit. 29Sila ay tumindig at itinaboy si Jesus sa labas ng lungsod. Siya ay dinala nila sa bingit ng burol na kinatatayuan ng kanilang lungsod upang ihulog siya. 30Gayunman, siya ay umalis na dumaan sa kanilang kalagitnaan.

 

Pinalayas ni Jesus ang Karumal-dumal na Espiritu

 

 31Si Jesus ay bumaba sa Capernaum, lungsod ng Galilea. Nagturo siya sa kanila sa araw ng Sabat. 32Sila ay nanggilalas sa kaniyang turo dahil ang kaniyang salita ay may kapamahalaan.

   
 33Sa sinagoga ay may isang lalaki na may espiritu ng karumal-dumal na demonyo. Siya ay sumigaw na may malakas na tinig. 34Sinabi niya: Aba! Ano ang kaugnayan natin sa isa't isa, Jesus na taga-Nazaret? Pumunta ka ba upang kami ay wasakin? Kilala kita kung sino ka. Ikaw ang Banal ng Diyos!

   
 35Sinaway siya ni Jesus. Sinabi sa kaniya: Tumahimik ka at lumabas ka sa kaniya. Nang maibagsak ng demonyo ang lalaki sa kalagitnaan nila, lumabas siya mula sa lalaki. Hindi niya ito sinaktan.

   
 36Lahat sila ay namangha at nag-usap-usap sa bawat isa. Kanilang sinasabi: Anong salita ito? May kapamahalaan at kapangyarihang inutusan niya ang mga karumal-dumal na espiritu at sila ay lumabas. 37At kumalat ang balita patungkol sa kaniya sa bawat dako ng lupain sa palibot.

 

Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao

 

 38Siya ay tumindig at lumabas sa sinagoga, siya ay pumasok sa bahay ni Simon. Ang biyenang babae ni Simon ay pinahihirapan ng mataas na lagnat. Hiniling nila kay Jesus na pagalingin siya. 39Tumayo si Jesus sa tabi niya at sinaway ang lagnat at ito ay nawala. Kapagdaka, siya ay bumangon at pinaglingkuran sila.

   
 40Nang papalubog na ang araw, dinala nila kay Jesus ang mga taong may iba't ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. 41Lumabas din ang mga demonyo sa marami sa kanila. Ang mga demonyo ay sumisigaw at nagsasabi: Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos! Sila ay sinaway niya at hindi pinagsalita dahil alam nila na siya ang Mesiyas.

   
 42Kinaumagahan, siya ay umalis at pumunta sa ilang na dako. Hinanap siya ng mga tao at lumapit sila sa kaniya. Nang sila ay makalapit sa kaniya, pinigilan nila siyang umalis. 43Ngunit sinabi niya sa kanila: Kinakailangang ipangaral ko rin sa ibang mga lungsod ang ebanghelyo, patungkol sa paghahari ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ako isinugo. 44Siya ay nangaral sa mga sinagoga sa Galilea.

 

 

Lucas 5

 

Tinawag ni Jesus ang Unang mga Alagad

 

 1Nangyari nga, habang nagkakatipun-tipon ang mga tao sa kaniya upang makinig ng salita ng Diyos, siya ay nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret. 2Nakakita siya ng dalawang bangka na nasa tabi ng lawa. Ang mga mangingisda ay nakababa na sa bangka at naghuhugas ng mga lambat. 3Sumakay siya sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon. Ipinakiusap niya kay Simon na ilayo ng kaunti sa baybayin ang bangka. Pagkaupo niya, siya ay nagturo sa mga tao mula sa bangka.

   
 4Pagkatapos niyang magsalita, nagsabi siya kay Simon: Pumalaot kayo. Ihulog ninyo ang mga lambat upang makahuli ng mga isda.

   
 5Sumagot si Simon na sinabi: Guro, magdamag kaming nagpagal at wala kaming nahuli. Gayunman kahit wala kaming nahuli, sa iyong salita ay ihuhulog ko ang lambat.

   
 6Pagkagawa nila ng gayon, nakahuli sila ng napakaraming isda at ang lambat ay napupunit. 7Kinawayan nila ang kanilang kapwa mangingisda na nasa ibang bangka upang lumapit at tulungan sila. Lumapit sila at pinuno ang dalawang bangka kaya sila ay papalubog.

   
 8Nang makita iyon ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa mga tuhod ni Jesus. Sinabi niya: Panginoon, lumayo ka sa akin sapagkat ako ay isang taong makasalanan. 9Sinabi niya ito sapagkat siya ay namangha, gayundin ang kaniyang mga kasamahan dahil sa napakaraming huli. 10Namangha rin ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan, na mga katuwang ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon: Huwag kang matakot. Mula ngayon ay mamalakaya ka na ng tao. 11Pagkadaong nila ng mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.

 

Nilinis ni Jesus ang Lalaking Ketongin

 

 12Nangyari, nang siya ay nasa isang lungsod, narito, may isang lalaking puno ng ketong. Pagkakita niya kay Jesus, nagpatirapa siya. Ipinamanhik niya sa kaniya na sinasabi: Panginoon, kung ibig mo, malilinis mo ako.

   
 13Sa pag-unat ni Jesus ng kaniyang kamay, siya ay kaniyang hinipo, na sinasabi: Ibig ko, luminis ka. Kapagdaka ay nawala ang kaniyang ketong.

   
 14Iniutos ni Jesus sa kaniya: Huwag mo itong sabihin sa kaninuman. Iniutos niya: Yumaon ka at ipakita mo ang iyong sarili sa saserdote at maghandog ka para sa pagkalinis mo. Maghain ka ayon sa iniutos ni Moises bilang pagpapatotoo sa kanila.

   
 15Lalo pang kumalat ang balita patungkol kay Jesus. Nagdatingan ang napakaraming mga tao upang makinig at upang mapagaling niya sa kanilang mga sakit. 16Ngunit pumunta siya sa ilang at nanalangin.

 

Pinagaling ni Jesus ang Paralitiko

 

 17Nangyari, isang araw sa kaniyang pagtuturo mayroon doong nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan. Sila ay galing sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem. Naroroon ang kapangyarihan ng Panginoon upang pagalingin sila. 18Narito, may mga lalaking nagdala ng isang paralitiko na nasa isang higaan. Naghahanap sila ng paraan kung papaano siya maipapasok sa loob ng bahay at mailagay sa harapan ni Jesus. 19Dahil sa napakaraming tao, hindi sila makahanap ng paraan kung papaano siya maipapasok. Dahil dito, umakyat sila sa bubungan at doon nila siya ibinaba na nasa kaniyang maliit na higaan, sa gitna, sa harapan ni Jesus.

   
 20Nakita ni Jesus ang kanilang pananampalataya. Sinabi niya sa kaniya: Lalaki, pinatawad ka na sa iyong mga kasalanan.

   
 21Nagsimulang mangatwiran ang mga guro ng kautusan at mga Fariseo. Kanilang sinabi: Sino ito na nagsasalita ng pamumusong? Sino ang makakapagpatawad ng mga kasalanan? Hindi ba ang Diyos lamang?

   
 22Nalaman ni Jesus ang kanilang pangangatwiran. Sumagot siya sa kanila at sinabi: Bakit kayo nangangatwiran sa inyong mga puso? 23Ano ang higit na madali, ang magsabing: Pinatawad ka sa iyong mga kasalanan, o ang magsabing: Bumangon ka at lumakad. 24Ito ang gagawin ko upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan. Sinabi niya sa paralitiko: Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka. Buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka sa iyong bahay. 25Pagdaka, tumayo siya sa harapan nila. Pagkabuhat niya ng kaniyang higaan, umuwi siya sa kaniyang bahay na niluluwalhati ang Diyos. 26Ang lahat ay namangha at nagbigay kaluwalhatian sa Diyos. Napuspos sila ng takot. Sinabi nila: Sa araw na ito ay nakakita kami ng kamangha-manghang bagay.

 

Tinawag ni Jesus si Levi

 

 27Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus ay umalis. Nakita niya ang isang maniningil ng buwis na nagngangalang Levi. Siya ay nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sumunod ka sa akin. 28Sa pagtindig ni Levi iniwanan niya ang lahat at sumunod sa kaniya.

   
 29Si Levi ay naghanda ng isang malaking piging sa kaniyang bahay para kay Jesus. Naroroon ang napakaraming mga maniningil ng buwis at mga iba pang kasalo nila. 30Nagbulong-bulungan ang mga guro ng kautusan at ang mga Fariseo laban sa kaniyang mga alagad. Sinabi nila: Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?

   
 31Sumagot si Jesus sa kanila: Sila na malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit. 32Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid. Ako ay naparito upang tawagin ang mga makasalanan sa pagsisisi.

 

Nagtanong ang mga Fariseo Patungkol sa Pag-aayuno

 

 33Sinabi nila sa kaniya: Madalas mag-ayuno at manalangin ang mga alagad ni Juan. Ang mga alagad ng mga Fariseo ay gayundin ang ginagawa. Ngunit bakit ang iyong mga alagad ay kumakain at umiinom?

   
 34Sinabi niya sa kanila: Mapag-aayuno ba ninyo ang mga abay sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikakasal? 35Darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay aalisin sa kanila. Sa mga araw na iyon, sila ay mag-aayuno.

   
 36Siya ay nagsabi rin ng isang talinghaga sa kanila. Walang sinumang nagtatagpi ng kaputol ng bagong damit na hindi pa umuurong sa lumang damit. Kapag ginawa ng sinuman ang gayon, pupunitin ito ng bago at gayundin, hindi ito aayon sa lumang kaputol. 37Walang sinumang nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ginawa ng sinuman ang gayon, papuputukin ng bagong alak ang sisidlang-balat at mabubuhos ang alak. Ang mga sisidlang balat ay mawawasak. 38Subalit ang bagong alak ay dapat ilagay sa mga bagong sisidlang-balat at ang dalawa ay magkasamang mapapanatili. 39Walang sinumang nakainom ng lumang alak ang agad-agad ay magnanais ng bago sapagkat kaniyang sinasabi: Ang luma ay higit na masarap.

 

 

Lucas 6

 

Araw ng Sabat

 

 1Nangyari, sa ikalawang araw ng Sabat pagkaraan ng una, si Jesus ay dumaan sa triguhan. Ang mga alagad niya ay pumigtal ng mga uhay. Ito ay nililigis nila sa kanilang mga kamay at kinakain. 2Sinabi ng ilang Fariseo sa kanila: Bakit ginagawa ninyo ang ipinagbabawal gawin sa araw ng Sabat?

   
 3Sumagot si Jesus. Sinabi niya: Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David ng magutom siya at ang mga kasama niya? 4Hindi ba pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinuha ang tinapay na handog? Kinain niya ito at binigyan din ang kaniyang mga kasama. Ito ay bawal kainin maliban ng mga saserdote. 5Sinabi niya sa kanila: Ang Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.

   
 6Nangyari din, sa iba pang araw ng Sabat, na pumasok siya sa isang sinagoga at nagturo. Mayroon doong isang lalaki na ang kanang kamay ay nanunuyot. 7Minamatyagan siya ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo kung siya ay magpapagaling sa araw ng Sabat. Ito ay upang makakita sila ng maipaparatang laban sa kaniya. 8Alam ni Jesus ang kanilang iniisip. Sinabi niya sa lalaking nanunuyot ang kamay: Tumindig ka at tumayo sa gitna. Tumindig nga siya at tumayo doon.

   
 9Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila: Magtatanong ako sa inyo. Naaayon ba sa batas ang gumawa ng kabutihan o gumawa ng kasamaan sa araw ng Sabat? Ang magligtas ng buhay o pumatay?

   
 10Tiningnan niya ang bawat isa sa palibot. Pagkatingin niya, sinabi niya sa lalaki: Iunat mo ang iyong kamay. Ginawa niya ang gayon at ang kaniyang kamay ay nanauli sa dati na malusog tulad ng isa. 11Ngunit nagngitngit sila sa galit. Nagsanggunian sila sa isa't isa kung ano ang gagawin nila kay Jesus.

 

Tinawag ni Jesus ang Labindalawang Alagad

 

 12Nangyari, noong mga araw na iyon, siya ay pumunta sa bundok upang manalangin. Nanalangin siya sa Diyos sa buong magdamag. 13Nang mag-uumaga na, tinawag niya ang kaniyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol. 14Ang mga ito ay sina Simeon, na tinagurian din niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid. Ang iba ay sina Santiago at Juan, Felipe at Bartolome. 15Kasama rin si Mateo, si Tomas, si Santiago, na anak ni Alfeo, at si Simon na tinatawag na Makabayan. 16Kasama rin si Judas na kapatid ni Santiago at si Judas na taga-Keriot, na siyang naging taksil.

   
 17Si Jesus ay bumabang kasama nila at tumayo sa isang patag na dako. Pumunta roon ang karamihan ng kaniyang mga alagad at mga tao na lubhang marami. Ang mga tao ay nanggaling sa buong Judea at Jerusalem at sa baybaying dagat ng Tiro at Sidon. Sila ay pumunta roon upang makinig sa kaniya at mapagaling ang kanilang mga sakit. 18Ang mga ginugulo ng mga karumal-dumal na espiritu ay dumating din at sila rin ay pinagaling. 19Hinangad ng lahat ng mga tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang lumalabas sa kaniya na nagpapagaling sa kanilang lahat.

 

Ang Pahayag ng Pagpapala at Pagkaaba

 

 20Tumingin si Jesus sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Pinagpala kayong mga mapagpakumbaba sapagkat sa inyo ang paghahari ng Diyos. 21Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon sapagkat kayo ay bubusugin. Pinagpala kayong umiiyak ngayon sapagkat kayo ay tatawa na may galak. 22Pinagpala kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at kapag itinatakwil nila kayo. Pinagpala kayo kung pinapahiya kayo ng mga tao at itinuturing nila ang inyong pangalan na tulad sa masama. Pinagpala kayo kapag ang mga ito ay ginawa sa inyo dahil sa akin na Anak ng Tao.

   
 23Magalak kayo sa araw na iyon at lumukso sa kagalakan. Narito, malaki ang gantimpala ninyo sa langit. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga propeta.

   
 24Sa aba ninyo na mayayaman sapagkat tinatanggap ninyo ang inyong kaaliwan. 25Sa aba ninyo na mga busog sapagkat kayo ay magugutom. Sa aba ninyo na tumatawa ngayon sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis. 26Sa aba ninyo kung ang lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti patungkol sa inyo. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga bulaang propeta.

 

Ibigin mo ang Iyong Kaaway

 

 27Sinasabi ko sa inyo na nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. 28Sabihin ninyo ang mabubuti sa mga nanunungayaw sa inyo. Ipanalangin ninyo sila na umaalipusta sa inyo. 29Iharap mo ang kabila mong pisngi sa kaniya na sumampal sa iyo. Huwag mong ipagkait ang iyong balabal sa kaniya na kumuha ng iyong damit. 30Magbigay ka sa bawat isang humihingi sa iyo. Huwag mo nang bawiin ang iyong mga pag-aari sa kumuha nito sa iyo. 31Ayon sa nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gawin din ninyo ang gayon sa kanila.

   
 32Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung iniibig ninyo ang mga umiibig sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. 33Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung gumagawa kayo ng mabuti sa kanila na gumagawa ng mabuti sa inyo? Ito ay sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan. 34Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung magpapahiram kayo sa kanila na inaasahan ninyong makakapagbigay sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan upang sila ay tumanggap din ng gayon. 35Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit at ang gantimpala ninyo ay magiging malaki. Kayo ay magiging mga anak ng kataas-taasan sapagkat siya ay mabuti sa mga hindi mapagpasalamat at sa mga masasama. 36Maging mga maawain nga kayo, gaya rin naman ng inyong Ama na maawain.

   
 37Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Huwag kayong magbigay hatol upang hindi kayo bigyang hatol. Magpatawad kayo upang kayo ay patawarin. 38Magbigay kayo at ito ay ibibigay sa inyo, mabuting sukat, siniksik, niliglig at umaapaw sapagkat ang panukat na inyong ipinangsukat ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Pagkabulag

 

 39Isang talinghaga ang sinabi niya sa kanila. Makakaakay ba ng bulag ang isang bulag? Hindi ba kapwa silang mahuhulog sa hukay? 40Ang isang alagad ay hindi higit sa kaniyang guro. Ang bawat isang alagad ay magiging katulad ng kaniyang guro kung sila ay lubos nang handa.

 

Ang Paghatol sa Iba

 

 41Bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa sarili mong mata? 42Paano mo masasabi sa iyong kapatid: Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata kung hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong mata? Ikaw na mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang troso na nasa iyong mata. Pagka-alis mo nito, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.

 

Ang Puno at ang Bunga Nito

 

 43Sapagkat ang mabuting punong-kahoy ay hindi namumunga ng masamang bunga. Gayundin naman, ang masamang punong-kahoy ay hindi namumunga ng mabuting bunga. 44Ang bawat punong-kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagkat ang mga tao ay hindi nangangalap ng igos sa mga tinik. Hindi rin sila nangangalap ng ubas sa mga dawag. 45Ang mabuting tao ay nagbubunga ng mabuti mula sa mabuting kayamanan na nasa kaniyang puso. Ang masamang tao ay nagbubunga ng masama mula sa masamang kayamanan na nasa kaniyang puso, sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay sinasalita ng bibig.

 

Ang Matalino at Mangmang na Tagapagtayo

 

 46Bakit ninyo ako tinatawag na: Panginoon, Panginoon, at hindi ninyo ginagawa ang aking sinasabi? 47Ang isang tao ay lumalapit sa akin at nakikinig ng aking mga salita at gumagawa nito. Ipapakita ko sa inyo kung kanino katulad ang taong ito. 48Siya ay katulad ng isang lalaki na nagtayo ng isang bahay. Naghukay siya ng malalim at naglagay ng saligan sa bato. Nang magkaroon ng baha, ang agos ay sumalpok ng malakas sa bahay na iyon. Ang bahay ay hindi natinag sapagkat ito ay itinayo sa bato. 49Ngunit siya na nakarinig at hindi gumawa ay tulad ng isang tao na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na walang saligan. Ang agos ay sumalpok ng malakas sa bahay at pagdaka, ito ay bumagsak. Ang pinsala ng bahay na iyon ay lubhang malaki.

 

 

Lucas 7

 

Ang Kapitan ay Nanampalataya

 

 1Nang matapos na siya sa lahat ng kaniyang pagsasalita sa mga taong nakikinig, pumasok siya sa Capernaum. 2Mayroong isang Kapitan na may alipin na kaniyang pinahahalagahan. Ang aliping ito ay may sakit at malapit nang mamatay. 3Nang marinig ng kapitan ang patungkol kay Jesus, isinugo niya ang mga matanda ng mga Judio. Ito ay upang hilingin kay Jesus na pumunta at pagalingin ang kaniyang alipin. 4Pagpunta nila kay Jesus, masikap silang namanhik sa kaniya. Sinabi nila: Siya na gagawan mo nito ay karapat-dapat. 5Ito ay sapagkat iniibig niya ang ating bansa at itinayo niya ang sinagoga para sa amin. 6Si Jesus ay sumama sa kanila.
   Nang sila ay malapit na sa bahay, ang kapitan ay nagsugo ng mga kaibigan sa kaniya. Ipinasabi niya kay Jesus: Panginoon, huwag ka nang mag-abala sapagkat ako ay hindi karapat-dapat upang puntahan mo sa aking bahay. 7Kaya nga, hindi ko rin itinuring na ako ay karapat-dapat pumunta sa iyo. Gayunman, magsalita ka lang at ang aking lingkod ay gagaling. 8Ito ay sapagkat ako rin ay isang lalaking itinalaga sa ilalim ng kapamahalaan. Mayroon akong nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isa: Humayo ka. At siya ay humahayo. Sa isa ay sinasabi ko: Pumarito ka. At siya ay pumaparito. Sa aking alipin ay sinasabi ko: Gawin mo ito. At ginagawa niya ito.

   
 9Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay namangha sa kaniya. Humarap siya sa maraming mga taong sumusunod sa kaniya. Sinabi niya: Sinasabi ko sa inyo, ni sa mga taga-Israel ay hindi ako nakakita ng ganitong kalaking pananampalataya. 10Nang bumalik sa bahay ang mga isinugo, nasumpungan nilang nasa mabuti nang kalusugan ang aliping may sakit.

 

Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo

 

 11Kinabukasan, nangyari na siya ay pumunta sa isang lungsod na tinatawag na Nain. Sumama sa kaniya ang marami sa kaniyang mga alagad at ang napakaraming tao. 12Nang papalapit na siya sa tarangkahan ng lungsod. Narito, may isang taong patay na at binubuhat papalabas. Ang lalaking patay ay nag-iisang anak ng kaniyang ina na isang balo. Maraming mga mamamayan ng lungsod ang kasama ng ina. 13Nang makita siya ng Panginoon, siya ay nahabag sa kaniya. Sinabi niya sa kaniya: Huwag kang umiyak.

   
 14Lumapit si Jesus at hinipo ang kinalalagyan ng patay at ang mga bumubuhat nito ay tumigil. Sinabi niya: Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka. 15Siya na namatay ay umupo at nagsimulang magsalita. Ibinalik siya ni Jesus sa kaniyang ina.

   
 16Ang lahat ay pinagharian ng takot at niluwalhati nila ang Diyos. Kanilang sinabi: Isang dakilang propeta ang lumitaw sa kalagitnaan natin. Dinalaw ng Diyos ang kaniyang mga tao. 17Ang ulat na ito patungkol sa kaniya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng mga lupain sa palibot.

 

Si Jesus at si Juan na Tagapagbawtismo

 

 18Ang mga alagad ni Juan ay nagbigay-ulat sa kaniya patungkol sa lahat ng mga bagay na ito. 19Tinawag ni Juan ang dalawa sa kaniyang mga alagad at sinugo kay Jesus. Ipinasabi niya: Ikaw ba ang aming hinihintay o maghahanap pa kami ng iba?

   
 20Ang dalawa ay pumunta kay Jesus. Sinabi nila: Sinugo kami sa iyo ni Juan na tagapagbawtismo. Ipinapatanong niya: Ikaw ba ang aming hinihintay o maghahanap pa kami ng iba?

   
 21Nang oras ding iyon, nagpagaling siya ng maraming mga karamdaman at pasakit, at mga masamang espiritu. Ginawa niya na ang mga bulag ay makakita. 22Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Pumaroon na kayo at iulat ninyo kay Juan ang mga narinig at nakita ninyo. Iulat ninyo sa kaniya na ang mga bulag ay nakakita, ang mga lumpo ay nakalakad, ang mga ketongin ay luminis, ang mga bingi ay nakarinig, ang mga patay ay binuhay at ang ebanghelyo ay ipinangaral sa mahihirap. 23At pinagpala ang sinumang hindi matitisod sa akin.

   
 24Umalis ang mga sinugo ni Juan. Si Jesus ay nagsimulang magsalita sa maraming mga tao patungkol kay Juan. Ano ang gusto ninyong makita sa pagpunta ninyo sa ilang? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? 25Ano ang gusto ninyong makita sa inyong pagpunta? Isa bang lalaki na nakadamit ng malambot na kasuotan? Narito, sila na nakadamit ng marilag at namumuhay sa karangyaan ay nasa mga palasyo. 26Ano ang gusto ninyong makita sa inyong pagpunta? Isa bang propeta? Sinasabi ko sa inyo: Oo, at higit na dakila kaysa sa isang propeta. 27Siya ito na tinutukoy sa nasusulat:
      Narito, isinusugo ko ang aking sugo na mauuna
      sa iyo. Siya ang maghahanda ng iyong daraanan
      sa unahan mo.

    28Sinasabi ko ito sa inyo dahil, sa mga ipinanganak ng mga babae, wala nang propeta na hihigit pa kay Juan na tagapagbawtismo. Gayunman, siya na pinakamababa sa paghahari ng langit ay lalong higit kaysa sa kaniya.

   
 29Narinig ito ng mga tao at ng mga maniningil ng buwis. Kinilala nilang matuwid ang Diyos sapagkat sila ay nabawtismuhan ng bawtismo ni Juan. 30Ngunit ang mga Fariseo at mga dalubhasa sa kautusan ay tumanggi sa payo ng Diyos sapagkat hindi sila nabawtismuhan ni Juan.

   
 31Sinabi ng Panginoon: Sa ano ko nga ihahalintulad ang lahing ito? Ano ang katulad nila? 32Sila ay katulad ng mga maliliit na bata na nakaupo sa pamilihan at tinatawag ang isa't isa. Kanilang sinasabi:
      Tinugtugan namin kayo ng plawta at hindi kayo
      sumayaw. Kami ay nagluksa at hindi kayo
      tumangis.

    33Ito ay sapagkat nang si Juan na tagapagbawtismo ay pumarito, hindi siya kumakain ng pagkain o umiinom ng alak at sinasabi ninyo: Siya ay may demonyo. 34Nang ang Anak ng Tao ay dumating, siya ay kumakain at umiinom. At sinasabi ninyo: Siya ay taong matakaw at manginginom ng alak, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan. 35Subalit ang karunungan ay pinatunayang matuwid ng lahat ng kaniyang mga anak.

 

Binuhusan ng Pabango ng Makasalanang Babae si Jesus

 

 36Isa sa mga Fariseo ang humiling na siya ay kumaing kasama niya. Pagpasok niya sa bahay ng Fariseo, siya ay dumulog sa hapag. 37Narito, isang babaeng namuhay sa kasalanan ang nasa lungsod na iyon. Nalaman niya na si Jesus ay dumulog sa hapag, sa bahay ng Fariseo. Dahil dito, nagdala siya ng isang mabangong langis na nasa garapong alabastro. 38Tumayo siya sa likuran ni Jesus, sa kaniyang paanan. Siya ay umiiyak at sinimulan niyang basain ng kaniyang luha ang mga paa ni Jesus. Pinupunasan niya ng kaniyang buhok at taimtim na hinahagkan ang mga paa ni Jesus. Pinapahiran niya ito ng mabangong langis.

   
 39Nakita ito ng Fariseo na nag-anyaya kay Jesus. Siya ay nangusap sa kaniyang sarili. Kaniyang sinabi: Kung propeta ang taong ito, nalaman sana niya kung sino at anong uring babae ang humihipo sa kaniya sapagkat ang babaeng ito ay makasalanan.

   
 40Sa pagsagot ni Jesus, sinabi sa kaniya: Simon may ilang bagay akong sasabihin sa iyo.
   Sinabi niya: Guro, sabihin mo.

   
 41Sinabi ni Jesus: May dalawang lalaking nangutang sa isang nagpapautang. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo, ang isa ay limampu. 42Nang wala silang maibayad, kapwa sila pinatawad ng nagpautang sa kanila. Sabihin mo kung sino sa kanila ang iibig sa kaniya ng lubos?

   
 43Sumagot si Simon: Sa palagay ko, ang pinatawad sa malaking pagkakautang.
   Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong hatol.

   
 44Humarap siya sa babae. Sinabi niya kay Simon: Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para mahugasan ko ang aking paa. Ngunit binasa ng babaeng ito ang aking mga paa ng kaniyang luha. Pinunasan niya ito ng kaniyang buhok. 45Hindi mo ako binigyan ng halik. Ngunit ang babaeng ito ay hindi huminto sa mataimtim na paghalik sa aking mga paa mula pa nang ako ay pumasok. 46Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo. Ngunit pinahiran niya ng mabangong langis ang aking mga paa. 47Dahil dito, sinasabi ko sa iyo: Pinatawad na ang marami niyang kasalanan sapagkat siya ay umibig ng lubos. At ang pinatawad ng kaunti ay umiibig ng kaunti.

   
 48Sinabi niya sa babae: Ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na.

   
 49At ang mga kasama niyang nakadulog sa hapag ay nagsimulang magsabi sa kanilang mga sarili. Sinabi nila: Sino ito na nagpapatawad ng mga kasalanan?

   
 50Sinabi niya sa babae: Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang payapa.

 

 

Lucas 8

 1Pagkatapos na mangyari ito, si Jesus ay naglakbay sa bawat lungsod at sa bawat nayon. Siya ay nangangaral at naghahayag ng ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos. Ang labindalawang alagad ay kasama niya. 2Kasama rin niya ang ilang mga babae na pinagaling mula sa masamang espiritu at sakit. Kasama nila si Maria na tinaguriang Magdala na nilabasan ng pitong demonyo. 3Kasama rin si Joana na asawa ni Chuza, na isang tagapangasiwa ng sambahayan ni Herodes. Kasama rin si Susana at ang marami pang iba. Naglilingkod sila sa kaniya ng mula sa kanilang mga ari-arian.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Manghahasik

 

 4Nagtipun-tipon ang napakaraming mga tao at ang mga nanggaling sa bawat lungsod ay pumunta sa kaniya. Nagsalita siya sa pamamagitan ng talinghaga. 5Ang manghahasik ay lumabas upang ihasik ang kaniyang binhi. Sa kaniyang paghahasik ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan at ito ay naapakan. Ito ay kinain ng mga ibon sa langit. 6Ang iba ay nahulog sa bato. Nang ito ay umusbong, ito ay natuyo dahil sa kakulangan ng hamog. 7Ang iba ay nahulog sa dawagan. Kasabay nitong umusbong ang mga dawag at ito ay nasiksik ng mga dawag. 8Ang iba ay nahulog sa matabang lupa. Umusbong ang mga ito at namunga ng isang daan.
   Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, sumigaw siya: Ang may pandinig ay makinig.

   
 9Tinanong siya ng kaniyang mga alagad: Ano kaya ang kahulugan ng talinghagang ito? 10Sinabi niya: Ipinagkaloob sa inyo ang makaalam ng mga hiwaga ng paghahari ng Diyos ngunit sa iba ay nagsalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga.
      Ito ay upang sa pagtingin ay hindi sila makatalos
      at sa pagdinig ay hindi sila makaunawa.

   
 11Ngayon, ang talinghaga ay ito: Ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12Ang mga nasa tabing-daan ay ang mga nakikinig. Dumating ang diyablo at kinuha ang salita mula sa kanilang mga puso. Ito ay upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13Ang mga nasa bato ay sila, na nang makarinig ay may kagalakang tinanggap ang salita. Ang mga ito ay walang mga ugat na sa ilang panahon ay sumampalataya. Sa panahon ng pagsubok sila ay lumayo. 14Ngunit ang mga nahulog sa dawag ay sila na mga nakarinig. At nang sila ay humayo, sila ay nasakal ng mga kabalisahan at mga kayamanan at mga kasiyahan ng buhay. Hindi sila lumago. 15Ang mga nahulog sa matabang lupa ay ang mga nakarinig ng salita at tumanggap nito. Tinanganan nila ito na may marangal at mabuting puso. Sila ay nasumpungang may pagtitiis.

 

Ang Ilawan sa Lagayan ng Ilaw

 

 16Walang sinumang nagsisindi ng ilawan at pagkatapos ay tinatakpan ng banga. Wala ring nagsisindi ng ilawan at inilalagay ito sa ilalim ng higaan. Ito ay inilalagay sa lagayan ng ilawan upang ang liwanag nito ay makita ng mga pumapasok. 17Ito ay sapagkat walang anumang nakatago na hindi mahahayag. Wala ring anumang lihim na hindi malalaman at maliliwanagan. 18Mag-ingat nga kayo sa inyong pakikinig sapagkat sa sinumang mayroon, siya ay bibigyan pa. Sa sinumang wala, maging ang inaakala niyang sa kaniya ay kukunin pa sa kaniya.

 

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus

 

 19Sa oras na iyon, pumunta kay Jesus ang kaniyang ina at mga kapatid na lalaki. Hindi sila makalapit sa kaniya dahil sa napakaraming tao. 20May nagsabi sa kaniya: Ang iyong ina at mga kapatid na lalaki ay nasa labas. Nais ka nilang makita.

   
 21Sinabi niya sa kanila: Ang aking ina at mga kapatid ay sila na nakikinig at gumagawa ng Salita ng Diyos.

 

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo

 

 22At isang araw, nangyari na si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka. Sinabi niya sa kanila: Pumunta tayo sa kabilang ibayo ng lawa. At sila ay pumalaot. 23Habang sila ay naglalayag, si Jesus ay nakatulog. Dumating ang isang unos sa lawa. Sila ay nanganib sapagkat napupuno ng tubig ang bangka.

   
 24Pagpunta nila sa kaniya, siya ay ginising nila. Kanilang sinabi: Guro, Guro, mapapahamak kami!
   Paggising niya, sinaway niya ang hangin at alon ng tubig. Tumigil ang mga ito at nagkaroon ng kapayapaan. 25Sinabi niya sa kanila: Nasaan ang inyong pananampalataya?
   Sila ay natakot at namangha. Sinabi nila sa isa't isa: Sino ang taong ito na kahit ang hangin at tubig ay inuutusan niya at sinusunod siya ng mga ito?

 

Pinagaling ni Jesus ang Inaalihan ng Demonyo

 

 26Sila ay naglayag at dumating sa lalawigan ng mga taga-Gadara na katapat ng Galilea. 27Nang lumunsad na siya sa lupa, sumalubong sa kaniya ang isang lalaking mula sa lungsod na matagal nang may mga demonyo. Siya ay walang damit at hindi naninirahan sa bahay kundi sa mga puntod. 28Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at nagpatirapa sa harap niya. Nagsalita ng malakas. Sinabi niya: Ano ang kaugnayan natin sa isa't isa, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Ipinamamanhik ko sa iyo, huwag mo akong pahirapan. 29Sinabi ito ng lalaki sapagkat inutusan niya ang karumal-dumal na espiritu na lumabas mula sa lalaki. Kadalasan, hinuhuli siya ng demonyo. Siya ay binabantayan nila at iginagapos ng tanikala at pangaw. At pinapatid niya ang gapos. Pagkatapos niyang patirin ang gapos, itinaboy siya ng demonyo sa ilang.

   
 30Tinanong siya ni Jesus na sinasabi: Ano ang pangalan mo?
   Sinabi niya: Hukbo. Ito ay sapagkat maraming demonyo ang nakapasok sa kaniya. 31Ipinamanhik niya kay Jesus na huwag silang utusang pumunta sa walang hanggang kalaliman.

   
 32Doon ay may isang kawan ng baboy na nanginginain sa bundok. Ipinamanhik sa kaniya ng mga demonyo na payagan silang pumasok sa mga iyon at sila ay pinayagan niya. 33Lumabas ang mga demonyo sa lalaki at pumasok sa mga baboy. At ang kawan ay mabilis na tumakbong palusong tuloy-tuloy sa lawa at ang lahat ay nalunod.

   
 34Nang makita ng mga nagpapakain ng mga baboy ang nangyari, tumakbo silang palayo. At sa kanilang pag-alis, iniulat nila ito sa mga nasa lungsod at sa mga nasa karatig na kabukiran. 35Ang mga tao ay pumunta roon upang tingnan kung ano ang nangyari. Pumunta sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking nilabasan ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, may damit at nasa wastong pag-iisip. At natakot ang mga tao. 36Ang mga nakakita rin ng nangyari ay nag-ulat sa kanila. Sinabi nila kung papaano gumaling ang lalaking inalihan ng mga demonyo. 37Ang buong karamihan ng taga-Gadara at sa palibot nito ay humiling kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain sapagkat sila ay pinagharian ng takot. Sumakay si Jesus sa bangka at bumalik sa kaniyang pinanggalingan.

   
 38Ang lalaking nilabasan ng mga demonyo ay nagsusumamo sa kaniya na makasama sa kaniya. Ngunit pinaalis siya ni Jesus. 39Sinabi sa kaniya: Bumalik ka sa iyong bahay. Isalaysay mo ang lahat ng ginawa sa iyo ng Diyos. At umalis siya na inihahayag sa buong lungsod ang lahat ng ginawa ni Jesus sa kaniya.

 

Ang Babaeng May Sakit at ang Patay na Batang Babae

 

 40Nangyari, na sa pagbalik ni Jesus, malugod siyang tinanggap ng mga tao sapagkat silang lahat ay naghihintay sa kaniya. 41Narito, isang lalaking nagngangalang Jairus na pinuno ng sinagoga ang lumapit sa kaniya. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus. Ipinamanhik niya kay Jesus na pumunta sa kaniyang bahay. 42Ito ay sa dahilang ang kaniyang tanging anak na babae ay malapit ng mamatay. Siya ay labindalawang taong gulang na.
   Nang pumunta siya, nagsiksikan sa kaniya ang maraming tao. 43Isang babae ang naroon na dinurugo sa loob ng labindalawang taon. Nagugol na niya sa mga manggagamot ang lahat ng kaniyang kabuhayan. Walang sinumang nakapagpagaling sa kaniya. 44Ang babae ay pumunta sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit. Ang pagdurugo niya ay dagliang naampat.

   
 45Sinabi ni Jesus: Sino ang humipo sa akin?
   Nang ang lahat ay tumanggi, si Pedro at ang mga kasama niya ay nagsabi: Guro, napapaligiran ka at sinisiksik ng mga tao at pagkatapos ay sasabihin mo: Sino ang humipo sa akin?

   
 46Sinabi ni Jesus: May humipo sa akin dahil alam kong may kapangyarihang lumabas sa akin.

   
 47Nang makita ng babae na hindi siya makakapagtago, lumapit siya na nanginginig. Nagpatirapa siya sa harapan ni Jesus. Isinalaysay niya sa kaniya sa harap ng lahat ng mga tao ang dahilan ng paghipo niya sa kaniya at kung papaano siya dagliang gumaling. 48Sinabi ni Jesus sa kaniya: Anak, lakasan mo ang loob mo. Ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo. Humayo kang payapa.

   
 49Habang nagsasalita siya, may isang dumating mula sa tahanan ng pinuno ng sinagoga. Sinabi nito sa kaniya: Patay na ang anak mo. Huwag mo nang abalahin ang guro.

   
 50Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kaniya: Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at gagaling siya.

   
 51Pagpasok niya sa bahay, hindi niya pinahintulutan pumasok ang sinuman. Ang pinapasok lang niya ay sina Pedro, Santiago at Juan at ang ina at ama ng bata. 52Silang lahat ay nananangis at nananaghoy sa kaniya. Sinabi ni Jesus: Huwag kayong tumangis. Hindi siya patay kundi natutulog.

   
 53Tinawanan nila si Jesus na may panglilibak dahil alam nilang ang bata ay patay na. 54Ngunit nang mapalabas na niya silang lahat, hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at tinawag na sinasabi: Anak, bumangon ka. 55Ang kaniyang espiritu ay bumalik at siya ay bumangon kaagad. Nag-utos si Jesus na bigyan ng makakain ang bata. 56Ang kaniyang mga magulang ay namangha. Inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

 

 

Lucas 9

 

Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad

 

 1Sama-samang tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad. Binigyan niya sila ng kapangyarihan at kapamahalaan laban sa lahat ng mga demonyo at kapangyarihang pagalingin ang mga sakit. 2Sinugo niya sila upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga maysakit. 3Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay kahit tungkod, o bayong, o tinapay, o salapi, o kahit na dalawang balabal. 4Saan mang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon at mula roon umalis kayo. 5Kung hindi nila kayo tanggapin sa lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. Gawin ninyo ito bilang patotoo laban sa kanila. 6Sila ay umalis at dumaan sa mga nayon. Sila ay naghahayag ng ebanghelyo at nagpapagaling kahit saan.

 

Naguluhan si Herodes

 

 7Sa mga panahong iyon narinig ni Herodes na tetrarka ang lahat ng mga bagay na ginagawa ni Jesus. Naguluhan siya dahil sinabi ng ilan na si Juan ay bumangon mula sa mga patay. 8Ang ilan ay nagsabi na nagpakita si Elias. Ang iba ay nagsabi na muling nabuhay ang isa sa mga propeta nang unang panahon. 9Sinabi ni Herodes: Pinapugutan ko na ng ulo si Juan. Sino ito na patungkol sa kaniya, ang mga bagay na ito ay naririnig ko. At hinangad niyang makita si Jesus.

 

Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki

 

 10Pagbalik ng mga apostol, isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng ginawa nila. At sila ay isinama niya at pumunta nang bukod sa isang ilang na dako sa lungsod na tinatawag na Betsaida. 11Nang malaman ito ng mga tao, sumunod sila sa kaniya. Tinanggap niya sila at nagsalita siya sa kanila patungkol sa paghahari ng Diyos. Ang mga nangangailangan ng kagalingan ay pinagaling niya.

   
 12Nang magtatakip-silim na, lumapit sa kaniya ang labindalawang apostol. Sinabi nila sa kaniya: Paalisin mo na ang mga tao upang sila ay pumunta sa mga nayon, sa palibot at sa bayan. Ito ay upang may matuluyan sila at makahanap ng makakain sapagkat tayo ay nasa ilang na pook.

   
 13Ngunit sinabi niya sa kanila: Bigyan ninyo sila ng makakain.
   Sinabi nila: Mayroon lamang kaming limang tinapay at dalawang isda. Maliban na lang na kami ay umalis at bumili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito. 14Ito ay sapagkat may mga limang libong lalaki ang naroroon.
   Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Paupuin ninyo sila sa pulutong na tiglilimampu. 15Ginawa nila ang gayon at pinaupo nila ang lahat. 16Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Sa pagtingin niya sa langit, pinagpala niya ito. Pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad upang ihain sa mga tao. 17Kumain sila at lahat ay nabusog. Kinuha nila ang mga piraso na lumabis sa kanila, ito ay labindalawang bakol.

 

Ang Pahayag ni Pedro Patungkol sa Mesiyas

 

 18Nang si Jesus ay nananalanging mag-isa, nangyari na ang kaniyang mga alagad ay naroroon. Tinanong niya sila. Sinabi niya: Ayon sa sinasabi ng mga tao, sino raw ako?

   
 19Sumagot sila at sinabi: Si Juan na tagapagbawtismo. Ang sabi ng ilan: Si Elias. Ang sabi ng iba: Isa sa mga propeta ng unang panahon na nabuhay muli.

   
 20Sinabi niya sa kanila: Ano ang sabi ninyo, sino ako? Pagsagot ni Pedro, sinabi niya: Ang Mesiyas ng Diyos.

   
 21Mahigpit niyang ipinagbilin sa kanila na huwag itong sabihin sa kaninuman. 22Sinabi niya: Kinakailangang ang Anak ng tao ay dumanas ng maraming bagay. At siya ay tanggihan ng mga matanda at mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan. Siya ay papatayin at ibabangon sa ikatlong araw.

 

Tanggihan ang Sarili at Sumunod sa Akin

 

 23Sinabi niya sa lahat: Kung ang sinuman magnanais na sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili. Pasanin niya araw-araw ang kaniyang krus at sumunod sa akin. 24Ito ay sapagkat ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawala niya ito. Ang sinumang mawalan ng buhay alang-alang sa akin ay maililigtas niya ito. 25Ito ay sapagkat ano ang pakikinabangan ng tao kung matamo man niya ang buong sanlibutan at mapapahamak naman ang kaniyang sarili? 26Ang sinumang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao sa pagparito niya sa kaniyang kaluwalhatian, at ng Ama at ng mga banal na anghel. 27Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Mayroong ilang mga nakatayo dito na kailanman ay hindi makakaranas ng kamatayan hanggang sa makita nila ang paghahari ng Diyos.

 

Ang Pagbabagong Anyo

 

 28Nangyari, mga walong araw pagkatapos niyang sabihin ang ng mga salitang ito, na isinama niya sina Pedro, at Juan at Santiago. Umahaon siya sa bundok upang manalangin. 29Nangyari nang siya ay nananalangin, ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago. Ang kaniyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30Narito, may dalawang lalaking nakipag-usap sa kaniya. Sila ay sina Moises at Elias. 31Sila na nakita sa kaluwalhatian ay nagsalita patungkol sa kaniyang pag-alis na kaniya nang gaganapin sa Jerusalem. 32Si Pedro at ang mga kasama niya ay tulog na. Nang sila ay magising, nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. 33Nangyari, habang papaalis sina Moises at Elias, na si Pedro ay nagsabi kay Jesus: Guro, mabuti para sa amin na kami ay narito. Gagawa kami ng tatlong kubol. Isa para sa iyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias. Hindi alam ni Pedro kung ano ang sinasabi niya.

   
 34Samantalang sinasabi niya ito, lumitaw ang isang ulap at nililiman sila. Pagpasok nila sa ulap, sila ay natakot. 35Isang tinig ang nagmula sa ulap, na sinabi: Ito ang pinakamamahal kong anak. Pakinggan ninyo siya. 36Nang mawala na ang tinig, nasumpungan nilang nag-iisa si Jesus. At sila ay tumahimik. Hindi nila sinabi sa kaninuman sa mga araw na iyon ang anumang nakita nila.

 

Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu

 

 37Nangyari, kinabukasan pagbaba nila sa bundok, na sinalubong siya ng napakaraming tao. 38Narito, isang lalaking mula sa karamihan ang sumigaw. Sinabi niya: Guro, isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ng pansin ang aking anak dahil siya ay kaisa-isa kong anak. 39Narito, sinusunggaban siya ng espiritu at siya ay biglang sumigaw. Pinangisay siya nito at halos ayaw siyang iwanan. 40Nagsumamo ako sa iyong mga alagad na palayasin nila siya ngunit hindi nila magawa.

   
 41Sumagot si Jesus at sinabi: O lahing walang pananampalataya at lahing nagpakalihis. Hanggang kailan ako sasama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak.

   
 42Nang siya ay papalapit pa lamang kay Jesus, siya ay ibinalibag ng demonyo at pinangisay. Sinaway ni Jesus ang karumal-dumal na espiritu at pinagaling ang bata. Ibinalik siya ni Jesus sa kaniyang ama.

   
 43Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos.
   Samantalang sila ay nangilalas sa lahat ng mga ginawa ni Jesus, siya ay nangusap sa kaniyang mga alagad. 44Sinabi niya: Pakinggan ninyong mabuti ang mga salitang ito sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay na sa mga kamay ng mga tao. 45Hindi nila naunawaan ang pananalitang ito. Ito ay nakubli mula sa kanila upang hindi nila maintindihan. Natatakot silang tanungin siya patungkol sa pananalitang ito.

 

Ang Tunay na Kadakilaan

 

 46Nagkaroon ng isang pagtatalo sa kanila kung sino ang magiging pinakadakila sa kanila. 47Nalaman ni Jesus ang pagtatalo ng kanilang mga puso. Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa tabi niya. 48Sinabi niya sa kanila: Sinumang tatanggap sa maliit na batang ito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. Sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin sapagkat ang sinumang pinakamababa sa inyong lahat ay siyang magiging dakila.

   
 49Sumagot si Juan. Sinabi niya: Guro, may nakita kaming isang nagpapalayas ng demonyo sa pangalan mo. Pinagbawalan namin siya dahil hindi namin siya kasama.

   
 50Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag ninyo siyang pagbawalan. Ang sinumang hindi laban sa atin ay sang-ayon sa atin.

 

Tinanggihan ng Taga-Samaria si Jesus

 

 51Dumating ang panahon na si Jesus ay malapit nang umakyat sa langit. Nangyari nga na kaniyang itinuon ang kaniyang mukha upang makapunta sa Jerusalem. 52Pinapunta niya ng mga sugo na mauna sa kaniya. Sa kanilang pagpunta, pumasok sila sa isang nayon ng mga taga-Samaria upang siya ay ipaghanda ng matutuluyan. 53Hindi nila siya tinanggap dahil ang kaniyang mukha ay nakatuon na siya ay makapunta sa Jerusalem. 54Nang makita ito ng kaniyang mga alagad na sina Santiago at Juan, sila ay nangusap kay Jesus. Sinabi nila: Panginoon, nais mo bang gawin din namin ang ginawa ni Elias na mag-utos kami na ang apoy ay bumaba mula sa langit at tupukin sila? 55Ngunit lumingon siya at sila ay kaniyang sinaway. Sinabi niya: Hindi ninyo alam kung sa anong espiritu kayo. 56Ito ay sapagkat ako na Anak ng Tao ay hindi naparito upang magwasak ng buhay ng mga tao kundi upang magligtas. At sila ay pumunta sa ibang nayon.

 

Ang Halaga ng Pagsunod kay Jesus

 

 57Nangyari, sa kanilang paglalakbay, na may isang nagsabi sa kaniya: Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.

   
 58Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang mga soro ay may mga lungga. Ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad. Ngunit ang Anak ng Tao ay walang mahimlayan ng kaniyang ulo.

   
 59Sinabi niya sa isa pa: Sumunod ka sa akin.
   Sinabi niya: Panginoon, pahintulutan mo muna akong umalis upang ilibing ang aking ama.

   
 60Sinabi ni Jesus sa kaniya: Hayaan ninyong ang mga patay ay maglibing sa kanilang sariling mga patay. Humayo ka at ipangaral ang paghahari ng Diyos.

   
 61Sinabi rin ng isa: Panginoon, susunod ako sa iyo. Pahintulutan mo muna akong magpaalam sa aking mga kasambahay.

   
 62Sinabi ni Jesus sa kaniya: Walang sinumang humawak sa araro at tumitingin sa mga bagay sa likuran ang karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.

 

 

Lucas 10

 

Isinugo ni Jesus ang Pitumpu

 

 1Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang din ng pitumpung iba pa. Sinugo niya sila ng dala-dalawa sa kaniyang unahan. Sinugo niya sila sa bawat lungsod at dako na kaniyang pupuntahan. 2Sinabi nga niya sa kanila: Ang aanihin ay totoong marami ngunit ang manggagawa ay kakaunti. Ipamanhik nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang mga aanihin. 3Humayo kayo. Narito, sinusugo ko kayo tulad ng mga batang tupa sa kalagitnaan ng mga lobo. 4Huwag kayong magdala ng kalupi o bayong o panyapak. Huwag kayong bumati kaninuman sa daan.

   
 5Sa alinmang bahay na inyong papasukan, sabihin muna ninyo: Kapayapaan ang mapasabahay na ito. 6Kapag ang anak ng kapayapaan ay naroroon, ang inyong kapayapaan ay mananatili roon. Ngunit kung wala siya roon, ito ay babalik sa inyo. 7Sa bahay ding iyon kayo manatili. Kainin at inumin ninyo ang anumang ibigay nila sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang upa. Huwag kayong magpalipat-lipat sa mga bahay-bahay.

   
 8Sa anumang lungsod na inyong papasukin at tinatanggap kayo, kainin ninyo ang mga bagay na inihain sa inyo. 9Pagalingin ninyo ang mga may sakit na naroroon. Sabihin ninyo sa kanila: Ang paghahari ng Diyos ay dumating na sa inyo. 10Sa alinmang lungsod na inyong papasukin at hindi kayo tinatanggap, lumabas kayo sa mga daan nito. 11Sabihin ninyo: Maging ang mga alikabok na nakakapit sa amin mula sa inyong lungsod ay aming ipinapagpag laban sa inyo. Gayunman, alamin mo ito, ang paghahari ng Diyos ay dumating na sa iyo. 12Sinasabi ko sa inyo: Higit na magaan ang parusa sa lupain ng Sodoma sa araw na iyon kaysa sa babatahin ng lungsod na iyon.

 

Kaabahan at Pagpapasalamat

 

 13Sa aba mo, Corazin! Sa aba mo, Betsaida! Ito ay sapagkat kung ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay ginawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi na nakasuot ng magaspang na damit at nakaupo sa mga abo. 14Sa pagdating ng paghuhukom, higit na magaan ang parusa ng Tiro at Sidon kaysa sa babatahin ninyo. 15Ikaw, Capernaum, na itinaas sa langit ay ibabagsak sa Hades.

   
 16Siya na dumirinig sa inyo ay dumirinig sa akin. Siya na tumatanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin. Siya na tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin.

   
 17Pagkatapos nito, ang pitumpu ay bumalik na may kagalakan. Kanilang sinasabi: Panginoon, maging ang mga demonyo ay sumusunod sa amin sa pamamagitan ng iyong pangalan.

   
 18Sinabi ni Jesus sa kanila: Nakita ko si Satanas na nahulog mula sa langit na parang kidlat. 19Narito, ibinibigay ko sa inyo ang kapamahalaan upang tapakan ang mga ahas at mga alakdan at lahat ng kapangyarihan ng kaaway. Kailanman ay hindi kayo masasaktan ng sinuman. 20Gayunman, huwag ninyong ikagalak ang mga ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo. Ngunit ikagalak nga ninyo na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.

   
 21Sa oras ding iyon ay nagalak si Jesus sa espiritu. Sinabi niya: Pinupuri kita, O Ama, Panginoon ng kalangitan at lupa. Itinago mo ang mga bagay na ito sa mga pantas at sa matalino. Sa mga sanggol ay inihayag mo ito. Ganito ang ginawa mo Ama, dahil ito ay lubos na nakakalugod sa harapan mo.

   
 22Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng Ama. Walang nakakaalam kung sino ang Anak maliban sa Ama. Walang nakakaalam kung sino ang Ama maliban sa Anak at sa sinumang ibig pagpahayagan ng Anak.

   
 23Pagharap niya sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila nang bukod: Pinagpala ang mga matang nakakakita ng mga bagay na nakikita ninyo. 24Sapagkat sinasabi ko nga sa inyo: Maraming propeta at hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at hindi nila ito nakita. Hinangad nilang marinig ang inyong naririnig at hindi nila ito narinig.

 

Ang Dakilang Utos at ang Samaritano

 

 25Narito, isang dalubhasa sa kautusan ang tumayo na sinusubok siya at sinasabi: Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?

   
 26Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang pagkabasa mo rito?

   
 27Sumagot siya at sinabi: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo at ng buong lakas mo at ng buong isip mo. Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.

   
 28Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at ikaw ay mabubuhay.

   
 29Sa kaniyang pagnanais na maipakitang matuwid ang kaniyang sarili, sinabi niya kay Jesus: Sino ang aking kapwa?

   
 30Bilang tugon, sinabi ni Jesus: Isang lalaki ang bumaba mula sa Jerusalem patungong Jerico. Siya ay nahulog sa kamay ng mga tulisan. Pagkatapos nila siyang hubaran at sugatan, sila ay umalis. Iniwan nila siyang nag-aagaw-buhay. 31Nagkataong isang saserdote ang lumusong sa daang iyon. Pagkakita nito sa kaniya, ang saserdote ay dumaan sa kabilang tabi. 32Gayundin naman, isang Levita, na nang mapadako roon ay pumunta at tiningnan siya. Pagkatapos nito, siya ay dumaan sa kabilang tabi. 33May isang naglalakbay na taga-Samaria na lumapit sa kaniya. Pagkakita sa kaniya, ang taga-Samaria ay nahabag sa kaniya. 34Paglapit niya sa kaniya, binuhusan niya ng langis at alak ang kaniyang mga sugat at tinalian niya ang mga ito. Ang lalaking sugatan ay isinakay niya sa kaniyang sariling hayop at dinala siya sa isang bahay-tuluyan at inalagaan siya. 35Kinabukasan, sa pag-alis ng taga-Samaria, siya ay naglabas ng dalawang denaryo. Ibinigay niya ito sa tagapamahala ng bahay-tuluyan. Sinabi niya sa kaniya: Alagaan mo siya. Anumang iyong magugugol nang higit ay babayaran ko sa iyo sa aking pagbababalik.

   
 36Sino sa tatlong ito ang sa palagay mo ay naging kapwa ng lalaking nahulog sa mga kamay ng mga tulisan?

   
 37Sinabi niya: Siya na nagpakita ng habag sa kaniya.
   Sinabi nga ni Jesus sa kaniya: Humayo ka at gawin mo ang gayon.

 

Higit na Dakila ang Pakikinig kay Jesus

 

 38Nangyari, nang sila ay nagpatuloy, na siya ay pumasok sa isang nayon. Isang babaeng nagngangalang Marta ang tumanggap sa kaniya sa kaniyang bahay. 39Siya ay may kapatid na babaeng tinatawag na Maria, na umupo sa paanan ni Jesus. Sa pag-upo ni Maria, siya ay nakinig sa salita ni Jesus. 40Si Marta ay abalang-abala sa maraming paglilingkod. Lumapit siya kay Jesus at sinabi: Panginoon, hindi ba mahalaga sa iyo na iwanan ako ng aking kapatid na naglilingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kaniya na tulungan ako.

   
 41Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag sa maraming mga bagay. 42Mayroong isang kinakailangan at pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi makukuha sa kaniya.

 

 

Lucas 11

 

Nagturo si Jesus Patungkol sa Panalangin

 

 1Nangyari na si Jesus ay nananalangin sa isang dako, nang siya ay makatapos, isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi: Panginoon, turuan mo kaming manalangin tulad ng pagturo ni Juan sa kaniyang mga alagad.

   
 2Sinabi ni Jesus sa kanila: Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo:
      Aming Ama na nasa langit, pakabanalin ang iyong
   pangalan. Dumating nawa ang iyong paghahari. Mangyari
   ang iyong kalooban, kung papaano sa langit, maging
   gayundin sa lupa. 3Ibigay mo sa amin ang kailangan
   naming tinapay sa bawat araw. 4Patawarin mo kami sa
   mga pagkakasala namin. Ito ay sapagkat kami rin ay
   nagpapatawad sa bawat isang may utang sa amin. Huwag
   mo kaming dalhin sa tukso, subalit iligtas mo kami mula
   sa masama.

   
 5Sinabi niya sa kanila: Sino sa inyo ang may kaibigan at pupuntahan siya sa hatinggabi. At sasabihin sa kaniya: Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay. 6Ito ay sapagkat siya ay kaibigan ko, na sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa akin. Wala akong maihain sa kaniya.

   
 7Siya na nasa loob ay sasagot at sasabihin: Huwag mo akong gambalain. Nakapinid na ang pinto at kami ng aking mga anak ay natutulog na. Hindi na ako makakabangon upang magbigay sa iyo. 8Sinasabi ko sa inyo: Bagamat siya ay babangon at magbibigay sa kaniya dahil siya ay kaibigan niya, siya ay babangon at ibibigay sa kaniya ang anumang kailangan niya. Ito ay dahil sa kaniyang pamimilit.

   
 9Sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo at iyon ay ibibigay sa inyo. Maghanap kayo at makakasumpong kayo. Kumatok kayo at kayo ay pagbubuksan. 10Sapagkat ang bawat isang humihingi ay tumatanggap, ang naghahanap ay nakakasumpong, at ang kumakatok ay pagbubuksan.

   
 11Sinong ama sa inyo ang magbibigay ng bato sa anak na humihingi ng tinapay? Kung humingi ng isda, ang ibibigay ba niya sa kaniya ay ahas sa halip na isda? 12Kapag siya ay humingi ng itlog, bibigyan ba niya siya ng isang alakdan? 13Kayo na masasama ay marunong magbigay ng mga mabuting kaloob sa inyong mga anak. Kung ginagawa ninyo ito, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na kaniyang ibibigay ang Banal na Espiritu sa kanila na humihingi sa kaniya?

 

Paanong Mapalabas ni Satanas si Satanas?

 

 14Si Jesus ay nagpapalayas ng demonyo, iyon ay pipi. Nangyari, nang lumabas ang demonyo, ang pipi ay nagsalita at ang mga tao ay namangha. 15Ang ilan sa kanila ay nagsabi: Siya ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub na pinuno ng mga demonyo. 16Sinusubok siya ng ibang mga tao kaya hinahanapan nila siya ng tanda mula sa langit.

   
 17Alam niya ang kanilang iniisip. Dahil dito, sinabi niya sa kanila: Ang bawat paghaharing nahati laban sa kaniyang sarili ay napupunta sa kapanglawan. Ang sambahayang nahati laban sa sambahayan ay bumabagsak. 18Kung si Satanas ay nahahati laban sa kaniyang sarili, papaano makakatayo ang kaniyang paghahari. Sinabi ko ito dahil sinabi ninyong ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub. 19Kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino nagpapalayas ng mga demonyo ang inyong mga anak? Sa pamamagitan nito sila ang magiging tagapaghatol ninyo. 20Ngunit kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ng daliri ng Diyos, ang paghahari ng Diyos ay dumating sa inyo.

   
 21Kung ang isang lalaking malakas ay nasasandatahan upang magbantay ng kaniyang tinitirahan, ang kaniyang ari-arian ay ligtas. 22Ngunit sa pagdating ng higit na malakas kaysa sa kaniya, siya ay malulupig. Kukunin nito ang buong baluting pinagtitiwalaan niya at hahatiin ang mga naagaw sa kaniya.

   
 23Siya na hindi sumasama sa akin ay laban sa akin at siya na hindi nagtitipong kasama ko ay nagkakalat.

   
 24Kapag ang karumal-dumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala siya sa mga tuyong dako. Naghahanap siya ng mapagpapahingahan ngunit wala siyang matagpuan. Kaya sasabihin niya: Babalik ako sa bahay na pinanggalingan ko. 25Sa pagbalik niya, matatagpuan niya itong nawalisan at nagayakan na. 26Kung magkagayon, paroroon siya at magsasama ng pito pang espiritu na higit pang masama kaysa sa kaniya. Papasok sila roon at doon maninirahan. Kaya ang kalagayan ng lalaking iyon ay masahol pa kaysa sa una.

   
 27Nangyari, nang sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, isang babaeng mula sa karamihan ang sumigaw. Sinabi nito sa kaniya: Pinagpala ang sinapupunang nagdala sa iyo at ang mga susong sinusuhan mo. 28Sinabi ni Jesus: Oo, ang totoo ay pinagpala ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at sumusunod dito.

 

Si Jonas Bilang Isang Tanda

 

 29Nang nagkatipon ang napakaraming tao, siya ay nagsimulang magsalita. Sinabi niya: Ang lahing ito ay masama. Mahigpit na naghahangad sila ng tanda. Walang tanda na ibibigay sa kanila maliban ang tanda ni Jonas na propeta. 30Kung papaanong naging tanda si Jonas sa mga taga-Nineve, ganoon din ang Anak ng Tao sa lahing ito. 31Ang reyna ng timog ay titindig sa paghuhukom kasama ang mga lalaki ng lahing ito at siya ang hahatol sa lahing ito. Ito ay sapagkat galing siya sa kadulu-duluhan ng lupa, upang pakinggan ang karunungan ni Solomon. Narito, ang isang higit na dakila kaysa kay Solomon ay naririto.

   
 32Ang mga lalaki sa Nineve ay tatayo sa paghuhukom kasama ng lahing ito at hahatulan nila ang lahing ito, sapagkat ang mga lalaki ng Nineve ay nagsisi dahil sa pangangaral ni Jonas. Narito, isang lalong higit kaysa kay Jonas ay naririto na.

 

Ang Ilaw ng Katawan

 

 33Walang sinumang nagsindi ng ilawan na pagkasindi nito ay ilalagay sa lihim na dako, o sa ilalim ng takalan. Sa halip, ito ay inilalagay sa lagayan ng ilawan upang ang liwanag ay makita ng mga pumapasok. 34Ang ilawan ng katawan ay ang mata. Kaya nga, kung malinaw ang mata mo, ang buong katawan mo ay naliliwanagan. Kung ito rin naman ay masama, ang katawan mo ay madidimlan din. 35Tingnan mo ngang mabuti na ang liwanag na nasa iyo ay hindi maging kadiliman. 36Ang katawan mo ay mapupuno ng liwanag. Ito ay kung ang buong katawan mo nga ay puno ng liwanag na walang anumang bahaging madilim. Ito ay matutulad sa pagliliwanag sa iyo ng maliwanag na ilawan.

 

Anim na Kaabahan

 

 37Samantalang nagsasalita siya, hiniling ng isang Fariseo na siya ay kumaing kasalo niya. Sa pagpasok niya, dumulog siya sa hapag. 38Ngunit namangha ang Fariseo nang makita siyang hindi muna naghuhugas bago kumain.

   
 39Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Ngayon, kayong mga Fariseo ay naglilinis ng labas ng saro at pinggan. Ngunit ang nasa loob naman ninyo ay puno ng kasakiman at kasamaan. 40Mga hangal! Hindi ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob? 41Ibahagi ninyo sa mga kahabag-habag ang bagay na nasa inyo at narito, ang lahat ng mga bagay ay magiging malinis para sa inyo.

   
 42Sa aba ninyo, mga Fariseo! Ito ay sapagkat nagbabayad kayo ng ikasampung bahagi ng yerbabuwena, ruda at lahat ng uri ng halaman. Subalit nilalampasan naman ninyo ang hatol at pag-ibig ng Diyos. Ang mga ito ang dapat ninyong ginawa at huwag pabayaan ang iba.

   
 43Sa aba ninyo, mga Fariseo! Ito ay sapagkat iniibig ninyo ang mga pangunahaing upuan sa mga sinagoga. At iniibig ninyo ang mga pagbati sa mga pamilihang-dako.

   
 44Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat kayo ay tulad ng mga puntod na hindi pinapansin. Hindi nalalaman ng mga tao na sila ay lumalakad sa ibabaw nito.

   
 45Isa sa mga dalubhasa sa kautusan ang sumagot sa kaniya. Guro, sa pagsasabi mo ng mga bagay na ito, inaalipusta mo rin kami.

   
 46Sinabi niya: Sa aba rin ninyo na mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat pinagpapasan ninyo ang mga tao ng mga pasanin na napakabigat pasanin. Ang mga pasaning ito ay hindi ninyo hinihipo ng isa man lamang ng inyong daliri.

   
 47Sa aba ninyo! Sapagkat nagtatayo kayo ng mga puntod ng mga propeta at sila ay pinatay ng inyong mga ninuno. 48Sa ganito, kayo ay nagpapatotoo at sumasang-ayon sa mga gawa ng inyong mga ninuno sapagkat totoo ngang sila ay kanilang pinatay at kayo ang nagtayo ng kanilang mga puntod. 49Dahil din dito, ayon sa kaniyang karunungan ay sinabi ng Diyos: Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol. Ang ilan sa mga ito ay kanilang papatayin at ang ilan ay kanilang palalayasin. 50Sisingilin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na nabuhos mula pa ng itatag ang sanlibutang ito. 51Ang sisingilin ay simula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias. Si Zacarias ay pinatay sa pagitan ng dambana at dakong banal. Oo, sinasabi ko sa inyo, ito ay sisingilin sa lahing ito.

   
 52Sa aba ninyo, mga dalubhasa sa kautusan. Ito ay sapagkat kinuha ninyo ang susi ng kaalaman, hindi kayo pumasok at hinadlangan pa ninyo ang mga pumapasok.

   
 53Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito sa kanila, sinimulan siyang tuligsain ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo. Pinilit nila siyang magsalita ng patungkol sa maraming bagay. 54Binabantayan nila siya at naghahanap ng pagkakataon na makahuli ng ilang mga bagay mula sa kaniyang bibig. Ginagawa nila ito upang may maiparatang sila sa kaniya.

 

 

Lucas 12

 

Tinuruan at Binigyang Babala ang Labindalawa

 

 1Samantalang ang hindi mabilang na karamihan ng mga tao ay nagkakatipon, na anupa't sila ay nagkakatapakan sa isa't isa, si Jesus ay nagsimula munang mangusap sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Fariseo, ito ay ang pagpapaimbabaw. 2Walang anumang natatakpan na hindi mahahayag o natatago na hindi malalaman. 3Kaya nga, anuman ang inyong sabihin sa dilim ay maririnig sa liwanag. Anuman ang ibinulong ninyo sa loob ng mga silid ay ihahayag sa mga bubungan.

   
 4Mga kaibigan ko, sinasabi ko sa inyo: Huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan. Pagkatapos nilang pumatay wala na silang magagawang anumang bagay. 5Ipakikita ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapamahalaang magtapon sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, katakutan ninyo siya. 6Hindi ba ang limang maya ay ipinagbibili sa halagang dalawang sentimo at isa man sa kanila ay hindi pinababayaan ng Diyos? 7Maging ang mga buhok sa iyong ulo ay bilang nang lahat. Huwag nga kayong matakot, kayo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming maya.

   
 8Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang maghahayag sa akin sa harap ng mga tao ay ihahayag din naman ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. 9Ngunit siya na magkakaila sa akin sa harap ng mga tao ay ipagkakaila rin sa harap ng mga anghel ng Diyos. 10Ang bawat isang magsasalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin. Ngunit siya na mamumusong laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin.

   
 11Kapag dinala nila kayo sa mga sinagoga at sa harap ng mga pinuno at mga may kapamahalaan, huwag kayong mabalisa kung papaano, o kung ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin. 12Ito ay sapagkat ituturo sa inyo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon ang kinakailangan ninyong sabihin.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Mayamang Hangal

 

 13May isang nagsabi mula sa karamihan: Guro, sabihin mo sa aking kapatid na lalaki na hatian ako sa mana.

   
 14Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin na maging tagahatol o tagahati sa inyo? 15Sinabi niya sa kanila: Tingnan at ingatan ninyo ang inyong mga sarili mula sa kasakiman sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nakapaloob sa kasaganaan ng mga bagay na kaniyang tinatangkilik.

   
 16Nagsabi siya ng isang talinghaga sa kanila na sinasabi: Ang bukirin ng isang mayamang lalaki ay nagbunga ng sagana. 17Nag-isip siya sa kaniyang sarili. Sinabi niya: Ano ang aking gagawin? Wala akong pag-iimbakan ng aking ani.

   
 18Sinabi niya: Ganito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking kamalig at magtatayo ng higit na malaki. Doon ko iiimbak ang lahat ng aking ani at aking mga mabuting bagay. 19Sasabihin ko sa aking kaluluwa: Kaluluwa, marami ka nang natipong pag-aari para sa mga darating na taon. Magpahinga ka, kumain ka, uminom ka, at magsaya ka.

   
 20Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya: Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong kaluluwa. At kanino kaya mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?

   
 21Ganito ang mangyayari sa kaniya na nag-iimpok ng kayamanan para sa kaniyang sarili. Hindi siya mayaman sa harap ng Diyos.

 

Magtiwala at Maging Tapat

 

 22Si Jesus ay nagsabi sa kaniyang mga alagad: Dahil dito, sinasabi ko sa inyo: Huwag kayong mabalisa patungkol sa inyong buhay o kung ano ang inyong kakainin. Huwag kayong mabalisa maging sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. 23Ang buhay ay higit kaysa sa pagkain at ang katawan ay lalong higit kaysa sa damit. 24Isipin ninyo ang mga uwak. Sila ay hindi naghahasik o nag-aani. Wala silang tinggalan o kamalig. Gayunman, pinakakain sila ng Diyos. Gaano pa kaya kayo na higit na mahalaga kaysa sa mga ibon? 25Sino sa inyo ang makapagdaragdag ng isang siko sa kaniyang tangkad sa pamamagitan ng pagkabalisa? 26Yamang hindi nga ninyo kayang gawin ang maliit na bagay na ito, bakit kayo nababalisa sa ibang bagay?

   
 27Isipin ninyo ang mga liryo kung papaano sila lumalaki. Hindi sila nagpapagal o nag-iikid. Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Maging si Solomon, sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nadamitan ng tulad sa isa sa mga ito. 28Dinaramtan ng Diyos ang mga damo na ngayon ay nasa parang at bukas ay itatapon sa pugon.Yamang dinaramtan sila ng Diyos, gaano pa kaya kayo, kayo na may maliit na pananampalataya? 29Huwag kayong maghanap kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, ni huwag kayong mag-alala. 30Ito ay sapagkat ang mga bagay na ito ang mahigpit na hinahangad ng lahat ng mga bansa sa sanlibutan. Ngunit alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 31Hanapin ninyo ang paghahari ng Diyos at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.

   
 32Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ang inyong Ama ay nalulugod na ibigay sa inyo ang paghahari. 33Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik at magbahagi kayo sa mga kahabag-habag. Gumawa kayo ng mga kalupi na hindi naluluma. Maglagak kayo sa makalangit na kayamanang hindi nauubos. Doon ay walang makakalapit na magnanakaw o tanga na sumisira. 34Ito ay sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan, naroroon din ang inyong mga puso.

 

Maghintay at Maging Handa

 

 35Hayaan ninyo na ang inyong mga balakang ay mabigkisan at hayaan ninyo na ang inyong ilawan ay magningas. 36Tumulad kayo sa mga tao na naghihintay sa kanilang panginoon sa kaniyang pagbabalik mula sa kasalan. Kapag siya ay dumating at kumatok, mapagbuksan nila siya kaagad. 37Pinagpala silang mga alipin na sa pagdating ng panginoon ay masusumpungang nagbabantay. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Bibigkisan niya ang kaniyang sarili at padudulugin sila sa hapag. Sa kaniyang paglapit, siya ay maglilingkod sa kanila. 38Pinagpala ang mga alipin na sa kaniyang pagdating sa hatinggabi o sa madaling araw ay masumpungan silang nagbabantay. 39Ngunit alamin ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng sambahayan ang oras ng pagdating ng magnanakaw, nagbantay sana siya. Hindi niya pababayaang wasakin ang kaniyang bahay. 40Kaya nga, maging handa kayo sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaakala.

   
 41Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, kanino mo sinasabi ang talinghagang ito? Sinasabi mo ba ito sa amin o para din sa lahat?

   
 42Sinabi ng Panginoon: Sino nga ang matapat at matalinong katiwala na pamamahalain ng kaniyang panginoon sa kaniyang sambahayan? Siya ay pamamahalain upang magbigay ng bahagi ng pagkain sa kapanahunan. 43Pinagpala ang aliping iyon, na sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masusumpungan siyang gumagawa ng gayon. 44Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Gagawin niya siyang tagapamahala sa lahat ng kaniyang pag-aari. 45Ngunit kapag sinabi ng aliping iyon sa kaniyang puso, maaantala ang pagdating ng aking panginoon. At sisimulan niyang paluin ang mga lingkod na lalaki at ang mga lingkod na babae. Magsisimula siyang kumain at uminom at magpakalasing. 46Ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Siya ay hahatiin at itatalaga ang isang lugar para sa kaniya, kasama ang mga hindi mananampalataya.

   
 47Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kaniyang panginoon at hindi naghanda o gumawa ng ayon sa kalooban ng kaniyang panginoon ay hahagupitin ng marami. 48Siya na hindi nakakaalam at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat pagdusahan sa pamamagitan ng hagupit ay hahagupitin ng kaunti. Sa bawat isang binigyan ng marami, marami ang hahanapin sa kaniya. Sa kaniya na pinagkatiwalaan ng marami, lalong higit ang hihingin sa kaniya.

 

Hindi Kapayapaan Kundi Pagkakahati-hati

 

 49Ako ay narito upang maghagis ng apoy sa lupa. Ano pa ang nanaisin ko kapag ito ay nagniningas na? 50Ako ay may bawtismo na ibabawtismo sa akin, at ako vay nababagabag hanggang sa ito ay maganap. 51Sa palagay ba ninyo ay naparito ako upang magbigay ng kapayapaan sa lupa. Sinasabi ko sa inyo: Hindi. Ako ay narito upang maghati. 52Ito ay sapagkat simula ngayon, ang lima na nasa isang sambahayan ay magkakabaha-bahagi, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53Ang ama ay magiging laban sa anak na lalaki at ang anak na lalaki laban sa ama. Ang ina ay magiging laban sa anak na babae at ang anak na babae laban sa ina. Ang biyenang babae ay magiging laban sa kaniyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenang babae.

 

Pagbibigay-kahulugan sa Kapanahunan

 

 54Sinabi rin niya sa karamihan: Kapag nakita ninyo ang ulap na tumataas mula sa kanluran, agad ninyong sinasabi: Uulan. At ito ay nangyayari. 55Kapag umihip ang hanging timugan, sinasabi ninyong, iinit, at ito ay nangyayari. 56Mga mapagpaimbabaw! Alam ninyong kilalanin ang anyo ng langit at ng lupa. Bakit hindi ninyo alam kilalanin ang panahong ito?

   
 57Bakit maging sa inyong mga sarili ay hindi ninyo mahatulan kung ano ang matuwid? 58Sa iyong pagpunta sa harap ng hukom kasama ng nagsasakdal sa iyo, sikapin mong sa daan pa lang ay makipagkasundo ka na sa kaniya. Kung hindi ganito, ay kakaladkarin ka niya patungo sa hukom at ang hukom ang magsusuko sa iyo sa tanod na siyang magpapabilanggo sa iyo. 59Sinasabi ko sa inyo, Kailanman ay hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang huling sentimo.

 

 

 

Lucas 13

 

Magsisi o Mapahamak

 

 1Sa oras na iyon, naroroon ang ilan na nagsalaysay sa kaniya patungkol sa mga taga-Galilea. Ang dugo nila ay inihalo ni Pilato sa kanilang mga hain. 2Sa pagsagot ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Sa palagay ba ninyo ang mga taga-Galileang ito ang pinakamakasalanan sa lahat ng mga taga-Galilea dahil dinanas nila ang mga bagay na ito? 3Sinasabi ko sa inyo: Hindi! Malibang magsisi kayo, lahat kayo ay mapapahamak sa ganitong paraan. 4May labingwalong tao ang nabagsakan ng tore sa Siloe at namatay? Sa palagay ba ninyo ay higit silang may pagkakautang sa Diyos kaysa lahat ng nanirahan sa Jerusalem? 5Sinasabi ko sa inyo: Hindi! Malibang magsisi kayo, lahat kayo ay mapapahamak sa ganitong paraan.

   
 6At sinabi ni Jesus ang talinghagang ito: May isang lalaking nagtanim ng igos sa kaniyang ubasan. Pumunta siya roon at naghanap ng bunga at wala siyang nakita. 7Sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan: Narito, tatlong taon na akong pumaparito na naghahanap ng bunga ng puno ng igos na ito at wala akong nakitang bunga. Putulin mo iyan. Bakit sinasayang niya ang lupa?

   
 8Sumagot ang tagapag-alaga at sinabi: Panginoon, pabayaan mo muna iyan diyan sa taong ito, hanggang mahukay ko ang paligid nito at lagyan ng pataba. 9Maaring ito ay magbunga, ngunit kung hindi, saka mo na ito putulin.

 

Pinagaling ni Jesus ang Babaeng Lumpo sa Araw ng Sabat

 

 10Si Jesus ay nagtuturo sa isa sa mga sinagoga sa araw ng Sabat. 11At narito, may isang babae roon na labingwalong taon nang mayroong espiritu ng karamdaman. Siya ay hukot na at hindi na niya maiunat ng husto ang kaniyang sarili. 12Pagkakita ni Jesus sa kaniya, tinawag siya nito. Sinabi niya sa kaniya: Babae, pinalaya ka na sa iyong karamdaman. 13Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya at siya ay kaagad na umunat. Niluwalhati niya ang Diyos.

   
 14Ang pinuno sa sinagoga ay lubhang nagalit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa araw ng Sabat. Sinabi niya sa mga tao: May anim na araw na ang mga tao ay dapat gumawa. Sa mga araw ngang ito kayo pumarito at magpagamot at hindi sa araw ng Sabat.

   
 15Sumagot nga ang Panginoon sa kaniya. Sinabi niya: Mapagpaimbabaw! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang inyong toro o asno mula sa kulungan sa araw ng Sabat at pagkatapos nito ay pinapainom? 16Ang babaeng ito ay ginapos ni Satanas ng labingwalong taon. Narito, bilang anak na babae ni Abraham, hindi ba dapat siyang palayain mula sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabat?

   
 17Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, ang lahat ng kumakalaban sa kaniya ay napahiya. Nagalak ang lahat ng mga tao sa lahat ng mga maluwalhating bagay na ginawa niya.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Binhi ng Mustasa at sa Pampaalsa

 

 18Pagkatapos, sinabi niya: Sa ano ko maitutulad ang paghahari ng Diyos? Saan ko ito ihahambing? 19Ito ay tulad sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihagis sa kaniyang halamanan. Ito ay tumubo at naging isang malaking punong-kahoy. Ang mga ibon sa himpapawid ay nagpugad sa mga sanga nito.

   
 20Sinabi niyang muli: Saan ko maihahambing ang paghahari ng Diyos? 21Ito ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae. Inihalo niya ito sa tatlong takal na harina hanggang sa mahaluan ang lahat.

 

Ang Makipot na Daan

 

 22Sa pagdaan ni Jesus sa mga lungsod at nayon, siya ay nagtuturo at patuloy na naglalakbay patungong Jerusalem. 23May nagsabi sa kaniya: Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?

   
 24Sinabi niya sa kanila: Pagsikapan ninyong pumasok sa pamamagitan ng makipot na tarangkahan. Sinasabi ko ito sa inyo dahil marami ang maghahanap upang pumasok ngunit hindi makakapasok. 25Sa oras na tumindig ang may-ari ng sambahayan at maisara na niya ang pinto kayo ay magsisimulang tumayo sa labas. Kakatok kayo sa pinto na nagsasabi: Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.
   Sasagot siya at magsasabi sa inyo: Hindi ko kayo kilala. Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling.

   
 26Sa oras na iyon ay magsasabi kayo: Kami ay kumain at uminom na kasama ka. Nagturo ka sa aming mga lansangan.

   
 27Sasabihin niya: Sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo kilala. Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na mga manggagawa ng hindi matuwid.

   
 28Magkakaroon ng pananangis at pangangalit ng mga ngipin. Mangyayari ito kapag nakita ninyo si Abraham, si Isaac, si Jacob at lahat ng mga propeta na nasa paghahari ng Diyos ngunit kayo ay itataboy palabas. 29Sila ay manggagaling mula sa silangan at kanluran, mula sa hilaga at timog. Sila ay uupo sa paghahari ng Diyos. 30Narito, may mga huli na mauuna at may mga una na mahuhuli.

 

Nagdalamhati si Jesus Dahil sa Jerusalem

 

 31Sa araw ding iyon, may ilang Fariseo ang pumunta sa kaniya. Sinabi nila sa kaniya: Lumabas ka at umalis ka rito sapagkat nais kang patayin ni Herodes.

   
 32Sinabi niya sa kanila: Pumunta kayo at sabihin sa tusong soro na iyon: Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at ginaganap ko ang pagpapagaling ngayon at bukas. Sa ikatlong araw ay matatapos ko na ito. 33Gayunman, kinakailangan kong magpatuloy ngayon, bukas at sa susunod na araw. Ito ay sapagkat hindi maaari sa isang propeta ang mamatay sa labas ng Jerusalem.

   
 34Jerusalem, Jerusalem! Ikaw ang pumapatay sa mga propeta at bumabato sa kanila na isinusugo sa iyo. Madalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak tulad ng inahing manok na nagtitipon ng kaniyang mga inakay sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 35Narito, ang iyong bahay ay naiwan sa iyong wala nang nakatira. Katotohanang sinasabi ko sa iyo: Hindi mo ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mong: Papuri sa kaniya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.

 

 

Lucas 14

 

Si Jesus sa Bahay ng Isang Fariseo

 

 1At nangyari na si Jesus ay pumunta sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain ng tinapay. Noon ay araw ng Sabat. Sa pagpunta niya roon, kanila siyang pinagmamatyagan. 2Narito, sa harap niya ay mayroong isang lalaking dumaranas ng pamamaga. 3Sumagot si Jesus. Sinabi niya sa mga dalubhasa sa kautusan at mga Fariseo: Naaayon ba sa kautusan ang magpagaling sa araw ng Sabat? 4Ngunit sila ay tahimik. At sa paghawak niya sa lalaki, pinagaling niya siya at pinaalis.

   
 5Sumagot siya sa kanila. Sinabi niya: Ang inyong asno o toro ay nahulog sa isang hukay sa araw ng Sabat. Sino sa inyo ang hindi agad mag-aahon sa mga ito sa araw ng Sabat? 6Hindi sila nakatugon sa kaniya patungkol sa mga bagay na ito.

   
 7Siya ay nagsabi ng talinghaga sa mga inanyayahan nang mapuna niyang pinipili nila ang mga pangunahing dako. 8Sinabi niya sa kanila: Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag kang umupo sa pangunahing dako sapagkat baka may inanyayahan pa siyang higit na marangal kaysa sa iyo. 9Siya na nag-anyaya sa iyo at sa kaniya ay lalapit sa iyo. Sasabihin niya sa iyo: Paupuin mo ang taong ito sa kinauupuan mo. Pagkatapos, ikaw ay mapapahiyang kukuha ng kahuli-hulihang dako. 10Ngunit kapag ikaw ay inanyayahan, sa pagpunta mo ay maupo ka sa kahuli-hulihang dako. Ito ay upang sa paglapit ng nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya: Kaibigan, pumunta ka sa higit na mataas. Pagkatapos, ang karangalan ay mapapasaiyo sa harap ng mga kasama mong nakadulog sa hapag. 11Ito ay sapagkat ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at siya na nagpapakumbaba ay itataas.

   
 12Si Jesus ay nagsabi rin sa nag-anyaya sa kaniya. Sinabi niya: Kapag naghanda ka ng agahan o hapunan, huwag mong tawagin ang mga kaibigan mo. Huwag mong tawagin maging ang mga kapatid mo o mga kamag-anak mo. Huwag mong tawagin ang mga kapitbahay mong mayayaman. Kung gagawin mo iyon, ikaw ay anyayahan din nila at gagantihan ka nila. 13Kung naghanda ka ng isang piging, tawagin mo ang mga dukha, mga lumpo, mga pilay at mga bulag. 14At pagpapalain ka dahil wala silang maigaganti sa iyo sapagkat ikaw ay gagantihan sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.

 

Ang Talinghaga sa Malaking Piging

 

 15Ang mga bagay na ito ay narinig ng isa sa mga kasama niyang nakadulog sa hapag. Sinabi nito sa kaniya: Pinagpala siya na kakain ng tinapay sa paghahari ng Diyos.

   
 16Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Isang lalaki ang naghanda ng malaking hapunan at nag-anyaya ng marami. 17Sa oras ng hapunan ay sinugo niya ang kaniyang alipin upang magsabi sa mga inanyayahan: Halina kayo, nakahanda na ang lahat.

   
 18Ang lahat, sa iisang paraan, ay nagsimulang magdahilan. Ang una ay nagsabi sa kaniya: Bumili ako ng isang bukid. Kailangan ko itong puntahan at tingnan. Ipinakikiusap ko sa iyo, pagpaumanhinan mo ako.

   
 19Ang isa ay nagsabi: Bumili ako ng limang tambal na baka. Pupuntahan ko ito upang masubukan. Ipinakikiusap ko sa iyo, pagpaumanhinan mo ako.

   
 20Ang isa ay nagsabi: Bagong kasal ako. Dahil dito, hindi ako makakapunta.

   
 21Sa pagdating ng aliping iyon, iniulat niya sa kaniyang panginoon ang mga bagay na ito. Sa galit ng may-ari ng sambahayan, nagsabi siya sa kaniyang alipin: Pumunta ka agad sa mga lansangan at mga makikipot na daan ng lungsod. Dalhin mo rito ang mga dukha, mga pilay, mga lumpo at mga bulag.

   
 22Sinabi ng alipin: Panginoon, nagawa na ang ayon sa iniutos mo at mayroon pang lugar.

   
 23Sinabi ng panginoon sa alipin: Pumunta ka sa mga daan at sa mga tabing bakod. Pilitin mong pumasok ang mga tao upang mapuno ang aking bahay. 24Ito ay sapagkat sinasabi ko sa inyo: Ang alinman sa mga inanyayahang lalaki ay hindi makakatikim ng hapunan.

 

Ang Halaga ng Pagiging Alagad

 

 25Sumama sa kaniya ang lubhang napakaraming mga tao. Humarap si Jesus sa kanila. Sinabi niya: 26Ang sinumang pumarito sa akin na hindi napopoot sa kaniyang ama at ina, asawang babae at mga anak, mga kapatid na lalaki at babae, maging sa sarili niyang buhay ay hindi maaaring maging alagad ko. 27Ang sinumang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.

   
 28Marahil isa sa inyo ay naghahangad magtayo ng tore. Hindi ba uupo muna siya at magbibilang muna ng halaga kung mayroon siyang maipagpapatapos niyaon? 29Kung sakaling mailagay na niya ang saligan at hindi mapatapos, sisimulan siyang kutyain ng lahat nang nakakakita. 30Sasabihin nila: Ang lalaking ito ay nagsimulang magtayo ngunit hindi niya kayang tapusin.

   
 31Marahil isang hari ang naghahangad makipaglaban sa ibang hari. Hindi ba uupo muna siya at magpasiya kung sa sampung libo ay kaya niyang sagupain ang dumarating na kaaway na may dalawampung libo? 32Ngunit kung hindi, magsusugo siya ng kinatawan habang malayo pa ang kalaban at hihingin ang mga batayan para sa kapayapaan. 33Gayundin nga, ang bawat isang hindi nag-iiwan ng lahat ng tinatangkilik niya ay hindi siya maaaring maging alagad ko.

   
 34Ang asin ay mabuti, ngunit kapag nawalan ito ng lasa, paano pa ito aalat muli? 35Hindi ito nararapat para sa lupa, maging sa mga dumi ng hayop kundi itatapon na lang. Ang may pandinig ay makinig.

 

 

Lucas 15

 

Ang Talinghaga ng Nawalang Tupa

 

 1Ang lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kaniya upang makinig. 2Ang mga Fariseo at mga guro ng kautusan ay nagbulung-bulungan. Sinasabi nila: Tinatanggap nito ang mga makasalanan at kumakaing kasama nila.

   
 3Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito sa kanila. 4Sino sa inyo ang may isandaang tupa at nawala ang isa, hindi ba niya iiwanan ang siyamnapu't siyam sa ilang at hanapin ang nawawalang tupa hanggang makita ito? 5Kapag nakita niya, papasanin niya ito sa kaniyang balikat na nagagalak. 6Pagdating niya sa bahay, tatawagin niyang sama-sama ang kaniyang mga kaibigan at mga kapit-bahay. Sasabihin niya sa kanila: Makigalak kayo sa akin sapagkat natagpuan ko na ang nawala kong tupa. 7Sinasabi ko sa inyo: Sa gayunding paraan magkakaroon ng kagalakan sa langit sa isang makasalanang nagsisi. Ang kagalakang ito ay higit pa kaysa siyamnapu't-siyam na mga matuwid na hindi kailangang magsisi.

 

Ang Talinghaga ng Nawalang Pilak

 

 8O sino ngang babae ang may sampung pirasong pilak at mawala niya ang isa, hindi ba siya magsisindi ng ilawan at magwawalis sa bahay at maingat siyang maghahanap, hanggang makita niya ito? 9Kapag nakita niya ito, tatawagin niya ang kaniyang mga kaibigan at kapit-bahay. Sasabihin niya: Makigalak kayo sa akin dahil nakita ko na ang aking pilak na nawala. 10Sinasabi ko sa inyo: Sa gayunding paraan magkakaroon ng kagalakan sa harap ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.

 

Ang Talinghaga ng Alibughang Anak

 

 11Sinabi niya: May isang lalaking may dalawang anak na lalaki. 12Ang nakakabatang anak ay nagsabi sa kaniyang ama: Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng mga ari-arian na nauukol sa akin. Binahagi ng ama sa kanila ang kaniyang kabuhayan.

   
 13Lumipas ang ilang araw, pagkatipon ng lahat ng sa kaniya, ang nakakabatang anak na lalaki ay umalis. Nagtungo siya sa isang malayong lupain at doon nilustay ang kaniyang ari-arian. Siya ay namuhay ng magulong pamumuhay. 14Ngunit nang magugol na niya ang lahat, nagkaroon ng isang matinding taggutom sa lupaing iyon at nagsimula siyang mangailangan. 15Humayo siya at sumama sa isang mamamayan ng lupaing iyon. At siya ay sinugo niya sa mga bukirin upang magpakain ng mga baboy. 16Mahigpit niyang hinangad na kumain ng mga bunga ng punong-kahoy na ipinakakain sa mga baboy sapagkat walang sinumang nagbigay sa kaniya.

   
 17Nang manauli ang kaniyang kaisipan, sinabi niya: Ang aking ama ay maraming upahang utusan. Sagana sila sa tinapay samantalang ako ay namamatay dahil sa gutom. 18Tatayo ako at pupunta ako sa aking ama. Sasabihin ko sa kaniya: Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyong paningin. 19Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Gawin mo akong isa sa iyong mga upahang utusan. 20Sa pagtayo niya, pumunta siya sa kaniyang ama, ngunit malayo pa siya ay nakita na siya ng kaniyang ama at ito ay nahabag sa kaniya. Ang ama ay tumakbo at niyakap at hinagkan siya.

   
 21Sinabi ng anak sa kaniya: Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyong paningin. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.

   
 22Gayunman, sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin: Dalhin ninyo ang pinakamainam na kasuotan at isuot ninyo sa kaniya. Magbigay kayo ng singsing para sa kaniyang kamay at panyapak para sa kaniyang mga paa. 23Magdala kayo ng pinatabang guya at katayin ito. Tayo ay kakain at magsaya. 24Ito ay sapagkat ang anak kong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay nawala at natagpuan. Sila ay nagsimulang magsaya.

   
 25At ang nakakatanda niyang anak ay nasa bukid. Nang siya ay dumarating at malapit na sa bahay, nakarinig siya ng tugtugin at sayawan. 26Tinawag niya ang isa sa kaniyang mga lingkod. Tinanong niya kung ano ang ibig sabihin ng mga bagay na ito. 27Sinabi ng lingkod sa kaniya: Dumating ang kapatid mo. Nagpakatay ng pinatabang guya ang iyong ama sapagkat ang kapatid mo ay natanggap niyang ligtas at malusog.

   
 28Nagalit siya at ayaw niyang pumasok. Dahil dito lumabas ang kaniyang ama at namanhik sa kaniya. 29Sumagot siya sa kaniyang ama. Sinabi niya: Narito, naglingkod ako sa iyo ng maraming taon. Kahit minsan ay hindi ako sumalangsang sa iyong utos. Kahit minsan ay hindi mo ako binigyan ng maliit na kambing upang makipagsaya akong kasama ng aking mga kaibigan. 30Nang dumating itong anak mo, nagpakatay ka para sa kaniya ng pinatabang guya. Siya ang nag-aksaya ng iyong kabuhayan kasama ng mga patutot.

   
 31Sinabi ng ama sa kaniya: Anak, lagi kitang kasama at lahat ng akin ay sa iyo. 32Ang magsaya at magalak ay kailangan sapagkat ang kapatid mong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay nawala at natagpuan.

 

 

Lucas 16

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Tusong Tagapamahala

 

 1Si Jesus ay nagsabi rin sa kaniyang mga alagad: May isang lalaking mayaman. Siya ay may isang katiwala na pinaratangang lumulustay ng kaniyang mga ari-arian. 2Tinawag niya ang katiwala at sinabi dito: Ano itong naririnig ko patungkol sa iyo? Magbigay ka ng sulit sa iyong pagiging katiwala dahil hindi ka na maaaring maging katiwala.

   
 3Sinabi ng katiwala sa kaniyang sarili: Ano ang gagawin ko? Inaalis na ng panginoon ang aking pagiging katiwala. Hindi na ako makakapaghukay, nahihiya naman akong mamalimos. 4Alam ko na ang gagawin ko upang kung alisin ako sa pagiging katiwala, matatanggap nila ako sa kanilang mga bahay.

   
 5Tinawag niya ang bawat isang may utang sa kaniyang panginoon. Sinabi niya sa una: Magkano ang utang mo sa aking panginoon?

   
 6Sinabi sa kaniya: Isandaang bariles ng langis.
   Sinabi ng katiwala sa kaniya: Kunin mo ang listahan ng utang mo. Maupo ka kaagad at ang isulat mo ay limampu.

   
 7Sinabi niya sa isa: Ikaw, magkano ang utang mo?
   Sinabi sa kaniya: Isandaang malalaking sukat ng trigo.
   Sinabi ng katiwala sa kaniya: Kunin mo ang listahan ng utang mo at ang isulat mo ay walumpu.

   
 8Ang hindi matapat na katiwala ay pinuri ng panginoon sapagkat siya ay gumawang may katusuhan. Ito ay sapagkat ang mga tao sa kapanahunang ito, sa sarili nilang lahi, ay higit na tuso kaysa sa mga tao ng liwanag. 9Sinasabi ko sa inyo: Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng di-matuwid. Ito ay upang kung kayo ay maubusan, matatanggap nila kayo sa walang hanggang tirahan.

   
 10Ang matapat sa kakaunti ay matapat din sa marami. Ang hindi matuwid sa kakaunti ay hindi rin matuwid sa marami. 11Kaya nga, kung hindi kayo naging matapat sa hindi matuwid na kayamanan, paano pang ipagkakatiwala sa inyo ang tunay na kayamanan? 12Kung hindi kayo naging matapat sa pag-aari ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng sa inyong sarili?

   
 13Walang lingkod na makakapaglingkod sa dalawang panginoon sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang isa o kaya magtatapat siya sa isa at mamumuhi sa isa. Hindi kayo makakapaglingkod sa Diyos at sa kayamanan.

   
 14Ang lahat ng mga bagay na ito ay narinig ng mga Fariseo. Dahil sa sila ay mga maibigin sa salapi, nilibak nila siya. 15Sinabi niya sa kanila: Kayo yaong mga nagmamatuwid sa inyong mga sarili sa harap ng mga tao. Ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso sapagkat kung ano ang lubos na pinahahalagahan ng mga tao ay kasuklam-suklam sa harap ng Diyos.

 

Iba pang Katuruan

 

 16Ang aklat ng kautusan at ang aklat ng mga propeta ay hanggang kay Juan. Simula sa panahong iyon, ang paghahari ng Diyos ay ipinangaral. Ang bawat isa ay nais pumasok dito sa pamamagitan ng dahas. 17Higit na madali para sa langit at lupa ang lumipas kaysa sa isang kudlit ng kautusan ang lilipas.

   
 18Ang bawat isang nagpapaalis sa kaniyang asawang babae at nagpapakasal sa iba ay nangangalunya. Ang bawat isang magpakasal sa kaniya na itinaboy ng asawang lalaki ay nangangalunya.

 

Ang Lalaking Mayaman at si Lazaro

 

 19May isang lalaking mayaman. Nakadamit siya ng kulay ube at pinong lino. Namumuhay siya sa karangyaan araw-araw. 20Mayroon doong isang lalaking dukha na ang pangalan ay Lazaro. Siya ay puno ng galis. Inilagay siya sa tarangkahan ng mayaman. 21Mahigpit niyang hinangad na mabusog mula sa mga mumong nahulog mula sa hapag-kainan ng mayamang lalaki. Ngunit maging ang mga aso na lumalapit ay humihimod ng kaniyang mga galis.

   
 22Nangyari nga na ang lalaking dukha ay namatay. Siya ay dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Ang lalaking mayaman ay namatay din at inilibing. 23Sa Hades siya ay naghihirap. Sa paghihirap niya ay itinanaw niya ang kaniyang paningin. Nakita niya sa malayo si Abraham at si Lazaro na nasa kaniyang piling. 24Tumawag siya nang malakas: Amang Abraham, kahabagan mo ako. Suguin mo si Lazaro upang isawsaw niya ang dulo ng kaniyang daliri sa tubig. Ito ay upang mapalamig ang aking dila sapagkat ako ay lubhang nagdurusa sa lagablab ng apoy na ito.

   
 25Ngunit sinabi ni Abraham: Anak, alalahanin mo na sa buong buhay mo tinanggap mo nang lubos ang mabubuting bagay. Gayundin naman, si Lazaro ay tumanggap ng mga masasamang bagay. Sa ngayon siya ay inaaliw at ikaw ay lubhang nagdurusa. 26Bukod sa lahat ng mga bagay na ito, sa pagitan namin at sa iyo ay mayroong malaking bangin. Dahil dito, sila na maghahangad na tumawid mula rito patungo sa iyo ay hindi makakatawid. Maging sila na maghahangad tumawid mula riyan patungo sa amin ay hindi makatatawid.

   
 27Sinabi niya: Kung gayon, hinihiling ko sa iyo ama, na suguin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama. 28Ito ay sapagkat ako ay may limang kapatid na lalaki. Suguin mo siya upang magbabala sa kanila nang sa gayon ay huwag silang mapunta sa dakong ito ng pagdurusa.

   
 29Sinabi ni Abraham sa kaniya: Ang isinulat ni Moises at ng mga propeta ay nasa kanila. Hayaan mong sila ay makinig sa kanila.

   
 30Sinabi niya: Hindi, amang Abraham, sila ay magsisisi kapag pupunta sa kanila ang isang nagmula sa mga patay.

   
 31Sinabi ni Abraham sa kaniya: Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, hindi sila mahihikayat kahit na may isang pang bumangon mula sa mga patay.

 

 

Lucas 17

 

Kasalanan, Pananampalataya, Tungkulin

 

 1Si Jesus ay nagsabi sa kaniyang mga alagad: Hindi maaaring ang katitisuran ay hindi dumating. Ngunit, sa aba niya na panggagalingan nito. 2Mabuti pa na talian ng malaking gilingang bato ang kaniyang leeg at itapon sa dagat. Ito ay nararapat sa kaniya kaysa sa matisod sa kaniya ang isa sa maliliit na ito. 3Ingatan ninyo ang inyong mga sarili.
   Kung nagkasala laban sa iyo ang kapatid mong lalaki, sawayin mo siya. Kapag siya ay nagsisi, patawarin mo siya. 4Patawarin mo siya kapag nagkasala siya laban sa iyo nang pitong ulit sa isang araw. Ito ay kung babalik siya sa iyo ng pitong ulit sa isang araw at magsasabi: Ako ay nagsisisi.

   
 5Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: Dagdagan mo ang pananampalataya namin.

   
 6Sinabi ng Panginoon: Maaari mong sabihin sa punong sikamorong ito: Mabunot ka at matanim ka sa dagat. Susundin ka nito kung mayroon kang pananampalatayang tulad ng butil ng mustasa.

   
 7Isipin ninyong kayo ay mayroong aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa. Sino sa inyo ang sa kaniyang pagdating mula sa bukid ay agad na magsasabi: Maupo ka at kumain? 8Hindi ba ang sasabihin mo pa nga sa kaniya: Ipaghanda mo ako ng makakain? Magbigkis ka, paglingkuran mo ako habang ako ay kumakain at umiinom. Pagkatapos ng mga bagay na ito, ikaw ay kakain at iinom. 9Pasasalamatan ba niya ang aliping iyon dahil ginawa niya ang mga bagay na iniutos sa kaniya? Sa palagay ko ay hindi. 10Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: Kami ay mga aliping walang pakinabang sapagkat ang aming ginawa ay ang tungkuling dapat lamang naming gawin.

 

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin

 

 11Umahon si Jesus patungong Jerusalem. Nangyari na siya ay dumaan sa gitna ng Samaria at Galilea. 12Sa kaniyang pagpasok sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking may ketong. Ang mga ito ay nakatayo sa malayo. 13Nilakasan nila ang kanilang tinig at kanilang sinabi: Guro, kahabagan mo kami.

   
 14Nakita sila ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Humayo kayo at magpakita kayo sa mga saserdote. At nangyari, sa paghayo nila, sila ay nalinis.

   
 15Nang makita ng isa sa kanila na siya ay gumaling, bumalik siya. Sa malakas na tinig, niluwalhati niya ang Diyos. 16Nagpatirapa siya na nagpapasalamat kay Jesus. Ang lalaking ito ay isang taga-Samaria.

   
 17Sinabi ni Jesus: Hindi ba sampu ang nilinis? Nasaan ang siyam? 18Ang dayuhan lang bang ito ang bumalik upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos? 19Sinabi niya sa kaniya: Bumangon ka at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.

 

Ang Pagdating ng Paghahari ng Diyos

 

 20Ang mga Fariseo ay nagtanong sa kaniya kung kailan darating ang paghahari ng Diyos. Sinagot niya sila at sinabi: Ang paghahari ng Diyos ay darating na hindi mamamasdan. 21Ito ay darating na hindi nila masasabi: Tingnan ninyo rito! Tingnan ninyo roon! Ito ay sapagkat ang paghahari ng Diyos ay nasa kalagitnaan ninyo.

   
 22Sinabi ni Jesus sa mga alagad: Darating ang mga araw na kayo ay maghahangad na makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at hindi ninyo ito makikita. 23Kung sasabihin nila sa inyo: Tingnan ninyo rito! Tingnan ninyo roon! Huwag kayong pumunta o sumunod. 24Ito ay sapagkat kung papaano nagliliwanag ang kidlat, magiging gayon ang Anak ng Tao. Sa pagkislap ng kidlat, ito ay nagliliwanag mula sa isang dulo sa ilalim ng langit hanggang sa isang dulo sa ilalim ng langit. 25Ngunit bago ito, kailangan muna niyang magbata ng maraming bagay at tanggihan ng lahing ito.

   
 26Kung papaano noong mga araw ni Noe, magiging gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. 27Sila ay kumakain at umiinom. Sila ay nag-aasawa at ipinakakasal. Ginawa nila ang mga ito hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha at nalipol silang lahat.

   
 28Gayundin naman ang nangyari noong mga araw ni Lot. Sila ay kumakain at umiinom. Sila ay bumibili at nagtitinda. Sila ay nagtatanim at nagtatayo. 29Ngunit nang araw na si Lot ay lumabas mula sa Sodom, ang apoy at asupre ay bumabang tulad ng ulan. Ito ay nagmula sa langit at silang lahat ay nalipol.

   
 30Ganito ang mangyayari sa araw na ang Anak ng Tao ay maihayag. 31Sa araw na iyon, siya na nasa bubong ng bahay ay huwag nang bumaba. Huwag mo na siyang pababain upang kunin ang kaniyang mga gamit na nasa loob ng bahay. Siya na nasa bukid ay huwag nang umuwi. 32Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. 33Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ang sinumang mawalan ng buhay ay makakapagpanatili nito. 34Sinasabi ko sa inyo: Sa gabing iyon, mayroong dalawang tao sa isang kama. Ang isa ay kukunin at ang isa ay maiiwan. 35Dalawang babae ang magkasamang naggigiling. Ang isa ay kukunin at ang isa ay maiiwan. 36Dalawang lalaki ang nasa bukid. Ang isa ay kukunin at ang isa ay maiiwan.

   
 37Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Panginoon, saan?
   Sinabi niya sa kanila: Kung saan naroroon ang bangkay, doon nagtitipon ang mga buwitre.

 

 

Lucas 18

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Matiyagang Balo

 

 1Nagsabi si Jesus ng isang talinghaga sa kanila upang ipabatid sa kanila na kinakailangang manalangin lagi at huwag manghina. 2Sinabi niya: Sa isang lungsod ay may isang hukom. Hindi siya natatakot sa Diyos at hindi niya iginagalang ang tao. 3Sa lungsod na iyon ay may isang balo na laging nagpupunta sa kaniya. Sinasabi nito: Ipaghiganti mo ako sa aking kalaban.

   
 4Sa ilang panahon, ang hukom ay umayaw. Sa bandang huli, sinabi niya sa kaniyang sarili: Hindi ko kinatatakutan ang Diyos at wala akong iginagalang na tao. 5Ngunit ipaghihiganti ko ang balong ito, kung hindi, papagurin niya ako sa kaniyang patuloy na pagparito.

   
 6Sinabi ng Panginoon: Dinggin ninyo kung ano ang sinasabi ng di-makatarungang hukom. 7Hindi ba ipaghihiganti ng Diyos ang kaniyang mga pinili na dumaraing sa kaniya araw at gabi? Hindi ba siya mapagpasensiya ng lubos sa kanila? 8Sinasabi ko sa inyo: Agad niya silang ipaghihiganti. Magkagayunman, pagdating ng Anak ng Tao, makasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Fariseo at Maniningil ng Buwis

 

 9May ilang mga nagtiwala sa kanilang mga sarili na sila ay matuwid at hinamak nila ang iba. Sa kanila ay sinabi rin ni Jesus ang talinghagang ito. 10Dalawang lalaki ang umahon sa templo upang manalangin. Ang isa ay Fariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11Tumayo ang Fariseo at nanalangin siya sa kaniyang sarili ng ganito: Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako katulad ng ibang tao. Hindi ako katulad nila na mga mangingikil, mga hindi matuwid at mga mangangalunya. Hindi rin ako katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12Dalawang ulit akong nag-aayuno sa loob ng isang linggo. Nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng bagay na aking tinatangkilik.

   
 13Ngunit ang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo ay hindi man lamang niya itinataas ang kaniyang paningin sa langit, sa halip ay kaniyang binabayo ang kaniyang dibdib. Sinabi niya: Diyos, pagkalooban mo ako ng iyong habag, ako na isang makasalanan.

   
 14Sinasabi ko sa inyo: Ang taong ito ay umuwi sa kaniyang bahay na pinaging-matuwid at ang isa ay hindi. Ito ay sapagkat ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at ang bawat isang nagpapakumbaba ay itataas.

 

Si Jesus at ang Maliliit na Bata

 

 15Dinala rin nila sa kaniya ang mga sanggol upang mahipo niya. Ngunit ng makita ito ng mga alagad, sinaway nila sila. 16Ngunit tinawag sila ni Jesus sa kaniya at sinabi: Pahintulutan ninyong lumapit sa akin ang mga maliliit na bata sapagkat ang paghahari ng Diyos ay para sa mga katulad nila. 17Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi kailanman makakapasok doon.

 

Ang Mayamang Pinuno

 

 18Isang pinuno ang nagtanong sa kaniya na sinasabi: Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ako ng buhay na walang hanggan?

   
 19Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti maliban sa isa, ang Diyos. 20Alam mo ang mga utos. Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay. Huwag kang magnanakaw, huwag kang magbibigay ng maling patotoo. Igalang mo ang iyong ama at ina.

   
 21Sinabi niya: Ang lahat ng mga bagay na ito ay sinunod ko mula pa sa aking kabataan.

   
 22Pagkarinig ni Jesus sa mga bagay na ito, sinabi niya sa kaniya: Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat mong pag-aari gaano man karami ito. Ipamahagi mo sa mga dukha at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa langit. Halika, sumunod ka sa akin.

   
 23Pagkarinig niya ng mga bagay na ito, lubha siyang nagdalamhati sapagkat napakayaman niya. 24Nakita ni Jesus na siya ay lubhang nagdalamhati. Sa pagkakita niya, kaniyang sinabi: Napakahirap para sa kanilang may kayamanan ang makapasok sa paghahari ng Diyos. 25Ang dumaan sa butas ng isang karayom ay higit na madali para sa isang kamelyo kaysa sa isang lalaking mayaman na makapasok sa paghahari ng Diyos.

   
 26Ang mga nakarinig ay nagsabi: Sino nga ang maaaring maligtas?

   
 27Sinabi ni Jesus: Ang mga bagay na hindi maaaring gawin ng tao ay maaaring gawin ng Diyos.

   
 28Sinabi ni Pedro: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo.

   
 29Sinabi niya sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: May mga taong nag-iwan ng tahanan, o magulang, o mga kapatid, o asawang babae, o mga anak para sa paghahari ng Diyos. 30Ang sinumang nag-iwan ng mga ito ay tatanggap ng lalong higit sa kapanahunang ito. Tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na kapanahunan.

 

Binanggit Muli ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

 

 31Pagkatipon ni Jesus sa kaniyang labindalawang alagad, sinabi niya sa kanila: Narito, aahon tayo sa Jerusalem. Magaganap ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta patungkol sa Anak ng Tao. 32Ito ay sapagkat ibibigay siya sa mga Gentil at siya ay kukutyain, aalimurain at duduraan. 33Siya ay kanilang hahagupitin at papatayin at sa ikatlong araw, siya ay muling babangon.

   
 34Wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang pananalitang ito ay naitago mula sa kanila at hindi nila alam kung ano ang kahulugan ng sinabi.

 

Ang Pulubing Bulag ay Nakakita

 

 35Papalapit na siya sa Jerico. Nangyari, na may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos. 36Nang marinig niya ang maraming taong nagdadaan, tinanong niya kung ano ito. 37Sinabi nila sa kaniya: Si Jesus na taga-Nazaret ay dumadaan. 38Ang bulag ay sumigaw. Sinabi niya: Jesus, anak ni David, kahabagan mo ako.

   
 39Sinaway siya ng mga nauuna at pinatahimik ngunit lalo pa siyang sumigaw: Anak ni David, kahabagan mo ako.

   
 40Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin siya sa kaniya. Sa paglapit ng bulag, tinanong siya ni Jesus: 41Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo.
   Sinabi niya: Panginoon, ibig kong makakita.

   
 42Sinabi ni Jesus sa kaniya: Makakita ka. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya. 43Kaagad-agad, nakakita siya at sumunod sa kaniya na nagluluwalhati sa Diyos. Ang lahat ng mga taong nakakita ay nagpuri sa Diyos.

 

 

Lucas 19

 

Si Zaqueo, ang Maniningil ng Buwis

 

 1Pumasok at dumaan si Jesus sa Jerico. 2Naroroon ang isang lalaking nagngangalang Zaqueo. Siya ay punongmaniningil ng buwis at siya ay mayaman. 3Hinahangad niyang makita kung sino si Jesus. Hindi niya ito magawa dahil sa napakaraming tao, sapagkat siya ay mababa. 4At tumakbo siya sa unahan at umakyat sa isang puno ng sikamoro upang makita si Jesus sapagkat sa daang iyon daraan si Jesus.

   
 5Nang dumating si Jesus sa dakong iyon, tumingala siya at nakita niya si Zaqueo. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Zaqueo, magmadali kang bumaba sapagkat sa araw na ito ay kinakailangang manatili ako sa iyong bahay. 6Nagmamadali siyang bumaba at nagagalak niyang tinanggap si Jesus.

   
 7Nang makita ito ng lahat, nagbulung-bulungan sila. Kanilang sinabi: Manunuluyan siya sa isang makasalanan.

   
 8Si Zaqueo ay nakatayo at sinabi niya sa Panginoon: Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking tinatangkilik ay ibibigay ko sa mga dukha. Anuman ang aking nakuha sa pamamagitan ng maling paraan sa sinuman ay ibabalik ko nang makaapat na ulit.

   
 9Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sa araw na ito, dumating sa bahay na ito ang kaligtasan sapagkat siya ay anak rin ni Abraham. 10Ang Anak ng Tao ay pumarito upang hanapin at iligtas ang nawala.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa Sampung Mina

 

 11Habang pinakikinggan nila ang mga bagay na ito, idinagdag ni Jesus at sinabi ang isang talinghaga sapagkat malapit na siya sa Jerusalem at inakala nila na ang paghahari ng Diyos ay mahahayag na. 12Kaya nga, sinabi niya: May isang maharlikang lalaki. Pumunta siya sa malayong bayan upang tanggapin sa kaniyang sarili ang isang paghahari at siya ay babalik. 13Tinawag niya ang sampu sa kaniyang mga alipin at bawat isa ay binigyan ng isang mina. Sinabi niya sa kanila: Mangalakal kayo hanggang sa pagdating ko.

   
 14Ngunit ang kaniyang mga mamamayan ay napopoot sa kaniya. At nagsugo sila sa kaniya ng isang kinatawan. Kanilang sinabi: Ayaw naming maghari sa amin ang lalaking ito.

   
 15At nangyari, na sa kaniyang pagbalik, pagkatanggap niya ng paghahari, iniutos niyang tawagin ang mga aliping ito. Ipinatawag niya ang mga aliping binigyan niya ng salapi upang malaman niya kung ano ang tinubo ng bawat isa sa pangangalakal.

   
 16Dumating ang una at sinabi: Panginoon, ang iyong mina ay tumubo ng sampung mina.

   
 17Sinabi niya sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa, ikaw na mabuting alipin. Dahil naging matapat ka sa napakaliit, mamamahala ka sa sampung lungsod.

   
 18Dumating ang pangalawa at sinabi: Panginoon, ang iyong mina ay tumubo ng limang mina.

   
 19Sinabi rin niya sa isang ito: Mamamahala ka sa limang lungsod.

   
 20Dumating ang isa at sinabi: Panginoon, narito ang iyong mina na itinago ko sa isang panyo. 21Itinago ko ito sapagkat natatakot ako sa iyo dahil ikaw ay isang malupit na tao. Kinukuha mo ang hindi mo inilagay at inaani mo ang hindi mo inihasik.

   
 22Ngunit sinabi niya sa kaniya: Hahatulan kita mula sa iyong bibig, masamang alipin. Alam mong ako ay isang mabagsik na tao. Kinukuha ko ang hindi ko inilagay at inaani ko ang hindi ko inihasik. 23Bakit hindi mo inilagak sa bangko ang aking salapi upang sa pagdating ko ay makuha ko ito kasama ang tubo?

   
 24Sa mga nakatayo ay kaniyang sinabi: Kunin ninyo sa kaniya ang mina. Ibigay ninyo ito sa kaniya na may sampung mina.

   
 25Sinabi nila sa kaniya: Panginoon, may sampung mina siya.

   
 26Ito ay sapagkat sinasabi ko sa inyo: Sa bawat isa na mayroon ay bibigyan. Ngunit sa kaniya na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin mula sa kaniya. 27Subalit, itong aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila ay dalhin ninyo rito. Patayin ninyo sila sa aking harapan.

 

Pumasok si Jesus sa Jerusalem Tulad ng Isang Hari

 

 28Pagkasabi ng mga bagay na ito, nauna siyang umahon sa Jerusalem. 29At nangyari nang papalapit na siya sa Betfage at Betania, patungo sa tinatawag na bundok ng mga Olibo, sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad. 30Kaniyang sinabi: Pumunta kayo sa nayon na nasa unahan ninyo. Sa pagpasok ninyo sa nayon, masusumpungan ninyo ang isang batang asno na nakatali. Hindi pa iyon nasasakyan ng sinumang tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 31Kung may magtanong sa inyo: Bakit ninyo kinalagan iyan? Sabihin nga ninyo sa kaniya: Kailangan ito ng Panginoon.

   
 32Umalis ang mga sinugo at nasumpungan nila ang ayon sa pagkasabi sa kanila. 33Sa pagkalag nila sa bisiro, ang mga may-ari nito ay nagsabi sa kanila: Bakit ninyo kinakalagan ang bisiro?

   
 34Sinabi nila: Kailangan ito ng Panginoon.

   
 35Inakay nila ang bisiro patungo kay Jesus. Pagkalagay nila ng kanilang mga damit sa bisiro, pinasakay nila si Jesus doon. 36Sa kaniyang pagyaon, inilatag nila ang kanilang mga damit sa daan.

   
 37Malapit na siya sa paanan ng bundok ng mga Olibo. Habang papalapit na siya ang buong karamihan ng mga alagad ay nagsimulang magalak at magpuri sa Diyos. Nagpuri sila nang may malakas na tinig sa lahat ng mga himalang nakita nila. 38Sinasabi nila:
   Papuri sa Hari na pumaparito sa pangalan ng Panginoon!
   Kapayapaan sa langit at kaluwalhatian sa kataas-taasan!

   
 39Ang ilan sa mga Fariseong mula sa karamihan ay nagsabi sa kaniya: Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad. 40Sa pagsagot ay sinabi niya sa kanila: Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik ang mga ito, sisigaw ang mga bato.

   
 41Nang siya ay nakalapit at nakita ang lungsod, iniyakan niya ito. 42Sinabi niya: Kung nalalaman mo, maging ikaw, kahit man lang sa araw mong ito, ang mga bagay na para sa iyong kapayapaan. Ngunit ngayon sila ay natago sa iyong mga paningin. 43Ito ay sapagkat darating sa iyo ang mga araw na ang mga kaaway mo ay maglalagay ng bambang sa palibot mo. Papalibutan ka nila at kukubkubin ka nila sa bawat panig. 44Ikaw ay papataging kapantay ng lupa kasama ng iyong mga anak. Walang batong maiiwan na nakapatong sa isang bato sapagkat hindi mo binigyang pansin ang panahon ng pagdating ng Diyos sa inyo.

 

Nilinis ni Jesus ang Templo

 

 45Sa kaniyang pagpasok sa templo, itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. 46Sinabi niya sa kanila: Nasusulat:
      Ang aking bahay ay isang bahay dalanginan.
      Ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga
      tulisan.

   
 47At nagturo si Jesus sa templo araw-araw. Ang mga pinunong-saserdote, ang mga guro ng kautusan at ang mga pinuno ng mga tao ay naghanap ng paraan upang mapatay siya. 48Hindi nila masumpungan ang maaari nilang gawin dahil ang mga tao ay matamang nakikinig sa kaniya.

 

 

Lucas 20

 

Pinag-alinlanganan ang Kapamahalaan ni Jesus

 

 1Nangyari, na isa sa mga araw na iyon, habang nagtuturo si Jesus sa mga tao sa templo at ipinangangaral ang ebanghelyo, pumunta sa kaniya ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan na kasama nila ang mga matanda. 2Nagsalita sila sa kaniya. Sinabi nila: Sabihin mo sa amin kung sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?

   
 3Sumagot siya sa kanila na sinabi: Itatanong ko rin sa inyo ang isang bagay. Sabihin ninyo sa akin: 4Ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa tao?

   
 5Nagtanungan sila sa isa't isa na sinasabi: Kung sabihin nating mula sa langit, sasabihin niya: Kung gayon, bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan? 6Ngunit kapag sinabi nating mula sa mga tao, babatuhin tayo ng lahat ng mga tao sapagkat naniniwala silang si Juan ay isang propeta.

   
 7Sumagot sila kay Jesus na hindi nila alam kung saan iyon nagmula.

   
 8Sinabi ni Jesus sa kanila: Kahit ako, hindi ko rin sasabihin kung sa anong kapamahalaan ko ginagawa ang mga bagay na ito.

 

Ang Talinghaga Patungkol sa mga Magsasakaga

 

 9Sinimulan niyang sabihin sa mga tao ang isang talinghaga. Isang lalaki ang nagtanim ng ubasan. Ipinaupahan niya ito sa mga magsasaka ng lupain at nilisan niya ang bayan sa mahabang panahon. 10Sa kapanahunan, isinugo niya sa mga magsasaka ang isang alipin upang ibigay nila sa kaniya ang bunga ng ubasan. Ngunit binugbog ito ng mga magsasaka at pinaalis nang walang dala. 11Muli siyang nagsugo ng isang alipin ngunit binugbog din nila ito at pinagmalupitan at pinaalis nang walang dala. 12Nagsugo siyang muli ng pangatlo ngunit kanila rin siyang sinugatan at itinaboy palabas.

   
 13Sinabi ng panginoon ng ubasan: Ano ang gagawin ko? Susuguin ko ang pinakamamahal kong anak na lalaki. Marahil siya ay igagalang kapag siya ay kanilang nakita.

   
 14Ngunit nang siya ay makita ng mga magsasaka, sila ay nag-usap-usap. Kanilang sinabi: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin ang mana. 15Nang siya ay kanilang maitaboy palabas ng ubasan, siya ay kanilang pinatay.
   Ano nga ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan? 16Darating siya at lilipulin ang mga magsasakang ito. Ang ubasan ay ibibigay niya sa iba.
   Pagkarinig nila nito, kanilang sinabi: Huwag nawang mangyari.

   
 17Tiningnan niya sila at kaniyang sinabi: Ano nga ang kahulugan ng nasusulat na ito:
      Ang bato na tinanggihan ng mga tagapagtayo ay
      naging batong panulok?

   
 18Ang bawat isang babagsak sa batong iyon ay magkakapira-piraso. Ngunit ang sinumang mabagsakan nito ay madudurog.

   
 19Ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ay naghanap ng paraan upang hulihin siya sa oras ding iyon at natakot sila sa mga tao. Ito ay sapagkat alam nila na sinabi ni Jesus ang talinghagang ito laban sa kanila.

 

Pagbabayad ng Buwis-pandayuhan kay Cesar

 

 20Sa pagmamatyag nila sa kaniya, nagsugo sila ng mga tiktik na magkukunwaring matuwid upang maipahuli nila siya sa kaniyang pananalita. Nang sa gayon ay maibigay nila siya sa pamunuan at kapamahalaan ng gobernador. 21Tinanong nila siya na sinasabi: Guro, alam naming ikaw ay nagsasalita at nagtuturo ng tama. Ikaw ay hindi nagtatangi ng tao. Itinuturo mo ang daan ng Diyos na may katotohanan. 22Naaayon ba sa kautusan na kami ay magbigay ng buwis-pandayuhan kay Cesar o hindi?

   
 23Alam ni Jesus ang kanilang katusuhan. Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ako sinusubukan? 24Ipakita ninyo sa akin ang isang denaryo. Kaninong anyo ang narito at papatungkol kanino ang nakasulat dito?
   Sumagot sila: Kay Cesar.

   
 25Sinabi niya sa kanila: Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.

   
 26Siya ay hindi nila mahuli sa kaniyang pananalita sa harap ng mga tao. Namangha sila sa kaniyang sagot at tumahimik sila.

 

Ang Muling Pagkabuhay at ang Pag-aasawa

 

 27Pumunta sa kaniya ang ilan sa mga Saduseo na tumatangging mayroong muling pagkabuhay. Nagtanong sila sa kaniya: 28Guro, si Moises ay sumulat sa amin na kapag mamatay ang kapatid na lalaking may asawa at walang anak, dapat kunin ng kapatid niyang lalaki ang asawa nito. Kukunin ng kapatid ang asawang babae upang magkaanak para sa kaniyang kapatid na namatay. 29Mayroon ngang pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa at namatay na walang anak. 30Kinuha siya ng pangalawa upang maging asawa at ang lalaki ay namatay na walang anak. 31Ang babae ay kinuha ng pangatlo at hanggang sa pampito, gayon ang nangyari. Wala silang iniwang anak at namatay. 32Sa kahuli-hulihan, namatay din ang babae. 33Kung magkagayon, sa muling pagkabuhay, kaninong asawa siya? Ito ay sapagkat naging asawa siya ng pito.

   
 34Sumagot si Jesus: Ang mga anak ng kapanahunang ito ay nag-aasawa at ikinakasal. 35Ngunit sa kanila na itinuring na karapat-dapat na magtamo ng kapanahunang darating at ng muling pagkabuhay mula sa mga patay ay hindi nag-aasawa ni ikinakasal. 36Ito ay sapagkat hindi na sila mamamatay kailanman dahil sila ay magiging katulad ng mga anghel. Sa pagiging mga anak ng muling pagkabuhay, sila ay mga anak ng Diyos. 37Ngunit maging si Moises ay nagpatunay nito sa salaysay patungkol sa palumpong na ang mga patay ay muling mabubuhay. Ito ay nang tawagin niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob. 38Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi Diyos ng mga buhay. Ito ay sapagkat ang lahat ay nabubuhay sa kaniya.

   
 39Sumagot ang ilang guro ng kautusan: Guro, mahusay ang pagkasabi mo. 40Hindi na sila naglakas ng loob kailanman na magtanong sa kaniya ng anumang bagay.

 

Kaninong Anak ang Mesiyas?

 

 41Sinabi niya sa kanila: Papaano nilang sinasabi na ang Mesiyas ay anak ni David? 42Ito ay sapagkat si David na rin ang nagsabi sa aklat ng mga Awit:
      Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon:
      Maupo ka sa aking kanan. 43Ito ay hanggang
      mailagay ko ang iyong mga kaaway bilang
      tuntungan ng iyong mga paa.

    44Kaya nga, tinawag siya ni David na Panginoon, papaano nga siya naging anak niya?

 

Mag-ingat sa mga Mapagpaimbabaw

 

 45Habang nakikinig ang mga tao, siya ay nagsabi sa kaniyang mga alagad. 46Mag-ingat kayo sa mga guro ng kautusan na nasisiyahang maglakad na may mahabang kasuotan. Ibig nila ang mga pagbati ng mga tao sa mga pamilihang-dako. Ibig din nila ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at mga pangunahing dako sa mga hapunan. 47Nilalamon nila ang mga bahay ng mga balo. Bilang pagpapakunwari, nananalangin sila ng mahaba. Ang mga ito ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.

 

 

Lucas 21

 

Ang Handog ng Babaeng Balo

 

 1Sa kaniyang pagtingala, nakita ni Jesus ang mga mayayaman na naghuhulog ng kanilang mga kaloob sa kaban ng yaman. 2Nakita rin niya ang isang dukhang balo na naghuhulog doon ng dalawang sentimos. 3Sinabi niya: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa sa lahat. 4Ito ay sapagkat mula sa kaniyang karukhaan ay inihulog niya ang lahat niyang kabuhayan. Ang mga mayamang ito ay naghulog ng mga kaloob sa Diyos mula sa mga labis nila.

 

Mga Tanda sa Huling Panahon

 

 5Habang ang ilan ay nag-uusap patungkol sa templo, na ito ay nagagayakan ng mga naggagandahang bato at mga kaloob, sinabi ni Jesus: 6Darating ang mga araw na ang mga bagay na inyong nakikita ay gigibain. Walang maiiwang bato na nakapatong sa bato na hindi babagsak.

   
 7Tinanong nila siya na sinasabi: Guro, kailan nga mangyayari ang mga bagay na ito? Ano ang mga tanda na mangyayari na ang mga bagay na ito?

   
 8Sinabi niya: Mag-ingat kayo na hindi kayo maililigaw sapagkat marami ang darating sa pangalan ko. Kanilang sasabihin: Ako ang Mesiyas at ang oras ay malapit na. Huwag nga kayong sumunod sa kanila. 9Kapag kayo ay nakarinig ng mga digmaan at himagsikan, huwag kayong masindak sapagkat ang mga bagay na ito ay dapat munang mangyari. Subalit ang wakas ay hindi agad mangyayari.

   
 10Pagkatapos nito sinabi niya sa kanila: Ang bansa ay babangon laban sa bansa at ang paghahari laban sa paghahari. 11Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa iba't ibang dako. Magkakaroon ng taggutom at salot. Magkakaroon ng mga nakakatakot na mga pangyayari at dakilang mga tanda mula sa langit.

   
 12Ngunit bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito, huhulihin nila kayo at uusigin. Dadalhin nila kayo sa mga sinagoga at mga bilangguan. Ihaharap nila kayo sa mga hari at gobernador dahil sa aking pangalan. 13Ngunit ito ay magiging isang pagkakataon ng inyong pagpapatotoo. 14Ilagay nga ninyo sa inyong mga puso na huwag paghandaan ang pagtatanggol. 15Ito ay sapagkat bibigyan ko kayo ng kapangyarihang magsalita at ng karunungan. Sa pamamagitan nito ay hindi makakasagot ni makakatanggi ang lahat ng mga kumakalaban sa inyo. 16Ngunit kayo ay ipagkakanulo maging ng mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan. Papatayin nila ang ilan sa inyo. 17Kayo ay kapopootan ng lahat ng dahil sa aking pangalan. 18Kailanman ay hindi mawawala ang isa mang buhok sa inyong ulo. 19Sa pamamagitan ng inyong matiyagang pagtitiis, tatamuhin ninyo ang inyong buhay.

   
 20Alamin ninyo na ang kapanglawan ng Jerusalem ay malapit na. Ito ay kapag nakita ninyong siya ay napalibutan ng mga hukbo. 21Pagkatapos nito, sila na nasa Judea ay tatakas patungo sa mga bundok. Sila na nasa kaniyang kalagitnaan ay lalabas. Sila na nasa mga lalawigan ay huwag nang hayaang pumasok sa kaniya. 22Ito ay sapagkat sa mga araw ng paghihiganti ay magaganap ang lahat ng mga bagay na isinulat. 23Ngunit sa aba ng mga nagdadalang-tao at sa kanila na mga nagpapasuso sa mga araw na iyon sapagkat magkakaroon ng malaking kaguluhan sa ibabaw ng lupa at magkakaroon ng poot sa mga taong ito. 24Sila ay babagsak sa talim ng tabak. Sila ay magiging bihag sa lahat ng mga bansa. At ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Gentil hanggang maganap ang panahon ng mga Gentil.

   
 25Magkakaroon ng mga tanda sa araw, at sa buwan at sa mga bituin. Sa ibabaw ng lupa ay magkakaroon ng kabalisahan ng mga bansa na may pagkalito. Magkakaroon ng malakas na ugong ng daluyong at ng dagat. 26Panghihinaan ng loob ang mga lalaki dahil sa takot at sa paghihintay roon sa darating sa daigdig sapagkat ang kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig. 27Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 28Kapag nagsimulang mangyari ang mga bagay na ito, itingala ninyo ang inyong mga ulo at tumingin sa itaas sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.

   
 29Si Jesus ay nagsalita ng isang talinghaga sa kanila: Narito, ang puno ng igos at lahat ng mga punong-kahoy. 30Kapag sumibol na sila, makikita ninyo at malalaman na ang tag-init ay malapit na. 31Gayundin kayo, kapag nakita ninyo ang mga bagay na ito na nangyari na, alam ninyong ang paghahari ng Diyos ay malapit na.

   
 32Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi lilipas ang lahing ito hanggang sa mangyari ang lahat. 33Ang langit at lupa ay lilipas ngunit ang aking mga salita kailanman ay hindi lilipas.

 

Ang Katupaaran ng Kautusan

 

 34Ngunit ingatan ninyo ang inyong mga sarili baka mapuno ang inyong mga puso ng ugali ng pagkalango at paglalasing at pagkabalisa sa buhay na ito. At bigla kayong datnan ng araw na iyon. 35Ito ay sapagkat tulad sa bitag, ito ay darating sa kanilang lahat na nananahan sa buong daigdig. 36Magbantay nga kayo at laging manalangin. Ito ay upang kayo ay maibilang na karapat-dapat na makaligtas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari. Ito rin ay upang kayo ay makatayo sa harap ng Anak ng Tao.

   
 37Kung araw, si Jesus ay nagtuturo sa templo. At kung gabi, siya ay lumalabas upang magpalipas ng gabi sa bundok na tinatawag na bundok ng mga Olibo. 38Kinaumagahan, ang lahat ng tao ay pumunta sa kaniya roon sa templo upang makinig.

 

 

Lucas 22

 

Nakipagkasundo si Judas na Ipagkanulo si Jesus

 

 1Nalalapit na ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na tinatawag na Paglagpas. 2Ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ay humahanap ng paraan kung papaano nila maipapatay si Jesus sapagkat natatakot sila sa mga tao. 3Pumasok si Satanas kay Judas, na tinaguriang taga-Keriot, na kabilang sa labindalawang alagad. 4Umalis siya at nakipag-usap sa mga pinunong-saserdote at sa mga opisyales ng mga tanod sa templo kung papaano niya maipagkakanulo si Jesus sa kanila. 5Nagalak sila at nagkasundong bigyan siya ng salapi. 6Nangako siya at naghanap ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus sa kanila na malayo sa mga tao.

 

Ang Huling Hapunan

 

 7Dumating ang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Kinakailangan na sa araw na iyon ay kakatay ng batang tupa ng Paglagpas. 8Sinugo ni Jesus si Pedro at si Juan at kaniyang sinabi: Umalis kayo at maghanda kayo ng hapunan ng Paglagpas upang tayo ay makakain.

   
 9Ngunit sinabi nila sa kaniya: Saan mo kami nais maghanda?

   
 10Sinabi niya sa kanila: Narito, sa pagkapasok ninyo sa lungsod, masasalubong ninyo ang isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kaniyang papasukan. 11Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay: Ipinasasabi sa iyo ng guro: Saan ang silid na pampanauhin na doon ay makakakain ako ng hapunan ng Paglagpas kasama ng aking mga alagad? 12Ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan. Doon kayo maghanda.

   
 13Umalis sila at kanilang nasumpungan ang lahat tulad ng sinabi sa kanila. Naghanda sila ng hapunan ng Paglagpas.

   
 14Nang dumating ang oras, dumulog si Jesus sa hapagkainan kasama ang kaniyang labindalawang apostol. 15Sinabi niya sa kanila: Mahigipit kong hinangad na kumain ng hapunan ng Paglagpas na kasama kayo bago ako maghirap. 16Sinasabi ko ito sa inyo dahil hindi na ako kakain nito hanggang ito ay maganap sa paghahari ng Diyos.

   
 17Pagkatanggap niya ng isang saro, nagpasalamat siya at sinabi: Kunin ninyo ito at paghati-hatian ninyo. 18Sinasabi ko ito sa inyo dahil hindi na ako iinom ng bunga ng ubas hanggang dumating ang paghahari ng Diyos.

   
 19Pagkakuha niya ng tinapay, nagpasalamat siya. Pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa kanila. Kaniyang sinabi: Ito ang aking katawan na ibinigay para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-ala-ala sa akin.

   
 20Sa gayunding paraan, pagkatapos na makapaghapunan, kinuha niya ang saro at sinabi: Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa aking dugo na ibinuhos para sa inyo. 21Bukod dito, narito, ang mga kamay ng magkakanulo sa akin ay kasama ko sa hapag. 22Tunay na ang Anak ng Tao ay humahayo ayon sa itinakda. Ngunit sa aba ng taong iyon na magkakanulo sa akin. 23Nagsimula silang magtanungan sa isa't isa kung sino kaya sa kanila ang gagawa ng bagay na ito.

   
 24Nagkaroon ng pagtatalo sa kanila kung sino sa kanila ang ituturing na pinakadakila. 25Sinabi ni Jesus sa kanila: Ang mga hari ng mga Gentil ay naghahari sa kanila. Ang mga namamahala sa kanila ay tinatawag na tagagawa ng mabuti. 26Ngunit hindi gayon sa inyo. Ang pinakadakila sa inyo ay matulad sa pinakabata. Siya na tagapanguna ay matulad sa tagapaglingkod. 27Ito ay sapagkat sino nga ba ang higit na dakila, ang nakadulog ba o ang naglilingkod? Hindi ba ang higit na dakila ay ang nakadulog? Ngunit ako na nasa kalagitnaan ninyo ay tulad sa naglilingkod. 28Kayo iyong mga kasama kong nagpatuloy sa aking mga pagsubok. 29Ang aking Ama ay naglaan para sa akin ng isang paghahari. Ganito rin ang paglaan ko ng isang paghahari para sa inyo. 30Inilaan ko ito upang kayo ay makakain at makainom sa aking dulang sa aking paghahari. Inilaan ko ito upang kayo ay makaupo sa mga trono na hinahatulan ang labindalawang lipi ni Israel.

   
 31Sinabi ng Panginoon: Simon, Simon, narito, ikaw ay hinihingi ni Satanas sa akin upang salain tulad ng trigo. 32Ngunit ipinanalangin na kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. Kapag ikaw ay nagbalik, palakasin mo ang iyong mga kapatid.

   
 33Sinabi niya sa kaniya: Panginoon, ako ay nakahandang mabilanggo at mamatay kasama mo.

   
 34Sinabi ni Jesus: Sinasabi ko sa iyo, Pedro: Ipagkakaila mo nang tatlong ulit na kilala mo ako bago tumilaok ang tandang.

   
 35Sinabi niya sa kanila: Isinugo ko kayong walang dalang kalupi, bayong at panyapak. Nang isinugo ko kayo, nagkulang ba kayo ng anumang bagay?
   Sinabi nila: Wala kaming naging kakulangan.

   
 36Sinabi nga niya sa kanila: Ngayon, siya na may kalupi ay hayaang magdala niyon. Ang may bayong ay gayundin. Siya na walang tabak ay ipagbili niya ang kaniyang damit at bumili ng tabak. 37Nasusulat:
      At siya ay ibinilang sa mga walang kinikilalang
      kautusan ng Diyos.
   Sinasabi ko sa inyo: Ang nasusulat na ito ay kailangan pang maganap sa akin sapagkat ang mga bagay patungkol sa akin ay magaganap na.

   
 38Sinabi ng mga alagad: Panginoon. Narito, may dalawang tabak dito.
   Sinabi niya sa kanila: Sapat na iyan.

 

Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo

 

 39Umalis si Jesus at ayon sa kaniyang kinaugalian ay pumunta sa bundok ng mga Olibo. Sumunod sa kaniya ang mga alagad niya. 40Pagdating niya sa dakong iyon, sinabi niya sa kanila: Manalangin kayo na huwag kayong mapasok sa tukso. 41Humiwalay siya sa kanila na ang layo ay maaabot ng pukol ng bato at siya ay lumuhod at nanalangin. 42Kaniyang sinabi: Ama, kung nanaisin mo, alisin mo ang sarong ito sa akin. Gayunman, hindi ang aking kalooban kundi ang kalooban mo ang mangyari. 43Nagpakita kay Jesus ang isang anghel mula sa langit. Pinalalakas siya nito. 44Sa matindi niyang pakikipagbaka, lalo siyang nanalangin nang mataimtim. Ang pawis niya ay naging tulad ng patak ng dugo na pumapatak sa lupa.

   
 45Pagkatapos niyang manalangin, tumindig siya. Sa pagpunta niya sa kaniyang mga alagad, nasumpungan niya silang natutulog dahil sa kalumbayan. 46Sinabi niya sa kanila: Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin upang huwag kayong mapasok sa tukso.

 

Dinakip Nila si Jesus

 

 47Habang nagsasalita pa siya, narito, dumating ang maraming tao. Siya na tinatawag na Judas, isa sa labindalawang alagad, ay nauuna sa kanila. Lumapit siya kay Jesus upang halikan siya. 48Sinabi ni Jesus sa kaniya: Judas, sa pamamagitan ba ng halik ay ipagkakanulo mo ang Anak ng Tao?

   
 49Nakita ng mga nasa palibot niya kung ano ang mangyayari. Dahil dito sinabi nila: Panginoon, mananaga ba kami? 50Tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang kanang tainga nito.

   
 51Sumagot si Jesus: Tigil! Tama na ang mga ito. Hinipo ni Jesus sa tainga ang alipin at pinagaling niya ito.

   
 52Ang mga dumating laban sa kaniya ay ang mga pinunong-saserdote, mga tanod sa templo at mga matanda. Sinabi niya sa mga ito: Lumabas ba kayong may mga tabak at pamalo gaya ng laban sa isang tulisan? 53Nang kasama ninyo ako sa templo araw-araw, hindi ninyo iniunat ang inyong mga kamay laban sa akin. Subalit ang oras na ito ay sa inyo at ang kapamahalaan ng kadiliman.

 

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus

 

 54Pagkahuli nila sa kaniya, isinama nila siya sa bahay ng pinakapunong-saserdote. Si Pedro ay sumusunod mula sa di-kalayuan. 55Sa gitna ng patyo sila ay nagsiga. Pagkatapos nito, sama-sama silang umupo, kasama si Pedro. 56Isang utusang babae ang nakakita kay Pedro na nakaupo malapit sa apoy. Pinagmasdan niyang mabuti si Pedro. Sinabi niya: Ang isang ito ay kasama niya.

   
 57Ipinagkaila ni Pedro si Jesus. Sinabi niya: Babae, hindi ko siya kilala.

   
 58Pagkalipas ng ilang sandali, may isa pang nakakita sa kaniya. Sinabi niya: Ikaw ay kasama nila.
   Sinabi ni Pedro: Ginoo, hindi nila ako kasama.

   
 59Pagkalipas nang may isang oras, may isa pang mariing nagsalita. Sinabi niya: Totoong ang isang ito ay kasama rin niya dahil siya ay isa ring taga-Galilea.

   
 60Sinabi ni Pedro: Ginoo, hindi ko alam ang sinasabi mo. Habang siya ay nagsasalita pa, tumilaok ang tandang. 61Sa paglingon ng Panginoon, tiningnan niya si Pedro at naala-ala ni Pedro ang salita ng Panginoon kung papaanong sinabi sa kaniya: Bago tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo akong ikakaila. 62Sa paglabas ni Pedro, tumangis siya nang buong kapaitan.

 

Nilibak ng mga Kawal si Jesus

 

 63Si Jesus ay nilibak at hinagupit ng mga lalaking humuli sa kaniya. 64Sa pagpiring nila sa kaniya ay sinampal nila siya at tinatanong siya: Ihayag mo, sino ang sumampal sa iyo? 65Sinabi nila sa kaniya sa mapamusong na pamamaran ang marami pang mga bagay.

 

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin

 

 66Nang mag-uumaga na, sama-samang nagkakatipun-tipon ang mga matanda sa mga tao, maging ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan. Dinala nila si Jesus sa kanilang Sanhedrin. 67Sinabi nila: Kung ikaw ang Mesiyas, sabihin mo sa amin.
   Sinabi niya sa kanila: Kung sasabihin ko sa inyo, kailanman ay hindi kayo maniniwala. 68Kung magtatanong din ako sa inyo, hindi ninyo ako sasagutin ni palalayain. 69Mula ngayon, ang Anak ng Tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos.

   
 70Sinabi nilang lahat: Kung gayon, ikaw nga ba ang Anak ng Diyos?
   Sinabi niya sa kanila: Tama ang iyong sinasabi na ako nga.

   
 71Sinabi nila: Hindi ba, hindi na natin kailangan ang saksi sapagkat tayo na ang nakarinig mula sa kaniyang bibig?

 

 

Lucas 23

 

Si Jesus sa Harap ni Pilato

 

 1Ang buong karamihang ito ay tumayo at dinala nila si Jesus kay Pilato. 2Sinimulan nila siyang paratangan. Sinabi nila: Nasumpungan namin na inililigaw ng taong ito ang bayan at ipinagbabawal ang pagbayad ng buwis kay Cesar. Sinasabi niya na siya ang Mesiyas na isang hari.

   
 3Tinanong ni Pilato si Jesus: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?
   Sumagot siya: Tama ang iyong sinabi.

   
 4Nagsabi si Pilato sa mga pinunong-saserdote at mga tao: Wala akong nakikitang dahilan upang paratangan ang taong ito.

   
 5Ngunit sila ay nagpumilit at nagsabi: Inudyukan niyang magkagulo ang mga tao. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa buong Judea mula sa Galilea hanggang dito.

   
 6Nang marinig ni Pilato ang Galilea, itinanong niya kung ang lalaki ay taga-Galilea. 7Nang malaman niyang siya ay mula sa nasasakupan ni Herodes, ipinadala niya siya kay Herodes. Si Herodes ay nasa Jerusalem din nang mga araw na iyon.

   
 8Nang makita ni Herodes si Jesus, lubos siyang nagalak sapagkat matagal na niyang hinahangad na makita siya. Ito ay sapagkat nakarinig na siya ng maraming bagay patungkol kay Jesus. Umaasa siyang makakita ng ilang tanda na ginawa niya. 9Maraming itinanong si Herodes sa kaniya. Ngunit wala siyang isinagot. 10Tumayo ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at marahas nila siyang pinaratangan. 11Kinutya siya ni Herodes at ng mga kawal nito. Nilibak nila siya at sinuotan ng marangyang kasuotan. Pagkatapos nito, ipinadala siyang muli ni Herodes kay Pilato. 12Nang araw ding iyon, si Pilato at Herodes ay naging magkaibigan sa isa't isa. Sila ay dating magkaaway.

   
 13Tinawag ni Pilato ang mga pinunong-saserdote at mga pinuno at ang mga tao. 14Sinabi niya sa kanila: Dinala ninyo sa akin ang taong ito bilang isa na nagliligaw sa mga tao. Narito, tinanong ko siya sa harapan ninyo. Wala akong nakitang anumang kasalanan sa taong ito na ayon sa ipinaparatang ninyo sa kaniya. 15Pinaahon ko kayo kay Herodes. Maging si Herodes ay walang nakitang ginawa niya na nararapat hatulan ng kamatayan. 16Pagkaparusa ko nga sa kaniya, palalayain ko siya. 17Tuwing araw ng paggunita ay kinakailangang may isang palalayain si Pilato.

   
 18Ngunit sila ay sabay-sabay na sumigaw at sinabi nila: Ipapatay mo ang taong ito at palayain sa amin si Barabas. 19Si Barabas ay nabilanggo dahil sa isang paghihimagsik na ginawa niya sa lungsod at dahil din sa pagpatay ng tao.

   
 20Hangad ni Pilato na palayain si Jesus. Nagsalita nga siyang muli sa kanila. 21Ngunit sila ay sumisigaw na sinasabi: Ipako sa krus, ipako siya sa krus.

   
 22Sa ikatlong pagkakataon, sinabi niya sa kanila: Anong kasamaan ang nagawa ng taong ito? Wala akong makita sa kaniya na dahilan upang hatulan siya ng kamatayan. Pagkatapos ko nga siyang ipahagupit, palalayain ko siya.

   
 23Ngunit nagpupumilit sila na sa malakas na tinig ay hinihingi nilang siya ay ipako sa krus. Ang tinig nila at ng mga pinunong-saserdote ay nanaig. 24Inihatol ni Pilato na ang kahilingan nila ang mangyari. 25Pinalaya niya siya na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay na siyang hiningi nila. Ngunit si Jesus ay ibinigay niya sa kanilang kagustuhan.

 

Ipinako nila sa Krus si Jesus

 

 26Sa pagdala nila kay Jesus, kinuha nila ang isang nagngangalang Simon na taga-Cerene na galing sa bukid. Ipinatong nila sa kaniya ang krus upang pasanin niya na nakasunod kay Jesus. 27Sumusunod kay Jesus ang napakaraming tao. At mga babae ay tumatangis din at nanaghoy sa kaniya. 28Lumingon si Jesus sa kanila. Sinabi niya: Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag kayong umiyak dahil sa akin. Iyakan ninyo ang inyong mga sarili at inyong mga anak. 29Ito ay sapagkat, narito, ang mga araw ay darating na kung saan sasabihin nila, pinagpala ang mga baog. Pinagpala ang mga bahay-bata na hindi nagbunga at mga suso na hindi nasusuhan! 30Sa panahong iyon,
      magsisimulang magsabi ang mga tao sa mga
      bundok: Bumagsak kayo sa amin! Sa mga burol
      ay sasabihin nila: Tabunan ninyo kami!

    31Ito ay sapagkat kung ginawa nila ito sa mga sariwang punong-kahoy, ano kaya ang mangyayari sa mga tuyo?

   
 32Dinala rin ang dalawang salarin na papataying kasama ni Jesus. 33Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, doon ay ipinako nila siya sa krus. At ang mga salarin ay ipinako nila sa krus, ang isa ay sa kanan at ang isa ay sa kaliwa. 34At sinabi ni Jesus: Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Nagpalabunutan sila sa paghati nila ng kaniyang kasuotan.

   
 35At ang mga tao ay nakatayo na nakamasid. At tinuya siya ng mga pinuno na kasama rin nila. Sinabi nila: Ang iba ay iniligtas niya. Hayaang iligtas niya ang kaniyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas na pinili ng Diyos.

   
 36Nilibak din siya ng mga kawal. Lumapit ang mga ito at inalok siya ng maasim na alak. 37Sinabi nila: Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.

   
 38Sa itaas niya ay mayroon ding sulat na nakaukit. Ito ay nakasulat sa titik na Griyego, at sa Latin at sa Hebreo: ITO ANG HARI NG MGA JUDIO.

   
 39Nilait siya ng isa sa mga salarin na nakapako sa krus at sinabi: Kung ikaw ang Mesiyas, iligtas mo ang iyong sarili at kami.

   
 40Sumagot ang isa at sinaway siya na sinabi: Hindi ka ba natatakot sa Diyos na ikaw ay nasa gayunding kaparusahan? 41Tunay na ang kaparusahan sa atin ay matuwid sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran ng ating ginawa. Ngunit ang lalaking ito ay walang nagawang anumang pagkakamali.

   
 42Sinabi niya kay Jesus: Panginoon, alalahanin mo ako kapag ikaw ay nasa paghahari mo na.

   
 43Sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanang sinasabi ko sa iyo, sa araw na ito, ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.

 

Si Jesus ay Namatay

 

 44Ang oras noon ay halos ika-anim na at dumilim sa buong lupa hanggang sa ika-siyam na oras. 45Ang araw ay nagdilim at ang tabing ng banal na dako ay napunit at nahati sa gitna. 46Si Jesus ay sumigaw ng malakas na tinig. Sinabi niya: Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu. Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, nalagutan siya ng hininga.

   
 47Nang makita ng kapitan ang nangyari, niluwalhati niya ang Diyos at kaniyang sinabi: Tunay na ang lalaking ito ay matuwid. 48Nakita ng lahat ng mga tao na nagtipon sa dakong iyon ang mga bagay na nangyari. Nang makita nila ito, sila ay umuwing binabayo ang kanilang mga dibdib. 49Ang lahat ng mga nakakakilala sa kaniya ay tumayo sa malayo. Nakikita ng mga babaeng sumunod sa kaniya mula sa Galilea ang mga bagay na ito.

 

Inilibing Nila si Jesus

 

 50Naroroon ang isang lalaking nagngangalang Jose, na isang kasapi ng Sanhedrin. Siya ay isang mabuting lalaki at matuwid. 51Hindi siya sumang-ayon sa payo at sa ginawa nila. Siya ay mula sa Arimatea na isang lungsod ng mga Judio. Siya rin ay naghihintay sa paghahari ng Diyos. 52Pumunta siya kay Pilato at hiningi niya ang katawan ni Jesus. 53Ibinaba niya ang katawan ni Jesus. Binalot niya ito ng telang lino at inilagay sa isang libingang iniuka sa bato na hindi pa napaglilibingan. 54Noon ay araw ng paghahanda at ang araw ng Sabat ay nalalapit na.

   
 55Sumunod kay Jose ang mga babaeng sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at kung papaano inilagay ang katawan ni Jesus. 56Umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mga pamahid. Nagpahinga sila sa araw ng Sabat ayon sa kautusan.

 

 

Lucas 24

 

Si Jesus ay Muling Nabuhay Mula sa mga Patay

 

 1Sa unang araw ng sanlinggo, maagang-maaga pa, sila ay pumunta sa libingan. Dala nila ang mga pabango at mga pamahid na inihanda nila at ng ang ilan pang mga babae. 2Ngunit nasumpungan nila ang bato na naigulong na mula sa libingan. 3Nang sila ay pumasok, hindi nila nakita ang katawan ni Jesus. 4At nangyari na naguluhan sila patungkol dito. At narito, dalawang lalaki na ang kasuotan ay nagniningning ang tumayo sa tabi nila. 5Sila ay napuno ng takot at iniyuko nila ang kanilang mga ulo sa lupa. Sinabi ng mga lalaki sa kanila: Bakit ninyo hinahanap sa mga patay ang buhay? 6Wala siya rito, ngunit siya ay bumangon na. Alalahanin ninyo kung papaano niya sinabi sa inyo nang siya ay nasa Galilea pa. 7Sinabi niya: Kinakailangang ang Anak ng Tao ay ibigay sa mga kamay ng mga makasalanang tao. Kinakailangang maipako siya sa krus at sa ikatlong araw siya ay babangon. 8At naala-ala nila ang kaniyang mga salita.

   
 9Umalis sila mula sa libingan. Isinalaysay nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isang alagad at sa iba pa. 10Ang nagsabi ng mga bagay na ito sa mga apostol ay sina Maria na taga-Magdala at Joana. Kasama rin si Maria na ina ni Santiago at iba pang kasama nila. 11Ang kanilang mga salita ay naging tila walang kabuluhan sa kanila at hindi nila sila pinaniwalaan. 12Ngunit si Pedro ay tumayo at tumakbo patungo sa libingan. Pagkayukod niya, nakita niya ang mga telang lino na nakalatag nang hiwalay. Umuwi siyang namamangha sa nangyari.

 

Sa Daan Patungong Emaus

 

 13Narito, dalawa sa kanila ay pumunta nang araw ding iyon sa isang nayon na tinatawag na Emaus. May mahigit sa labing-isang kilometro ang layo nito sa Jerusalem. 14Sila ay nag-uusap sa isa't isa patungkol sa lahat ng mga bagay na ito na nangyari. 15Habang sila ay nag-uusap at nagtatalo, nangyari na si Jesus ay lumapit at sumama sa kanila. 16Ang kanilang mga mata ay pinapanatiling hindi makakilala sa kaniya.

   
 17Sinabi niya sa kanila: Ano ang pinaguusapan ninyo habang kayo ay naglalakad at malungkot ang inyong mukha?

   
 18Ang isa na nagngangalang Cleopas ay sumagot. Sinabi niya: Ikaw lang ba ang tanging naninirahang pansamantala sa Jerusalem na hindi nakaalam ng nangyari sa mga araw na ito?

   
 19Sinabi niya sa kanila: Anong mga bagay?
   Sinabi nila sa kaniya: Ang mga bagay na patungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Siya ay isang propeta. Sa harap ng Diyos at lahat ng mga tao siya ay makapangyarihan sa gawa at salita. 20Siya ay ibinigay ng mga pinunong-saserdote at ng mga pinuno namin upang hatulang mamatay at ipako sa krus. 21Ngunit umaasa kami na siya ang tutubos sa Israel. Bukod sa mga bagay na ito, ngayon ang ikatlong araw mula nang mangyari ang mga bagay na ito. 22Higit pa rito, nagtaka kami sa sinabi sa amin ng ilan sa mga kasama naming babae. Pumunta sila nang maaga sa libingan. 23Sila ay pumunta sa amin nang hindi nila nakita ang katawan ni Jesus. Sinabi rin nila na sila ay nakakita ng isang pangitain ng mga anghel. Ang mga anghel ay nagsabi: Siya ay buhay. 24Ang ilan sa mga kasama namin ay pumunta sa libingan. Nakita nila ang tulad ng sinabi ng mga babae ngunit hindi nila nakita si Jesus.

   
 25Sinabi ni Jesus sa kanila: Kayo ay mga hindi nakakaunawa at hindi makapaniwala agad sa lahat ng mga sinabi ng mga propeta. 26Hindi ba kinakailangang dumanas ang Mesiyas ng mga bagay na ito at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian? 27Ipinaliwanag niya sa kanila sa lahat ng mga kasulatan ang mga bagay patungkol sa kaniyang sarili. Ipinaliwanag niya ito simula sa aklat ni Moises hanggang sa aklat ng lahat ng mga propeta.

   
 28Sila ay papalapit na sa kanilang pupuntahan at siya ay waring pupunta pa sa malayo. 29Siya ay pinilit nila at sinabi: Manatili ka na muna sa amin sapagkat gumagabi na at patapos na ang araw. At siya ay pumasok upang manatiling kasama nila.

   
 30At nangyari, na sa kaniyang pagdulog sa hapag-kainan na kasama nila, kinuha niya ang tinapay at pinagpala. Pagkaputol niya nito, ibinigay niya ito sa kanila. 31At nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya. At siya ay naglaho mula sa kanila. 32Sinabi nila sa isa't isa: Hindi ba nag-aalab ang ating mga puso habang kinakausap niya tayo sa daan? Hindi ba nag-aalab ito habang ipinaliliwanag niya sa atin ang mga kasulatan?

   
 33At nang oras ding iyon, bumangon sila at bumalik sa Jerusalem. Nasumpungan nilang sama-samang nagkakatipon ang labing-isang alagad at ang kanilang mga kasama. 34Sinabi nila: Tunay na ang Panginoon ay bumangon at nagpakita kay Simon. 35Isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan at kung papaano nila siya nakilala sa pagputul-putol ng tinapay.

 

Nagpakita si Jesus sa mga Alagad

 

 36Habang sinasabi nila ang mga bagay na ito, tumayo si Jesus sa gitna nila. Sinabi niya sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo.

   
 37Sa kanilang pagkasindak at pagkatakot, inakala nilang nakakita sila ng isang espiritu. 38Sinabi niya sa kanila: Bakit kayo naguguluhan? Bakit kayo nagkakaroon ng mga pag-aalinlangan sa inyong mga puso? 39Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ang mga ito ay nagpapatunay na ako ito. Hipuin ninyo ako at tingnan. Ang espiritu ay walang laman at buto tulad ng nakikita ninyo sa akin.

   
 40Pagkatapos niyang magsalita, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at mga paa. 41Ngunit hindi sila makapaniwala dahil sa galak at pagkamangha. Habang sila ay nasa ganitong kalagayan, sinabi niya sa kanila: Mayroon ba kayong anumang makakain dito? 42Binigyan nila siya ng bahagi ng inihaw na isda at pulot. 43Pagkakuha niya, kumain siya sa harapan nila.

   
 44Sinabi niya sa kanila: Ito ang mga salitang sinabi ko sa inyo nang ako ay kasama pa ninyo. Sinabi ko sa inyo na dapat maganap ang lahat ng mga bagay patungkol sa akin. Ito ay ang mga isinulat sa mga aklat ng kautusan ni Moises, at aklat ng mga propeta at ng mga Awit.

   
 45Pagkatapos, binuksan niya ang kanilang mga pang-unawa upang maunawaan nila ang mga kasulatan. 46Sinabi niya sa kanila: Sa ganitong paraan ito ay naisulat at sa ganito ring paraan kinakailangang ang Mesiyas ay maghirap at babangon mula sa mga patay sa ikatlong araw. 47Sa ganitong paraan ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat maihayag sa lahat ng mga bansa sa kaniyang pangalan, simula sa Jerusalem. 48Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49Narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama. Ngunit manatili kayo sa lungsod ng Jerusalem hanggang kayo ay mabihisan ng kapangyarihang mula sa itaas.

 

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

 

 50Dinala sila ni Jesus hanggang sa Betania. Doon ay itinaas niya ang kaniyang mga kamay at pinagpala sila. 51At nangyari, habang pinagpapala niya sila, na siya ay nahiwalay sa kanila at dinalang paitaas sa langit. 52Siya ay sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan. 53Sa templo, sila ay nagpatuloy na nagpupuri at nagpapala sa Diyos. Siya nawa!

 

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

 

Juan

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13 | 14 | 15 | 16 | 17 | 18 | 19 | 20 | 21

Juan 1

Nagkatawang Tao ang Salita

 1Sa pasimula pa ay naroroon na ang Salita. Ang Salita ay sumasa Diyos at ang Salita ay Diyos. 2Siya ay sumasa Diyos nang pasimula pa.

   
 3Ang lahat ng mga bagay ay nilikha sa pamamagitan niya. Kung wala siya ay walang anumang nilikhang bagay na nalikha. 4Ang buhay ay nasa kaniya at ang buhay ay ang ilaw ng mga tao. 5Ang ilaw ay nagliwanag sa kadiliman at hindi ito naunawaan ng kadiliman.

   
 6May isang lalaking isinugong mula sa Diyos. Ang kaniyang pangalan ay Juan. 7Siya ay naparitong isang saksi na magpatotoo patungkol sa ilaw upang ang lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya. 8Hindi siya ang ilaw ngunit siya ay sinugo upang magpatotoo patungkol sa ilaw. 9Ang tunay na ilaw ay iyong tumatanglaw sa bawat taong pumarito sa sanlibutan.

   
 10Siya ay nasa sanlibutan. Ang sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan niya at hindi siya nakilala ng sangkatauhan. 11Siya ay pumunta sa kaniyang sariling mga tao ngunit hindi siya tinanggap ng kaniyang sariling mga tao. 12Datapuwat ang lahat ng tumanggap sa kaniya ay binigyan niya ng kapamahalaan maging mga anak ng Diyos. Sila ay ang mga sumampalataya sa kaniyang pangalan. 13Ipinanganak sila hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao. Sila ay ipinanganak mula sa Diyos.

   
 14Nagkatawang-tao ang Salita at nanahang kasama natin. Namasdan namin ang kaniyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatian ng bugtong na Anak ng Ama. Ang Salitang ito ay puspos ng biyaya at katotohanan.

   
 15Si Juan ay nagpapatotoo patungkol sa kaniya. Siya ay sumigaw at nagsabi: Siya ang aking sinasabi na ang paparitong kasunod ko ay mas higit sa akin sapagkat siya ay una sa akin. 16Mula sa kaniyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat ng abut-abot na biyaya. 17Ito ay sapagkat ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Ang biyaya at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesucristo. 18Walang taong nakakita kailanman sa Diyos. Ang bugtong na Anak na nasa piling ng Ama ang naghayag sa kaniya.

 

Sinabi ni Juan Tagapagbawtismo na Hindi Siya ang Mesiyas

 

 19Ito ang patotoo ni Juan nang isugo sa kaniya ng mga Judio ang mga saserdote at mga Levita mula sa Jerusalem. Isinugo sa kaniya ang mga saserdote at mga Levita upang tanungin siya: Sino ka? 20Siya ay nagtapat at hindi nagkaila. Kaniyang ipinagtapat: Hindi ako ang Mesiyas.

   
 21Tinanong nila siya: Sino ka ba talaga? Ikaw ba si Elias?
   Sinabi niya: Hindi ako.
   Ikaw ba ang propeta?
   Siya ay sumagot: Hindi.

   
 22Sinabi nga nila sa kaniya: Sino ka ba? Sabihin mo sa amin, nang sa gayon ay maibigay namin ang sagot sa nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo patungkol sa iyong sarili?

   
 23Sinabi niya: Ako ang tinig na sumisigaw sa ilang. Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon tulad ng sinabi ni Isaias na propeta.

   
 24Ngayon, silang mga sinugo ay nagmula sa mga Fariseo. 25Tinanong nila siya at sinabi sa kaniya: Bakit ka nagbabawtismo yamang hindi ikaw ang Mesiyas, ni si Elias, ni ang propeta?

   
 26Sumagot si Juan sa kanila na nagsasabi: Ako ay nagbabawtismo ng tubig, ngunit sa inyong kalagitnaan ay may isang nakatayo na hindi ninyo kilala. 27Siya ang paparitong kasunod ko na higit kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kaniyang panyapak.

   
 28Ang mga bagay na ito ay nangyari sa Betabara, sa ibayo ng Jordan na pinagbabawtismuhan ni Juan.

 

Si Jesus ang Kordero ng Diyos

 

 29Kinabukasan nang makita ni Juan si Jesus na papalapit sa kaniya, sinabi niya: Narito, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sangkatauhan. 30Siya ang aking tinutukoy nang sabihin kong may paparitong kasunod ko, na isang lalaking higit kaysa sa akin sapagkat siya ay una sa akin. 31Hindi ko siya kilala ngunit upang maihayag siya sa Israel, ako nga ay naparitong nagbabawtismo sa tubig.

   
 32Nagpatotoo si Juan na nagsasabi: Nakita ko ang Espiritu na bumabang buhat sa langit tulad ng isang kalapati. Ito ay nanahan sa kaniya. 33Hindi ko siya kilala ngunit ang nagsugo sa akin upang magbawtismo sa pamamagitan ng tubig ay siya ring nagsabi sa akin: Kung kanino mo makikitang bababa at mananahan ang Espiritu, siya ang magbabawtismo ng Banal na Espiritu. 34Aking nakita at pinatotohanan na siya ang Anak ng Diyos.

 

Ang mga Unang Alagad ni Jesus

 

 35Kinabukasan, si Juan ay muling nakatayo roon kasama ang dalawa sa kaniyang mga alagad. 36Pagtingin niya kay Jesus na naglalakad, sinabi niya: Narito, ang Kordero ng Diyos.

   
 37Narinig ng dalawang alagad nang siya ay magsalita. Sumunod sila kay Jesus. 38Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod. Sinabi niya sa kanila: Ano ang inyong hinahanap?
   Sinabi nila sa kaniya: Rabbi, na kung liliwanagin ay Guro, saan ka nakatira?

   
 39Sinabi niya sa kanila: Halikayo at inyong tingnan.
   Sila ay pumaroon at nakita nila ang kaniyang tinitirahan. Nanatili silang kasama niya nang araw na iyon, noon ay mag-iikasampu na ang oras.

   
 40Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres. Siya ay kapatid ni Simon Pedro. 41Una niyang hinanap ang kaniyang sariling kapatid na si Simon at sinabi sa kaniya: Natagpuan namin ang Mesiyas. Ang kahulugan ng Mesiyas ay Cristo. 42Isinama ni Andres si Simon kay Jesus.
   Tiningnan siya ni Jesus at sinabi: Ikaw ay si Simon na anak ni Jonas, tatawagin kang Cefas. Kung isasalin ang Cefas ay bato.

 

Tinawag ni Jesus sina Felipe at Natanael

 

 43Kinabukasan ay ninais ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nasumpungan niya si Felipe at sinabi sa kaniya: Sumunod ka sa akin.

   
 44Si Felipe ay taga-Betsaida na lungsod nina Andres at Pedro. 45Nasumpungan ni Felipe si Natanael at sinabi sa kaniya: Nasumpungan namin siya, na patungkol sa kaniya ang isinulat ni Moises sa kautusan at isinulat din ng mga propeta. Siya ay si Jesus, ang anak ni Jose na taga-Nazaret.

   
 46At sinabi ni Natanael sa kaniya: May mabuti bang bagay na magmumula sa Nazaret?
   Sinabi sa kaniya ni Felipe: Halika at tingnan mo.

   
 47Nakita ni Jesus si Natanael na papalapit sa kaniya, sinabi niya ang patungkol kay Natanael: Narito, ang isang totoong taga-Israel, sa kaniya ay walang pandaraya.

   
 48Sinabi sa kaniya ni Natanael: Papaano mo ako nakilala?
   Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Bago ka pa tawagin ni Felipe ay nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.

   
 49Sumagot si Natanael at sinabi sa kaniya: Guro, ikaw ang Anak ng Diyos. Ikaw ang Hari ng Israel.

   
 50Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Sumasampalataya ka ba dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makikita mo ang mga bagay na mas dakila kaysa sa mga ito. 51At sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Mula ngayon ay makikita ninyong bukas ang langit. Makikita ninyo ang mga anghel ng Diyos ay pumapaitaas at bumababa sa Anak ng Tao.

 

 

Juan 2

 

Ginawa ni Jesus na ang Tubig ay Maging Alak

 

 1Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng kasalan sa Cana ng Galilea. Naroroon ang ina ni Jesus. 2Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. 3Nang magkulang ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya: Wala na silang alak.

   
 4Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ginang, ano ang kinalaman ng bagay na ito sa akin at sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.

   
 5Sinabi ng kaniyang ina sa mga tagapaglingkod. Gawin ninyo ang anumang sasabihin niya sa inyo. 6Mayroon doong anim na tapayang bato na nakalagay alinsunod sa pagdadalisay ng mga Judio. Ang bawat isa ay maaaring maglaman ng humigit-kumulang sa isang daang litrong tubig.

   
 7Sinabi ni Jesus sa mga tagapaglingkod: Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan. Kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi.

   
 8Sinabi niya sa kanila: Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.
   Kanilang dinala ito. 9Natikman ng namamahala ng handaan ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan ito nanggaling ngunit alam ng mga tagapaglingkod na sumalok ng tubig. Dahil dito, tinawag ng namamahala ng kapistahan ang lalaking ikinasal. 10Sinabi niya sa kaniya: Unang inihahain ng bawat tao ang mabuting alak. Ang mababang uri ay inihahain kapag marami na silang nainom. Ngunit itinabi mo ang mabuting alak hanggang ngayon.

   
 11Ang pasimulang ito ng mga tanda ay ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea at nahayag ang kaniyang kaluwalhatian. Ang kaniyang mga alagad ay sumampalataya sa kaniya.

 

Nilinis ni Jesus ang Templo

 

 12Pagkatapos nito ay bumaba siya patungong Capernaum. Kasama niya ang kaniyang ina, mga kapatid na lalaki at ang kaniyang mga alagad. Nanatili sila roon ng ilang araw.

   
 13Malapit na ang Araw ng Paglagpas ng mga Judio at umahon si Jesus patungong Jerusalem. 14Nakita niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, ng mga tupa at ng mga kalapati, at ang mga mamamalit-salapi na nakaupo. 15Pagkagawa niya ng panghagupit na lubid ay tinaboy niya silang lahat papalabas sa templo pati na ang mga tupa at ang mga toro. Ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit-salapi at itinumba ang kanilang mga mesa. 16Sa mga nagtitinda ng kalapati ay sinabi niya: Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito. Huwag ninyong gawing bahay-kalakal ang bahay ng aking Ama.

   
 17Naala-ala ng kaniyang mga alagad na nasusulat: Pinagharian ako ng kasigasigan sa iyong bahay.

   
 18Sumagot nga ang mga Judio at sinabi sa kaniya: Anong tanda ang maipapakita mo sa amin yamang ginawa mo ang mga bagay na ito?

   
 19Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Gibain ninyo ang banal na dakong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.

   
 20Sinabi nga ng mga Judio: Apatnapu't-anim na taon ang pagtatayo ng banal na dakong ito at itatayo mo sa loob ng tatlong araw? 21Ngunit ang banal na dako na kaniyang tinutukoy ay ang kaniyang katawan. 22Nang ibinangon nga siya mula sa mga patay ay naalala ng kaniyang mga alagad na sinabi niya ito sa kanila. Sumampalataya sila sa kasulatan at sa salita na sinabi ni Jesus.

   
 23Si Jesus ay nasa Jerusalem nang Araw ng Paglagpas. Sa panahon ng kapistahan, marami ang sumampalataya sa kaniyang pangalan nang kanilang makita ang mga tanda na ginawa niya. 24Gayunman hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kaniyang sarili sa kanila dahil nakikilala niya ang lahat. 25Hindi niya kailangang magpatotoo ang sinuman patungkol sa tao sapagkat nalalaman niya kung ano ang nasa kalooban ng tao.

 

 

Juan 3

 

Tinuruan ni Jesus si Nicodemo

 

 1May isang lalaki sa mga Fariseo na ang pangalan ay Nicodemo. Siya ay isang pinuno ng mga Judio. 2Pumunta siya kay Jesus nang gabi at sinasabi niya: Guro, alam namin na ikaw ay isang guro na mula sa Diyos. Ito ay sapagkat walang makakagawa ng mga tanda na iyong ginagawa malibang sumasakaniya ang Diyos.

   
 3Tumugon si Jesus at sinabi sa kaniya: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Malibang ipanganak na muli ang isang tao, hindi niya maaaring makita ang paghahari ng Diyos.

   
 4Itinanong ni Nicodemo sa kaniya: Papaano maipanganganak ang taong matanda na? Makakapasok ba siyang muli sa sinapupunan ng kaniyang ina at ipanganak?

   
 5Sumagot si Jesus: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Malibang ang isang tao ay ipanganak ng tubig at ng Espiritu hindi siya makakapasok sa paghahari ng Diyos. 6Ang ipinanganak sa laman ay laman at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. 7Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, kinakailangang ipanganak kang muli. 8Ang hangin ay umiihip kung saan nito ibig. Naririnig mo ang ugong nito ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Gayon ang bawat ipinanganak sa Espiritu.

   
 9Tumugon si Nicodemo at sinabi sa kaniya: Papaano mangyayari ang mga bagay na ito?

   
 10Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Ikaw ay guro sa Israel at hindi mo alam ang mga bagay na ito? 11Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Ang aming nalalaman ay sinasabi namin. Pinatotohanan namin ang mga nakita namin. Hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo. 12Hindi ninyo pinaniwalaan ang mga bagay na panlupa na sinabi ko sa inyo. Papaano ninyo paniniwalaan kung sasabihin ko sa inyo ang mga bagay patungkol sa langit? 13Walang pumaitaas sa langit maliban sa kaniya na bumabang mula sa langit Maliban sa Anak ng Tao na nasa langit. 14Kung papaanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang ay gayon kinakailangang itaas ang Anak ng Tao. 15Ito ay upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

   
 16Ito ay sapagkat sa ganitong paraan inibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17Ito ay sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang kaniyang anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan. Sinugo niya ang kaniyang anak upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya. 18Siya na sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan. Ang hindi sumasampalataya ay nahatulan na sapagkat siya ay hindi sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Diyos. 19Ito ang hatol: Ang ilaw ay dumating sa sanlibutan at inibig ng mga tao ang kadiliman kaysa sa ilaw sapagkat ang kanilang mga gawa ay masasama. 20Ito ay sapagkat ang bawat isang gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw. Hindi siya lumalapit sa ilaw upang hindi malantad ang kaniyang mga gawa. 21Siya na nagsasagawa ng katotohanan ay pumupunta sa ilaw upang maihayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa pamamagitan ng Diyos.

 

Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbawtismo Patungkol kay Jesus

 

 22Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa lupain ng Judea. Siya ay nanatili roong kasama nila at nagbawtismo. 23Si Juan ay nagbabawtismo rin sa Enon na malapit sa Salim sapagkat maraming tubig doon. Sila ay pumaroon at nabawtismuhan. 24Ito ay sapagkat hindi pa nakabilanggo noon si Juan. 25Nagkaroon ng isang katanungan ang mga alagad ni Juan at ang mga Judio patungkol sa pagdadalisay. 26Sila ay lumapit kay Juan at sinabi sa kaniya: Guro, tingnan mo ang kasama mo sa ibayo ng Jordan na iyong pinatotohanan ay nagbabawtismo. Lahat ay pumupunta sa kaniya.

   
 27Tumugon si Juan at nagsabi: Hindi makakatanggap ng anuman ang isang tao malibang ito ay ipagkaloob sa kaniya mula sa langit. 28Kayo ang makapagpapatotoo na aking sinabi: Hindi ako ang Mesiyas. Ako ay sinugong una sa kaniya. 29Siya na lalaking ikakasal ang siyang may babaeng ikakasal. Ang kaibigan ng lalaking ikakasal ay nakatayo at nakikinig sa kaniyang tinig. Siya ay lubos na nagagalak sapagkat naririnig niya ang tinig ng lalaking ikakasal. Sa ganito ring paraan ako ay lubos na nagagalak. 30Kinakailangang siya ay maging higit na dakila at ako ay maging higit na mababa.

   
 31Siya na nagmula sa itaas ay higit sa lahat. Siya na nagmula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita ng ukol sa lupa. Siya na nagmula sa langit ay higit sa lahat. 32Siya ay nagpapatotoo sa kaniyang nakita at narinig at walang sinumang tumatanggap ng kaniyang patotoo. 33Siya na tumanggap ng kaniyang patotoo ay nagpatunay na ang Diyos ay totoo. 34Ito ay sapagkat siya na isinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos. Ibinibigay ng Diyos ang Espiritu nang walang sukat. 35Iniibig ng Ama ang Anak at ibinigay niya ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay. 36Siya na sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ang hindi sumasampalataya sa Anak ay hindi makakakita ng buhay. Subalit ang galit ng Diyos ay nananatili sa kaniya.

 

 

Juan 4

 

Nakipag-usap si Jesus sa Babaeng Taga-Samaria

 

 1Nalaman ng Panginoon na narinig ng mga Fariseo ang ginagawa ni Jesus. Narinig nila na siya ay nagkaroon ng higit na maraming alagad kaysa kay Juan at binawtismuhan niya sila. 2Bagamat, hindi si Jesus ang siyang nagbabawtismo, kundi ang kaniyang mga alagad. 3Dahil dito, umalis siya sa Judea at pumunta muli sa Galilea.

   
 4Kinakailangang dumaan siya sa Samaria. 5Pumunta nga siya sa Sicar na isang lungsod ng Samaria. Ito ay malapit sa lupaing ibinigay ni Jacob sa kaniyang anak na si Jose. 6Naroroon ang bukal ni Jacob. Dahil napagod si Jesus sa paglalakbay kaya umupo siya sa tabi ng balon. Noon ay mag-iikaanim na ang oras ng araw.

   
 7Dumating ang isang babaeng taga-Samaria upang sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bigyan mo ako ng maiinom. 8Ang kaniyang mga alagad ay pumunta na sa lungsod upang bumili ng pagkain.

   
 9Sinabi sa kaniya ng babaeng taga-Samaria: Bakit ka humihingi sa akin ng maiinom? Ikaw ay isang Judio samantalang ako ay isang babaeng taga-Samaria sapagkat ang mga Judio ay hindi nakikipag-ugnayan sa mga taga-Samaria.

   
 10Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Kung alam mo ang kaloob ng Diyos at kung sino siya na nagsasabi sa iyo: Bigyan mo ako ng maiinom, ay hihingi ka sa kaniya. At ibibigay niya sa iyo ang tubig na buhay.

   
 11Sinabi ng babae sa kaniya: Ginoo, wala kang panalok at malalim ang balon. Saan magmumula ang iyong tubig na buhay? 12Mas dakila ka ba sa aming amang si Jacob? Siya ang nagbigay sa amin ng balon. Siya ay uminom dito, gayundin ang kaniyang mga anak at ang kaniyang mga hayop.

   
 13Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Ang bawat isang uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw. 14Ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kaniya ay magiging balon ng tubig na mapapasa kaniya. Ito ay bubukal sa buhay na walang hanggan.

   
 15Sinabi ng babae sa kaniya: Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang hindi na ako mauhaw ni pumunta rito upang sumalok.

   
 16Sinabi ni Jesus sa kaniya: Humayo ka, tawagin mo ang iyong asawa at pumarito kayo.

   
 17Sumagot ang babae at sinabi: Wala akong asawa.
   Sinabi ni Jesus sa kaniya: Mabuti ang sinabi mong wala kang asawa. 18Ito ay sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo ang iyong sinabi.

   
 19Sinabi ng babae sa kaniya: Ginoo, sa pakiwari ko ikaw ay isang propeta. 20Sa bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno. Sinasabi ninyo na ang pook na dapat sumamba ay sa Jerusalem.

   
 21Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ginang, maniwala ka sa akin. Darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na ito, ni sa Jerusalem. 22Hindi ninyo nakikilala ang sinasamba ninyo. Kilala namin ang aming sinasamba sapagkat ang kaligtasan ay sa mga Judio. 23Darating ang oras at ngayon na nga, na ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama, sa espiritu at sa katotohanan sapagkat hinahanap ng Ama ang mga gayong sumasamba sa kaniya. 24Ang Diyos ay Espiritu. Sila na sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at sa katotohanan.

   
 25Sinabi ng babae sa kaniya: Alam ko na ang Mesiyas na tinatawag na Cristo ay darating. Sa kaniyang pagdating ay sasabihin niya sa amin ang lahat ng mga bagay.

   
 26Sinabi sa kaniya ni Jesus: Ako iyon, ako na nagsasalita sa iyo.

 

Ang mga Alagad ay Muling Sumama kay Jesus

 

 27Nang sandaling iyon ay dumating ang kaniyang mga alagad. Sila ay namangha na siya ay nakikipag-usap sa isang babae. Gayunman walang isa mang nagtanong: Ano ang iyong hinahanap o bakit ka nakikipag-usap sa kaniya?

   
 28Iniwan nga ng babae ang kaniyang banga at pumunta sa lungsod. Sinabi niya sa mga lalaki: 29Halikayo, tingnan ninyo ang isang lalaki na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa. Hindi kaya ito na ang Mesiyas? 30Lumabas nga sila sa lungsod at pumunta kay Jesus.

   
 31Samantala, ipinakikiusap sa kaniya ng mga alagad na nagsasabi: Guro, kumain ka.

   
 32Sinabi niya sa kanila: Mayroon akong kakaining pagkain na hindi ninyo alam.

   
 33Sinabi ng mga alagad sa isa't isa: May nagdala ba sa kaniya ng makakain?

   
 34Sinabi ni Jesus sa kanila: Ang aking pagkain ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain. 35Hindi ba sinasabi ninyo: Apat na buwan pa bago dumating ang tag-ani? Narito, sinasabi ko sa inyo: Itaas ninyo ang inyong paningin at tingnan ang mga bukid. Ito ay hinog na para anihin. 36Ang nag-aani ay tumatanggap ng upa. Siya ay nag-iipon ng bunga patungo sa buhay na walang hanggan. Ito ay upang ang naghahasik at ang nag-aani ay kapwa magkasamang magalak. 37Sa gayong paraan, totoo ang kasabihan: Iba ang naghahasik at iba ang nag-aani. 38Sinugo ko kayo upang mag-ani ng hindi ninyo pinagpaguran. Ibang tao ang nagpagod at kayo ang nakinabang sa kanilang pinagpaguran.

 

Maraming Taga-Samaria ang Sumampalataya

 

 39Marami sa mga taga-Samaria sa lungsod na iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa salita ng babaeng nagpatotoo: Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa. 40Kaya nga, nang pumunta kay Jesus ang mga lalaking taga-Samaria ay hiniling nilang siya ay manatili na kasama nila. At siya ay nanatili roon ng dalawang araw. 41Marami pa ang mga nagsisampalataya dahil sa kaniyang salita.

   
 42Sinabi nila sa babae: Sumasampalataya kami ngayon hindi na dahil sa sinabi mo. Kami ang nakarinig at aming nalaman na ito na nga ang Mesiyas. Alam namin na totoong siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan.

 

Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Pinuno

 

 43Pagkaraan ng dalawang araw na iyon, umalis siya roon at pumunta sa Galilea. 44Ito ay sapagkat si Jesus ang siyang nagpatotoo: Ang isang propeta ay walang karangalan sa sarili niyang bayan. 45Kaya nang siya ay dumating sa Galilea, tinanggap siya ng mga taga-Galilea na pumunta rin sa kapistahan. Ito ay sapagkat nakita nila ang lahat ng mga bagay na ginawa niya sa Jerusalem sa panahon ng kapistahan.

   
 46Pumunta ngang muli si Jesus sa Cana na nasa Galilea. Ito ang pook na kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Naroroon ang isang opisyal ng hari na ang kaniyang anak na lalaki, na nasa Capernaum, ay maysakit. 47Narinig ng opisyal ng hari na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea. Pagkarinig niya, pumunta siya kay Jesus at hiniling na siya ay lumusong at pagalingin ang kaniyang anak na lalaki sapagkat ang kaniyang anak ay mamamatay na.

   
 48Sinabi nga sa kaniya ni Jesus: Malibang makakita kayo ng mga tanda at mga kamangha-manghang gawa, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.

   
 49Sinabi sa kaniya ng opisyal ng hari: Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang aking maliit na anak.

   
 50Sinabi sa kaniya ni Jesus: Yumaon ka, buhay ang anak mong lalaki.
   Sinampalatayanan ng lalaki ang salitang sinabi ni Jesus sa kaniya at siya ay umalis. 51Nang siya ay lumulusong na, sinalubong siya ng kaniyang mga alipin. Kanilang iniulat na buhay ang kaniyang anak. 52Tinanong niya sila kung anong oras bumuti ang kaniyang anak. Kanilang sinabi sa kaniya: Kahapon nang ikapitong oras ng araw nawala ang kaniyang lagnat.

   
 53Nalaman nga ng ama na sa ganoong oras sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang iyong anak na lalaki ay buhay. Siya ay sumampalataya pati na ang kaniyang buong sambahayan.

   
 54Ito ang ikalawang tanda na ginawa ni Jesus sa kaniyang pagdating sa Galilea mula sa Judea.

 

 

Juan 5

Pinagaling ni Jesus ang Lalaki sa may Dako ng Paliguan

 

 1Pagkatapos ng mga bagay na ito ay may kapistahan ang mga Judio. Si Jesus ay umahon sa Jerusalem. 2May malaking dakong paliguan sa Jerusalem na nasa tabi ng Tarangkahan ng mga Tupa. Ito ay tinatawag na Betesda sa wikang Hebreo. Ito ay mayroong limang portiko. 3Dito ay may napakaraming nakahiga na maysakit. May mga bulag, pilay at nanunuyot, na naghihintay ng paggalaw ng tubig. 4Ito ay sapagkat may mga panahon na lumulusong ang isang anghel sa dakong paliguan at hinahalo ang tubig. Ang unang makalusong pagkatapos haluin ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na mayroon siya. 5Naroroon ang isang lalaki na tatlumpu't walong taon nang maysakit. 6Siya ay nakita ni Jesus na nakahiga. At alam niya na matagal nang panahon na siya ay may sakit. Sinabi niya sa kaniya: Nais mo bang gumaling?

   
 7Sumagot sa kaniya ang maysakit: Ginoo, wala akong kasama na maglagay sa akin sa dakong paliguan pagkahalo sa tubig. Sa pagpunta ko roon ay may nauuna nang lumusong sa akin.

   
 8Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka. 9Kaagad na gumaling ang lalaki at binuhat niya ang kaniyang higaan at lumakad.
   Noon ay araw ng Sabat. 10Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya na pinagaling: Ngayon ay araw ng Sabat, labag sa kautusan na magbuhat ka ng higaan.

   
 11Sumagot siya sa kanila: Ang nagpagaling sa akin ay siya ring nagsabi sa akin: Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.

   
 12Tinanong nga nila siya: Sino ang lalaking nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?

   
 13Hindi nakilala ng pinagaling kung sino siya sapagkat si Jesus ay nakaalis na at maraming mga tao sa pook na iyon.

   
 14Pagkatapos nito, natagpuan siya ni Jesus sa templo. Sinabi sa kaniya: Narito, ikaw ay magaling na. Huwag ka nang magkasala upang hindi mangyari sa iyo ang malubhang bagay. 15Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kaniya.

 

Ang Buhay sa Pamamagitan ng Anak

 

 16Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus. Humanap sila ng pagkakataon upang patayin siya sapagkat ginawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabat. 17Sinabi sa kanila ni Jesus: Ang aking Ama ay gumagawa hanggang ngayon at ako ay gumagawa. 18Dahil dito ay lalo ngang naghanap ng pagkakataon ang mga Judio na patayin siya. Ito ay sapagkat hindi lamang niya nilabag ang araw ng Sabat kundi tinawag pa niyang sariling Ama ang Diyos, na ipinapantay ang kaniyang sarili sa Diyos.

   
 19Tumugon nga si Jesus at sinabi sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kaniyang sarili malibang makita niya ang ginagawa ng Ama sapagkat anumang mga bagay na ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak. 20Ito ay sapagkat mahal ng Ama ang Anak at ipinapakita niya sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa. At higit na dakilang mga gawa kaysa sa mga ito ang ipapakita niya sa kaniya upang kayo ay mamangha. 21Ito ay sapagkat kung papaanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binubuhay sila, gayundin binubuhay ng Anak ang nais niyang buhayin. 22Ito ay sapagkat ang Ama ay hindi humahatol sa sinuman ngunit ibinigay niya ang lahat ng paghatol sa Anak. 23Ito ay upang parangalan ng lahat ang Anak kung papaano nila pinarangalan ang Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya.

   
 24Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang dumirinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Siya ay hindi na hahatulan kundi lumipat na mula sa kamatayan patungo sa buhay. 25Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang oras ay darating at ito ay ngayon na. Sa oras na iyon ay maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos. Sila na nakarinig ay mabubuhay. 26Ito ay sapagkat kung papaanong ang Ama ay mayroong buhay sa kaniyang sarili ay gayundin pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili. 27Ang kapamahalaan ay ibinigay rin sa kaniya upang magsagawa ng paghatol sapagkat siya ay Anak ng Tao.

   
 28Huwag kayong mamangha sa bagay na ito sapagkat darating ang oras na ang lahat ng nasa mga libingan ay makakarinig ng kaniyang tinig. 29Sila na gumawa ng mabuti ay lalabas mula sa libingan patungo sa buhay. Ang mga gumawa ng masama ay lalabas mula sa mga libingan patungo sa kahatulan. 30Hindi ako makakagawa ng anuman na mula sa aking sarili. Ako ay humahatol ayon sa naririnig ko. Ang aking hatol ay matuwid sapagkat hindi ko hinahanap ang aking kalooban kundi ang kalooban ng Ama na nagsugo sa akin.

 

Mga Patotoo Patungkol kay Jesus

 

 31Kung ako ay magpapatotoo patungkol sa aking sarili, ang aking patotoo ay hindi totoo. 32Iba ang nagpapatotoo patungkol sa akin at alam ko na ang patotoong pinatotohanan niya patungkol sa akin ay totoo.

   
 33May sinugo kayong mga Judio kay Juan at siya ay nagpatotoo sa katotohanan. 34Hindi ako tumatanggap ng patotoo mula sa tao datapuwat sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo ay maligtas. 35Siya ang nagniningas at nagliliwanag na ilawan. Kayo ay pumayag na magalak ng maikling panahon sa kaniyang liwanag.

   
 36Ako ay may patotoong mas higit kaysa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawain na ipinagkaloob sa akin ng Ama upang tapusin ay nagpapatotoo patungkol sa akin. Ang mga gawaing ginagawa ko ay nagpapatotoong ang Ama ang nagsugo sa akin. 37Ang Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo patungkol sa akin. Kailanman ay hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig o nakita man ang kaniyang anyo. 38Walang nanatiling salita niya sa inyo dahil hindi kayo sumampalataya sa sinugo niya. 39Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat sa palagay ninyo na sa mga ito ay may buhay na walang hanggan. Ang mga kasulatang ito ang nagpapatotoo patungkol sa akin. 40Ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo ay magkaroon ng buhay.

   
 41Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatian mula sa mga tao. 42Subalit kilala ko kayo, na sa inyong sarili ay wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43Pumarito ako sa pangalan ng aking Ama at hindi ninyo ako tinanggap. Kapag may ibang pumarito sa kaniyang sariling pangalan ay siya ninyong tatanggapin. 44Papaano kayo makakasampalataya, kayo na tumatanggap ng kaluwalhatian sa isa't isa? At hindi ninyo hinahanap ang parangal na nagmumula sa iisang Diyos.

   
 45Huwag ninyong isiping pararatangan ko kayo sa Ama. Si Moises na inyong inasahan ang siyang magpaparatang sa inyo. 46Yamang sumampalataya kayo kay Moises ay sasampalataya rin kayo sa akin. Ito ay sapagkat siya ay sumulat patungkol sa akin. 47Yamang hindi ninyo sinasampalatayanan ang kaniyang mga sinulat papaano ninyo sasampalatayanan ang aking mga salita?

 

 

 

Juan 6

 

Ang Pagpapakain ni Jesus sa Limang Libong Lalaki

 

 1Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumawid si Jesus sa lawa ng Galilea. Ito ay ang lawa ng Tiberias. 2Maraming mga tao ang sumunod sa kaniya dahil nakita nila ang mga tanda na kaniyang ginawa sa mga maysakit. 3Si Jesus ay umakyat sa bundok at umupo roon na kasama ng kaniyang mga alagad. 4Malapit na ang araw ng Paglagpas, ang kapistahan ng mga Judio.

   
 5Nang tumingin si Jesus sa paligid, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kaniya. Sinabi niya kay Felipe: Saan tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga ito? 6Sinabi niya ito upang subukin si Felipe sapagkat alam na niya kung ano ang kaniyang gagawin.

   
 7Sumagot si Felipe sa kaniya: Ang dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng kaunti ang bawat isa sa kanila.

   
 8Isa sa kaniyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro ay nagsabi sa kaniya: 9Mayroong isang batang lalaki rito na may limang tinapay na sebada at dalawang maliit na isda. Gasino na ito sa ganitong karaming tao?

   
 10Sinabi ni Jesus: Paupuin ninyo ang mga tao. Madamo sa dakong iyon kaya umupo ang mga lalaki na ang dami ay humigit-kumulang sa limang libo. 11Kinuha ni Jesus ang mga tinapay. Nang makapagpasalamat siya, ipinamahagi niya ito sa mga alagad at ipinamahagi naman ng mga nila sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa sa mga isda, ito ay ipinamahagi gaano man ang kanilang ibigin.

   
 12Nang sila ay mabusog, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Ipunin ninyo ang mga lumabis na bahagi upang walang masayang. 13Inipon nga nila ang mga lumabis. Nakapuno sila ng labindalawang bakol ng bahaging mula sa limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.

   
 14Nakita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus. Dahil dito kanilang sinabi: Totoong ito na nga ang propeta na darating sa sanlibutan. 15Nalaman ni Jesus na sila ay papalapit at siya ay susunggaban upang gawing hari. Dahil dito siya ay umalis at pumuntang muli na nag-iisa sa bundok.

 

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig

 

 16Nang magtakipsilim na, lumusong ang kaniyang mga alagad sa lawa. 17Sumakay sila sa bangka. Sila ay papatawid ng lawa patungong Capernaum. Dumilim na at hindi pa nila kasama si Jesus. 18Sa pag-ihip ng malakas na hangin, ang lawa ay naging maalon. 19Nang sila ay nakagaod na ng may lima o anim na kilometro nakita nila si Jesus. Siya ay lumalakad sa ibabaw ng lawa papalapit sa bangka at sila ay natakot. 20Ngunit sinabi niya sa kanila: Ako ito, huwag kayong matakot. 21Malugod nga nilang pinasakay si Jesus sa bangka. Kapagdaka, ang bangka ay nasa lupa na ng kanilang pupuntahan.

   
 22Kinabukasan, nakita ng mga taong nanatili sa kabilang ibayo ng lawa na walang ibang bangka roon. Ang naroroon lang ay ang sinakyan ng mga alagad ni Jesus. Alam nilang hindi sumama si Jesus sa kaniyang mga alagad sa bangka at sila lang ang umalis. 23May ibang mga bangkang dumating na mula sa Tiberias. Ito ay malapit sa pook na kung saan sila ay kumain ng tinapay pagkatapos pasalamatan ng Panginoon. 24Nakita nga ng mga tao na wala si Jesus maging ang mga alagad niya. Pagkatapos sumakay rin sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum at hinahanap nila si Jesus.

 

Si Jesus ang Tinapay ng Buhay

 

 25Natagpuan nila siya sa kabilang dako ng lawa. Pagkakita nila, tinanong nila siya: Guro, kailan ka pumunta rito?

   
 26Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hinanap ninyo ako hindi sa dahilang nakita ninyo ang mga tanda. Ang dahilan ay nakakain kayo ng mga tinapay na sebada at nasiyahan. 27Huwag kayong gumawa para sa pagkaing nasisira kundi gumawa kayo para sa pagkaing mananatili sa walang hanggang buhay. Ito ay ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.

   
 28Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ang gagawin namin upang aming magawa ang mga gawaing mula sa Diyos?

   
 29Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Ito ang gawain mula sa Diyos, na kayo ay sumampalataya sa kaniya na isinugo ng Ama.

   
 30Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ngayon ang tandang gagawin mo upang makita namin at sumampalataya kami sa iyo? Ano ang gagawin mo? 31Ang mga ninuno namin ay kumain ng mana sa ilang. Katulad ng nasusulat: Binigyan niya sila ng tinapay na kakainin na nagmula sa langit.

   
 32Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi kayo binigyan ni Moises ng tinapay mula sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33Ito ay sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumabang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.

   
 34Kanila ngang sinabi sa kaniya: Panginoon, bigyan mo kami ng tinapay na ito.

   
 35Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako ang tinapay ng buhay. Siya na lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman. Siya na sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. 36Sinabi ko sa inyo, na nakita rin ninyo ako at hindi kayo sumampalataya. 37Ang lahat ng ibinigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin. Siya na lalapit sa akin ay hindi ko itataboy kailanman. 38Ito ay sapagkat ako ay bumaba mula sa langit hindi upang gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. 39Ito ang kalooban ng Ama na nagsugo sa akin: Wala akong iwawaglit sa lahat nang ibinigay niya sa akin ngunit ibabangon siya sa huling araw. 40Ito ang kalooban niya na nagsugo sa akin: Ang bawat isa na nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kaniya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw.

   
 41Ang mga Judio nga ay nagbulung-bulungan patungkol sa kaniya dahil sinabi niya: Ako ang tinapay na bumabang mula sa langit. 42Sinabi nila: Hindi ba ito ay si Jesus na anak ni Jose at kilala natin ang kaniyang ama at ina? Papaano nga niya masasabing: Ako ay bumabang mula sa langit?

   
 43Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila: Huwag kayong magbulong-bulungan. 44Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin at ibabangon ko siya sa huling araw. 45Nasusulat sa aklat ng mga propeta: At silang lahat ay tuturuan ng Diyos. Ang bawat isa nga na nakarinig sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin. 46Ito ay hindi dahil sa nakita ng sinuman ang Ama. Ang tanging nakakita sa Ama ay siya na mula sa Diyos. 47Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Siya na sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. 48Ako ang tinapay ng buhay. 49Ang inyong mga magulang na kumain ng tinapay sa ilang ay nangamatay na. 50Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Maaaring kumain nito ang sinuman at hindi mamamatay. 51Ako ang tinapay na buhay na bumaba mula sa langit. Ang sinumang makakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman. Ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman. Ito ang aking ibibigay para sa buhay ng sanlibutan.

   
 52Nagtalo-talo nga ang mga Judio. Kanilang sinabi: Papaano niya maibibigay sa atin ang kaniyang laman upang kainin?

   
 53Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Malibang kayo ay makakain ng laman ng Anak ng tao at makainom ng kaniyang dugo ay wala kayong buhay. 54Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw. 55Ito ay sapagkat ang aking laman ay totoong pagkain at ang aking dugo ay totoong inumin. 56Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin. Ako naman ay sumasa kaniya. 57Ang Amang buhay ang nagsugo sa akin at ako ay nabubuhay dahil sa Ama. Gayundin ang kumakain sa akin. Siya ay mabubuhay dahil sa akin. 58Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Hindi ito tulad nang ang inyong mga ninuno ay kumain ng mana at ngayon ay mga patay na. Siya na kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman. 59Sinabi niya ang mga bagay na ito nang siya ay nagtuturo sa sinagoga sa Capernaum.

 

Marami sa mga Alagad ang Tumalikod kay Jesus

 

 60Marami nga sa kaniyang mga alagad na nang marinig ito ay nagsabi: Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang makakaunawa nito?

   
 61Nalalaman ni Jesus sa sarili niya na nagbubulong-bulungan ang kaniyang mga alagad patungkol dito. Sinabi niya sa kanila: Nakakatisod ba ang sinabi ko sa inyo? 62Gaano pa kaya kung makita ninyo ang Anak ng Tao na pumapaitaas sa dati niyang kinaroroonan? 63Ang Espiritu ang siyang nagbibigay buhay. Walang napapakinabangan ang laman. Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. 64Subalit mayroong ilan sa inyo na hindi sumasampalataya. Alam ni Jesus nang simula pa kung sino sila na hindi sasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa kaniya. 65Sinabi niya: Kaya nga, sinabi ko sa inyo: Walang sinumang makakalapit sa akin malibang ibigay ito sa kaniya ng aking Ama.

   
 66Mula noon marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik at hindi na sumama sa kaniya.

   
 67Kaya nga, sinabi ni Jesus sa labindalawa: Nais din ba ninyong umalis?

   
 68Sumagot sa kaniya si Simon Pedro: Panginoon, kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salita ng walang hanggang buhay. 69Kami ay sumampalataya at nalaman namin na ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng buhay na Diyos.

   
 70Sumagot sa kanila si Jesus: Hindi ba labindalawa kayong pinili ko at isa sa inyo ay diyablo? 71Ang tinutukoy niya ay si Judas na taga-Keriot na anak ni Simon sapagkat siya ang magkakanulo sa kaniya. Siya ay isa sa labindalawa.

 

 

Juan 7

 

Dumalo si Jesus sa Kapistahan sa Araw ng mga Kubol

 

 1Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus ay naglibot sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil ang mga Judio ay naghahanap ng pagkakataon upang siya ay patayin. 2Ang Kapistahan ng mga Kubol ng mga Judio ay malapit na. 3Kaya nga, sinabi sa kaniya ng mga kapatid niyang lalaki: Umalis ka rito. Pumunta ka sa Judea nang makita rin ng iyong mga alagad ang mga gawang ginagawa mo. 4Ito ay sapagkat ang isang tao na nagnanais na makilala ng madla ay hindi gumagawa ng anuman ng palihim. Kung dahil ginagawa mo ang mga bagay na ito, ipakita mo ang iyong sarili sa sanlibutan. 5Ito ay sapagkat maging ang mga kapatid niyang lalaki ay hindi sumasampalataya sa kaniya.

   
 6Kaya nga, sinabi ni Jesus sa kanila: Ang aking oras ay hindi pa dumarating ngunit ang inyong oras ay laging handa. 7Hindi magagawa ng sangkatuhan na kapootan kayo ngunit ito ay napopoot sa akin dahil nagpatotoo ako patungkol dito. Nagpatotoo ako na ang mga gawa nito ay masama. 8Sa kapistahang ito, umahon kayo. Hindi pa ako aahon sa kapistahang ito dahil ang aking oras ay hindi pa nagaganap. 9Pagkasabi niya sa kanila ng mga bagay na ito, nanatili siya sa Galilea.

   
 10Pagkaahon ng mga kapatid niyang lalaki ay umahon din siya sa kapistahan. Umahon siya ng hindi hayag kundi palihim. 11Hinanap nga siya ng mga Judio at nagtanong: Nasaan siya?

   
 12Nagkaroon ng maraming bulung-bulungan sa mga tao patungkol sa kaniya. Sabi ng iba, siya ay mabuti.
   Sabi ng iba: Hindi. Kaniyang inililigaw ang mga tao. 13Magkagayon man, walang nagsalita ng hayag patungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio.

 

Nagturo si Jesus sa Kapistahan

 

 14Nang nasa kalagitnaan na ang kapistahan ay umahon si Jesus sa templo at nagturo. 15Namangha ang mga Judio na nagsasabi: Papaanong nakakabasa ang taong ito gayong hindi naman siya nag-aral?

   
 16Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi: Ang aking turo ay hindi sa akin kundi sa kaniya na nagsugo sa akin. 17Kung ang sinuman ay nagnanais na gumawa ng kalooban ng Diyos ay malalaman niya ang patungkol sa turo. Malalaman niya kung ito ay mula sa Diyos o ako ay nagsasalita mula sa aking sarili. 18Siya na nagsasalita mula sa kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian. Siya na naghahanap ng kaluwalhatian ng nag-utos sa kaniya ay totoo. Sa kaniya ay walang kalikuan. 19Hindi ba binigyan kayo ni Moises ng kautusan? Gayunman, walang nagsasagawa isa man sa inyo ng kautusan? Bakit hinahanap ninyo ako upang patayin?

   
 20Sumagot ang mga tao at sinabi: Ikaw ay mayroong demonyo. Sino ang naghahanap upang pumatay sa iyo?

   
 21Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Isang gawa ang aking ginawa at kayong lahat ay namangha. 22Kaya nga, binigyan kayo ni Moises ng pagtutuli, bagama't hindi ito mula kay Moises kundi sa mga ninuno. At sa Araw ng Sabat ay tinutuli ninyo ang isang lalaki. 23Sa araw ng Sabat ay nagtutuli kayo ng isang lalaki upang huwag lumabag sa kautusan ni Moises. Ano at nagagalit kayo sa akin dahil pinagaling ko ang isang lalaki sa araw ng Sabat? 24Huwag kayong humatol ayon sa nakikita. Humatol kayo ng matuwid na paghatol.

 

Si Jesus ba ang Mesiyas?

 

 25Sinabi nga ng ilan sa mga taga-Jerusalem: Hindi ba siya ang kanilang hinahanap upang patayin? 26Narito, siya ay hayagang nagsasalita at wala silang sinasabi sa kaniya. Totoo kayang kinikilala ng mga namumuno na ito nga ang Mesiyas? 27Alam natin kung saan nagmula ang taong ito. Ngunit kapag dumating ang Mesiyas ay walang nakakaalam kung saan siya nagmula.

   
 28Sa malakas na tinig nga ay nagtuturo si Jesus sa templo. Kaniyang sinabi: Kilala ninyo ako at alam ninyo ang aking pinagmulan. Hindi ako narito nang sa sarili ko lamang. Subalit siya na nagsugo sa akin ay totoo. Hindi ninyo siya kilala. 29Kilala ko siya dahil ako ay mula sa kaniya at ako ay sinugo niya.

   
 30Humahanap nga sila ng pagkakataon upang hulihin siya ngunit walang humuli sa kaniya dahil hindi pa dumarating ang kaniyang oras. 31Marami sa mga tao ang sumampalataya sa kaniya. Kanilang sinabi: Kapag dumating ang Mesiyas, gagawa ba siya ng mas maraming tanda? Mas marami pa kaya kaysa sa ginawa ng lalaking ito?

   
 32Nang nag-usap-usap ang mga tao patungkol sa kaniya, narinig ito ng mga Fariseo. Ang mga Fariseo at ang mga pinunong-saserdote ay nagsugo ng mga tanod ng templo upang hulihin siya.

   
 33Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: Makakasama pa ninyo ako ng maikling panahon. Pagkatapos, ako ay pupunta sa nagsugo sa akin. 34Hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan. Hindi kayo makakapunta sa kinaroroonan ko.

   
 35Ang mga Judio nga ay nag-usap-usap: Saan ba siya papunta na hindi natin siya matatagpuan? Siya ba ay pupunta sa mga Judio na kumalat sa mga Griyego at tuturuan ang mga Griyego? 36Ano ang salitang ito na sinabi niyang, hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan. Hindi kayo makakapunta sa paroroonan ko.

   
 37Sa huli at dakilang araw ng kapistahan tumayo si Jesus. Sa malakas na tinig siya ay nagsabi: Kung ang sinuman ay nauuhaw, hayaan siyang lumapit sa akin at uminom. 38Mangyayari sa sumasampalataya sa akin ang gaya ng sinabi ng kasulatan: Magkakaroon siya ng ilog ng tubig na buhay. Ito ay aagos mula sa loob niya. 39Sinabi niya ito patungkol sa Espiritu na tatanggapin na ng mga sumasampalataya sa kaniya sapagkat hindi pa naibibigay ang Banal na Espiritu dahil hindi pa naluluwalhati si Jesus.

   
 40Marami nga sa mga tao, nang marinig ang pananalitang ito ay nagsabi: Totoong ito na nga ang propeta.

   
 41Ang iba ay nagsabi: Ito ang Mesiyas.
   Ang iba naman ay nagsabi: Kung gayon, manggagaling ba ang Mesiyas sa Galilea? 42Hindi ba sinabi ng kasulatan: Ang Mesiyas ay magmumula sa lahi ni David? Hindi ba siya ay magmumula sa Bethlehem, ang bayang kinaroonan ni David? 43Nagkaroon nga ng pagkabaha-bahagi ang mga tao dahil kay Jesus. 44Ang iba ay nagnais na hulihin siya ngunit walang humuli sa kaniya.

 

Hindi Sumampalataya ang mga Tagapanguna ng mga Judio

 

 45Ang mga tanod ay pumunta sa mga pinunong-saserdote at mga Fariseo. Sinabi nila sa kanila: Bakit hindi ninyo siya dinala?

   
 46Sumagot ang mga tanod: Walang taong nakapagsalita tulad ng taong ito.

   
 47Sumagot nga sa kanila ang mga Fariseo: Nailigaw rin ba kayo? 48Mayroon ba sa mga pinuno o sa mga Fariseo na sumampalataya sa kaniya? 49Ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng kautusan ay mga isinumpa.

   
 50Si Nicodemo, na pumunta kay Jesus nang gabi, ay kasama nila. Sinabi niya sa kanila: 51Hindi ba ang ating kautusan ay hindi humahatol sa isang tao kung hindi muna siya naririnig nito o hindi muna inaalam ang kaniyang ginagawa?

   
 52Sumagot sila at sinabi sa kaniya: Ikaw ba ay taga-Galilea rin? Saliksikin mo at tingnan sapagkat walang propetang nagbuhat sa Galilea.

   
 53Ang bawat isa ay umuwi sa kani-kaniyang tahanan.

 

 

 

Juan 8

 

Ang Babaeng Nagkakasala ng Pangangalunya

 

 1Si Jesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. 2Sa pagbubukang-liwayway, siya ay muling pumunta sa templo. Ang lahat ng mga tao ay lumapit sa kaniya. Siya ay umupo at tinuruan sila. 3Dinala sa kaniya ng mga guro ng kautusan at ng mga Fariseo ang isang babae na nahuling nangangalunya. Inilagay nila siya sa kalagitnaan. 4Sinabi nila sa kaniya: Guro, ang babaeng ito ay nahuli sa paggawa ng pangangalunya. 5Iniutos sa amin ni Moises sa kautusan na batuhin ang katulad nito. Ano ang masasabi mo? 6Ito ay kanilang sinabi upang subukin siya nang mayroon silang maiparatang laban sa kaniya.
   Yumukod si Jesus, sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang daliri. 7Sa patuloy nilang pagtatanong sa kaniya ay tumindig siya. Sinabi niya sa kanila: Ang sinumang walang kasalanan sa inyo ang siyang maunang bumato sa kaniya. 8Siya ay muling yumukod at sumulat sa lupa.

   
 9Sila na nakarinig nito ay sinumbatan ng kanilang mga budhi. Dahil dito, sila ay isa-isang lumabas, simula sa matatanda hanggang sa kahuli-hulihan. Naiwan si Jesus gayundin ang babae na nakatayo sa kalagitnaan. 10Nang tumindig si Jesus ay wala siyang nakita maliban sa babae. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ginang, nasaan ang mga nagsasakdal sa iyo? Wala bang humatol sa iyo?

   
 11Sinabi niya: Wala, Ginoo.
   Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kahit ako man ay hindi hahatol sa iyo. Humayo ka at huwag nang magkasalang muli.

 

Tunay ang Patotoo ni Jesus

 

 12Nang magkagayon, nagsalitang muli si Jesus sa kanila. Sinabi niya: Ako ang ilaw ng sanlibutan. Siya na sumusunod sa akin ay hindi lalakad kailanman sa kadiliman. Siya ay magkakaroon ng ilaw ng buhay.

   
 13Sinabi nga ng mga Fariseo sa kaniya: Nagpapatotoo ka sa iyong sarili. Ang iyong patotoo ay hindi totoo.

   
 14Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Bagamat ako ang nagpapatotoo sa aking sarili, ang patotoo ko naman ay totoo sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15Humahatol kayo ayon sa pamantayan ng tao. Wala akong hinahatulang sinuman. 16Ngayong humahatol ako, ang aking hatol ay totoo dahil ako ay hindi nag-iisa. Kasama ko ang aking Ama na nagsugo sa akin. 17Nasusulat din sa inyong kautusan, na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18Ako ang nagpapatotoo sa aking sarili at ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo patungkol sa akin.

   
 19Sinabi nga nila sa kaniya: Nasaan ang iyong Ama?
   Sumagot si Jesus: Hindi ninyo ako nakikilala, ni ang aking Ama. Kung nakilala ninyo ako ay nakikilala rin ninyo ang aking Ama. 20Ang mga salitang ito ay sinabi ni Jesus nang siya ay nagtuturo sa templo. Sila ay nasa silid na pinaglalagyan ng mga kaloob. Walang taong dumakip sa kaniya sapagkat hindi pa dumarating ang kaniyang oras.

   
 21Muling sinabi ni Jesus sa kanila: Ako ay aalis at hahanapin ninyo ako. Kayo ay mamamatay sa inyong mga kasalanan. Hindi kayo makakapunta sa aking pupuntahan.

   
 22Sinabi nga ng mga Judio: Magpapakamatay ba siya kaya niya sinabi: Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta?

   
 23Sinabi niya sa kanila: Kayo ay mga taga-ibaba, ako ay taga-itaas. Kayo ay mga taga-sanlibutan, ako ay hindi taga-sanlibutan. 24Sinasabi ko nga sa inyo na kayo ay mamamatay sa inyong mga kasalanan. Ito ay sapagkat kung hindi kayo sumampalataya na ako nga iyon, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.

   
 25Sinabi nga nila sa kaniya: Sino ka ba?
   Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako yaong sinabi ko sa inyo nang pasimula pa. 26Marami akong mga bagay na sasabihin at ihahatol sa inyo. Siya na nagsugo sa akin ay totoo. Kung ano ang narinig ko mula sa kaniya ay sinasabi ko sa sanlibutan.

   
 27Hindi nila naunawaan na ang sinabi niya sa kanila ay patungkol sa Ama. 28Kaya nga, sinabi ni Jesus sa kanila: Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng tao ay saka ninyo makikilala na ako nga siya. Malalaman ninyo na wala akong ginagawa nang sa sarili ko. Subalit kung papaano ako tinuturuan ng Ama ay gayunding sinasabi ko ang mga bagay na ito. 29Siya na nagsugo sa akin ay kasama ko. Hindi ako iniwang mag-isa ng Ama sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kaniya. 30Habang sinabi niya ang mga bagay na ito, marami ang sumampalataya sa kaniya.

 

Ang mga Anak ni Abraham

 

 31Sinabi nga ni Jesus sa mga Judio na sumampalataya sa kaniya: Kapag mananatili kayo sa aking salita, totoong kayo ay aking mga alagad. 32Malalaman ninyo ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.

   
 33Sila ay sumagot sa kaniya: Kami ay lahi ni Abraham at kailanman ay hindi naging alipin ninuman. Papaano mo nasabi na kami ay magiging malaya?

   
 34Sumagot si Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35Ang alipin ay hindi nananatili sa bahay magpakailanman. Ang anak ay nananatili magpakailanman. 36Kung palalayain nga kayo ng anak, tunay na kayo ay magiging malaya. 37Nalalaman ko na kayo ay lahi ni Abraham ngunit naghahanap kayo ng pagkakataon na ako ay patayin. Ito ay sapagkat ang aking salita ay walang puwang sa inyo. 38Sinasabi ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama. Ginagawa naman ninyo ang mga bagay na nakita ninyo sa inyong ama.

   
 39Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Si Abraham ang aming ama.
   Sinabi ni Jesus sa kanila: Yamang kayo ay mga anak ni Abraham, gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham. 40Ngunit ngayon ay naghahanap kayo ng pagkakataon upang ako ay patayin. Ako ang taong nagsabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Ito ay hindi ginawa ni Abraham. 41Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.
   Sinabi nga nila sa kaniya: Kami ay hindi ipinanganak sa pakikiapid. Kami ay mayroong isang ama, ang Diyos.

 

Ang mga Anak ng Diyablo

 

 42Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Kung ang Diyos ang inyong Ama, ibigin sana ninyo ako sapagkat ako ay nagmula at dumating mula sa Diyos. Hindi ako narito sa aking sarili kundi sinugo niya ako. 43Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking pananalita? Ang dahilan ay hindi ninyo magawang dinggin ang aking salita. 44Kayo ay sa inyong ama, ang diyablo. Ang mga masasamang hangarin ng inyong ama ang nais ninyong gawin. Siya ay mamamatay-tao buhat pa nang pasimula. Siya ay hindi nananatili sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kaniya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita sa ganang kaniya. Siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan. 45Dahil nagsasabi ako sa inyo ng katotohanan, hindi kayo sumasampalataya sa akin. 46Sino sa inyo ang susumbat sa akin patungkol sa kasalanan? Kung ako ay nagsasabi ng katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin? 47Siya na nasa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Kaya nga, hindi kayo nakikinig ay sapagkat hindi kayo sa Diyos.

 

Si Jesus ay Nagpahayag Patungkol sa Kaniyang Sarili

 

 48Sumagot nga ang mga Judio at sinabi sa kaniya: Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay taga-Samaria at mayroong demonyo?

   
 49Sumagot si Jesus: Wala akong demonyo. Niluluwalhati ko ang aking Ama at sinisira naman ninyo ang aking kaluwalhatian. 50Hindi ko hinahanap ang aking kaluwalhatian. May isang naghahanap nito at humahatol. 51Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang tutupad sa aking salita ay hindi makakaranas ng kamatayan magpakailanman.

   
 52Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Ngayon ay alam na namin na mayroon kang demonyo. Si Abraham at ang mga propeta ay namatay. Sinasabi mo na kung ang sinuman ay tutupad ng iyong salita ay hindi makakaranas ng kamatayan magpakailanman. 53Mas dakila ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya ay namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?

   
 54Sumagot si Jesus: Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang aking kaluwalhatian ay walang kabuluhan. Ang aking Ama ang siyang lumuluwalhati sa akin. Siya ang sinasabi ninyong inyong Diyos. 55Hindi ninyo siya kilala ngunit kilala ko siya. Kapag sinabi kong hindi ko siya kilala ay magiging sinungaling akong tulad ninyo. Kilala ko siya at tinutupad ko ang kaniyang salita. 56Ang inyong amang si Abraham ay nagalak na makita niya ang aking araw. Nakita niya ito at siya ay natuwa.

   
 57Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Wala ka pang limampung taong gulang at nakita mo na si Abraham?

   
 58Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Bago pa si Abraham ay ako na. 59Dumampot nga sila ng mga bato upang siya ay batuhin ngunit si Jesus ay nagtago. Sa paglabas niya sa templo ay dumaan siya sa kalagitnaan nila sa ganoong paraan.

 

 

Juan 9

 

Pinagaling ni Jesus ang Taong Ipinanganak na Bulag

 

 1Sa paglalakad ni Jesus ay nakita niya ang isang lalaking ipinanganak na bulag mula pa sa kaniyang kapanganakan. 2Itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad: Guro, sino ang nagkasala na ang lalaking ito ay ipanganak na bulag? Siya ba o ang kaniyang mga magulang?

   
 3Sumagot si Jesus: Hindi ang lalaking ito o ang kaniyang mga magulang ang nagkasala. Ito ay nangyari upang ang mga gawa ng Diyos ay mahayag sa kaniya. 4Kinakailangang gawin ko ang mga gawa niya na nagsugo sa akin habang araw pa. Dumarating ang gabi at wala nang makakagawa. 5Habang ako ay nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.

   
 6Pagkasabi niya nito ay lumura siya sa lupa. Gumawa siya ng putik mula sa lura. Kaniyang ipinahid sa mga mata ng bulag ang putik. 7Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pumunta ka sa malaking dakong paliguan ng Siloe at maghugas ka. Ang ibig sabihin ng salitang Siloe ay sinugo. Siya nga ay pumunta at naghugas at bumalik na nakakakita na.

   
 8Nakita ng mga kapitbahay at ng ibang mga tao ang lalaki na dating bulag. Kaya nga, sinabi nila: Hindi ba ito iyong nakaupo at namamalimos? 9Sinabi ng iba: Siya nga iyon.
   Ang sabi naman ng iba: Siya ay kamukha niya.
   Sinabi niya: Ako nga iyon.

   
 10Sinabi nga nila sa kaniya: Papaano namulat ang iyong mga mata?

   
 11Sumagot siya at sinabi: Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng luwad at ipinahid iyon sa aking mga mata. Sinabi niya sa akin: Pumunta ka sa dakong paliguan ng Siloe at maghugas. Ako ay pumunta at naghugas at nakakita.

   
 12Sinabi nga nila sa kaniya: Nasaan siya?
   Sinabi niya: Hindi ko alam.

 

Inusisa ng mga Fariseo ang Pagpapagaling

 

 13Dinala nila sa mga Fariseo ang lalaki na dating bulag. 14Araw ng Sabat noon nang si Jesus ay gumawa ng luwad at iminulat ang mga mata ng lalaking bulag. 15Ang mga Fariseo rin naman ay muling nagtanong sa kaniya kung papaano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila: Nilagyan niya ng luwad ang aking mga mata at ako ay naghugas at nakakita na ako.

   
 16Sinabi nga ng ilan sa mga Fariseo: Hindi galing sa Diyos ang lalaking ito dahil hindi niya tinutupad ang araw ng Sabat.
   Sinabi naman ng iba: Papaano makakagawa ng mga ganitong tanda ang isang lalaking makasalanan? Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa kanila.

   
 17Muli nilang sinabi sa lalaking dating bulag: Sapagkat iminulat niya ang iyong mga mata, ano ang masasabi mo patungkol sa kaniya?
   Sinabi ng lalaki: Siya ay isang propeta.

   
 18Hindi pinaniwalaan ng mga Judio ang patungkol sa lalaki na siya ay dating bulag at nakakita. Hindi sila naniwala hanggang tawagin nila ang mga magulang niya. 19Tinanong nila sila: Siya ba ang inyong anak na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? Papaanong nakakakita siya ngayon?

   
 20Ang kaniyang mga magulang ay sumagot sa kanila at nagsabi: Alam namin na siya ang aming anak at siya ay ipinanganak na bulag. 21Hindi namin alam kung papaanong nakakakita na siya ngayon. Hindi namin alam kung sino ang nagmulat ng kaniyang mga mata. Siya ay nasa hustong gulang na kaya tanungin ninyo siya. Makakapagsalita siya patungkol sa kaniyang sarili. 22Ito ang sinabi ng kaniyang mga magulang dahil natatakot sila sa mga Judio. Ito ay sapagkat napagkaisahan na ng mga Judio na kung ang sinuman ay magpahayag na si Jesus ang Mesiyas siya ay ititiwalag sa sinagoga. 23Dahil dito sinabi ng kaniyang mga magulang: Siya ay nasa hustong gulang na, tanungin ninyo siya.

   
 24Tinawag nilang muli ang lalaki na dating bulag. Sinabi nila: Ibigay mo ang kaluwalhatian sa Diyos. Alam namin na ang lalaking ito ay isang makasalanan.

   
 25Sumagot siya at nagsabi: Hindi ko alam kung siya ay makasalanan. Isang bagay ang alam ko, ako ay dating bulag at ngayon ay nakakakita na.

   
 26Sinabi nilang muli sa kaniya: Ano ang ginawa niya sa iyo? Papaano niya iminulat ang iyong mga mata?

   
 27Sumagot siya sa kanila: Sinabi ko na sa inyo at hindi ninyo pinakinggan. Bakit ibig ninyong marinig muli? Ibig din ba ninyong maging mga alagad niya?

   
 28Kaya siya ay kanilang nilait na sinabi: Ikaw ang kaniyang alagad. Kami ay mga alagad ni Moises. 29Alam namin na ang Diyos ay nagsalita kay Moises. Patungkol sa lalaking ito hindi namin alam kung saan siya nanggaling.

   
 30Sumagot ang lalaki at sinabi sa kanila: Tunay na ito ay kamangha-manghang bagay. Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling. Gayunman ay iminulat niya ang aking mga mata. 31Alam natin na hindi dinirinig ng Diyos ang mga makasalanan. Kung ang sinuman ay sumasamba sa Diyos at ginagawa ang kaniyang kalooban, siya ang dinirinig ng Diyos. 32Sa pasimula pa ng panahon ay hindi pa narinig na may sinumang nakapagpamulat ng mga mata ng isang ipinanganak na bulag. 33Kung ang lalaking ito ay hindi sa Diyos, wala siyang kapangyarihang gumawa ng anuman.

   
 34Sumagot sila at sinabi sa kaniya: Ikaw ay ipinanganak na lubos na makasalanan at tuturuan mo pa kami? At siya ay itinaboy nila.

 

Ang Hindi Pagkakita sa mga Bagay na Espirituwal

 

 35Narinig ni Jesus na siya ay itinaboy nila. Nang matagpuan ni Jesus ang lalaking dati ay bulag sinabi niya sa kaniya: Ikaw ba ay sumasampalataya sa Anak ng Diyos?

   
 36Sumagot siya at sinabi: Sino siya Panginoon, upang ako ay sumampalataya sa kaniya?

   
 37Sinabi ni Jesus sa kaniya: Nakita mo na siya at siya ang nakikipag-usap sa iyo.

   
 38Sinabi niya: Panginoon, sumasampalataya ako. Sinamba niya si Jesus.

   
 39Sinabi ni Jesus: Ako ay narito sa sanlibutan na ito para sa paghatol. Ito ay upang sila na hindi nakakakita ay makakita. Sila namang nakakakita ay maging mga bulag.

   
 40Ang mga bagay na ito ay narinig ng mga maka-Fariseo na kasama nila. Kanilang sinabi sa kaniya: Kami ba ay mga bulag din?

   
 41Sinabi ni Jesus sa kanila: Kung kayo ay mga bulag ay wala sana kayong pagkakasala. Ngunit ngayon sinasabi ninyo: Nakakakita kami. Samakatuwid, ang inyong kasalanan ay nananatili sa inyo.

 

 

 

Juan 10

 

Ang Pastol at ang Kaniyang Kawan

 

 1Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Siya na pumapasok na hindi dumadaan sa pinto ng kulungan ng mga tupa ay magnanakaw at tulisan. Siya ay umaakyat sa ibang daan. 2Ang pumapasok na dumadaan sa pinto ay ang pastol ng mga tupa. 3Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto. Dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig. Tinatawag niya ang kaniyang sariling mga tupa sa kani-kanilang pangalan. Sila ay inaakay niya sa paglabas. 4Kapag nailabas na niya ang sarili niyang mga tupa ay nauuna siya sa kanila. Ang mga tupa ay sumusunod sa kaniya sapagkat kilala nila ang kaniyang tinig. 5Hindi nila susundin kailanman ang isang dayuhan kundi lalayuan nila siya sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan. 6Ang talinghagang ito ay sinabi ni Jesus sa kanila. Hindi nila naunawaan ang sinabi niya sa kanila.

   
 7Muli ngang sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ako ang pinto ng mga tupa. 8Ang lahat ng naunang dumating sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan. Subalit hindi sila dininig ng mga tupa. 9Ako ang pinto. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas at makakasumpong ng pastulan. 10Ang magnanakaw ay hindi pumarito malibang siya ay magnakaw, pumatay at maminsala. Ako ay narito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon nito na may lubos na kasaganaan.

   
 11Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa. 12Kapag nakikita ng upahang-lingkod na dumarating ang lobo, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakbong palayo. Ginagawa niya ito sapagkat hindi siya ang pastol at sila ay hindi sa kaniya. Pagkatapos, ang mga tupa ay sinisila ng lobo at kinakalat. 13Ang upahang-lingkod ay tumatakbong palayo sapagkat siya ay upahang-lingkod at wala siyang pagmamalasakit sa mga tupa.

   
 14Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa. 15Kung papaanong nakikilala ako ng Ama ay ganoon din naman, nakikilala ko ang Ama. Iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kawang ito. Sila rin ay dapat kong dalhin at diringgin nila ang aking tinig. At magkakaroon ng isang kawan at ng isang pastol. 17Dahil dito, iniibig ako ng Ama sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito ay makuha kong muli. 18Walang sinumang makakaagaw nito sa akin. Subalit kusa ko itong iniaalay. Mayroon akong kapamahalaang ialay ito at mayroon akong kapamahalaang kunin itong muli. Ang utos na ito ay tinanggap ko mula sa aking Ama.

   
 19Nagkaroon ngang muli ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio dahil sa mga pananalitang ito. 20Marami sa kanila ang nagsabi: Siya ay may demonyo at nahihibang. Bakit kayo nakikinig sa kaniya?

   
 21Sinabi ng iba: Hindi ito mga pananalita ng isang inaalihan ng demonyo. May kapangyarihan bang makapagpamulat ng mata ang demonyo?

 

Hindi Sumampalataya ang mga Judio

 

 22Naganap sa Jerusalem ang kapistahan ng pagtatalaga. Noon ay taglamig. 23Si Jesus ay naglalakad sa templo sa portiko ni Solomon. 24Pinalibutan nga siya ng mga Judio. Sinabi nila sa kaniya: Hanggang kailan mo paghihintayin ang aming kaluluwa? Kung ikaw ang Mesiyas, sabihin mo sa amin nang tuwiran.

   
 25Sumagot si Jesus sa kanila: Sinabi ko na sa inyo ngunit hindi kayo sumampalataya. Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang siyang nagpapatotoo sa akin. 26Hindi kayo sumasampalataya sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa gaya ng sinabi ko sa inyo. 27Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig. Kilala ko sila at sumusunod sila sa akin. 28Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Hindi sila malilipol magpakailanman. Walang sinumang makakaagaw sa kanila sa aking kamay. 29Ibinigay sila sa akin ng aking Ama. Siya ay higit na dakila sa lahat. Walang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama. 30Ako at ang Ama ay iisa.

   
 31Muli ngang dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya ay batuhin. 32Sinabi sa kanila ni Jesus: Maraming mabubuting gawa ang ipinakita ko sa inyo mula sa aking Ama. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan para batuhin ninyo ako?

   
 33Sumagot ang mga Judio sa kaniya na sinasabi: Hindi ka namin binabato dahil sa anumang mabuting gawa kundi dahil sa iyong pamumusong. Ginagawa mong Diyos ang sarili mo, ikaw na isang tao.

   
 34Tinugon sila ni Jesus: Hindi ba nasusulat sa inyong kautusan: Aking sinabi na kayo ay mga diyos? 35Tinawag niyang mga diyos ang mga tao, na sa pamamagitan nila ay dumating ang salita ng Diyos. At ang kasulatan ay hindi masisira. 36Sinasabi ninyo sa kaniya na pinabanal at isinugo ng Ama sa sanlibutan: Ikaw ay nanlalait. Ito ba ay dahil sa sinabi ko: Ako ay Anak ng Diyos? 37Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, huwag kayong sumampalataya sa akin. 38Kung ginagawa ko, kahit hindi kayo sumampalataya sa akin, sampalatayanan ninyo ang mga gawa. Ito ay upang malaman ninyo at sumampalataya na ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa kaniya. 39Muli nga silang naghanap ng pagkakataon upang hulihin siya, ngunit siya ay nakatakas mula sa kanilang mga kamay.

   
 40Siya ay muling pumunta sa ibayo ng Jordan, sa dakong pinagbawtismuhan ni Juan noong una. Siya ay nanatili roon. 41Marami ang pumunta sa kaniya at sinabi: Totoong si Juan ay hindi gumawa ng tanda. Ang lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan patungkol sa taong ito ay totoo. 42Marami roon ang sumampalataya kay Jesus.

 

 

Juan 11

 

Namatay si Lazaro

 

 1Mayroon isang lalaking maysakit na ang pangalan ay Lazaro. Siya ay taga-Betania na nayon nina Maria at ng kaniyang kapatid na si Marta. 2Si Maria ang siyang nagpahid ng pabangong langis sa Panginoon. Pinunasan niya ng kaniyang buhok ang mga paa ng Panginoon. Siya ay kapatid ni Lazaro na maysakit. 3Ang mga kapatid na babae ni Lazaro ay nag sugo upang sabihin kay Jesus: Panginoon, narito, si Lazaro na iyong minamahal ay maysakit.

   
 4Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: Ang karamdamang ito ay hindi para sa layunin ng sa kamatayan kundi para sa kaluwalhatian ng Diyos. Sa gayon ang Anak ng Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan nito. 5Si Marta at ang kaniyang kapatid na babae at si Lazaro ay inibig nga ni Jesus. 6Nang marinig nga niyang maysakit si Lazaro ay nanatili siya ng dalawang araw sa pook na kaniyang kinaroroonan.

   
 7Kaya pagkatapos nito ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Pumunta tayong muli sa Judea.

   
 8Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Guro, ngayon pa lang ay naghahanap na sila ng pagkakataon upang ikaw ay batuhin ng mga Judio. Babalik ka na naman ba roon?

   
 9Sumagot si Jesus: Hindi ba may labindalawang oras sa maghapon? Ang sinumang naglalakad kung araw ay hindi natitisod dahil nakikita niya ang liwanag sa sanlibutang ito. 10Ang sinumang naglalakad kung gabi ay natitisod dahil wala ang liwanag sa kaniya.

   
 11Sinabi niya ang mga bagay na ito. Pagkatapos nito ay sinabi niya sa kanila: Ang ating kaibigang si Lazaro ay natutulog. Pupunta ako upang gisingin ko siya.

   
 12Sinabi nga ng kaniyang mga alagad: Panginoon, kung siya ay natutulog, gagaling siya. 13Ang sinabi ni Jesus ay ang patungkol sa kaniyang kamatayan. Ngunit sa palagay nila, ang sinabi ni Jesus ay patungkol sa paghimlay sa pagtulog.

   
 14Kaya nga, tuwirang sinabi ni Jesus sa kanila: Si Lazaro ay patay na. 15Ako ay nagagalak alang-alang sa inyo na ako ay wala roon. Ito ay upang kayo ay sumampalataya, gayunman, puntahan natin siya.

   
 16Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi nga sa kaniyang mga kapwa alagad: Pumunta rin tayo upang mamatay tayong kasama niya.

 

Ang Magkapatid ay Binigyang Kaaliwan ni Jesus

 

 17Pagdating nga ni Jesus ay nalaman niyang si Lazaro ay apat na araw nang nasa libingan. 18Ang Betania ay malapit sa Jerusalem na may humigit-kumulang na tatlong kilometro ang layo. 19Marami sa mga Judio ang pumunta sa mga kababaihan na nakapalibot kina Marta at Maria upang aliwin sila tunkol sa kanilang kapatid. 20Pagkarinig ni Marta na si Jesus ay dumarating sinalubong niya siya. Si Maria ay nakaupo sa loob ng bahay.

   
 21Sinabi nga ni Marta kay Jesus: Panginoon, kung naririto ka sana ay hindi namatay ang aking kapatid. 22Alam ko na kahit ngayon anuman ang hingin mo sa Diyos, ito ay ibibigay sa iyo ng Diyos.

   
 23Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang iyong kapatid ay muling babangon.

   
 24Sinabi ni Marta sa kaniya: Alam ko na siya ay muling babangon sa pagkabuhay na mag-uli sa huling araw.

   
 25Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ako ang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay. Siya na sumasampalataya sa akin bagamat siya ay mamamatay, siya ay mabubuhay. 26Ang bawat isang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman. Sinasampalatayanan mo ba ito?

   
 27Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Sumasampalataya ako na ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na darating sa sanlibutan.

   
 28Nang masabi niya ang mga bagay na ito, siya ay lumakad at tinawag ng palihim ang kaniyang kapatid na si Maria. Sinabi niya sa kaniya: Ang guro ay dumating at ipinatatawag ka. 29Pagkarinig niya nito ay agad siyang tumindig at pumunta sa kaniya. 30Si Jesus ay hindi pa nakarating sa nayon ng mga sandaling iyon. Siya ay nasa dako pa lang na kung saan ay sinalubong siya ni Marta. 31Ang mga Judio na umaaliw kay Maria sa bahay ay sumunod sa kaniya. Ito ay nang makita nga nila si Maria na dali-daling tumindig at lumabas. Kanilang sinabi: Siya ay pupunta sa libingan upang doon tumangis.

   
 32Dumating nga si Maria sa kinaroroonan ni Jesus. Nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. Sinabi niya sa kaniya: Panginoon, kung naririto ka sana ay hindi namatay ang aking kapatid.

   
 33Nakita ni Jesus na siya at ang mga Judiong sumama sa kaniya ay tumatangis. Siya ay namighati sa espiritu at naguluhan. 34Sinabi niya: Saan ninyo siya inilagay?
   Sinabi nila sa kaniya: Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.

   
 35Si Jesus ay tumangis.

   
 36Sinabi nga ng mga Judio: Tingnan ninyo kung gaano niya siya kamahal.

   
 37Sinabi ng ilan sa kanila: Ang taong ito ang nagmulat ng mga mata ng bulag. Wala ba siyang magagawa upang hindi mamatay ang taong ito?

 

Ibinangon ni Jesus si Lazaro Mula sa mga Patay

 

 38Si Jesus, na muling namighati ang kalooban, ay pumunta nga sa libingan. Ang libingan ay isang yungib na natatakpan ng bato. 39Sinabi ni Jesus: Alisin ninyo ang bato.
   Si Marta na kapatid ng namatay ay nagsabi sa kaniya: Panginoon, sa oras na ito ay mabaho na siya sapagkat apat na araw na siyang patay.

   
 40Sinabi ni Jesus sa kaniya: Hindi ba sinabi ko sa iyo na kung ikaw ay sasampalataya, makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?

   
 41Inalis nga nila ang bato sa dakong pinaglagyan nila ng patay. Tumingala si Jesus at nagsabi: Ama, pinapasalamatan kita na ako ay dininig mo. 42Alam ko na ako ay lagi mong dinirinig. Sinabi ko ito alang-alang sa mga taong nakatayo sa paligid. Ito ay upang sila ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin.

   
 43Nang masabi na niya ito, sumigaw siya ng may malakas na tinig: Lazaro, lumabas ka! 44Lumabas ang patay. Ang kaniyang mga kamay at mga paa ay natatalian ng telang panlibing. Ang kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo.
   Sinabi ni Jesus sa kanila: Kalagan ninyo siya at pabayaan siyang yumaon.

 

Ang Banta na Papatayin si Jesus

 

 45Marami nga sa mga Judio na pumunta kay Maria ang nakakita sa mga bagay na ginawa ni Jesus. Dahil dito, sila ay sumampalataya sa kaniya. 46Ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Fariseo. Sinabi nila sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus. 47Ang mga pinunong-saserdote nga at mga Fariseo ay nagtipon ng isang sanggunian.
   Sinabi nila: Ano ang ating ginagawa? Ang taong ito ay gumagawa ng maraming tanda. 48Kapag pabayaan lang natin siya, ang lahat ng tao ay sasampalataya sa kaniya. Kung magkagayon, ang mga taga-Roma ay darating at aagawin maging ang ating pook at bansa.

   
 49Ang isa sa kanila ay si Caifas, ang pinunong-saserdote nang taong iyon. Bilang pinunong-saserdote ay sinabi niya sa kanila: Wala talaga kayong alam. 50Hindi ninyo pinag-isipan na makakabuti sa atin na mamatay ang isa para sa mga tao. Kung magkagayon, ang buong bansa ay hindi malilipol.

   
 51Hindi niya ito sinabi nang sarili niya. Bilang pinunong-saserdote nang taong iyon, inihayag niyang si Jesus ay mamamatay na para sa bansang iyon. 52Hindi lamang para sa bansang iyon kundi para rin sa mga anak ng Diyos na nangalat. Ito ay upang sila ay tipunin at pag-isahin. 53Mula nga sa araw na iyon sila ay sumangguni sa isa't isa na siya ay patayin.

   
 54Si Jesus nga ay hindi na lumakad ng hayag sa gitna ng mga Judio. Siya ay nagtungo sa isang lalawigang malapit sa ilang, sa lungsod na tinatawag na Efraim. Nanatili siya roon kasama ang kaniyang mga alagad.

   
 55Malapit na ang Paglagpas ng mga Judio. Bago ang Paglagpas, marami ang umahon sa Jerusalem mula sa lalawigan. Ang dahilan ay upang dalisayin ang kanilang mga sarili. 56Hinanap nga nila si Jesus. Sila ay nag-usap-usap sa kanilang mga sarili habang nakatayo sa templo. Sabi nila: Ano sa palagay ninyo ang dahilan na hindi siya pumunta sa kapistahan? 57Ang mga pinunong-saserdote maging ang mga Fariseo ay nagbigay ng utos na ang sinumang nakakaalam kung nasaan si Jesus ay ipagbigay alam upang siya ay madakip nila.

 

 

Juan 12

 

Pinahiran ni Maria ng Langis si Jesus sa Betania

 

 1Anim na araw bago ang Paglagpas, si Jesus ay pumunta sa Betania. Ito ang kinaroonan ni Lazaro na namatay na kaniyang ibinangon mula sa mga patay. 2Sila ay naghanda roon ng hapunan para sa kaniya. Si Marta ay naglingkod. Ngunit si Lazaro ay isa sa mga nakaupong kasalo niya sa mesa. 3Si Maria ay kumuha ng isang librang purong nardo. Ito ay mamahaling pamahid. Ipinahid niya ito sa mga paa ni Jesus at pinunasan niya ng kaniyang buhok at ang bahay ay napuno ng halimuyak ng pamahid.

   
 4Si Judas na taga-Keriot, na anak ni Simon ay isa sa kaniyang mga alagad. Siya ang magkakanulo kay Jesus. Sinabi nga niya: 5Bakit hindi ipinagbili ang pamahid na ito sa halagang tatlong daang denaryo at ibinigay sa mga dukha? 6Ito ay sinabi hindi dahil siya ay nagmamalasakit sa mga dukha kundi dahil siya ay isang magnanakaw. Nasa kaniya rin ang supot ng salapi at kinukupit niya ang inilalagay rito.

   
 7Sinabi nga ni Jesus: Hayaan ninyo si Maria. Inilalaan niya iyon para sa araw ng aking libing. 8Ito ay sapagkat ang mga dukha ay lagi ninyong kasama ngunit ako ay hindi ninyo makakasamang lagi.

   
 9Maraming mga Judio ang nakakaalam na siya ay naroon. Sila ay pumunta hindi lamang dahil kay Jesus. Sila ay pumunta upang makita rin si Lazaro na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay. 10Nagsanggunian ang mga pinunong-saserdote upang patayin din si Lazaro. 11Ito ay sapagkat maraming mga Judio ang lumayo at sumampalataya kay Jesus dahil sa nangyari kay Lazaro.

 

Pumasok si Jesus sa Jerusalem Tulad ng Isang Hari

 

 12Kinabukasan, maraming mga tao ang dumating na nanggaling sa kapistahan. Narinig nila na darating si Jesus sa Jerusalem. 13Sila ay kumuha ng mga tangkay ng punong palma at lumabas upang siya ay salubungin. Sumigaw sila:
   Hosana! Papuri sa Hari ng Israel na pumaparito sa
   pangalan ng Panginoon!

    14Sinakyan ni Jesus ang isang batang asno na natagpuan niya. Ayon sa nasusulat:
    15Huwag kang matakot, anak na babae ng
      Sion! Narito, ang iyong hari ay dumarating.
      Siya ay nakasakay sa isang bisirong asno.

   
 16Sa simula ay hindi naunawaan ng kaniyang mga alagad ang mga bagay na ito. Subalit nang naluwalhati na si Jesus, saka nila naalala na ang mga bagay na ito ay isinulat patungkol sa kaniya. Naalala rin nila na ang mga bagay na ito ay ginawa nila sa kaniya.

   
 17Kaya nga, nagpatotoo nga ang maraming tao na nakasama niya nang kaniyang tawagin si Lazaro mula sa libingan at ibinangon mula sa mga patay. 18Dahil dito, sumalubong sa kaniya ang maraming tao sapagkat narinig nila na siya ay gumawa ng tandang ito. 19Sinabi nga ng mga Fariseo sa kanilang sarili: Nakikita ninyo na wala kayong napapala. Narito, sumusunod na sa kaniya ang sanlibutan.

 

Ipinagpauna nang Sabihin ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

 

 20At may ilang mga Griyego na umahon, kasama noong mga pumaroon sa kapistahan, upang sumamba. 21Sila nga ay lumapit kay Felipe na taga-Betsaida ng Galilea. Hiniling nila sa kaniya na sinasabi: Ginoo, nais naming makita si Jesus. 22Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres. Sinabi naman nina Andres at Felipe kay Jesus.

   
 23Tinugon sila ni Jesus na sinasabi: Dumating na ang oras upang maluwalhati ang Anak ng Tao. 24Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Mananatiling nag-iisa ang butil ng trigo malibang ito ay mahulog sa lupa at mamatay. Kapag ito ay namatay, mamumunga ito ng marami. 25Siya na umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito. Siya na napopoot sa kaniyang buhay dito sa sanlibutan ay makakapag-ingat nito patungo sa buhay na walang hanggan. 26Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, hayaan siyang sumunod sa akin. Kung saan ako naroroon ay doroon din ang aking tagapaglingkod. Kung ang sinuman ay naglilingkod sa akin, siya ay pararangalan ng aking Ama.

   
 27Ngayon ay nababalisa ang aking kaluluwa. Ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito. Subalit ito ang dahilan kung bakit ako narito sa oras na ito. 28Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.
   Nang magkagayon, may narinig silang tinig mula sa langit na nagsasabi: Niluwalhati ko na ito at muli kong luluwalhatiin. 29Ang mga tao ngang nakatayo roon at nakarinig nito ay nagsabi: Kumulog! Ang iba naman ay nagsabi: Siya ay kinausap ng isang anghel.

   
 30Tumugon si Jesus at nagsabi: Ang tinig na ito ay hindi ipinarinig nang dahil sa akin kundi dahil sa inyo. 31Ngayon na ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang prinsipe ng sanlibutan ito ay palalayasin. 32Ako, kapag ako ay maitaas na mula sa lupa, ay ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin. 33Sinabi ito ni Jesus bilang kapahayagan kung papaano siya mamamatay.

   
 34Ang mga tao ay tumugon sa kaniya: Narinig namin mula sa kautusan na ang Mesiyas ay mananatili magpakailanman. Papaano mo nasabi: Ang Anak ng Tao ay kinakailangang maitaas? Sino ba itong Anak ng Tao?

   
 35Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa kanila: Sandaling panahon na lamang na makakasama ninyo ang liwanag. Lumakad kayo habang may liwanag pa sa inyo upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi nalalaman ng lumalakad sa kadiliman kung saan siya napupunta. 36Habang may liwanag pa sa inyo, sumampalataya kayo sa liwanag upang kayo ay maging mga tao ng liwanag. Pagkasabi ni Jesus ng mga bagay na ito ay umalis siya at nagtago mula sa kanila.

 

Ang mga Judio ay Nagpatuloy sa Kanilang Hindi Pagsampalataya

 

 37Bagamat gumawa si Jesus ng maraming tanda sa harapan nila, hindi pa rin sila sumampalataya sa kaniya. 38Ito ay upang matupad ang salita ni propeta Isaias na kaniyang sinabi:
      Panginoon, sino ang naniwala sa aming
      pangaral? Kanino ipinahayag ang bisig ng
      Panginoon?

   
 39Dahil dito, hindi sila makapaniwala dahil sinabing muli ni Isaias:
    40Binulag niya ang kanilang mga mata at
      pinatigas ang kanilang puso. Ito ay upang hindi
      sila makakita sa pamamagitan ng kanilang mga
      mata, ni makaunawa sa pamamagitan ng kanilang
      puso, at manumbalik. Kung hindi gayon sila
      ay pagagalingin ko.

    41Ang bagay na ito ay sinabi ni Isaias nang makita niya ang kaluwalhatian ng Panginoon at nagsalita patungkol sa kaniya.

   
 42Gayunman, marami sa mga mataas na pinuno ang sumampalataya kay Jesus. Ngunit dahil sa mga Fariseo hindi nila siya ipinahayag baka sila palayasin sa sinagoga. 43Ito ay sapagkat higit nilang inibig ang papuring mula sa mga tao kaysa ang papuri ng Diyos.

   
 44Si Jesus ay sumigaw at nagsabi: Ang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya kundi sa kaniya na nagsugo sa akin. 45Ang nakakita sa akin ay nakakita sa kaniya na nagsugo sa akin. 46Ako ay narito bilang liwanag sa sanlibutan upang ang lahat ng sumasampalataya sa akin ay hindi manatili sa kadiliman.

   
 47Kung ang sinuman ay nakikinig ng aking mga salita at hindi sumasampalataya, hindi ko siya hinahatulan. Ito ay sapagkat hindi ako narito upang hatulan ang sanlibutan kundi upang iligtas ang sangkatauhan. 48May isang hahatol sa tumatanggi sa akin at hindi tumatanggap ng aking mga salita. Ang salita na aking sinalita ay siyang hahatol sa kaniya sa huling araw. 49Ito ay sapagkat hindi ako nagsasalita mula sa sarili ko. Ang Ama na nagsugo sa akin ang nag-utos kung ano ang dapat kong sabihin at bigkasin. 50Alam ko, na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan. Ito nga ang sinasabi ko. Kung papaanong sinasabi sa akin ng Ama, sa gayunding paraan nagsasalita ako.

 

 

Juan 13

 

Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng Kaniyang mga Alagad

 

 1Bago dumating ang kapistahan ng Paglagpas, alam ni Jesus na ang kaniyang oras ay sumapit na upang siya ay lumisan sa sanlibutang ito at pumunta sa Ama. Inibig niya ang mga sa kaniya na nasa sanlibutang ito, inibig niya sila hanggang sa wakas.

   
 2At nang matapos ang hapunan ay inilagay nga ng diyablo sa puso ni Judas na ipagkanulo si Jesus. Si Judas ay taga-Keriot na anak ni Simon. 3Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay. Siya ay galing sa Diyos at babalik sa Diyos. 4Kaya nga, siya ay tumindig mula sa paghahapunan at itinabi ang kaniyang mga kasuotan. Siya ay kumuha ng tuwalya at binigkisan ang kaniyang sarili. 5Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana. Sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad. Pinunasan niya ang kanilang mga paa ng tuwalyang nakabigkis sa kaniya.

   
 6Lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?

   
 7Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya: Ang aking ginagawa ay hindi mo nababatid sa ngayon, ngunit mauunawaan mo rin ito pagkatapos.

   
 8Tumugon si Pedro sa kaniya: Kailanman ay hindi mo huhugasan ang aking mga paa.
   Sumagot si Jesus sa kaniya: Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa akin.

   
 9Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya: Panginoon, hindi lamang ang aking mga paa kundi gayundin ang aking mga kamay at ulo.

   
 10Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang taong napaliguan na ay ang paa na lang ang kailangang hugasan. Siya ay lubos nang malinis. Kayo ay malilinis na bagamat hindi lahat. 11Ito ay sapagkat alam niya kung sino ang magkakanulo sa kaniya. Ito ang dahilan kaya niya sinabi: Hindi ang lahat sa inyo ay malinis.

   
 12Pagkahugas nga niya ng kanilang mga paa at muling makapagsuot ng kaniyang kasuotan, siya ay umupo. Sinabi niya sa kanila: Naunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon. Tama ang sinasabi ninyo sapagkat ako nga. 14Yamang ako na inyong Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din nga kayong maghugasan ng mga paa ng isa't isa. 15Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong gawin ang tulad ng ginawa ko sa inyo. 16Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Ang sinugo ay hindi rin higit na dakila kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17Kung alam na ninyo ang mga bagay na ito ay pinagpala kayo kung gagawin ninyo ang mga ito.

 

Ipinagpauna nang Sabihin ni Jesus na may Magkakanulo sa Kaniya

 

 18Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang aking mga hinirang. Dapat matupad ang kasulatan: Ang kumakain ng tinapay na kasama ko ang siyang nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.

   
 19Ngayon ay sinasabi ko na sa inyo bago pa ito dumating. Kung mangyayari na ito ay maaaring sasampalataya kayo na ako nga iyon. 20Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang tumatanggap sa sinumang susuguin ko ay tumatanggap sa akin. Ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa kaniya na nagsugo sa akin.

   
 21Nang masabi na ito ni Jesus ay naligalig siya sa espiritu. Siya ay nagpatotoo at nagsabi: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Isa sa inyo ay magkakanulo sa akin.

   
 22Kaya ang mga alagad ay nagtinginan sa isa't isa, naguguluhan sila kung sino ang tinutukoy niya. 23Mayroon ngang nakahilig sa piling ni Jesus na isa sa kaniyang mga alagad, siya ang iniibig ni Jesus. 24Si Simon Pedro nga ay humudyat sa kaniya na tanungin si Jesus kung sino ang kaniyang tinutukoy.

   
 25Sa paghilig niya sa dibdib ni Jesus, sinabi niya: Panginoon, sino siya?

   
 26Sumagot si Jesus: Siya ang bibigyan ko ng kapirasong tinapay pagkatapos ko itong maisawsaw. Nang maisawsaw na niya ang kapirasong tinapay ibinigay niya iyon kay Judas na taga-Keriot na anak ni Simon. 27Pagkatapos ng isang subo ay pumasok kay Judas si Satanas.
   Sinabi nga ni Jesus sa kaniya: Kung ano ang iyong gagawin ay gawin mo agad. 28Walang sinuman sa nakaupong kasalo niya ang nakaunawa kung bakit niya iyon sinabi sa kaniya. 29Si Judas ang may hawak ng supot ng salapi. Ito ang dahilan kaya inakala ng ilan na ang sinabi sa kaniya ni Jesus ay bumili siya ng mga kakailanganin para sa kapistahan. O kaya ay may ipinabibigay sa kaniya sa mga dukha. 30Pagkatanggap nga niya ng isang subo ay agad siyang umalis. Noon ay gabi na.

 

Ipinagpauna ni Jesus na Ipagkakaila Siya ni Pedro

 

 31Kaya nga, pagkaalis ni Judas, sinabi ni Jesus: Ngayon ay naluwalhati na ang Anak ng Tao. At ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya. 32Yamang ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya, siya naman ay luluwalhatiin ng Diyos sa kaniyang sarili. At siya ay agad niyang luluwalhatiin.

   
 33Munting mga anak, makakasama ninyo ako nang kaunting panahon na lamang. Hahanapin ninyo ako. Sinabi ko sa mga Judio: Hindi kayo makakapunta sa aking pupuntahan. Ganito rin ang sinasabi ko sa inyo.

   
 34Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo, kayo ay mag-ibigan sa isa't isa. Kung papaanong inibig ko kayo ay gayundin naman kayong mag-ibigan sa isa't isa. 35Sa pamamagitan nito ay malalaman ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad. Ito ay kung may pag-ibig kayo sa isa't isa.

   
 36Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya: Panginoon, saan ka pupunta?
   Sumagot si Jesus sa kaniya: Sa pupuntahan ko ay hindi ka makakasunod sa ngayon ngunit susunod ka sa akin pagkatapos.

   
 37Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, bakit hindi ako makakasunod sa iyo sa ngayon? Iaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyong kapakanan.

   
 38Sumagot si Jesus sa kaniya: Iaalay mo ba ang iyong buhay alang-alang sa aking kapakanan? Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Hindi titilaok ang tandang hanggang sa ipagkaila mo ako nang tatlong ulit.

 

 

Juan 14

 

Binigyang Kaaliwan ni Jesus ang Kaniyang mga Alagad

 

 1Huwag mabalisa ang inyong mga puso. Nanampalataya kayo sa Diyos, manampalataya rin kayo sa akin. 2Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan. Kung hindi gayon ay sinabi ko sana sa inyo. Ako ay paroroon upang maghanda ng dako para sa inyo. 3Kapag ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling babalik. Kayo ay aking tatanggapin sa aking sarili upang kung saan ako naroon ay dumuon din kayo. 4Kung saan ako pupunta ay alam ninyo. Alam na ninyo ang daan.

 

Si Jesus ang Daan Patungo sa Ama

 

 5Sinabi sa kaniya ni Tomas: Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta. Paano namin malalaman ang daan?

   
 6Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ako ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Walang sinumang makakapunta sa Ama maliban sa pamamagitan ko. 7Kung ako ay kilala na ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at nakita na ninyo siya.

   
 8Sinabi ni Felipe sa kaniya: Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama at iyon ay sapat na sa amin.

   
 9Sinabi ni Jesus sa kaniya: Felipe, matagal nang panahon na ako ay kasama ninyo at hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabi: Ipakita mo sa amin ang Ama? 10Hindi ka ba sumasampalataya na ako ay nananahan sa Ama at ang Ama ay nananahan sa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Ama na nananahan sa akin, siya ang gumagawa ng mga gawain. 11Sampalatayanan mo ako na ako ay sumasa Ama at ang Ama ay sumasa akin. Ngunit kung hindi, sumampalataya ka sa akin dahil sa mga gawa. 12Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Siya na sumasampalataya sa akin ay gagawa rin ng mga gawang ginagawa ko. Higit na dakilang mga gawa kaysa sa mga ito ang gagawin niya sapagkat ako ay pupunta sa Ama. 13Anuman ang inyong hingin sa pangalan ko, iyon ay gagawin ko upang maluwalhati ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14Kung hihingi kayo ng anumang bagay sa aking pangalan, gagawin ko iyon.

 

Ipinangako ni Jesus na Isusugo ang Banal na Espiritu

 

 15Kung iniibig ninyo ako, tuparin ninyo ang aking mga utos. 16Hihiling ako sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang Tagapayo upang siya ay manatili sa inyo magpakailanman. 17Ang Tagapayong ito ay ang Espiritu ng Katotohanan. Hindi siya matanggap ng sangkatauhan sapagkat hindi siya nito nakikita o nakikilala man. Kilala ninyo siya sapagkat siya ay nananahang kasama ninyo at sasainyo. 18Hindi ko kayo iiwanang tulad ng mga mga ulila, ako ay babalik sa inyo. 19Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sangkatauhan ngunit nakikita ninyo ako. Dahil ako ay nabubuhay, kayo rin naman ay mabubuhay. 20Sa araw na iyon ay malalaman ninyo na ako ay nasa Ama. Kayo naman ay sumasa akin at ako ay sumasa inyo. 21Ang nagtataglay ng aking mga utos at tumutupad nito ay siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama. Siya ay iibigin ko at ipahahayag ko sa kaniya ang aking sarili.

   
 22Sinabi sa kaniya ni Judas na hindi taga-Keriot: Panginoon, papaanong ipahahayag mo ang iyong sarili sa amin at hindi sa sangkatauhan?

   
 23Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Kung ang sinuman ay umiibig sa akin, tutuparin niya ang aking mga salita. Siya ay iibigin ng aking Ama. Kami ay pupunta sa kaniya at mananahan na kasama niya. 24Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita. Ang salita na inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Ama na nagsugo sa akin.

   
 25Ang mga ito ay sinabi ko sa inyo samantalang kasama ninyo ako. 26Ang Tagapayo, ang Banal na Espiritu ang siyang susuguin ng Ama sa pangalan ko. Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay. Ipapa-alaala niya ang lahat ng mga bagay na sinabi ko sa inyo. 27Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Ang ibinibigay ko ay hindi katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag mabalisa ang inyong puso ni mangamba.

   
 28Narinig ninyo ang sinabi ko sa inyo: Ako ay aalis at muling magbabalik sa inyo. Kung iniibig ninyo ako ay magagalak kayo sa sinabi kong ako ay pupunta sa Ama sapagkat ang aking Ama ay higit na dakila kaysa sa akin. 29Sinabi ko na ito sa inyo bago pa ito mangyari. Ito ay upang kung mangyari na ito, kayo ay sumampalataya. 30Simula ngayon ay hindi na ako magsasalita pa ng marami sa inyo sapagkat ang prinsipe ng sanlibutang ito ay dumarating. Tunay na wala siyang bahagi sa akin. 31Sinabi ko ito sa inyo upang malaman ng sangkatauhan na iniibig ko ang Ama. Malalaman nila na kung papaano ako inutusan ng Ama, ganoon ang ginagawa ko. Tumindig kayo at tayo ay aalis na.

 

 

Juan 15

 

Ang Puno ng Ubas at ang mga Sanga

 

 1Ako ang tunay na puno ng ubas. Ang aking Ama ang tagapag-alaga. 2Ang bawat sanga na nasa akin na hindi namumunga ay inaalis niya. At ang bawat sangang namumunga ay nililinis niya upang lalo pang magbunga ng marami. 3Kayo ay malinis na sa pamamagitan ng salita na sinalita ko sa inyo. 4Manatili kayo sa akin at ako ay mananatili sa inyo. Ang sanga ay hindi makakapamunga sa kaniyang sarili malibang ito ay manatili sa puno ng ubas. Maging kayo man ay hindi makakapamunga malibang manatili kayo sa akin.

   
 5Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako sa kaniya ay magbubunga nang sagana sapagkat kung hiwalay kayo sa akin hindi kayo makakagawa ng anuman. 6Malibang ang sinuman ay manatili sa akin, siya ay itatapon tulad ng sanga at ito ay natutuyo. Kanila itong tinitipon at itinatapon sa apoy, at ito ay sinusunog. 7Kung kayo ay mananatili sa akin at ang aking mga salita ay manatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong ibigin at ito ay mangyayari sa inyo. 8Sa ganito naluluwalhati ang aking Ama na kayo ay magbunga ng sagana at kayo ay magiging mga alagad ko.

   
 9Kung papaanong inibig ako ng Ama ay gayon ko rin kayo inibig. Manatili kayo sa aking pag-ibig. 10Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig. Tulad ko, tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at nanatili sa kaniyang pag-ibig. 11Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay manatili sa inyo. Gayundin naman, ang inyong kagalakan ay malubos. 12Ito ang aking utos: Kayo ay mag-ibigan sa isa't isa gaya ng pag-ibig ko sa inyo. 13Wala nang hihigit pang pag-ibig kaysa rito, na ang isang tao ay mag-alay ng kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan. 14Kayo ay aking mga kaibigan kapag ginawa ninyo ang anumang inuutos ko sa inyo. 15Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Sa halip ay tinawag ko kayong mga kaibigan sapagkat ang lahat ng narinig ko sa aking Ama ay ipinaaalam ko sa inyo. 16Hindi ninyo ako hinirang ngunit ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo. Ang dahilan ay upang kayo ay humayo at mamunga at ang inyong bunga ay manatili. At anumang ang inyong hingin sa aking Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 17Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo upang kayo ay mag-ibigan sa isa't isa.

 

Kinapopootan ng Sanlibutan ang mga Alagad

 

 18Yamang ang sangkatauhan ay napopoot sa inyo, alam ninyo na ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19Ngunit kung kayo ay sa sanlibutan, iibigin ng sangkatauhan ang sariling kaniya. Subalit hindi kayo sa sanlibutan. Hinirang ko kayo mula sa sanlibutan. Dahil nga dito, kinapopootan kayo ng sankatauhan. 20Alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Ang alipin ay hindi nakakahigit sa kaniyang panginoon. Yamang ako ay kanilang inusig, kayo rin naman ay uusigin nila. Kung tinupad nila ang aking salita ay tutuparin din naman nila ang sa inyo. 21Subalit ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa pangalan ko sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22Kung hindi ako narito at nagsalita sa kanila, hindi sana sila nagkasala. Ngunit ngayon ay wala na silang maikakatwiran sa kanilang kasalanan. 23Ang napopoot sa akin ay napopoot din naman sa aking Ama. 24Kung hindi ko ginawa sa harap nila ang mga gawaing hindi magagawa ng sinuman, hindi sana sila nagkasala. Ngayon ay kapwa nila nakita at kinapootan ako at ang akin ding Ama. 25Ito ay upang matupad ang salita na nasusulat sa kanilang kautusan: Kinapootan nila ako ng walang dahilan.

   
 26Pagdating ng Tagapayo na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, siya ay magpapatotoo patungkol sa akin. Siya ang Espiritu ng katotohanan na magmumula sa Ama. 27Kayo rin naman ay magpapatotoo sapagkat kayo ay nakasama ko na mula pa sa pasimula.

 

 

Juan 16

 

 1Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang hindi kayo matisod. 2Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga. Darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang siya ay naghahandog ng paglilingkod sa Diyos. 3Gagawin nila sa inyo ang mga bagay na ito sapagkat hindi nila kilala ang Ama o ako. 4Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa pagdating ng oras, maala-ala ninyo na sinabi ko sa inyo ang mga ito. Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito sa simula sapagkat ako ay kasama ninyo.

 

Ang Gawain ng Banal na Espiritu

 

 5Ngayon ay pupunta ako sa kaniya na nagsugo sa akin. At walang sinuman sa inyo ang nagtatanong sa akin: Saan ka pupunta? 6Dahil sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito, napuno ng lumbay ang inyong mga puso. 7Gayunman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: Makakabuti sa inyo na ako ay umalis sapagkat kung hindi ako aalis, ang Tagapayo ay hindi darating sa inyo. Kapag ako ay umalis, susuguin ko siya sa inyo. 8Pagdating niya ay kaniyang susumbatan ang sangkatauhan patungkol sa kasalanan, sa katuwiran at sa kahatulan. 9Susumbatan niya sila patungkol sa kasalanan, sapagkat hindi sila sumampalataya sa akin. 10Susumbatan niya sila patungkol sa katuwiran sapagkat ako ay pupunta sa aking Ama at hindi na ninyo ako makikita. 11Susumbatan niya sila patungkol sa kahatulan sapagkat ang prinsipe ng sanlibutang ito ay nahatulan na.

   
 12Marami pa akong sasabihing mga bagay sa inyo ngunit hindi ninyo ito matatanggap sa ngayon. 13Gayunman, sa pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanan. Ito ay sapagkat hindi siya magsasalita ng patungkol sa kaniyang sarili. Kung ano ang kaniyang maririnig, iyon ang kaniyang sasabihin. Ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14Luluwalhatiin niya ako sapagkat tatanggapin niya ang sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo. 15Ang lahat ng mga bagay na mayroon ang Ama ay akin. Kaya nga, sinabi ko: Tatanggapin niya ang sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo.

   
 16Kaunting panahon na lamang at hindi ninyo ako makikita. Pagkatapos ng kaunting panahon, makikita ninyo ako sapagkat pupunta ako sa Ama.

 

Ang Kalungkutan ng mga Alagad ay Magiging Kagalakan

 

 17Ang ilan sa kaniyang mga alagad ay nagtanong sa isa't isa: Ano itong sinasabi niya sa atin? Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita. Pagkatapos ng kaunting panahon, makikita ninyo ako sapagkat pupunta ako sa Ama. 18Sinabi nga nila: Ano itong sinasabi niyang kaunting panahon na lamang? Hindi natin maunawaan ang sinasabi niya.

   
 19Alam nga ni Jesus na nais nilang magtanong sa kaniya. Sinabi niya sa kanila: Nagtatanong ba kayo sa isa't isa patungkol sa sinabi ko: Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, pagkatapos ng kaunting panahon, makikita ninyo akong muli. 20Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kayo ay tatangis at mananaghoy ngunit ang sanlibutan ay magagalak. Kayo ay malulumbay ngunit ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan. 21Ang babae kapag nanganganak ay nalulumbay sapagkat ang kaniyang oras ay dumating na. Pagkapanganak niya sa sanggol ay hindi na niya naaalaala ang hirap dahil sa katuwaang may isang taong isinilang sa sanlibutan. 22Gayundin naman kayo. Kayo ngayon ay nalulumbay ngunit makikita ko kayong muli at ang inyong puso ay magagalak. Walang taong aagaw ng inyong kagalakan mula sa inyo. 23Sa araw na iyon ay hindi kayo hihingi sa akin ng anuman. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang inyong hingin sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 24Hanggang ngayon ay wala pa kayong hiningi sa pangalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang malubos ang inyong kagalakan.

   
 25Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo sa pamamagitan ng mga talinghaga. Darating ang oras na hindi na ako magsasalita sa inyo sa pamamagitan ng mga talinghaga. Subalit maliwanag kong ipapahayag sa inyo ang patungkol sa Ama. 26Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa pangalan ko. Hindi ko sinasabi sa inyo na dadalangin ako sa Ama para sa inyo. 27Ito ay sapagkat ang Ama mismo ang siyang umiibig sa inyo sapagkat inibig ninyo ako. At sumampalataya rin kayo na ako ay nagmula sa Diyos. 28Ako ay nagmula sa Ama at pumarito sa sanlibutan. Muli, iiwanan ko ang sanlibutan at pupunta ako sa Ama.

   
 29Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Tingnan ninyo. Ngayon ay nagsasalita ka ng maliwanag at hindi sa talinghaga. 30Ngayon ay natitiyak namin na alam mo ang lahat ng mga bagay. Hindi na kailangan na tanungin ka pa ng sinuman. Sa pamamagitan nito ay sumasampalataya kaming ikaw ay nagmula sa Diyos.

   
 31Sumagot sa kanila si Jesus: Sumasampalataya na ba kayo ngayon? 32Narito, dumarating na ang oras at dumating na ngayon, na kayo ay maghihiwa-hiwalay at iiwanan ninyo akong mag-isa. Gayunman ako ay hindi nag-iisa sapagkat ang Ama ay kasama ko.

   
 33Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay mayroon kayong paghihirap. Lakasan ninyo ang inyong loob, napagtagumpayan ko na ang sanlibutan.

 

 

Juan 17

 

Nanalangin si Jesus Kara sa Kaniyang Sarili

 

 1Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito at tumingin siya sa langit at nagsabi:
      Ama ang oras ay dumating na. Luwalhatiin mo ang
   iyong Anak at nang luwalhatiin ka rin naman ng Anak.
    2Kung paanong binigyan mo siya ng kapamahalaan sa
   lahat ng tao, sa gayunding paraan siya ay magbibigay ng
   buhay na walang hanggan sa lahat ng ibinigay mo sa
   kaniya. 3Ito ang buhay na walang hanggan: Ang makilala
   ka nila, ang tanging Diyos na totoo at si Jesucristo na
   iyong sinugo. 4Niluwalhati kita sa lupa. Ginanap ko ang
   gawaing ibinigay mo sa akin upang aking gawin.
    5Ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong sarili ng
   kaluwalhatiang taglay ko nang kasama ka bago pa likhain
   ang sanlibutan.

 

Ipinanalangin ni Jesus ang mga Alagad

   
 6Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong
   ibinigay mo sa akin mula sa sangkatauhan. Sila ay iyo at
   ibinigay mo sila sa akin. Tinupad nila ang iyong salita.
    7Ngayon ay alam nila na lahat ng mga bagay na ibinigay
   mo sa akin ay mula sa iyo. 8Ito ay sapagkat ibinigay ko sa
   kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin. Tinanggap
   nila ang mga ito. Totoong alam nila na ako ay nagmula sa
   iyo. Sila ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin.
    9Ipinapanalangin ko sila. Hindi ko ipinapanalangin ang
   sangkatauhan kundi sila na ibinigay mo sa akin sapagkat
   sila ay iyo. 10Ang lahat ng sa akin ay iyo at ang mga sa
   iyo ay akin. Ako ay naluluwalhati sa kanila. 11Ngayon ay
   wala na ako sa sanlibutan ngunit sila ay nasa sanlibutan
   pa. Ako ay patungo sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila
   sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Ingatan mo
   sila upang sila ay maging isa, kung papaanong tayo ay isa.
    12Nang ako ay kasama nila sa sanlibutan ay iningatan ko
   sila sa iyong pangalan. Ang mga ibinigay mo sa akin ay
   iningatan ko. Walang sinuman sa kanila ang napahamak
   maliban sa kaniya na anak ng kapahamakan upang ang
   kasulatan ay matupad.
    13Pupunta ako sa iyo ngayon. Ang mga bagay na ito
   ay sinasabi ko sa sanlibutan upang ang aking kagalakan ay
   malubos sa kanila. 14Ibinigay ko sa kanila ang iyong
   salita. Sila ay kinapootan ng sangkatauhan dahil sila ay
   hindi taga-sanlibutan, tulad ko rin na hindi taga-sanlibutan.
    15Hindi ko idinadalangin na kunin mo sila sa sanlibutan
   kundi ingatan mo sila mula sa kaniya na masama. 16Sila
   ay hindi taga-sanlibutan tulad ko na hindi taga-sanlibutan.
    17Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng iyong katotohanan.
   Ang iyong salita ay katotohanan. 18Kung papaanong
   sinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman sinugo
   ko sila sa sanlibutan. 19Para sa kanilang kapakanan pinabanal
   ko ang aking sarili upang sila ay maging banal din naman
   sa pamamagitan ng katotohanan.

 

Ipinanalangin ni Jesus ang Lahat ng Mananampalataya

   
 20Hindi lamang sila ang aking mga idinadalangin.
   Idinadalangin ko rin naman ang mga sasampalataya sa
   akin sa pamamagitan ng salita nila. 21Idinadalangin ko
   na sila ay maging isa, Ama, tulad mo na sumasa akin at
   ako ay sumasa iyo. Idinadalangin ko na silang lahat ay
   maging isa sa atin, upang ang sangkatauhan ay
   sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 22Ang
   kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa
   kanila upang sila ay maging isa tulad natin na isa. 23Ako
   ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin upang sila ay maging
   ganap na isa at upang malaman ng sangkatauhan na
   isinugo mo ako. At malaman din nila na iniibig mo sila
   tulad ng pag-ibig mo sa akin.
    24Ama, nais ko na ang mga ibinigay mo sa akin ay
   makasama ko sa kinaroroonan ko. Ito ay upang mamasdan
   nila ang aking kaluwalhatian na iyong ibinigay sa akin.
   Sapagkat iniibig mo na ako bago pa itinatag ang sanlibutan.
    25Amang matuwid, hindi ka nakilala ng sangkatauhan.
   Ngunit nakikilala kita at alam ng mga ito na ako ay sinugo
   mo. 26Inihayag ko sa kanila ang iyong pangalan at
   ihahayag pa, upang ang pag-ibig mo, na kung saan ay
   inibig mo ako, ay mapasakanila at ako ay sumakanila.

 

 

Juan 18

 

Dinakip Nila si Jesus

 

 1Pagkasabi ni Jesus ng mga salitang ito ay umalis siya kasama ang kaniyang mga alagad. Sila ay nagtungo sa kabila ng batis ng Kedron na kung saan ay may isang halamanan. Siya at ang kaniyang mga alagad ay pumasok doon.

   
 2Si Judas na magkakanulo sa kaniya ay alam din ang pook na iyon sapagkat si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay madalas na magtipon doon. 3At dumating si Judas kasama ang batalyon ng mga kawal at mga opisyales mula sa mga pinunong-saserdote at mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga sulo, mga ilawan at mga sandata.

   
 4Kaya nga, si Jesus na nalalaman ang lahat ng mga bagay na magaganap sa kaniya, ay sumalubong sa kanila. Sinabi niya sa kanila: Sino ang hinahanap ninyo?

   
 5Sumagot sila sa kaniya: Si Jesus na taga-Nazaret.
   Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako nga iyon. Si Judas na nagkanulo sa kaniya ay nakatayo ring kasama nila. 6Kaya nga, nang sabihin niya sa kanila: Ako nga iyon, napaurong sila at natumba sa lupa.

   
 7Muli nga niya silang tinanong: Sino ang hinahanap ninyo?
   Sinabi nila: Si Jesus na taga-Nazaret.

   
 8Sumagot si Jesus: Sinabi ko na sa inyo: Ako nga iyon. Kung ako nga ang inyong hinahanap, pabayaan ninyong umalis ang mga ito. 9Ito ay upang matupad ang pananalitang kaniyang sinabi: Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ako nawalan ni isa man.

   
 10Si Simon Pedro nga ay may tabak at binunot niya ito. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malcu.

   
 11Sinabi nga ni Jesus kay Pedro: Isalong mo ang iyong tabak. Hindi ba iinumin ko ang sarong ibinigay sa akin ng Ama?

 

Dinala Nila si Jesus kay Anas

 

 12Hinuli nga si Jesus ng pangkat ng mga kawal, ng kapitan at ng opisyales ng mga Judio at siya ay kanilang ginapos. 13Dinala muna nila siya kay Anas sapagkat siya ang biyenang lalaki ni Caifas na pinakapunong-saserdote ng taon ding iyon. 14Si Caifas ang nagbigay ng payo sa mga Judio na makakabuting may isang mamatay para sa mga tao.

 

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus sa Unang Pagkakataon

 

 15Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Jesus. Ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong-saserdote. Siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa bulwagan ng pinakapunong-saserdote. 16Si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan. Ang alagad na kilala ng pinakapunong-saserdote ay lumabas. Kinausap niya ang babaeng nagbabantay sa may pintuan at pinapasok si Pedro.

   
 17Ang utusang babae na nagbabantay ng pintuan ay nagsabi nga kay Pedro: Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?
   Sinabi niya: Hindi.

   
 18Ang mga alipin at mga tanod ng templo ay nakatayo roon. Sila ay nagpabaga ng uling sapagkat malamig doon at nagpapainit ng kanilang mga sarili. Si Pedro ay nakatayong kasama nila at nagpapainit ng kaniyang sarili.

 

Tinanong si Jesus ng Pinakapunong-saserdote

 

 19Ang pinakapunong-saserdote ay nagtanong kay Jesus patungkol sa kaniyang mga alagad at sa kaniyang turo.

   
 20Sumagot si Jesus sa kaniya: Ako ay hayagang nagsalita sa sangkatauhan. Ako ay laging nagtuturo sa sinagoga at sa templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabing anuman sa lihim. 21Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa akin kung ano ang sinabi ko sa kanila. Tingnan mo, alam nila ang sinabi ko.

   
 22Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, isa sa opisyales ng templo na nakatayo sa tabi, ang sumampal kay Jesus. Sinabi niya: Sumasagot ka ba nang ganyan sa pinakapunong-saserdote?

   
 23Sumagot sa kaniya si Jesus: Kung ako ay nagsalita ng masama, magbigay saksi ka patungkol sa masama. Kung mabuti ang aking sinasabi, bakit mo ako hinampas? 24Si Jesus ay nakagapos na ipinadala ni Anas kay Caifas na pinakapunong-saserdote.

 

Si Jesus ay Ipinagkaila ni Pedro sa Ikalawa at Ikatlong Pagkakataon

 

 25Si Simon Pedro ay nakatayo at siya ay nagpapainit ng kaniyang sarili. Sinabi nga nila sa kaniya: Hindi ba isa ka rin sa kaniyang mga alagad?
   Siya ay nagkaila at sinabi: Hindi.

   
 26Ang isa sa mga alipin ng pinakapunong-saserdote ay kamag-anak ng tinanggalan ni Pedro ng tainga. Siya ay nagsabi: Hindi ba nakita kitang kasama niya sa halamanan? 27Muling nagkaila si Pedro at kaagad ay tumilaok ang isang tandang.

 

Si Jesus sa Harap ni Pilato

 

 28Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa hukuman. Maaga pa noon. At sila ay hindi pumasok sa hukuman upang hindi sila madungisan at upang sila ay makakain sa Paglagpas. 29Kaya nga, lumabas si Pilato at sinabi sa kanila: Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?

   
 30Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Kung hindi siya gumagawa ng masama, hindi namin siya ibibigay sa iyo.

   
 31Sinabi nga ni Pilato sa kanila: Kunin ninyo siya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong kautusan.
   Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Wala kaming karapatang pumatay ng sinumang tao. 32Ito ay nangyari upang matupad ang sinabi ni Jesus. Ang salita na kaniyang sinabi ay nagpapahayag ng uri nang kamatayan na kaniyang ikamamatay.

   
 33Pumasok ngang muli si Pilato sa hukuman at tinawag si Jesus. Sinabi niya sa kaniya: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?

   
 34Sumagot sa kaniya si Jesus: Ito ba ay sinasabi mo mula sa iyong sarili? O may ibang nagsabi sa iyo patungkol sa akin?

   
 35Sumagot si Pilato: Ako ba ay isang Judio? Ibinigay ka sa akin ng iyong sariling bansa at ng mga pinunong-saserdote. Ano ba ang nagawa mo?

   
 36Sumagot si Jesus: Ang aking paghahari ay hindi sa sanlibutang ito. Kung ang aking paghahari ay sa sanlibutang ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit sa ngayon ang aking paghahari ay hindi mula rito.

   
 37Kaya nga, sinabi ni Pilato sa kaniya: Kung gayon, ikaw ba ay isang hari?
   Sumagot si Jesus: Tama ang iyong sinabi sapagkat ako ay isang hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak. At sa kadahilanang ito ako ay naparito sa sanlibutan: Upang magpatotoo ako sa katotohanan. Ang bawat isa na nasa katotohanan ay dumirinig ng aking tinig.

   
 38Sinabi ni Pilato sa kaniya: Ano ang katotohanan? Pagkasabi niya nito ay muli siyang pumunta sa mga Judio. Sinabi niya sa kanila: Wala akong makitang kasalanan sa kaniya. 39Ngunit kayo ay may isang kaugalian na palayain ko sa inyo ang isa sa araw ng Paglagpas. Ibig nga ba ninyo na palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?

   
 40Lahat nga sila ay muling sumigaw na sinasabi: Hindi ang taong ito kundi si Barabas. Subalit si Barabas ay isang tulisan.

 

 

Juan 19

 

Iniutos ni Pilato na Ipako sa Krus si Jesus

 

 1Nang magkagayon, kinuha ni Pilato si Jesus at kaniyang hinagupit. 2Ang mga kawal ay nagsalapid ng isang koronang tinik. Inilagay nila ito sa kaniyang ulo at sinuotan nila siya ng balabal na kulay ube. 3Sinabi nila: Pagbati sa Hari ng mga Judio. At pinagsasampal nila siya.

   
 4Si Pilato nga ay muling lumabas at sinabi sa kanila: Narito, inilabas ko siya sa inyo. Ito ay upang inyong malaman na wala akong makitang anumang kasalanan sa kaniya. 5Lumabas nga si Jesus na suot ang koronang tinik at ang balabal na kulay ube. Sinabi ni Pilato sa kanila: Tingnan ninyo ang taong ito.

   
 6Nang makita nga siya ng mga pinunong-saserdote at ng opisyales ng templo, sila ay sumigaw na sinasabi: Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus.
   Sinabi ni Pilato sa kanila: Dalhin ninyo siya at ipako siya sa krus. Ito ay sapagkat wala akong makitang kasalanan sa kaniya.

   
 7Sumagot sa kaniya ang mga Judio: Kami ay may kautusan. Ayon sa aming kautusan, dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niya ang kaniyang sarili na Anak ng Diyos.

   
 8Nang marinig ni Pilato ang pananalitang iyon, lalo siyang natakot. 9Siya ay muling pumunta sa hukuman at sinabi kay Jesus: Saan ka ba nagmula? Hindi sumagot si Jesus sa kaniya. 10Sinabi nga ni Pilato sa kaniya: Hindi ka ba sasagot sa akin? Hindi mo ba alam na ako ay may kapamahalaang ipapako ka sa krus at kapamahalaang palayain ka?

   
 11Sumagot si Jesus: Hindi ka magkakaroon ng anumang kapamahalaan laban sa akin malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito ang nagbigay sa akin sa iyo ay higit ang kasalanan.

   
 12Mula noon tinangka ni Pilato na palayain siya. Ang mga Judio ay sumigaw na sinasabi: Kung palayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar. Kung ginagawang hari ng sinuman ang kaniyang sarili siya ay nagsasalita laban kay Cesar.

   
 13Nang marinig nga ni Pilato ang pananalitang iyon ay dinala niya si Jesus palabas. Siya ay umupo sa luklukan ng paghatol sa dakong tinatawag na Pabimento. Sa Hebreo, ito ay Gabata. 14Noon ay paghahanda ng Paglagpas.
   Nang mag-iikaanim na ang oras, sinabi ni Pilato sa mga Judio: Tingnan ninyo ang inyong hari.

   
 15Sila ay sumigaw: Alisin siya! Alisin siya! Ipako siya sa krus!
   Sinabi ni Pilato sa kanila: Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?
   Ang mga pinunong-saserdote ay sumagot: Wala kaming hari maliban kay Cesar.

   
 16Kaya nga, ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.

 

Ipinako Nila sa Krus si Jesus

 

   Kinuha nila si Jesus at siya ay inilayo. 17Lumabas siya habang pasan niya ang kaniyang krus. Pumunta siya sa dakong tinatawag na Pook ng Bungo. Ito ay tinatawag sa wikang Hebreo na Golgotha. 18Doon nila siya ipinako sa krus. Dalawa ang kasama niya, isa sa bawat panig at napapagitna si Jesus.

   
 19At si Pilato ay sumulat ng isang pamagat at inilagay ito sa krus. Ganito ang nakasulat: SI JESUS NA TAGA-NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO. 20Ang pamagat na ito ay nabasa ng maraming mga Judio. Ito ay sapagkat ang pook na pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lungsod. Ang pamagat ay isinulat sa salitang Hebreo, sa salitang Griyego at sa salitang Romano. 21Sinabi nga ng mga pinunong-saserdote ng mga Judio kay Pilato: Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio kundi sinabi niya: Ako ay Hari ng mga Judio.

   
 22Sumagot si Pilato: Ang naisulat ko na ay naisulat ko na.

   
 23Kaya nga, nang maipako na siya sa krus ng mga kawal, kinuha nila ang kaniyang mga kasuotan. Hinati nila ito sa apat na bahagi. Isang bahagi sa bawat kawal at gayundin ang kaniyang damit. Ngunit ang balabal ay walang tahi. Ito ay hinabing buo mula sa itaas pababa.

   
 24Sinabi nga nila sa isa't isa: Huwag natin itong punitin. Magpalabunutan tayo kung mapapasa kanino ito.
   Ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan na nagsasabi:
      Pinaghati-hatian nila ang aking damit at
      nagpalabunutan para sa aking balabal.

   Ginawa nga ng mga kawal ang mga bagay na ito.

   
 25Nakatayo sa malapit sa krus ni Jesus ang kaniyang ina. Naroon din ang kapatid na babae ng kaniyang ina, si Maria na asawa ni Cleofas at si Maria na taga-Magdala. 26Nakita ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang iniibig na nakatayo sa malapit, sinabi niya sa kaniyang ina: Ginang, narito ang iyong anak. 27Pagkatapos noon, sinabi niya sa alagad: Narito ang iyong ina. At mula sa oras na iyon ay dinala siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.

 

Namatay si Jesus

 

 28Pagkatapos nito, si Jesus na nakakaalam na ang lahat ng mga bagay ay naganap na, ay nagsabi: Ako ay nauuhaw. Sinabi niya ito upang matupad ang kasulatan. 29Mayroon doong nakalagay na isang sisidlang puno ng maasim na alak. Binasa nilang mabuti ng maasim na alak ang isang espongha. Inilagay nila ito sa isang sanga ng hisopo at idiniit sa kaniyang bibig. 30Nang matanggap na nga ni Jesus ang maasim na alak, sinabi niya: Naganap na. Itinungo niya ang kaniyang ulo at ibinigay niya ang kaniyang espiritu.

   
 31Noon ay araw ng Paghahanda. Ang araw ng Sabat na iyon ay dakila. Ang mga katawan ay hindi dapat manatili sa krus sa araw ng Sabat. Kaya nga, ang mga Judio ay humiling kay Pilato na kanilang baliin ang mga binti ng mga ipinako sa krus upang sila ay maalis. 32Dumating nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng una. Ganoon din ang ginawa sa isa na kasama niyang ipinako. 33Ngunit pagpunta nila kay Jesus, nakita nilang siya ay patay na kaya hindi na nila binali ang kaniyang mga binti. 34Subalit isa sa mga kawal na may sibat ang tumusok sa tagiliran ni Jesus. Ang dugo at tubig ay kaagad lumabas. 35Siya na nakakita nito ay nagpatotoo at ang kaniyang patotoo ay tunay. Alam niyang nagsasabi siya ng katotohanan upang kayo ay sumampalataya. 36Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang kasulatan:
      Isa mang buto niya ay hindi mababali.

    37Sinasabi sa isa pang kasulatan:
      Titingnan nila siya na kanilang tinusok.

 

Inilibing Nila si Jesus

 

 38Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay humiling kay Pilato na makuha niya ang katawan ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus bagamat palihim lamang dahil sa takot sa mga Judio. Pinahintulutan siya ni Pilato, kaya siya ay pumunta roon at kinuha ang katawan ni Jesus. 39Pumunta rin doon si Nicodemo. Siya iyong noong una ay pumunta kay Jesus nang gabi. Siya ay may dalang pinaghalong mira at aloe, na halos isang daang libra ang timbang. 40Kinuha nga nila ang katawan ni Jesus. Binalot nila ito ng telang lino kasama ang mga pabango. Ito ay ayon sa kaugalian ng paghahanda ng mga Judio sa paglilibing. 41Sa pook na pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan. Sa halamanang iyon ay may isang bagong libingan na hindi pa napaglilibingan. 42Doon nila inilagay si Jesus sapagkat noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio at malapit doon ang libingan.

 

 

Juan 20

 

Ang Libingang Walang Laman

 

 1Sa unang araw ng sanlinggo, maagang pumunta sa libingan si Maria na taga-Magdala. Madilim pa noon. Nakita niya na ang bato ay naalis sa libingan. 2Siya ay tumakbo at pumunta kay Simon Pedro at sa isang alagad na inibig ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan. Hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.

   
 3Lumabas nga si Pedro at ang isang alagad na iyon at pumunta sa libingan. 4Magkasamang tumakbo ang dalawa. Ang nasabing isang alagad ay tumakbo nang mabilis kaysa kay Pedro at naunang dumating sa libingan. 5Nang siya ay yumuko, nakita niya ang mga kayong lino na nakalapag. Gayunman ay hindi siya pumasok. 6Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at ito ay pumasok sa loob ng libingan. Nakita niyang nakalapag doon ang mga telang lino. 7Nakita rin niya ang panyong inilagay sa ulo ni Jesus na hindi kasamang nakalapag ng telang lino. Ito ay hiwalay na nakatiklop sa isang dako. 8Pumasok din naman ang isang alagad na iyon na naunang dumating sa libingan. Nakita niya at siya ay sumampalataya. 9Ito ay sapagkat hindi pa nila alam noon ang kasulatan, na siya ay dapat bumangon mula sa mga patay.

 

Nagpakita si Jesus kay Maria na Taga-Magdala

 

 10Ang mga alagad nga ay muling umalis pauwi sa kani-kanilang tahanan. 11Ngunit si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na tumatangis. Sa kaniyang pagtangis, siya ay yumuko at tumingin sa loob ng libingan. 12Nakita niyang nakaupo ang dalawang anghel na nakaputi. Ang isa ay nasa ulunan at ang isa ay nasa paanan ng pinaglagyan ng katawan ni Jesus.

   
 13Sinabi nila sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis?
   Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay. 14Pagkasabi niya ng mga ito, siya ay tumalikod at nakita niya si Jesus na nakatayo. Hindi niya alam na iyon ay si Jesus.

   
 15Sinabi ni Jesus sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis? Sino ang hinahanap mo?
   Inakala niyang siya ang tagapag-alaga ng halamanan. Kaya sinabi niya sa kaniya: Ginoo, kung kinuha mo siya rito, sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay. Kukunin ko siya.

   
 16Sinabi ni Jesus sa kaniya: Maria.
   Humarap siya at sinabi sa kaniya: Raboni! Ang ibig sabihin nito ay guro.

   
 17Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko. Sabihin mo sa kanila na ako ay papaitaas sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.

   
 18Si Maria na taga-Magdala ay pumunta sa mga alagad. Sinabi niya sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At ang mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa kaniya.

 

Nagpakita si Jesus sa Kaniyang mga Alagad

 

 19Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo, nagtipon ang mga alagad. Ipininid nila ang mga pinto dahil sa takot nila sa mga Judio at dumating si Jesus at tumayo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. 20Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. Kaya nga, nagalak ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.

   
 21Sinabi ngang muli ni Jesus sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. Kung papaano ako isinugo ng Ama, gayundin, isinusugo ko kayo. 22Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi sa kanila: Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23Ang kaninumang mga kasalanan na inyong pinatatawad ay ipinatatawad iyon sa kanila. Ang kaninumang mga kasalanan na hindi ninyo pinatatawad, ang mga ito ay hindi pinatatawad.

 

Nagpakita si Jesus kay Tomas

 

 24Si Tomas na isa sa labindalawang alagad ay tinatawag na Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. 25Sinabi nga ng ibang mga alagad sa kaniya: Nakita namin ang Panginoon.
   Sinabi niya sa kanila: Malibang makita ko ang tanda ng mga pako sa kaniyang mga kamay at mailagay ko ang aking mga daliri roon, at maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, kailanman ay hindi ako maniniwala.

   
 26Makalipas ang walong araw, ang mga alagad ay nasa loob muli ng bahay at kasama nila si Tomas. Kahit na nakapinid ang mga pinto dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. At sinabi niya: Kapayapaan ang sumainyo. 27Pagkatapos noon, sinabi niya kay Tomas: Ilagay mo ang iyong daliri rito at tingnan mo ang aking mga kamay. Iabot mo ang iyong kamay rito at ipasok sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, kundi sumampalataya ka.

   
 28Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at aking Diyos.

   
 29Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tomas, sumampalataya ka dahil nakita mo ako. Pinagpala sila na hindi nakakita ngunit sumampalataya.

   
 30Marami pang ibang mga tanda ang ginawa ni Jesus sa harapan ng kaniyang mga alagad. Ang mga ito ay hindi nasusulat sa aklat na ito. 31Ngunit ang mga ito ay sinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. At ang mga ito ay sinulat upang pagkatapos ninyong sumampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.

 

 

Juan 21

 

Si Jesus at ang Mahimalang Paghuli ng Isda

 

 1Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpakitang muli si Jesus sa kaniyang mga alagad sa lawa ng Tiberias. Ganito siya nagpakita: 2Magkakasama sina Simon Pedro at Tomas na tinatawag na Kambal at si Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo at dalawa pang mga alagad. 3Sinabi ni Simon Pedro sa kanila: Mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya: Sasama rin kami sa iyo. Lumabas sila mula roon at agad-agad na sumakay sa bangka. Wala silang nahuli nang gabing iyon.

   
 4Nang magbubukang-liwayway na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Gayunman, hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus.

   
 5Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Mga anak, may pagkain ba kayo?
   Sumagot sila sa kaniya: Wala.

   
 6At sinabi niya sa kanila: Ihagis ninyo ang lambat sa dakong kanan ng bangka at makakasumpong kayo. Inihagis nga nila at hindi na nila kayang hilahin ang kanilang lambat dahil sa dami ng isda.

   
 7Kaya ang alagad na iyon na inibig ni Jesus ay nagsabi kay Pedro: Ang Panginoon iyon. Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, isinuot niya ang kaniyang pang-itaas na damit dahil siya ay nakahubad. At tumalon siya sa lawa. 8Ang ibang mga alagad ay dumating na sakay ng maliit na bangka. Hinihila nila ang lambat na may mga isda sapagkat hindi gaanong malayo sa pampang kundi may dalawang-daang siko lamang ang layo mula sa lupa. 9Pagkalunsad nila sa lupa, nakakita sila ng mga nagbabagang uling. May mga isdang nakapatong doon. May mga tinapay rin.

   
 10Sinabi ni Jesus sa kanila: Dalhin ninyo rito ang mga isda na ngayon lang ninyo nahuli.

   
 11Umahon si Simon Pedro. Hinila niya ang lambat sa dalampasigan. Ang lambat ay puno ng mga malalaking isda. Isang daan at limampu't tatlo ang kanilang bilang. Kahit na ganoon karami ang isda, hindi napunit ang lambat. 12Sinabi ni Jesus sa kanila: Halikayo at mag-agahan. Walang sinuman sa mga alagad ang naglakas ng loob na magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon. 13Kaya nga, lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14Ito na ang ikatlong ulit na nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad mula nang siya ay ibinangon mula sa mga patay.

 

Si Pedro ay Muling Pinatatag ni Jesus

 

 15Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?
   Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw ako sa iyo.
   Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pakainin mo ang aking mga batang tupa.

   
 16Sinabi niyang muli sa kaniya sa ikalawang pagkakataon: Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako?
   Sinabi ni Pedro sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw ako sa iyo.
   Sinabi ni Jesus sa kaniya: Alagaan mo ang aking mga tupa.

   
 17Sinabi ni Jesus sa kaniya sa ikatlong pagkakataon: Simon, anak ni Jonas, may paggiliw ka ba sa akin?
   Nagdalamhati si Pedro sapagkat sa ikatlong pagkakataon ay sinabi ni Jesus sa kaniya: May paggiliw ka ba sa akin? Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay. Alam mo na may paggiliw ako sa iyo.
   Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pakanin mo ang aking mga tupa. 18Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Noong ikaw ay bata pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili. Lumalakad ka kung saan mo ibig. Kapag matanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo. At dadalhin ka sa hindi mo ibig. 19Sinabi niya ito upang ipahayag kung paano siya mamamatay at maluwalhati niya ang Diyos. Pagkasabi niya nito, sinabi niya sa kaniya: Sumunod ka sa akin.

   
 20Ngunit lumingon si Pedro at nakita niya na sumusunod ang alagad na inibig ni Jesus. Siya rin ang nakahilig sa dibdib ni Jesus nang sila ay naghapunan na nagsabi: Panginoon, sino siya na magkakanulo sa iyo? 21Nang makita siya ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: Panginoon, ano naman ang gagawin ng isang ito?

   
 22Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung iibigin kong manatili siya hanggang sa pagbalik ko, ano ito sa iyo? Sumunod ka sa akin. 23Kaya nga, ang pananalitang ito ay kumalat sa mga kapatiran, na ang alagad na iyon ay hindi mamamatay. Gayunman, hindi sinabi ni Jesus sa kaniya: Hindi siya mamamatay. Ang sinabi niya: Kung iibigin ko na siya ay manatili hanggang sa aking pagbabalik, ano ito sa iyo?

   
 24Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito at sumulat sa mga bagay na ito. Alam namin na ang kaniyang patotoo ay totoo.

   
 25Marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus. Kung isusulat ng isa-isa ang mga ito, ipinapalagay kong maging ang sanlibutan ay hindi makakakaya ng mga aklat na masusulat. Siya nawa!

 

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

 

Mga Gawa

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13 | 14 | 15 | 16 | 17 | 18 | 19 | 20 | 21 | 22 | 23 | 24 | 25 | 26 | 27 | 28

Mga Gawa 1

Si Jesus ay Umakyat sa Langit

 1 O Teofilo, ako ay sumulat ng unang salaysay patungkol sa lahat ng sinimulang ginawa at itinuro ni Jesus. 2Siya ay gumawa at nagturo hanggang sa araw na siya ay dinala paitaas. Nangyari ito pagkatapos niyang magbigay, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ng mga utos sa mga apostol na kaniyang pinili. 3Pagkatapos ng kaniyang paghihirap, nagpakita rin siyang buhay sa kanila sa pamamagitan ng maraming katibayan. Siya ay nakita nila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita siya ng mga bagay patungkol sa paghahari ng Diyos. 4Sa pakikipagtipon niya sa kanila, siya ay nag-utos sa kanila: Huwag kayong umalis sa Jerusalem, sa halip ay hintayin ninyo ang pangako ng Ama na inyong narinig mula sa akin. 5Ito ay sapagkat totoong si Juan ay nagbawtismo sa tubig ngunit kayo ay babawtismuhan sa Banal na Espiritu ilang araw pa mula ngayon.

   
 6Nang sila nga ay nagkatipun-tipon, nagtanong sila sa kaniya: Panginoon, ibabalik mo bang muli ang paghahari sa Israel sa panahong ito?

   
 7Sinabi niya sa kanila: May oras o mga panahon na inilagay ng Ama sa sarili niyang kapamahalaan. Ang pagkaalam sa mga ito ay hindi para sa inyo. 8Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating na sa inyo ang Banal na Espiritu. Kayo ay magiging mga patotoo sa akin sa Jerusalem, sa buong Judea, sa Samaria at sa pinakamalayong bahagi ng lupa.

   
 9Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, habang sila ay nakamasid, siya ay dinala paitaas. At ikinubli siya ng isang ulap sa kanilang paningin.

   
 10Nang nakatitig sila, habang siya ay pumapaitaas, narito, dalawang lalaki na nakaputing damit ang tumayo sa tabi nila. 11Sinabi ng dalawang lalaki: Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatitig sa langit? Itong si Jesus na dinala sa langit mula sa inyo ay babalik din katulad ng pagpunta niya sa langit na inyong nakita.

 

Pinili si Matias Bilang Kapalit ni Judas

 

 12Pagkatapos nito, sila ay bumalik sa Jerusalem mula sa bundok na tinatawag na mga puno ng Olibo, na malapit sa Jerusalem. Ito ay lakbaying makakaya sa isang araw ng Sabat. 13At nang makapasok na sila, umakyat sila sa silid sa itaas. Doon nanunuluyan sina Pedro, Santiago, Juan, Andres, Felipe, Tomas, Bartolomeo, Mateo at Santiago na anak ni Alfeo. Gayundin si Simon na Makabayan at si Judas na kapatid ni Santiago. 14Silang lahat ay matatag na nagpatuloy na nagkakaisa sa pananalangin at paghiling. Kasama nila ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus. Kasama rin nila ang mga lalaking kapatid ni Jesus.

   
 15At sa mga araw na iyon, si Pedro ay tumindig sa kalagitnaan ng mga alagad. Ang bilang ng pangalan ng mga nagtipon ay halos isangdaan at dalawampu. 16Sinabi niya: Mga kapatid, kinakailangang maganap ang kasulatang ito na sinabi ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng bibig ni David. Ito ay ang patungkol kay Judas na naging gabay ng mga dumakip kay Jesus. 17Ito ay sapagkat siya ay napabilang sa atin at nagkaroon ng bahagi sa paglilingkod na ito.

   
 18Ang lalaking ito ay bumili ng isang parang mula sa kabayaran ng kalikuan. Doon ay bumagsak siya na nauna ang ulo. Bumuka ang kaniyang katawan at sumambulat ang lahat ng kaniyang bituka. 19Ito ay nalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem. Sa ganito tinawag ang parang na iyon sa kanilang wika na Akeldama. Ang kahulugan nito ay parang ng dugo.

   
 20Ito ay sapagkat sinasabi ng kasulatan sa aklat ng mga Awit:
      Hayaang ang kaniyang tahanan ay maging
      mapanglaw. Huwag patirahin ang sinuman
      doon. Hayaang kunin ng iba ang kaniyang
      pamamahala.

    21Kaya nga, kinakailangang pumili tayo sa mga lalaking nakasama sa buong panahon na ang Panginoong Jesus ay pumaparoon at pumaparitong kasama natin. 22Kailangang nakasama natin siya mula sa pagbabawtismo ni Juan hanggang sa araw na siya ay dinala paitaas mula sa atin. Pipiliin natin ang isa sa kanila upang maging kasama nating tagapagpatotoo patungkol sa kaniyang pagkabuhay na mag-uli.

   
 23At nagmungkahi sila ng dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas na ang palayaw ay Justo, at si Matias. 24Nanalangin sila at nagsabi: Ikaw Panginoon ang nakakaalam ng mga puso ng lahat. Ipakita mo kung sino sa dalawang ito ang iyong pinili. 25Ipakita mo kung sino ang tatanggap ng bahagi ng paglilingkod na ito at ng pagka-apostol na kung saan si Judas ay sumalangsang. Nangyari ito upang siya ay pumaroon sa dakong karapat-dapat sa kaniya. 26Sila ay nagpalabunutan at si Matias ang napili. Siya ay ibinilang sa labing-isang apostol.

 

 

Mga Gawa 2

 

Dumating ang Banal na Espiritu ng Araw ng Pentecostes

 

 1Nang sumapit ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nasa iisang pook na nagkakaisa. 2Sila ay nakaupo sa loob ng isang bahay. Biglang may umugong mula sa langit tulad ng humahagibis na marahas na hangin at pinuno nito ang buong bahay. 3May nagpakita sa kanila na nagkakabaha-bahaging mga dila tulad ng apoy at ito ay lumapag sa bawat isa sa kanila. 4At silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa ibinigay ng Espiritu sa kanila na kanilang sasabihin.

   
 5Sa Jerusalem ay may mga Judiong naninirahan ng mga panahong iyon. Sila ay mga lalaking palasamba sa Diyos na mula sa bawat bansa sa ilalim ng langit. 6Nang marinig nila ang usap-usapan ng kanilang pagsasalita, maraming tao ang sama-samang pumunta at sila ay nabalisa sapagkat narinig nila ang mga apostol na nagsasalita sa sariling wika ng mga nakikinig. 7Ang lahat ay namangha at nagtaka. Sinabi nila sa isa't isa: Narito, hindi ba ang lahat ng mga nagsasalitang ito ay mga taga-Galilea? 8Papaanong nangyari na naririnig natin ang bawat isa sa kanila na nagsasalita ng sarili nating wika na ating kinagisnan? 9Tayo ay taga-Partia, taga-Media at taga-Elam. May mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocea. May mga naninirihan sa Pontus at sa Asya. 10May mga naninirahan sa Frigia, sa Pamfilia, sa Egipto at sa mga bahagi ng Libya na nasa palibot ng Cerene. May mga dumalaw na mula sa Roma, kapwa mga Judio at mga naging Judio. 11May mga taga-Creta at taga-Arabya. Sa sarili nating mga wika ay naririnig natin silang nagsasalita ng mga dakilang bagay ng Diyos. 12Lahat ay namangha at nalito. Sinabi nila sa isa't isa: Ano kaya ang ibig sabihin nito?

   
 13Ang iba ay nangungutyang nagsabi: Sila ay mga lango sa bagong alak.

 

Nagsalita si Pedro sa Maraming Tao

 

 14Ngunit si Pedro ay tumayo kasama ng labing-isa. Nilakasan niya ang kaniyang tinig at nagsalita siya sa kanila: Mga lalaking taga-Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, alamin ninyo ito at makinig sa aking mga salita. 15Sila ay hindi mga lasing tulad ng inaakala ninyo sapagkat ika-tatlo pa lamang ang oras ngayon. 16Subalit ito ang sinabi ng propetang si Joel:
       17Mangyayari sa mga huling araw, sabi ng
      Diyos: Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat
      ng mga tao. Ang inyong mga anak na lalaki at
      mga anak na babae ay maghahayag ng salita ng
      Diyos. Ang inyong mga kabataang lalaki ay
      makakakita ng mga pangitain. Ang inyong mga
      matandang lalaki ay mananaginip ng mga
      panaginip. 18Sa mga araw na iyon, ibubuhos
      ko ang aking Espiritu sa aking mga aliping
      lalaki at mga aliping babae. At sila ay
      maghahayag ng salita ng Diyos. 19Magpapakita
      ako ng mga kamangha-manghang gawa sa langit
      na nasa itaas at mga tanda sa lupa na nasa ibaba.
      Ang mga tanda na ito ay ang dugo, apoy at
      sumisingaw na usok. 20Ang araw ay magiging
      kadiliman at ang buwan ay magiging dugo. Ito
      ay mangyayari bago dumating ang dakila at
      hayag na araw ng Panginoon. 21Mangyayari
      na ang bawat isang tatawag sa pangalan ng
      Panginoon ay maliligtas.

   
 22Mga lalaking taga-Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga-Nazaret ay isang lalaking pinagtibay ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga himala at mga kamangha-manghang gawa at mga tanda. Ang mga ito ay ginawa ng Diyos sa inyong kalagitnaan sa pamamagitan niya, katulad ng inyong pagkaalam. 23Siya rin na ibinigay ng napagpasiyahang-layunin at kaalamang una ng Diyos ay inyong dinakip. Sa pamamagitan ng iyong mga kamay na walang kinikilalang kautusan ng Diyos ay ipinako ninyo siya sa krus at pinatay. 24Siya ang ibinangon ng Diyos sa pagkakalag ng matinding hirap ng kamatayan sapagkat hindi siya maaring pigilin ng kamatayan. 25Ito ay sapagkat si David nga ay nagsabi ng patungkol sa kaniya:
      Nakita ko nang una ang Panginoon sa harapan
      ko sa lahat ng panahon. Dahil siya ay nasa aking
      kanang kamay, hindi ako makilos. 26Kaya nga,
      ang puso ko ay nasiyahan at ang dila ko ay
      lubhang nagalak. Gayundin ang aking katawan
      ay magpapahingalay sa pag-asa. 27Ito ay
      sapagkat hindi mo iiwanan ang aking kaluluwa
      sa Hades. Hindi mo rin pahihintulutan na
      ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan.
       28Ipinakita mo sa akin ang mga landas ng
      buhay. Pupunuin mo ako ng kagalakan sa
      pamamagitan ng anyo ng iyong mukha.

   
 29Mga kapatid, hayaan ninyo akong magsalita ng malaya patungkol sa ating dakilang ninunong si David. Siya ay namatay at inilibing at hanggang sa araw na ito, ang kaniyang libingan ay narito sa atin. 30Siya nga ay isang propeta at alam niya ang sinumpaang pangako ng Diyos sa kaniya. Ipinangako sa kaniya na mula sa bunga ng kaniyang katawan ayon sa laman ay ititindig niya ang Mesiyas upang iluklok sa kaniyang trono. 31Dahil nakita na niya ito nang una pa kaya nagsalita siya patungkol sa pagkabuhay muli ng Mesiyas. Sinabi niya na ang kaniyang kaluluwa ay hindi pinabayaan sa Hades ni nakakita ng kabulukan ang kaniyang katawan. 32Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at kaming lahat ay mga saksi. 33Siya ay itinaas upang mapasa kanang kamay ng Diyos. Sa pagtanggap niya mula sa Ama ng pangako ng Banal na Espiritu, ito na ngayon ay inyong nakikita at naririnig ay kaniyang ibinuhos. 34Ito ay sapagkat si David nga ay hindi umakyat sa langit ngunit siya ang nagsabi:
      Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon:
      Maupo ka sa kanang bahagi ko. 35Maupo ka
      riyan hanggang sa ang mga kaaway mo ay
      mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa tulad
      ng isang tuntungan.

   
 36Alamin ngang may katiyakan ng lahat ng sambahayan ni Israel na ginawa ng Diyos, itong si Jesus na inyong ipinako sa krus, na Panginoon at Mesiyas.

   
 37Nang marinig nga nila ito, nabagabag ang kanilang mga puso. Sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol: Mga kapatid, ano ang gagawin namin?

   
 38Sinabi ni Pedro sa kanila: Magsisi kayo at magpabawtismo sa pangalan ni Jesucristo patungkol sa pagpapatawad ng inyong mga kasalanan. At tatanggapin ninyo ang kaloob na Banal na Espiritu. 39Ito ay sapagkat ang pangakong ito ay para sa inyo at sa inyong mga anak at sa lahat ng nasa malayo gaano man karami ang tawagin ng ating Panginoon Diyos.

   
 40Siya ay nagpatotoo at nangaral pa sa kanila sa pamamagitan ng marami pang ibang mga salita. Sinabi niya sa kanila: Iligtas ninyo ang inyong mga sarili sa likong lahing ito. 41Kaya ang mga tumanggap ng kaniyang salita na may kasiyahan ay nabawtismuhan. At sa araw na iyon, nadagdag sa kanila ang may tatlong libong kaluluwa.

 

Ang Pagsasama-sama ng mga Mananampalataya

 

 42Sila ay matatag na nagpatuloy sa turo ng mga apostol, sa pagkikipag-isa, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa mga pananalangin. 43Nagkaroon ng takot sa bawat kaluluwa. At maraming mga kamangha-manghang gawa at mga tanda ang nangyari sa pamamagitan ng mga apostol. 44Ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at nagbabahaginan sa lahat ng mga bagay. 45Ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga tinatangkilik at ipinamahagi sa sinumang may pangangailangan. 46Sila ay matatag na nagpatuloy sa templo araw-araw na nagkakaisa. Sila ay nagpuputul-putol ng tinapay sa kanilang mga bahay at tumatanggap ng pagkain na may kasiyahan at kababaang-loob. 47Sila ay nagpupuri sa Diyos at kinaluluguran ng lahat ng mga tao. Idinagdag ng Panginoon sa kapulungan araw-araw ang mga naliligtas.

 

 

Mga Gawa 3

 

Pinagaling ni Pedro ang Pulubing Lumpo

 

 1Sina Pedro at Juan ay magkasamang umahon sa templo sa oras ng pananalangin. Ang oras ay ika-siyam. 2Mayroong isang lalaking lumpo mula pa sa sinapupunan ng kaniyang ina. Araw-araw siya ay dinadala at inilalagay sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda. Dinadala siya roon upang humingi ng kaloob sa mga kahabag-habag mula sa mga pumupunta sa templo. 3Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok na sa templo, humingi siya ng kaloob sa mga kahabag-habag. 4Si Pedro at Juan ay tumitig sa kaniya. Sinabi ni Pedro sa kaniya: Tingnan mo kami. 5Pinagmasdan niya sila dahil umaasa siyang makakatanggap ng isang bagay mula sa kanila.

   
 6Sinabi ni Pedro: Wala akong pilak at ginto, ngunit anuman ang nasa akin, ibibigay ko sa iyo. Sa pangalan ni Jesucristo na taga-Nazaret, tumindig ka at lumakad ka. 7Pagkahawak sa kaniyang kamay, itinindig niya siya. Pagdaka, ang kaniyang mga paa at bukong-bukong ay lumakas. 8Lumukso siya at tumayo at lumakad. At habang pumapasok siya sa templo na kasama nila, siya ay lumalakad at lumulukso na nagpupuri sa Diyos. 9Ang lahat ng tao ay nakakita na siya ay lumalakad at nagpupuri sa Diyos. 10Nakilala nila siya na siya iyong umuupo sa pintuang Maganda ng templo, upang manghingi ng kaloob sa kahabag-habag. Sila ay lubos na namangha at labis na nagtaka sa nangyari sa kaniya.

 

Nagsalita si Pedro sa mga Nanonood

 

 11Habang ang lalaking lumpo na pinagaling ay nakahawak kay Pedro at Juan, ang mga tao ay sama-samang tumakbo patungo sa kanila na lubos na namangha. Sila ay nasa portiko na tinatawag na portiko ni Solomon. 12Nang makita ito ni Pedro, sumagot siya sa mga tao: Mga lalaking taga-Israel, bakit kayo namamangha sa bagay na ito? Bakit ninyo kami tinititigan na parang nakalakad ang lalaking ito sa pamamagitan ng sarili naming kapangyarihan o ng aming pagkamaka-Diyos? 13Ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, ang Diyos ng mga ninuno natin ay lumuwalhati kay Jesus na kaniyang lingkod. Siya ang inyong ibinigay at inyong ipinagkaila sa harapan ni Pilato na pinasyahan niyang palayain. 14Ipinagkaila ninyo ang Banal at Matuwid. At hiniling ninyo na ibigay sa inyo ang isang lalaking mamamatay-tao. 15Ngunit pinatay ninyo ang pinagmulan ng buhay, na siyang ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. Kami ay nagpapatotoo patungkol sa pangyayaring ito. 16At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang pangalan, ang lalaking ito na inyong nakikita at nakikilala ay pinalakas sa kaniyang pangalan. Ang pananampalataya sa pamamagitan niya ang nagbigay sa kaniya nitong lubos na kagalingan sa harapan ninyong lahat.

   
 17Ngayon, mga kapatid na lalaki, alam kong kayo ay gumawa sa kawalang-kaalaman tulad din ng inyong mga pinuno. 18Sa ganitong paraan tinupad ng Diyos ang inihayag noon sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng kaniyang mga propeta. Inihayag nila na ang Mesiyas ay dapat maghirap. At ito ay tinupad niya. 19Magsisi nga kayo at magbalik-loob para sa pagpawi ng inyong mga kasalanan. Ito ay upang dumating ang mga panahon ng pananariwa mula sa harapan ng Panginoon. 20Ito rin ay upang isugo niya si Jesucristo na ipinangaral noon sa inyo. 21Si Jesucristo ang tunay na dapat manatili sa langit hanggang sa panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. Ito ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong unang panahon. 22Ito ay sapagkat tunay na sinabi ni Moises sa ating mga ninuno:
      Ang Panginoon ninyong Diyos ay magtitindig
      sa inyo ng isang propeta na tulad ko. Siya ay
      magmumula sa inyong mga kapatid. Siya ang
      inyong pakikinggan sa lahat ng bagay anuman
      ang sabihin niya sa inyo. 23Mangyayari na ang
      bawat kaluluwa na hindi makikinig sa propetang
      iyon ay malilipol mula sa mga tao.

   
 24Tunay na ang lahat ng mga propeta mula kay Samuel at ang mga sumunod ay naghayag. Ang mga araw na ito ay inihayag na noon ng lahat ng mga nagsalita. 25Kayo ang mga anak na lalaki ng mga propeta at ng tipan na ipinakipagtipan ng Diyos sa ating mga ninuno. Sinabi niya kay Abraham:
      Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain
      ang lahat ng sambahayan sa lupa.

    26Nang itindig ng Diyos ang kaniyang lingkod na si Jesus, siya ay isinugo muna sa inyo upang pagpalain kayo sa pagtalikod ng bawat isa sa inyo mula sa inyong mga kasamaan.

 

 

Mga Gawa 4

 

Si Pedro at Juan sa Harapan ng Sanhedrin

 

 1Habang sila ay nagsasalita sa mga tao, dumating ang mga saserdote, ang pinunong kawal ng templo at ang mga Saduseo. 2Ang mga ito ay nababahala sapagkat tinuturuan nila ang mga tao at inihayag nila na ang pagkabuhay-muli mula sa mga patay ay sa pamamagitan ni Jesus. 3Dinakip sila ng mga tao at ibinilanggo hanggang kinabukasan dahil noon ay gabi na. 4Gayunman, marami sa nakarinig ng salita ang sumam-palataya. Ang kabuuang bilang ng mga lalaki ay umabot na nang halos limang libo.

   
 5Nangyari, kinabukasan, na nagtipun-tipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno at mga matanda at mga guro ng kautusan. 6Kasama dito sila Anas na pinakapunong-saserdote, at si Caifas, at si Juan, at si Alexandro, at ang lahat ng mga angkan ng mga pinunong-saserdote. 7Pagkalagay nila sa kanila sa kalagitnaan, tinanong nila sila: Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginawa ito?

   
 8Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay nagsabi sa kanila: 9Mga pinuno ng mga tao at mga matanda ng Israel, sa araw na ito ay sinisiyasat ninyo kami sa mabuting gawa na ginawa sa lalaking lumpo, kung papaano siya gumaling. 10Alamin ninyong lahat ito at ng lahat ng mga tao sa Israel: Ang lalaking ito ay nakatayo sa inyong harapan na magaling. Siya ay gumaling sa pamamagitan ng pangalan ni Jesucristo na taga-Nazaret na inyong ipinako sa krus, na ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. 11Siya ang:
      Bato na hinamak ninyo na mga tagapagtayo.
      Siya ang naging batong-panulok.

    12Wala nang ibang kaligtasan sa kanino man sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ikaliligtas natin.

   
 13Kanilang nakita ang katapangan nina Pedro at Juan at nalaman nilang sila ay mga lalaking hindi nakapag-aral at hindi naturuan. Nang makita nila ito, sila ay namangha at nakilala nilang sila ay nakasama ni Jesus. 14Ngunit nang makita nilang nakatayong kasama nila ang lalaking pinagaling, wala silang masabing laban dito. 15At inutusan nila silang lumabas sa Sanhedrin, sila ay nagsanggunian sa isa't isa. 16Kanilang sinabi: Anong gagawin natin sa mga lalaking ito? Ito ay sapagkat tunay na ang tanyag na tanda na nangyari sa pamamagitan ng mga lalaking ito ay nalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem at hindi natin ito maikakaila. 17Upang hindi na ito kumalat pa sa mga tao, bantaan natin sila na mula ngayon ay huwag nang magsalita sa kaninuman sa pangalang ito.

   
 18Tinawag nila sila at inutusang huwag nang magsasalita ni magtuturo sa pangalan ni Jesus kailanman. 19Ngunit sina Pedro at Juan ay sumagot at sinabi sa kanila: Kung magiging matuwid sa harapan ng Diyos na pakinggan namin kayo nang higit kaysa Diyos, kayo ang hahatol. 20Ito ay sapagkat hindi namin mapigilang sabihin ang patungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.

   
 21Nang mabantaan nila silang muli, sila ay pinalaya nila. Wala silang masumpungang paraan kung papaano nila sila maaaring parusahan dahil sa mga tao sapagkat niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Diyos dahil sa nangyari. 22Ito ay sapagkat ang lalaking ginawan ng tanda ng pagpapagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.

 

Ang Panalangin ng mga Mananampalataya

 

 23Nang sila ay pinalaya, pumunta sila sa mga kasamahan nila at kanilang iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda. 24Nang marinig nila iyon, nagkaisa silang tumawag nang malakas sa Diyos at kanilang sinabi: Ikaw na May-ari ng lahat, ikaw ang Diyos na gumawa ng langit at lupa at ng dagat at ng lahat ng mga naroroon. 25Sa pamamagitan ng bibig ng iyong lingkod na si David ay sinabi mo:
      Bakit sumisigaw sa poot ang mga bansa. Bakit
      nag-iisip ang mga tao ng mga bagay na walang
      kabuluhan? 26Ang mga hari ng lupa ay tumayo
      at ang mga pinuno ay nagtipun-tipon laban sa
      Panginoon at laban sa kaniyang Mesiyas.

    27Ito ay sapagkat totoong nagtipun-tipon sina Herodes at Pontio Pilato, kasama ang mga Gentil at ang mga tao sa Israel. Ito ay upang labanan ang iyong Banal na Anak na si Jesus na iyong Mesiyas. 28Nagtipun-tipon sila upang kanilang gawin ang itinakda ng iyong mga kamay nang una pa at ng iyong kalooban na dapat mangyari. 29Ngayon Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga pagbabanta. Ipagkaloob mo sa amin na iyong mga alipin, na sa buong katapangan ay makapagsalita kami ng iyong salita. 30Iunat mo ang iyong mga kamay upang magpagaling at ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa ay mangyari sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Anak na si Jesus.

   
 31Nang sila ay makapanalangin na, ang dakong pinagtitipunan nila ay nauga at sila ay napuspos ng Banal na Espiritu at sinalita nilang may katapangan ang salita ng Diyos.

 

Nagbahaginan Ang mga Mananampalataya ng Kanilang mga Pag-aari

 

 32Ang malaking bilang ng mga sumampalataya ay nagkakaisa sa puso at sa kaluluwa. Walang sinuman sa kanila ang nagsabing ang mga bagay na tinatangkilik nila ay kanilang pag-aari. Sila ay nagbabahaginan sa lahat ng bagay. 33Ang mga apostol ay nagpatotoo sa pagkabuhay-muli ng Panginoong Jesus na may dakilang kapangyarihan at ang dakilang biyaya ang sumakanilang lahat. 34Walang sinuman sa kanila ang nangailangan sapagkat ipinagbili ng lahat na may mga tinatangkilik na mga lupa o mga bahay ang kanilang pag-aari. Kanilang dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili. 35Inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ang pamamahagi ay ginawa sa bawat tao ayon sa kaniyang pangangailangan.

   
 36Si Jose ay tinawag na Barnabas ng mga apostol. Ang ibig sabihin ng Barnabas ay ang anak ng kaaliwan. Siya ay mula sa angkan ni Levi at ipinanganak sa isla ng Cyprus. 37Siya ay may lupain na nang kaniyang maipagbili, ay dinala niya ang salapi at inilagay sa paanan ng mga apostol.

 

 

Mga Gawa 5

 

Si Ananias at Safira

 

 1Ngunit isang lalaking nagngangalang Ananias, kasama ang kaniyang asawang si Safira ang nagbili ng isang tinatangkilik. 2Itinabi niya ang bahagi ng halaga para sa kaniyang sarili. Ito ay alam din ng kaniyang asawa. Dinala niya ang ilang bahagi at inilagay sa paanan ng mga apostol.

   
 3Ngunit sinabi ni Pedro: Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling ka sa Banal na Espiritu at magtabi ng bahagi ng halaga ng lupa para sa iyong sarili? 4Nang ito ay nananatili pa sa iyo, hindi ba ito ay sa iyo? Nang ito ay ipagbili, hindi ba ito ay nasa ilalim ng iyong kapangyarihan? Bakit binalak mo ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao kundi sa Diyos.

   
 5Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay natumba at namatay. Nagkaroon ng malaking takot ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito. 6Ang mga kabataang lalaki ay tumindig at binalot siya at kanilang binuhat palabas at inilibing.

   
 7Pagkalipas ng halos tatlong oras ay dumating ang kaniyang asawa. Pumasok ito na hindi nalalaman ang nangyari. 8At sinabi ni Pedro sa kaniya: Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ang lupa sa ganitong kalaking halaga.
   Siya ay sumagot: Oo, sa ganitong kalaking halaga.

   
 9Sinabi ni Pedro sa kaniya: Bakit kayo nagkasundo na tuksuhin ang Espiritu ng Panginoon? Narito, ang mga paa ng naglibing sa iyong asawa ay nasa pinto at dadalhin ka nila sa labas.

   
 10Agad na bumagsak ang babae sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataang lalaki, nasumpungan nila siyang patay. Dinala nila siya at inilibing sa tabi ng kaniyang asawa. 11At nagkaroon ng malaking takot sa buong kapulungan at sa lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito.

 

Nagpagaling ng Maraming Tao ang mga Apostol

 

 12Sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay nangyari ang maraming tanda at mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng mga tao. Lahat sila ay nagkakaisang naroroon sa portiko ni Solomon. 13Walang sinuman sa mga iba ang naglakasloob na sumama sa kanila subalit dinakila sila ng mga tao. 14At maraming pang mga mananampalataya sa Panginoon, kapwa lalaki at babae ay nadagdag sa kanila. 15Kaya nga, inilabas ng mga tao sa mga lansangan ang mga maysakit. Inilagay nila ang mga ito sa mga higaan at mga banig. Ginawa nila ito upang maliliman man lamang ng anino ni Pedro ang ilan sa kanila sa pagdaan niya. 16May dumating din na napakaraming tao na mula sa mga lungsod sa palibot ng Jerusalem. Dala nila ang mga maysakit at ang mga pinahihirapan ng mga karumal-dumal na espiritu. Silang lahat ay pinagaling.

 

Inusig Nila ang mga Apostol

 

 17Tumindig ang pinakapunong-saserdote at lahat ng kasama niya na sekta ng mga Saduseo. Sila ay napuno ng inggit. 18Dinakip ng mga ito ang mga apostol at ibinilango. 19Gayunman nang gabi na ay binuksan ng anghel ng Pangi-noon ang mga pinto ng bilangguan. Inilabas ng anghel ang mga apostol at nagsabi: 20Humayo kayo at tumayo kayo sa templo at sabihin sa mga tao ang lahat ng salitang patungkol sa buhay na ito.

   
 21Pagkarinig nila nito, pumasok sila sa templo nang magbukang-liwayway at sila ay nagturo.
   Dumating ang pinakapunong-saserdote at mga kasama nito. Sa pagdating nila, pinulong nila ang Sanhedrin at lahat ng matanda sa mga anak ng Israel. Nagsugo sila sa bilangguan upang kunin ang mga apostol. 22Ngunit nang dumating sa bilangguan ang opisyales sa templo, hindi nila sila nakita roon. Sa pagbalik nila, sila ay nag-ulat. 23Sinabi nila: Natagpuan namin ang bilangguan na nakapinid na mabuti. At ang mga bantay ay nakatayo sa labas ng mga pinto ngunit nang aming buksan ang mga pinto, wala kaming nakitang sinuman sa loob kahit isa. 24Nang ang mga salitang ito ay narinig kapwa ng mga saserdote at kapitan ng templo at mga pinunong-saserdote, sila ay nalito patungkol sa kanila at kung magiging ano kaya ito.

   
 25May isang lalaking dumating at nag-ulat sa kanila. Sinabi nito: Narito, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nasa templo. Sila ay nakatayo at nagtuturo sa mga tao. 26Pumunta ang kapitan sa templo kasama ang mga opisyales at dinala ang mga apostol ng walang dahas dahil natakot sila sa mga tao at baka batuhin sila.

   
 27Nang madala nila ang mga apostol, iniharap nila ang mga ito sa Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong-saserdote. 28Sinabi niya: Hindi ba inutusan namin kayong huwag magturo sa pangalang ito? Narito, napuno ninyo ng inyong turo ang Jerusalem. Ibig ninyong papanagutin kami sa dugo ng taong ito.

   
 29Si Pedro at ang mga apostol ay sumagot at sinabi: Kinakailangan naming sundin ang Diyos kaysa ang mga tao. 30Ang Diyos ng aming mga ninuno ang nagbangon kay Jesus na inyong pinatay sa pagbitin ninyo sa kaniya sa puno. 31Siya ay itinaas ng Diyos sa kaniyang kanang bahagi upang maging Pinakapinuno at Tagapagligtas. Ito ay upang ang Israel ay pagkalooban ng pagsisisi at kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 32Kami ay mga saksi niya patungkol sa mga bagay na ito. Saksi rin ang Banal na Espiritu na siyang ibinigay ng Diyos sa kanila na sumusunod sa kaniya.

   
 33Nang marinig nila ito, nagsiklab ang kanilang galit at binalak nilang patayin sila. 34Ngunit tumayo ang isang nasa Sanhedrin, siya ay isang Fariseo na ang pangalan ay Gamaliel. Siya ay isang guro ng kautusan na iginagalang ng lahat ng mga tao. Iniutos niyang ilabas sandali ang mga apostol. 35Sinabi ni Gamaliel sa kanila: Mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa iniisip ninyong gawin patungkol sa mga lalaking ito. 36Ito ay sapagkat bago pa sa mga araw na ito ay tumindig si Teudas na nagsasabing siya ay isang kilalang tao. Sumama sa kaniya ang isang pangkat ng mga lalaki na halos apatnaraan. Nang siya ay napatay, ang lahat ng nahikayat niya ay nagkahiwa-hiwalay at ang lahat ay naging walang kabuluhan. 37Pagkatapos ng isang ito, sa mga araw ng pagpapatala, tumindig si Judas na taga-Galilea. Siya ay nakahikayat ng maraming tao. Nang siya ay namatay ang lahat ng nahikayat niya ay nangalat. 38Sinasabi ko sa inyo ngayon: Layuan ninyo ang mga lalaking ito at pabayaan sila sapagkat kung ang layunin o gawaing ito ay mula sa tao, mawawalan ito ng saysay. 39Ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo ito maigugupo. At baka kayo ay masumpungang lumalaban sa Diyos.

   
 40Sila ay nahimok ni Gamaliel. Tinawag nila ang mga apostol. Pagkapalo nila sa mga apostol, inutusan nila ang mga ito na huwag magsalita sa pangalan ni Jesus. Pagkatapos, pinalaya nila sila.

   
 41Nagagalak na nilisan nga ng mga apostol ang Sanhedrin sapagkat sila ay ibinilang na karapat-dapat na dumanas ng kahihiyan dahil sa pangalan niya. 42Araw-araw, sa templo at sa mga bahay, sila ay hindi tumitigil sa pagtuturo at paghahayag ng ebanghelyo na si Jesus ang Mesiyas.

 

 

Mga Gawa 6

 

Pumili Sila ng Pito

 

 1Sa mga araw na iyon na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng bulung-bulungan ang mga Judio, na ang wika ay Griyego, laban sa mga Hebreo sapagkat ang kanilang mga babaeng balo ay nakakaligtaan sa araw-araw na paglilingkod. 2Kaya tinawag ng labindalawa ang napakaraming alagad. Sinabi nila: Hindi nararapat na iwanan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa hapag. 3Kaya nga, mga kapatid, humanap kayo mula sa inyong mga sarili ng pitong lalaki na may magandang patotoo, puspos ng Banal na Espiritu at karunungan na itatalaga natin sa gawaing ito. 4Kami ay matatag na magpapatuloy sa pananalangin at paglilingkod para sa salita.

   
 5Ang sinabing ito ay nakalugod sa buong karamihan. Pinili nila si Esteban, isang lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas at Nicolas na taga-Antioquia na naging Judio. 6Iniharap nila ang mga ito sa mga apostol. Pagkatapos manalangin, ipinatong ng mga apostol ang kanilang mga kamay sa kanila.

   
 7Lumago ang salita ng Diyos at lubhang dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem. Malaking karamihan ng mga saserdote ang tumalima sa pananampalataya.

 

Hinuli Nila si Esteban

 

 8Si Esteban ay puspos ng pananampalataya at kapangyarihan. Siya ay gumawa ng mga dakilang kamangha-manghang gawa at dakilang mga tanda sa kalagitnaan ng mga tao. 9Ngunit may mga tumindig na mga nasa bahay sambahan na tinatawag na mga Malaya. Tumindig din ang mga taga-Cerene, ang mga taga-Alexandria at ang mga mula sa Cilicia at Asya. Sila ay nakikipagtalo kay Esteban. 10Hindi sila makatanggi sa karunungan at sa espiritu na kung saan si Esteban ay nangungusap.

   
 11Nagsuhol sila ng mga lalaki at ang mga ito ay nagsabi: Narinig namin silang nagsasalita ng mga panunungayaw laban kay Moises at laban sa Diyos.

   
 12Ginulo nila ang mga tao at ang mga matanda at ang mga guro ng kautusan. Dinaluhong nila at sinunggaban si Esteban at dinala sa Sanhedrin. 13Iniharap nila ang mga saksing sinungaling. Ang mga ito ay nagsabi: Ang taong ito ay hindi tumigil sa pagsasalita ng pamumusong laban sa banal na dakong ito at sa kautusan. 14Ito ay sapagkat narinig namin siyang nagsasabing ang dakong ito ay wawasakin ni Jesus na taga-Nazaret. Sinabi rin niya na babaguhin ni Jesus ang mga kaugaliang ibinigay ni Moises sa atin.

   
 15Ang lahat ng nakaupo sa Sanhedrin ay nakatitig kay Esteban. Nakita ng mga ito ang mukha niya na parang mukha ng anghel.

 

 

Mga Gawa 7

 

Ang Pagharap ni Esteban sa Sanhedrin

 

 1Sinabi ng pinakapunong-saserdote: Totoo ba ang mga bagay na ito?

   
 2Sinabi niya: Mga kapatid, at mga ama, makinig kayo. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating amang si Abraham nang siya ay nasa Mesopotamia. Siya ay nagpakita sa kaniya bago siya manirahan sa Haran. 3Sinabi niya sa kaniya: Umalis ka sa iyong bayan at sa iyong kamag-anakan. Pumunta ka sa bayang ipakikita ko sa iyo.

   
 4Nang magkagayon, siya ay umalis mula sa bayan ng Caldea at nanirahan sa Haran. Mula roon, nang mamatay ang kaniyang ama, siya ay dinala sa bayang ito kung saan kayo ay nananahan ngayon. 5Hindi siya nagbigay sa kaniya ng pamana roon, kahit na maliit na mayayapakan. Ngunit ito ay ipinangakong ibibigay upang maging kaniyang pag-aari, at sa kaniyang lahi pagkatapos niya, kahit siya ay walang anak. 6Sa ganito nagsalita ang Diyos: Ang kaniyang binhi ay maninirahan bilang isang dayuhan sa ibang bayan. Sila ay aalipinin at pagmamalupitan sa loob ng apatnaraang taon. 7Hahatulan ko ang bansa na aalipin sa kanila, sabi ng Diyos. Pagkatapos ng mga bagay na ito, sila ay lalabas at maglilingkod sa akin sa dakong ito. 8Ibinigay niya sa kaniya ang tipan ng pagtutuli. Sa ganito ay naging anak ni Abraham si Isaac at siya ay tinuli sa ikawalong araw. Naging anak ni Isaac si Jacob. Naging anak ni Jacob ang labingdalawang patriarka.

   
 9Dahil sa udyok ng pagka-inggit, si Jose ay ipinagbili ng mga patriarka sa Egipto. Gayunman, ang Diyos ay sumasa-kaniya. 10At siya ay iniligtas ng Diyos sa lahat ng kaniyang mga paghihirap. Siya ay kinalugdan ng Diyos at binigyan ng karunungan sa harap ni Faraon na hari ng Egipto. Itinalaga siyang gobernador ni Faraon sa buong Egipto at sa kaniyang buong sambahayan.

   
 11Ngunit dumating ang taggutom sa buong bayan ng Egipto at Canaan. Nagkaroon ng malaking kahirapan at walang nasum-pungang pagkain ang ating mga ninuno. 12Ngunit nang marinig ni Jacob na may trigo sa Egipto, isinugo niya ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. 13Sa ikalawa nilang pagparoon ay nagpakilala si Jose sa kaniyang mga kapatid. Nahayag kay Faraon ang angkan ni Jose. 14Isinugo niya si Jose at ipinatawag ni Jose ang kaniyang amang si Jacob at ang lahat ng kaniyang kamag-anakan na pitumpu't limang katao. 15Lumusong si Jacob sa Egipto. Doon na siya namatay at gayundin ang ating mga ninuno. 16Sila ay inilipat sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham ng isang halaga ng salapi sa mga anak ni Hamor sa Shekem.

   
 17Ngunit nang malapit na ang panahon upang matupad ang pangako ng Diyos kay Abraham, dumami nang dumami ang mga tao sa Egipto. 18Dumami sila hanggang sa naghari ang isang hari na hindi nakakilala kay Jose. 19Siya ang nagsamantala at nagmalupit sa ating mga ninuno upang kanilang pabayaan sa labas ang kanilang mga sanggol nang sa gayon ang mga ito ay mamatay.

   
 20Nang panahong iyon ipinanganak si Moises. Siya ay totoong may magandang anyo sa harap ng Diyos. Siya ay tatlong buwang inalagaan sa bahay ng kaniyang ama. 21Nang siya ay pinabayaan sa labas, kinuha siya ng anak na babae ni Faraon. Siya ay pinalaking parang kaniyang sariling anak. 22Si Moises ay tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga taga-Egipto. Siya ay makapangyarihan sa salita at sa gawa.

   
 23Nang apatnapung taong gulang na si Moises, pinasiyahan niyang dalawin ang kaniyang mga kapatiran, ang mga anak ni Israel. 24Nang makita niya ang isa na ginagawan ng hindi tama, ipinagtanggol niya ito. Pinatay niya ang taga-Egipto at ipinaghiganti niya ang inaapi. 25Ginawa niya ito dahil inaakala niyang mauunawaan ng kaniyang mga kapatid ay ililigtas ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang kamay. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26Kinabukasan, nakita siya ng mga nag-aaway at sinikap niyang pagkasunduin sila at sinabi: Mga ginoo, kayo ay magkapatid, bakit kayo gumagawa ng hindi tama sa isa't isa?

   
 27Ngunit itinulak si Moises ng taong gumagawa ng hindi tama sa kaniyang kapatid. Sinabi sa kaniya: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom sa amin? 28Ibig mo ba akong patayin tulad ng pagpatay mo kahapon sa taga-Egipto? 29Tumakas si Moises nang marinig ang pananalitang ito. Siya ay nanirahan bilang isang dayuhan sa lupain ng Midian at doon nagkaanak siya ng dalawang anak na lalaki.

   
 30Pagkalipas ng apatnapung taon, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa ilang na bundok ng Sinai sa pamamagitan ng ningas ng apoy sa isang mababang palumpong. 31Nang makita ito ni Moises namangha siya sa nakita niya. At nang siya ay lumapit upang pagmasdan iyon, dumating sa kaniya ang tinig ng Panginoon. 32Sinabi niya: Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno. Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob. At nanginig si Moises at hindi naglakas-loob na tumingin.

   
 33Sinabi sa kaniya ng Panginoon: Alisin mo ang mga panyapak mo sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal. 34Totoong nakita ko ang labis na pagmamalupit ng mga taga-Egipto sa aking mga tao. Narinig ko ang kanilang hinagpis. Ako ay bumaba upang sila ay ilabas mula sa Egipto. Halika ngayon, susuguin kita sa Egipto.

   
 35Ito ang Moises na kanilang tinanggihan nang kanilang sabihin: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom? Sa pamamagitan ng kamay ng anghel na nagpakita sa kaniya sa mababang palumpong, isinugo ng Diyos si Moises na maging tagapamahala at tagapagpalaya. 36Siya ay nanguna sa kanila papalabas sa Egipto. Siya ay gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa lupain ng Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.

   
 37Siya iyong Moises na nagsabi sa mga anak ni Israel: Magtitindig ang Panginoong Diyos sa inyo ng isang propeta na tulad ko, mula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakinggan. 38Siya iyong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai. Kasama niya ang ating mga ninuno. Siya ang tumanggap ng mga buhay na katuruan upang ibigay sa atin.

   
 39Ang ating mga ninuno ay ayaw magpasakop sa kaniya. Sa halip ay itinulak nila siya at ang kanilang mga puso ay bumabalik sa Egipto. 40Sinabi nila kay Aaron: Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin sapagkat hindi namin nalalaman kung ano na ang nangyari kay Moises na siyang naglabas sa amin sa bayan ng Egipto. 41Nang mga araw na iyon ay gumawa sila ng isang guyang baka at naghandog ng hain sa diyos-diyosang iyon. Sila ay natuwa sa mga nagawa ng kanilang mga kamay. 42Tumalikod ang Diyos sa kanila at hinayaan silang sumamba sa mga bituin sa langit. Gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta:
      O, angkan ng Israel, hindi ba naghandog kayo
      ng mga hayop na pinatay at mga hain sa loob ng
      apatnapung taon na kayo ay nasa ilang? Ngunit
      hindi ninyo ito inihandog sa akin. 43Lagi ninyong
      dala ang tolda ni Moloc at ang bituin ng inyong
      diyos na si Refan. Lagi ninyong dala ang mga
      diyos-diyosang ginawa ninyo upang inyong
      sambahin. Dadalhin ko kayo sa dakong lagpas
      pa sa Babilonia.

   
 44Ang tolda ng patotoo ay nasa ating mga ninuno sa ilang, ayon sa iniutos nang siya ay nagsalita kay Moises. Sinabi niya kay Moises na gawin iyon ayon sa huwarang nakita niya. 45Tinanggap ito ng ating mga ninuno. Dala nila ito nang sila ay nasa ilalim ng pamumuno ni Josue nang makapasok sila sa lupain ng mga Gentil. Ang mga Gentil ay pinalayas ng Diyos sa harapan ng ating mga ninuno. Ang tolda ay nanatili roon hanggang sa araw ni David. 46Si David ay naging kaluguran sa paningin ng Diyos. Hiniling niyang siya ay makapagpatayo ng isang tahanan para sa Diyos ni Jacob. 47Ngunit si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kaniya.

   
 48Subalit ang Kataas-taasan ay hindi tumitira sa mga banal na dakong gawa ng mga kamay, tulad sa sinasabi ng propeta:
       49Ang langit ay aking trono. Ang lupa ang
      tuntungan ng aking mga paa. Sabi ng Panginoon:
      Anong bahay ang itatayo ninyo sa akin? O,
      anong dako ang pagpapahingahan ko? 50Hindi
      ba ang lahat ng ito ay ginawa ng aking kamay?

   
 51Kayong mga matitigas ang ulo at hindi tuli ang mga puso at tainga! Lagi ninyong sinasalungat ang Banal na Espiritu. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno ay gayundin naman ang gingawa ninyo. 52Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay pa nila ang mga nagpahayag na nang una pa, ng pagdating ng Matuwid. Kayo ngayon ang pumatay at nagkanulo sa kaniya. 53Kayo ang mga tumanggap ng kautusan na atas ng mga anghel at hindi naman ninyo ito sinunod.

 

Binato Nila si Esteban

 

 54Nang marinig nila ang mga bagay na ito, nagsiklab ang kanilang galit. Nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban. 55Ngunit siya, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumingalang nakatuon sa langit. Nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos. 56Sinabi niya: Narito, nakikita kong bukas ang mga langit at ang Anak ng Tao ay nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos.

   
 57Kaya sila ay sumigaw ng malakas na tinig at tinakpan nila ang kanilang mga tainga. Nagkakaisa nilang dinaluhong si Esteban. 58Itinapon nila siya sa labas ng lungsod at binato hanggang mamatay. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang binata na Saulo ang pangalan.

   
 59Habang pinagbabato nila si Esteban tumawag siya sa Diyos at nagsabi: Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu. 60Pagkatapos, siya ay lumuhod at siya ay sumigaw ng malakas: Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito. Pagkasabi niya nito, siya ay natulog.

 

 

Mga Gawa 8

 

Inusig ang Iglesiya at Ito ay Nangalat

 

 1Si Saulo ay sumang-ayon sa kamatayan ni Esteban. Sa araw na iyon, nagsimula ang isang malaking pag-uusig laban sa iglesiya na nasa Jerusalem. Silang lahat ay nangalat sa lahat ng mga dako sa Judea at Samaria maliban sa mga apostol. 2Inilibing si Esteban ng mga taong palasamba sa Diyos at sa kaniya ay nanaghoy sila nang gayon na lamang. 3Pinipinsala ni Saulo ang iglesiya na pinapasok ang mga bahay-bahay. Kinakaladkad niya ang mga lalaki at mga babae at ibinibilanggo sila.

 

Si Felipe sa Samaria

 

 4Kaya nga, ang nangalat na mga mananampalataya ay naglakbay na ipinangangaral ang ebanghelyo. 5Si Felipe ay bumaba sa lungsod ng Samaria. Ipinangaral niya sa kanila ang Mesiyas. 6Ang maraming tao ay nagkaisang nakinig sa mga bagay na sinalita ni Felipe, nang kanilang marinig at makita ang mga tanda na ginawa niya. 7Ito ay sapagkat marami sa mga inaalihan ng mga karumal-dumal na espiritu ay iniwan ng mga espiritung ito na sumisigaw nang malakas. Maraming lumpo at pilay ang gumaling. 8Nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.

 

Si Simon na Manggagaway

 

 9May isang tao na nagngangalang Simon na nang unang panahon ay gumagawa ng panggagaway sa lungsod. At lubos niyang pinamangha ang mga tao sa Samaria. Sinasabi niyang siya ay dakila. 10Siya ay pinakikinggan nilang lahat, buhat sa pinakamaliit hanggang sa pinakadakila. Sinasabi nila: Ang lalaking ito ang siyang dakilang kapangyarihan ng Diyos. 11Siya ay pinakinggan nila sapagkat sila ay lubos niyang pinamangha sa mahabang panahon ng kaniyang mga panggagaway. 12Ngunit nang sila ay maniwala kay Felipe na nangangaral ng ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos at patungkol sa pangalan ni Jesucristo. Sila ay nabawtismuhan, mga lalaki at babae. 13Si Simon ay naniwala rin. Nang mabawtismuhan na siya, matatag siyang nagpatuloy kasama ni Felipe. Si Simon ay lubos na namangha nang makakita siya ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa.

   
 14Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang Salita ng Diyos, sinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15Nang sila ay makalusong, nanalangin sila para sa kanila upang tanggapin nila ang Banal na Espiritu. 16Ito ay sapagkat ang Banal na Espiritu ay hindi pa bumababa sa kaninuman sa kanila. Ngunit sila lamang ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Banal na Espiritu.

   
 18Nakita ni Simon na sa pagpapatong ng kamay ng mga apostol ang Banal na Espiritu ay ibinibigay. Inalok nga niya sila ng kayamanan. 19Sinabi niya: Ibigay rin ninyo sa akin ang kapangyarihang ito. Sa ganoon, sinumang patungan ko ng kamay ay tatanggap ng Banal na Espiritu.

   
 20Ngunit sinabi ni Pedro sa kaniya: Ang salapi mo ay mapapahamak na kasama mo sapagkat iniisip mong tamuhin ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng kayamanan. 21Wala kang bahagi ni dako man sa bagay na ito sapagkat ang puso mo ay hindi matuwid sa harap ng Diyos. 22Kaya nga, magsisi ka sa kasamaan mong ito. Humiling ka sa Diyos, baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso. 23Ito ay sapagkat nakikita kong ikaw ay puno ng kapaitan tulad ng apdo at natatanikalaan ng kalikuan.

   
 24Sumagot si Simon at sinabi: Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang huwag mangyari sa akin ang alinman sa mga bagay na sinasabi ninyo.

   
 25Nang makapagpatotoo na sila at maipangaral ang Salita ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. Ipinangaral nila ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga taga-Samaria.

 

Si Felipe at ang Taga-Etiopia

 

 26Ang anghel ng Panginoon ay nagsalita kay Felipe na sinasabi: Tumindig ka. Pumaroon ka sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza. Ito ay ilang na dako. 27Siya ay tumindig at pumaroon. At narito, isang lalaking taga-Etiopia ang naroon. Siya ay isang kapon na may dakilang kapangyarihan na sakop ni Candace, reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala sa lahat niyang nakaimbak na kayamanan. Siya ay naparoon sa Jerusalem upang sumamba. 28Siya ay pabalik na at nakaupo sa kaniyang karuwahe. Binabasa niya ang aklat ni Propeta Isaias. 29Sinabi ng Espiritu kay Felipe: Lumapit ka at manatili sa tabi ng karuwaheng ito.

   
 30Tumakbo si Felipe palapit at narinig niyang binabasa niya ang aklat ni Isaias na propeta. Sinabi niya: Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?

   
 31Papaano ko ito mauunawaan maliban na lamang kung may isang gagabay sa akin? Pinakiusapan niya si Felipe na sumampa at maupong kasama niya.

   
 32Ang bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito:
      Siya ay gaya ng tupa na dinala upang katayin.
      Tulad siya ng kordero na hindi umimik sa harap
      ng kaniyang manggugupit. Sa ganoong paraan
      ay hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig.
       33Sa kaniyang pagpapakumbaba ay inalis nila
      ang karapatan niyang mahatulan ng nararapat.
      Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi sapagkat
      ang kaniyang buhay ay inalis sa ibabaw ng lupa?

   
 34Sumagot ang kapon kay Felipe at sinabi: Isinasamo ko sa iyo, sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy dito ng propeta? Ang kaniya bang sarili o ibang tao? 35Nagsimulang magsalita si Felipe at mula sa kasulatang ito, ipinangaral niya sa kaniya si Jesus.

   
 36Sa pagpapatuloy nila sa paglalakbay, nakarating sila sa isang dako na may tubig. Sinabi ng kapon: Narito, may tubig dito. Ano ang makakahadlang upang ako ay hindi mabawtismuhan? 37Sinabi ni Felipe: Kung sumasampalataya ka nang buong puso ay maaari kang bawtismuhan. Ang lalaki ay sumagot at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesucristo ay ang Anak ng Diyos. 38Iniutos niyang itigil ang karwahe. Sila ay kapwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang lalaki. Binawtismuhan siya ni Felipe. 39Nang umahon sila sa tubig, si Felipe ay inagaw ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng lalaking kapon. Gayunman, siya ay nagpatuloy sa kaniyang paglalakbay na nagagalak. 40Si Felipe ay nasumpungan sa Azoto. Sa kaniyang pagdaraan, ipinangangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga lungsod hanggang sa dumating siya sa Cesarea.

 

 

Mga Gawa 9

 

Ang Pagbabago ni Saulo

 

 1Samantala, si Saulo ay namumuhay sa pagbabanta at pagpatay sa mga alagad ng Panginoon. Siya ay pumaroon sa pinakapunong-saserdote. 2Humingi siya ng mga sulat para sa mga sinagoga ng Damasco. Sa ganoon, ang sinumang masumpungang niyang nasa Daan, maging mga lalaki o mga babae ay madala niyang nakagapos patungo sa Jerusalem. 3Sa kaniyang paglalakbay, nang malapit na siya sa Damasco, biglang nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit na tulad sa kidlat. 4Siya ay nadapa sa lupa at nakarinig siya ng isang tinig na nagsasabi sa kaniya: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?

   
 5Sinabi niya: Sino ka ba Panginoon?
   Sinabi ng Panginoon: Ako si Jesus na iyong pinag-uusig. Mahirap sa iyo ang sumikad sa mga pantaboy na patpat. 6Nanginginig at nagtatakang sinabi niya: Panginoon, ano ang ibig mong gawin ko? Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Tumindig ka at pumunta sa lungsod at sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.

   
 7Ang mga taong kasama niya sa paglalakbay ay nakatayo na hindi makapagsalita. Narinig nila ang tinig ngunit wala silang nakikitang sinuman. 8Tumayo si Saulo at ng siya ay dumilat, wala siyang nakitang sinuman. Siya ay inakay nila at dinala sa Damasco. 9Siya ay tatlong araw na bulag at hindi siya kumain ni uminom man.

   
 10May isang alagad sa Damasco na nagngangalang Ananias. Sa isang pangitain, sinabi ng Panginoon sa kaniya: Ananias.
   Sinabi niya: Narito ako, Panginoon.

   
 11Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Tumindig ka at pumaroon sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang nagngangalang Saulo na taga-Tarso sapagkat nananalangin siya ngayon. 12Sa pangitain nakita ni Saulo ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na lumapit sa kaniya. At ipinatong ni Ananias ang kaniyang kamay kay Saulo upang siya ay makakita.

   
 13Sumagot si Ananias: Panginoon, nabalitaan ko sa marami ang patungkol sa lalaking ito kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem. 14Dito ay may kapahintulutan siya mula sa mga pinunong-saserdote na ibilanggo ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.

   
 15Ngunit sinabi ng Panginoon sa kaniya: Pumaroon ka. Ito ay sapagkat siya ay sisidlang hirang sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil, sa harapan ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16Ito ay sapagkat ipakikita ko sa kaniya kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang batahin dahil sa aking pangalan.

   
 17Lumakad nga si Ananias. Pumasok siya sa bahay upang ipatong kay Saulo ang kaniyang mga kamay na sinabi: Kapatid na Saulo, ang Panginoon, ang nagsugo sa akin. Siya ay si Jesus na nagpakita sa iyo sa daang iyong pinanggalingan. Sinugo niya ako upang tanggapin mo ang iyong paningin at mapuspos ka ng Banal na Espiritu. 18Agad-agad na nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis. Natanggap niya kaagad ang kaniyang mga paningin. Siya ay tumayo at binawtismuhan. 19Siya ay kumain at lumakas.

   

Si Saulo sa Damasco at Jerusalem

 

   Si Saulo ay nakisama ng ilang araw sa mga alagad na taga Damasco. 20Pagkatapos ay ipinangaral niya kaagad ang Mesiyas sa mga bahay-sambahan, na siya ang Anak ng Diyos. 21Ang lahat ng nakarinig sa kaniya ay namangha at nagsabi: Hindi ba ito ang nagwawasak sa mga taong tumatawag sa pangalan ni Jesus doon sa Jerusalem? Siya ay naparito sa pagnanasang sila ay dalhing bihag sa harap ng mga pinunong-saserdote. 22Ngunit lalong naging makapangyarihan si Saulo at lalong nalito ang mga Judio na nasa Damasco. Kaniyang pinatunayan na ito nga ang Mesiyas.

   
 23Makalipas ang maraming araw, binalak ng mga Judio na ipapatay siya. 24Ngunit nalaman ni Saulo ang kanilang balak. Araw at gabi ay binabantayan nila ang mga pintuang-bayan upang patayin siya. 25Ngunit kinuha siya sa gabi ng kaniyang mga alagad. Siya ay ibinabang palagos mula sa mataas na pader at siya ay inihugos sa isang tiklis.

   
 26Nang dumating si Saulo sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisanib sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kaniya. Hindi sila naniniwala na siya ay isang alagad. 27Ngunit kinuha siya ni Bernabe at siya ay dinala sa mga apostol. Isinaysay niya sa kanila kung paanong nakita ni Saulo ang Panginoon sa daan at kinausap siya. Isinaysay niya kung paanong sa Damasco ay nangaral siyang may katapangan sa pangalan ni Jesus. 28Siya ay kasama nila sa pagpasok at paglabas sa Jerusalem. Siya ay kasama nila na nangangaral nang may katapangan sa pangalan ng Pangi-noong Jesus. 29Siya ay nagsalita at nakipagtalo sa mga Judio na ang wika ay Griyego. Kaya binalak nilang patayin siya. 30Nang malaman ito ng mga kapatid, siya ay dinala nila pababa sa Cesarea at siya ay pinaalis nila patungong Tarso.

   
 31Sa panahong iyon ay nagkaroon ng kapayapaan ang mga iglesiya sa buong Judea at Galilea at Samaria. Sila ay naging matibay at nagpapatuloy na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Banal na Espiritu at sila ay dumami.

 

Si Dorcas at Eneas

 

 32Nangyari, na sa paglalakbay ni Pedro sa lahat ng dako, siya ay naparoon din naman sa mga banal na naninirahan sa Lida. 33Natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Siya ay walong taon nang nakaratay sa banig sapagkat siya ay paralitiko. 34Sinabi sa kaniya ni Pedro: Eneas, pinagaling ka ni Jesus, na siya ang Mesiyas. Tumindig ka at iligpit mo ang iyong higaan. Tumayo kaagad si Eneas. 35Siya ay nakita ng lahat ng mga nakatira sa Lida at sa Sarona at sila ay nanumbalik sa Panginoon.

   
 36At sa Jope ay may isang alagad na nagngangalang Tabita. Ang kahulugan ng Tabita ay Dorcas. Siya ay lipos ng mabubuting gawa at gawaing pamamahagi sa mga kahabag-habag. 37Nangyari nang mga araw na iyon na nagkasakit siya at namatay. Nang siya ay mahugasan nila, inilagay nila siya sa isang silid sa itaas. 38Ang Lida ay malapit sa Jope. Kaya nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo ng dalawang tao sa kaniya. Ipinamanhik nila sa kaniya na huwag niyang patagalin ang pagpunta sa kanila.

   
 39Tumindig si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, siya ay dinala nila sa silid sa itaas. Ang mga babaeng balo ay nakatayo malapit kay Pedro. Sila ay tumatangis. Ipinakita nila sa kaniya ang mga balabal at mga damit na ginawa ni Dorcas. Ginawa niya ito nang siya ay kasama pa nila.

   
 40Ngunit pinalabas silang lahat ni Pedro. Lumuhod siya at nanalangin. Pagharap niya sa katawan, sinabi niya: Tabita, bumangon ka. At iminulat niya ang kaniyang mga mata. Nang makita niya si Pedro, umupo siya. 41Hinawakan ni Pedro ang kaniyang mga kamay at siya ay itinindig. Tinawag niya ang mga banal at ang mga babaeng balo. Siya ay iniharap niyang buhay sa kanila. 42Ito ay nalaman sa buong Jope at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43At siya ay nanahan sa Jope ng maraming araw. Kasama siya ni Simon na mangungulti ng balat ng hayop.

 

 

Mga Gawa 10

 

Ipinatawag ni Cornelio si Pedro

 

 1May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio. Siya ay kapitan ng tinatawag na balangay ng mga taga-Italia. 2Siya ay isang taong palasamba at may takot sa Diyos kasama ng kaniyang sambahayan. Marami siyang pagkakaloob sa mga kahabag-habag at laging nananalanging sa Diyos para sa iba. 3Isang araw, nang ikasiyam pa lamang ang oras, maliwanag siyang nakakita ng isang pangitain. Nakita niya ang anghel ng Diyos na papalapit sa kaniya. Sinabi nito sa kaniya: Cornelio.

   
 4Siya ay tumitig sa kaniya at sa takot ay sinabi niya sa kaniya: Ano iyon, Panginoon?
   Sinabi niya sa kaniya: Ang iyong mga pananalangin at mga pagkakaloob sa mga kahabag-habag ay pumailanglang na isang alaala sa harap ng Diyos. 5Magsugo ka ng mga tao ngayon sa Jope. Ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. 6Siya ay nanunuluyan sa isang taong nagngangalang Simon na mangungulti ng balat ng hayop. Ang kaniyang bahay ay nasa tabing dagat. Sasabihin ni Pedro sa iyo ang dapat mong gawin.

   
 7Nang umalis ang anghel na nagsalita kay Cornelio, tumawag siya ng dalawa sa kaniyang mga katulong. Tumawag din siya ng isang kawal niya na palasamba sa Diyos na patuloy na naglilingkod sa kaniya. 8Nang maisaysay na sa kanila ni Cornelio ang lahat ng mga bagay, sila ay isinugo niya sa Jope.

 

Ang Pangitain ni Pedro

 

 9Kinabukasan, habang naglalakbay sila at papalapit na sa lungsod, si Pedro ay umakyat sa bubong ng bahay upang manalangin. Noon ay ikaanim na ang oras. 10Siya ay nagutom at ibig na niyang kumain. Ngunit samantalang sila ay naghahanda, sa kaniyang kalalagayang tulad ng nananaginip, isang pangitain ang bumaba sa kaniya. 11Nakita niyang bukas ang langit at may isang kagamitang bumababa sa kaniya. Ito ay gaya ng isang malapad na kumot na nakabuhol ang apat na sulok na bumababa sa lupa. 12Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa. Naroon din ang mababangis na hayop at ang mga gumagapang sa lupa. Naroon din ang mga ibon sa himpapawid. 13Dumating sa kaniya ang isang tinig: Tumindig ka Pedro. Kumatay ka at kumain.

   
 14Ngunit sinabi ni Pedro: Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay hindi ako kumain ng anumang bagay na pangkaraniwan at marumi.

   
 15Muli niyang narinig ang tinig sa ikalawang pagkakataon: Anumang nilinis ng Diyos ay huwag mong ipalagay na pangkaraniwan.

   
 16Ito ay nangyari ng tatlong ulit at muling binatak sa langit ang sisidlan.

   
 17Totoong nalito si Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitain na nakita niya. Narito, nang mga sandaling iyon ay naipagtanong na ng mga taong sinugo ni Cornelio kung saan ang bahay ni Simon. Sila ay tumayo sa tarangkahan. 18Sila ay tumawag at nagtanong kung si Simon na tinatawag na Pedro ay nanunuluyan doon.

   
 19Samantalang iniisip ni Pedro ang patungkol sa pangitain, sinabi sa kaniya ng Espiritu: Narito, hinahanap ka ng tatlong lalaki. 20Subalit tumindig ka at bumaba ka at sumama ka sa kanila. Huwag ka nang mag-alinlangan pa sapagkat sila ay aking sinugo.

   
 21Nanaog si Pedro papunta sa mga lalaki na pinadala ni Cornelio sa kaniya. Sinabi niya: Narito, ako ang hinahanap ninyo. Bakit kayo naparito?

   
 22Sinabi nila: Si Cornelio ay isang kapitan ng isang balangay at taong matuwid at may takot sa Diyos. Siya ay may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio. Pinagtagu-bilinan siya ng Diyos sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay papuntahin sa kaniyang bahay upang siya ay makarinig ng salita mula sa iyo. 23Kaya sila ay pinapasok at binigyan ng matutuluyan.

   

Si Pedro sa Tahanan ni Cornelio

 

   Kinabukasan, umalis si Pedro na kasama nila. Sila ay sinamahan ng ilang kapatid na lalaki mula sa Jope. 24Kinabukasan dumating sila sa Cesarea. Sila ay hinihintay ni Cornelio. Tinipon niya ang kaniyang kamag-anakan at kaniyang mga matatalik na kaibigan. 25Nangyari, na pagpasok ni Pedro ay sinalubong siya ni Cornelio. Nagpatirapa siya sa kaniyang paanan at siya ay sinamba. 26Ngunit itinindig siya ni Pedro na sinasabi: Tumindig ka, ako ay tao rin naman.

   
 27Habang nag-uusap sila, pumasok siya at nakita niyang marami ang nagkakatipun-tipon. 28Sinabi niya sa kanila: Alam ninyo na hindi ayon sa kautusan na ang Judio ay makisama o lumapit sa isang taga-ibang bansa. Ngunit ipinakita sa akin ng Diyos na huwag kong tawaging pangkaraniwan o marungis ang sinuman. 29Iyan ang dahilan kaya nang ako ay ipasundo mo, naparito akong hindi tumututol. Kaya nga, itinatanong ko sa inyo, sa anong kadahilanan ipinasundo mo ako?

   
 30Sinabi ni Cornelio: May apat na araw na hanggang sa oras na ito na ako ay nag-aayuno. Sa ikasiyam na oras sa aking bahay, sa aking pananalangin, at narito, isang lalaki ang tumindig sa harapan ko. Siya ay nakasuot ng maningning na damit. 31Sinabi niya: Cornelio, dininig ang dalangin mo. Ang iyong mga pagkakaloob sa kahabag-habag ay inaalaala sa paningin ng Diyos. 32Magsugo ka nga sa Jope, at anyayahan mo si Simon na tinatawag na Pedro. Siya ay nanunuluyan sa bahay ni Simong mangungulti ng balat ng hayop. Ang bahay niya ay nasa tabing dagat. Pagdating niya ay magsasalita siya sa iyo. 33Kaagad-agad nga ay nagpasugo ako sa iyo. Mabuti at naparito ka. Kaya nga, naririto kaming lahat sa paningin ng Diyos upang dinggin ang lahat ng bagay na ipinag-utos sa iyo ng Diyos.

   
 34Ibinukas ni Pedro ang kaniyang bibig at nagsabi: Totoo ngang naunawaan kong ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao. 35Subalit sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaniyang tinatanggap. 36Alam ninyo ang salitang ipinadala ng Diyos sa mga anak ni Israel na naghahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo. Siya ay Panginoon ng lahat. 37Ang pangyayaring ito ay naganap sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bawtismo na ipinangaral ni Juan. 38Alam ninyo kung papaanong si Jesus, na taga-Nazaret ay pinahiran ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan. Siya ay naglilibot na gumagawa ng mabuti. Pinagaling niya ang lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo sapagkat sumasa kaniya ang Diyos.

   
 39Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Pinatay nila siya sa pamamagitan ng pagbitin sa kahoy. 40Nang ikatlong araw siya ay muling binuhay ng Diyos at siya ay inihayag. 41Inihayag siya hindi sa lahat ng mga tao kundi sa mga saksi na hinirang ng Diyos nang una. Ito ay sa amin na kasalo niyang kumain at uminom pagkatapos niyang bumangon mula sa mga patay. 42Iniutos niya sa amin na mangaral sa mga tao at lubos na pinagpapatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buhay at ng mga patay. 43Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta. Pinatotohanan nila na ang bawat sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.

   
 44Samantalang nagsasalita pa si Pedro, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nakikinig ng salita. 45Ang lahat ng mga mananampalatayang nasa pagtutuli na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Banal na Espiritu. 46Nalaman nila ito dahil narinig nila ang mga ito na nagsasalita ng mga wika at nagpupuri sa Diyos.

   
 47Nang magkagayon ay sumagot si Pedro: Maipagbabawal ba ng sinuman ang paggamit ng tubig upang mabawtismuhan itong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na gaya naman natin? 48Inutusan niya sila na magpabawtismo sa pangalan ng Panginoon. Pagkatapos nito hiniling nila sa kaniya na manatili ng mga ilang araw.

 

 

Mga Gawa 11

 

Nagpaliwanag si Pedro Patungkol sa Kaniyang Gawain

 

 1Narinig ng mga apostol at ng mga kapatid sa Judea na tumanggap din ang mga Gentil ng salita ng Diyos. 2Nang umahon si Pedro sa Jerusalem, nakipagtalo sa kaniya ang mga nasa pagtutuli. 3Sinabi nila: Nakisalamuha ka sa mga taong hindi tuli at kumaing kasalo nila.

   
 4Ngunit sinimulan ni Pedro ang maayos na pagsasaysay sa kanila ng mga pangyayari. Sinabi niya: 5Ako ay nasa lungsod ng Jope na nananalangin. Sa aking kalalagayang tulad ng nananaginip, nakakita ako ng isang pangitain. May isang kagamitang bumababa na gaya ng malapad na kumot. Ibinababa ito mula sa langit na may nakatali sa apat na sulok at umabot hanggang sa akin. 6Tinitigan ko iyon at pinagwari. Nakita ko ang mga hayop sa lupa na may tig-apat na paa, ang mga mababangis na hayop, ang mga gumagapang na hayop at ang mga ibon sa himpapawid. 7Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin: Tumindig ka, Pedro. Kumatay ka at kumain.

   
 8Ngunit sinabi ko: Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang pangkaraniwan o marumi na pumasok sa aking bibig.

   
 9Ngunit sumagot muli sa akin ang tinig mula sa langit: Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ipalagay na pangkaraniwan. 10Ito ay nangyari ng tatlong ulit at muling binatak ang lahat sa langit.

   
 11At narito, agad na dumating ang tatlong lalaki sa bahay na tinutuluyan ko. Sila ang mga isinugo sa akin mula sa Cesarea. 12Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila ng walang pag-aalinlangan. Sumama rin naman sa akin ang anim na mga kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ng lalaking iyon. 13Isinalaysay niya sa amin kung paano niya nakita ang isang anghel sa kaniyang bahay. Ito ay nakatayo at nagsabi sa kaniya: Magsugo ka sa Jope ng mga lalaki. At ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. 14Siya ang magsasaysay sa iyo ng mga salita, sa ikaliligtas mo at ng iyong buong sambahayan.

   
 15Nang ako ay magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu tulad din naman ng pagbaba niya sa atin noong pasimula. 16Naalaala ko ang salita ng Panginoon kung paanong sinabi niya: Tunay na si Juan ay nagbawtismo sa tubig. Ngunit kayo ay babawtismuhan sa Banal na Espiritu. 17Kung binigyan sila ng Diyos ng ganoon ding kaloob na ibinigay sa atin na sumampalataya sa Panginoong Jesucristo, sino ba ako na makakasalungat sa Diyos?

   
 18Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila. Pinuri nila ang Diyos na sinasabi: Kung gayon ay binigyan din naman ng Diyos ang mga Gentil ng pagsisisi patungo sa buhay.

 

Ang Iglesiya sa Antioquia

 

 19Ang mga mananampalatayang nangalat dahil sa kahi-rapan na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Chipre at sa Antioquia. Wala silang ibang pinagsaysayan ng salita kundi ang mga Judio lamang. 20Ngunit ang ilan sa kanila na taga-Chipre at taga-Cerene ay dumating sa Antioquia. Sila ay nagsalita sa mga Judio na ang wika ay Griyego at ipinangangaral ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. 21Ang kamay ng Panginoon ay sumakanila. Marami sa kanila ang sumampalataya at nanumbalik sa Panginoon.

   
 22Ang ulat patungkol sa mga bagay na ito ay nakarating sa pandinig ng iglesiya na nasa Jerusalem. Sinugo nila si Bernabe hanggang sa Antioquia. 23Nang siya ay dumating, nakita niya ang biyaya ng Diyos. Siya ay nagalak at ipinamanhik niya sa lahat na sa kapasiyahan ng kanilang puso ay manatili sila sa Panginoon. 24Ito ay sapagkat siya ay mabuting tao, puspos ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya. Kaya ang napakaraming tao ay nadagdag sa Panginoon.

   
 25Si Bernabe ay pumunta sa Tarso upang hanapin si Saulo. 26At nang siya ay matagpuan niya, dinala niya siya sa Antioquia. Nangyari na sa buong isang taon, sila ay nakipag-tipon sa buong iglesiya. Sila ay nagturo sa maraming tao. Ang mga alagad ay unang tinawag na mga Kristiyano sa Antioquia.

   
 27Nang panahong iyon, may mga propetang lumusong mula sa Jerusalem at dumating sa Antioquia. 28Tumindig ang isa sa kanila na nagngangalang Agabo. Ipinahayag niya sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng malaking taggutom sa buong sanlibutan. Ito ay nangyari sa kapanahunan ni Claudio Cesar. 29Nakatalaga na ang loob ng mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid na nakatira sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. 30Ipinadala nila ito sa mga matanda sa pamamagitan ng kamay ni Bernabe at ni Saulo.

 

 

Mga Gawa 12

 

Iniligtas ng Anghel si Pedro Mula sa Bilangguan

 

 1Nang panahon ding iyon, ipinadakip ni haring Herodes ang ilan sa mga tao sa iglesiya upang pahirapan. 2Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. 3Nang makita niya na ikinatutuwa ito ng mga Judio, ipinadakip rin niya si Pedro. Nangyari ito noong mga Araw ng Tinapay na walang Pampaalsa. 4Ipinabilanggo ni Herodes si Pedro ng mahuli niya ito. Siya ay ibinigay sa apat na pangkat na may tig-aapat na kawal upang bantayan. Binabalak ni Herodes na iharap si Pedro sa mga tao pagkatapos ng paggunita sa araw ng Paglampas.

   
 5Si Pedro nga ay binantayan sa bilangguan, ngunit ang iglesiya ay maningas na nanalangin sa Diyos patungkol sa kaniya.

   
 6Sa gitna ng dalawang kawal si Pedro ay natutulog na nagagapos ng dalawang tanikala. Ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan. Ito ay nangyari nang gabing ilalabas na siya ni Herodes. 7At narito, tumayo sa tabi niya ang isang anghel ng Panginoon. Lumiwanag ang isang ilaw sa gusali at tinapik ng anghel si Pedro sa tagiliran. Siya ay ginising na sinasabi: Bumangon kang madali. Nalaglag ang mga tanikala sa kaniyang mga kamay.

   
 8Sinabi sa kaniya ng anghel: Magbihis ka at itali mo ang iyong mga panyapak. Gayon ang ginawa niya. Sinabi niya sa kaniya: Isuot mo ang iyong balabal at sumunod ka sa akin. 9Siya ay lumabas at sumunod. Hindi niya alam na totoo ang nangyayaring ito sa pamamagitan ng anghel dahil ang akala niya ay nakakita lamang siya ng isang pangitain. 10Nilampasan na nila ang una at ikalawang bantay. Dumating sila sa pintuang bakal na patungo sa lungsod at ito ay kusang nabuksan para sa kanila. Sila ay lumabas at nagpatuloy sa isang lansangan. Bigla na lamang siyang iniwan ng anghel.

   
 11Nang maliwanagan si Pedro, sinabi niya: Ngayon ko nalamang totoong sinugo ng Panginoon ang kaniyang anghel upang iligtas ako mula sa kamay ni Herodes at sa mangyayaring inaasahan ng mga Judio.

   
 12Habang pinag-iisipan niya ito, nakarating siya sa bahay ni Maria, na ina ni Juan, na tinatawag na Marcos. Nagkatipun-tipon dito ang marami at nananalangin. 13Nang si Pedro ay tumuktok sa pintuan, lumabas at sumagot ang isang dalagita. Ang pangalan niya ay Roda. 14Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, hindi niya nabuksan ang tarangkahan sa tuwa. Siya ay tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na si Pedro ay nakatayo sa harap ng tarangkahan.

   
 15Sinabi nila sa kaniya: Nababaliw ka. Ngunit pinatutunayan niyang siya nga. Kaya sinabi nila: Iyon ay kaniyang anghel.

   
 16Ngunit si Pedro ay patuloy na kumakatok. Nang mabuksan na nila ang tarangkahan, nakita nila siya at namangha sila. 17Ngunit hinudyatan niya sila na tumahimik. Isinaysay niya sa kanila kung papaano siya inilabas ng Panginoon sa bilangguan. Sinabi niya: Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago at sa mga kapatid. Siya ay umalis at nagpunta sa ibang dako.

   
 18Nang mag-umaga na, lubhang nagkagulo ang mga kawal dahil sa pagkawala ni Pedro. 19Siya ay ipinahanap ni Herodes at hindi siya nasumpungan. Dahil dito siniyasat niya ang mga bantay at ipinag-utos na sila ay patayin. Siya ay lumusong sa Cesarea mula sa Judea at doon nanatili.

 

Namatay si Herodes

 

 20Galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Sila ay nagkakaisang pumaroon sa kaniya. Nang mahimok nila si Blasto na katiwala ng hari, ipinamanhik nila ang pagkaka-sundo sapagkat ang lupain nila ay pinakakain ng lupain ng hari.

   
 21Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari. Umupo siya sa luklukan at nagtalumpati sa kanila. 22Ang mga tao ay sumigaw: Tinig ng diyos at hindi ng tao. 23Siya ay kaagad na hinampas ng isang anghel ng Panginoon sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya ay kinain ng mga uod at namatay.

   
 24Ang salita ng Diyos ay lumago at lumaganap.

   
 25Sina Bernabe at Saulo ay bumalik galing sa Jerusalem nang maganap na nila ang kanilang paglilingkod. Isinama nila si Juan na tinatawag na Marcos.

 

 

Mga Gawa 13

 

Sinugo sina Bernabe at Saulo

 

 1Sa iglesiya nga na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro. Sila ay sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro at si Lucio na taga-Cerene. Kabilang din si Manaem na kinakapatid ni Herodes na tetrarka at si Saulo. 2Nang sila ay naglilingkod sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu: Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo para sa gawaing kung saan sila ay tinawag ko. 3Nang makapanalangin na sila at makapag-ayuno, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at pagkatapos nito, sila ay pinahayo.

 

Sa Chipre

 

 4Kaya nga, sila na sinugo ng Banal na Espiritu ay lumusong sa Seleucia. Buhat doon ay naglayag sila hanggang sa Chipre. 5Nang sila ay nasa Salamina, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin naman nila si Juan na kanilang lingkod.

   
 6Nang matahak na nila ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang manggagaway, isang bulaang propeta. Siya ay isang Judio na ang pangalan ay Bar-Jesus. 7Kasama siya ng gobernador na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Siya ang nagpatawag kay Bernabe at kay Saulo dahil hinahangad niyang mapakinggan ang salita ng Diyos. 8Ngunit hinadlangan sila ni Elimas na mangga-gaway. Ang kahulugan ng pangalang Bar-Jesus ay Elimas. Pinagsisikapan niyang ilihis sa pananampalataya ang gobernador. 9Ngunit tinitigan siya ni Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Banal na Espiritu. 10Sinabi niya: O ikaw na anak ng diyablo, puno ka ng lahat ng pandaraya at ng lahat ng panlilinlang. Ikaw na kaaway ng lahat ng katuwiran, hindi ka ba titigil sa paglihis ng mga daang matuwid ng Panginoon? 11At ngayon, narito, ang kamay ng Panginoon ay nasa iyo. Mabubulag ka at hindi mo makikita ang araw sa ilang panahon.
   Kaagad na nahulog sa kaniya ang isang ulap at ang kadiliman. Siya ay lumibot na naghahanap ng aakay sa kaniya. 12Nang magkagayon, nang makita ng gobernador ang nangyari, sumampalataya siya. At lubos silang namangha sa katuruan ng Panginoon.

 

Sa Antioquia ng Pisidia

 

 13Si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay naglayag mula sa Pafos at umabot sa Perga ng Pamfilia. Si Juan ay humiwalay sa kanila at bumalik sa Jerusalem. 14Nang makaraan sila sa Perga, dumating sila sa Antioquia ng Pisidia. Sila ay pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabat at sila ay umupo. 15Pagkatapos ng pagbasa ng aklat ng kautusan at ng aklat ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpasabi sa kanila. Sinabi nila: Mga kapatid, kung mayroon kayong salita na makakapagpalakas ng loob sa mga tao, magsalita kayo.

   
 16Tumayo si Pablo at inihudyat ang kamay na sinabi: Mga lalaking taga-Israel, kayong may takot sa Diyos, makinig kayo. 17Ang Diyos ng mga taong ito ng Israel ay pinili ang ating mga ninuno. Pinarangalan niya ang mga tao nang sila ay nanirahan sa bayan ng Egipto at inilabas niya sila mula roon sa pamamagitan ng makapangyarihang bisig. 18Sa loob ng halos apatnapung taon ay pinagtiisan niya ang kanilang mga pag-uugali sa ilang. 19Nang maibagsak na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, hinati niya sa kanila ang kanilang bayan. 20Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagbigay siya ng mga hukom.
   Ito ay naganap sa loob ng halos apatnaraan at limampung taon hanggang kay Samuel na propeta. 21Pagkatapos ay humingi sila ng hari. Ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kis. Siya ay mula sa angkan ni Benjamin. Naghari siya sa kanila sa loob ng apatnapung taon. 22Nang siya ay inalis niya, itinindig niya para sa kanila si David upang maging hari. Siya rin naman ang pinatotohanan niya na sinabi:
      Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse.
      Siya ang lalaking ayon sa aking puso na gagawa
      ng buong kalooban ko.

   
 23Sa lahi ng taong ito, ayon sa pangako, ang Diyos ay nagtindig ng isang Tagapagligtas sa Israel. Siya ay si Jesus. 24Bago siya dumating ay nangaral muna si Juan ng bawtismo ng pagsisisi sa lahat ng mga tao sa Israel. 25Nang ginaganap na ni Juan ang kaniyang katungkulan, sinabi niya: Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Mesiyas. Ngunit narito, may isang dumarating sa hulihan ko. Hindi ako karapat-dapat magkalag ng mga panyapak ng kaniyang mga paa.

   
 26Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham at sa inyong mga may takot sa Diyos, sa inyo ipinadadala ang salita ng kaligtasang ito. 27Ito ay sapagkat hindi siya nakilala ng mamamayan ng Jerusalem at ng kanilang mga pinuno. Ngunit sa paghatol sa kaniya, ginanap nila ang mga hula ng mga propeta na binabasa tuwing araw ng Sabat. 28Bagaman hindi sila nakakita ng anumang dahilan upang hatulan siya ng kamatayan, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya ay patayin. 29Nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat patungkol sa kaniya, ibinaba siya ng mga alagad mula sa kahoy at inilagay sa libingan. 30Ngunit siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay. 31Maraming araw siyang nakita ng mga naging kasama niya sa pag-ahon mula sa Galilea hangggang sa Jerusalem. Sila ang mga naging saksi niya sa mga tao.

   
 32Ipinangangaral namin sa inyo ang ebanghelyo na ipinangako sa ating mga ninuno. 33Tinupad din ito ng Diyos sa atin na mga anak nila nang muli niyang buhayin si Jesus. Gaya rin naman ng nasusulat sa ikalawang Awit:
      Ikaw ay aking Anak. Sa araw na ito ay
      ipinanganak kita.

    34Patungkol naman sa muli niyang pagkabuhay mula sa mga patay upang hindi magbalik sa pagkabulok ay nagsalita siya ng ganito:
      Ibibigay ko sa iyo ang mga tapat na pangako ng
      Diyos kay David.

    35Kaya nga, sinabi rin niya sa ibang Awit:
      Hindi mo pababayaan na ang iyong Banal ay
      magdanas ng pagkabulok.

   
 36Ito ay sapagkat si David, nang matapos niyang paglingkuran ang kaniyang sariling lahi ayon sa kalooban ng Diyos ay namatay. Siya ay inilibing sa piling ng kaniyang mga ninuno at dumanas ng pagkabulok. 37Ngunit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok.

   
 38Kaya nga, alamin ninyo ito mga kapatid, na sa pamama-gitan ng lalaking ito ay ibinabalita sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. 39Sa pamamagitan niya, ang lahat ng sumasampalataya ay pinaging-matuwid sa lahat ng bagay. Sa mga bagay na ito ay hindi kayo maaaring mapapaging-matuwid sa pamamagitan ng kautusan ni Moises. 40Mag-ingat nga kayo na huwag mangyari sa inyo ang sinalita ng mga propeta:
       41Narito, kayong mga mapangutya, mamangha
      kayo at mapapahamak sapagkat may gagawin
      ako sa inyong mga araw. Ito ay isang gawa na
      sa anumang paraan ay hindi ninyo paniniwalaan
      kahit na may isang tao pang magsabi sa inyo.

   
 42Nang ang mga Judio ay nakaalis na sa sinagoga, ipinamanhik ng mga Gentil sa kanila na ang mga salitang ito ay ipangaral sa kanila sa susunod na araw ng Sabat. 43Nang makaalis na ang kapulungan sa sinagoga, marami sa mga Judio at mga naging Judiong masisipag sa kabanalan ang sumunod kay Pablo at kay Bernabe. Sila ay kinausap nila sila at hinimok na manatili sa biyaya ng Diyos.

   
 44Nang sumunod na araw ng Sabat ay nagkatipon ang halos buong lungsod upang makinig ng Salita ng Diyos. 45Nang makita ng mga Judio ang maraming tao, sila ay napuno ng inggit. Tinutulan nila ang mga bagay na sinalita ni Pablo. Sumasalungat sila at nanunungayaw.

   
 46Kaya si Pablo at Bernabe ay buong tapang na nagsabi: Kinakailangang sa inyo muna sabihin ang salita ng Diyos. Itinakwil at hinatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya tingnan nga ninyo, kami ay bumaling sa mga Gentil. 47Ito ay sapagkat sa ganitong paraan ay iniutos sa amin ng Panginoon:
      Itinalaga kita bilang isang ilaw sa mga Gentil
      para sa kaligtasan hanggang sa mga kadulu-duluhan
      ng daigdig.

   
 48Nang marinig ito ng mga Gentil ay nagalak sila. Niluwalhati nila ang salita ng Panginoon at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.

   
 49Ang salita ng Panginoon ay dinala nila sa buong lupain. 50Ngunit inudyukan ng mga Judio ang mga babaeng palasimba at yaong may matataas na kalagayan at ang mga pangunahing lalaki sa lungsod. At sila ay nagsimula pag-uusig laban kay Pablo at Bernabe. Pinalayas nila sila sa lupaing iyon. 51Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok ng kanilang mga paa laban sa kanila. Pagkatapos sila ay pumaroon sa Iconio. 52Ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.

 

 

Mga Gawa 14

 

Sa Iconio

 

 1Sa Iconio, sila ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Sila ay nagsalita, at sumampalataya ang napakaraming tao kapwa mga Judio at mga Griyego. 2Ngunit inudyukan ng mga di naniniwalang Judio ang mga Gentil. At pinasama ang kanilang mga isipan laban sa mga kapatid. 3Sila nga ay tumira doon ng mahabang panahon. Buong tapang silang nangaral para sa Panginoon. Pinatotohanan ng Panginoon ang salita ng kaniyang biyaya at pinagkalooban silang gawin ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay. 4Ngunit ang napakaraming tao sa lungsod ay nagkabaha-bahagi. Ang isang bahagi ay pumanig sa mga Judio at ang isang bahagi naman ay pumanig sa mga alagad. 5Nagkaroon ng kilusan sa mga Gentil at sa mga Judio rin naman kasama ang kanilang mga pinuno upang sila ay hamakin at batuhin. 6Nang nalaman nila ito, sila ay tumakas patungong Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia at sa mga lupain sa palibot nito. 7Doon sila ay patuloy na nangaral ng ebanghelyo.

 

Sa Listra at Derbe

 

 8May isang lalaki sa Listra na ang mga paa ay walang lakas at siya ay nakaupo. Kailanman ay hindi siya nakalakad sapagkat siya ay lumpo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina. 9At narinig ng taong ito na nagsasalita si Pablo. Tinitigan siya ni Pablo at nakita na siya ay may pananampalataya na siya ay mapapagaling. 10Sinabi sa kaniya sa malakas na tinig: Tumayo ka nang matuwid. Siya ay lumukso at lumakad.

   
 11Nang makita ng napakaraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila. Sinabi nila sa wikang Licaonia: Ang mga diyos ay bumaba sa atin na katulad ng mga tao. 12Si Bernabe ay tinawag nilang Zeus. Si Pablo naman ay Hermes sapagkat siya ang punong tagapagsalita. 13Ang saserdote ni Zeus na nasa harap ng kanilang lungsod ay nagdala ng mga toro at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan. Ibig niyang maghandog ng hain, kasama ang maraming tao.

   
 14Nang marinig ito ng mga apostol na sina Pablo at Bernabe, hinapak nila ang kanilang mga damit. Tumakbo sila sa gitna ng napakaraming tao at sumigaw. 15Sinabi nila: Mga kalalakihan, bakit ninyo ginawa ang mga bagay na ito? Kami ay mga tao ring may damdaming katulad ninyo. Nangaral kami ng ebanghelyo sa inyo upang mula sa mga bagay na ito na walang kabuluhan ay bumalik kayo sa Diyos na buhay. Siya ang gumawa ng langit, lupa, dagat at lahat ng nasa mga yaon. 16Nang mga nakaraang panahon, pinabayaan niyang ang lahat ng mga bansa ay lumakad sa kanilang mga sariling daan. 17Gayunman, hindi siya nagpabayang di-magbigay patotoo patungkol sa kaniyang sarili. Gumawa siya ng mabuti at nagbigay sa atin ng ulan na galing sa langit at ng mga panahong sagana. Binubusog ang ating mga puso ng pagkain at ng katuwaan. 18Sa mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang maraming tao sa paghahandog ng hain sa kanila.

   
 19Dumating ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio na nanghimok ng maraming tao. Pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad nila siya sa labas ng lungsod. Inaakala nilang siya ay patay na. 20Ngunit samantalang ang mga alagad ay nakatayo sa paligid niya, tumindig siya. Pumasok siya sa lungsod. Kinabukasan pumunta siya sa Derbe kasama si Bernabe.

 

Si Pablo at Bernabe ay Bumalik sa Antioquia ng Siria

 

 21Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lungsod na iyon at makapagturo sa maraming alagad, bumalik sila sa Listra, sa Iconio at sa Antioquia. 22Pinatatag nila ang mga kaluluwa ng mga alagad. Ipinamanhik niya sa kanila na sila ay manatili sa pananampalataya na sa pamamagitan ng maraming mga paghihirap, kinakailangang pumasok tayo sa paghahari ng Diyos. 23Nang makapagtalaga na sila ng mga matanda sa bawat iglesiya, at nang makapanalangin na may pag-aayuno, sila ay kanilang itinagubilin sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan. 24Tinahak nila ang Pisidia at pumaroon sa Pamfilia. 25Nang maipangaral na nila ang salita sa Perga, lumusong sila sa Atalia.

   
 26Mula doon ay naglayag sila sa Antioquia na kung saan sila ay itinagubilin sa biyaya ng Diyos para sa gawaing natapos nila. 27Nang dumating sila at matipon na ang iglesiya, isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Isinaysay rin nila kung paanong binuksan ng Diyos sa mga Gentil ang pintuan ng pananampalataya. 28Tumira sila roon nang mahabang panahon kasama ng mga alagad.

 

 

Mga Gawa 15

 

Ang Pulong sa Jerusalem

 

 1May ilang mga kalalakihan ang bumaba mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid. Sinabi nila: Malibang kayo ay patuli ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas. 2Kaya nga, dahil kina Pablo at Bernabe ay nagkaroon ng mahigpit na kaguluhan at pagtatalo sa kanila. Pinagpasiyahan nilang suguin sina Pablo at Bernabe at ilan pa sa kanila na umahon sa Jerusalem at makipagkita sa mga apostol at sa mga matanda patungkol sa katanungang ito. 3Sinugo nga sila ng iglesiya. Nang sila ay nagdaan sa Fenecia at Samaria, ibinalita nila ang pagnunumbalik ng mga Gentil. Sila ay nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. 4Nang sila ay dumating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesiya, ng mga apostol at ng mga matanda. Isinaysay nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.

   
 5Ngunit tumindig ang ilan sa sekta ng mga mananampalatayang Fariseo. Sinabi nila: Kinakailangang sila ay tuliin at iutos sa kanila na ganapin ang kautusan ni Moises.

   
 6Nagtipon ang mga apostol at ang mga matanda upang pag-usapan ang bagay na ito. 7Pagkatapos ng maraming pagtatalo, tumindig si Pedro. Sinabi niya sa kanila: Mga kapatid, nalalaman natin na nang nakaraang mga araw ay hinirang ako ng Diyos mula sa inyo. Hinirang ako upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng ebanghelyo at upang sila ay sumampalataya. 8Sila ay kinilala ng Diyos na nakakaalam ng puso ay siya ring nagbigay sa kanila ang Banal na Espiritu na gaya rin naman ng ginawa niya sa atin. 9Wala siyang ibinibigay na anumang kaibahan sa atin at sa kanila. Nilinis niya ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya. 10Ngayon nga, bakit ninyo sinusubuk ang Diyos? Bakit ninyo nilalagyan ng pamatok ang mga alagad na kahit ang ating mga ninuno, ni tayo man ay hindi makadala? 11Subalit sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesucristo tayo ay naniniwala na maliligtas tayo, gaya rin naman nila.

   
 12Pagkatapos nito, tumahimika ang napakaraming tao. Pinakinggan nila sina Pablo at Bernabe na nagsasaysay ng mga tanda at ng mga kamangha-manghang gawa na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan nila. 13Nang tumahimik sila, sumagot si Santiago na sinasabi: Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. 14Isinalaysay na ni Simeon kung paanong noong una ay dinalaw ng Diyos ang mga Gentil upang pumili sa kanila ng mga tao para sa kaniyang pangalan. 15Naaayon ito sa mga salita ng mga propeta. Ayon sa nasusulat:
       16Pagkatapos nito, ako ay babalik at itatayo
      kong muli ang tolda ni David na bumagsak.
      Itatayo kong muli ang mga nasira nito at ito ay
      aking ititindig muli. 17Upang hanapin nawa ng
      nalabi sa mga tao ang Panginoon at ng lahat ng
      mga Gentil na tinatawag sa aking pangalan. Ito
      ang sabi ng Panginoon na gumawa ng lahat ng
      mga bagay na ito. 18Alam ng Diyos ang lahat
      ng kaniyang mga gawa mula sa walang hanggan.

   
 19Dahil dito, ang hatol ko ay huwag gambalain iyong mga Gentil na nanumbalik sa Diyos. 20Sa halip, sulatan natin sila na lumayo sa mga bagay na nadungisan ng diyos-diyosan, sa kasalanang sekswal, sa mga binigti at sa dugo. 21Ito ay sapagkat mula pa nang unang panahon, sa bawat lungsod ay may mga nangaral na patungkol sa mga isinulat ni Moises. Binabasa ito sa mga sinagoga bawat araw ng Sabat.

 

Ang Sulat ng Kapulungan sa mga Mananampalatayang Gentil

 

 22Nang magkagayon, minabuti ng mga apostol at ng mga matanda gayundin ng buong iglesiya na humirang ng mga lalaking mula sa kanila upang suguin sila sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe. Sila ay sina Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas na mga tagapanguna sa mga kapatid. 23Sumulat sila ng ganito:
      Kaming mga apostol, mga matanda at mga kapatid ay
   bumabati sa inyo na aming mga kapatid na nasa mga
   Gentil sa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia.
       24Sumulat kami sapagkat nabalitaan namin na ang
   ilang umalis sa amin ay gumugulo sa inyo sa pamamagitan
   ng mga salita. Nililigalig nila ang inyong mga kaluluwa
   na sinasabi: Kinakailangang kayo ay tuliin at ganapin ang
   kautusan. Hindi kami nag-uutos ng ganito sa kaninuman
   sa kanila. 25Kaya minabuti namin ang may pagkakaisang
   magsugo sa inyo ng mga hinirang na lalaki. Sila ay kasama
   ng aming mga minamahal na Bernabe at Pablo. 26Sila
   ay mga lalaking nagsusuong ng kanilang mga buhay
   alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo.
    27Kaya nga, sinugo namin sina Judas at Silas. Sila ay
   magsasaysay rin naman sa inyo ng gayunding mga bagay.
    28Ito ay sapagkat minabuti ng Banal na Espiritu at minabuti
   rin namin na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na
   pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan.
    29Lumayo kayo sa mga bagay na inihandog sa mga
   diyos-diyosan, sa dugo, sa mga binigti at sa kasalanang
   sekswal. Kung iingatan ninyo ang inyong mga sarili mula
   sa mga bagay na ito ay makakabuti sa inyo. Paalam na
   sa inyo.

   
 30Kaya nang sila ay kanilang mapayaon na, lumusong sila sa Antioquia at nang kanilang mapagtipun-tipon ang napakaraming tao, kanilang ibinigay ang sulat. 31Nang mabasa na nila ito, nagalak sila dahil lumakas ang kanilang kalooban. 32Si Judas at si Silas, na mga propeta rin naman ay nagpalakas ng kalooban ng mga kapatid sa pamamagitan ng maraming mga salita. Sila ay pinatatag nila. 33Nang sila ay makagugol na ng ilang panahon doon, sila ay payapang pinabalik sa mga apostol ng mga kapatid. 34Ngunit minabuti ni Silas na magpaiwan doon. 35Naiwan din sina Pablo at Bernabe sa Antioquia. Itinuturo nila at ipinangangaral ang salita ng Panginoon na kasama naman ng iba.

 

Hindi Nagkasundo sina Pablo at Bernabe

 

 36Pagkaraan ng ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe: Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat lungsod na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon. Alamin natin kung ano ang kalagayan nila. 37Nakapagpasiya na si Bernabe na isama nila si Juan na tinatawag na Marcos. 38Ngunit inisip ni Pablo na hindi mabuting siya ay isama nila sapagkat humiwalay siya sa kanila sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain. 39Nagkaroon ng mahigpit na pagtatalo kaya sila ay naghiwalay sa isa't isa. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sa Chipre. 40Hinirang ni Pablo si Silas at yumaon sila na ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Diyos. 41Tinahak nila ang Siria at Cilicia, na pinatatatag ang mga iglesiya.

 

 

Mga Gawa 16

 

Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas

 

 1Siya ay dumating sa Derbe at sa Listra. Narito, isang alagad na nagngangalang Timoteo ang naroroon. Siya ay anak ng isang babaeng Judio na mananampalataya, ngunit ang kaniyang ama ay isang Griyego. 2Siya ay kinikilalang may mabuting patotoo sa mga kapatid na nasa Listra at Iconio. 3Ibig ni Pablo na isama siya. Kinuha niya siya at tinuli alang-alang sa mga Judio na nasa dakong iyon sapagkat nalalaman ng lahat na ang kaniyang ama ay isang Griyego. 4Sa pagtahak nila sa mga lungsod, ibinigay nila ang mga batas, na pinagpasiyahan ng mga apostol at ng mga matanda sa Jerusalem na kanilang dapat sundin. 5Kaya nga, ang mga iglesiya ay naging matibay sa pananampalataya at nadadagdagan ang bilang araw-araw.

 

Nakita ni Pablo sa Isang Pangitain ang Isang Lalaking Taga-Macedonia

 

 6Pagdaan nila sa Frigia at sa lalawigan ng Galacia, pinagbawalan sila ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita sa Asya. 7Nang dumating sila sa Misia, pinagsikapan nilang makapasok sa Bitinia, ngunit hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu. 8Pagkaraan nila sa Misia, lumusong sila patungong Troas. 9Isang gabi, si Pablo ay nakakita ng isang pangitain. May isang lalaking taga-Macedonia na nakatayo at namamanhik sa kaniya. Sinasabi nito: Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami. 10Pagkatapos niyang makita ang pangitain, agad naming sinikap na magtungo sa Macedonia. Buo ang aming paniniwalang tinatawag kami ng Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.

 

Ang Pagsampalataya ni Lydia Doon sa Filipos

 

 11Paglayag nga mula sa Troas ay tuwiran kaming naglayag patungo sa Samotracia. Kinabukasan, nagtuloy kami sa Neapolis. 12Mula roon, nagtuloy kami sa Filipos. Ito ay isang kolonya ng Roma at pangunahing lungsod ng Macedonia. Nanatili kami ng ilang araw sa lungsod na iyon.

   
 13Nang araw ng Sabat ay lumabas kami ng lungsod, sa tabi ng ilog kung saan ang pananalangin ay kinaugaliang gawin. Kami ay umupo at nakipag-usap sa mga babaeng nagkakatipon. 14Ang isa sa mga babae na naroroon ay mula sa lungsod ng Tiatira. Ang pangalan niya ay Lydia. Siya ay mangangalakal ng telang kulay ube. Siya ay sumasamba sa Diyos at nakinig sa amin. Binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang kanilang pahalagahan ang mga bagay na sinabi ni Pablo. 15Nang siya at ang kaniyang sambahayan ay mabawtismuhan na, namanhik siya sa amin. Kung ako ay ibinibilang ninyong tapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay at kayo ay manatili roon. At nahimok niya kami.

 

Si Pablo at Silas sa Bilangguan

 

 16Nangyari na nang kami ay patungo sa pook-dalanginan, sinalubong kami ng isang dalagitang may espiritu ng panghuhula. Malaki ang kinikita ng kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng kaniyang panghuhula. 17Siya ay sumunod kay Pablo at sa amin. Sumisigaw siya na sinasabi: Ang mga lalaking ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos. Ipinangangaral nila sa atin ng daan ng kaligtasan. 18Maraming araw na ginagawa niya ang ganito. Ngunit si Pablo, na nabagabag, ay humarap at sinabi sa espiritu: Iniutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo, lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas agad sa oras ding iyon.

   
 19Ngunit nang makita ng kaniyang mga panginoon na wala na silang pag-asang kumita sa pamamagitan niya, hinuli nila sina Pablo at Silas. Kinaladkad nila sila sa pamilihang dako, sa harapan ng mga may kapangyarihan. 20Nang maiharap na sila sa mga hukom, sinabi nila: Ang mga lalaking ito, bilang mga Judio, ay lubos na nanggugulo sa ating lungsod. 21Sila ay nagpapahayag ng mga kaugaliang hindi natin nararapat na tanggapin o gawin bilang mga taga-Roma.

   
 22Sama-samang tumindig ang karamihan laban sa kanila. Hinapak ng mga hukom ang kanilang mga damit. Kanilang iniutos na sila ay paluin ng mga pamalong kahoy. 23Nang masugatan na nila sila nang marami, inihagis nila sila sa bilangguan. Iniutos sa punong-bantay ng bilangguan na bantayan silang mabuti. 24Nang tanggapin nito ang gayong utos, inihagis nila sila sa kaloob-looban ng bilangguan. Inilagay ang kanilang mga paa sa mga pamiit na napakasakit.

   
 25Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nanalangin at umaawit ng papuri sa Diyos. Sila ay pinapakinggan ng mga bilanggo. 26Bigla na lamang nagkaroon ng isang malakas na lindol. Anupa't umuga ang mga patibayan ng bilangguan. Kaagad ay nabuksan ang lahat ng mga pinto at nakalas ang mga gapos ng bawat isa. 27Ang punong-bantay ng bilangguan ay nagising sa pagkakatulog. Nang makita niyang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kaniyang tabak. Magpapakamatay na sana siya sa pag-aakalang nakatakas na ang mga bilanggo. 28Ngunit si Pablo ay sumigaw ng malakas na sinabi: Huwag mong saktan ang iyong sarili sapagkat naririto kaming lahat.

   
 29Siya ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob. Siya ay nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30Inilabas niya sila at sinabi: Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?

   
 31Sinabi nila: Sumampalataya ka sa Panginoong Jesucristo at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan. 32Sinalita nila sa kaniya ang salita ng Panginoon at gayundin sa lahat ng nasa kaniyang bahay. 33Sila ay kinuha niya sa oras ding iyon ng gabi. Hinugasan ang kanilang mga sugat. Kaagad ay binawtismuhan siya at ang buo niyang sambahayan. 34Dinala niya sila sa kaniyang bahay. Hinainan niya sila ng pagkain at nagalak din ang buo niyang sambahayan sapagkat sila ay sumampalataya sa Diyos.

   
 35Nang umaga na, ang mga hukom ay nagsugo ng mga sarhento. Sinabi nila: Pakawalan mo ang mga lalaking iyan. 36Ang punong-bantay ng bilangguan ay nag-ulat kay Pablo ng mga salitang ito: Nagsugo ang mga pinuno na kayo ay pakawalan. Lumabas nga kayo ngayon at humayo kayong payapa.

   
 37Ngunit sinabi ni Pablo sa kanila: Pinalo nila kami sa hayag na hindi nahatulan. Bagaman kami ay mga mamamayang Romano, inihagis nila kami sa bilangguan. Ngayon ay palihim nila kaming palalayain. Hindi. Kinakailangang sila mismo ang pumarito at pakawalan nila kami.

   
 38Iniulat ng mga sarhento ang mga salitang ito sa mga hukom. Natakot sila nang marinig nila na sila ay mga Romano. 39Sila ay pumaroon at namanhik sa kanila. Nang mailabas na nila sila, hiniling nila sa kanila na lumabas sa lungsod. 40Sila ay lumabas sa bilangguan at nagpunta sa bahay ni Lydia. Nang makita nila ang mga kapatid, pinatibay nila ang kalooban ng mga kapatiran at sila ay umalis.

 

 

Mga Gawa 17

 

Sa Tesalonica

 

 1Pagkaraan nila sa Antipolis at Apolonia, dumating sila sa Tesalonica. Dito ay may sinagoga ng mga Judio. 2Si Pablo ay pumasok doon ayon sa kaniyang kaugalian. Siya ay nakipagpaliwanagan sa kanila sa mga kasulatan sa loob ng tatlong araw ng Sabat. 3Ipinaliliwanag niya sa kanila ang kasulatan at ipinakikita ang katibayang kinakailangang ang Cristo ay magbata at muling mabuhay mula sa mga patay. Ang Jesus na ipinangangaral ko sa inyo ang siyang Mesiyas. 4Ang ilan sa kanila ay nahikayat at sumama kay Pablo at kay Silas. Nahikayat din ang maraming Griyegong palasamba sa Diyos at maraming mga pangunahing babae.

   
 5Ngunit ang mga Judio na hindi nanampalataya ay naiinggit. Sila ay nagsama ng ilang masamang tao mula sa pamilihan. Nagtipon sila ng isang grupo at ginulo ang lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at pinagsikapan nilang maiharap sila sa mga tao. 6Nang hindi nila sila matagpuan, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng opisyales ng lungsod. Ipinagsisigawan nilang: Sila na mga nanggugulo sa sanlibutan ay pumunta rin dito. 7Sila ay tinanggap ni Jason. Silang lahat ay gumagawa ng laban sa mga utos ni Cesar. Sinasabi nila: May ibang hari, si Jesus. 8At kanilang ginulo ang napakaraming tao at ang mga pinuno ng lungsod, nang marinig nila ang mga bagay na ito. 9Nang matanggap na nila ang sapat na salapi para kay Jason at para sa iba, sila ay pinalaya nila.

 

Sa Berea

 

 10Kinagabihan ay agad-agad na pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas papuntang Berea. Pagdating nila roon, sila ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio. 11Sila ay higit na mararangal na tao kaysa sa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita ng buong sigasig. Sinaliksik nila ang mga kasulatan araw-araw kung tunay nga ang mga bagay na ito. 12Kaya nga, marami sa kanila ang sumampalataya. Gayundin ang mga iginagalang na babaeng Griyego at ang maraming lalaki ay sumampalataya.

   
 13Ngunit nang malaman ng mga Judiong taga-Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinangaral ni Pablo sa Berea. Pumunta sila doon at kanilang ginulo ang mga tao. 14Kaya kaagad na pinaalis ng mga kapatiran si Pablo na waring patungo siya sa dagat. Subalit sina Silas at Timoteo ay nanatili pa roon. 15Si Pablo ay dinala sa Atenas ng mga nag-iingat sa kaniya. Sila ay nagbalik taglay ang utos ni Pablo para kina Silas at Timoteo na sila ay agad na sumunod sa kaniya.

 

Sa Atenas

 

 16Habang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, nahamon ang kaniyang kalooban nang makita niyang ang buong lungsod ay punong-puno ng mga diyos-diyosan. 17Kaya siya ay nakikipagkatwiranan sa mga Judio sa loob ng sinagoga at sa mga taong palasamba. Gayundin, araw-araw siyang nakikipagkatwiranan sa sinumang makatagpo niya sa pamilihan. 18Ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipag-usap sa kaniya. Sinabi ng ilan: Ano ang ibig sabihin ng lalaking ito na nagsasalita ng walang kabuluhan? Ang iba ay nagsasabing para siyang tagapangaral ng mga kakaibang diyos sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na mag-uli. 19Siya ay kinuha nila at dinala siya sa burol ng Areo. Sinabi nila: Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na sinasalita mo? 20Ito ay sapagkat nagdadala ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga pandinig. Gusto nga naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito. 21Ginugugol ng mga taga-Atenas at ng mga nakikipamayan doon ang kanilang panahon, hindi sa ano pa man, kundi sa pagsasalaysay o pakikinig ng mga bagong bagay.

   
 22Kaya si Pablo ay tumayo sa gitna ng burol ng Areo at nagsabi: Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng mga bagay ay lubha kayong tapat sa inyong relihiyon. 23Ito ay sapagkat sa aking paglalakad at pagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba ay nakakita ako ng isang dambana. Doon ay may nakaukit na ganito: SA ISANG DIYOS NA HINDI KILALA. Siya na inyong sinasamba bagaman hindi ninyo nakikilala, siya ang aking ipinangangaral sa inyo.

   
 24Ang Diyos na lumikha ng sanlibutan at ng lahat na narito ay ang Panginoon ng langit at lupa. Hindi siya tumitira sa mga banal na dako na ginawa ng mga kamay. 25Hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng mga tao na para bang nangangailangan siya ng anumang bagay. Hindi, siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay. 26Ginawa niya mula sa isang dugo ang bawat bansa ng mga tao upang manahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda na niya nang una pa ang mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang pananahanan. 27Ginawa niya ito upang hanapin nila ang Panginoon at sa kanilang pag-aapuhap ay baka sakaling masumpungan nila siya. Gayunman siya ay hindi malayo sa bawat isa sa atin. 28Ito ay sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay nabubuhay, kumikilos at mayroong pagkatao. Gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling makata: Dahil tayo rin naman ay kaniyang mga anak.

   
 29Yamang tayo nga ay mga anak ng Diyos, hindi marapat na isipin natin na ang kaniyang pagka-Diyos ay tulad ng ginto, pilak o ng bato na inukit sa pamamagitan ng kalinangan at kathang-isip ng tao. 30Ang mga panahon ng di-pagkaalam ay hindi na nga pinansin ng Diyos. Ngunit ngayon ay iniuutos niya sa sa lahat mga tao sa bawat dako na magsisi. 31Ito ay sapagkat nagtakda siya ng isang araw na hahatulan niya ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking itinalaga niya. Pinatunayan niya ito sa lahat ng mga tao nang siya ay kaniyang buhayin mula sa mga patay.

   
 32Nang marinig nila ang patungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, nanglibak ang ilan. Ngunit sinabi ng iba: Muli ka naming pakikinggan patungkol dito. 33Sa gayon ay umalis si Pablo sa kanilang kalagitnaan. 34Ngunit sumama sa kaniya ang ilang mga tao at sumampalataya. Sa kanila na sumampalataya ay kabilang si Dionisio na taga-burol ng Areo, at isang babaeng nagngangalang Damaris at ang iba pa nilang kasama.

 

 

Mga Gawa 18

 

Sa Corinto

 

 1Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Pablo ay umalis sa Atenas at pumunta sa Corinto. 2Natagpuan niya roon ang isang Judiong nagngangalang Aquila, lalaking tubo sa Ponto. Kasama niya ang kaniyang asawa na si Priscilla kagagaling pa lamang nila sa Italia, sapagkat iniutos ni Claudio na ang lahat ng mga Judio ay umalis sa Roma. Si Pablo ay lumapit sa kanila. 3Dahil sa magkatulad ang kanilang hanapbuhay, siya ay nakipanuluyan sa kanila. Ang hanapbuhay nila ay ang paggawa ng mga tolda. 4Tuwing araw ng Sabat ay nakikipagkatwiranan siya sa sinagoga. Hinihimok niya ang mga Judio at ang mga Griyego.

   
 5Nang dumating na sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, si Pablo ay nagkaroon ng kabigatan sa espiritu na magpatotoo sa mga Judio na si Jesus ang siyang Mesiyas. 6Nang sila ay tumutol at namusong, ipinagpag ni Pablo ang kaniyang mga damit at sinabi sa kanila: Ang dugo ninyo ay sumainyong mga ulo. Wala na akong pananagutan sa inyo. Kaya mula ngayon ay paroroon ako sa mga Gentil.

   
 7Umalis siya roon at dumating sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Justo. Siya ay sumasamba sa Diyos at ang bahay niya ay katabi ng sinagoga. 8Si Crispo na pinuno ng sinagoga at ang kaniyang buong sambahayan ay nanampalataya sa Panginoon. Sa pamamagitan ng pakikinig, marami sa mga taga-Corinto ang sumampalataya at nabawtismuhan.

   
 9Kinagabihan, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng pangitain: Huwag kang matakot kundi magsalita ka at huwag kang tumahimik. 10Ito ay sapagkat ako ay sumasaiyo at walang sinumang gagawa ng masama upang saktan ka sapagkat marami akong mga tao sa lungsod na ito. 11Siya ay nanatili roon ng isang taon at anim na buwan na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.

   
 12Ngunit nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, ang mga Judio ay nagkaisang tumindig laban kay Pablo at siya ay dinala sa harapan ng hukuman. 13Sinabi nila: Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao upang sumamba sa Diyos laban sa kautusan.

   
 14Ngunit nang magsasalita na si Pablo, sinabi ni Galio sa mga Judio: O, mga Judio, kung ito ay patungkol sa kalikuan o napakasamang gawa nararapat lamang na pakinggan ko kayo. 15Ngunit yamang ito ay patungkol sa mga pagtatalo patungkol sa mga salita, mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo na ang bahala sa inyong sarili sapagkat ayaw kong maging tagahatol sa mga bagay na ito. 16Itinaboy ni Galio sila sa hukuman. 17Hinawakan ng lahat ng mga Griyego si Sostenes na pinuno ng sinagoga at hinampas siya sa harapan ng hukuman. Hindi man lamang pinansin ni Galio ang mga bagay na ito.

 

Sina Priscila, Aquila at Apollos

 

 18Si Pablo ay nanatili roon ng maraming araw. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatid at buhat doon ay naglayag siya patungo sa Siria. Kasama niya sina Priscila at Aquila. Ginupit niya ang kaniyang buhok nang siya ay nasa Cencrea na sapagkat natapos na niya ang kaniyang sinumpaan. 19Dumating siya sa Efeso at iniwan niya sila roon. Ngunit siya ay pumasok sa sinagoga at nakipagtalo sa mga Judio. 20Sila ay namanhik sa kaniya na tumigil pa roon ng ilang panahon. Ngunit hindi siya pumayag. 21Subalit siya ay nagpaalam sa kanila, sinabi niya: Kinakailangang sa anumang paraan ay makapagdiwang ako sa nalalapit na kapistahan sa Jerusalem. Ngunit babalik akong muli sa inyo kung loloobin ng Diyos. Siya ay naglayag buhat sa Efeso. 22Nang makalunsad na siya sa Cesarea, siya ay umahon at bumati sa iglesiya. Pagkatapos nito ay lumusong siya sa Antioquia.

   
 23Nang makagugol na siya roon ng ilang panahon ay umalis na siya. Nilibot niya ang lalawigan ng Galacia at Frigia na pinatatatag ang lahat ng mga alagad.

   
 24Dumating sa Efeso ang isang Judio na nagngangalang Apollos. Siya ay isang lalaking taga-Alexandria na magaling manalita at may malawak na kaalaman patungkol sa mga kasulatan. 25Ang lalaking ito ay tinuruan sa daan ng Panginoon. Yamang siya ay may maningas na espiritu, sinalita niya at itinuro ng walang kamalian ang mga bagay patungkol sa Panginoon. Ngunit ang nalalaman lamang niya ay ang patungkol sa bawtismo ni Juan. 26Siya ay nagpasimulang magsalita ng buong katapangan sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila, siya ay isinama nila. Ipinaliwanag nilang maingat sa kaniya na walang kamalian ang daan ng Panginoon.

   
 27Nang ibig niyang dumaan sa Acaya, sumulat ang mga kapatid sa mga alagad na tanggapin siya. Nang dumating siya roon, lubos siyang tumulong sa mga sumampalataya sa pamamagitan ng biyaya. 28Ito ay sapagkat may kapangyarihang dinaig niya ng hayagan ang mga Judio. Ipinakita niya sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus ang Mesiyas.

 

 

Mga Gawa 19

 

Si Pablo sa Efeso

 

 1Nangyari, na samantalang si Apollos ay nasa Corinto, tinahak ni Pablo ang daan sa hilaga at dumating sa Efeso. Nakasumpong siya roon ng ilang alagad. 2Sinabi niya sa kanila: Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?
   Sinabi nila sa kaniya: Hindi man lang namin narinig na may Banal na Espiritu.

   
 3Sinabi niya: Kung gayon, anong bawtismo ang tinanggap ninyo?
   Sinabi nila: Ang bawtismo ni Juan.

   
 4Sinabi ni Pablo: Nagbawtismo nga si Juan ng bawtismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila ay dapat sumampalataya sa kaniya na darating sa hulihan niya, samakatuwid ay si Jesus na siyang Mesiyas. 5Nang ito ay marinig ng mga taga-Efeso, sila ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6Nang ipinatong ni Pablo ang kaniyang mga kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Sila ay nagsalita ng mga wika at naghayag ng salita ng Diyos. 7Ang bilang ng mga lalaki ay humigit kumulang sa labindalawa.

   
 8Pumasok siya sa sinagoga at nagsalita siya ng may katapangan. Sa loob ng tatlong buwan, siya ay nakikipagkatwiranan at nanghihikayat patungkol sa mga bagay na nauukol sa paghahari ng Diyos. 9Ang ilan ay nagmatigas at ayaw maniwala. Sa harapan ng maraming tao pinagsalitaan nila ng masama ang Daan. Kaya umalis siya sa kanila. Inihiwalay niya ang mga alagad mula sa kanila at araw-araw ay nakikipagkatwiranan sa paaralan ni Tirano. 10Ito ay tumagal ng dalawang taon. Anupa't ang lahat ng nakatira sa Asya ay nakarinig ng salita ng Panginoong Jesus. Sila ay ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego.

   
 11Ang Diyos ay gumawa ng mga di-pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo. 12Kahit na ang mga panyo o mga tapis na mapadaiti sa kaniyang balat ay dinadala sa mga may karamdaman. Sila ay gumaling sa kanilang mga karamdaman at ang mga karumal-dumal na espiritu ay lumalabas mula sa kanila.

   
 13May ilan sa mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng mga karumal-dumal na espiritu ay nagsimulang sambitin ang pangalan ng Panginoong Jesus. Sinasabi nila: Ipinag-uutos namin sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipinangangaral ni Pablo. 14Pitong anak na lalaki ni Esceva na isang Judio at pinunong-saserdote ang gumagawa nito. 15Sumagot ang masamang espiritu at sinabi sa kanila: Kilala ko si Jesus at nakikilala ko si Pablo. Ngunit sinu-sino kayo? 16Ang lalaking may karumal-dumal espiritu ay lumundag sa kanila at nagapi sila dahil siya ay higit na malakas kaysa sa kanila. Kaya tumakas sila mula sa bahay na iyon na mga sugatan at mga walang anumang damit.

   
 17Nalaman ito ng lahat ng mga Judio at gayundin ng mga Griyego na nakatira sa Efeso. At silang lahat ay natakot at ang pangalan ng Panginoong Jesus ay lalong dinakila. 18Marami rin naman sa mga mananampalataya ang dumating. Inihayag nila at isinaysay ang kanilang mga masasamang gawa. 19Marami sa mga gumagawa ng panggagaway ang nagdala ng kanilang mga aklat at pinagsusunog sa paningin ng lahat. Binilang nila ang halaga ng mga iyon. Natuklasan nilang umabot sa limampung libong putol na pilak ang halaga nito. 20Sa gayong paraan, lumagong may kapangyarihan ang salita ng Panginoon at ito ay nanaig.

   
 21Pagkatapos nga na maganap ang mga bagay na ito, binalak ni Pablo sa kaniyang loob na dumaan muna sa Macedonia at Acaya, at sa Jerusalem. Sinabi niya: Pagkagaling ko roon, kinakailangang makita ko naman ang Roma. 22Nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawang naglingkod sa kaniya, nanatili siya nang ilang panahon sa Asya. Ang dalawang sinugo niya ay sina Timoteo at Erasto.

 

Ang Kaguluhan sa Efeso

 

 23Nangyari, na sa panahong iyon ay may naganap na malaking kaguluhan patungkol sa Daan. 24Ito ay sapagkat may isang lalaking panday-pilak na nagngangalang Demetrio. Siya ay gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis. Ito ay pinagkakakitaan nang malaki ng mga panday-pilak. 25Tinipon ni Demetrio ang lahat gayundin ang mga gumagawa ng gayong gawain. Sinabi niya: Mga kalalakihan, nalalaman ninyo na yumayaman tayo sa hanapbuhay na ito. 26Nakikita ninyo at naririnig, hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asya nakahimok ang Pablong ito at ibinabaling niya ang maraming tao. Sinasabi niyang walang mga diyos na ginawa ng kamay. 27Nanganganib na mapasama ang pangalan ng pangangalakal nating ito. Hindi lamang iyon, kundi gayundin ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay ituturing na walang halaga. Mababawasan na ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong lalawigan ng Asya at ng sanlibutan.

   
 28Nang marinig nila ito, napuno sila ng poot. Nagsigawan sila na sinasabi: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso. 29Napuno ng kalituhan ang buong lungsod. Pinagkaisahan nilang lusubin ang dulaan. Sinunggaban nila sina Gayo at Aristarco na mga taga-Macedonia at mga kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30Nang ibig pasukin ni Pablo ang mga tao, hindi siya pinahintulutan ng mga alagad. 31Ang ilan sa mga pinuno ng Asya na mga kaibigan niya ay nagsugo sa kaniya. Ipinamanhik nila sa kaniya na huwag pumunta sa dulaan.

   
 32Ang iba nga ay sumisigaw ng ibang bagay at iba naman ang isinisigaw ng iba dahil ang buong kapulungan ay nasa kalituhan. Hindi malaman ng nakakarami kung bakit sila ay nagkakatipon. 33Inilabas nila si Alexander mula sa maraming tao. Ipinagtutulakan siya ng mga Judio na pumunta sa may dakong harapan. Inihudyat ni Alexander ang kaniyang mga kamay na ibig sanang magtanggol sa harapan ng mga tao. 34Ngunit nang nakilala nila na siya ay isang Judio, nagkaisa silang lahat sa paulit-ulit na pagsigaw. Sa loob ng halos dalawang oras ay kanilang isinisigaw: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso.

   
 35Nang mapatahimik na ng kawaning-lungsod ang kara-mihan, sinabi niya: Kayong mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lungsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang diyosang si Artemis at ng diyos-diyosang nahulog mula kay Zeus? 36Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito ay dapat lang na pumayapa kayo. Hindi kayo dapat gumawa ng anumang bagay na pabigla-bigla. 37Ito ay sapagkat dinala ninyo rito ang mga lalaking ito na hindi naman nagnakaw sa templo, ni namusong man sa inyong diyosa. 38Kung si Demetrio nga at ang kasamahan niyang mga panday ay may anumang sakdal laban sa kanino man, bukas ang hukuman. May mga gobernador tayo, bayaan ninyong magsakdal ang isa't isa. 39Ngunit kung may katanungan kayo sa ano pa mang mga bagay, lulutasin ito ayon sa nararapat na kapulungan. 40Tayo ay nanganganib na maipagsakdal ng paghihimagsik dahil sa gulong nangyari sa araw na ito na walang anumang kadahilanan. Ito ay sapagkat hindi tayo makakapagpaliwanag patungkol sa magulong pagkakatipon na ito. 41Pagkasabi niya nito, pinauwi na niya ang mga tao.

 

 

Mga Gawa 20

 

Ang Pagdaan sa Macedonia at Grecia

 

 1Pagkatapos na mapatigil ang kaguluhang ito, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Nagpaalam siya sa kanila at siya ay umalis patungong Macedonia. 2Nang makarating na siya sa mga dakong iyon, pinalakas niya ang kanilang mga kalooban sa pamamagitan ng mga salita. At siya ay dumating sa Grecia. 3Tatlong buwan siyang nanatili roon. Nagkasabwatan na ang mga Judio laban sa kaniya at nang siya ay maglalayag na sa Siria, pinagpasiyahan niyang bumalik na dadaan sa Macedonia. 4Sinamahan siya hanggang sa Asya ng mga taong ito: Si Sopatro na taga-Berea, sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, sina Gayo at Timoteo na mga taga-Derbe, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asya. 5Nauna sila at hinintay kami sa Troas. 6Naglayag kami mula sa Filipos pagkatapos ng kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa. Nakarating kami sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw at nanatili kami roon ng pitong araw.

 

Doon sa Troas, Si Eutico ay Ibinangon Mula sa mga Patay

 

 7Nang unang araw ng sanlinggo, ang mga alagad ay nagkakatipun-tipon upang magputul-putol ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila dahil siya ay papaalis na kinabukasan. Tumagal ang kaniyang pangangaral hanggang hatinggabi. 8Mayroong maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagkakatipunan nila. 9May nakaupo sa bintana na isang binatang nagngangalang Eutico. Dahil antok na antok na siya, nakatulog siya nang mahimbing. Sa kahabaan ng pangangaral ni Pablo at sa kaniyang mahimbing na pagkatulog, nahulog siya mula sa ikatlong palapag. Patay na nang siya ay damputin. 10Nanaog si Pablo at dumapa sa ibabaw niya. Niyakap siya at sinabi: Huwag kayong magkagulo, sapagkat nasa kaniya pa ang kaniyang buhay. 11Siya nga ay muling pumanhik at pinagputul-putol ang tinapay at kumain. Pagkatapos nito, nagsalita pa siya ng mahaba sa kanila hanggang sa sumikat na ang araw at pagkatapos ay umalis na siya. 12At iniuwi nilang buhay ang binata at lubos silang naaliw.

 

Ang Pamamaalam ni Pablo sa Matatanda sa Efeso

 

 13Kami ay nauna sa barko at naglayag patungong Asos upang doon isakay si Pablo. Ito ang bilin niya dahil ibig niyang maglakad. 14Nang sinalubong niya kami sa Asos, isinakay na namin siya, at kami ay pumunta sa Mitilene. 15Naglayag kami mula roon, kinabukasan ay sumapit kami sa tapat ng Quio. Kinabukasan, dumating kami sa Samos at nanatili kami sandali sa Trogilium. Kinabukasan, dumating kami sa Mileto. 16Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso dahil ayaw niyang gumugol ng panahon sa Asya. Siya ay nagmamadali sapagkat ninanais niya hanggat maaari, na siya ay naroroon sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.

   
 17Mula sa Mileto ay nagsugo siya sa Efeso. Ipinatawag niya ang mga matanda sa iglesiya. 18Nang makarating ang mga ito sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa kanila: Nalalaman ninyo simula pa sa unang araw na tumungtong ako sa Asya kung papaano ako namuhay kasama ninyo sa buong panahon. 19Ako ay naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapakumbaba ng isip at ng maraming luha. Dumaan ako sa mga mabigat na pagsubok dahil sa mga sabwatan ng mga Judio. 20Nalalaman ninyo na wala akong ipinagkait na anumang bagay na mapapakinabangan ninyo. Nagturo ako sa inyo ng hayagan at sa bahay-bahay. 21Pinatototohanan ko sa mga Judio at sa mga Griyego ang pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo.

   
 22Ngayon, narito, ako ay nabibigatan sa espiritu na pumunta sa Jerusalem. Hindi ko alam ang mga bagay na mangyayari sa akin doon. 23Ang tanging alam ko, sa bawat lungsod ay pinatotohanan ng Banal na Espiritu, na sinasabing ang mga tanikala at mga paghihirap ang naghihintay sa akin. 24Ngunit hindi ko inaalala ang mga bagay na iyon ni hindi ko itinuturing ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga. Nang sa gayon ay matapos ko ang aking takbuhin na may kagalakan at ang paglilingkod na tinanggap ko sa Panginoong Jesus upang magpatotoo sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.

   
 25Ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat na nalibot ko, upang pangaralan sa paghahari ng Diyos, ay hindi na muli pang makakakita ng aking mukha. 26Kaya ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito, na wala akong pananagutan sa dugo ng lahat ng tao. 27Ito ay sapagkat hindi ako nagkulang na ipangaral sa inyo ang buong kalooban ng Diyos. 28Kaya nga, ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila ay itinalaga kayong mga tagapangasiwa ng Banal na Espiritu upang pangalagaan ninyo ang iglesiya ng Diyos na binili niya ng sarili niyang dugo. 29Ito ay sapagkat nalalaman ko ito, na sa pag-alis ko ay papasukin kayo ng mga mabagsik na lobo na walang patawad na sisila sa kawan. 30Titindig mula sa mga kasamahan ninyo ang mga lalaking magsasalita ng mga bagay na lihis. Ang layunin nila ay upang ilayo ang mga alagad para sumunod sa kanila. 31Kaya nga, magbantay kayo. Alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon, gabi at araw ay hindi ako tumitigil ng pagbibigay babala sa bawat isa sa inyo na may mga pagluha.

   
 32Ngayon mga kapatid, inihahabilin ko kayo sa Diyos at sa salita ng kaniyang biyaya. Ito ang makapagpapatibay at makapagbibigay sa inyo ng mana, kasama ang lahat ng pinaging-banal. 33Hindi ko hinangad ang pilak, ginto o ang pananamit ng sinuman. 34Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay gumawa para sa aking mga pangangailangan at ng aking mga kasamahan. 35Nagpakita ako ng halimbawa sa inyo sa lahat ng mga bagay. Sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong sumaklolo sa mahihina. Dapat ninyong alalahanin ang salita ng Panginoong Jesus na siya rin ang maysabi: Lalo pang pinagpala ang magbigay kaysa tumanggap.

   
 36Nang masabi niya ang lahat ng mga ito, lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat. 37Silang lahat ay tumangis na mainam. Niyakap nila si Pablo ng buong pagmamahal. 38Ang lubha nilang ikinahapis ay ang sinabi niyang hindi na nila muling makikita ang kaniyang mukha. At inihatid nila siya sa barko.

 

 

Mga Gawa 21

 

Ang Pagpunta sa Jerusalem

 

 1Nangyari, na pagkahiwalay namin sa kanila at makapaglayag, pumunta na kami sa Cos. Kinabukasan pumunta kami sa Rodas at buhat doon pumunta kami sa Patara. 2Nang masumpungan namin ang isang barko na dumaraan patungong Fenecia, lumulan kami at naglayag. 3Nang matanaw namin ang Chipre, nilampasan namin ito sa may dakong kaliwa at naglayag kami hanggang Siria at dumaong sa Tiro sapagkat doon nagbaba ng lulan ang barko. 4Nang masumpungan namin ang mga alagad, nanatili kami roon ng pitong araw. Sinabi nila kay Pablo sa pamamagitan ng Espiritu na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. 5Nang makalipas na ang mga araw na iyon, handa na kaming magpatuloy sa paglalakbay. Silang lahat at ang kanilang mga asawa at mga anak ay naghatid sa amin. Inihatid nila kami sa aming paglalakad hanggang sa labas ng lungsod. Lumuhod kami sa baybayin, at nanalangin. 6Nang makapagpaalam na kami sa isa't isa, lumulan kami sa barko. At sila ay umuwi sa kanilang tahanan.

   
 7Nang matapos na namin ang paglalayag mula sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida. Pagkatapos naming bumati sa mga kapatid, nanatili kami sa kanila ng isang araw. 8Kinabukasan, si Pablo at ang mga kasama niya ay umalis. Dumating sila sa Cesarea. Pagpasok namin sa bahay ni Felipe, na isa sa pito, na mangangaral ng ebanghelyo, nanatili kaming kasama niya. 9Ang lalaki ngang ito ay may apat na anak na dalagang birhen na naghahayag ng salita ng Diyos.

   
 10Sa aming pananatili roon ng maraming araw may isang dumating mula sa Judea. Siya ay isang propeta na ang pangalan ay Agabo. 11Paglapit niya sa amin, kinuha niya ang pamigkis ni Pablo. Ginapos niya ang sarili niyang paa at mga kamay. Sinabi niya: Ganito ang sinasabi ng Banal na Espiritu: Gagapusin nang ganito ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking nagmamay-ari ng pamigkis na ito. Siya ay ibibigay nila sa kamay ng mga Gentil.

   
 12Nang marinig namin ang mga bagay na ito kami at ang mga taga-roon, ipinamanhik namin sa kaniya na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. 13Ngunit sumagot si Pablo: Anong pakahulugan ng inyong pagtangis at pagsira ng aking kalooban? Sa pangalan ng Panginoong Jesus ako ay hindi lamang handang magapos sa Jerusalem kundi maging ang mamatay. 14Nang hindi siya mahikayat ay tumigil na kami. Sinabi namin: Mangyari ang kalooban ng Panginoon.

   
 15Pagkatapos ng mga araw na ito, inihanda namin ang aming mga dalahin at umahon kami sa Jerusalem. 16Sumama naman sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea. Isinama nila ang isang Minason na taga-Chipre. Matagal na siyang alagad at sa kaniya kami makikituloy.

 

Ang Pagdating ni Pablo sa Jerusalem

 

 17Nang dumating kami sa Jerusalem, ay masaya kaming tinanggap ng mga kapatid. 18Kinabukasan, si Pablo ay kasama naming pumunta kay Santiago. Naroon ang lahat ng mga matanda. 19Binati sila ni Pablo. Isinalaysay niyang isa-isa ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang paglilingkod.

   
 20Nang marinig nila ito, niluwalhati nila ang Panginoon. Sinabi nila kay Pablo: Kapatid, nakikita mo kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya. Silang lahat ay masigasig para sa kautusan. 21Nabalitaan nila ang patungkol sa iyo na tinuturuan mo ang lahat ng mga Judio, na nasa mga Gentil, ng pagtalikod kay Moises. Sinabi mo na huwag tuliin ang kanilang mga anak, ni mamuhay ng ayon sa mga kaugalian. 22Anong gagawin natin? Tiyak na darating ang maraming tao at magkakatipon sapagkat mababalitaan nilang dumating ka. 23Gawin mo nga itong sasabihin namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaking may sinumpaang panata sa kanilang sarili. 24Isama mo sila. Dalisayiin mo ang iyong sarili kasama nila. Bayaran mo ang kanilang magugugol upang magpaahit sila ng kanilang mga ulo. Upang malaman ng lahat na hindi totoo ang mga bagay na nabalitaan nila patungkol sa iyo. At malalaman din na ikaw ay lumalakad ng maayos na tumutupad ng kautusan. 25Patungkol naman sa mga Gentil na sumampalataya, sinulatan namin sila. Ipinasiya naming huwag na nilang gawin ang anumang bagay. Ang dapat nilang gawin ay lumayo sa mga bagay na inihandog sa diyos-diyosan, sa dugo, sa binigti at sa kasalanang sekswal.

   
 26Kaya kinabukasan pumasok si Pablo sa templo nang madalisay na niya ang kaniyang sarili, na kasama ng mga lalaking iyon. At ipinaalam niya ang kaganapan ng mga araw ng pagdadalisay. Sa panahong iyon ay magkakaroon ng handog sa bawat isa sa kanila.

 

Dinakip Nila si Pablo

 

 27Nang magtatapos na ang pitong araw, nakita ng mga Judiong nanggaling sa Asya si Pablo sa loob ng templo. Ginulo nila ang lahat ng tao at hinuli nila siya. 28Sumisigaw sila ng ganito: Mga lalaking taga-Israel, tulungan ninyo kami. Ito ang lalaking nagtuturo sa lahat kahit saan, nang laban sa mga tao, sa kautusan at laban sa dakong ito. Bukod pa rito, nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo at dinungisan itong dakong banal. 29Ito ay sapagkat nakita nila noong una si Trofimo na taga-Efeso na kasama niya sa lungsod. Inisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.

   
 30Nagulo ang buong lungsod at ang mga tao ay tumakbong sama-sama. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad siya papalabas sa templo. Kaagad-agad nilang isinara ang mga pinto. 31Ngunit nang pinagsisikapan nila siyang patayin, dumating ang balita sa pinunong-kapitan ng batalyon, na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo. 32Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga pinuno at sumugod sila sa kinaroroonan nila. Nang makita ng mga tao ang pinunong-kapitan at ang mga kawal, tumigil sila sa paghampas kay Pablo.

   
 33Nang magkagayon, nilapitan siya ng pinunong-kapitan at hinuli siya. Ipinag-utos ng kapitan na gapusin ng dalawang tanikala si Pablo. Tinanong niya kung sino siya at kung ano ang kaniyang ginawa. 34Ngunit iba-iba ang isinisigaw ng mga tao sa gitna ng mga karamihan. Nang hindi niya malaman ang katotohanan dahil sa kaguluhan, iniutos niya na dalhin si Pablo sa kuwartel. 35Nang siya ay dumating sa hagdanan, binuhat siya ng mga kawal dahil sa karahasan ng maraming tao. 36Ito ay sapagkat sinusundan siya ng maraming tao na sumisigaw: Patayin siya.

 

Nagsalita si Pablo sa Maraming Tao

 

 37Nang ipapasok na si Pablo sa kuwartel, sinabi niya sa pinunong-kapitan: Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?
   At sinabi niya: Marunong ka bang magsalita ng Griyego? 38Hindi ba ikaw iyong taga-Egipto na nang nakaraang araw ay gumawa ng kaguluhan? Hindi ba ikaw iyong nagdala sa ilang sa apat na libong kalalakihan na mga mamamatay-tao?

   
 39Ngunit sinabi ni Pablo: Ako ay Judio na taga-Tarso sa Cilicia. Isang mamamayan ng kilalang lungsod. Isinasamo ko sa iyo na pahintulutan mo akong magsalita sa mga tao.

   
 40Nang siya ay mapahintulutan na niya, tumayo si Pablo sa may hagdanan. Inihudyat niya ang kaniyang mga kamay upang patahimikin ang mga tao. Nang tumahimik na sila nang lubusan, nagsalita siya sa kanila sa wikang Hebreo.

 

 

Mga Gawa 22

 

 1Sinabi niya: Mga kapatid at mga ama, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko sa inyo ngayon.

   
 2Nang marinig nilang siya ay nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, sila ay lalo pang tumahimik.

   
 3Sinabi niya: Ako nga ay Judio na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia. Ngunit pinalaki sa lungsod na ito sa pagtuturo ni Gamaliel. Tinuruan ako alinsunod sa mahigpit na pamamaraan ng kautusan ng mga ninuno. Ako ay masigasig sa Diyos tulad din ninyong lahat ngayon. 4Pinag-uusig ko ang mga taong sumunod sa Daan hanggang sa mamatay sila. Tinalian ko sila at ipinabilanggo. Ginawa ko ito kapwa sa mga lalaki at sa mga babae. 5Ang mga pinunong-saserdote at ang lahat ng matatanda ay magpapatotoo rin ng ganito patungkol sa akin. Tinanggap ko mula sa kanila ang mga sulat para sa mga kapatiran at naglakbay ako sa Damasco. Ito ay upang dalhing bilanggo sa Jerusalem ang mga naroon at nang sila ay maparusahan.

   
 6At nangyari, na samantalang naglalakbay ako at papalapit na sa Damasco, biglang nagningning sa akin ang isang malaking liwanag na galing sa langit. Noon ay magtatanghaling tapat na. 7Nasubasob ako sa lupa. Narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?

   
 8Sumagot ako: Sino ka, Panginoon?
   Sinabi niya sa akin: Ako ay si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig. 9Nakita nga ng mga kasamahan ko ang ilaw. Natakot sila ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsalita sa akin.

   
 10Sinabi ko: Ano ang dapat kong gawin, Panginoon?
   Sinabi ng Panginoon sa akin: Tumindig ka at pumaroon ka sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng mga bagay na inutos kong gawin mo. 11Nang hindi ako makakita dahil sa kaliwanagan ng ilaw na iyon, inakay ako sa kamay ng mga kasama ko. Pumunta ako sa Damasco.

   
 12Doon ay may isang lalaking nagngangalang Ananias. Siya ay palasamba sa Diyos ayon sa kautusan. Ang lahat ng mga Judiong nakatira roon ay nagpatotoo ng mabuti patungkol sa kaniya. 13Lumapit siya sa akin at nakatayong nagsabi sa akin: Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin. Nang sandali ring iyon ay tumingin ako sa kaniya.

   
 14Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kaniyang kalooban at upang makita mo siya na matuwid at marinig mo ang isang tinig mula sa kaniyang bibig. 15Ito ay sapagkat ikaw ay magiging saksi niya sa lahat ng mga tao patungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. 16Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumindig ka at magbawtismo ka. Tumawag ka sa pangalan ng Panginoon, at huhugasan ang iyong mga kasalanan.

   
 17Nangyari na bumalik na ako sa Jerusalem. Nang ako ay nanalangin sa templo, ako ay nasa isang natatanging kalagayan. 18Nakita ko siya na sinasabi niya sa akin: Magmadali ka at agad kang umalis sa Jerusalem. Sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo patungkol sa akin.

   
 19Sinabi ko: Panginoon, nalalaman nila na sa bawat sinagoga ako ang nagpabilanggo at nagpahampas sa kanila na mga sumampalataya sa iyo. 20Nang mabuhos ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako naman ay nakatayo sa malapit. Sinangayunan ko ang pagpatay sa kaniya. Binantayan ko ang mga damit ng mga pumatay sa kaniya.

   
 21At sinabi sa akin: Yumaon ka. Ito ay sapagkat isusugo kita sa mga Gentil na nasa malayo.

 

Si Pablo ay Mamamayang Romano

 

 22Pinakinggan siya ng mga tao hanggang sa mga pananalitang ito. At sila ay sumigaw na sinasabi: Alisin ninyo mula sa lupa ang taong ito. Hindi siya nararapat mabuhay.

   
 23Samantalang sila ay sumisigaw at ipinagtatapon ang kanilang mga damit, nagsabog sila ng mga alabok sa hangin. 24Ipinag-utos ng pangulong kapitan na ipasok si Pablo sa kuta. Iniutos nito na siya ay usisain sa pamamagitan ng hagupit. Ito ay upang malaman niya kung ano ang dahilan at ang mga tao ay sumisigaw laban kay Pablo. 25Nang iginagapos na nila siya ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa pinunong-kapitang nakatayo sa malapit: Matuwid ba para sa iyo na hagupitin ang isang taong taga-Roma na hindi pa nahahatulan?

   
 26Nang marinig ito ng kapitan, naparoon siya sa pinunong-kapitan. Ipinag-bigay alam niya na sinasabi: Mag-ingat ka sa gagawin mo? Ito ay sapagkat ang lalaking ito ay taga-Roma.

   
 27Lumapit ang pinunong-kapitan at sinabi sa kaniya: Sabihin mo sa akin, ikaw ba ay taga-Roma?
   Sinabi niya: Oo.

   
 28Sumagot ang pinunong-kapitan: Binili ko ng malaking halaga ang pagkamamamayang ito.
   Sinabi ni Pablo: Ako ay ipinanganak na gayon.

   
 29Agad na lumayo sa kaniya ang mga magsisiyasat sana sa kaniya. Ang pinunong-kapitan ay natakot din naman nang malaman na siya ay taga-Roma at sa dahilang siya ang nagpagapos kay Pablo.

 

Sa Harap ng Sanhedrin

 

 30Kinabukasan, ibig niyang matiyak ang dahilan kung bakit isinakdal siya ng mga Judio. Pinakawalan siya ng kapitan sa pagkagapos at ipinag-utos niyang magpulong ang mga pinunong-saserdote at ang buong Sanhedrin. Ipinanaog niya si Pablo at iniharap sa kanila.

 

 

Mga Gawa 23

 

 1Tinitigang mabuti ni Pablo ang Sanhedrin at sinabi: Mga kapatid, ako ay namumuhay sa harapan ng Diyos na may malinis na budhi hanggang sa araw na ito. 2Si Ananias na pinakapunong-saserdote ay nag-utos sa mga malapit sa kaniya na sampalin si Pablo sa bibig. 3Nang magkagayon, sinabi ni Pablo sa kaniya: Malapit ka nang sampalin ng Diyos, ikaw na ang katulad ay pinaputing pader. Tama ba na ikaw ay nakaupo upang ako ay hatulan ayon sa kautusan at nag-utos ka na ako ay sampalin nang labag sa kautusan?

   
 4Sinabi ng nakatayo sa malapit: Nilalait mo ba ang pinakapunong-saserdote ng Diyos?

   
 5Sinabi ni Pablo: Mga kapatid, hindi ko nalalaman na siya ay pinakapunong-saserdote sapagkat nasusulat: Huwag kang magsasalita ng masama patungkol sa pinuno ng iyong mga tao.

   
 6Ngunit nang malaman ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo at ang mga iba ay mga Fariseo, sumigaw siya sa Sanhedrin nang ganito: Mga kapatid, ako ay Fariseo, anak ng Fariseo. Ako ay hinahatulan patungkol sa pag-asa at sa muling pagkabuhay ng mga patay. 7Nang masabi na niya ang gayon, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa mga Fariseo at sa mga Saduceo. Nagkabaha-bahagi ang karamihan. 8Ito ay sapagkat sinasabi nga ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, ni anghel, ni espiritu. Ngunit ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Fariseo.

   
 9At nagkaroon ng malakas na pagsisigawan. Tumindig ang ilan sa mga guro ng kautusan na kakampi ng mga Fariseo. Nakikipagtalo sila at sinabi: Wala kaming masumpungang anumang masama sa lalaking ito. Yamang siya ay kinausap ng isang espiritu o ng isang anghel, huwag nating kalabanin ang Diyos. 10Lumala ang mainit na pagtatalo. Nangamba ang pinunong-kapitan na baka pagpira-pirasuhin nila si Pablo. Kaya inutusan niyang manaog ang mga kawal upang agawin siya sa kanilang kalagitnaan at ibalik sa kuwartel.

   
 11Nang sumunod na gabi, lumapit sa kaniya ang Panginoon at sinabi: Pablo, lakasan mo ang iyong loob sapagkat kung paano ka nagpatotoo patungkol sa akin sa Jerusalem, gayundin ang gawin mong pagpapatotoo sa Roma.

 

Ang Banta na Patayin si Pablo

 

 12Kinaumagahan, nagsabwatan ang ilang mga Judio at ipinailalim nila ang kanilang sarili sa isang sumpa. Sinabi nila: Hindi kami kakain ni iinom man hanggat hindi namin napapatay si Pablo. 13Mahigit na apatnapu sila na nagsabwatan. 14At sila ay pumaroon sa mga pinunong-saserdote at sa mga matanda. Sinabi nila: Ipinailalim namin ang aming mga sarili sa isang sumpa. Hindi kami titikim ng anuman hanggang hindi namin napapatay si Pablo. 15Kaya nga, ngayon kasama ng Sanhedrin, magpasabi kayo sa pinunong-kapitan na dalhin niya bukas sa inyo si Pablo na waring sisiyasatin ninyo siyang mabuti. Handa na kaming patayin siya bago dumating dito.

   
 16Ngunit narinig ng lalaking anak ng kapatid na babae ni Pablo ang patungkol sa kanilang gagawing pagtambang. Siya ay pumaroon at pumasok sa kuwartel at iniulat iyon kay Pablo.

   
 17Tinawag ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi: Dalhin mo ang kabataang ito sa pinunong-kapitan sapagkat mayroon siyang iuulat sa kaniya. 18Kaya nga, kinuha niya siya at dinala sa pinunong-kapitan.
   Sinabi niya: Tinawag ako ng bilanggong si Pablo. Ipinamanhik niya sa aking dalhin ko sa iyo ang kabataang ito. May mahalaga siyang sasabihin sa iyo.

   
 19Hinawakan siya ng pinunong-kapitan sa kamay. Sila ay pumunta sa isang tabi at tinanong siya nang palihim: Ano iyong iuulat mo sa akin?

   
 20Sinabi niya: Pinagkasunduan ng mga Judio na ipamanhik sa iyo na bukas ay ipananaog mo si Pablo sa Sanhedrin. Magkukunwari silang may aalamin na lalong tiyak patungkol sa kaniya. 21Huwag kang pahimok sa kanila sapagkat may apatnapung kalalakihan na nag-aabang upang manambang. Ipinailalim nila ang kanilang sarili sa sumpa. Hindi sila kakain ni iinom man hanggat hindi nila siya napapatay. Nakahanda na sila ngayon, naghihintay na lamang sila ng pangako mo.

   
 22Kaya pinaalis ng pinunong-kapitan ang kabataan. Iniutos niya sa kaniya: Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo sa akin ang mga bagay na ito.

 

Inilipat si Pablo sa Cesarea

 

 23Pagkatapos nito, tinawag niya ang dalawa sa mga kapitan. Sinabi niya: Ihanda ninyo ang dalawandaang kawal upang magtungo sa Cesarea sa ikatlong oras ng gabi. Isama rin ninyo ang pitumpung mangangabayo at dalawang daang maninibat. 24Nagpahanda siya ng mga kabayo para masakyan ni Pablo. Ito ay upang ligtas nila siyang maihatid kay gobernador Felix.

   
 25Sumulat siya ng isang sulat na ganito:
       26Akong si Claudio Lisias ay bumabati sa
   kagalang-galang na gobernador Felix.
       27Ang lalaking ito ay hinuli ng mga Judio. Siya ay
   papatayin na lamang sana nila nang dumating akong may
   kasamang mga kawal. Iniligtas ko siya nang malaman
   kong siya ay taga-Roma. 28Sa kagustuhan kong
   mapag-alaman ang paratang kung bakit siya ay isinakdal
   nila, pinapanaog ko siya sa kanilang Sanhedrin.
    29Nasumpungan kong siya ay isinasakdal sa mga bagay
   patungkol sa kanilang kautusan. Ngunit walang anumang
   paratang laban sa kaniya na karapat-dapat hatulan ng
   kamatayan o tanikala. 30Nang ipaalam sa akin na may
   bantang gagawin ang mga Judio laban sa lalaking iyon,
   agad ko siyang ipinadala sa iyo. Ipinagbilin ko rin sa
   mga nagsasakdal na magsalita ng mga bagay laban sa
   kaniya sa harapan mo. Paalam.

   
 31Kaya kinuha si Pablo ng mga kawal alinsunod sa iniutos sa kanila. Gabi nang dalhin nila si Pablo sa Antipatris. 32Kinabukasan, pinabayaan nilang samahan siya ng mga mangangabayo. At bumalik sa kuwartel ang mga maninibat. 33Nang makapasok sa Cesarea si Pablo at ang mga mangangabayo, binigay nila ang sulat sa gobernador. Iniharap din nila si Pablo sa kaniya. 34Nang mabasa na ng gobernador ang sulat, tinanong niya siya kung taga-saang lalawigan siya. Nalaman niyang siya ay taga-Cilicia. 35Sinabi niya: Pakikinggan kitang lubos pagdating ng mga magsasakdal sa iyo. Ipinag-utos niya na siya ay bantayan sa hukuman ni Herodes.

 

 

Mga Gawa 24

 

Nilitis si Pablo sa Harap ni Felix

 

 1Pagkaraan ng limang araw, lumusong ang pinakapunong-saserdote na si Ananias. Kasama niya ang mga matanda at ang isang makata na nagngangalang Tertulo. Siya ang nagharap ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo. 2Nang siya ay tawagin, sinimulan siyang usigin ni Tertulo. Sinabi niya: Kagalang-galang na Felix, ang malaking katahimikan na aming tinatamasa ay dahil sa iyo. Dahil sa iyong mga dakilang panukala sa kinabukasan, kamangha-manghang mga bagay ang nagawa sa bansang ito. 3Buong pagpapasalamat naming tinatanggap ito na may kasiyahan sa lahat ng paraan at sa lahat ng dako. 4Upang huwag kaming maging kaabalahan sa iyo, ipinamamanhik ko sa iyo na pakinggan mo kami sa iyong kagandahang-loob sa ilang mga sandali.

   
 5Ito ay sapagkat nasumpungan namin ang lalaking ito na isang salot. Siya ang pasimuno ng paghihimagsik sa gitna ng lahat ng mga Judio sa sanlibutan. Siya ay pinuno ng sekta ng mga taga-Nazaret. 6Pinagsisikapan din naman niyang lapas-tanganin ang templo. Kaya hinuli namin siya. Ibig sana naming hatulan siya alinsunod sa aming kautusan. 7Ngunit dumating ang pinunong-kapitan na si Lisias at sapilitan siyang inagaw sa aming mga kamay. 8Iniutos sa mga nagsasakdal sa kaniya na pumunta sa iyo. Sa gayon, malaman mo sa iyong pagsisiyasat sa kaniya ang lahat ng mga bagay na ito na ipinaratang namin laban sa kaniya.

   
 9Sumang-ayon naman ang mga Judio na nagsasabing ang mga bagay na ito ay totoo.

   
 10Nang siya ay hinudyatan ng gobernador na magsalita, sumagot si Pablo: Yamang nalalaman ko na ikaw ay hukom sa loob ng maraming taon sa bansang ito, masigla kong ipagtatanggol ang aking sarili. 11Nalalaman mo na wala pang labingdalawang araw buhat nang ako ay umahon sa Jerusalem upang sumamba. 12Ni hindi nila ako nasumpungan na nakikipagtalo sa templo sa kanino man. Hindi nila ako nasumpungang namumuno ng magulong pagtitipon ng maraming tao, ni sa mga sinagoga, ni sa lungsod. 13Ni hindi rin nila maipakita sa iyo ang katibayan ng mga bagay na ipinaparatang nila ngayon laban sa akin. 14Ngunit inaamin ko sa iyo na ayon sa Daan na kanilang tinatawag na sekta ay gayon ang paglilingkod ko sa Diyos ng aming mga ninuno. Sinasampalatayanan ko ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan at sa aklat ng mga propeta. 15Ako ay may pag-asa sa Diyos na kanila rin namang tinanggap. Nagtitiwala ako na malapit nang magkaroon ng muling pagkabuhay ang mga patay, ang mga matuwid at gayundin ang mga di-matuwid. 16Dahil nga rito ako ay nagsisikap upang laging magkaroon ng isang malinis na budhi sa harap ng Diyos at ng mga tao.

   
 17Ngayon, pagkaraan ng maraming taon ay naparito ako upang magdala ng mga kaloob sa -mga kahabag-habag sa aking bansa at maghandog ng mga hain. 18Nasumpungan ako, sa ganitong kalagayan ng mga Judio na taga-Asya. Pinadalisay ako sa templo ng hindi kasama ng maraming tao, ni ng kaguluhan. 19Dapat ang mga Judio na taga-Asya ang naparito sa harapan at magsakdal kung may anumang laban sa akin. 20O kaya ang mga tao ring ito ang hayaang magsasabi kung ano ang masamang gawa ang nasumpungan nila nang ako ay nakatayo sa harapan ng Sanhedrin. 21Maliban na sa isang tinig na ito na aking isinigaw nang ako ay nakatayo sa kalagitnaan nila: Ito ay patungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, ako ay hinahatulan sa harapan ninyo sa araw na ito.

   
 22Si Felix na may lalong ganap na pagkatalastas patungkol sa Daan ay ipinagpaliban niya sila, pagkarinig ng mga bagay na ito. Sinabi niya: Paglusong ni Lisias na pinunong-kapitan ay magpapasya ako sa iyong usapin. 23Iniutos niya sa kapitan na bantayan si Pablo at siya ay bigyan ng kaluwagan at huwag bawalan ang sinumang kaibigan niya na paglingkuran o dalawin siya.

   
 24Pagkaraan ng mga ilang araw, dumating si Felix, kasama ang kaniyang asawang si Drusila. Siya ay isang babaeng Judio. Ipinatawag niya si Pablo. Siya ay pinakinggan patungkol sa pananampalataya kay Cristo. 25Samantalang siya ay nagpapaliwanag patungkol sa katuwiran, sa pagpipigil sa sarili at sa paparating na paghahatol, natakot si Felix. Sumagot siya: Umalis ka na ngayon. Kapag nagkaroon ako ng kaukulang panahon, tatawagin kita. 26Inaasahan din naman niya na bibigyan siya ni Pablo ng salapi upang siya ay mapalaya. Kaya madalas niya siyang ipinatatawag at nakikipag-usap sa kaniya.

   
 27Pagkaraan ng dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Poncio Festo. Dahil sa ibig ni Felix na siya ay kalugdan ng mga Judio, pinabayaan niya na nakatanikala si Pablo.

 

 

Mga Gawa 25

 

Nilitis si Pablo sa Harap ni Festo

 

 1Ngayon, nang makapasok na si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw, umahon siya sa Jerusalem mula sa Cesarea. 2Ang pinakapunong-saserdote at ang pangulo ng mga Judio ay nagbigay-alam sa kaniya laban kay Pablo. Namanhik sila sa kaniya. 3Hiniling nila na pagbigyan sila na siya ay ipahatid sa Jerusalem. Binalak nilang tambangan siya upang patayin habang siya ay nasa daan. 4Gayunman, sumagot si Festo na si Pablo ay pananatilihin sa Cesarea. Siya man ay patungo na roon sa madaling panahon. 5Kaya nga, sinabi niya: Ang mga may kapangyarihan nga sa inyo ay sumamang lumusong sa akin. Kung may anumang pagkakasala ang lalaking ito, isakdal nila siya.

   
 6Nang siya ay makapanatili na sa kanilang lugar nang mahigit sa sampung araw, lumusong siya sa Cesarea. Kinabukasan, lumuklok siya sa hukuman at iniutos na dalhin si Pablo. 7Nang dumating siya, pinaligiran siya ng mga Judio na lumusong mula sa Jerusalem. May dala silang marami at mabibigat na paratang laban kay Pablo na pawang hindi nila kayang patunayan.

   
 8At sinasabi ni Pablo, bilang pagtatanggol: Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban man sa templo, ni laban man kay Cesar ay hindi ako magkakasala.

   
 9Ngunit si Festo, dahil ibig niyang kalugdan siya ng mga Judio, ay sumagot kay Pablo at nagsabi: Ibig mo bang umahon sa Jerusalem at doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko?

   
 10Nang magkagayon, sinabi ni Pablo: Nakatayo ako sa harapan ng hukuman ni Cesar na dito ako dapat hatulan. Wala akong ginawang anumang kamalian sa mga Judio, iyan ay alam ninyo. 11Ito ay sapagkat kung nakagawa ako ng anumang kamalian at anumang bagay na nararapat sa kamatayan, hindi ako umiiwas na mamatay. Ngunit kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinaparatang nila sa akin, walang may kapangyarihang maibigay ako sa kanila. Ako ay aapela kay Cesar.

   
 12Nang magkagayon, si Festo, nang nakapagsangguni na sa mga tagapayo ay sumagot: Umapela ka kay Cesar, kaya kay Cesar ka pupunta.

 

Sumangguni si Festo kay Haring Agripa

 

 13Pagkaraan ng ilang araw, si Agripa na hari at si Bernice ay lumusong sa Cesarea. Bumati sila kay Festo. 14Nang makapanatili na sila roon ng maraming araw, isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo. Sinabi niya: May isang lalaking bilanggo na iniwan si Felix. 15Nang ako ay nasa Jerusalem, ang mga pinunong-saserdote at ang mga matanda sa mga Judio ay nagbigay-alam sa akin patungkol sa kaniya. Hinihiling nilang humatol ako ng laban sa kaniya.

   
 16Sumagot ako sa kanila: Hindi kaugalian ng mga taga-Roma na ibigay ang sinumang tao sa kapahamakan hanggang sa hindi nahaharap ang isinasakdal sa mga nagsasakdal. Siya ay bibigyan ng pagkakataong makapagtanggol sa kaniyang sarili patungkol sa paratang. 17Nang sila nga ay nagkatipon dito, hindi ako nagpaliban. Kundi nang sumunod na araw ay lumuklok ako sa hukuman at iniutos kong dalhin ang lalaki. 18Nang tumindig ang mga nagsakdal sa kaniya ay walang anumang paratang na maiharap laban sa kaniya gaya ng aking inaakala. 19Ngunit may ilang mga katanungan laban sa kaniya. Ito ay patungkol sa kanilang sariling relihiyon at patungkol sa isang Jesus na namatay. Pinagtibay ni Pablo na siya ay buhay. 20Naguguluhan ako patungkol sa mga ganitong uri ng katanungan. Kaya tinanong ko siya kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon siya hatulan patungkol sa mga bagay na ito. 21Ngunit si Pablo ay umapela na ingatan siya upang pakinggan ng Emperador Augusto. Kaya ipinag-utos ko na ingatan siya hanggang sa siya ay maipadala ko kay Cesar.

   
 22At sinabi ni Agrippa kay Festo: Ibig kong ako mismo ang makarinig sa lalaking iyon.
   At sinabi niya: Bukas, mapapakinggan mo siya.

 

Si Pablo sa Harap ni Haring Agripa

 

 23Kinabukasan, dumating si Agripa at Bernice taglay ang malaking pagdiriwang. Sila ay pumasok sa bulwagang, kasama ang mga pinunong-kapitan. Kasama rin ang mga taong kilala sa lungsod. At iniutos ni Festo na ipasok si Pablo. 24Sinabi ni Festo: Haring Agripa, at lahat ng mga lalaking nariritong kasama namin. Nakikita ninyo ang lalaking ito na isinakdal sa akin maging sa Jerusalem at maging dito man ng buong karamihan ng mga Judio. Isinisigaw nilang hindi na karapat-dapat na siya ay mabuhay pa. 25Ngunit nasumpungan kong siya ay walang ginawang anumang nararapat sa kamatayan. Sa dahilang siya rin ay umapela kay Augusto, ipinasiya kong siya ay ipadala. 26Wala akong tiyak na bagay na maisusulat patungkol sa kaniya sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo at lalo na sa harapan mo, Haring Agripa. Sa ganoon, kapag natapos na ang pagsiyasat, magkakaroon ako ng bagay na maisusulat. 27Ito ay sapagkat sa aking palagay ay hindi makatwiran na magpadala ng isang bilanggo na hindi sinasabi ang paratang laban sa kaniya.

 

 

Mga Gawa 26

 

 1Sinabi ni Agripa kay Pablo: Pinapahintulutan kang magsalita para sa iyong sarili.
   Iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay at ipinagtanggol ang kaniyang sarili. 2Haring Agripa, itinuturing kong kaligayahan na sa harapan mo ay gagawin ko ang aking pagtatanggol sa araw na ito. Gagawin ko ang pagtatanggol patungkol sa lahat ng bagay na ipinaratang ng mga Judio sa akin. 3Lalo na, sapagkat bihasa ka sa lahat ng kaugalian at mga katanungang mayroon sa mga Judio. Kaya nga, hinihiling ko sa iyo na maging matiyaga kayo sa pakikinig sa akin.

   
 4Nalalaman ng mga Judio ang aking pamumuhay, mula pa sa aking pagkabata, na nagpasimula pa sa gitna ng aking bansa sa Jerusalem. 5Napagkikilala nila mula pa nang una, kung ibig nilang sumaksi, na alinsunod sa pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon ay nabuhay akong isang Fariseo. 6Nakatayo ako ngayon upang hatulan dahil sa pag-asa sa pangakong ginawa ng Diyos sa aming mga ama. 7Dahil doon ang aming labingdalawang lipi ay marubdob na naglilingkod sa Diyos gabi't araw na inaasahang darating. O Haring Agripa, at patungkol sa pag-asang ito ay isinasakdal ako ng mga Judio. 8Bakit iniisip ninyong hindi kapani-paniwala na muling bubuhayin ng Diyos ang mga patay.

   
 9Kaya nga, iniisip ko sa aking sarili, na dapat gumawa ako ng mga bagay na laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. 10At ito ang ginawa ko sa Jerusalem. Kinulong ko sa bilangguan ang maraming banal, pagkatanggap ko ng kapamahalaan mula sa mga pinunong-saserdote. Nang sila ay papatayin na, ibinigay ko ang aking pagsang-ayon laban sa kanila. 11Madalas na pinaparusahan ko sila sa mga sinagoga at pinipilit ko silang mamusong. Sa aking lubhang galit sa kanila, pinag-uusig ko sila kahit sa malalayong lungsod ng ibang lupain.

   
 12Habang naglalakbay ako patungong Dasmasco, taglay ko ang buong kapamahalaan mula sa mga pinunong-saserdote. 13Nang katanghalian, O Hari, nakita ko habang ako ay nasa daan ang isang ilaw na mula sa langit. Ito ay maningning pa kaysa sa araw at nagliwanag sa palibot ko at sa mga naglalakbay na kasama ko. 14Kaming lahat ay nadapa sa lupa. Narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo at sinabi: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Mahirap sa iyo ang sumikad sa mga pangtaboy na patpat.

   
 15Sinabi ko: Sino ka, Panginoon?
   Sinabi niya: Ako ay si Jesus na iyong pinag-uusig. 16Ngunit bumangon ka at ikaw ay tumayo. Ito ang dahilan na ako ay nagpakita sa iyo, upang italaga kitang lingkod at saksi din naman ng mga bagay na nakita mo sa akin. Gayundin naman sa mga bagay na ipakikita ko sa iyo. 17Ililigtas kita mula sa mga tao at sa mga Gentil. Ngayon ay sinusugo kita sa kanila. 18Sinusugo kita upang idilat mo ang kanilang mga mata nang sa gayon sila ay bumalik sa ilaw mula sa kadiliman. At sila ay bumalik sa Diyos mula sa kapamahalaan ni Satanas. Sinusugo kita upang sila ay tumanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mana kasama ng mga pinapaging-banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.

   
 19Dahil nga rito, o Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa pangitaing mula sa langit. 20Kundi, nangaral ako, una sa mga taga-Damasco at sa Jerusalem din naman at sa buong lupain ng Judea at gayundin sa mga Gentil. Pinangaralan ko silang magsisi at manumbalik sa Diyos na gumawa ng mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi. 21Dahil sa mga bagay na ito, hinuli ako ng mga Judio sa templo at pinagsisikapang patayin. 22Nang tanggapin ko nga ang tulong na mula sa Diyos, nanatili ako hanggang sa araw na ito. Nagpapatotoo ako sa mga hindi dakila at gayundin sa mga dakila. Wala akong sinasabing anuman kundi ang sinabi ng mga propeta at gayundin ni Moises na malapit nang mangyari. 23Kung paanong ang Mesiyas ay kailangang magdusa at kung paanong siya ang unang bubuhaying muli mula sa mga patay, matatanyag ang ilaw sa mga tao at gayundin sa mga Gentil.

   
 24Nang masabi niya nang gayon ang kaniyang pagtatanggol, sa malakas na tinig ay sinabi ni Festo: Pablo, ikaw ay baliw. Dahil sa labis mong natutunan, ikaw ay nababaliw.

   
 25Ngunit sinabi niya: Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo. Nagsasalita ako ng mga salitang may katotohanan at salitang may katinuan. 26Ito ay sapagkat alam ng hari ang mga bagay na ito. Kaya nagsasalita akong may katiyakan dahil nakakatiyak ako na ang mga bagay na ito ay hindi nalilingid sa kaniya. At ang mga ito ay hindi ginawa sa isang sulok lamang. 27Haring Agripa, naniniwala ka ba sa sinabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala ka.

   
 28Sinabi ni Agripa kay Pablo: Halos mahikayat mo na akong maging Kristiyano.

   
 29Sinabi ni Pablo: Isinasamo ko sa Diyos na hindi lamang ikaw, kundi ang lahat din ng mga nakikinig sa akin ngayon. Hindi lamang sana halos kundi maging katulad ko maliban sa mga tanikalang ito.

   
 30Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, tumindig ang hari at ang gobernador. Tumindig din si Bernice at ang mga nakaupong kasama nila. 31Nang makalayo na sila, nag-usap-usap sila na sinasabi: Ang lalaking ito ay walang anumang ginawa na nararapat sa kamatayan o sa mga tanikala.

   
 32Sinabi ni Agripa kay Festo: Mapapalaya sana ang lalaking ito kung hindi siya umapela kay Cesar.

 

 

Mga Gawa 27

 

Naglayag si Pablo Papunta sa Roma

 

 1Nang ipasiya na kami ay maglalayag na patungong Italia, si Pablo at ang ibang mga bilanggo ay ibinigay sa isang kapitan. Ang pangalan ng senturyon ay Julio, mula sa balangay ng Emperador Augusto. 2Sumakay kami sa isang barko na mula sa Adrameto. Ito ay maglalayag na sa mga dakong nasa Asya. Kasama namin si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica.

   
 3Nang sumunod na araw, dumaong kami sa Sidon. Si Julio ay nagpakita ng kagandahang-loob kay Pablo. Pinahintulutan niya siyang pumunta sa kaniyang mga kaibigan upang matanggap niya ang kanilang pagmamalasakit. 4Nang kami ay maglayag muli buhat doon, naglayag kaming nanganganlong sa Chipre sapagkat pasalungat ang hangin. 5Nang matawid na namin ang dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, dumating kami sa Mira ng Licia. 6Doon ay nasumpungan ng kapitan ang isang barko na mula sa Alexandria. Ito ay maglalayag patungong Italia. Inilulan niya kami roon. 7Maraming araw kaming naglayag na marahan at may kahirapan naming narating ang tapat ng Cinido. Hindi kami tinulutan ng hangin na makasulong pa kaya naglayag kami na nanganganlong sa Creta. Ito ay nasa tapat ng Salmonte. 8Sa pamamaybay namin dito, may kahirapan kaming nakarating sa isang dakong tinatawag na Mabuting Daungan. Malapit doon ang lungsod ng Lasea.

   
 9Nang makalipas ang mahabang panahon, ang paglalayag ay nagiging mapanganib na. At dahil ang pag-aayuno ay nakalampas na, pinayuhan sila ni Pablo. 10Sinabi sa kanila: Mga ginoo, nakikinita kong ang paglalayag na ito ay makakapinsala at magiging malaking kawalan. Hindi lamang sa lulan at sa barko kundi sa atin ding mga buhay. 11Ngunit higit na pinaniwalaan ng kapitan ang taga-ugit at ang may-ari ng barko kaysa sa mga sinabi ni Pablo. 12Sa dahilang hindi mabuting hintuan sa tag-ulan ang daungan, ipinayo ng nakakarami na maglayag na mula roon. Nagbabaka-sakali silang sa anumang paraan ay makarating sila sa Fenix. Doon nila gugugulin ang tag-ulan. At iyon ay daungan ng Creta na nakaharap sa dakong timugang-kanluran at hilagang-kanluran.

 

Ang Malakas na Bagyo

 

 13Nang marahang umihip ang hanging timugan, inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang hangarin. Itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta. 14Ngunit hindi nagtagal, humampas doon ang malakas na hangin na tinatawag na Euroclidon. 15Nang hinampas ng hangin ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lang kami sa hangin. 16Kami ay nagkubli sa isang maliit na pulo na tinatawag na Clauda. At nahirapan kami na isampa ang bangkang-pangkagipitan. 17Nang maisampa na ito, gumamit sila ng mga pantulong. Tinalian nila ang ibaba ng barko. At sa takot na baka masadsad sa look ng Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayon ay nagpaanod sila. 18Ngunit patuloy kaming hinahampas at ipinapadpad ng lubhang malakas na hangin sa magkabila. Kinabukasan, nagsimula na silang magtapon ng kanilang lulan sa dagat. 19Nang ikatlong araw, itinapon ng aming mga kamay ang mga kagamitan ng barko. 20At maraming araw na hindi namin nakita ang araw ni ang mga bituin man. Napakalakas na bagyo ang dumaan sa amin kaya nawalan na kami ng pag-asa na makakaligtas pa.

   
 21Nang matagal na silang hindi kumain, tumayo nga si Pablo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi niya: Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin at hindi tayo naglayag muli sa Creta. Kung nakinig sana kayo, hindi natin nakamtan ang kapinsalaan at ang kawalang ito. 22Ngayon, ipinapayo ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo kundi ang barko lamang. 23Ito ay sapagkat ngayong gabi tumayo sa tabi ko ang isang anghel mula sa Diyos na nagmamay-ari sa akin at siyang aking pinaglilingkuran. 24Sinabi niya: Pablo, huwag kang matakot. Kinakailangang humarap ka kay Cesar. Narito, ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang lahat ng kasama mo sa paglalayag. 25Kaya nga, mga ginoo lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat sumasampalataya ako sa Diyos at mangyayari ang ayon sa sinalita sa akin. 26Ngunit kailangang tayo ay mapasadsad sa isang pulo.

 

Nawasak ang Barko

 

 27Nang sumapit ang ikalabing-apat na gabi, ipinadpad kami ng hangin paroo't parito sa Adriatico. Nang maghahating gabi na, inakala ng mga magdaragat na nalalapit na sila sa isang lupain. 28Tinarok nila at nasumpungang may dalawampung dipa ang lalim. Nang makalayo sila ng kaunti, muli nilang tinarok at nasumpungang may labinlimang dipa ang lalim. 29Sa takot nilang mapasadsad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan. Hinahangad nila na mag-umaga na sana. 30Ngunit nagpupumilit ang mga magdaragat na makatakas sa barko. Nagpakunyari sila na ihuhulog nila ang mga angkla sa unahan. 31Sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga kawal: Maliban na manatili ang mga ito sa barko, kayo ay hindi makakaligtas. 32Kaya pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangkang-pangkagipitan at pinabayaan itong mahulog.

   
 33Nang mag-uumaga na, ipinamanhik ni Pablo sa lahat na kumain. Sinabi niya: Ngayon ay ikalabing-apat na araw na kayo ay naghihintay. Hindi kayo kumakain at walang tinatanggap na anuman. 34Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo ay kumain dahil ito ay makakatulong na makalagpas kayo sa sakunang ito. Ito ay sapagkat isa mang buhok ay hindi malalagas mula sa ulo ng sinuman sa inyo. 35Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, kumuha siya ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Pinagputul-putol niya ito at nagsimulang kumain. 36Nang magkagayon, lumakas ang loob ng lahat. Sila namang lahat ay kumuha din ng pagkain. 37Kaming lahat na nasa barko ay dalawang daan at pitumpu't anim na kaluluwa. 38Nang mabusog na sila, pinagaan nila ang barko. Itinapon nila sa dagat ang trigo.

   
 39Kinabukasan, hindi nila makilala ang lupain. Ngunit nabanaagan nila ang isang look ng dagat na may baybayin. Sila ay nag-usap kung maaari nilang maisadsad ang barko mula doon. 40Pinutol nila ang lubid ng angkla at pinabayaan nila sa dagat. Kasabay nito ay kinakalag nila ang mga tali ng mga timon. Pagkataas ng layag sa unahan ay tinungo nila ang pampang paayon sa ihip ng hangin. 41Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, isinadsad nila ang unahan ng barko. Ito ay tumigil at hindi na kumikilos. Ngunit nagpasimulang mawasak ang hulihan dahil sa kalakasan ng mga alon.

   
 42Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo. Baka mayroong makalangoy palayo at makatakas. 43Subalit sa kagustuhang ng kapitan na iligtas si Pablo, ay pinigil niya sila sa gusto nilang gawin. Iniutos niya sa kanila: Sinuman ang marunong lumangoy ay tumalon nang una at nang makarating sa lupa. 44Sa mga naiwan, ang iba ay sa mga tabla at ang iba naman ay sa mga bagay na galing sa barko. Sa ganitong paraan, ang lahat ay nakarating nang ligtas hanggang sa lupa.

 

 

Mga Gawa 28

 

Ang Pagdaong sa Malta

 

 1Nang sila ay makaligtas na, napag-alaman nilang ang pangalan ng pulo ay Malta. 2Kami ay pinakitaan ng hindi pangkaraniwang kagandahang-loob ng mga barbaro. Sa pagtanggap nila sa bawat isa sa amin, nagsiga sila sapagkat umuulan noon at maginaw. 3Ngunit pagkatipon ni Pablo ng isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init. Kumapit ito sa kaniyang kamay. 4Nang makita ng mga barbaro ang hayop na nakabitin sa kaniyang kamay, nagsabi ang isa sa isa't isa: Walang salang mamamatay-tao ang lalaking ito. Bagamat siya ay nakaligtas sa dagat, gayunman ay hindi siya pinabayaang mabuhay ng katarungan. 5Ipinagpag niya ang hayop sa apoy at siya ay hindi nasaktan. 6Nang magkagayon ay hinintay nilang mamaga na siya o bigla na lamang mabuwal na patay. Ngunit nang matagal na silang naghihintay at nakitang walang nangyaring masama sa kaniya, nagbago sila ng akala. Sinabi nilang siya ay isang diyos.

   
 7Sa mga kalapit ng dakong iyon ay may mga lupain ang pangulo ng pulong iyon. Ang pangalan niya ay Publio. Tinanggap niya kami at kinupkop ng tatlong araw na may kagandahang-loob. 8Nangyari na ang ama ni Publio ay nakaratay at maysakit na lagnat at disinterya. Pumasok si Pablo at ipinanalangin siya. Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya at siya ay pinagaling. 9Nang mangyari nga ito, pumaroon naman ang ibang may mga karamdaman sa pulo at sila rin ay pinagaling. 10Kami naman ay pinarangalan nila ng maraming parangal. Nang maglayag na kami, binigyan nila kami ng mga bagay na kinakailangan namin.

 

Dumating si Pablo sa Roma

 

 11Pagkaraan ng tatlong buwan ay naglayag kami na sakay ng isang barko na mula sa Alexandria. Tumigil kami sa pulo nang tag-ulan na. Ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal. 12Nang dumaong kami sa Siracusa, tumigil kami roon ng tatlong araw. 13Mula roon ay lumigid kami at dumating sa Regio. Pagkaraan ng isang araw ay umihip ang hanging katimugan. Nang ikalawang araw ay dumating kami sa Putiole. 14Doon ay nakakita kami ng mga kapatid. Ipinamanhik nila na manatili sa kanila ng pitong araw. Pagkatapos ay nagtuloy kami sa Roma. 15Buhat doon, pagkarinig ng mga kapatid sa mga bagay patungkol sa amin, sinalubong nila kami hanggang sa Foro ng Appio at sa Tatlong Bahay-panuluyan. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos at lumakas ang loob. 16Nang makapasok kami sa Roma, ibinigay ng mga kapitan ang mga bilanggo sa pinunong kawal. Ngunit si Pablo ay pinahintulutang mamahay na mag-isa. Kasama niya ang kawal na nagbabantay sa kaniya.

 

Binantayan si Pablo Habang Nangangaral sa Roma

 

 17Nangyari na pagkaraan ng tatlong araw, tinipon ni Pablo ang mga pinuno ng mga Judio. Nang magkatipon na sila, sinabi niya sa kanila: Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anumang laban sa mga tao o sa mga kaugalian ng mga ninuno ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga-Roma. 18Nang ako ay masiyasat na nila, ibig sana nila akong palayain sapagkat walang anumang maipaparatang laban sa akin na nararapat sa kamatayan. 19Ngunit nang magsalita laban dito ang mga Judio, napilitan akong umapela hanggang kay Cesar. Hindi sa mayroon akong anumang sukat na maisakdal laban sa aking bansa. 20Kaya nga, ito ang dahilan kung bakit hiniling kong makipagkita at makipag-usap sa inyo sapagkat sa pag-asa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.

   
 21Sinabi nila sa kaniya: Hindi kami tumanggap ng mga sulat na galing sa Judea patungkol sa iyo. Hindi rin naparito ang sinumang kapatid na magbalita o magsalita ng anumang masama patungkol sa iyo. 22Ngunit ibig naming marinig mula sa iyo kung ano ang iniisip mo sapagkat alam naming ang mga tao sa lahat ng dako ay totoong nagsalita ng laban sa sektang ito.

   
 23Nang makapagtakda na sila ng isang araw sa kaniya, pumaroon sa kaniyang tinutuluyan ang lubhang maraming tao. Ipinaliwanag niya sa kanila ang bagay na sinasaksihan ang paghahari ng Diyos. Sila ay hinihimok niya patungkol kay Jesus, sa pamamagitan ng kautusan ni Moises at sa pamamagitan ng aklat ng mga propeta. Ito ay ginawa niya mula sa umaga hanggang sa gabi. 24Ang ilan ay naniwala sa mga bagay na sinabi niya at ang ilan ay hindi naniwala. 25Nang sila ay hindi magkaisa, umalis sila pagkasabi ni Pablo ng isang pananalita: Tama ang pagkasabi ng Banal na Espiritu sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias. 26Sinasabi:
      Pumunta ka sa mga taong ito at sabihin mo: Sa
      pamamagitan ng pakikinig ay makakarinig kayo
      ngunit hindi kayo makakaunawa. Sa pagtingin
      ay makakakita kayo, ngunit hindi kayo
      makakatalos. 27Ito ay sapagkat ang mga puso
      ng mga taong ito ay matigas na at nahihirapan
      nang makinig ang kanilang mga tainga. Ipinikit
      na nila ang kanilang mga mata. Baka sa
      anumang oras makakita pa ang kanilang mga
      mata, makarinig ang kanilang mga tainga.
      Maka-unawa ang kanilang mga puso, at
      manumbalik sila at sila ay aking pagalingin.

   
 28Kaya nga, alamin ninyo na ang kaligtasan ng Diyos ay ipinadala sa mga Gentil. Sila ay makikinig. 29Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, umalis ang mga Judio na may malaking pagtatalo sa isa't isa.

   
 30Si Pablo ay nanatili ng dalawang buong taon sa bahay na inuupahan niya. Tinatanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kaniya. 31Ipinapangaral niya ang paghahari ng Diyos. At itinuturo niya ang mga bagay na nauukol sa Panginoong Jesucristo ng buong kalayaan at walang anumang nakahadlang.

 

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Mga Taga-Roma

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13 | 14 | 15 | 16

Mga Taga-Roma 1

 1Akong si Pablo ay alipin ni Jesu cristo. Tinawag ako ng Diyos na maging apostol at ihiniwalay para sa ebanghelyong Diyos. 2Ito ay ang ipinangako niya noong nakaraang panahon, sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, sa banal na kasulatan. 3Ito ay patungkol sa kaniyang Anak na mula sa lahi ni David ayon sa laman. 4Itinalaga siya na Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang paraan ayon sa Espiritu ng kabanalan at sa pamamagitan ng pagkabuhay muli mula sa mga patay. Siya ay si Jesucristo na ating Panginoon. 5Sa pamamagitan niya, kami ay tumanggap ng biyaya at pagiging apostol. Ito ay patungo sa pagsunod sa pananampalataya para sa lahat ng mga bansa alang-alang sa kaniyang pangalan. 6Kayo rin naman ay tinawag na kasama nila upang mapabilang kay Jesucristo.

   
 7Sumusulat ako sa inyong lahat, na mga nasa Roma, na mga inibig ng Diyos at tinawag na mga banal.
   Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.

 

Nananabik si Pablo na Makadalaw sa Roma

 

 8Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos para sa inyong lahat sa pamamagitan ni Jesucristo. Nagpapasalamat ako na ang inyong pananampalataya ay nababalita sa buong sanlibutan. 9Ito ay sapagkat ang Diyos ang aking saksi kung paano ko kayo laging binabanggit nang walang patid sa aking mga pananalangin. Ang Diyos ang pinaglilingkuran ko sa aking espiritu sa ebanghelyo patungkol sa kaniyang Anak. 10Lagi kong hinihiling sa pananalangin, na sa anumang paraan sa isang pagkakataon, ay magkaroon ako ng matagumpay na pagla-lakbay sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na makapunta ako sa inyo.

   
 11Ito ay sapagkat nananabik akong makita kayo upang mabahaginan ko kayo ng ilang espirituwal na kaloob na siyang magpapatatag sa inyo. 12Ito ay upang kayo at ako ay maaliw sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa isa't isa, na kapwa nasa inyo at nasa akin. 13Mga kapatid, ibig kong malaman ninyo na ilang ulit na akong nagbalak pumunta sa inyo. Ngunit hanggang sa ngayon, ito ay nahahadlangan. Binabalak kong pumunta sa inyo upang makapagbunga rin sa inyo, tulad din naman sa ibang mga Gentil.

   
 14May pagkakautang ako, kapwa sa mga Griyego at sa mga hindi Griyego, kapwa sa mga matatalino at sa mga mangmang. 15Kaya nga, nananabik na rin akong ipangaral ang ebanghelyo sa inyo na nasa Roma.

   
 16Ito ay sapagkat hindi ko ikinakahiya ang ebanghelyo patungkol kay Cristo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat isang sumasampalataya. Ang ebanghelyo ay una, para sa mga Judio at sunod ay para sa mga Gentil. 17Ito ay sapagkat sa ebanghelyo, ang katuwiran ng Diyos ay nahayag mula sa pananampalataya patungo sa pananam-palataya. Ayon sa nasulat:
      Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan
      ng pananampalataya.

 

Ang Poot ng Diyos Laban sa Sangkatauhan

 

 18Ngayon, nahayag mula sa langit ang galit ng Diyos laban sa lahat ng kawalang pagkilala sa Diyos at hindi pagiging matuwid ng mga tao. Kanilang pinipigil ang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang hindi pagiging matuwid. 19Ito ay sapagkat ang maaari nilang malaman patungkol sa Diyos ay maliwanag na sa kanila, dahil inihayag na ito ng Diyos sa kanila. 20Ito ay sapagkat ang hindi nakikitang mga bagay patungkol sa Diyos, simula pa sa paglikha ng sanlibutan, ay malinaw na nakikita na nauunawaan ng mga bagay na nalikha, kahit ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kaya nga, wala na silang anumang maidadahilan.

   
 21Ito ay sapagkat kahit kilala na nila ang Diyos, hindi nila siya niluwalhati bilang Diyos, ni nagpasalamat sa kaniya. Sa halip, ang kanilang pag-iisip ay naging walang kabuluhan at ang mga puso nilang hindi nakakaunawa ay napuno ng kadiliman. 22Sa pagsasabi nilang sila ay matatalino, sila ay naging mga mangmang. 23Ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kabulukan ay pinalitan nila ng tulad ng anyo ng taong may kabulukan. At ng mga anyo ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa at ng mga hayop na gumagapang.

   
 24Kaya nga, hinayaan sila ng Diyos na gumawa ng maruruming mga bagay ayon sa pagnanasa ng kanilang mga puso. Ang idinulot nito ay ang paglapastangan ng kanilang mga katawan sa isa't isa. 25Pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos. Ang nilikhang bagay ay sinamba nila at pinaglingkuran kaysa sa lumikha, na pinupuri magpakailanman. Siya nawa.

   
 26Sa dahilang ito, hinayaan sila ng Diyos sa pagnanasang walang dangal sapagkat maging ang kababaihan nila ay nagbago ng likas nilang gamit patungo sa taliwas sa kalikasan. 27Gayundin ang mga lalaki sa pag-iwan nila sa likas na gamit ng mga babae. Sila ay nag-aalab sa pita sa isa't isa. Ang mga lalaki kasama ang lalaki ay gumagawa ng kahihiyan at tinanggap nila ang kaparusahang karapat-dapat sa mga liko nilang gawa.

   
 28At ayon sa pinagpasiyahan nilang huwag mapasa-kaalaman nila ang Diyos, hinayaan na sila ng Diyos sa kaisipang taliwas upang gawin nila ang mga bagay na hindi karapat-dapat. 29Sila ay napuspos ng lahat ng uri ng hindi pagiging matuwid, pakikiapid, kasamaan, kasakiman, masamang hangarin, pagka-mainggitin, pagpatay, paglalaban-laban, panlilinlang, hangaring manakit at pagsisitsit. 30Sila ay mga mapanirang puri, namumuhi sa Diyos, walang galang, mapagmataas, mayabang, mapaglikha ng masasamang mga bagay at masuwayin sa mga magulang. 31Sila ay mga walang pang-unawa, sumisira sa usapan, walang likas na paggiliw, hindi nagpapatawad at mga walang habag. 32Alam nila ang matuwid na kautusan ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay ay nararapat sa kamatayan. Hindi lang sa kanila na gumagawa ng mga ito, kundi sa kanila rin na sumasang-ayon pa sa mga gumagawa ng mga ito.

 

 

Mga Taga-Roma 2

 

Ang Matuwid na Hatol ng Diyos

 

 1Kaya nga, wala kang maidadahilan, ikaw na taong humahatol sa iba sapagkat kapag hinatulan mo ang ibang tao, hinahatulan mo rin ang iyong sarili dahil ginagawa mo rin ang gayong mga bagay. 2Ngunit alam natin na sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, ang hatol ng Diyos ay ayon sa katotohanan. 3Iniisip mo bang makakaligtas ka sa hatol ng Diyos, ikaw na taong humahatol sa kanila na gumagawa ng gayong mga bagay at gumagawa rin ng gayon? 4Minamaliit mo ba ang yaman ng kaniyang kabaitan? Minamaliit mo ba ang kaniyang pagtitiis at pagtitiyaga? Hindi mo ba nalalaman na ang kabutihan ng Diyos ang gumagabay sa iyo sa magsisi.

   
 5Ngunit ayon sa katigasan ng iyong puso at hindi pagsisisi, ikaw ay nag-iipon ng galit laban sa iyong sarili. Ito ay sa araw ng galit at paghahayag ng matuwid na hatol ng Diyos. 6Ang Diyos ang nagbibigay ng hatol sa bawat tao ayon sa gawa niya. 7Sila na patuloy na gumagawa ng mabuti, na may pagtitiis at naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng walang kasiraan ay bibigyan ng walang hanggang buhay. 8Ngunit sa kanila na makasarili at masuwayin sa katotohanan at sumu-sunod sa kalikuan ay tatanggap ng poot at galit. 9Paghihirap at kagipitan ang ibibigay sa bawat kaluluwa ng tao na patuloy na gumagawa ng masama, una sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego. 10Ngunit kaluwalhatian, kapurihan at kapayapaan ang ibibigay sa lahat ng gumagawa ng mabuti, una sa mga Judio at saka sa mga Griyego. 11Ito ay sapagkat hindi nagtatangi ng tao ang Diyos.

   
 12Ito ay sapagkat ang lahat ng nagkasala na hindi sa ilalim ng kautusan ay lilipulin na hindi sa ilalim ng kautusan. Ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan sa pamamagitan ng kautusan. 13Ito ay sapagkat hindi ang mga nakikinig ng kautusan ang matuwid sa paningin ng Diyos kundi ang mga gumagawa ng kautusan ang siyang pinapaging-matuwid. 14Ito ay sapagkat ang mga Gentil bagaman walang kautusan, ay likas naman nilang ginagawa ang bagay na nakapaloob sa kautusan. Sa paggawa nila nito, nagiging kautusan ito para sa kanilang sarili. 15Ipinapakita nila na nakasulat sa kanilang mga puso ang gawa ng kautusan. Nagpapatotoo rin ang kanilang budhi at sa bawat isa ang kanilang isipan ang umuusig o kaya ay nagtatanggol sa kanila. 16Ito ay mangyayari sa araw na ang lihim ng mga tao ay hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo ayon sa ebanghelyo na ipinangaral ko.

 

Ang mga Judio at ang Kautusan

 

 17Narito, ikaw ay tinatawag na Judio, nagtitiwala ka sa kautusan at ipinagmamalaki mo na ikaw ay sa Diyos. 18Alam mo ang kalooban niya. Dahil naturuan ka sa kautusan, sinasang-ayunan mo ang mga bagay na higit na mabuti. 19Naka-ka--tiyak kang ikaw ay tagaakay ng mga bulag at liwanag ng mga nasa kadiliman. 20Ikaw ay tagapagturo ng mga hangal, isang guro ng mga sanggol. Nasa iyo ang anyo ng kaalaman at sa katotohanan ng kautusan. 21Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tinuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral na huwag magnakaw ang isang tao, nagnanakaw ka ba? 22Ikaw na nagsasabing huwag mangangalunya ang isang tao, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyos-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo? 23Ikaw na nagmamalaki patungkol sa kautusan, sa pagsuway mo sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos? 24Ito ay sapagkat tulad ng nasusulat:
      Dahil sa iyo, nagkaroon nga ng pamumusong sa
      pangalan ng Diyos sa gitna ng mga Gentil.

   
 25Kapag tinupad mo ang kautusan, may halaga ang iyong pagiging nasa pagtutuli. Ngunit kapag nilabag mo ang kautusan, ang iyong pagiging nasa pagtutuli ay naging hindi nasa pagtutuli. 26Hindi ba kapag ang hindi gumagawa ng pagtutuli ay tumupad ng hinihingi ng kautusan, ang kaniyang hindi pagiging nasa pagtutuli ay ibibilang na pagtutuli? 27Hindi ba ang likas na hindi nasa pagtutuli at tumutupad sa kautusan, siya ang hahatol sa iyo, ikaw na sumusuway sa kautusan, kahit na mayroon kang nakasulat na kautusan at ang iyong pagiging nasa pagtutuli?

   
 28Ito ay sapagkat siya, na sa panlabas na anyo ay Judio, ay hindi tunay na Judio, maging ang pagtutuli sa panlabas na laman ay hindi tunay na pagtutuli? 29Ang tunay na Judio ay ang Judio sa kalooban at ang tunay na nasa pagtutuli ay sa puso, sa espiritu at hindi ayon sa titik ng kautusan. Ang papuri sa kaniya ay hindi mula sa tao kundi mula sa Diyos.

 

 

Mga Taga-Roma 3

 

Ang Katapatan ng Diyos

 

 1Ano nga ang kalamangan ng pagiging Judio? Ano ang kapakinabangan ng pagiging nasa pagtutuli? 2Marami sa lahat ng paraan. Una sa lahat, sa kanila ipinagkatiwala ang mga salita ng Diyos.

   
 3Paano kung may ilang hindi nanampalataya? Mapapawalang-bisa ba ng kanilang hindi pagsampalataya ang katapatan ng Diyos? 4Huwag nawang mangyari. Sa halip, ang Diyos ay totoo at ang bawat tao ay sinungaling. Ayon sa nasusulat:
      Na sa iyong mga pagsasalita ay pinapaging-matuwid
      ka at sa paghatol sa iyo ay makaka-panaig ka.

   
 5Ngunit kung ang ating kalikuan ay magpapakita ng katuwiran ng Diyos, ano ang sasabihin natin? Ang Diyos ba ay hindi matuwid na nagdadala ng galit? Nagsasalita ako na tulad ng tao. 6Huwag nawang mangyari. Papaano ngang hahatulan ng Diyos ang sangkatauhan? 7Kung sa aking kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos ay sumagana sa kaniyang kaluwalhatian, bakit pa ako hahatulan bilang makasalanan? 8At bakit hindi na lang nating sabihin: Gumawa tayo ng masama upang mangyari ang mabuti. Sa katunayan, ibinibintang sa atin ng iba na sinasabi natin ito. Kaya marapat lamang na sila ay hatulan sa pagbibintang na ito.

 

Walang Isa mang Tao na Matuwid

 

 9Ano ngayon? Kami ba ay nakakahigit? Hindi! Ito ay sapagkat napatunayan na namin noong una pa man, na kapwa ang mga Judio at mga Griyego ay nasa ilalim ng kasalanan. 10Ito ay ayon sa nasusulat:
      Walang sinumang matuwid, wala kahit isa.
       11Walang sinumang nakakaunawa, walang sinu-mang
      humahanap sa Diyos. 12Ang lahat ay lumihis
      ng daan, sama-sama silang naging walang
      pakinabang. Walang sinumang gumagawa ng
      mabuti, wala kahit isa. 13Ang kanilang
      lalamunan ay bukas na libingan. Sa kanilang
      mga dila ay ginagamit nila ang pandaraya. Ang
      kamandag ng mga ulupong ay nasa mga labi
      nila. 14Ang mga bibig nila ay puno ng pagsumpa
      at mapait na mananalita. 15Ang mga paa nila
      ay mabilis sa pagbuhos ng dugo. 16Pagkawasak
      at paghihirap ang nasa kanilang mga landas.
       17Hindi nila alam ang landas ng kapayapaan.
       18Ang pagkatakot sa Diyos ay wala sa kanila.

   
 19Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan ay sinasabi sa kanila na nasa ilalim ng kautusan upang patigilin ang bawat bibig at ang buong sanlibutan ay mananagot sa Diyos. 20Kaya nga, sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan walang taong mapapaging-matuwid sa harapan niya sapagkat ang lubos na pagkaalam sa kasalanan ay sa pamamagitan ng kautusan.

 

Pagiging Matuwid sa Pamamagitan ng Pananampalataya

 

 21Subalit ngayon, ang katuwiran ng Diyos ay inihayag nang hiwalay sa kautusan. Ito ay pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta. 22Ang katuwirang ito ng Diyos ay sa pamama-gitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Ito ay para sa lahat at sa kanilang lahat na sumampalataya dahil walang pagkakaiba. 23Ito ay sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24Ang lahat ay pinapaging-matuwid ng Diyos nang walang bayad sa pamamagitan ng kaniyang biyaya, sa pamamagitan ng katubusan na na kay Cristo Jesus. 25Siya ang itinalaga ng Diyos na maging kasiya-siyang handog sa pamamagitan ng pagsampalataya sa kaniyang dugo, upang ipakita ng Diyos ang kaniyang katuwiran ay ipinagpaliban niya ang kahatulan sa mga nakalipas na kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang kahinahunan. 26Ginawa niya ito upang ipakita ang kaniyang katuwiran sa kasalukuyang panahon sapagkat siya ay matuwid at tagapagpaging-matuwid sa kanila na sumasampalataya kay Jesus.

   
 27Saan pa makapagmamalaki? Wala na. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Sa pamamagitan ba ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya. 28Kaya, kinikilala natin na ang tao ay pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, hiwalay sa mga gawa ng kautusan. 29Hindi ba ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba Diyos din siya ng mga Gentil? Oo, Diyos din siya ng mga Gentil. 30Ito ay sapagkat iisa ang Diyos na magpapaging-matuwid sa mga nasa pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya at sa mga nasa hindi pagtutuli ay sa gayunding pananampalataya. 31Ginagawa ba nating walang bisa ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari. Sa halip ay pinalalakas natin ang kautusan.

 

 

Mga Taga-Roma 4

 

Pinaging-matuwid si Abraham sa Pamamagitan ng Pananampalataya

 

 1Ano nga ngayon ang sasabihin natin sa natagpuan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman? 2Ito ay sapagkat kung si Abraham ay pinaging-matuwid sa pamama-gitan ng mga gawa, mayroon siyang dahilang magmalaki, ngunit hindi sa Diyos. 3Ano ang sinasabi ng kasulatan? Sinasabi:
      Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos at iyon
      ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.

   
 4Ngayon kapag gumawa ang isang tao, ang sahod niya ay hindi ibinibilang na biyaya kundi ibinibilang na utang. 5Ngunit sa kaniya na hindi gumagawa ngunit sumasam-palataya sa kaniya na nagpapaging-matuwid sa mga hindi kumikilala sa Diyos, ang kaniyang pananampalataya ay ibinibilang na katuwiran. 6Gayundin ang sinabi ni David. Sinabi niya na pinagpala ang isang tao kapag ibinibilang ng Diyos ang katuwiran na hiwalay sa mga gawa:
       7Pinagpala sila na mga pinatawad sa hindi nila
      pagkilala sa kautusan ng Diyos, sila na ang mga
      kasalanan ay tinakpan. 8Pinagpala ang taong
      ang kasalanan ay hindi ibibilang ng Panginoon
      sa kaniya sa anumang kaparaan.

   
 9Ito bang pagiging pinagpala ay para sa mga nasa pagtutuli lamang o para rin sa mga hindi nasa pagtutuli? Ito ay sapagkat sinasabi nating ang pananampalataya ay ibinilang na katuwiran kay Abraham. 10Papaano nga ito ibinilang? Ito ba ay nang tinuli na siya o nang bago pa siya tinuli? Hindi nang tinuli na siya kundi nang bago pa siya tuliin. 11Siya ay tumanggap ng tanda ng pagiging nasa pagtutuli. Ito ay tatak ng katuwiran na mula sa pananampalatayang nasa kaniya bago pa man siya tinuli. Ito ang tanda na siya ay magiging ama ng lahat na mga hindi nasa pagtutuli na sumampalataya upang ang katuwiran ay maibilang din sa kanila. 12Si Abraham ay hindi lamang ama ng mga nasa pagtutuli. Siya ay ama rin ng nasa pagtutuli na mga lumalakad sa mga bakas ng pananampalataya ng ating amang si Abraham na nasa kaniya nang hindi pa siya tuli.

   
 13Ito ay sapagkat si Abraham at ang kaniyang lahi ay tumanggap ng pangako na siya ay magiging tagapagmana ng sanlibutan. Ito ay hindi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya. 14Ito ay sapagkat kung ang mga tagapagmana nga ay ang mga gumaganap ng kautusan, ang pananampalataya ay walang kabuluhan. Ang pangako ay walang bisa. 15Ito ay sapagkat ang kautusan ay nagbubunga ng galit, dahil kung walang kautusan, walang pagsalangsang.

   
 16Kaya nga, ang pangako ay sa pamamagitan ng pananampalataya upang ito ay maging ayon sa biyaya at upang ito ay maging tiyak sa lahat ng lahi. Ito ay hindi lamang sa mga nasa kautusan kundi sa mga nasa pananampalataya ni Abraham na siyang ama nating lahat. 17Ayon sa nasusulat:
      Itinalaga kitang ama ng maraming bansa.

   Ito ay sa harap ng Diyos na kaniyang sinampalatayanan, na bumubuhay ng mga patay at tumatawag na magkaroon ng mga bagay na wala pa.

   
 18Sa kawalang pag-asa, sumampalataya si Abraham na umaasa at sa gayon siya ay naging ama ng maraming bansa. Ito ay ayon sa sinabi:
      Magiging gayon ang iyong lahi.

    19Sa kaniyang pananampalatayang hindi nanghihina, hindi niya itinuring na parang patay na ang kaniyang sariling katawan. Siya ay halos isandaang taon na noon. Hindi rin niya itinuring na patay ang bahay-bata ni Sara. 20Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng hindi pagsampalataya. Sa halip, siya ay lumakas sa pananampalataya na nagbibigay nang kaluwalhatian sa Diyos. 21Lubos siyang nakakatiyak na magagawa ng Diyos ang kaniyang ipinangako. 22Kaya nga, ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran. 23Gayunman, ito ay hindi lamang isinulat para sa kaniya, na ito ay ibinilang sa kaniya. 24Ito ay para sa atin din. Ibibilang din ito na katuwiran sa mga sumampalataya sa Diyos na bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay. 25Si Jesus ang ibinigay para sa ating mga pagsalangsang at ibinangon para sa pagpapaging-matuwid sa atin.

 

 

Mga Taga-Roma 5

 

Kapayapaan at Kagalakan

 

 1Kaya nga, yamang tayo ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapa-yapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo. 2Sa pamamagitan din niya tayo ay nagkaroon ng daan patungo sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa biyayang ito tayo ay naninindigan at nagmamalaki sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos. 3Hindi lang ito, kundi sa paghihirap ay nagmamalaki rin tayo dahil alam nating ang paghihirap ay nagbubunga ng pagtitiis. 4Ang pagtitiis ay nagbubunga ng magandang ugali at ang magandang ugali ay nagbubunga ng pag-asa. 5Hindi tayo pinapahiya ng pag-asa sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin.

   
 6Ito ay sapagkat nang tayo ay mahina pa si Jesus ay namatay sa takdang panahon para sa mga hindi kumikilala sa Diyos. 7Hindi pangkaraniwan na ang isang tao ay mamatay para sa isang matuwid na tao. Maaaring alang-alang sa isang mabuting tao, ang isang tao ang maglakas-loob na mamatay. 8Ngunit ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin na nang tayo ay makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.

   
 9Higit pa riyan, tayo ngayon ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng kaniyang dugo. Kaya nga, tayo ay maliligtas sa poot sa pamamagitan niya. 10Ito ay sapagkat nang tayo ay kaaway ng Diyos, ipinagkasundo tayo sa kaniya sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang anak. Higit pa riyan, ngayong tayo ay ipinagkasundo, tayo ay maliligtas sa pamamagitan ng buhay ng kaniyang anak. 11Hindi lang gayon, kundi tayo ay nagagalak sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo na sa pamamagitan niya, tayo ay nagtamo ng pakikipagkasundo.

 

Kamatayan sa Pamamagitan ni Adan, Buhay sa Pamamagitan ni Cristo

 

 12Sa kadahilanang ito, sa pamamagitan ng isang tao, pumasok ang kasalanan sa sanlibutan. Dahil sa kasalanan nagkaroon ng kamatayan at ang kamatayan ay dumating sa lahat ng tao sapagkat nagkasala ang lahat. 13Ito ay sapagkat ang kasalanan ay nasa sanlibutan na bago pa ibinigay ang kautusan. Ngunit nang wala pa ang kautusan ang kasalanan ay hindi ibinibilang. 14Subalit ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises. Ito ay naghari maging sa kanila na ang kasalanan ay hindi tulad ng pagsalangsang ni Adan na siyang larawan ng paparating na.

   
 15Subalit ang kaloob ay hindi tulad ng pagsalangsang sapagkat kung sa pagsalangsang ng isa, marami ang namatay, lalong higit ang biyaya ng Diyos. At sa pamamagitan ng isang tao, si Jesucristo, ang kaloob sa pamamagitan ng biyaya ay sumagana sa marami. 16Ang kaloob ay hindi tulad ng isang nagkasala sapagkat sa kasalanan ng isa, ang hatol ay nagdala ng kaparusahan. Ngunit sa kabila ng maraming pagsalangsang, ang walang bayad na kaloob ay nagbunga ng pagpapaging-matuwid. 17Ito ay sapagkat sa pagsalangsang ng isang tao, naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng taong iyon. At lalong higit sa kanila na tumanggap ng kasaganaan ng biyaya at ng kaloob ng katuwiran. Maghahari sila sa buhay sa pamamagitan ng isang iyon, si Jesucristo.

   
 18Kaya nga, sa pagsalangsang ng isang tao, napasalahat ng tao ang kaparusahan. Sa gayunding paraan, sa gawa ng katuwiran ng isang tao, napasalahat ng tao ang pagpapaging-matuwid ng buhay. 19Ito ay sapagkat sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging mga makasalanan. Sa gayunding paraan, sa pagsunod ng isang tao, marami ang magagawang matuwid.

   
 20Upang dumami ang pagsalangsang, nagkaroon ng kautusan, ngunit sa pagdami ng kasalanan lalong sumagana ang biyaya. 21Kaya kung papaano ngang naghahari ang kasalanan patungo sa kamatayan, gayundin ang biyaya ay maghahari sa pamamagitan ng katuwiran patungo sa buhay na walang hanggan. Ito ay sa pamamagitan ni Jesucristo, ang ating Panginoon.

 

 

Mga Taga-Roma 6

 

Patay sa Kasalanan, Buhay kay Cristo

 

 1Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan upang ang biyaya ay sumagana. 2Huwag nawang mangyari. Papaano nga na tayong mga namatay sa kasalanan ay patuloy na mamumuhay pa roon? 3Hindi ba ninyo nalalaman na tayong mga nabawtismuhan kay Cristo Jesus ay nabawtismuhan sa kaniyang kamatayan? 4Kaya nga, tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bawtismo sa kamatayan. Sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay. Sa gayunding paraan dapat tayong lumakad sa panibagong buhay.

   
 5Ito ay sapagkat yamang tayo ay nakasama sa wangis ng kaniyang kamatayan, magiging gayundin tayo sa kaniyang pagkabuhay muli. 6Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang napako sa krus upang mapawalang-bisa ang katawan ng kasalanan. Dahil diyan hindi na tayo magiging alipin ng kasalanan. 7Ito ay sapagkat siya na namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.

   
 8Kaya nga, yamang tayo ay kasamang namatay ni Cristo, tayo ay sumasampalatayang mabubuhay na kasama niya. 9Alam nating sa pagkabuhay ni Jesucristo mula sa mga patay ay hindi na siya mamamatay. Ang kamatayan ay hindi na maghahari sa kaniya. 10Ito ay sapagkat sa kaniyang kamatayan namatay siya sa kasalanan nang minsan lang. At sa kaniyang pagkabuhay, nabuhay siya sa Diyos.

   
 11Ituring din nga ninyo ang inyong mga sarili na patay sa kasalanan ngunit buhay sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo na ating Panginoon. 12Huwag nga ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan upang sundin ito sa kaniyang mga pagnanasa. 13Kahit ang mga bahagi ng inyong katawan ay huwag ninyong ipaubayang maging kagamitan ng kalikuan sa kasalanan. Sa halip, ipaubaya ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos tulad ng mga nabuhay mula sa mga patay. Ang bahagi ng inyong katawan ay ipaubaya sa Diyos bilang mga kagamitan ng katuwiran. 14Ang kasalanan ay hindi dapat maghari sa inyo dahil hindi kayo nasa ilalim ng kautusan. Kayo ay nasa ilalim ng biyaya.

 

Mga Alipin ng Katuwiran

 

 15Ano na ngayon? Tayo ba ay magpapatuloy sa kasalanan dahil hindi tayo nasa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari. 16Hindi ba ninyo alam na kung kanino ninyo ipinaubaya ang inyong sarili bilang alipin, kayo ay mga alipin niya na inyong sinusunod? Ito man ay sa kasalanan patungong kamatayan o sa pagsunod patungong katuwiran. 17Kayo ay mga dating alipin ng kasalanan. Ngunit salamat sa Diyos, dahil mula sa puso ay sinunod ninyo ang katuruang ibinigay sa inyo. 18Sa inyong paglaya mula sa kasalanan kayo ay naging mga alipin ng katuwiran.

   
 19Dahil sa kahinaan ng inyong katawan ako ay nagsasalita bilang tao sapagkat ipinaubaya ninyo ang mga bahagi ng inyong mga katawan na mapaalipin sa karumihan at walang pagkakilala sa kautusan patungo sa walang pagkakilala sa kautusan ng Diyos. Sa gayunding paraan ipaubaya ninyo ngayon ang mga bahagi ng inyong katawan na mga alipin ng katuwiran patungo sa kabanalan. 20Nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, malaya kayo sa katuwiran. 21Anong bunga nga ang nakuha ninyo sa mga bagay na ikinakahiya ninyo ngayon? Ito ay sapagkat ang wakas ng mga bagay na iyon ay kamatayan. 22Ngunit ngayong nakalaya na kayo mula sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, nagkabunga kayo na patungo sa kabanalan. Ang wakas nito ay walang hanggang buhay. 23Ito ay sapagkat ang kabayaran nga ng kasalanan ay kamatayan ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

 

 

Mga Taga-Roma 7

 

Isang Paglalarawan Mula sa Pag-aasawa

 

 1Mga kapatid, hindi ba ninyo alam na ang kautusan ay naghahari sa tao habang siya ay nabubuhay? Ako ay nagsasalita sa mga taong nakakaalam ng kautusan. 2Ang babaeng may asawa ay nakatali sa kaniyang asawa sa pamamagitan ng kautusan habang nabubuhay ang lalaki. Kapag ang lalaki ay namatay, ang asawang babae ay malaya na sa kautusan na patungkol sa asawang lalaki. 3Kaya nga, ang babae ay tatawaging mangangalunya kung magpapakasal siya sa ibang lalaki. Ito ay kung buhay pa ang kaniyang asawang lalaki. Ngunit kapag ang kaniyang asawa ay namatay na, siya ay malaya na sa kautusan. Hindi siya tatawaging mangangalunya kahit na magpakasal siya sa ibang lalaki.

   
 4Kaya nga, mga kapatid, kayo rin ay ginawa nang mga patay sa kautusan upang kayo ay mapakasal sa iba. Ito ay sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, na ibinangon mula sa mga patay upang tayo ay magbunga para sa Diyos. 5Ito ay sapagkat nang tayo ay likas pang makalaman, ang makasalanang hangarin na galing sa kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan. Gumagawa ito upang tayo ay magbunga patungo sa kamatayan. 6Ngunit ngayon, tayo ay patay na sa dating gumagapos sa atin. Tayo nga ay pinalaya sa kautusan upang tayo ay maglingkod sa pagbabago sa espiritu at hindi sa lumang titik ng kautusan.

 

Pakikipagtunggali sa Kasalanan

 

 7Ano ngayon ang sasabihin natin? Kasalanan ba ang kautusan? Huwag nawang mangyari. Hindi ko nalaman ang kasalanan kundi dahil sa kautusan. Hindi ko rin nakilala ang masamang pagnanasa kundi sinabi ng kautusan: Huwag kang mag-iimbot. 8Ngunit ang kasalanan ay nagbunga sa akin ng maraming uri ng pag-iimbot nang kunin ng kasalanan ang pagkakataong inalok ng mga utos. Ito ay sapagkat ang kasalanan ay patay kung wala ang kautusan. 9Ngunit minsan ako ay buhay nang walang kautusan ngunit nang dumating ang utos, nabuhay muli ang kasalanan at ako ay namatay. 10Ang utos na dapat magbigay buhay ay nasumpungan kong nagdala ng kamatayan. 11Ito ay sapagkat sa pagsasamantala sa utos, dinaya ako ng kasalanan at pinatay ako sa pamamagitan ng mga utos. 12Kaya nga, ang kautusan at ang utos ay banal, matuwid at mabuti.

   
 13Ang mabuti ba ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Ngunit upang malaman kong ang kasalanan ay kasalanan, nagbunga ito ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti. Ito ay upang sa pamamagitan ng utos ang kasalanan.

   
 14Alam nating ang kautusan ay espirituwal. Ako ay likas na makalaman dahil sa naipagbili ako bilang alipin sa ilalim ng kasalanan. 15Ito ay sapagkat ang ginagawa ko ay hindi ko nauunawaan sapagkat ang hindi ko nais gawin ay siya kong ginagawa. Ang kinapopootan ko ang siya kong ginagawa. 16Ngunit kung ang hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, sumasangayon ako na ang kautusan ay mabuti. 17Sa ngayon hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nananahan sa akin. 18Ito ay sapagkat alam kong walang nananahang mabuti sa aking makalamang kalikasan sapagkat ang magnais ng mabuti ay nasa akin ngunit hindi ko masumpungan kung papaano ko ito gagawin. 19Ito ay sapagkat ang mabuti na ninanais kong gawin ay hindi ko nagagawa. Ang kasamaan na hindi ko hinahangad gawin ay siya kong nagagawa. 20Ngunit kung patuloy kong ginagawa ang hindi ko nais, hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nabubuhay sa akin.

   
 21Nasumpungan ko nga ang isang kautusan sa akin, na kapag nais kong patuloy na gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay nasa akin. 22Ito ay sapagkat sa aking kalooban, ako ay lubos na nalulugod sa kautusan ng Diyos. 23Ngunit nakakakita ako ng ibang kautusan sa mga bahagi ng katawan ko na nakikipaglaban sa kautusan ng aking isipan. Ginagawa nito akong bilanggo ng kautusan ng kasalanan na nasa mga bahagi ng katawan ko. 24 O, ako ay taong abang-aba. Sino ang magliligtas sa akin sa katawang ito na gumagawa patungong kamatayan? 25Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon.
   Kaya nga, ako sa aking sarili ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan, ngunit sa aking makalamang kalikasan naglilingkod ako sa kautusan ng kasalanan.

 

 

Mga Taga-Roma 8

 

Buhay sa Pamamagitan ng Espiritu

 

 1Ngayon nga ay wala nang kahatulan sa kanila na na kay Cristo Jesus. Sila ang mga lumalakad na hindi ayon sa makalamang kalikasan kundi ayon sa Espiritu. 2Ito ay sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na nasa kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa akin mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. 3Ito ay sapagkat ang kautusan ay mahina sa pamamagitan ng makalamang kalikasan, kaya ito ay walang kapangyarihan. Isinugo ng Diyos ang sarili niyang anak na nasa anyo ng taong makasalanan upang maging hain para sa kasalanan. Sa ganitong paraan, sa laman ay hinatulan na niya ang kasalanan. 4Upang matupad ang matuwid na hinihiling ng kautusan sa atin na mga lumalakad nang hindi ayon sa makalamang kalikasan kundi ayon sa Espiritu.

   
 5Ito ay sapagkat sila na mga ayon sa makalamang kalikasan ay nag-iisip ng mga bagay ukol sa laman. Ngunit sila na mga ayon sa Espiritu ay nag-iisip ng mga bagay ukol sa Espiritu. 6Ang mag-isip sa makalamang kalikasan ay kamatayan. Ang mag-isip sa Espiritu ay buhay at kapayapaan. 7Ang mag-isip sa makalamang kalikasan ay pagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi ito nagpapasakop sa kautusan ng Diyos ni hindi rin ito maaaring magpasakop. 8Sila na nasa makalamang kalikasan ay hindi makapagbibigay lugod sa Diyos.

   
 9Kayo ay wala sa makalamang kalikasan. Kayo ay nasa Espiritu kung ang Espiritu ng Diyos ay tunay na nananahan sa inyo. Ang sinumang walang Espiritu ni Cristo, siya ay hindi sa kaniya. 10Yamang si Cristo nga ay nasa inyo, tunay ngang ang katawan ay patay dahil sa kasalanan. Ngunit dahil sa katuwiran, ang Espiritu ay buhay. 11Ngunit kung ang Espiritu na nagbangon kay Jesus mula sa mga patay ay nananahan sa inyo, siya na nagbangon kay Cristo mula sa mga patay ay magbibigay din ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na nananahan sa inyo.

   
 12Kaya nga, mga kapatid, tayo ay may pagkakautang hindi sa makalamang kalikasan upang tayo ay mamuhay ayon sa makalamang kalikasan. 13Ito ay sapagkat namamatay na kayo kung mamumuhay kayo sa makalamang kalikasan. Ngunit kayo ay mabubuhay kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng inyong katawan. 14Ito ay sapagkat sila na inaakay ng Espiritu ng Diyos, sila ang mga anak ng Diyos. 15Ito ay sapagkat hindi kayo tumanggap ng Espiritu na magdadala sa inyo sa muling pagkaalipin sa takot. Subalit ang tinanggap ninyo ay ang Espiritu ng pag-ampon, kaya nga, tayo ay tumatawag ng: Abba, Ama. 16Ang Espiritu ang siyang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo ay mga anak ng Diyos. 17Yamang tayo nga ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana. Tagapagmana tayo ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Yamang tunay na naghirap tayo na kasama niya, tayo ay luluwalhatiin ding kasama niya.

 

Kaluwalhatian sa Hinaharap

 

 18Ito ay sapagkat itinuturing ko na ang mga paghihirap sa kasalukuyan ay hindi karapat-dapat ihalintulad sa kaluwalhatiang ihahayag na sa atin. 19Ito ay sapagkat ang matamang pag-asam ng nilikha ay naghihintay sa paghahayag sa mga anak ng Diyos. 20Ang nilikha ay ipinasakop sa paggawa ng mga bagay na walang kabuluhan. Hindi nang kusang loob, subalit sa pamamagitan niya na nagpasakop nito sa pag-asa. 21Upang ang nilikha din naman ay mapalaya mula sa pagkaalipin ng kabulukan patungo sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.

   
 22Ito ay sapagkat alam natin na hanggang ngayon ang buong nilikha ay sama-samang dumadaing at naghihirap tulad ng babaeng nanganganak. 23Hindi lang iyan, maging tayo na may unang-bunga ng Espiritu ay dumadaing din. Tayo sa ating sarili ay dumadaing sa ating kalooban na naghihintay ng pag-ampon na walang iba kundi ang katubusan ng ating katawan. 24Ito ay sapagkat sa pag-asa tayo ay naligtas, ngunit ang pag-asa na nakikita ay hindi pag-asa sapagkat bakit aasa pa ang tao sa nakikita na niya? 25Ngunit kung tayo ay umaasa sa hindi natin nakikita, naghihintay tayo na may pagtitiis.

   
 26Sa gayong paraan, ang Espiritu rin ay kasamang tumutulong sa ating mga kahinaan sapagkat hindi natin alam kung ano ang kinakailangan nating ipanalangin. Subalit ang Espiritu mismo ang siyang namamagitan para sa atin na may pagdaing na hindi kayang ipahayag ng salita. 27Siya na sumusuri sa mga puso ang siyang nakakaalam ng kaisipan ng Espiritu sapagkat ang Espiritu ay namamagitan para sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.

 

Higit pa sa Mananakop

 

 28Alam natin na ang lahat ng mga bagay ay magkakalakip-lakip na gumagawa para sa kabutihan nila na mga umiibig sa Diyos, sa kanila na mga tinawag ng Diyos ayon sa kaniyang layunin. 29Ito ay sapagkat ang mga kilala na ng Diyos nang una pa ay itinalaga rin niya nang una pa na maging kawangis ng kaniyang Anak, upang siya ay maging panganay sa maraming kapatiran. 30At sila na itinalaga niya nang una pa ay tinawag din niya. Sila na tinawag niya ay pinaging-matuwid din niya at sila na pinaging-matuwid niya ay niluwalhati din niya.

   
 31Ano nga ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Yamang ang Diyos ay kakampi natin, sino ang tatayong laban sa atin? 32Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak, kundi ipinagkaloob niya siya para sa ating lahat. Papaano ngang hindi niya ipagkaloob nang walang bayad sa atin ang lahat ng mga bagay? 33Sino ang magsasakdal laban sa pinili ng Diyos? Ang Diyos na siyang nagpapaging-matuwid. 34Sino ang magbibigay hatol? Si Cristo nga na namatay, ngunit higit dito, siya ay bumangong muli na ngayon ay nasa dakong kanan ng Diyos at namamagitan para sa atin. 35Sino ang maghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang paghihirap ba, o kagipitan, o pag-uusig, o kagutuman, o kahubaran, o panganib o tabak? 36Ayon sa nasusulat:
      Alang-alang sa inyo, pinapatay nila kami buong
      araw. Itinuturing kaming mga tupang kakatayin.

    37Subalit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo ay higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niya na umiibig sa atin. 38Ito ay sapagkat nakakatiyak ako na walang makakapaghiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos. Hindi ang kamatayan, o buhay, o mga anghel, o mga pamunuan, o mga kapangyarihan, o mga bagay sa kasalukuyan o mga bagay na darating. 39Hindi ang matataas na bagay, o mga kalaliman o kahit anumang bagay na nilikha. Walang anumang makakapaghiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

 

 

Mga Taga-Roma 9

 

Pumipili ang Diyos Ayon sa Kaniyang Kaluguran

 

 1Sinasabi ko ang katotohanan na kay Cristo. Hindi ako nagsisinungaling. Kasama kong nagpapatotoo ang aking budhi na nasa Banal na Espiritu. 2Ito ang nagpapatotoo na ako ay may malaking kalungkutan at walang tigil na pagdadalamhati sa aking puso. 3Ito ay sapagkat hinangad ko pa na ako ay sumpain at ihiwalay mula kay Cristo alang-alang sa aking mga kapatid, sa aking mga kamag-anak ayon sa laman. 4Sila ay ang mga taga-Israel. Sa kanila ang pag-ampon, ang kaluwalhatian at mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan. Sa kanila rin ang paglilingkod at mga pangako. 5Sa kanila nagmula ang mga ninuno at si Cristo, sa pamamagitan ng laman, ay nagmula sa kanila. Siya ang pinakadakila sa lahat, ang Diyos na pinupuri magpakailanman. Siya nawa.

   
 6Ito ay sapagkat hindi ang salita ng Diyos ay waring nagkulang sapagkat hindi lahat ng nagmula sa Israel ay tunay na mga taga-Israel. 7Gayundin naman ang mga nanggaling sa lahi ni Abraham ay hindi lahat tunay na mga anak ni Abraham. Subalit sinasabi: Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi. 8Ito ay hindi ang mga anak na ayon sa laman ang siyang mga anak ng Diyos. Ngunit ang mga anak ng pangako ang ibinilang na binhi. 9Ito ay sapagkat ganito ang sinasabi ng pangako:
      Sa takdang panahon ako ay darating at si Sara
      ay magkakaanak ng isang lalaki.

   
 10Hindi lang iyan, kundi si Rebecca ay naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki. Siya ay ang ating ninunong si Isaac. 11Ito ay sapagkat bago pa ipinanganak ang mga bata, bago pa sila nakagawa ng mabuti o ng masama, nangusap na ang Diyos kay Rebecca upang ang layunin ng Diyos na kaniyang pinili ay manatili. Ito ay hindi mula sa gawa kundi mula sa kaniya na tumatawag. 12Sinabi ng Diyos kay Rebecca: Ang matandang kapatid ay maglilingkod sa batang kapatid. 13Ayon sa nasusulat:
      Inibig ko si Jacob, kinapootan ko si Esau.

   
 14Ano ang sasabihin natin? May kalikuan ba sa Diyos? Huwag nawang mangyari. 15Sinabi ng Diyos kay Moises:
      Mahahabag ako sa sinumang kahahabagan ko.
      Maaawa ako sa sinumang kaaawaan ko.

    16Kaya nga, ito ay hindi sa kaniya na nagnanais o sa kaniya na tumatakbo. Subalit ito ay sa Diyos na siyang may kahabagan. 17Ito ay sapagkat sinabi ng kasulatan kay Faraon:
      Upang maipakita ko sa pamamagitan mo ang
      aking kapangyarihan, inilagay kita sa kinalalagyan
      mo ngayon. Ginawa ko ito upang maihayag
      ang aking pangalan sa buong lupa.

    18Kaya nga, mahahabag ang Diyos sa sinumang ibig niyang kahabagan. Patitigasin niya ang puso ng sinumang ibig niyang patigasin ang puso.

   
 19Kaya nga, sinasabi: Bakit pa niya tayo pinagbibintangan? Sino ang tumanggi sa kaniyang kalooban? 20 Oo, at higit pa dito, tao, sino ka upang makipagtalo laban sa Diyos? Sasabihin ba ng hinubog sa humubog sa kaniya: Bakit mo ako ginawang ganito? 21Hindi ba ang magpapalayok ang may kapamahalaan sa putik? Mula sa putik ding iyon siya ay maaaring gumawa rin ng sisidlang pangmarangal ang gamit at ang ibang sisidlang hindi pangmarangal ang gamit.

   
 22Yamang ibig ng Diyos na ipahayag ang kaniyang galit, at upang maipaalam niya sa kaniyang mga tao ang kaniyang kapangyarihan, nagtitiis siyang may pagtitiyaga sa mga sisidlang tatanggap ng galit. Inihanda na niya sila sa kapahamakan. 23Ginawa niya ito upang ipaalam niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlang kaniyang kinahabagan. Sila ay inihanda niya sa nakaraang kaluwalhatian. 24Iyan nga tayo, na kaniyang tinatawag, hindi lamang mula sa mga Judio kundi mula sa mga Gentil din naman. 25Sa aklat ni Hosea ay sinabi rin niya:
      Tatawagin kong mga tao ko sila na hindi ko
      mga tao. Tatawagin ko na aking iniibig ang mga
      hindi ko iniibig. 26At mangyayari, na sa dako
      na kung saan ay sinabi sa kanila: Hindi ko kayo
      mga tao. Sa dako ring iyon ay tatawagin ko sila:
      Kayo ay mga anak ng buhay na Diyos.

   
 27Ngunit sumigaw si Isaias patungkol sa Israel:
      Ang bilang ng mga anak ni Israel ay tulad sa
      bilang ng buhangin sa dagat. Kahit ganito ang
      bilang nila, maliit na pangkat lamang ang
      maliligtas. 28Ito ay sapagkat tatapusin niya ang
      bagay na iyon. Kaniyang iiklian iyon ayon sa
      katuwiran sapagkat pinaiklian ng Panginoon
      ang kaniyang gawain sa ibabaw ng lupa.

   
 29Ayon din sa sinabi ni Isaias noong una:
      Kung hindi nagtira ng binhi sa atin ang Panginoon
      ng mga hukbo, magiging tulad tayo ng mga tao
      ng Sodoma at tulad ng mga tao ng Gomora.

 

Hindi Sumampalataya ang mga Taga-Israel

 

 30Ano nga ang sasabihin natin? Sasabihin ba natin: Ang mga Gentil na hindi nagsikap sumunod sa katuwiran ay tumanggap ng katuwiran. Ang katuwirang ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya. 31Ang Israel ay nagsikap sumunod sa kautusan ng katuwiran ngunit hindi sila nakaabot sa katuwiran ng kautusan. 32Bakit? Ito ay sapagkat hindi sila nagsikap sa pamamgitan ng pananampalataya kundi sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan. Sila ay natisod sa batong katitisuran. 33Ayon sa nasusulat:
      Narito, naglagay ako sa Zion ng batong katitisuran
      at batong ikabubuwal nila. At ang bawat isang
      sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.

 

 

Mga Taga-Roma 10

 

 1Mga kapatid, ang mabuting kaluguran ng aking puso at dalangin sa Diyos para sa Israel ay maligtas sila. 2Pinatotohanan ko na sila ay may kasigasigan sa Diyos ngunit ang kasigasigan nila ay hindi ayon sa lubos na kaalaman. 3Hindi nila alam ang katuwiran ng Diyos. At sapagkat sinisikap nilang maitatag ang kanilang katuwiran, hindi sila nagpapasakop sa katuwiran ng Diyos. 4Ito ay sapagkat si Cristo ang hangganan ng kautusan patungo sa katuwiran ng lahat ng sumasampalataya.

   
 5Ito ay sapagkat sumulat si Moises patungkol sa katuwiran sa pamamagitan ng kautusan. Sinulat niya:
      Ang taong gumaganap ng mga bagay na ito ay
      mabubuhay sa pamamagitan niyon.

    6Gayunman, ang katuwirang mula sa pananampalataya ay nagsasabi: Huwag mong sabihin sa iyong puso ang ganito: Sino ang papaitaas sa langit? Iyon ay upang ibaba si Cristo. 7Huwag ding sabihin: Sino ang bababa sa walang hanggang kalaliman? Iyon ay upang ibalik si Cristo mula sa mga patay. 8Ano ang sinasabi ng kasulatan?
      Ang salita ay malapit sa iyo, ito ay nasa iyong
      bibig at sa iyong puso.

   Ang salitang ito ay ang salita ng pananampalataya na ipinahahayag namin. 9Ipahayag mong si Jesus ay Panginoon at sampalatayanan mo sa iyong puso na binuhay siyang mag-uli ng Diyos. Kapag ginawa mo ito, ikaw ay maliligtas. 10Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng puso ikaw ay sumasampalataya patungo sa pagiging-matuwid. Sa pamamagitan ng bibig ikaw ay nagpapahayag patungo sa kaligtasan. 11Ito ay sapagkat sinasabi ng kasulatan:
      Ang bawat isang sumasampalataya sa kaniya ay
      hindi mapapahiya.

    12Ito ay sapagkat walang pagkakaiba sa mga Judio at mga Gentil sapagkat iisa ang Panginoon na nagpapala ng masagana sa lahat ng tumatawag sa kaniya. 13Ito ay sapagkat:
      Ang bawat isang tatawag sa pangalan ng
      Panginoon ay maliligtas.

   
 14Papaano nga sila tatawag sa kaniya kung hindi sila sumasampalataya sa kaniya? Papaano sila sasampalataya sa kaniya kung hindi sila nakakapakinig patungkol sa kaniya? Papaano sila makakapakinig kung walang mangangaral? 15Papaano sila makakapangaral malibang sila ay isugo? Ayon sa nasusulat:
      Kayganda ng mga paa nila na nagpapahayag ng
      ebanghelyo ng kapayapaan at ang mga paa ng
      mga nagdadala ng ebanghelyo ng mabubuting
      bagay.

   
 16Subalit hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo sapagkat si Isaias ang nagsabi:
      Panginoon, sino ang sumampalataya sa aming ulat?

    17Kaya nga, ang pananampalataya ay mula sa pakikinig at ang pakikinig ay mula sa salita ng Diyos. 18Ngunit sinasabi ko: Hindi ba nakapakinig silang lahat? Totoong nakapakinig silang lahat:
      Ang kanilang tinig ay kumalat sa buong lupa.
      Ang kanilang salita ay kumalat sa lahat ng sulok
      ng sanlibutan.

    19Ngunit sinasabi ko: Hindi ba nalalaman ng Israel? Una, sinabi ni Moises:
      Paiinggitin ko kayo sa pamamagitan nila na
      hindi isang bansa. Pagagalitin ko kayo sa
      pamamagitan ng bansang walang pang-unawa.

    20May katapangang sinabi ni Isaias:
      Nasumpungan ako ng mga hindi naghahanap sa
      akin. Inihayag ko ang aking sarili sa kanila na
      hindi nagtanong patungkol sa akin.

    21Ngunit patungkol sa mga tao ng Israel ay sinabi niya:
      Buong araw kong iniaalok ang aking kamay sa mga
      taong masuwayin at mga taong sumasalungat.

 

 

Mga Taga-Roma 11

 

Ang mga Nalabing Maliliit na Pangkat ng Israel

 

 1Kaya nga, sinasabi ko: Tinanggihan ba ng Diyos ang kaniyang mga tao? Huwag nawang mangyari. Ito ay sapagkat ako rin ay isang taga-Israel, mula sa lahi ni Abraham, mula sa angkan ni Benjamin. 2Hindi tinanggihan ng Diyos ang mga taong kilala na niya nang una pa. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan, sa salaysay patungkol kay Elias, kung papaanong siya ay namagitan sa Diyos laban sa mga taga-Israel? 3Sinabi niya:
      Panginoon, pinatay nila ang mga propeta mo.
      Winasak nila ang mga dambana mo. Ako ay
      naiwanang mag-isa at pinagbabantaan nila ang
      buhay ko.

    4Ano ang sagot ng Diyos sa kaniya? Sinabi ng Diyos:
      Nagbukod ako ng pitong libong tao na hindi
      lumuhod kay Baal.

    5Gayon pa rin ito sa kasalukuyang panahon. Mayroon pa ring natitirang maliit na pangkat na pinili ayon sa biyaya. 6Yamang sila ay pinili ayon sa biyaya, ito ay hindi na sa pamamagitan ng mga gawa. Kung hindi gayon, ang biyaya ay hindi na magiging biyaya. Kung ito ay sa gawa, ito ay hindi na biyaya, kung hindi gayon, ang gawa ay hindi na gawa.

   
 7Ano ngayon? Ang hinahangad ng mga taga-Israel ay hindi nila natamo. Ang nagtamo nito ay ang mga pinili. Pinatigas ng Diyos ang mga puso ng iba pang natitira. 8Ayon sa nasusulat:
      Binigyan sila ng Diyos ng espiritu ng pagkalito.
      Binigyan niya sila ng mga matang hindi
      nakakakita. Binigyan niya sila ng mga taingang
      hindi nakakarinig. Ito ay hanggang sa ngayon.

    9Sinabi ni David:
      Ang kanilang mga hapag ay maging isang
      bitag at isang patibong. Ito ay maging isang
      katitisuran at maging kagantihan sa kanila.
       10Padidilimin ng Diyos ang kanilang mga mata
      upang hindi sila makakita. Patuloy na magiging
      baluktot ang kanilang mga likod.

 

Mga Sangang Inihugpong ng Diyos

 

 11Sinasabi kong muli: Natisod ba sila upang bumagsak nang lubusan? Huwag nawang mangyari. Sa halip nang sila ay sumalansang, ang kaligtasan ay dumating sa mga Gentil upang inggitin ang mga Judio. 12Kung ang pagsalansang ng mga Judio ay nagdala ng kayamanan sa sanlibutan, at ang kanilang pagkatalo ay nagdala ng kayamanan sa mga Gentil, gaano pa kaya kung sila ay lubos nang makapanumbalik.

   
 13Nagsasalita ako sa inyo mga Gentil. Yamang ako ay apostol sa mga Gentil, niluluwalhati ko ang aking paglilingkod. 14Ito ay upang kahit na sa papaanong paraan ay aking mainggit ang mga kamag-anak ko sa laman. Sa gayon, mailigtas ko ang ilan man lamang sa kanila. 15Ito ay sapagkat nang itinakwil sila ng Diyos, ang sanlibutan ay ipinakipagkasundo. Kapag tanggapin niya silang muli, ano ang mangyayari? Hindi ba ito ay buhay mula sa patay? 16Kung ang unang bunga ay banal gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ay banal, ang mga sanga ay banal din.

   
 17Ngunit kung ang ilang mga sanga ay pinutol, ikaw na isang puno ng Olibong ligaw ay inihugpong sa kanila. Ikaw ay naging kabahagi ng ugat at ng katas ng punong Olibo. 18Huwag kang magmalaki sa mga sanga. Kung magmamalaki ka sa kanila, tandaan mo ito: Hindi ikaw ang nagpupuno sa pangangailangan ng ugat. Ang ugat ang siyang nagpupuno sa pangangailangan mo. 19Sasabihin mo: Ang mga sanga ay pinutol upang ako ay maihugpong. 20Gayon nga iyon. Dahil hindi sila sumampalataya, inihiwalay sila ng Diyos ngunit ikaw ay nakatayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Huwag kang magmataas, sa halip ay matakot ka. 21Ito ay sapagkat maging ang mga likas na sanga ay hindi pinaligtas ng Diyos, maaaring hindi ka niya paliligtasin.

   
 22Kaya nga, narito, ang kabutihan at kahigpitan ng Diyos. Ang kahigpitan niya ay sa kanila na nahulog. Kung ikaw ay magpapatuloy sa kaniyang kabutihan, ang kabutihan niya ay mapapasaiyo. Kung hindi, ikaw din ay puputulin. 23Gayundin sila, kung hindi sila magpapatuloy sa hindi pagsampalataya, ihuhugpong sila ng Diyos sapagkat magagawa ng Diyos na sila ay ihugpong muli. 24Ito ay sapagkat pinutol ka ng Diyos mula sa olibong ligaw, at laban sa kalikasan, ay ihinugpong sa mabuting puno ng Olibo. Gaano pa kaya sa tunay na mga sanga na maihugpong sa kanilang sariling punong Olibo.

 

Ililigtas ng Diyos ang Buong Israel

 

 25Mga kapatid, ito ay sapagkat hindi ko nais na kayo ay maging walang kaalaman patungkol sa hiwagang ito. Sa kabilang dako, baka isipin ninyong kayo ay matatalino. Ang hiwaga ay: Hanggang sa maabot ang kabuuang bilang ng mga Gentil, bahagyang pinatigas ng Diyos ang puso ng mga taga-Israel. 26Kaya nga, ililigtas ng Diyos ang buong Israel ayon sa nasusulat:
      Ang tagapagligtas ay magmumula sa Zion.
      Ibabaling niyang palayo kay Jacob ang hindi
      pagkilala sa Diyos. 27Kapag inalis ko ang
      kanilang mga kasalanan, ito ang aking
      pakikipagtipan sa kanila.

   
 28Patungkol sa ebanghelyo, dahil sa inyo, sila ay mga kaaway. Ngunit patungkol sa katotohanang pinili sila ng Diyos nang una pa, dahil sa mga ninuno, mahal sila ng Diyos. 29Ito ay sapagkat ang mga kaloob at pagtawag ng Diyos ay hindi nagbabago. 30Sinuway ninyo ang Diyos noong nakaraang panahon. Sa ngayon ang Diyos ay nagpakita ng habag sa inyo sa pamamagitan ng kanilang pagsuway. 31Sa gayunding paraan, sila ngayon ay naging masuwayin upang kayo ay kahabagan. Ito ay upang magpapakita rin siya ng habag sa kanila sa pamamagitan ninyo. 32Upang maipakita ng Diyos ang kaniyang habag sa lahat, ibinilanggo niya sila dahil sa pagsuway.

 

Pagpupuri

 

    33Kay lalim ng kayamanan ng katalinuhan at karunungan
   ng Diyos. Walang makakasaliksik ng kaniyang mga
   kahatulan. Walang makakasunod sa kaniyang landas.
    34Ito ay sapagkat sino ang nakakaalam ng isipan ng
   Panginoon? Sino ang nagbigay sa kaniya ng payo?
    35Sino ang nagbigay sa kaniya at iyon ay pababayaran sa
   kaniya? 36Ito ay sapagkat ang lahat ng mga bagay ay
   mula sa kaniya. Ang mga bagay ay sa pamamagitan niya
   at para sa kaniya. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian
   magpakailanman. Siya nawa.

 

 

Mga Taga-Roma 12

 

Mga Haing Buhay

 

 1Kaya nga, mga kapatid, sa pamamagitan ng mga kaawaan ng Diyos, ako ay namamanhik sa inyo. Iharap ninyo ang inyong mga katawan sa Diyos bilang isang haing buhay, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang inyong katampatang paglilingkod. 2Huwag ninyong iayon ang inyong mga sarili sa kapanahunang ito. Sa halip ay mabago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isipan. Ito ay upang masuri ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.

   
 3Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, sinasabi ko sa inyong lahat: Huwag kayong mag-isip ng higit pa sa dapat ninyong isipin patungkol sa inyong sarili. Subalit mag-isip kayo sa wastong pag-iisip ayon sa sukat ng pananampalataya na ibinahagi ng Diyos sa bawat isa. 4Ito ay sapagkat sa isang katawan ay mayroon tayong maraming bahagi. Ngunit ang mga bahaging ito ay may iba't ibang gamit. 5Gayundin tayo, na bagamat marami, ay iisang katawan kay Cristo. Ang bawat isa ay bahagi ng ibang bahagi. 6Ngunit mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyaya na ibinigay ng Diyos sa atin. Kung ito man ay paghahayag ng salita ng Diyos, siya ay maghayag ayon sa sukat ng bahagi ng pananampalataya. 7Kung ang kaloob ay paglilingkod, paglingkurin siya. Kung ito ay sa pagtuturo, pagturuin siya. 8Kung ito ay sa pagpapayo, pagpayuhin siya. Kung ito ay sa pagbibigay, magbigay siya ng may katapatan. Kung ito ay sa pangunguna, papangunahin siyang may kasigasigan. Kung ito ay pagkamahabagin, mahabag siyang may kasiyahan.

 

Pag-ibig

 

 9Ang pag-ibig ay dapat walang pakunwari. Kapootan ninyo ang masama. Manangan kayo sa mabuti. 10Maging magiliwin kayo sa isa't isa tulad ng pag-ibig ninyo sa magkakapatid. Igalang ninyo ang isa't isa nang higit pa inyong sarili. 11Huwag maging tamad sa halip ay maging masigasig. Maging maningas kayo sa Espiritu, na naglilingkod sa Panginoon. 12Magalak sa pag-asa. Sa inyong paghihirap, maging matiisin. Sa inyong pananalangin, magpatuloy kayong matatag. 13Magbigay sa pangangailangan ng mga banal. Ipagpatuloy ang pagtanggap sa mga bisita.

   
 14Pagpalain ninyo sila na umuusig sa inyo. Pagpalain ninyo sila at huwag silang sumpain. 15Makigalak kayo sa kanila na nagagalak at makiiyak sa kanila na umiiyak. 16Magkaroon kayo ng iisang kaisipan. Huwag kayong mag-isip nang may kapalaluan sa inyong mga sarili. Sa halip, makisalamuha kayo sa mga taong mapagpakumbaba. Huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na matatalino.

   
 17Huwag kayong gumanti ng masama sa masama sa sinuman. Magkaloob nga kayo ng mga mabubuting mga bagay sa harap ng mga tao. 18Kung maaari, yamang ito ay nasasainyo, mamuhay kayong may kapayapaan sa lahat ng tao. 19Mga minamahal, huwag kayong maghiganti, sa halip, bigyan ninyo ng puwang ang galit ng Diyos sapagkat nasusulat:
      Ang paghihiganti ay sa akin, pagbabayarin ko
      sila sa kanilang ginawa.

   Ito ang sinabi ng Panginoon. 20Kaya nga:
      Kapag nagutom ang inyong kaaway, pakainin
      mo siya. Kapag nauhaw siya, painumin mo siya
      sapagkat kapag ginawa mo ito, bubuntunan mo
      ng nagbabagang uling ang kaniyang ulo.

    21Huwag magpatalo sa masama, sa halip, talunin mo ng mabuti ang masama.

 

 

Mga Taga-Roma 13

 

Pagpapasakop sa mga Namamahala

 

 1Ang bawat isa ay dapat magpasakop sa nakakataas na kapamahalaan sapagkat walang kapamahalaan maliban doon sa nagmula ng Diyos. Ang mga kapamahalaang iyon ay itinakda ng Diyos. 2Kaya nga, ang sinumang sumasalungat sa kapamahalaan ay tumatanggi sa batas na mula sa Diyos. Ang mga tumatanggi ay makakatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili. 3Ito ay sapagkat ang mga namumuno ay hindi nagbibigay takot sa mga gumagawa ng mabuti kundi sa mga gumagawa ng masama. Hindi mo ba ninanais na matakot sa pamahalaan? Gumawa ka ng mabuti at ang kapamahalaan ang pupuri sa iyo. 4Ito ay sapagkat siya ang tagapaglingkod ng Diyos para sa iyong kabutihan. Ngunit kung ang ginagawa mo ay masama, matakot ka dahil hindi siya nagdadala ng tabak ng walang kahihinatnan sapagkat siya ang tagapaglingkod ng Diyos, na isang tagapaghiganti upang magdala ng poot sa gumagawa ng masasama. 5Kaya nga, magpasakop ka hindi lang dahil sa galit kundi dahil sa budhi.

   
 6Ito ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis sapagkat ang mga kapamahalaan ay mga natatanging tagapaglingkod ng Diyos na nakatalaga sa gawaing ito. 7Ibigay sa bawat isa ang anumang dapat niyang tanggapin. Kung ang dapat ibigay ay buwis para sa nakakasakop, magbigay ng buwis na iyon. Kung buwis sa sariling pamahalaan, ibigay ang buwis na ito. Kung ang dapat mong ibigay ay takot, dapat kang magdalang takot. Kung ito ay karangalan, magbigay ka ng karangalan.

 

Ibigin Mo ang Iyong Kapwa Sapagkat ang Panahon ay Malapit na

 

 8Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man, sa halip ay mag-ibigan sa isa't isa sapagkat siya na umiibig sa iba ay nakaganap ng kautusan. 9Ito ang mga utos: Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang mag-bigay ng maling patotoo, huwag kang mag-iimbot. At kung may iba pang utos, ito ay nakapaloob sa salitang ito:
      Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng pag-ibig
      mo sa iyong sarili.

    10Ang pag-ibig sa kapwa ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa, kaya nga, ang pag-ibig ay katuparan ng kautusan.

   
 11Yamang alam natin ang panahon, ngayon na ang takdang oras na dapat na tayong gumising mula sa pagkakatulog sapagkat ang ating kaligtasan ay higit nang malapit kaysa noong tayo ay sumampalataya. 12Papalipas na ang gabi at ang bukang-liwayway ay malapit na. Kaya nga, hubarin na natin ang mga gawa ng kadiliman at isuot na natin ang baluti ng liwanag. 13Mamuhay tayong marangal tulad ng pamumuhay ng tao kapag araw. Hindi tayo dapat mamuhay sa magulong pagtitipon at paglalasing, hindi sa kalaswaan at sa kahalayan, hindi sa paglalaban-laban at sa inggitan. 14Sa halip, isuot natin ang Panginoong Jesucristo at huwag magbigay ng pagkakataong gawin ang pagnanasa ng laman.

 

 

Mga Taga-Roma 14

 

Ang Mahina at ang Malakas

 

 1Tanggapin ninyo siya na mahina sa pananampalataya, ngunit hindi upang pagtalunan ang iba't ibang kuro-kuro. 2Ang isang tao ay naniniwalang maaari niyang kainin ang lahat ng bagay. Ang isa na mahina ay kumakain lamang ng gulay. 3Siya na kumakain ay huwag maliitin ang isang hindi kumakain. Siya na hindi kumakain ay huwag humatol sa kaniya na kumakain sapagkat ang Diyos ang tumanggap sa kaniya. 4Sino ka upang hatulan mo ang katulong ng iba? Ang katulong na iyon ay tatayo o babagsak na subok sa harapan ng kaniyang sariling panginoon sapagkat magagawa ng Diyos na siya ay patayuin at siya ay makakatayo.

   
 5Isang tao ang kumikilalang ang isang araw ay higit na mahalaga kaysa sa ibang araw. Ang ibang tao naman ay kumikilalang ang bawat araw ay magkakatulad. Ang bawat isa ay magkaroon ng tiyak na kaisipan sa kaniyang sarili patungkol sa bagay na ito. 6Ang taong nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga noon sa Panginoon. Ang hindi nagpapahalaga sa isang araw ay hindi nagpapahalaga noon sa Panginoon. Siya na kumakain ay kumakain para sa Panginoon sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Siya na hindi kumakain ay hindi kumakain para sa Panginoon at nagpapasalamat siya sa Diyos. 7Ito ay sapagkat walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa kaniyang sarili lamang at walang sinumang tao na namamatay para sa kaniyang sarili lamang. 8Ito ay sapagkat kung tayo ay nabubuhay, nabubuhay tayo sa Panginoon. Kung tayo ay mamamatay, mamamatay tayo sa Panginoon. Kaya nga, kung tayo ay nabubuhay o kung tayo ay mamamatay, tayo ay sa Panginoon.

   
 9Sa dahilang ito si Cristo ay namatay at bumangon at nabuhay muli upang siya ay maghari kapwa sa mga patay at sa mga buhay. 10Ngunit bakit mo nga hinahatulan ang iyong kapatid? Bakit mo minamaliit ang iyong kapatid? Ito ay sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng upuan ng paghatol ni Cristo. 11Ito ay sapagkat nasusulat:
      Sinasabi ng Panginoon: Kung papaanong ako ay
      nabubuhay, ang bawat tuhod ay luluhod sa harap
      ko, ang bawat dila ay maghahayag sa Diyos.

    12Kaya nga, ang bawat isa sa atin ay magbibigay sulit sa Diyos patungkol sa ating sarili.

   
 13Kaya nga, huwag na tayong humatol sa isa't isa. Subalit sa halip, ito ang dapat na pagpasiyahan nating gawin: Huwag tayong maglagay ng batong katitisuran o anumang bagay na magiging sanhi ng pagbagsak ng isang kapatid. 14Alam ko at nakakatiyak ako sa Panginoong Jesus na walang bagay na likas na marumi. Kung kinikilala ng isang tao na ang isang bagay ay marumi, para sa kaniya iyon nga ay marumi. 15Ngunit kung ang iyong kinakain ay nakakapagbigay ng kapighatian sa iyong kapatid, hindi ka na namumuhay sa pag-ibig. Huwag mong sirain sa pamamagitan ng iyong kinakain ang iyong kapatid na dahil sa kaniya ay namatay si Cristo. 16Kaya nga, huwag mong hayaan na ang mabubuti mong gawa ay masamain. 17Ito ay sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa pagkain o sa pag-inom. Subalit ito ay sa katuwiran sa kapayapaan at kagalakan sa Banal na Espiritu. 18Ito ay sapagkat siya na naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay nagbibigay-lugod sa Diyos at katanggap-tanggap sa mga tao.

   
 19Kaya nga, sikapin nating abutin ang mga bagay ng kapayapaan at mga bagay na makakapagpatibay sa isa't isa. 20Huwag mong sirain ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagkain. Tunay na ang lahat ng bagay ay malinis. Subalit, para sa ibang tao, masama na siya ay kumakain kung ito ay magiging katitisuran. 21Higit na mabuti ang hindi kumain ng laman, o uminom ng alak, o gumawa ng anumang bagay na makakatisod, o makakapagdulot ng pagdaramdam o makakapagpahina sa iyong kapatid.

   
 22Ang pananampalatayang nasa iyo ay iyong panatilihin sa iyo, sa harap ng Diyos. Pinagpala ang taong walang kahatulan sa sarili dahil sa mga kinikilala niyang katanggap-tanggap. 23Ang nag-aalinlangan kapag kumain ay hinatulan na dahil hindi siya kumakain na may pananampalataya. Ang lahat ng bagay na hindi sa pananampalataya ay kasalanan.

 

 

Mga Taga-Roma 15

 

 1Tayong malalakas ay dapat magbata ng mga kahinaan ng mga mahihina, at hindi upang bigyan ng kaluguran ang ating mga sarili. 2Ito ay sapagkat ang bawat isa sa atin ay dapat magbigay-lugod sa ikatitibay ng kaniyang kapwa. 3Sapagkat maging si Cristo ay hindi nagbigay-lugod sa kaniyang sarili. Subalit ayon sa nasusulat:
      Ang pag-aalipusta nila na umaalipusta sa iyo ay
      napunta sa akin.

    4Ito ay sapagkat ang anumang bagay na isinulat noong una pa ay isinulat para sa ikatututo natin upang magkaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtitiis at pagpapalakas-loob na mula sa kasulatan.

   
 5Ang Diyos ang nagbigay sa inyo ng pagtitiis at pagpapalakas-loob upang magkaroon kayo ng iisang kaisipan sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus. 6Gagawin niya ito upang sa nagkakaisang kaisipan at nagkakaisang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesucristo.

   
 7Kaya nga, upang maluwalhati ang Diyos, tanggapin ninyo ang bawat isa ayon sa paraan ng pagtanggap sa atin ni Cristo. 8Ngunit sinasabi: Si Jesucristo ay naging tagapaglingkod ng mga nasa pagtutuli para sa katotohanan ng Diyos, upang tiyakin ang mga pangako ng Diyos na ibinigay niya sa mga ninuno. 9At upang ang mga Gentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kaniyang kahabagan. Ayon sa nasusulat:
      Dahil dito ihahayag kita sa mga Gentil at ako ay
      aawit ng papuri sa iyong pangalan.

    10Muli ay sinabi ng kautusan:
      Kayong mga Gentil, magalak kayong kasama ng
      kaniyang mga tao.

    11At muli:
      Kayong lahat ng mga Gentil, purihin ninyo ang
      Panginoon. Kayong lahat ng mga tao, purihin
      ninyo siya.

    12Muli ay sinabi ni Isaias:
      Magkakaroon ng ugat ni Jesse. Siya ang titindig
      upang maghari sa mga Gentil. Sa kaniya aasa
      ang mga Gentil.

   
 13Sa inyong pagsampalataya, mapupuno kayo ng kagalakan at kapayapaan. Gagawin ito sa inyo ng Diyos ng pag-asa upang sumagana kayo sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

 

Si Pablo ang Tagapaglingkod sa mga Gentil

 

 14Mga kapatid, ako sa aking sarili ay nakakatiyak na kayo rin ay puno ng kabutihan at ng lahat ng kaalaman. At maari na kayong magbigay ng payo sa isa't isa. 15Mga kapatid, patungkol sa ilang mga bagay, ako ay sumulat sa inyo na may katapangan bilang paala-ala sa inyo dahil sa biyaya na ibinigay sa akin ng Diyos. 16Biniyayaan ako ng Diyos na maging natatanging tagapaglingkod ni Jesucristo sa mga Gentil upang paglingkuran ko nang may kabanalan ang ebanghelyo ng Diyos. Ito ay upang ang paghain ng mga Gentil, na pinabanal ng Banal na Espiritu, ay maging katanggap-tanggap.

   
 17Dahil dito mayroon akong dahilan upang ipagmalaki, sa pamamagitan ni Jesucristo, ang mga bagay na patungkol sa Diyos. 18Hindi ako maglakas-loob na magsalita ng mga bagay na hindi ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko upang ang mga Gentil ay sumunod sa pamamagitan ng salita at gawa. 19Ito rin ay upang sumunod ang mga Gentil sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga himala, ng mga tanda at ng mga kamangha-manghang gawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Kaya nga, sa ganang akin, mula sa Jerusalem hanggang sa palibot ng Iliricum ay naipangaral ko na nang lubos ang ebanghelyo ni Cristo. 20Kaya nga, lubos kong minimithi na maipangaral ang ebanghelyo, hindi sa mga dakong kilala na si Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa saligang itinayo ng iba. 21Subalit ayon sa nasusulat:
      Sa kanila na hindi pa naisasaysay ang mga
      patungkol sa kaniya, sila ay makakakita. Sila na
      hindi pa nakarinig, sila ay makakaunawa.

    22Dahil sa mga bagay na ito, ako ay madalas mahadlangan sa pagpunta sa inyo.

 

Ang Balak na Pagdalaw ni Pablo sa Roma

 

 23Sa ngayon wala na akong kalalagyan sa mga lalawigang ito. Maraming taon na rin akong nananabik na pumunta sa inyo. 24Kapag ako ay makapunta sa Espanya, pupunta ako sa inyo sapagkat inaasahan kong makita kayo sa aking paglalakbay at matulungan ninyo ako sa patuloy kong paglalakbay. Ito ay pagkatapos na magkaroon ako ng kasiyahan sa ating pagsasama-sama. 25Sa ngayon, ako ay papunta sa Jerusalem upang maglingkod sa mga banal. 26Ito ay sapagkat isang kaluguran sa mga taga-Macedonia at sa mga taga-Acaya ang makapagbigay ng kaloob sa pagsasama-sama ng mga mahihirap sa mga banal na nasa Jerusalem. 27Nalugod sila sa paggawa nito at ito ay ibinilang nilang pagkakautang nila sa kanila sapagkat ang mga Gentil ay naging kabahagi ng mga Judio sa kanilang espirituwal na pagpapala. Kaya naman ang mga Gentil ay dapat na maglingkod sa mga Judio sa mga bagay na ukol sa katawan. 28Kaya nga, tatapusin ko ang tungkuling ito at titiyakin kong matanggap nila ang bungang ito. Pagkatapos, dadaan ako sa inyo pagpunta ko sa Espanya. 29Natitiyak kong sa pagpunta ko sa inyo, pupunta ako sa kapuspusan ng biyaya ng ebanghelyo ni Cristo.

   
 30Mga kapatid, namamanhik ako sa inyo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo at sa pamamagitan ng pag-ibig mula sa Espiritu. Ipinamamanhik kong samahan ninyo akong magsikap sa pananalangin sa Diyos para sa akin. 31Ipanalangin ninyo na ako ay maligtas mula sa mga sumusuway sa Diyos na nasa Judea. At nang ang aking paglilingkod sa Jerusalem ay maging katanggap-tanggap sa mga banal na naroroon. 32Ipanalangin ninyo na ako ay makapunta sa inyo na may kagalakan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos at makapagpahingang kasama ninyo. 33Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang sumainyong lahat. Siya nawa.

 

 

Mga Taga-Roma 16

 

Sariling Pagbati

 

 1Ipinagtatagubilin ko sa inyo si Febe, na ating kapatid, na isang tagapaglingkod ng iglesiya na nasa Cencrea. 2Hinihiling ko na tanggapin ninyo siya sa Panginoon gaya ng nararapat sa mga banal. Hinihiling ko na tulungan ninyo siya sa anumang bagay na kakailanganin niya sapagkat siya ay naging malaking tulong sa maraming tao at gayundin sa akin.

   
 3Batiin ninyo sina Priscila at Aquila. Sila ay mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. 4Inilagay nila sa panganib ang kanilang leeg dahil sa aking buhay. Hindi lang ako ang nagpapasalamat sa kanila kundi ang lahat din ng mga iglesiya ng mga Gentil.

   
 5Batiin din ninyo ang iglesiya na nasa kanilang tahanan. Batiin niyo si Epeneto na aking minamahal. Siya ang unang bunga para kay Cristo sa Acaya. 6Batiin ninyo si Maria na nagpagal ng labis para sa atin.

   
 7Batiin ninyo sina Andronico at Junias. Sila ay mga kamag-anak ko at kasama kong bilanggo, na kinikilala ng mga apostol. Bago ako, sila ay na kay Cristo na. 8Batiin ninyo si Ampliato na minamahal ko sa Panginoon. 9Batiin ninyo si Urbano na ating kamanggagawa kay Cristo. Batiin ninyo si Estacio na minamahal ko.

   
 10Batiin ninyo si Apeles, na isang katanggap-tanggap na manggagawa kay Cristo. Batiin ninyo ang mga nasa sambahayan ni Aristobulo. 11Batiin ninyo si Herodion na aking kamag-anak. Batiin ninyo ang mga nasa sambahayan ni Narciso na mga nasa Panginoon.

   
 12Batiin ninyo sina Trifena at Trifosa na mga nagpagal sa Panginoon. Batiin ninyo si Persida, ang minamahal na lubos nagpagal sa Panginoon. 13Batiin ninyo si Rufo, ang hinirang ng Panginoon, at sa kaniyang ina na itinuring ko na ring ina.

   
 14Batiin ninyo sila Sincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas at sa mga kapatid na kasama nila. 15Batiin ninyo sila Filologo, Julia, Nereo at ang kapatid niyang babae at gayundin kay Olimpas. Batiin ninyo ang lahat ng mga banal na kasama nila.

   
 16Magbatian kayo sa isa't isa ng banal na halik. Ang mga iglesiya ni Cristo ay bumabati sa inyo.

   
 17Ipinamamanhik ko sa inyo mga kapatid na mag-ingat kayo sa kanila na nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi at ng katitisuran na taliwas sa turo na inyong natutunan. Layuan ninyo sila. 18Ito ay sapagkat ang mga gayon ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Jesucristo kundi sa mga sarili nilang tiyan. Sa pamamagitan ng mabuting salita at papuri ay dinadaya nila ang mga puso ng mga walang kapintasan. 19Ang balita patungkol sa inyong pagsunod ay umabot sa lahat ng dako. Ako nga ay nagagalak patungkol sa inyo ngunit ninanais kong maging matalino kayo patungkol sa mabubuti at maging mga walang kamalayan patungkol sa masama.

   
 20Hindi na magtatagal ang Diyos ng kapayapaan ang dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa.
   Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ang siyang sumainyo.

   
 21Si Timoteo, na aking kamanggagawa, at ang aking mga kamag-anak na sina Lucio, Jason at Sosipatro ay bumabati sa inyo.

   
 22Akong si Tercio na sumulat ng sulat na ito ay bumabati sa inyo sa Panginoon.

   
 23Si Gayo na tumanggap sa akin at sa buong iglesiya ay bumabati sa inyo.
   Si Erasto na tagapamahala ng lungsod ay bumabati sa inyo gayundin si Quarto na ating kapatid.

   
 24Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ang sumainyong lahat. Siya nawa.

   
 25Sa Diyos na makakapagpatatag sa inyo ayon sa aking ebanghelyo at paghahayag kay Jesucristo. Ito ay ayon sa hiwaga na itinago noong una pang panahon. 26Subalit ngayon ang hiwaga ay inihayag na. Ito ay ipinakilala sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta ayon sa utos ng walang hanggang Diyos. Ito ay para sa pagsunod sa pananampalataya ng lahat ng mga bansa. 27Sa iisang matalinong Diyos, ang kaluwalhatian ang siyang sumakaniya magpakailanman sa pamamagitan ni Jesucristo. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

1 Mga Taga-Corinto

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13 | 14 | 15 | 16

1 Mga Taga-Corinto 1

 

 1Akong si Pablo, sa kalooban ng Diyos, ay tinawag na maging apostol ni Jesucristo. Ang ating kapatid na si Sost enes ay kasama ko.

   
 2Sumusulat ako sa iglesiya ng Diyos na nasa Corinto, na mga itinalaga kay Cristo Jesus. Sa kanila na tinawag na mga banal kasama ang lahat ng nasa bawat dako, na tumatawag sa pangalan ni Jesucristo na kanilang Panginoon at ating Panginoon.

   
 3Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.

 

Pasasalamat

 

 4Nagpapasalamat akong lagi sa aking Diyos para sa inyo dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Jesucristo. 5Nagpapasalamat ako na sa bawat bagay ay pinasasagana niya kayo sa kaniya, sa lahat ng inyong pagsasalita at sa lahat ng kaalaman. 6Ito ay kung papaanong napagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo. 7Kaya nga, hindi kayo nagkulang sa isa mang kaloob, na kayo ay naghihintay ng kapahayagan ng ating Panginoong Jesucristo. 8Siya ang magpapatibay sa inyo hanggang wakas, hindi mapaparatangan sa araw ng ating Panginoong Jesucristo. 9Ang Diyos ay matapat. Sa pamamagitan niya kayo ay tinawag sa pakikipag-isa sa kaniyang Anak na si Jesucristo na ating Panginoon.

 

Ang Pagkakabaha-bahagi sa Iglesiya

 

 10Mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo na kayong lahat ay magkaisa sa mga sasabihin ninyo, at huwag magkaroon ng pagkakabahagi sa inyo. Sa halip, lubos kayong magkaisa sa iisang isipan at iisang pagpapasiya. 11Nasabi nga sa akin ng ilan sa sambahayan ni Cloe na mayroong mga paglalaban-laban sa inyo. 12Ito ang sasabihin ko: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi: Ako ay kay Pablo, ako ay kay Apollos, ako ay kay Cefas, ako ay kay Cristo.

   
 13Pinagbaha-bahagi ba si Cristo? Si Pablo ba ay ipinako sa krus ng dahil sa inyo? Binawtismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14Ako ay nagpapasalamat na wala akong binawtismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gayo. 15Ito ay upang walang sinumang magsabi na ako ay nagbabawtismo sa aking pangalan. 16Binawtismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Patungkol sa iba, wala na akong alam na binawtismuhan ko. 17Ito ay sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbawtismo kundi upang ipangaral ang ebanghelyo. Ito ay hindi sa pamamagitan ng karunungan ng salita upang hindi mawalan ng halaga ang krus ni Cristo.

 

Si Cristo ang Karunungan at Kapangyarihan ng Diyos

 

 18Sapagkat ang salita patungkol sa krus ay kamangmangan sa mga napapahamak ngunit sa atin na naligtas ito ay kapangyarihan ng Diyos. 19Ito ay sapagkat nasusulat:
      Sisirain ko ang karunungan ng marurunong at
      pawawalang kabuluhan ang talino ng matatalino.

   
 20Nasaan ang marunong? Nasaan ang guro ng kautusan? Nasaan ang nakikipagtalo ng kapanahunang ito? Hindi ba ang karunungan ng sanlibutang ito ay ginawa ng Diyos na kamangmangan? 21Ito ay sapagkat sa karunungan ng Diyos, ang sanlibutan ay hindi nakakilala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Dahil dito ikinalugod ng Diyos na iligtas sila na sumasampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral. 22Ang mga Judio ay humihingi ng tanda at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan. 23Ang aming ipinangangaral ay si Cristo na ipinako sa krus. Sa mga Judio siya ay katitisuran, sa mga Griyego siya ay kamangmangan. 24Sa mga tinawag, Judio at Griyego, siya ay Cristo na siyang kapangyarihan ng Diyos at karunungan ng Diyos. 25Ito ay sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay higit sa karunungan ng tao at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng tao.

   
 26Sapagkat nakita ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid. Iilan lang ang matatalino ayon sa laman, iilan lang ang makapangyarihan, iilan lang ang maharlika na tinawag. 27Subalit pinili ng Diyos ang kamangmangan ng sanlibutan upang ipahiya ang marurunong. Pinili niya ang mga mahihina ng sanlibutan upang ipahiya ang mga malalakas. 28Pinili ng Diyos ang mga mabababa sa sanlibutan at mga hinamak at mga bagay na walang halaga upang mapawalang halaga ang mga bagay na itinuturing na mahalaga. 29Ginawa niya ito upang walang sinuman ang makapagmalaki sa harap niya. 30Dahil sa kaniya, kayo ay na kay Cristo Jesus. Ginawa siya na maging karunungan, katuwiran, kabanalan at katubusan para sa atin mula sa Diyos. 31Ito ay upang matupad ang nasusulat:
      Siya na nagmamalaki, magmalaki siya sa Panginoon.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 2

 

 1Mga kapatid, ako ay dumating sa inyo na naghahayag ng patotoo patungkol sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o karunungan. 2Ito ay sapagkat pinagpasiyahan kong walang malamang anuman sa inyo maliban kay Jesucristo na ipinako sa krus. 3Nakasama ninyo ako sa kahinaan, sa pagkatakot at lubhang panginginig. 4Ang aking pananalita at pangangaral ay hindi sa mapanghikayat na pananalita ng karunungan ng tao. Sa halip, ito ay sa pagpapatunay ng Espiritu at ng kapangyarihan. 5Ito ay upang ang inyong pananampalataya ay hindi ayon sa karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos.

 

Karunungang Mula sa Espiritu

 

 6Gayunman, kami ay nagsasalita ng karunungan sa may mga sapat na gulang na. Ngunit ang sinasalita namin ay hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, ni ng mga namumuno sa kapanahunang ito na mauuwi sa wala. 7Sinasalita namin ang karunungan ng Diyos sa pamamagitan ng isang hiwaga. Ito ang nakatagong karunungan na itinalaga ng Diyos bago pa ang kapanahunang ito para sa ating kaluwalhatian. 8Wala ni isa man sa mga namumuno sa kapanahunang ito ang nakakaalam patungkol dito. Kung nalaman lang nila ito, hindi na nila sana ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9Subalit ayon sa nasusulat:
      Ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa
      kanila na umiibig sa kaniya ay hindi nakita ng
      mga mata, ni hindi narinig ng tainga at hindi
      pumasok sa puso ng mga tao.

    10Ngunit ang mga ito ay inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang sumasaliksik ng lahat ng mga bagay maging ang mga malalalim na bagay ng Diyos. 11Ito ay sapagkat sinong tao ang nakaka-alam ng mga bagay ng tao, maliban sa espiritu ng tao na nasa kaniya? Ganoon din ang mga bagay ng Diyos, walang sinumang nakakaalam maliban sa Espiritu ng Diyos.

   
 12Ngunit hindi namin tinanggap ang espiritu ng sanlibutan. Sa halip, ang tinanggap namin ay ang Espiritu na mula sa Diyos upang malaman namin ang mga bagay na ipinagkaloob sa amin ng Diyos. 13Ang mga bagay na ito ang aming sinasabi: Hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao kundi sa mga salitang itinuro ng Banal na Espiritu. Inihahalintulad namin ang mga espirituwal na bagay sa espirituwal na bagay. 14Hindi tinatanggap ng likas na tao ang mga bagay na ukol sa Espiritu ng Diyos sapagkat kamangmangan sa kaniya ang mga ito at hindi niya ito maaaring malaman dahil ang mga ito ay nasisiyasat sa kaparaanang espirituwal. 15Ang taong sumusunod sa Espiritu ay nakakasiyasat ng lahat ng mga bagay ngunit walang sinumang nakakasiyasat sa kaniya.
       16Ito ay sapagkat sino nga ang nakaalam ng
      isipan ng Panginoon? Sino ang magtuturo sa
      kaniya?

   Ngunit kami, nasa amin ang kaisipan ni Cristo.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 3

 

Patungkol sa Pagkakampi-kampi sa Iglesiya

 

 1Mga kapatid, hindi ako nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, subalit tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. 2Pinainom ko kayo ng gatas sa halip na matigas na pagkain sapagkat hindi pa ninyo kaya ang matigas na pagkain at maging sa ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya. 3Ito ay sapagkat kayo ay nasa laman pa rin dahil mayroon pa rin kayong mga inggitan, paglalaban-laban at pagkakabaha-bahagi. Hindi ba kayo ay namumuhay pa sa laman, at namumuhay bilang mga tao? 4Ito ay sapagkat may nagsasabi: Ako ay kay Pablo. Ang iba ay nagsasabi: Ako ay kay Apollos. Hindi ba ito ang nagpapakitang kayo ay namumuhay pa ayon sa laman?

   
 5Sino nga si Pablo at sino si Apollos? Hindi ba kami ay mga tagapaglingkod, na sa pamamagitan namin kayo ay sumampalataya kung paanong ibinigay ng Diyos sa bawat isa sa amin ang mga gawaing ito? 6Ako ang nagtanim, si Apollos ang nagdilig ngunit ang Diyos ang nagpalago. 7Kaya nga, siya na nagtanim at maging siya na nagdilig ay hindi mahalaga, kundi ang Diyos na nagpalago. 8Ang nagtanim at ang nagdilig ay iisa. Gayunman, tatanggapin ng bawat isa ang kani-kaniyang gantimpala ayon sa kaniyang pagpapagal. 9Ito ay sapagkat kami ay kamanggagawa ng Diyos, kayo ang taniman ng Diyos, kayo ang gusali ng Diyos.

   
 10Ayon sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa akin, inilagay ko ang saligan. Inilagay ko ito tulad ng isang marunong na punong-tagapagtayo at may ibang nagtatayo roon. Subalit mag-ingat ang bawat isa kung papaano siya magtatayo roon. 11Ito ay sapagkat wala nang ibang saligang mailalagay ang sinuman maliban doon sa nakalagay na. Siya ay si Jesus na Cristo. 12Ngunit, ang isang tao ay maaaring magtayo sa saligang ito ng ginto, pilak, mga mamahaling bato, kahoy, damo o dayami. 13Ang gawa ng bawat tao ay mahahayag sapagkat may araw na ihahayag ito sa pamamagitan ng apoy. Ang gawa ng bawat isa, anumang uri ito ay susubukin ng apoy. 14Kung ang gawa na itinayo ng sinuman sa saligang ito ay nanatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15Kung ang gawa ng sinuman ay masunog, malulugi siya. Gayunman, maliligtas siya ngunit tulad ng dumaan sa apoy.

   
 16Hindi ba ninyo alam na kayo ang banal na dako ng Diyos at ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa inyo? 17Ang sinumang wawasak sa banal na dako ng Diyos ay wawasakin din ng Diyos sapagkat ang dakong banal ng Diyos ay banal at kayo ang dakong iyon.

   
 18Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-iisip na siya ay marunong sa kapanahunang ito, dapat siyang maging mangmang upang siya ay maging marunong. 19Ito ay sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos dahil nasusulat:
      Hinuhuli niya ang marunong sa kanilang
      katusuhan.

    20Gayundin:
      Nalalaman ng Panginoon na walang kabuluhan
      ang kaisipan ng marurunong.

    21Kaya nga, huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22Maging si Pablo, o si Apollos, o si Cefas, o sanlibutan, o buhay, o kamatayan, o mga kasalukuyang bagay o mga bagay na darating na, lahat ay sa inyo. 23Kayo ay kay Cristo at si Cristo ay sa Diyos.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 4

 

Mga Apostol ni Cristo

 

 1Sa ganitong paraan ay kilalanin kami ng mga tao bilang mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. 2Gayundin naman, ang katiwala ay kinakailangang maging matapat. 3Para sa akin, isang maliit na bagay na ako ay siyasatin ninyo o kaya ng sinumang tao. Subalit maging ako ay hindi ko sinisiyasat ang aking sarili. 4Ito ay sapagkat wala akong alam na laban patungkol sa aking sarili subalit hindi ito nangangahulugan na ako ay matuwid. Ngunit siya na sumisiyasat sa akin ay ang Panginoon. 5Kaya nga, huwag hatulan ang anumang bagay bago dumating ang oras, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Dadalhin niya sa liwanag ang mga tagong bagay ng kadiliman at magpapakita ng mga layunin ng mga puso, at ang papuring mula sa Diyos ay makakamtan ng bawat isa.

   
 6Mga kapatid, ang mga bagay na ito ay aking isinagawa sa aking sarili at gayundin kay Apollos. Ito ay upang matutunan ninyo mula sa amin na huwag mag-isip ng mataas kaysa sa nakasulat. Ito ay upang hindi ninyo ipagmalaki ang isang tao laban sa isang tao. 7Ang dahilan nito, sino ang gumawa sa inyo na maging iba sa ibang tao? Ano ang mayroon sa inyo na hindi ninyo tinanggap? Ngunit yamang nakatanggap din kayo, bakit nagmamalaki kayo na parang hindi kayo nakatanggap?

   
 8Nasa inyo na ang higit pa sa kailangan ninyo. Kayo ay mayaman na. Naghari na kayo tulad ng mga hari na hindi kami kasama. At hangad ko na totoong maghari kayo upang kami rin naman ay magharing kasama ninyo. 9Ito ay sapagkat sa aking palagay, ginawa ng Diyos na kaming mga apostol ay maging pinakahamak sa lahat na parang itinalaga sa kamatayan. Kami ay ginawang isang panoorin para sa sangkatauhan, sa mga anghel at sa mga tao. 10Kami ay mga mangmang alang-alang kay Cristo ngunit kayo ay mga matatalino. Kami ay mahihina ngunit kayo ay malalakas. Kayo ay pinarangalan ngunit kami ay itinuturing na walang dangal. 11Hanggang sa ngayon kami ay nagugutom at nauuhaw at walang mga damit. Pinahihirapan kami at walang tirahan. 12Kami ay nagpapagal, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Kapag kami ay nilalait, pinagpapala namin sila. Sa pag-uusig nila sa amin kami ay nagbabata. 13Pinagwiwikaan nila kami ng masama, kami naman ay nagpapayo. Kami ay naging parang basura ng sanlibutan at mga linab hanggang sa ngayon.

   
 14Isinulat ko ang mga bagay na ito hindi upang hiyain kayo kundi bigyan kayo ng babala bilang mga minamahal na anak. 15Ito ay sapagkat kahit magkaroon kayo ng sampung libong guro kay Cristo, hindi marami ang inyong ama dahil sa pamamagitan ng ebanghelyo kayo ay naging mga anak ko kay Cristo Jesus. 16Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo, tularan ninyo ako. 17Dahil dito, isinugo ko sa inyo si Timoteo na minamahal kong anak. Siya ay tapat sa Panginoon. Siya ang magpapaalaala sa inyo ng pamamaraan ng aking pamumuhay kay Cristo ayon sa itinuturo ko sa bawat iglesiya sa lahat ng dako.

   
 18Ngunit may ilan sa inyo na nagyayabang na parang hindi na ako pupunta sa inyo. 19Kung loloobin ng Panginoon, pupunta ako sa inyo sa lalong madaling panahon nang sa gayon ay malaman ko ang kapangyarihan ng mga nagyayabang at hindi ang kanilang salita. 20Ito ay sapagkat ang paghahari nga ng Diyos ay hindi sa salita kundi sa kapangyarihan. 21Ano ang ibig ninyo? Ibig ba ninyong pumunta ako riyan na may tungkod, o pumunta akong may pag-ibig at may espiritu ng pagpapakumbaba?

 

 

1 Mga Taga-Corinto 5

 

Itiwalag ang Kapatid na Gumagawa ng Masama

 

 1Karaniwang naiuulat sa akin na mayroong pakikiapid sa inyo. Ang isa sa inyo ay nakikisama sa asawa ng sarili niyang ama. Ito ay uri ng pakikiapid na hindi ginagawa maging ng mga Gentil. 2Nagmamalaki pa kayo sa halip na magdalamhati upang maitiwalag sa inyong kalagitnaan ang gumawa nito. 3Ito ay sapagkat wala ako sa inyo sa katawan ngunit ako ay nasa inyo sa espiritu. Kaya nga, nahatulan ko na ang gumawa ng bagay na ito gaya ng ako ay naririyan sa inyo. 4Ginawa ko ito sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, sa inyong pagtitipon, kasama ang aking espiritu, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng ating Panginoong Jesucristo. 5Ang hatol ko ay ibigay ninyo kay Satanas ang ganiyang tao para sa pagwasak ng kaniyang katawan. Ito ay upang maligtas ang kaniyang espiritu sa araw ng Panginoong Jesus.

   
 6Ang inyong pagyayabang ay hindi mabuti. Hindi ba ninyo nalalaman na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa ng harina? 7Alisin nga ninyo ang lumang pampaalsa upang kayo ay maging bagong masa ng harina. Kayo nga ay tunay na walang pampaalsa dahil si Cristo, na siyang ating Paglagpas, ay inihain para sa atin. 8Kaya nga, ipagdiriwang natin ang kapistahan hindi sa pamamagitan ng lumang pampaalsa. Hindi sa pampaalsa ng masamang hangarin o kasamaan, kundi sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, na ito ay sa katapatan at sa katotohanan.

   
 9Isinulat ko sa inyo, sa aking liham na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. 10Hindi ko tinutukoy ang mga mapang-apid sa sanlibutang ito, o mga mapag-imbot, o mga sakim, o mga sumasamba sa diyos-diyosan. Kung sila ang tinutukoy ko, dapat na kayong umalis sa sanlibutang ito. 11Sa halip, isinulat ko sa inyo na huwag kayong makikisama sa sinuman na tinatawag na kapatid kung siya ay nakikiapid, o mapag-imbot, o sumasamba sa diyos-diyosan, o mapanirang-puri, o manginginom ng alak, o kaya ay manunuba. Huwag kayong makikisama sa katulad nila, ni makikain man lang.

   
 12Kaya ano ang karapatan ko upang hatulan ko sila na nasa labas? Hindi ba ninyo hahatulan sila na nasa loob? 13Sila na nasa labas ay hahatulan ng Diyos. Kaya nga, inyong itiwalag mula sa inyo ang taong masama.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 6

 

Paghahabla ng Mananampalataya Laban sa Kapwa Mananampalataya

 

 1Ang isa sa inyo ay may isang bagay laban sa isa. Maglalakas loob ba siyang magsakdal sa harap ng isang hindi matuwid at hindi sa harap ng mga banal? 2Ang mga banal ay hahatol sa sangkatauhan, hindi ba ninyo alam iyan? Yamang kayo ang hahatol sa sangkatauhan, hindi ba kayo karapat-dapat humatol sa maliliit na bagay? 3Hindi ba ninyo alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya na ating hahatulan ang mga bagay sa buhay na ito? 4Kapag may hahatulan kayo sa mga bagay sa buhay na ito, bakit ninyo pinahahatol sila na itinuturing na pinakamababa sa iglesiya?

   
 5Nagsasalita ako para mahiya kayo. Wala bang isa mang marunong sa inyo na makakapagpasiya sa pagitan ng kaniyang mga kapatid? 6Ang nangyayari ay nagsasakdal ang isang kapatid laban sa kapatid, at ito ay sa harap ng hindi mananampalataya.

   
 7Tunay ngang may pagkakamali sa inyo dahil naghahablahan kayo sa isa't isa. Bakit hindi na lang ninyo tanggaping ginawan kayo ng mali? Bakit hindi na lang ninyo tanggaping dinadaya kayo? 8Hindi ninyo ito tinatanggap, sa halip, kayo ang gumagawa ng mali at nandaraya at ginagawa ninyo ito sa inyong kapatid.

   
 9Ang mga hindi matuwid ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. Hindi ba ninyo alam iyan? Huwag kayong magpadaya. Ang mga nakikiapid, ang mga sumasamba sa diyos-diyosan, ang mga mangangalunya, ang mga bakla, ang mga gumagamit sa kapwa lalaki ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. 10Maging ang mga magnanakaw, ang mga mapag-imbot, ang mga manginginom ng alak, ang mga mapanirang puri, ang mga sakim ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. 11Ganito ang ilan sa inyo, ngunit kayo ay nahugasan na, kayo ay pinabanal na. Kayo ay pinaging- matuwid sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

 

Ang Pakikiapid

 

 12Para sa akin, ang lahat ng bagay ay ayon sa kautusan, ngunit hindi lahat ay kapakipakinabang. Ang lahat ng bagay ay maaari kong gawin ngunit hindi ako magpapasakop sa kapamahalaan sa mga bagay na ito. 13Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain. Ang mga ito ay wawasakin ng Diyos. Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid kundi para sa Diyos at ang Diyos ay para sa katawan. 14Ang Diyos, na nagbangon sa Panginoon, ay siya ring magbabangon sa atin sa pamamagitan ng sarili niyang kapangyarihan. 15Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kukunin ko ba ang mga bahagi ni Cristo at gagawing bahagi ng isang patutot? Huwag nawang mangyari. 16Hindi ba ninyo alam na ang isang nakikipag-isa sa patutot ay kaisang laman niya? Ito ay sapagkat sinabi nga niya: Ang dalawa ay magiging isang katawan. 17Ngunit siya na nakikipag-isa sa Diyos ay isang espiritu.

   
 18Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang ginagawa ng tao ay sa labas ng katawan. Ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. 19Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay banal na dako ng Banal na Espiritu na nasa inyo? Ang inyong katawan ay mula sa Diyos at kayo ay hindi sa inyong sarili. 20Ito ay sapagkat binili kayo sa halaga. Luwalhatiin nga ninyo ang Diyos sa inyong katawan at espiritu. Ang inyong katawan at espiritu ay sa Diyos.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 7

 

Ang Pag-aasawa

 

 1Patungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin, mabuti para sa isang lalaki na hindi niya hahawakan ang isang babae. 2Gayunman, upang maiwasan ang pakikiapid, makapag-asawa nawa ang bawat lalaki at gayundin nawa ang bawat babae. 3Dapat gampanan ng lalaki ang tungkulin niya sa kaniyang asawa at gayundin ang babae sa kaniyang asawa. 4Ang asawang babae ay walang kapamahalaan sa sarili niyang katawan kundi ang lalaki. Gayundin ang lalaki, wala siyang kapamahalaan sa sarili niyang katawan kundi ang babae. 5Huwag magkait ang sinuman sa isa't isa maliban na lang kung napagkasunduan sa ilang panahon. Ito ay upang maiukol ninyo ang inyong sarili sa pag-aayuno at pananalangin. Pagkatapos noon ay magsamang muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil. 6Ito ay sinasabi ko bilang pagpapahintulot at hindi bilang pag-uutos. 7Ibig ko sana na ang lahat ng lalaki ay maging tulad ko, ngunit ang bawat isa ay may kani-kaniyang kaloob mula sa Diyos. Ang isa ay may kaloob sa ganitong bagay at ang isa ay may kaloob sa ganoong bagay.

   
 8Sa mga walang asawa at sa mga balo ay sinasabi ko: Mabuti para sa kanila ang manatili sa kalagayang tulad ko. 9Ngunit kung hindi sila makapagpigil, hayaan silang mag-asawa sapagkat higit na mabuti ang mag-asawa kaysa mag-alab sa matinding pagnanasa.

   
 10Sa mga may asawa ay iniuutos ko: Huwag humiwalay ang asawang babae sa kaniyang asawa. Hindi ako ang nag-uutos nito kundi ang Panginoon. 11Kung siya ay humiwalay, huwag siyang mag-aasawa o kaya ay makipagkasundo siya sa kaniyang asawang lalaki. Huwag palayasin ng asawang lalaki ang kaniyang asawa.

   
 12Nangungusap ako sa iba, hindi ang Panginoon kundi ako: Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang hindi sumasampalataya, huwag palayasin ng lalaki ang asawang babae. Ito ay kung sumasang-ayon ang babae na manahang kasama ng lalaki. 13Ang babae na may asawang hindi sumasampalataya ay huwag humiwalay sa asawang lalaki. Ito ay kung sumasang-ayon siyang manahang kasama ng babae. 14Ito ay sapagkat ang asawang lalaki na hindi sumasampalataya ay pinababanal sa pamamagitan ng asawang babae. Ang asawang babae na hindi sumasampalataya ay pinababanal ng asawang lalaki. Kung hindi gayon, ang inyong mga anak ay marurumi, ngunit ngayon sila ay mga banal.

   
 15Kung ang hindi sumasampalataya ay humiwalay, hayaan siyang humiwalay. Ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi na sa ilalim ng pagpapaalipin sa ganoong kalalagayan. Ngunit tayo ay tinawag ng Diyos na mamuhay sa kapayapaan. 16Alam mo ba, ikaw na babae, na baka ikaw ang makadala sa iyong asawa patungo sa kaligtasan? Alam mo ba, ikaw na lalaki, na baka ikaw ang makadala sa iyong asawa patungo sa kaligtasan?

   
 17Ngunit kung ano nga ang itinakda ng Diyos sa bawat tao, mamuhay nawa siya ng ganoon. Kung paano tinawag ng Panginoon ang bawat isa, gayundin ang tagubilin ko sa mga iglesiya. 18Mayroon bang tinatawag sa pagiging nasa pagtutuli? Huwag siyang maging hindi tuli. Mayroon bang tinatawag sa hindi pagiging nasa pagtutuli? Huwag siyang gawing tuli. 19Ang pagtutuli ay walang halaga, ang hindi pagtutuli ay walang halaga. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa utos ng Diyos. 20Ang bawat tao ay manatili sa pagkatawag sa kaniya. 21Tinawag ka ba na alipin? Huwag mong ikabahala iyon. Kung maaari kang maging malaya, gamitin mo ang kalayaang iyon. 22Ito ay sapagkat siya na tinawag na isang alipin sa Panginoon ay malaya sa Panginoon. Gayundin siya na tinawag na isang malaya sa Panginoon ay isang alipin ni Cristo. 23Kayo ay biniling may halaga, huwag kayong paalipin sa mga tao. 24Mga kapatid, ang bawat tao ay panatilihing kasama ng Diyos sa tawag na itinawag sa kaniya.

   
 25Patungkol sa mga dalaga, wala akong utos na mula sa Diyos, gayunman ay magbibigay ako ng payo bilang isang taong nakatanggap mula sa Diyos ng habag na maging matapat. 26Dahil sa kasalukuyang pangangailangan, sa aking palagay ay ito ang mabuti. Mabuti para sa isang lalaki ang manatiling ganito. 27May asawa ka ba? Kung mayroon, huwag mo nang hangaring makipaghiwalay. Hiwalay ka ba sa iyong asawa? Huwag mo nang hangaring mag-asawang muli. 28Kapag ikaw ay nag-asawa, hindi ka nagkasala. Kapag ang isang dalaga ay nag-asawa, hindi siya nagkasala. Ngunit, ang mga may asawa ay daranas ng kahirapan sa buhay, ngunit ang hangad ko ay makaligtas kayo sa bagay na ito.

   
 29Mga kapatid, ito ang sasabihin ko: Maikli na ang panahon, kaya mula ngayon, ang mga may asawa ay maging tulad nang mga walang asawa. 30Ang mga nananangis ay maging parang mga hindi nananangis, ang mga nagagalak ay maging parang mga hindi nagagalak. Ang mga bumibili ay maging parang mga walang naging pag-aari. 31Ang mga nagtatamasa ng mga bagay sa sanlibutang ito ay maging parang mga hindi nagtamasa ng lubos sapagkat ang kaanyuan ng sanlibutang ito ay lumilipas.

   
 32Ngunit ibig kong maging malaya kayo sa mga alalahanin. Ang walang asawa ay nagsusumikap sa mga bagay para sa Panginoon, kung papaano niya mabibigyang lugod ang Panginoon. 33Ang lalaking may asawa ay nagsusumikap sa mga bagay ng sanlibutang ito kung papaano niya mabibigyang lugod ang kaniyang asawa. 34Magkaiba ang babaeng may asawa at ang babaeng walang asawa. Ang babaeng walang asawa ay nagsusumikap sa mga bagay para sa Panginoon upang siya ay maging banal, kapwa ang kaniyang katawan at ang kaniyang espiritu. Ngunit ang babaeng may asawa ay nagsusumikap sa mga bagay ng sanlibutang ito kung papaano niya mabibigyang lugod ang kaniyang asawa. 35Sinasabi ko ito para sa inyong ikabubuti, hindi sa inuumangan ko kayo ng patibong kundi upang magawa ninyo ang nararapat. Ito rin ay upang mapaglingkuran ninyo ang Panginoon ng walang anumang nakakagambala.

   
 36Kung ang isang lalaki ay nag-aakalang hindi nararapat ang kaniyang asal sa babaeng kaniyang magiging asawa, o kung inaakala ng babaeng kaniyang magiging asawa na siya ay nakalagpas na sa kaniyang kabataan o kung inaakala niyang gayon ang dapat na mangyari, gawin na niya ang dapat niyang gawin. Sa bagay na ito ay hindi siya nagkakasala. 37Ngunit, mabuti ang kaniyang ginagawa kung mayroon siyang paninindigan sa kaniyang puso, hindi dahil sa kinakailangan, kundi dahil sa may kapamahalaan siya sa sarili niyang kalooban. At ito ay pinagpasiyahan niya sa kaniyang puso na panatilihin niyang gayon ang kaniyang magiging asawa. 38Mabuti kung ang lalaki ay magpakasal, ngunit higit na mabuti kung hindi siya magpakasal.

   
 39Ang asawang babae ay nakabuklod sa pamamagitan ng batas sa kaniyang asawa hanggang ang lalaki ay nabubuhay. Kapag ang lalaki ay namatay, ang babae ay may kalayaang magpakasal sa sinumang ibig niya, ngunit ito ay dapat ayon sa kalooban ng Panginoon. 40Kung siya ay mananatiling walang asawa ayon sa aking payo, siya ay higit na masaya at sa aking palagay ang Espiritu ng Diyos ay nasa akin.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 8

 

Ang Pagkaing Inialay sa mga Diyos-diyosan

 

 1Isinusulat ko ang patungkol sa pagkaing inihain sa mga diyos-diyosan. Alam natin na lahat tayo ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nakakapagpayabang ngunit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag. 2Ngunit kung ang sinuman ay nag-aakalang alam niya ang anumang bagay, siya ay wala pang nalalaman sa dapat niyang malaman. 3Kung ang sinuman ay umiibig sa Diyos, kilala siya ng Diyos.

   
 4Patungkol sa mga pagkaing inihain sa mga diyos-diyosan, alam nating walang halaga ang diyos-diyosan sa sanlibutan. Alam nating wala nang ibang Diyos maliban sa isa. 5Sapagkat maraming mga tinatawag na diyos sa langit man o sa lupa, maraming diyos, maraming panginoon. 6Subalit para sa atin iisa lamang ang Diyos, ang Ama. Sa kaniya nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay para sa kaniya. Iisa lamang ang Panginoong Jesucristo. Sa pamamagitan niya nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay nabubuhay sa pamamagitan niya.

   
 7Subalit hindi lahat ay may kaalaman. Dahil sa kanilang budhi patungkol sa mga diyos-diyosan, hanggang ngayon ay may ilang tao na kapag kinakain nila ang mga bagay na ito, iniisip nilang iyon ay inihain sa diyos-diyosan. At dahil mahihina ang kanilang budhi, iyon ay nadudungisan. 8Hindi tayo nagiging katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ng pagkain sapagkat kapag kumain tayo, hindi ito makakabuti sa atin. Kapag hindi tayo kumain, hindi ito makakasama sa atin.

   
 9Ngunit mag-ingat kayo baka ang karapatang ito ay maging katitisuran sa mga mahihina. 10Ito ay sapagkat ikaw na may kaalaman, kung kumain ka sa templo ng mga diyos-diyosan at kung makita ka ng isang taong may mahinang budhi, hindi kaya lumakas ang loob niyang kumain din ng mga inihandog sa mga diyos-diyosan? 11Dahil sa iyo na may kaalaman, hindi rin kaya masira ang buhay ng mahina mong kapatid, na kung kanino si Cristo ay namatay? 12Sa ganito ay nagkakasala ka laban sa iyong mga kapatid at sinusugatan ang kanilang mahihinang budhi at nagkakasala ka laban kay Cristo. 13Kaya nga, kung ang pagkain ko nito ay makakapagpatisod sa aking kapatid, hindi na ako kakain ng laman kailanman upang hindi ako maging katitisuran sa aking kapatid.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 9

 

Ang mga Karapatan ng Isang Apostol

 

 1Ako ba ay hindi apostol? Hindi ba ako malaya? Hindi ko ba nakita si Jesucristo na ating Panginoon? Hindi ba kayo ay mga bunga ng aking gawa? 2Kung sa ibang tao ako ay hindi apostol, gayunman, sa inyo ako ay isang apostol sapagkat kayo ang tatak ng aking pagka-apostol sa Panginoon.

   
 3Ito ang aking tugon sa mga sumisiyasat sa akin. 4Wala ba kaming karapatang kumain at uminom? 5Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang manananampalataya tulad ng ibang mga apostol at ng mga kapatid sa Panginoon at ni Cefas? 6Ako lang ba at si Bernabe ang walang karapatang hindi maghanapbuhay?

   
 7Sinong kawal, na sa panahon ng kaniyang pagiging kawal, ang naglingkod sa sarili niyang gugol? Sinong nagtatanim sa ubasan ang hindi kumakain ng bunga noon? Sinong nag-aalaga ng tupa ang hindi umiinom ng gatas ng tupa? 8Sinasabi ko ba ang mga bagay na ito bilang isang tao? Hindi ba sinasabi rin ito ng kautusan? 9Ito ay sapagkat isinulat ni Moises sa kautusan:
      Huwag mong bubusalan ang baka na ginagamit
      sa paggigiik ng mais.

   Ang baka ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos? 10Hindi ba ito ay sinabi niya nang dahil sa atin? Dahil sa atin ito ay isinulat: Ang nag-aararo ay dapat mag-araro sa pag-asa, at ang naggigiik ng mais sa pag-asa ay dapat maging kabahagi ng kaniyang pag-asa. 11Yamang nakapaghasik kami sa inyo ng mga espirituwal na bagay, malaking bagay ba kung umani kami ng mga bagay na para sa katawan? 12Yamang ang iba ay kabahagi sa karapatan sa inyo, hindi ba kami rin?
   Gayunman, hindi namin ginamit ang karapatang ito. Sa halip, binata namin ang lahat ng bagay upang hindi namin mahadlangan ang ebanghelyo ni Cristo. 13Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga gumagawa ng mga banal na bagay sa templo ay kumakain mula sa mga bagay na nasa templo? Hindi ba sila na mga naglilingkod sa dambana, ay kabahagi sa mga handog sa dambana? 14Sa gayunding paraan, itinalaga ng Panginoon na sila na nangangaral ng ebanghelyo ay mamumuhay sa ebanghelyo.

   
 15Ngunit alinman sa mga bagay na ito ay hindi ko ginamit. Hindi ko isinulat ang mga bagay na ito upang ito ay gawin sa akin sapagkat para sa akin mabuti pa na ako ay mamatay kaysa mawalan ng saysay ang dahilan ng aking pagmamalaki. 16Ito ay sapagkat kahit na ipinapangaral ko ang ebanghelyo, wala akong anumang maipagmamalaki dahil kinakailangan kong ipangaral ito. Ngunit sa aba ko, kapag hindi ko ipangaral ang ebanghelyo. 17Kapag ito ay ginawa ko nang kusang loob, mayroon akong gantimpala. Kapag ginawa ko ito nang labag sa aking kalooban, isang tungkulin pa rin ito na ipinagkatiwala sa akin. 18Ano ngayon ang gantimpala ko? Ang gantimpala ko ay kung ipangaral ko ang ebanghelyo ni Cristo, ipinangangaral ko ang ebanghelyo ng walang bayad. Upang sa gayon ay hindi ko gagamitin ang sarili kong kapamahalaan sa ebanghelyo.

   
 19Ito ay sapagkat kahit na ako ay malaya mula sa kaninuman, gayunman, ginawa ko ang aking sarili na alipin ng lahat upang lalo pang marami ang madala ko. 20Sa mga Judio ako ay naging Judio upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautusan ako ay naging tulad ng mga nasa ilalim upang madala ko sila na nasa ilalim ng kautusan. 21Sa mga walang kautusan, ako ay naging tulad sa mga walang kautusan upang madala ko sila na walang kautusan. Hindi sa ako ay walang kautusan patungo sa Diyos subalit ako ay sa ilalim ng kautusan patungo kay Cristo. 22Sa mga mahihina ako ay naging mahina upang madala ko ang mga mahihina. Naging ganito ako sa lahat ng bagay upang mailigtas ko sa bawat kaparaanan kahit ang ilan. 23Ito ay ginagawa ko alang-alang sa ebanghelyo nang sa gayon ako ay maging kapwa kabahagi ng ebanghelyo.

   
 24Hindi ba ninyo nalalaman na sa paligsahan sa pagtakbo ang lahat ay tumatakbo ngunit iisa ang nagkakamit ng gantimpala? Kung gayon, pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang makamit ang gantimpala. 25Ang bawat isang sumasali sa paligsahan ay may pagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila iyon upang magkamit sila ng putong na nasisira ngunit tayo ay putong na hindi nasisira. 26Kaya nga, ako ay tumatakbo hindi tulad sa walang katiyakan. Sa ganitong paraan ako ay nakikipaglaban, hindi tulad ng isang sumusuntok sa hangin. 27Sinusupil ko ang aking katawan at pinasusuko ito upang sa aking pangangaral sa iba ay hindi ako masumpungang hindi karapat-dapat.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 10

 

Mga Babala Mula sa Kasaysayan ng Israel

 

 1Mga kapatid, hindi ko ibig na hindi kayo makaalam. Ang mga ninuno natin ay naliliman ng ulap at silang lahat ay tumawid sa dagat. 2Lahat sila ay binawtismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat. 3Iisa ang kinain nilang espirituwal na pagkain. 4Iisa ang ininom nilang espirituwal na inumin dahil uminom sila mula sa espirituwal na bato na sumunod sa kanila. Ang batong ito ay si Cristo. 5Subalit, hindi nalugod ang Diyos sa marami sa kanila kaya sila ay ikinalat niya sa ilang.

   
 6Ang mga ito ay halimbawa sa atin upang hindi tayo maghangad ng masasamang bagay tulad nang naging paghahangad nila. 7Huwag din nga kayong sumamba sa diyos-diyosan tulad ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat:
      Ang mga tao ay umuupo upang kumain at
      uminom. Sila ay tumitindig upang maglaro.

    8Huwag din nga tayong makiapid tulad ng ilan sa kanila na nakiapid. Sa loob ng isang araw dalawampu't tatlong libo ang bumagsak sa kanila at namatay. 9Huwag din nating subukin si Cristo tulad ng ginawang pagsubok ng ilan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga ahas sila ay namatay. 10Huwag din kayong laging bumubulong tulad ng ilan sa kanila na laging bumubulong at namatay sa pamamagitan ng mangwawasak.

   
 11Ang lahat ng mga bagay na ito ay nangyari upang maging halimbawa. Ito ay isinulat para maging babala sa atin na kung kanino ang mga katapusan ng mga kapanahunan ay dumating. 12Kaya nga, siya na nag-aakalang nakatayo ay mag-ingat at baka siya ay bumagsak. 13Walang pagsubok na dumating sa iyo maliban sa karaniwang pagsubok sa tao. Ang Diyos ay matapat, na hindi ka pababayaang masubok nang higit sa makakaya mo. Kasabay ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para makaligtas ka nang sa gayon, makayanan mo ang pagsubok.

 

Ang Hain sa Diyos-diyosan at ang Hapag ng Panginoon

 

 14Kaya nga, mga iniibig, lumayo nga kayo sa pagsamba sa diyos-diyosan. 15Tulad sa matalinong tao ako ay nagsasalita. Hatulan ninyo ang aking sinasabi: 16Ang saro ng pagpapala, na aming pinagpala, hindi ba ito ay ang pakikipag-isa sa dugo ni Cristo? Hindi ba ang tinapay na pinagputul-putol, hindi ba ito ay ang pakikipag-isa sa katawan ni Cristo? 17Tayo bagamat marami ay iisang tinapay dahil tayong lahat ay nakikibahagi sa iisang tinapay.

   
 18Tingnan ninyo ang Israel ayon sa laman. Hindi ba sila na kumain ng hain ay kapwa kabahagi sa dambana? 19Anong sasabihin ko? Sasabihin ko bang may kabuluhan ang diyos-diyosan o ang inihain sa mga diyos-diyosan ay may kabuluhan? 20Sinasabi ko: Ang inihahain ng mga Gentil ay inihahain nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos. Hindi ko ibig na kayo ay maging kapwa kabahagi ng mga demonyo. 21Hindi ka makaiinom sa saro ng Panginoon at sa saro ng mga demonyo. Hindi ka makakabahagi sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. 22Iniinggit ba natin ang Panginoon? Higit ba tayong malakas kaysa sa kaniya?

 

Ang Kalayaan ng Mananampalataya

 

 23Para sa akin, ang lahat ng bagay ay ayon sa kautusan, subalit hindi lahat ng mga bagay ay kapakipakinabang. Para sa akin ang lahat ng mga bagay ay ayon sa batas ngunit hindi lahat ng bagay ay nakakapagpatibay. 24Huwag hangarin ng sinuman ang para sa sarili niya kundi ang para sa kapakanan ng iba.

   
 25Anumang ipinagbibili sa pamilihan ay kainin ninyo. Huwag nang magtanong alang-alang sa budhi. 26Ito ay sapagkat
      ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng
      kasaganaan nito.

   
 27Kapag ang sinuman sa mga hindi sumasampalataya ay mag-anyaya sa inyo, pumunta kayo kung ibig ninyo. Kainin ninyo ang lahat ng inihanda sa inyo. Huwag nang magtanong alang-alang sa budhi. 28Kapag may nagsabi sa iyo: Ito ay inihain sa diyos-diyosan. Huwag kang kumain alang-alang sa kaniya na nagsabi sa iyo at alang-alang sa budhi sapagkat ang lupa ay sa Panginoon at ang kasaganaan nito. 29Ang budhi na sinasabi ko ay hindi ang sa iyo kundi ang sa iba. Bakit hahatulan ng ibang budhi ang aking kalayaan? 30Ako ay nakikibahagi nang may pasasalamat. Bakit ako nilalait sa mga bagay na pinasalamatan ko?

   
 31Kaya nga, kung kakain kayo, o iinom o anumang gagawin ninyo, gawin ninyo ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos. 32Huwag kayong maging katitisuran kapwa sa mga Judio at sa mga Griyego at sa iglesiya ng Diyos. 33Ako sa lahat ng bagay ay nagbibigay-lugod sa lahat. Hindi ko hinahangad ang sarili kong kapakinabangan, kundi ang kapakinabangan ng marami upang sila ay maligtas.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 11

 

Nararapat na Pagsamba

 

 1Tumulad kayo sa akin gaya ko na tumulad din kay Cristo.

   
 2Mga kapatid, pinupuri ko kayo na sa lahat ng mga bagay ay naalala ninyo ako. Sinusunod din ninyo ang mga kaugalian ayon sa pagkakatagubilin ko sa inyo.

   
 3Ibig kong malaman ninyo na ang pangulo ng bawat lalaki ay si Cristo. Ang pangulo ng bawat babae ay ang lalaki. Ang pangulo ni Cristo ay ang Diyos. 4Ang bawat lalaking nananalangin o naghahayag nang may takip ang ulo, ay nagbibigay ng kahihiyan sa kaniyang ulo. 5Ang bawat babaeng nananalangin at naghahayag nang walang panakip ng ulo ay nagbibigay ng kahihiyan sa kaniyang ulo. Ang walang panakip ng ulo ng babae ay tulad na rin ng inahitan ng buhok. 6Ito ay sapagkat kung ang babae ay walang panakip ng ulo, magpagupit na rin siya. Ngunit kung kahihiyan para sa babae ang siya ay magpagupit o magpaahit, maglagay na lang siya ng panakip ng ulo. 7Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi na dapat magtakip ng ulo dahil ito ang wangis at kaluwalhatian ng Diyos. Ang babae ay ang kaluwalhatian ng lalaki. 8Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi nagmula sa babae. Ang babae ang siyang nagmula sa lalaki. 9Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi nilikha para sa babae kundi ang babae ay nilikha para sa lalaki. 10Dahil dito ang babae ay kailangan ding magkaroon ng kapangyarihan sa kaniyang ulo alang-alang sa mga anghel.

   
 11Magkagayunman, sa Panginoon ang lalaki ay hindi hiwalay sa babae at ang babae ay hindi hiwalay sa lalaki. 12Ito ay sapagkat ang babae ay nagmula sa lalaki, gayundin naman ang lalaki ay ipinanganganak ng babae. Ngunit ang lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos. 13Kayo ang humatol. Nararapat ba sa isang babae ang manalangin sa Diyos nang walang lambong? 14Hindi ba ang kalikasan na rin ang nagturo na kapag mahaba ang buhok ng lalaki, iyon ay kasiraang dangal sa kaniya? 15Ngunit sa babae, kung mahaba ang buhok niya, iyon ay kaluwalhatian sa kaniya sapagkat ang mahabang buhok ay ibinigay sa kaniya bilang panakip. 16Kung may nagnanais makipagtalo patungkol sa bagay na ito, wala na kaming ibang kaugalian, maging ang mga iglesiya ng Diyos.

 

Ang Hapag ng Panginoon

 

 17Ngayon, sa sasabihin ko, hindi ko kayo pinupuri sapagkat ang pagtitipon ninyo ay hindi para sa ikabubuti kundi sa lalong ikasasama. 18Ito ay sapagkat una sa lahat, sa pagtitipun-tipon ninyo sa iglesiya, naririnig ko na may pagkakampi-kampi sa inyo. Naniniwala ako na maaaring ito ay totoo. 19Ito ay sapagkat kinakailangang mahayag ang pangkat na nagtuturo ng mga kamalian na nasa inyo nang sa gayon ay mahayag ang mga katanggap-tangap sa Diyos. 20Sa pagtitipon ninyo sa isang dako, hindi kayo nagtitipon upang kumain ng hapunan ng Panginoon. 21Ito ay sapagkat sa inyong pagkain, ang bawat isa ay kumakain ng kani-kaniyang hapunan nang una sa iba. Kaya ang isa ay gutom at ang isa ay lasing. 22Hindi ba mayroon kayong mga bahay upang doon kumain at uminom? O baka naman hinahamak ninyo ang iglesiya ng Diyos at ipinapahiya ang mga walang pagkain? Ano ang dapat kong sabihin? Pupurihin ko ba kayo sa ganito? Hindi ko kayo pupurihin.

   
 23Ito ay sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang siya ko namang ibinibigay sa inyo. Ang Panginoong Jesus, nang gabing siya ay ipinagkanulo, ay kumuha ng tinapay. 24Pagkatapos niyang magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi: Kunin ninyo, kainin ninyo, ito ang aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 25Sa gayunding paraan kinuha niya ang saro pagkatapos maghapunan. Sinabi niya: Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa aking dugo. Sa tuwing kayo ay iinom nito, gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 26Ito ay sapagkat sa tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito, inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa siya ay dumating.

   
 27Ang sinumang kumain ng tinapay at uminom sa saro ng hindi nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28Ngunit suriin muna ng tao ang kaniyang sarili. Pagkatapos hayaan siyang kumain ng tinapay at uminom sa saro. 29Ito ay sapagkat siya na kumakain at umiinom nang hindi karapat-dapat ay kumakain at umiinom ng kahatulan sa kaniyang sarili. Hindi niya kinikilala nang tama ang katawan ng Panginoon. 30Dahil dito marami sa inyo ang mahihina at may karamdaman at marami ang natulog na. 31Ito ay sapagkat hindi tayo hahatulan kung hahatulan natin ang ating mga sarili. 32Kung tayo ay hinahatulan, tayo ay tinuturuan upang hindi tayo mahatulang kasama ng sanlibutan.

   
 33Kaya nga, mga kapatid, sa inyong pagtitipon upang kumain, maghintayan kayo sa isa't isa. 34Kapag ang sinuman ay nagugutom, hayaan siyang kumain muna sa bahay. Ito ay upang hindi kayo magtipun-tipon sa kahatulan.
   Aayusin ko ang ibang mga bagay sa pagdating ko.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 12

 

Mga Kaloob na Espirituwal

 

 1Ngayon, mga kapatid, hindi ko ibig na kayo ay walang nalalaman patungkol sa mga kaloob na espirituwal. 2Alam ninyo na kayong mga Gentil ay inakay patungo sa mga diyos-diyosang hindi nakakapagsalita. 3Kaya nga, nais kong malaman ninyo ito. Walang sinumang tao na nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ang nagsasabi: Sumpain si Jesus. Wala ring makakapagsabing si Jesus ay Panginoon maliban sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.

   
 4May iba't ibang uri ng kaloob ngunit iisa ang Espiritu. 5May iba't ibang uri ng paglilingkod ngunit iisa ang Panginoon. 6May iba't ibang uri ng gawain ngunit iisa ang Diyos na sa lahat ay gumagawa sa lahat ng bagay.

   
 7Ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan. 8Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa isa ay ibinigay ang salita ng karunungan. Sa isa ay ibinigay ang salita ng kaalaman sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 9Sa iba ay ibinigay ang pananampalataya at sa iba ay kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10Sa isa naman ay ibinigay ang paggawa ng mga himala at sa isa ay ang pagpapahayag. Sa isa ay ibinigay ang pagkilala sa mga espiritu at sa iba naman ay iba't ibang uri ng wika. Sa iba naman ay ang pagpapaliwanag sa mga wika. 11Gayunman, ang isa at siya ring Espiritu ang gumagawa sa lahat ng mga bagay na ito. Ibinabahagi niya ito sa bawat isa ayon sa kaniyang kalooban.

 

Isang Katawan, Maraming Bahagi

 

 12Ang katawan ay iisa ngunit maraming bahagi. Ang lahat ng bahagi ng isang katawan bagamat marami ay iisang katawan. Si Cristo ay gayundin. 13Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng iisang Espiritu, tayo rin ngang lahat ay binawtismuhan sa iisang katawan kahit tayo ay Judio o Griyego, alipin o malaya. At tayo rin ay pinainom sa iisang Espiritu.

   
 14Ito ay sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi kundi marami. 15Ang paa ba ay hindi bahagi ng katawan kapag sinabi niya: Dahil hindi ako kamay, hindi ako kasama sa katawan. 16Ang tainga ba ay hindi bahagi ng katawan kapag sinabi niya: Dahil hindi ako mata, hindi ako kasama sa katawan. 17Kung ang buong katawan ay mata, paano ito makakarinig? Kung ang buong katawan ay pandinig, paano ito makakaamoy? 18Ngunit ngayon, inilagay ng Diyos sa katawan ang bawat isang bahagi ayon sa kalooban niya. 19Kapag ang lahat ng bahagi ay iisa lang, nasaan ang katawan? 20Ngunit ngayon, marami ang bahagi ngunit iisa ang katawan.

   
 21Ang mata ay hindi makakapagsabi sa kamay: Hindi kita kailangan. Maging ang ulo ay hindi makakapagsabi sa paa: Hindi kita kailangan. 22Subalit ang mga bahagi pa nga ng katawan na inaakalang mahihina ay siyang kinakailangan. 23Binibigyan natin ng malaking karangalan ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong marangal. Ang mga hindi magagandang bahagi ay higit nating pinagaganda. 24Ngunit ang magagandang bahagi ay hindi na kinakailangang pagandahin. Subalit maayos na pinagsama-sama ng Diyos ang katawan. Ang mga bahaging may kakulangan ay binigyan niya ng higit na karangalan. 25Ito ay upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan at sa halip ay magmalasakitan sa isa't isa ang lahat na bahagi. 26Kaya nga, kung ang isang bahagi ay maghihirap, kasama niyang maghihirap ang lahat ng bahagi. Kung ang isang bahagi ay pararangalan, kasama niyang magagalak ang lahat ng bahagi.

   
 27Kayo nga ang katawan ni Cristo at ang bawat isa ay bahagi nito. 28At itinalaga ng Diyos ang ilan sa iglesiya. Una ay ang mga apostol, pangalawa ang mga propeta at pangatlo ang mga guro. Kasunod nito ang mga gumagawa ng himala, pagkatapos ay ang mga kaloob ng pagpapagaling at saka ang pagtulong. Inilagay din ang pamamahala at iba't ibang uri ng wika. 29Ang lahat ba ay mga apostol? Lahat ba ay mga propeta? Lahat ba ay mga guro? Ang lahat ba ay gumagawa ng mga himala? 30Lahat ba ay may kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba ay nagsasalita ng mga wika? Lahat ba ay nagpapaliwanag ng mga wika? 31Ngunit higit ninyong hangarin ang pinakamabuting kaloob.
   Ipakikita ko sa inyo ang lalo pang higit na paraan.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 13

 

Pag-ibig

 

 1Kung magsalita ako ng mga wika ng mga tao o ng mga anghel at wala akong pag-ibig, ako ay parang tansong tumutunog o kumakalansing na pompiyang. 2Kahit na may kaloob ako ng paghahayag, at ng pagkaalam sa lahat ng mga hiwaga at nasa akin ang lahat ng kaalaman, wala akong halaga kung wala akong pag-ibig. Kahit na may matibay akong pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, kung wala akong pag-ibig, wala akong halaga. 3Kahit ipamigay ko ang lahat kong tinatangkilik upang mapakain ang mga mahihirap, kahit ibigay ko ang aking katawan para sunugin, kung wala akong pag-ibig, wala akong mapapakinabang.

   
 4Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri o nagmamataas. 5Ito ay hindi nag-uugali ng di-nararapat, hindi ito naghahangad ng sariling kapakinabangan, hindi madaling magalit at hindi nag-iisip ng masama. 6Hindi ito nagagalak sa kalikuan kundi nagagalak sa katotohanan. 7Ang pag-ibig ay nagtatakip ng lahat ng bagay. Ito ay naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagbabata sa lahat ng bagay.

   
 8Ang pag-ibig ay hindi nagwawakas. Kung mayroong paghahayag, ang mga ito ay lilipas. Kung may pagsasalita ng mga wika, sila ay titigil. Kung may kaalaman, ito ay lilipas. 9Ito ay sapagkat alam namin ang ilang bahagi, at naghahayag kami ng ilang bahagi. 10Ngunit kapag yaong ganap ay darating, ang ilang bahagi na iyon ay lilipas. 11Nang ako ay bata pa, nagsalita ako tulad ng bata, nag-isip ako tulad ng bata, nangatwiran ako tulad ng bata. Nang ako ay malaki na, iniwan ko na ang mga bagay na pambata. 12Ito ay sapagkat sa ngayon ay malabo tayong makakakita sa pamamagitan ng salamin, ngunit darating ang panahon na tayo ay magkikita-kita nang harapan. Sa ngayon ang alam ko ay ilang bahagi lamang ngunit darating ang panahon na makakaalam ako tulad ng naging pagkaalam sa akin.

   
 13Ngayon ang tatlong ito ay mananatili, ang pananampalataya, ang pag-asa at ang pag-ibig. Ngunit ang pinakadakila sa tatlong ito ay ang pag-ibig.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 14

 

Ang Kaloob ng Paghahayag at Pagsasalita ng mga Wika

 

 1Magpatuloy kayo sa pag-ibig at maghangad kayo ng mga kaloob na espirituwal. Ngunit lalo ninyong hangarin na kayo ay makapaghayag. 2Ito ay sapagkat siya na nagsasalita ng ibang wika ay nagsasalita hindi sa mga tao kundi sa Diyos, dahil walang nakakaunawa sa kaniya. Ngunit sa espiritu, siya ay nakakapagsalita ng mga hiwaga. 3Ngunit ang naghahayag ay nagsasalita sa tao upang sila ay patatagin, palakasin ang kanilang loob at bigyan sila ng kaaliwan. 4Ang nagsasalita ng ibang wika ay nagpapatatag sa sarili niya. Ngunit ang naghahayag ay nagpapatatag sa iglesiya. 5Ibig ko na lahat kayo ay makapagsalita ng ibang wika ngunit higit kong ninanais na kayo ay makapaghahayag. Ito ay sapagkat ang naghahayag ay higit na dakila kaysa sa nagsasalita ng ibang wika, maliban na lang kung ipaliliwanag niya. Sa ganoon ang iglesiya ay makakatanggap ng katatagan.

   
 6At ngayon mga kapatid, kung ako ay pumunta sa inyo na nagsasalita sa ibang wika, may mapapakinabangan ba kayo sa akin? Wala kayong mapapakinabangan sa akin maliban na lang kung ako ay magsasalita sa pamamagitan ng pahayag o sa kaalaman, o sa paghahayag, o sa pagtuturo. 7Ang mga walang buhay na bagay ay nagbibigay ng tunog, maging plawta man o alpa. Papaano nga malaman kung ang tinutugtog ay plawta o alpa kung hindi ito magbigay ng malinaw na tunog? 8Maging ang trumpeta, kung ito ay magbigay ng hindi malinaw na tunog, sino ang maghahanda sa pakikidigma? 9Ganoon din sa inyo. Malibang gumamit kayo ng mga salitang madaling maunawaan, papaano mauunawaan ang mga sinasabi ninyo? Ito ay sapagkat sa hangin kayo nagsasalita. 10Maaaring sa sanlibutan ay napakaraming uri ng tunog, wala isa man sa kanila ang walang kabuluhan. 11Kaya nga, kung hindi ko naiintindihan ang kahulugan ng wikang iyon, ako ay tulad ng isang banyaga sa kaniya na nagsasalita. Siya rin naman na nagsasalita ay tulad ng isang banyaga sa akin. 12Ganoon din sa inyo. Yamang naghahangad kayo ng mga espirituwal na kaloob. Hangarin ninyo na kayo ay sumagana para sa ikatatatag ng iglesiya.

   
 13Kaya nga, ang nagsasalita sa ibang wika ay manalangin na maipaliwanag niya ang sinasabi niya. 14Ito ay sapagkat kung ako ay nananalangin sa ibang wika, ang espiritu ko ay nananalangin ngunit ang aking pang-unawa ay walang bunga. 15Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu at mananalangin din ako sa pamamagitan ng pang-unawa. Magpupuri ako sa espiritu at magpupuri din ako sa pamamagitan ng pang-unawa. 16Kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, sa iyong pagbibigay ng pasasalamat, paano makakapagsabi ng siya nawa ang taong hindi naturuan. Ang sinasabi mo ay hindi niya nalalaman. 17Ito ay sapagkat makakapagpasalamat ka nga ng mabuti ngunit ang iba ay hindi nagiging matibay.

   
 18Nagpapasalamat ako sa aking Diyos na ako ay nakapagsasalita ng ibang wika nang higit sa inyong lahat. 19Subalit iibigin ko pang magsalita sa iglesiya ng limang salita na nauunawaan ko kaysa sampung libong salita sa ibang wika. Ito ay upang makapagturo ako sa iba.

   
 20Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata sa pag-iisip. Subalit maging mga sanggol kayo sa masamang hangarin, ngunit sa pag-iisip ay maging mga lalaking may sapat na gulang na. 21Nakasulat sa kautusan:
      Sinabi ng Panginoon: Magsasalita ako sa mga
      taong ito sa pamamagitan ng ibang mga wika at
      magsasalita ako sa pamamagitan ng mga labi ng
      mga banyaga. Kahit na maging gayon hindi nila
      ako pakikinggan.

 

Mga Wika Bilang Tanda

 

 22Kaya nga, ang mga wika ay bilang tanda, hindi para sa mga sumasampalataya kundi para sa kanila na hindi sumasampalataya. Ngunit ang paghahayag ay hindi para sa mga hindi sumasampalataya kundi para sa mga sumasampalataya. 23Kaya nga, kung ang buong iglesiya ay magtitipun-tipon sa isang lugar at bawat isa ay mag-salita sa iba't ibang wika, at sa pagpasok ng mga hindi tinuruan at hindi mananampalataya ay narinig kayo, hindi kaya nila isiping kayo ay nababaliw? 24Kapag ang lahat ay naghahayag, sa pagpasok ng hindi mananampalataya at hindi nataruan, siya ay susumbatan ng lahat, siya ay hahatulan ng lahat. 25At sa ganoong paraan ang mga lihim ng kaniyang puso ay mahahayag. Siya ay magpapatirapa at sasamba sa Diyos at iuulat niyang ang Diyos ay tunay na sumasainyo.

 

Maayos na Pananambahan

 

 26Ano ngayon ang dapat gawin, mga kapatid? Kapag kayo ay nagtitipun-tipon ang bawat isa sa inyo ay may awit, may katuruan, may ibang wika, may kapahayagan, may pagpapaliwanag na mga wika. Ang lahat ng ito ay gawin ninyo nawa sa ikatitibay. 27Kapag ang sinuman ay magsasalita sa ibang wika, gawin ito ng dalawa hanggang sa tatlo lang at dapat sunod-sunod at kinakailangang may nagpapaliwanag. 28Kung walang magpapaliwanag, tumahimik siya sa iglesiya at magsalita na lang siya sa kaniyang sarili at sa Diyos.

   
 29Papagsalitain ang dalawa o tatlong propeta at hayaan silang hatulan ng iba. 30Ngunit kung ang isa na nakaupo ay may kapahayagan, tumahimik muna ang nauna. 31Ito ay sapagkat lahat kayo ay maaaring isa-isang makapaghahayag upang ang lahat ay matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32Ang espiritu ng mga propeta ay nagpapasakop sa mga propeta. 33Ito ay sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan, tulad ng sa lahat ng iglesiya ng mga banal.

   
 34Ang kababaihan ay tumahimik sa iglesiya, dahil hindi sila pinahihintulutang magsalita. Sa halip sila ay dapat magpasakop ayon na rin sa nakasulat sa kautusan. 35Kung ibig nilang matuto ng anumang bagay, magtanong sila sa sarili nilang mga asawa sa kanilang bahay sapagkat nakakahiya para sa babae ang magsalita sa iglesiya.

   
 36Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo, o dumating lang ito sa inyo? 37Kung ang sinuman ay magisip na siya ay propeta o kaya ay espirituwal na tao, dapat niyang kilalanin na ang mga bagay na isinulat ko sa inyo ay mga utos mula sa Panginoon. 38Kapag ito ay hindi pahalagahan ng sinuman, hayaan ng ito ay hindi niya pahalagahan.

   
 39Kaya nga, mga kapatid, magsumigasig kayo, na kayo ay makapaghahayag at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa ibang wika. 40Ang lahat ay gawin ninyo nang nararapat at may kaayusan.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 15

 

Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo

 

 1Mga kapatid, ipinaalam ko sa inyo ang ebanghelyo na ipinangaral ko sa inyo na inyo ring tinanggap at inyong pinaninindigan. 2Sa pamamagitan din nito kayo ay ligtas, kapag nanghahawakan kayong matatag sa salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na lamang kung sumampalataya kayo nang walang kabuluhan.

   
 3Ito ay sapagkat ibinigay ko na nga sa inyo nang una pa lamang ang akin ding tinanggap, na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan. 4Siya rin ay inilibing at siya ay ibinangon sa ikatlong araw ayon sa mga kasulatan. 5Siya ay nagpakita kay Cefas at gayundin sa labindalawang alagad. 6Pagkatapos nito sa isang pagkakataon, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatiran. Ang nakakaraming bahagi nito ay nananatili hanggang ngayon at ang ilan ay natulog na. 7Pagkatapos siya ay nagpakita kay Santiago at saka sa lahat ng mga apostol. 8Sa kahuli-hulilan, nagpakita siya sa akin, ako na tulad ng isang sanggol na ipinanganak ng wala sa panahon.

   
 9Ito ay sapagkat ako ang pinakamababa sa lahat ng mga apostol, na hindi nararapat tawaging apostol dahil inusig ko ang iglesiya ng Diyos. 10Dahil sa biyaya ng Diyos ako ay naging ako at ang biyaya niya na para sa akin ay hindi naging walang kabuluhan. Ako ay nagpagal nang higit pa sa kanilang lahat, ngunit hindi ako kundi ang biyaya ng Diyos na sumasaakin. 11Kaya nga, maging ako man o sila, ito ang ipinangaral namin at kayo ay sumampalataya.

 

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay

 

 12Si Cristo ay ipinangangaral na ibinangon mula sa mga patay. Yamang gayon nga, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay mula sa mga patay? 13Kung wala ngang muling pagkabuhay mula sa mga patay, kahit na si Cristo ay hindi ibinangon. 14Kung si Cristo ay hindi naibangon, ang aming pagpapahahayag ay walang kabuluhan at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan. 15Kami rin naman ay masusumpungang mga bulaang saksi ng Diyos sapagkat nagpatotoo kami patungkol sa Diyos na ibinangon niya si Cristo. Hindi na sana niya ibinangon si Cristo kung hindi rin lang ibabangon ang mga patay. 16Ito ay sapagkat kung hindi ibabangon ang patay, maging si Cristo ay hindi nagbangon. 17Kung si Cristo ay hindi nagbangon, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo ay nasa inyong mga kasalanan pa. 18Kung magkaganito, sila na mga namatay kay Cristo ay napahamak. 19Kung sa buhay lamang na ito tayo ay umaasa kay Cristo, tayo na ang higit na kahabag-habag sa lahat ng mga tao.

   
 20Ngayon, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay. Siya ang naging unang bunga nila na mga namatay. 21Yaman ngang sa pamamagitan ng tao ang kamatayan ay dumating, sa pamamagitan din naman ng isang tao ay dumating ang muling pagkabuhay sa mga patay. 22Kung papaanong kay Adan ang lahat ay namatay, gayundin naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23Ngunit ang bawat tao ay may kaniya-kaniyang pagkakasunod-sunod. Si Cristo ang pinaka-unang bunga, pagkatapos sila na mga kay Cristo, sa kaniyang pagdating. 24Pagkatapos ng mga ito ay ang katapusan, kapag naibigay na niya ang paghahari sa kaniya na Diyos at Ama. Ito ay kapag kaniyang napawalan ng kapangyarihan ang lahat ng pamumuno at lahat ng kapamahalaan at lahat ng kapangyarihan. 25Ito ay sapagkat kinakailangan niyang maghari hanggang sa mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga paa ang lahat ng kaaway. 26Ito ay sapagkat ang huling kaaway na pawawalan ng kapangyarihan ay ang kamatayan. 27Ito ay sapagkat kaniya na ngang ipinasailalim sa kaniyang mga paa ang lahat ng mga bagay. Ngunit nang sabihin niya na ang lahat ng mga bagay ay ipinasailalim niya, maliwanag na siya na magpasailalim ng lahat ng mga bagay ay hindi kasama. 28Kapag ang lahat ng mga bagay ay mapasailalim na niya, ang Anak din naman ay mapapasailalim sa Ama na nagpasailalim ng lahat ng mga bagay sa kaniya. Ito ay upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.

   
 29Kung hindi gayon, ano pa ang gagawin nila na mga nabawtismuhan alang-alang sa mga patay kung hindi rin lang ibabangon ang mga patay? Bakit pa sila binawtismuhan alang-alang sa mga patay? 30At bakit nasa panganib tayo bawat oras? 31Masasabi ko, ayon sa aking pagmalalaki patungkol sa inyo na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon, na namamatay ako araw-araw. 32Kung ayon sa paraan ng tao ako ay nakikipaglaban sa mga mababangis na hayop sa Efeso, ano ang kapakinabangan sa akin kung ang patay ay hindi ibabangon? Kumain tayo, uminom tayo, sapagkat sa kinabukasan tayo ay mamamatay. 33Huwag kayong magpadaya. Ang masamang kasama ay sumisira sa magandang pag-uugali. 34Gumising kayo na may katuwiran at huwag magkasala sapagkat ang iba ay hindi nakakakilala sa Diyos. Nagsasalita ako para sa inyong kahihiyan.

 

Ang Katawang Binuhay Muli ng Diyos

 

 35Subalit maaaring may magsabi: Papaano ibinabangon ang mga patay? At ano ang magiging katawan nila? 36Ikaw na hangal, anuman ang iyong itanim, hindi ito mabubuhay maliban ito ay mamatay. 37Anuman ang iyong itanim, hindi mo itinatanim ang magiging katawan noon. Ang itinatanim ay ang butil, ito ay maaaring butil ng trigo o anumang ibang butil. 38Ang Diyos ang siyang nagbibigay ng katawan ayon sa kaniyang kalooban, at sa bawat isang binhi ay binibigyan niya ng sariling katawan. 39Hindi lahat ng laman ay magkatulad na laman. Iba ang laman ng tao, iba ang sa hayop, iba ang sa isda at iba naman ang sa ibon. 40May katawan na panlangit at mayroon ding panlupa, ngunit iba ang kaluwalhatian ng panlangit at iba ang sa panlupa. 41Iba ang karilagan ng araw at iba ang karilagan ng buwan. Iba ang karilagan ng mga bituin dahil ang karilagan ng isang bituin ay iba kaysa sa isang bituin.

   
 42Ganito rin nga ang pagkabuhay muli ng mga patay. Ito ay inililibing sa kabulukan, ito ay ibinabangon sa walang kabulukan. 43Ito ay inililibing sa walang karangalan, ito ay ibinabangon sa kaluwalhatian. Ito ay inililibing sa kahinaan, ito ay ibinabangon sa kapangyarihan. 44Ito ay inihasik na likas na katawan, ito ay babangon na espirituwal na katawan.
   Mayroong likas na katawan at mayroong espirituwal na katawan. 45Gayundin ang nasusulat: Ang unang tao na si Adan ay naging buhay na kaluluwa. Ang huling Adan ay espiritu na nagbibigay buhay. 46Hindi una ang espirituwal kundi ang likas, pagkatapos ay ang espirituwal. 47Ang unang tao ay mula sa lupa, gawa sa alabok. Ang ikalawang tao ay ang Panginoon na mula sa langit. 48Kung ano siya na gawa sa alabok, gayundin sila na mga gawa sa alabok. Kung ano siya na panlangit, gayundin sila na panlangit. 49Kung paano natin tinataglay ang anyo ng gawa sa alabok, gayundin natin tataglayin ang anyo ng nagmula sa langit.

   
 50Ngayon, ito ang sinasabi ko mga kapatid: Ang dugo at laman ay hindi makakapagmana ng paghahari ng Diyos. Maging ang kabulukan ay hindi makakapagmana ng walang kabulukan. 51Narito, sinasabi ko sa inyo ang isang hiwaga: Hindi lahat sa atin ay matutulog ngunit lahat ay babaguhin. 52Lahat ay babaguhin sa isang iglap, sa isang kisap mata, sa huling pagtunog ng trumpeta dahil ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay ibabangong walang kabulukan at tayo ay mababago. 53Ito ay sapagkat kinakailangang ang may kabulukang ito ay maging walang kabulukan at ang may kamatayang ito ay maging walang kamatayan. 54Kapag ang may kabulukan ay maging walang kabulukan at ang may kamatayan ay maging walang kamatayan, matutupad ang salitang isinulat:
      Ang kamatayan ay nilamon na sa tagumpay.
       55Kamatayan, nasaan ang iyong tibo? Hades,
      nasaan ang iyong tagumpay?

    56Ngayon, ang tibo ng kamatayan ay kasalanan at ang lakas ng kasalanan ay ang kautusan. 57Ngunit salamat sa Panginoon na nagbigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.

   
 58Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo, hindi makilos, laging nananagana sa gawain ng Panginoon. Alam ninyo na ang inyong mga pagpapagal ay hindi walang kabuluhan sa Panginoon.

 

 

1 Mga Taga-Corinto 16

 

Ang Paglilikom Para sa mga Anak ng Diyos

 

 1Patungkol naman sa nalilikom na para sa mga banal, gawin ninyo ang tulad sa ibinilin ko sa mga taga-Galacia. 2Tuwing unang araw ng sanlinggo, bawat isa sa inyo ay maglagak ayon sa naging pagpapala niya. Ito ay upang sa pagdating ko ay wala nang paglilikom na gagawin. 3Kapag dumating ako, sinuman ang inyong payagan sa pamamagitan ng sulat ay aking isusugo sa Jerusalem upang dalhin ang inyong tulong. 4Kung nararapat din akong pumunta, kasama nila akong pupunta.

 

Sariling Kahilingan

 

 5Pupunta ako sa inyo kapag nakadaan na ako sa Macedonia sapagkat sa Macedonia ako dadaan. 6Maaaring tumigil ako sa inyo o maging hanggang sa taglamig upang matulungan ninyo ako saan man ako pumaroon. 7Ito ay sapagkat hindi ko ibig na makita ko kayo ngayon sa aking pagdaan, ngunit umaasa akong makapanatili ng ilang panahon kasama ninyo, kung pahihintulutan ng Panginoon. 8Ngunit ako ay mananatili sa Efeso hanggang sa Pentecostes. 9Ito ay sapagkat isang malaki at mabisang daan ang binuksan sa akin doon at marami ang humahadlang.

   
 10Kapag dumating diyan si Timoteo, tiyakin ninyo na makakasama ninyo siya ng walang pagkatakot sapagkat gawain ng Panginoon ang kaniyang ginagawa, tulad ng ginagawa ko. 11Kaya nga, huwag ninyo siyang hayaang hamakin ng sinuman, sa halip, tulungan ninyo siyang makahayo nang mapayapa upang makarating siya sa akin sapagkat hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid.

   
 12Patungkol kay kapatid na Apollos, lubos kong ipinamanhik sa kaniya na pumunta sa inyo kasama ng mga kapatid. Hindi niya kaloobang pumunta sa panahong ito ngunit pupunta siya sa inyo kapag may pagkakataon siya.

   
 13Magbantay kayo, tumayo kayong matatag sa pananampalataya, maging matapang kayo, magpakalakas kayo. 14Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay nang may pag-ibig.

   
 15Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid. Kilala ninyo ang sambahayan ni Estefanas. Alam ninyo na ito ang unang bunga ng Acaya at itinalaga nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga banal. 16Ipinamamanhik ko na magpa-sakop din kayo sa kanila at sa bawat isang gumagawa at nagpa-pagal na kasama namin. 17Ako ay nagagalak sa pagdating nina Estefanas, Fortunato at Acaico dahil ang inyong kakulangan ay pinunan nila. 18Ito ay sapagkat napagpanibagong-sigla nila ang aking espiritu, at ang inyong espiritu kaya kilalanin nga ninyo sila.

 

Panghuling Pagbati

 

 19Binabati kayo ng iglesiya sa Asya. Lubos kayong binabati nina Aquila at Priscilla kasama ang iglesiya na nasa kanilang tahanan. 20Ang lahat ng mga kapatid ay bumabati sa inyo. Magbatian kayo sa isa't isa ng banal na halik.

   
 21Ito ang pagbati ko, akong si Pablo, sa pamamagitan ng sarili kong kamay.

   
 22Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoong Jesucristo, sumpain siya. Maranatha! [a]

   
 23Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesucristo.

   
 24Sumainyo ang aking pag-ibig sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Siya nawa!

 

Footnotes:

a.       Verse 22: Maranatha, sa salitang Chaldea, ito ay nangangahulugang: Ang ating Panginoon ay dumating.

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

2 Mga Taga-Corinto

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13

2 Mga Taga-Corinto 1

 1Akong si Pablo ay apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos. Kasama ko si Timoteo na ating kapatid.
   Sumusulat ako sa iglesiya ng Diyos na nasa Corinto, kasama ang lahat ng mga banal na nasa buong Acaya.

   
 2Sumainyo ang biyaya at kapayapaan na mula sa Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesucristo.

 

Ang Diyos na Nagbibigay ng Lakas-loob sa Ating Lahat

 

 3Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo. Siya ang Ama ng kahabagan at Diyos ng lahat ng kaaliwan. 4Siya ang nagbibigay sa amin ng kaaliwan sa lahat ng aming kahirapan. Ito ay upang maaliw namin silang mga nasa kahirapan sa pamamagitan ng kaaliwan na kung saan inaliw kami ng Diyos. 5Ito ay sapagkat kung papaanong ang paghihirap ni Cristo ay sumasagana sa amin, gayundin naman sa pamamagitan ni Cristo sumasagana ang aming kaaliwan. 6Ngunit kung kami man ay nahihirapan, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan. Ito ay ginawa sa pamamagitan ng pagbabata ng katulad na paghihirap na aming dinanas. Ngunit kung kami man ay aliwin, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan. 7Tiyak ang aming pag-asa sa inyo dahil alam namin na kung paanong kabahagi kayo sa mga paghihirap, kabahagi rin kayo sa kaaliwan.

   
 8Sapagkat hindi namin ibig mga kapatid, na hindi ninyo malaman ang aming mga paghihirap na nangyari sa Asya. Kami ay nabigatan nang higit sa aming lakas, kaya kami ay nawalan ng pag-asa maging sa aming buhay. 9Ang hatol ng kamatayan ay sa aming mga sarili upang hindi na kami magtiwala sa aming mga sarili kundi sa Diyos na nagbabangon sa mga patay. 10Ang Diyos ang siyang nagligtas sa amin sa malagim na kamatayan at patuloy na nagliligtas. Sa kaniya ay may pag-asa kami na patuloy siyang magliligtas. 11Kayo rin naman ay kasamang gumagawa para sa amin sa pamamagitan ng inyong pananalanging may paghiling. Ito ay upang sa pamamagitan ng maraming tao, ang mga kaloob na para sa amin ay maging isang pagpapasalamat ng marami.

 

Nagbago ng Balak si Pablo

 

 12Ito ang aming ipinagmamalaki at ito ang patotoo ng aming mga budhi sapagkat namuhay kami sa sanlibutang ito na sumasagana para sa inyo nang may dalisay na layunin at may katapatan sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng karunungang pantao kundi sa biyaya ng Diyos. 13Wala na kaming ibang isinulat sa inyo maliban sa mga nabasa ninyo at kinilala at umaasa ako na hanggang sa wakas ay inyong kikilalanin. 14Ayon sa pagkilala ninyo sa amin ng bahagya, na kami ay inyong ipinagmamalaki, gayundin naman kayo sa amin sa araw ng Panginoong Jesus.

   
 15At sa pagtitiwalang ito naging layunin kong pumunta sa inyo noong una upang magkaroon kayo ng ikalawang kapakinabangan. 16Binalak ko rin na dumaan sa inyo sa aking pagpunta sa Macedonia at muling dumaan sa inyo pagkagaling sa Macedonia. At sa pamamagitan ninyo ako ay makapaghanda sa paglalakbay patungong Judea. 17Kaya nga, sa layuning ito, hindi ko ba ito pinag-isipang mabuti? Ang layunin ko bang ito ay layunin ng tao, upang ang aking oo ay maging oo, at ang aking hindi ay hindi?

   
 18Ang Diyos ay tapat upang ang aming salita sa inyo ay hindi maging oo at hindi. 19Ang Anak nga ng Diyos na si Jesucristo ay aming ipinangaral sa inyo, ako, kasama sina Silas at Timoteo. Hindi namin siya ipinangaral na oo at hindi kundi siya ay laging oo. 20Ito ay sapagkat ang lahat ng pangako ng Diyos ay oo sa kaniya, at sa kaniya ang siya nawa, para sa kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan namin. 21Ang Diyos ang nagpapatatag at nagtalaga sa amin kasama ninyo sa pamamagitan ni Cristo. 22Siya rin ang nagtatak sa amin at nagbigay ng katiyakan na siya ang Banal na Espiritu sa aming puso.

   
 23Ngunit ang Diyos ang tinatawag kong saksi sa aking kaluluwa na kaya hindi ako pumunta sa Corinto ay upang iligtas kayo. 24Hindi namin hinahangad na mamuno sa inyong pananampalataya. Sa halip kami ay kapwa ninyo kamanggagawa para sa inyong kagalakan. Ito ay upang kayo ay maging matatag sa inyong pananampalataya.

 

 

2 Mga Taga-Corinto 2

 

 1Ito ang pasiya ko sa aking sarili na hindi ako pupunta sa inyo na namimighati. 2Ito ay sapagkat kapag pipighatiin ko kayo, sino rin nga ang magpapasaya sa akin maliban siya na aking pinighati? 3Ganito rin ang isinusulat ko sa inyo at baka sa pagdating ko ay mapighati ako nila na dapat ay magpagalak sa akin. May pagtitiwala ako sa inyong lahat na ang aking kagalakan ay ang kagalakan ninyong lahat. 4Ito ay sapagkat sa maraming kapighatian at kahapisan ng puso, sumulat ako sa inyo na may maraming pagluha, hindi upang pighatiin kayo kundi upang malaman ninyo ang kasaganaan ng pag-ibig ko sa inyo.

 

Pagpapatawad para sa Nagkasala

 

 5Ngunit kung may nakapagdulot man ng pighati, hindi ako ang napighati, kundi ang bahagi lamang upang hindi ako makapagpabigat sa inyong lahat. 6Sapat na sa nakagawa ng gayon ang maparusahan ng marami sa inyo sa ganitong paraan. 7Sa kabila naman nito dapat ninyo siyang patawarin at aliwin at baka siya ay matigib ng lubhang kalungkutan. 8Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na bigyan ninyo siya ng katiyakan ng inyong pag-ibig. 9Ito rin ang dahilan kung bakit ako sumulat sa inyo, upang makita ko ang katunayan kung kayo ay naging masunurin sa lahat ng mga bagay. 10Ngunit ang sinumang pinatatawad ninyo sa anumang bagay, pinatatawad ko rin sapagkat kung pinatatawad ko ang anumang bagay, kanino ko man ito ipinatatawad ay pinatatawad ko alang-alang sa inyo sa katauhan ni Cristo. 11Ito ay upang hindi makapagsamantala si Satanas dahil hindi lingid sa atin ang kaniyang mga layunin.

 

Mga Lingkod ng Bagong Tipan

 

 12Sa pagpunta ko sa Troas para sa ebanghelyo ni Cristo, isang pinto din ang binuksan sa akin ng Panginoon. 13Hindi ako nagkaroon ng kapahingahan sa aking espiritu dahil hindi ko nakita si Tito na aking kapatid. Subalit nang makapagpaalam ako sa kanila, pumunta ako sa Macedonia.

   
 14Ngunit salamat sa Diyos na laging nagbibigay tagumpay sa amin kay Cristo at ang samyo ng kaalaman patungkol sa kaniya ay nahahayag sa lahat ng dako sa pamamagitan namin. 15Ito ay sapagkat sa pamamagitan ni Cristo, kami ay matamis na samyo sa Diyos doon sa mga naligtas at sa mga napapahamak. 16Sa isa, kami ay samyo ng kamatayan patungo sa kamatayan. Sa iba, kami ay samyo ng buhay patungo sa buhay. At sa mga bagay na ito, sino ang makakakaya nito? 17Ito ay sapagkat kami ay hindi tulad ng marami na nakikinabang sa pamamagitan ng pagsira sa salita ng Diyos. Sa halip, sa paningin ng Diyos kami ay nagsasalita sa pamamagitan ni Cristo nang may katapatan at bilang mga nagmula sa Diyos.

 

2 Mga Taga-Corinto 3

 

 1Magsisimula ba kaming papurihan muli ang aming mga sarili? Kailangan ba, tulad ng iba, ang sulat ng pagkilala para sa inyo, o ang sulat ng pagkilala mula sa inyo? 2Kayo ang aming sulat na iniukit sa aming mga puso na nalalaman at nababasa ng lahat ng mga tao. 3Nahahayag kayo na mga sulat ni Cristo na pinaglingkuran namin. Hindi kayo isinulat sa pamamagitan ng tinta kundi sa pamamagitan ng Espiritu ng buhay na Diyos. Hindi kayo iniukit sa mga tipak ng bato kundi sa mga tipak ng pusong laman.

   
 4Mayroon kaming ganitong pagtitiwala sa pamamagitan ni Cristo patungkol sa Diyos. 5Hindi namin inaangkin na kaya naming gawin ang anumang bagay sa aming sarili. Wala kaming kakayahan sa aming sarili, subalit ang aming kakayahan ay sa Diyos. 6Siya rin ang gumawa na kami ay maging mga may kakayanang tagapaglingkod ng bagong tipan. Ito ay hindi sa pamamagitan ng kasulatan ng kautusan kundi ng Espiritu dahil ang kasulatan ng kautusan ay pumapatay, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay ng buhay.

 

Ang Kaluwalhatian ng Bagong Tipan

 

 7Ang paglilingkod ng kamatayan sa mga sulat na iniukit sa mga bato ay ginawa na may kaluwalhatian. Ito ay upang ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian ng kaniyang mukha. Ang kaluwalhatiang iyon ay lilipas. 8Kung ganito ito, bakit hindi magiging lalong maluwalhati ang paglilingkod ng Espiritu? 9Ito ay sapagkat kung ang paglilingkod ng kahatulan ay maluwalhati, lalong higit ang kaluwalhatian ng paglilingkod ng katuwiran. 10Ito ay sapagkat kahit na ang ginawang maluwalhati ay hindi naging maluwalhati sa ganitong paraan dahil sa nakakahigit na kaluwalhatian. 11Ito ay sapagkat kung ang lumipas ay may kaluwalhatian, lalo ngang higit ang kaluwalhatian niya na nananatili.

   
 12Sa pagkakaroon nga ng pag-asang ito, lalong malakas ang aming loob. 13At hindi kami katulad ni Moises na naglagay ng lambong sa kaniyang mukha upang hindi matitigan ng mga anak ni Israel ang katapusan noong lumilipas. 14Ang kanilang mga pag-iisip ay binulag dahil hanggang sa ngayon nanatili pa rin na ang lambong na iyon ay hindi inaalis sa pagbasa ng lumang tipan. Iyon ay lumipas na kay Cristo. 15Hanggang sa ngayon kapag binabasa ang aklat ni Moises, may lambong sa kanilang mga puso. 16Kapag ito ay bumalik sa Panginoon, ang lambong ay aalisin. 17Ang Panginoon ay Espiritu at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, naroroon ang kalayaan. 18Ngunit makikita nating lahat, ng walang takip sa mukha, ang kaluwalhatian ng Panginoon. Tulad sa isang salamin, makikita nating lahat na tayo ay matutulad sa gayong anyo mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian. Ito ay tulad ng nagmula sa Panginoon na siyang Espiritu.

 

 

2 Mga Taga-Corinto 4

Mga Kayamanan sa mga Sisidlang Putik

 

 1Kaya nga, sa pagkakaroon ng paglilingkod na ito, ayon sa pagtanggap namin ng habag, hindi kami nanghihina. 2Aming itinakwil ang mga itinatagong bagay na kahiya-hiya. Hindi kami lumalakad sa pandaraya ni minamali ang salita ng Diyos. Sa pagpapakita ng katotohanan, aming ipinagkakatiwala ang aming mga sarili sa budhi ng bawat tao sa harapan ng Diyos. 3Kung ang ebanghelyo namin ay natatago, ito ay natatago sa kanila na napapahamak. 4Binulag ng diyos ng kapanahunang ito ang mga kaisipan ng mga hindi sumampalataya upang hindi lumiwanag sa kanila ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo na siyang anyo ng Diyos. 5Hindi namin ipinangangaral ang aming sarili kundi si Cristo Jesus na Panginoon at ang aming sarili ay inyong mga alipin alang-alang kay Cristo. 6Ang Diyos na nag-utos na mula sa kadiliman ay magliwanag ang ilaw ang siyang nagliwanag sa aming mga puso. Ito ay upang magliwanag ang kaalaman ng kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Jesucristo.

   
 7Taglay namin ang kayamanang ito sa sisidlang putik nang sa gayon ang kahigitan ng kapangyarihan ay mapasa-Diyos at hindi sa amin. 8Sa magkabi-kabila, sinisiil kami, ngunit hindi nagigipit, naguguluhan kami ngunit hindi lubos na nanghihina. 9Inuusig kami ngunit hindi pinababayaan, nabubuwal ngunit hindi nawawasak. 10Taglay naming lagi sa aming katawan ang kamatayan ng Panginoong Jesus upang maipakita rin sa aming katawan ang buhay ni Jesus. 11Ito ay sapagkat kami na nabubuhay ay laging ibinibigay sa kamatayan alang-alang kay Cristo. Ito ay upang ang buhay rin naman ni Jesus ay makita sa aming katawang may kamatayan. 12Kaya nga, ang kamatayan ay gumagawa sa amin, ngunit ang buhay ay gumagawa sa inyo.

   
 13Sa pagkakaroon ng iisang espiritu ng pananampalataya, ayon sa nasusulat:
      Ako ay sumampalataya, kaya ako ay nagsalita.

   Kami ay sumampalataya, kaya kami rin ay nagsalita. 14Alam namin na siya na nagbangon sa Panginoong Jesus ay siya ring magbabangon sa amin sa pamamagitan ni Jesus at ihaharap na kasama ninyo. 15Ito ay sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo upang ang biyaya na sumasagana sa marami ay magparami ng pasasalamat para sa kaluwalhatian ng Diyos.

   
 16Dahil dito, hindi kami nanghihina. Subalit kung ang aming panlabas na katauhan ay nabubulok, ang aming panloob na katauhan naman ay binabago sa araw-araw. 17Ito ay sapagkat ang panandaliang kagaanan ng aming paghihirap ay magdudulot sa amin ng lalong higit na timbang ng walang hanggang kaluwalhatian. 18Hindi namin isinasaalang-alang ang mga bagay na nakikita kundi ang mga bagay na hindi nakikita sapagkat ang mga bagay nga na nakikita ay pansamantala ngunit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.

 

 

2 Mga Taga-Corinto 5

 

Ang Ating Tirahan sa Langit

 

 1Sapagkat alam natin na kung ang ating panlupang bahay na isang tolda lamang ay masira, mayroon tayong gusaling mula sa Diyos. Ito ay isang bahay na hindi gawa ng mga kamay, ito ay pangwalang hanggan sa kalangitan. 2Sa ganito tayo ay dumaraing at nananabik na mabihisan ng ating tahanang mula sa langit. 3Kung mabihisan na tayo, hindi na tayo masusumpungang hubad. 4Ito ay sapagkat tayo na nasa toldang ito ay dumaraing at nabibigatan yamang hindi natin ibig na maging mga hubad. Sa halip ay ibig nating lubos na mabihisan. Ito ay upang ang may kamatayan ay lamunin na ng buhay. 5Ang Diyos ang siyang gumawa sa atin para sa bagay na ito. Siya rin ang nagbigay sa atin ng Espiritu bilang katiyakan.

   
 6Dahil dito lagi tayong may katiyakan at alam natin na habang nananahan tayo sa katawang ito, wala tayo sa tahanang mula sa Diyos. 7Ito ay sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya, hindi sa mga bagay na nakikita. 8Nakakatiyak tayo at higit na nanaising mawala sa katawan at manahang kasama ng Panginoon. 9Kaya nga, naghahangad tayong maging kaluguran sa kaniya maging tayo man ay nananahan sa katawan o wala sa katawan. 10Ito ay sapagkat tayong lahat ay haharap sa luklukan ng paghatol ni Cristo upang ang bawat isa ay tumanggap ng nauukol sa atin para sa mga bagay na ginawa sa katawan maging ito man ay mabuti o masama.

 

Ang Paglilingkod na Maipagkasundo ang mga Tao sa Diyos

 

 11Dahil alam namin ang pagkatakot sa Panginoon, kaya hinihikayat namin ang mga tao. Ngunit kami ay nahahayag sa Diyos at umaasa na ako ay mahahayag din sa inyong mga budhi. 12Ito ay sapagkat hindi namin ipinagmamapuring muli ang aming mga sarili sa inyo. Ibinibigay namin ang pagkakataon sa inyo na kami ay inyong maipagmalaki, upang masagot ninyo sila na mga nagmamalaki ayon sa nakikita at hindi mula sa puso. 13Ito ay sapagkat kung wala kami sa aming sarili, iyon ay alang-alang sa Diyos. Kung kami naman ay nasa wastong pag-iisip, iyon ay alang-alang sa inyo. 14Ito ay sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa amin. Dahil pinagpasiyahan namin na yamang may isang namatay para sa lahat, kung gayon ang lahat ay patay. 15Namatay siya para sa lahat upang sila na nabubuhay ay hindi na mamuhay para sa kanilang sarili. Sa halip, sila ay mamuhay para sa kaniya na namatay para sa kanila at muling nabuhay.

   
 16Mula ngayon hindi na natin nakikila ang sinumang tao ayon sa makataong paraan. Kahit kilala natin si Cristo sa ganitong paraan noon, sa ngayon ay hindi na. 17Kaya nga, kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya ay bago nang nilalang. Ang mga dating bagay ay lumipas na, narito, ang lahat ng bagay ay naging bago. 18Ang lahat ng mga bagay ay sa Diyos. Sa pamamagitan ni Jesucristo dinala niya tayo upang ipagkasundo sa kaniya. At ibinigay niya sa atin ang gawain ng paglilingkod para sa pakikipagkasundo. 19Papaanong sa pamamagitan ni Cristo ay ipinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan sa kaniyang sarili, na hindi niya ibinibilang sa kanila ang kanilang mga pagsalangsang. Ipinagkatiwala niya sa amin ang salita ng pakikipagkasundo. 20Para kay Cristo, kami nga ay mga kinatawan na waring ang Diyos ang namamanhik sa pamamagitan namin. Nagsusumamo kami alang-alang kay Cristo na makipagkasundo kayong muli sa Diyos. 21Ito ay sapagkat siya na hindi nagkasala ay ginawang kasalanan para sa atin upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.

 

 

2 Mga Taga-Corinto 6

 

 1Bilang kamanggagawa, hinihimok namin kayo. Huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan. 2Sinabi niya:
      Sa panahong ipinahintulot pinakinggan kita, at
      sa araw ng pagliligtas, tinulungan kita.

   Narito, ngayon ang panahong katanggap-tanggap. Narito, ngayon ang araw ng kaligtasan.

 

Ang mga Paghihirap ni Pablo

 

 3Sa anumang bagay ay hindi kami nagbigay ng katitisuran upang hindi mapulaan ang gawain ng paglilingkod. 4Sa halip, sa lahat ng bagay ay ipinakilala namin ang aming sarili bilang tagapaglingkod ng Diyos. Ito ay maging sa maraming pagbabata, kabalisahan, pangangailangan at kagipitan. 5Maging sa paghagupit sa amin, pagkabilanggo, kaguluhan, pagpapagal, pagpupuyat, at pag-aayuno. 6Maging sa kalinisan, kaalaman, pagtitiis, kabutihan, at maging sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at walang pakunwaring pag-ibig, ipinakikilala naming kami ay mga tagapaglingkod. 7Ipinakilala namin ito sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng sandata ng katuwiran sa kanan at kaliwang kamay. 8Maging sa karangalan at kawalang karangalan, maging sa masamang ulat at mabuting ulat, ipinakilala naming kami ay tagapaglingkod. Kahit na iparatang na kami ay mandaraya, kami ay mga totoo, ipinakikilala naming kami ay tagapaglingkod. 9Kahit na sabihing hindi kami kilala bagama't kilalang-kilala, naghihingalo gayunma'y buhay, pinarurusahan ngunit hindi pinapatay, ipinakikilala naming kami ay tagapaglingkod. 10Kahit na namimighati ngunit laging nagagalak, mahirap gayunma'y maraming pinayayaman, walang tinatangkilik bagama't nagtatangkilik ng lahat ng bagay, ipinakikilala naming kami ay tagapaglingkod.

   
 11Mga taga-Corinto, malinaw na nahayag ang aming salita sa inyo. Ang aming puso ay lumaki. 12Bukas ang aming puso sa inyo, ngunit nakasara ang inyong damdamin sa amin. 13Bilang ganti, buksan din ninyo ang inyong puso sa amin. Ako ay nagsasalita sa inyo bilang mga anak ko.

 

Huwag Makipamatok sa Hindi Mananampalataya

 

 14Huwag kayong makipamatok sa hindi mananampalataya sapagkat anong pakikipag-isa mayroon nga ang katuwiran sa hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos? Anong pakikisama mayroon ang liwanag at kadiliman? 15Paano magkakasundo si Cristo at si Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa hindi mananampalataya? 16Anong kasunduan mayroon ang banal na dako ng Diyos sa mga diyos-diyosan? Ito ay sapagkat kayo nga ang banal na dako ng buhay na Diyos. Tulad ng sinabi ng Diyos:
      Mananahan ako sa kanila at lalakad kasama nila.
      Ako ang magiging Diyos nila at sila ang aking tao.

    17Sabi ng Panginoon:
      Kaya nga, lumabas kayo mula sa kanila at
      humiwalay. Huwag kayong hihipo ng maruming
      bagay at tatanggapin ko kayo. 18Ako ang
      magiging ama ninyo at kayo ang magiging mga
      anak ko.

   Ito ang sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.

 

 

2 Mga Taga-Corinto 7

 

 1Kaya nga, mga minamahal, yamang nasa atin ang mga pangakong ito, linisin natin ang ating sarili sa lahat ng karumihan ng laman at espiritu. Lubusin natin ang ating kabanalan sa pagkatakot sa Diyos.

 

Ang Kagalakan ni Pablo

 

 2Tanggapin ninyo kami. Wala kaming ginawang mali kaninuman, ni gumawa ng masama kaninuman, ni nagsamantala kaninuman. 3Hindi ako nagsasalita upang hatulan kayo sapagkat sinabi ko na noong una na kayo ay nasa aming puso upang mamatay kasama namin at mabuhay na kasama namin. 4Lubos ang aking katapangan patungkol sa inyo, ipinagmamalaki ko kayo nang husto. Pinalakas ninyo nang lubusan ang aking kalooban, nag-uumapaw ako sa kagalakan sa lahat ng aming paghihirap.

   
 5Ito ay sapagkat noong dumating kami sa Macedonia, totoong ang aming katawan ay walang pahinga. Pinahihirapan kami sa lahat ng paraan. Sa labas ay may pakikipaglaban at sa loob ay pagkatakot. 6Ngunit ang Diyos na nagpapalakas ng loob ng mga mababang kalagayan ay nagpalakas ng loob sa amin at ito ay sa pamamagitan ng pagdating ni Tito. 7Hindi lamang ang pagdating niya ang nagpalakas ng loob sa amin subalit maging ang kaaliwang tinanggap niya sa inyo. Sinabi niya sa amin ang pananabik ninyong makita ako at ang inyong kalungkutan. Sinabi niya ang inyong maalab na pagmamahal sa akin at dahil sa mga ito, ako ay lalong nagalak.

   
 8Kung napighati ko kayo sa aking liham, sa ngayon hindi ko pinagsisisihan iyon, bagama't iyon ay pinagsisihan ko na noon. Ito ay sapagkat alam ko na ang liham kong iyon ay pumighati sa inyo kahit na sa maikling panahon. 9Ako ngayon ay nagagalak, hindi dahil sa napighati kayo, subalit dahil sa napighati kayo patungo sa pagsisisi. Ito ay sapagkat napighati kayo ayon sa kaparaanan ng Diyos upang hindi kayo mawalan ng anuman. 10Ito ay sapagkat ang kapighatiang mula sa Diyos ay nagdudulot ng pagsisising patungo sa kaligtasan at hindi dapat pagsisihan. Ang kapighatiang mula sa sanlibutan ay nagdudulot ng kamatayan. 11Sapagkat narito, ang inyong kapighatiang mula sa Diyos ay nagdulot ng kasigasigan na malinis ninyo ang inyong pangalan. Nagdulot ito ng inyong lubhang pagkagalit, pagkatakot, pananabik, pagsusumigasig at paghahangad ng katarungan. Sa lahat ng bagay pinatunayan ninyong dalisay ang inyong mga sarili sa bagay na ito. 12Kaya nga, kahit na ako ay sumulat sa inyo, ito ay hindi dahil sa isang gumawa ng pagkakamali ni alang-alang sa ginawan ng pagkakamali. Subalit sumulat ako sa inyo upang ang aming pagsusumigasig para sa inyo ay maging hayag sa inyo sa harap ng Diyos.

   
 13Dahil dito, lumakas ang aming kalooban dahil sa kala-kasan ng inyong kalooban. Lalo kaming lubos na nagalak sa kagalakan ni Tito dahil napagpanibagong-sigla ninyong lahat ang kaniyang espiritu. 14Ito ay sapagkat ipinagmalaki ko kayo sa kaniya at hindi ako napahiya. Ang lahat ng mga bagay na sinabi namin sa inyo ay totoo. Maging ang pagmamalaki ko sa inyo kay Tito ay totoo. 15Ang paggiliw niya sa inyo ay lalong sumagana. Naaalala niya ang pagsunod ninyong lahat at ang pagtanggap ninyo sa kaniya na may takot at panginginig. 16Nagagalak ako na sa lahat ng mga bagay ay mapagkakatiwalaan ko kayo.

 

 

2 Mga Taga-Corinto 8

 

Pinayuhan ni Pablo ang mga Tao na Magbigay nang Maluwag

 

 1Mga kapatid, ibig naming malaman ninyo na ang biyaya ng Diyos ay ipinagkaloob sa mga iglesiya sa Macedonia. 2Ang dinanas nilang paghihirap na naging pagsubok sa kanila ay nagdulot ng kasaganaan ng kanilang kagalakan sa gitna ng matinding karukhaan. At ito ay lalong sumagana sa matapat na pagbibigay. 3Ito ay sapagkat pinatotohanan ko na ayon sa kanilang kakayahan at higit pa sa kanilang kakayanan, sila ay lalong nagkusa. 4Sa maraming pakikiusap, namanhik sila sa amin na ipagkaloob namin sa kanila ang karapatan ng pakikipag-isa sa paglilingkod para sa mga banal. 5Hindi lang ang inaasahan namin ang ginawa nila subalit ipinagkaloob muna nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa amin ayon sa kalooban ng Diyos. 6Dahil dito, ipinamanhik namin kay Tito na kung papaano siya nagsimula noon, lubusin din niya ng gayon sa inyo ang kaloob na ito. 7Subalit sumasagana ang lahat ng bagay sa inyo, sa pananampalataya, sa salita, sa kaalaman, sa kasigasigan at sa pag-ibig ninyo sa amin. Kung gaano kayo sumagana sa mga ito, sumaganang gayon ang biyayang ito sa inyo.

   
 8Nagsasalita ako hindi ayon sa utos kundi sa pamamagitan ng pagsusumigasig ng iba at sa pagsubok sa katapatan ng inyong pag-ibig. 9Ito ay sapagakat alam ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo. Alam ninyo na kahit na mayaman siya alang-alang sa inyo, siya ay naging mahirap. Ito ay upang sa pamamagitan ng kaniyang kahirapan kayo ay maging mayaman.

   
 10Ito ang payo ko sa inyo sa bagay na ito. Kayo ang nagpasimula noong nakaraang taon, hindi lamang dahil kayo ay handa kundi dahil kayo ay may kusa sa pagbibigay. 11Ngayon, kapakipakinabang sa inyo na inyong lubusin ang pagsasagawa nito. Kung paano nga kayo naghanda sa kusang pagbibigay, gayundin naman lubusin ninyo ayon sa nasa inyo. 12Ito ay sapagkat kapag naroroon nga ang kahandaan, ito ay tinatanggap nang ayon sa kung ano ang mayroon sa tao at hindi nang ayon sa wala sa kaniya.

   
 13Ito ay sapagkat hindi namin ninanais na ang iba ay madadalian at kayo ay mabigatan. Ang nais namin ay pagkakapantay-pantay. Sa kasalukuyan ang inyong kasaganaan ay sa kanilang kakulangan. 14At upang ang kanilang kasaganaan sa ngayon ay magpuno sa inyong kakulangan upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay. 15Ayon sa nasusulat:
      Siya na nagtipon ng marami ay hindi nagkalabis,
      at siya na nagtipon ng kaunti ay hindi nagkulang.

 

Isinugo ni Pablo si Tito sa Corinto

 

 16Nagpapasalamat ako sa Diyos na nagbigay sa puso ni Tito ng gayunding pagsusumigasig para sa inyo. 17Ito ay sapagkat tinanggap nga niya ang pamamanhik, ngunit dahil sa higit na pagsusumigasig, nagkusa siyang pumunta sa inyo. 18Isinugo naming kasama niya ang isang kapatid na ang pagpupuri ay nasa ebanghelyo sa lahat ng mga iglesiya. 19Hindi lang gayon, kundi siya ay pinili ng mga iglesiya na maglakbay kasama namin sa kaloob na ito na siyang ipinaglingkod namin sa ikaluluwalhati ng Panginoon at nang ikahahayag ng inyong kahandaan. 20Iniiwasan naming may masabi ang sinuman sa kasaganaang ito na aming ipinaglingkod. 21Isinasaalang-alang namin ang nararapat na bagay hindi lamang sa harap ng Diyos kundi maging sa harap ng mga tao.

   
 22Isinugo naming kasama nila ang ating kapatid na lagi naming napapatunayang masikap sa maraming bagay. Sa ngayon siya ay lalong masikap dahil sa malaking pagtitiwala ko sa inyo. 23Patungkol kay Tito, siya ang aking katuwang at isang kamanggagawa para sa inyo. Patungkol sa mga iglesiya, sila ay kaluwalhatian ni Cristo. 24Ipakita nga ninyo sa kanila at sa harap ng iglesiya ang katibayan ng inyong pag-ibig at ang katibayan ng aming pagmamalaki sa inyo.

 

 

2 Mga Taga-Corinto 9

 

 1Sapagkat patungkol sa paglilingkod sa mga banal ay kinakailangang sumulat ako sa inyo. 2Ito ay sapagkat alam ko ang pananabik ninyo na siya kong ipinagmamalaki sa mga taga-Macedonia na kayong mga taga-Acaya ay handa na noon pang isang taon. At ang inyong pagsusumigasig ay pumukaw sa marami. 3Isinugo ko ang mga kapatid nang hindi mawalang saysay ang aking pagmamalaki sa inyo patungkol sa bagay na ito. Ayon sa aking sinabi: Kayo ay maging handa. 4Baka sumama sa akin ang ilan sa mga taga-Macedonia at makita kayong hindi handa, mapapahiya kami, sa tiyak na pagmamalaking ito. Kahit nalalaman naming maaaring higit kayong mapahiya sa bagay na ito. 5Kaya nga, naisip kong kinakailangang ipamanhik sa mga kapatid na mauna na sa pagpunta sa inyo. Isinugo ko sila upang ihanda ang inyong ipinangakong pagpapala at hindi sapilitang kaloob.

 

Masaganang Paghahasik

 

 6Ito ang sinasabi ko: Ang naghahasik ng kaunti ay aani naman ng kaunti. Ang naghahasik nang sagana ay aani naman nang sagana. 7Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasya ng kaniyang puso, hindi sa kalungkutan o sa pangangailangan sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay ng masaya. 8Magagawa ng Diyos na pasaganain sa inyo ang bawat biyaya upang sa lahat ng paraan ay magkaroon kayo ng kasapatan at sumagana kayo sa bawat mabuting gawa. 9Ayon sa nasusulat:
      Namamahagi siya sa malalayong dako,
      nagbigay siya sa mga mahihirap. Ang kaniyang
      katuwiran ay mananatili magpakailanman.

    10Ang nagbibigay ng binhi sa manghahasik at nagbibigay ng tinapay na makakain ay siya ring magpaparami ng inyong ani. Pararamihin din niya ang bunga ng inyong katuwiran. 11Sa lahat ng bagay ay payayamanin niya kayo sa inyong matapat na pagbibigay. Ito ay magdudulot sa amin ng pagpapasalamat sa Diyos.

   
 12Ang paglilingkod na ito ng pagbibigay ay hindi lang nagpupuno sa pangangailangan ng mga banal. Ito rin ay sumasagana sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Diyos. 13Sa pamamagitan ng katibayan ng paglilingkod na ito sila ay lumuluwalhati sa Diyos dahil sa inyong pagpapahayag ng inyong pagpapasakop sa ebanghelyo ni Cristo. At ito ay dahil na rin sa inyong pakikipag-isa sa matapat na pagbibigay para sa kanila at para sa lahat. 14Lumuluwalhati sila sa Diyos sa panalanging may paghiling para sa inyo, sila na nananabik sa inyo dahil sa nakakahigit na biyaya ng Diyos sa inyo. 15Ang pasasalamat ay sa Diyos dahil sa kaniyang hindi maipaliwanag na kaloob.

 

 

2 Mga Taga-Corinto 10

 

Ipinagtanggol ni Pablo ang Kaniyang Gawain ng Paglilingkod

 

 1Akong si Pablo ay namamanhik sa inyo sa pamamagitan ng kababaang-loob at kaamuan ni Cristo. Ako ay may mababang-loob kapag kaharap ninyo ngunit kapag hindi ay matapang. 2Isinasamo ko na kung ako ay kaharap na ninyo, hindi ako dapat matapang sa mga mananampalataya tulad ng aking balak na maging malakas ang loob sa ibang tao na nagtuturing sa amin na kami ay namumuhay ayon sa laman. 3Ito ay sapagkat kahit na namumuhay kami sa laman, hindi kami nakikipaglaban ayon sa laman. 4Ito ay sapagkat ang aming mga sandata sa labanang ito ay hindi pantao. Subalit ito ay makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos na makakapagpabagsak ng matitibay na kuta. 5Ibinabagsak nito ang mga pag-iisip at bawat matataas na bagay na nagtataas sa kaniyang sarili laban sa kaalaman ng Diyos. Dinadala nitong alipin ang bawat kaisipan patungo sa pagsunod kay Cristo. 6Ito ay handang maghiganti sa lahat ng pagsuway kapag naganap na ang inyong pagsunod.

   
 7Tinitingnan ba ninyo ang mga bagay sa panlabas na anyo? Kung ang sinuman ay naniniwala sa kaniyang sarili na siya ay kay Cristo, isipin niyang muli ito. Kung siya ay kay Cristo, kami rin naman ay kay Cristo. 8Kahit na ako man ay nagmamalaki nang lubos patungkol sa aming kapamahalaan, hindi ako mahihiya sapagkat ang kapamahalaan namin ay ibinigay ng Panginoon sa amin para sa inyong ikatitibay at hindi para sa inyong ikababagsak. 9Ito ay upang hindi ako maging parang nananakot sa inyo sa pamamagitan ng mga sulat. 10Ito ay sapagkat may nagsasabi: Ang mga sulat niya ay mabibigat at malalakas, ngunit kung nakaharap, siya ay mahina at ang kaniyang salita ay walang halaga. 11Isaalang-alang ito ng isang iyon. Kung papaano kami sa salita sa pamamagitan ng sulat kung kami ay wala, gayundin ang aming gawa kung kami ay nakaharap.

   
 12Ito ay sapagkat hindi kami naglakas ng loob na mabilang sa kanila o ihalintulad ang aming sarili sa ilan na nagtataas ng sarili. Subalit sila na sinusukat ang kanilang sarili sa kanilang sarili at inihahambing ang kanilang sarili sa kanilang sarili ay mga walang pang-unawa. 13Hindi kami magmamalaki patungkol sa sukat ng mga bagay na hindi masusukat subalit ayon sa sukat ng pananagutan na ibinigay ng Diyos sa amin, na sa sukat na ito ay kabahagi lalo na kayo. 14Hindi namin pinilit ang aming sarili na abutin kayo nang higit sa hinihingi ng Diyos sa amin sapagkat kayo rin naman ay inabot namin sa pamamagitan lamang ng ebanghelyo ni Cristo. 15Hindi namin ipinagmamalaki ang mga bagay na hindi namin kaya. Hindi namin ipinagmamalalaki ang mga gawa ng iba. Umaasa kami, na habang lumalago ang inyong pananampalataya, ay lubos na palalawakin ng Diyos, sa pamamagitan ninyo, ang aming gawain sa inyong kalagitnaan. 16Ito ay upang maipangaral ang ebanghelyo sa mga nayon sa malayo at hindi upang ipagmalaki ang gawain na nagawa na ng iba. 17Ngunit siya na nagmamalaki ay magmalaki sa Panginoon. 18Ito ay sapagkat hindi ang nagpaparangal sa kaniyang sarili ang katanggap-tanggap, kundi siya na pinararangalan ng Panginoon ang katanggap-tanggap.

 

 

2 Mga Taga-Corinto 11

 

Si Pablo at ang mga Hindi Tunay na mga Apostol

 

 1Pagtiisan ninyo ako nang kaunti sa aking kamangmangan. Subalit nagtitiis na nga kayong tunay sa akin. 2Ito ay sapagkat ako ay naninibugho sa inyo nang paninibughong mula sa Diyos dahil ipinagkatipan ko kayo sa isang lalaki upang maiharap ko kayo kay Cristo na isang dalisay na birhen. 3Subalit ako ay natatakot baka sa anumang paraan, tulad nang dayain ng ahas si Eba sa pamamagitan ng katusuhan, ay madumihan ang inyong kaisipan mula sa katapatan na na kay Cristo. 4Ito ay sapagkat kung may dumating na nangangaral ng ibang Jesus na hindi naman namin ipinangaral ay maaari ninyo itong pagtiisan. O kung may dumating na nangangaral ng ibang espiritu na hindi naman ninyo tinanggap ay maaari ninyo itong pagtiisan. O kung may dumating na nangangaral ng ibang ebanghelyo na hindi naman ninyo tinanggap ay maaari ninyo itong pagtiisan. 5Inaakala kong hindi ako huli sa anumang bagay sa kanila na nakakahigit na mga apostol. 6Kung ang aking pananalita ay para bang sa walang pinag-aralan, subalit sa kaalaman ay hindi. Ngunit sa bawat paraan, sa lahat ng bagay ay malinaw kaming nahahayag sa inyo.

   
 7Nagkasala ba ako sa pagpapakumbaba ko sa aking sarili upang kayo ay maitaas dahil walang bayad kong ipinangaral sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos? 8Ninakawan ko ang ibang iglesiya nang tumanggap ako ng kabayaran sa paglilingkod para sa inyo. 9Nang kasama ninyo ako at nangailangan ako, hindi ako naging pabigat sa kaninuman sapagkat ang kakulangan sa akin ay pinunan ng mga kapatid na mula sa Macedonia. Sa lahat ng bagay ay napanatili kong hindi maging pabigat sa inyo at ito ay pananatilihin ko. 10Kung papaanong ang katotohanan patungkol kay Cristo ay nasa akin, walang sinumang makakahadlang sa akin sa pagmamalaking ito sa mga lalawigan ng Acaya. 11Bakit ko ito ginagawa? Dahil ba sa hindi ko kayo iniibig? Alam ng Diyos na iniibig ko kayo. 12Anuman ang ginagawa ko ay patuloy kong gagawin upang huwag magka-roon ng pagkakataon ang mga naghahangad ng pagkakataon na makapagmalaki na sila ay kapantay namin.

   
 13Ito ay sapagkat ang mga gayon ay hindi tunay na mga apostol. Sila ay mga mandarayang manggagawa na nag-aanyong mga apostol ni Cristo. 14Hindi ito kataka-taka dahil si Satanas man ay nag-aanyong anghel ng liwanag. 15Hindi rin nga malaking bagay kung ang kaniyang mga tagapaglingkod ay mag-anyong mga tagapaglingkod ng katuwiran. Ang wakas ng mga ito ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.

 

Ang Pagsasabi ni Pablo ng mga Dinanas Niyang Paghihirap

 

 16Muli kong sinasabi: Huwag nawang isipin ng sinuman na ako ay isang hangal. Kung magkakagayon man dapat niya akong tanggaping tulad sa isang hangal upang makapagmalaki ako kahit kaunti. 17Ang sinasabi ko na pagmamalaking may pagtitiwala ay hindi ko sinasabi ayon sa Panginoon. Sinasabi ko ito tulad sa isang hangal. 18Yamang marami ang nagmamalaki ayon sa pamantayan ng tao, magmamalaki rin ako nang gayon. 19Pinababayaan ninyo ang mga hangal dahil kayo ay mga matatalino. 20Ito ay sapagkat pinababayaan ninyo kung inaalipin kayo ng sinuman, kung nilalamon kayo, kung kinukunan kayo ng anumang bagay. Gayundin, pinababayaan ninyo kung nagmamalaki ang sinuman sa inyo, kung sinasampal kayo ng sinuman. 21Nagsasalita ako sa aming kahihiyan, na kami ay parang mahina. Ngunit kung saan man may malakas ang loob, malakas din ang loob ko.
   Nagsasalita ako nito nang tulad sa isang hangal. 22Mga Hebreo ba sila? Ako rin. Sila ba ay taga-Israel? Ako rin. Mga lahi ba sila ni Abraham? Ako rin. 23Mga tagalingkod ba sila ni Cristo? Lalo na ako. Nagsasalita ako tulad sa isang hangal. Sa pagpapagal, sagana ako. Sa paghagupit, lalong higit. Sa pagkakabilanggo, lalong marami, sa kamatayan, madalas. 24Hinagupit ako ng mga Judio sa limang pagkakataon nang apatnapu, maliban sa isa. 25Tatlong ulit akong pinalo, binato akong minsan, tatlong ulit kong naranasan na nawasak ang barkong sinasakyan. Isang gabi at isang araw akong nasa laot. 26Madalas akong nasa paglalakbay, nasusuong sa panganib sa mga ilog, nasusuong sa panganib sa mandarambong. Nasusuong ako sa panganib mula sa sarili kong lahi, nasusuong sa panganib mula sa mga Gentil. Nasusuong sa panganib sa lungsod, nasusuong sa panganib sa ilang. Nasusuong ako sa panganib sa karagatan, nasusuong sa panganib mula sa mga hindi tunay na kapatiran. 27Madalas ako sa pagpapagal at mabibigat na paggawa. Madalas akong nagpupuyat, nagugutom at nauuhaw, madalas akong nag-aayuno, giniginaw at walang damit. 28Sa kabila ng mga bagay na panlabas, araw-araw ako ay ginigitgit ng pagmamalasakit sa mga iglesiya. 29Sino ang mahina at hindi ba ako mahina? Sino ang natitisod, hindi ba ako nag-aalab sa galit?

   
 30Kapag kinakailangan kong magmapuri, ipinagmamapuri ko ang aking mga kahinaan. 31Ang Diyos na pinupuri magpakailanman at Ama ng ating Panginoong Jesucristo ang nakakaalam na ako ay hindi nagsisinungaling. 32Sa Damasco, ang namamahalang pinuno sa ilalim ng kapangyarihan ni haring Aretas ay nagbabantay sa lungsod ng mga taga-Damasco. Ibig niya na ako ay kaniyang mahuli. 33Sa pamamagitan ng isang tiklis ako ay inihugos sa bintana pababa sa kabila ng pader at nakaligtas ako sa kaniyang mga kamay.

 

 

2 Mga Taga-Corinto 12

 

Ang Pangitain ni Pablo at ang Tinik na Ibinigay ng Diyos sa Kaniya

 

 1Ang magmalaki ay hindi kapakinabangan sa akin. Paparito ako sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon. 2May alam akong isang lalaki na na kay Cristo. Hindi ko alam kung ito ay sa katawan o wala sa katawan, ang Diyos ang siyang nakakaalam. Labing-apat na taon na ang nakalipas, ang lalaking ito ay inagaw paitaas sa ikatlong langit. 3May alam akong isang lalaki. Kung ito ay sa katawan o wala sa katawan hindi ko alam, ang Diyos ang nakakaalam. 4Siya ay inagaw paitaas sa paraiso at nakarinig ng mga salitang hindi mabibigkas. Hindi ito ipinahihintulot na sabihin sa tao. 5Magmamalaki ako patungkol sa lalaking ito, ngunit hindi ako magmamalaki patungkol sa aking sarili maliban sa aking kahinaan. 6Ito ay sapagkat ibig ko mang magmalaki, ako ay hindi magiging hangal dahil totoo ang aking sasabihin. Magtitiis na lang ako at baka may mag-isip sa akin nang higit pa sa nakikita niya sa akin o anumang naririnig patungkol sa akin.

   
 7Upang hindi ako magmataas dahil sa kalakhan ng mga pahayag sa akin, ibinigay sa akin ang tinik sa laman. Ito ay sugo ni Satanas na magpapahirap sa akin upang hindi ako magmataas. 8Dahil dito, ipinamanhik ko nang tatlong ulit sa Panginoon na ito ay maalis sa akin. 9Sinabi niya sa akin: Sapat sa iyo ang aking biyaya dahil ang aking kapangyarihan ay nalulubos sa kahinaan. Kaya nga, lalo akong magmamapuri sa aking kahinaan upang manahan sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10Kaya nga, ako ay malulugod sa mga kahinaan, sa mga panlalait, sa pangangailangan, sa pag-uusig, sa kagipitan alang-alang kay Cristo sapagkat kung kailan ako mahina, saka ako malakas.

 

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto

 

 11Sa pagmamalaki natulad ako sa isang hangal, kayo ang nagtulak sa akin sapagkat dapat ipinagmapuri ninyo ako. Hindi naman ako nahuhuli sa mga napakadakilang apostol kahit na ako ay wala naman. 12Tunay na ang mga tanda ng apostol ay ginawa sa inyo sa lahat ng pagtitiis, sa mga tanda at sa kamangha-manghang mga gawa at mga himala. 13Saan kayo nakakababa sa ibang mga iglesiya, maliban na lamang sa hindi ko pagiging pabigat sa inyo? Patawarin ninyo ako sa kamalian kong ito.

   
 14Narito, sa ikatlong pagkakataon handa akong pumunta sa inyo at hindi ako magiging pabigat sa inyo sapagkat hindi ko hinahangad ang mga bagay na nasa inyo kundi kayo. Ang mga anak ay hindi nag-iipon para sa mga magulang kundi ang mga magulang para sa mga anak. 15Higit akong maligaya na gugugol at lubos na magpagugol para sa inyong kaluluwa, kahit na kung sagana ang pag-ibig ko sa inyo, ay kakaunti ang pag-ibig sa akin. 16Magkagayunman, hindi ako naging pabigat sa inyo, subalit sa pagiging tuso, nalinlang ko kayo. 17Nagsamantala ba ako sa inyo sa pamamagitan ng sinuman sa kanila na isinugo ko sa inyo? 18Ipinamanhik ko kay Tito at isinugo kasama niya ang isang kapatid. Nagsamantala ba sa inyo si Tito? Hindi ba namuhay kami sa iisang espiritu? Hindi ba namuhay kami sa gayunding mga hakbang?

   
 19Muli, iniisip ba ninyo na kami ay nagtatanggol ng aming sarili sa inyo? Sa harap ng Diyos, kami ay nagsasalita kay Cristo. Minamahal, ginagawa namin ang lahat ng mga bagay para sa inyong ikatitibay. 20Ito ay sapagkat sa pagdating ko, natatakot ako na hindi ko kayo masumpungan tulad ng ibig ko. Natatakot ako na masumpungan ninyo ako tulad ng hindi ninyo ibig sa akin. Baka magkaroon ng paglalaban-laban, inggitan, poot, pakikipagtunggalian, paninirang puri, pagsisitsit, pagmamalakihan at kaguluhan. 21Baka sa pagdating ko, ibaba ako ng Diyos sa harapan ninyo at ako ay manangis dahil sa kanila na nagkasala roon. Hindi sila nagsisi sa karumihan at pakikiapid at kahalayan na kanilang ipinamuhay.

 

 

2 Mga Taga-Corinto 13

 

Mga Huling Babala

 

 1Ito ang ikatlong pagkakataong pupunta ako sa inyo. Sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ang lahat ng bagay ay mapagtitibay. 2Sinabi ko na sa inyo noon at aking ipinapaunang-sabi na parang ako ay naririyan sa inyo sa ikalawang pagkakataon. Ngayong wala ako riyan, sumusulat ako sa mga nagkasala noon at sa lahat. Sa pagpunta ko, hindi ko palalampasin ang mga nagkasala. 3Yaman ngang naghahanap kayo ng katibayan ng pagsasalita sa akin ni Cristo na para sa inyo ay hindi mahina kundi makapangyarihan sa inyo. 4Ito ay sapagkat kung sa kahinaan, siya ay ipinako sa krus, siya naman ay nabubuhay sa kapangyarihan ng Diyos. Ito ay sapagkat sa kaniya tayo ay totoong mahina, ngunit mabubuhay tayong kasama niya sa kapangyarihan ng Diyos sa inyo.

   
 5Suriin ninyo ang inyong sarili kung kayo ay nasa pananampalataya, subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo kinikilala ang inyong sarili, na si Cristo ay nasa inyo, maliban na lang kung kayo ay mga itinakwil? 6Inaasahan ko na malalaman ninyo na tayo ay mga hindi itinakwil. 7Idinadalangin ko sa Diyos na huwag kayong gumawa ng anumang masama. Ito ay hindi upang kami ay maging karapat-dapat, subalit magawa ninyo ang tama kahit na kami ay tulad ng mga itinakwil. 8Ito ay sapagkat wala kaming kapangyarihan laban sa katotohanan kundi para sa katotohanan. 9Ito ay sapagkat kami ay nagagalak kung kami ay mahina at kayo ay malakas. Hinahangad din namin ang inyong pagiging-ganap. 10Sumusulat ako sa inyo ngayon upang sa aking pagdating ay hindi ako maging marahas sa inyo ayon sa kapamahalaan na ibinigay ng Panginoon sa akin para sa inyong ikatitibay at hindi sa inyong ikawawasak.

 

Mga Panghuling Pagbati

 

 11Sa katapusan, mga kapatid, paalam. Maging ganap kayo, magkaroon kayo ng lakas ng loob, magkaisa kayo ng pag-iisip. Mamuhay kayo ng payapa. At ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ang sumainyo.

   
 12Batiin ninyo ang isa't isa ng banal na halik. 13Ang lahat ng mga banal ay bumabati sa inyo.

   
 14Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo at ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikipag-isa ng Banal na Espiritu ang sumainyong lahat. Siya nawa!

 

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Mga Taga-Galacia

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56

 

Mga Taga-Galacia 1

 

 1Akong si Pablo ay isang apostol, hindi nagmula sa tao, ni sa pamamagitan ng tao. Ako ay apostol sa pamamagitan ni Jesucristo at sa pamamagitan ng Diyos Ama na nagbangon sa kaniya mula sa mga patay. 2Kasama ang lahat ng mga kapatid na naririto, sumusulat ako sa mga iglesiya sa Galacia.

   
 3Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa ating Panginoong Jesucristo. 4Siya ang nagbigay ng kaniyang sarili para sa ating mga kasalanan upang iligtas tayo mula sa kasalukuyang kapanahunan na masama, ayon sa kalooban ng Diyos at ating Ama. 5Sumakaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Siya nawa.

 

Walang Ibang Ebanghelyo

 

 6Ako ay namamangha sa kaparaanan kung bakit napakadali ninyong lumayo mula sa tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo patungo sa kakaibang uri ng ebanghelyo. 7Hindi ito talagang kakaibang ebangheyo maliban na may ilang mga tao na gumugulo sa inyo. Ibig nilang palitan ang ebanghelyo ni Cristo. 8Subalit kahit kami o isang anghel man na mula sa langit ay mangaral ng ebanghelyo na salungat sa ipinapangaral namin sa inyo, sumpain nawa siya ng Diyos. 9Gaya ng nasabi na namin noong una pa, sasabihin ko ulit ngayon: Kung ang sinuman ay nangangaral nang salungat sa ebanghelyo na inyong natanggap, sumpain nawa siya ng Diyos.

   
 10Sapagkat hinihikayat ko ba ngayon ang mga tao o ang Diyos? Ako ba ay naghahangad upang magbigay-lugod sa mga tao? Ito ay sapagkat kung sa mga tao pa ako nagbibigay-lugod, hindi na ako dapat maging alipin ni Cristo.

 

Tinawag ng Diyos si Pablo

 

 11Mga kapatid, ipinaalam ko sa inyo, na ang ebanghelyo na ipinangaral ko ay hindi nagmula sa tao. 12Ito ay sapagkat hindi ko ito tinanggap mula sa tao, ni itinuro man ito ng tao sa akin. Bagkus, ipinahayag ito ni Jesucristo sa akin.

   
 13Sapagkat narinig na ninyo ang patungkol sa dati kong paraan ng pamumuhay noong ako ay sakop pa ng Judaismo. Labis kong pinag-uusig ang iglesiya ng Diyos at winawasak ko ito. 14Nahigitan ko sa pagtupad sa mga kaugaliang Judaismo ang mga kasinggulang ko na aking kalahi. Ako ay nagsumigasig ng labis sa pagsunod sa mga kaugalian ng aking mga ninuno. 15Nasa sinapupunan pa lamang ako ng aking ina, pinili na ako ng Diyos at tinawag na niya ako sa pamamagitan ng kaniyang biyaya. 16Ikinalugod ng Diyos na mahayag sa akin ang kaniyang Anak upang maipangaral ko siya sa mga Gentil. Hindi ako sumangguni agad sa tao. 17Hindi rin ako umahon sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na nauna sa akin. Sa halip, ako ay nagpunta sa Arabia at pagkatapos ay nagbalik sa Damasco.

   
 18Makalipas ang tatlong taon, umahon ako sa Jerusalem upang makipagkilala kay Pedro. Tumira akong kasama niya sa loob ng dalawang linggo. 19Ngunit wala akong nakitang ibang apostol maliban kay Santiago na nakakabatang kapatid ng Panginoon. 20Patungkol sa mga bagay na ito na aking sinusulat, pinatutunayan ko sa harap ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling. 21Pagkatapos, pumunta ako sa mga lupain ng Siria at Cilicia. 22Hindi pa kilala ng mga iglesiya ni Cristo sa Judea ang aking mukha. 23Narinig lang nila ang patungkol sa akin. Narinig nila na: Ang lalaking dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng ebanghelyo. Ipinangangaral niya ang pananampalatayang dati ay kaniyang winawasak. 24At niluwalhati nila ang Diyos dahil sa akin.

 

Mga Taga-Galacia 2

 

Tinanggap ng mga Apostol si Pablo

 

 1Makalipas ang labing-apat na taon, umahon akong muli sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito. 2Umahon ako ayon sa inihayag ng Diyos sa akin at ipinaliwanag ko sa kanila ang ebanghelyo na aking ipinangaral sa mga Gentil. Ngunit sa mga ipinapalagay na nasa matataas na katungkulan ay ipinaliwanag ko nang sarilinan ang ebanghelyo, baka ako ay tumatakbo o tumakbo ng walang katuturan. 3Bagaman si Tito na kasama ko ay isang Griyego, hindi nila siya napilit na magpatuli. 4Ito ay kagagawan ng ilang hindi tunay na mga kapatid na pumasok ng palihim upang matyagan ang kalayaang tinaglay namin kay Cristo Jesus nang sa gayon gawin nila kaming mga alipin. 5Hindi kami nagpailalim sa kanila kahit sandaling panahon lamang upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatili sa inyo.

   
 6Ngunit ang mga lalaking ipinapalagay na mga may katungkulan sa akin, walang anuman sa akin kung sino sila. Hindi tinatanggap ng Diyos ang tao batay sa kaniyang panlabas na kaanyuan sapagkat iyon na wari ay kinikilalang mga may matataas na katungkulan ay walang ano mang naidagdag sa aking itinuro. 7Sa halip, nakita nila na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos ang ebanghelyo para sa mga hindi nasa pagtutuli. Ito ay gaya rin naman ng pagkakatiwala niya ng ebanghelyo kay Pedro para sa mga nasa pagtutuli. 8Ito ay sapagkat ang Diyos na gumawa kay Pedro upang maging apostol sa mga tuli ay siya ring Diyos na gumawa sa akin para sa mga Gentil. 9Si Santiago, Cefas at Juan ang mga kinilalang mga haligi. Nang maunawaan nila ang biyayang ibinigay ng Diyos sa akin, iniabot nila ang kanilang kanang kamay ng pakikisama kay Bernabe at sa akin. Ibinigay nila ito upang kami ay pumaroon sa mga Gentil at sila naman ay sa mga Judio na mga tuli. 10Ang kahilingan lamang nila ay huwag naming kalilimutan ang mga dukha na siya ko rin namang pinagsisikapang gawin.

 

Sinalungat ni Pablo si Pedro

 

 11Nang si Pedro ay dumating sa Antioquia, tinutulan ko siya nang harapan dahil siya ay mali. 12Ito ay sapagkat nang hindi pa dumarating ang ilang lalaking galing kay Santiago, siya ay kumakaing kasalo ng mga Gentil. Ngunit nang sila ay dumating, lumayo siya at humiwalay dahil sa takot siya sa mga nasa pagtutuli. 13At ang ibang Judio ay sumama na rin sa kaniyang pagkukunwari, kaya maging si Bernabe ay nahikayat na rin ng kanilang pagkukunwari.

   
 14Subalit nakita kong hindi sila lumalakad ng matuwid ayon sa katotohanan ng ebanghelyo. Dahil dito, sinabi ko kay Pedro sa harap ng lahat: Ikaw na isang Judio ay namumuhay nang tulad ng mga Gentil at hindi tulad ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Gentil na mamuhay tulad ng mga Judio?

   
 15Kami ay likas na mga Judio, at hindi kami mga makasalanang Gentil. 16Alam natin na ang isang tao ay hindi pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng gawa ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Tayo rin ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang tayo ay mapaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kautusan. Kaya nga, walang sinumang mapapaging-matuwid sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kautusan.

   
 17Kung habang nagsisikap tayong mapaging-matuwid sa pamamagitan ni Cristo, ay nasumpungan pa tayo sa ating mga sarili na mga makasalanan, si Cristo ba, kung gayon, ay tagapaglingkod ng kasalanan? Huwag nawang mangyari. 18Ito ay sapagkat kung itatayo kong muli ang mga bagay na winasak ko na, pinatutunayan ko lamang na ako ay isang manlalabag ng kautusan. 19Ito ay sapagkat ako, sa pamamagitan ng kautusan ay namatay sa kautusan, upang ako ay mabuhay sa Diyos. 20Napako ako sa krus na kasama ni Cristo, gayunman ako ay nabubuhay. Ngunit hindi na ako ang nabubuhay kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. Ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya ng Anak ng Diyos na siyang umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin. 21Hindi ko winalang-kabuluhan ang biyaya ng Diyos sapagkat kung ang pagiging-matuwid ay sa pamamagitan ng kautusan, si Cristo ay namatay ng walang-kabuluhan.

 

 

Mga Taga-Galacia 3

 

Pananampalataya o Pagsunod sa Kautusan

 

 1 O mangmang na mga taga-Galacia, sino ang bumighani sa inyo upang huwag ninyong sundin ang katotohanan? Malinaw naming ipinaliwanag sa inyo ang patungkol kay Jesucristo na ang mga tao ang nagpako sa kaniya. 2Ito lamang ang ibig kong malaman mula sa inyo: Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig na may pananampalataya? 3Ganyan ba kayo kamangmang? Kayo ay nagsimula sa pamamagitan ng Espiritu. Kayo ba ngayon ay ginawang ganap sa pamamagitan ng gawa ng tao? 4Kayo ba ay naghirap sa maraming bagay para lang sa walang kabuluhan, kung ito nga ay walang kabuluhan? 5Ibinibigay ng Diyos sa inyo ang kaniyang Espiritu at gumagawa ng mga himala sa inyong kalagitnaan. Kaya nga, ginawa ba niya ito sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan o sa pamamagitan ng pakikinig na may pananampalataya?

   
 6Sa ganito ring paraan, si Abraham
      ay sumampalataya sa Diyos at iyon ay ibinilang
      sa kaniya na katuwiran.

    7Kaya nga, alamin ninyo na ang mga anak ni Abraham ay mga sumasampalataya. 8Nakita na nang una pa sa kasulatan na pinapaging-matuwid ng Diyos ang mga Gentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Noon pa ay ipinahayag na ng kasulatan ang ebanghelyo kay Abraham:
      Pagpapalain ng Diyos ang lahat ng bansa sa
      pamamagitan mo.

    9Ito ay upang ang may pananampalataya ay pinagpapalang kasama ni Abraham na sumampalataya.

   
 10Ito ay sapagkat ang lahat ng nasa ilalim ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa, dahil nasusulat:
      Sinumpa ang lahat ng mga hindi nagpapatuloy
      sa paggawa ng lahat ng mga bagay na nakasulat
      sa aklat ng kautusan.

    11Ngunit maliwanag na walang sinumang pinapaging-matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat
      ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng
      pananampalataya.

    12Ngunit ang kautusan ay hindi sa pananampalataya. Subalit
      ang taong gumaganap ng mga bagay na ito ay
      mabubuhay sa pamamagitan nito.

    13Nang si Cristo ay naging sumpa nang dahil sa atin, tinubos niya tayo mula sa sumpa ng kautusan sapagkat nasusulat:
      Sumpain ang sinumang ibinibitin sa punongkahoy.

    14Ito ay upang ang pagpapalang ibinigay ng Diyos kay Abraham ay dumating sa mga Gentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Ito ay upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay matanggap natin ang ipinangakong Espiritu.

 

Ang Kautusan at ang Pangako

 

 15Mga kapatid, ako ay nagsasalita ayon sa pananalita ng tao. Kahit na ito ay tipan lamang ng tao, kung ito ay pinagtibay, walang sinumang nagpapawalang-bisa o nagdadagdag nito. 16Ngunit ngayon, ang mga pangako ay sinabi kay Abraham at sa kaniyang binhi. Hindi sinabi: Sa mga maraming binhi. Sa halip, ay sa iisa sinabi: At sa iyong binhi, at ang binhing iyan ay si Cristo. 17Ngayon ay sinasabi ko ito: Ang tipan ay pinagtibay na ng Diyos noong una pa man kay Cristo. Pagkalipas ng apat na raan at tatlumpung taon, ang kautusan ay dumating ngunit hindi nito binawi sa tipan at hindi nito pinawalang-bisa ang pangako. 18Ito ay sapagkat kung ang mana ay nakabatay sa kautusan, ito ay hindi na nakabatay sa pangako. Ngunit ang mana ay ipinagkaloob ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng pangako.

   
 19Kaya nga, ano ang layunin ng kautusan? Ito ay idinagdag ng Diyos dahil sa pagsalansang, hanggang sa dumating ang binhi, na siyang binigyan ng pangako. Ang kautusan ay itinakda sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan. 20Ang tagapamagitan ay hindi para sa isang panig lamang, ngunit ang Diyos ay iisa.

   
 21Kaya nga, kung magkagayon, ang kautusan ba ay laban sa mga pangakong ibinigay ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Ito ay sapagkat kung maaring makapagkaloob ng isang kautusan na makakapagbigay ng buhay, tunay ngang ang pagpapaging-matuwid ay sa pamamagitan ng kautusan. 22Subalit ang hangganang itinakda ng kasulatan ay, ang bawat isa ay nasa ilalim ng kasalanan upang ang pangako na dumating sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo ay maibigay sa lahat ng mga nananampalataya.

   
 23Ngunit bago dumating ang pananampalataya, tayo ay nabilanggo sa ilalim ng kautusan, at nilagyan ng hangganan para sa pananampalataya na ihahayag pagkatapos. 24Kaya nga, ang kautusan ang naging patnugot natin upang tayo ay dalhin kay Cristo at upang tayo ay mapaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 25Ngayon, kapag dumating na ang pananampalataya, tayo ay hindi na sa ilalim ng isang patnugot.

 

Mga Anak ng Diyos

 

 26Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus kayong lahat ay naging mga anak ng Diyos. 27Ito ay sapagkat lahat kayong binawtismuhan kay Cristo, ay ibinihis ninyo si Cristo. 28Walang pagkakaiba sa Judio at sa Griyego. Walang alipin o malaya man. Walang lalaki o babae sapagkat iisa kayong lahat kay Cristo Jesus. 29Yamang kayo ay kay Cristo, binhi kayo ni Abraham at mga tagapagmana ayon sa pangako.

 

 

Mga Taga-Galacia 4

 

 1Ngayon ay sinasabi: Habang ang tagapagmana ay bata pa, wala siyang pagkakaiba sa isang alipin, bagaman siya ay panginoon ng lahat. 2Subalit siya ay nasa ilalim pa ng mga tagapag-alaga at mga katiwala hanggang sa panahong unang itinakda ng ama. 3Gayundin naman tayo nang tayo ay mga sanggol pa, tayo ay mga alipin sa ilalim ng mga pangunahing aral ng sanlibutan. 4Ngunit nang ang takdang panahon ay dumating, isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak na ipinanganak ng isang babae at ipinanganak sa ilalim ng kautusan. 5Ito ay upang tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan at upang matanggap natin ang pagkaampon bilang mga anak. 6Sapagkat kayo ay mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kaniyang Anak sa inyong mga puso na tumatawag: Abba, Ama. 7Kaya nga, ikaw ay hindi na isang alipin, subalit isa nang anak. At kung ikaw ay isang anak, ikaw rin naman ay tagapagmana ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.

 

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia

 

 8Subalit totoo nga na nang panahong hindi ninyo nakikilala ang Diyos, kayo ay naglilingkod sa mga bagay na likas na hindi mga diyos. 9Ngunit ngayon, nakilala na ninyo ang Diyos, o kaya ay nakilala na kayo ng Diyos. Papaanong kayo ay muling nagbabalik sa mahihina at mga espirituwal na kapangyarihan na walang kabuluhan? Bakit ibig ninyong muling maging alipin nila? 10Ipinangingilin ninyo ang mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon. 11Nangangamba ako sa inyo, baka sa ano mang paraan ay masayang lamang ang mga pagpapagal ko para sa inyo.

   
 12Mga kapatid, isinasamo ko sa inyo: Tumulad kayo sa akin dahil katulad din ninyo ako at wala kayong ginawang anumang masama sa akin. 13Ngunit nalalaman ninyo na sa aking kahinaan sa katawan, sa inyo ko unang ipinangaral ang ebanghelyo. 14Ang pagsubok na nasa aking katawan ay hindi ninyo hinamak o itinakwil man. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang isang anghel ng Diyos, na parang ako si Cristo Jesus. 15Ano kung gayon itong pagiging mapalad na inyo nang tinanggap? Ito ay sapagkat aking pinatotohanan na kung maaari nga lang ninyong dukitin ang inyong mga mata, dinukit na sana ninyo ang mga ito at ibinigay sa akin. 16Dahil ba sa sinabi ko sa inyo ang katotohanan, ngayon ay naging kaaway na ninyo ako?

   
 17Ang kanilang kasigasigan sa inyo ay hindi sa tamang paraan. Ibig lamang nila kayong ilayo sa amin upang ibaling ninyo sa kanila ang inyong kasigasigan. 18Mabuting maging masigasig sa paggawa sa lahat ng panahon, hindi lamang kung ako ay kaharap ninyo. 19Mumunti kong mga anak, muli akong naghihirap tulad ng sa panganganak hanggang si Cristo ay mahubog sa inyo. 20Ibig ko sanang makaharap ko kayo ngayon at magbago ng aking himig ng pananalita sapagkat naguguluhan ang aking isip patungkol sa inyo.

 

Si Hagar at si Sara

 

 21Kayong ibig na mapasa-ilalim ng kautusan, magsabi kayo sa akin: Hindi ba ninyo naririnig kung ano ang sinasabi ng kautusan? 22Sapagkat sinasabi ng kasulatan na si Abraham ay may dalawang anak na lalaki. Ang isa ay anak sa aliping babae at ang isa ay anak sa babaeng malaya. 23Subalit ang anak sa aliping babae ay isinilang ayon lamang sa paraan ng laman at ang anak sa malayang babae ay isinilang sa pamamagitan ng pangako.

   
 24Ang mga bagay na ito ay mga paghahambing sapagkat ang dalawang babaeng ito ay kumakatawan sa dalawang tipan. Ang isa ay mula sa bundok ng Sinai. Siya ay manganganak ng anak sa pagkaalipin. Ang babaeng ito ay si Hagar. 25Ito ay sapagkat si Hagar ay kumakatawan sa bundok ng Sinai na nasa bansang Arabia. Siya ang tumutukoy sa Jerusalem sa ngayon at ang kaniyang mga anak ay nasa pagkaalipin. 26Ngunit ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya. Siya ang ina nating lahat. 27Ito ay sapagkat nasusulat:
      O babaeng baog na hindi nanganganak, magalak
      ka, sumigaw ka, ikaw na hindi nagdaramdam sa
      panganganak sapagkat higit na marami ang
      anak ng babaeng pinabayaan kaysa sa babaeng
      may-asawa.

   
 28Ngunit tayo, mga kapatid, ay katulad ni Isaac na mga anak sa pangako. 29Subalit sa panahong iyon, ang anak na isinilang ayon sa laman ay umusig sa anak na isinilang ayon sa Espiritu. Gayundin naman ngayon. 30Subalit ano ang sinasabi ng kasulatan? Ito ay nagsasabi:
      Palayasin ang aliping babae at ang kaniyang
      anak. Ito ay sapagkat ang anak ng aliping babae
      ay hindi kailanman magmamana ng kasama ng
      anak ng malayang babae.

    31Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng aliping babae kundi ng babaeng malaya.

 

 

Mga Taga-Galacia 5

 

Kalayaan kay Cristo

 

 1Tayo ay pinalaya ni Cristo. Magpakatatag kayo sa kalayaang ito at huwag na ninyong hayaang ang sinuman na dalhin kayong muli sa pamatok ng pagkaalipin.

   
 2Narito, akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo: Kapag kayo ay nagpailalaim sa pagtutuli, si Cristo ay walang pakinabang para sa inyo. 3Muli akong nagpapatotoo sa bawat lalaking nasa ilalim ng pagtutuli, siya ay may pananagutang tuparin ang buong kautusan. 4Kung kayo ay pinapaging-matuwid ng kautusan, kayo ay napahiwalay na kay Cristo. Nahulog na kayo mula sa biyaya. 5Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, ayon sa pananampalataya, tayo ay may pananabik na naghihintay sa pag-asa ng katuwiran. 6Ito ay sapagkat, kay Cristo Jesus, ang pagiging nasa pagtutuli at ang hindi pagiging nasa pagtutuli ay walang halaga. Subalit ang may kahalagahan ay ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.

   
 7Mahusay ang inyong pagtakbo. Sino ang humadlang sa inyo upang huwag sundin ang katotohanan? 8Ang panghihikayat na ito ay hindi nagmula doon sa tumawag sa inyo. 9Ang kaunting pampaalsa ang nagpapaalsa ng buong masa ng harina. 10Ako ay nagtitiwala sa Panginoon na kayo ay hindi na mag-iisip ng iba pa man. Ang gumagambala sa inyo ay tatanggap ng kaniyang kahatulan, maging sinuman siya. 11Ngunit mga kapatid, kung ipinapangaral ko pa ang pagiging nasa pagtutuli, bakit pa nila ako pinag-uusig? Kung gayon ay tumigil na ang katitisuran sa krus. 12Para doon sa mga nanggugulo sa inyo, ang nais ko ay putulin na sila ng lubusan.

   
 13Ngayon mga kapatid, tinawag kayo ng Diyos upang kayo ay maging malaya. Huwag lamang ninyong gamitin ang inyong kalayaan na maging pagkakataon para sa makalamang pita. Sa halip, sa pamamagitan ng pag-ibig ay maglingkod kayo sa isa't isa. 14Ito ay sapagkat sa isang salita ay natupad ang buong kasulatan:
      Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo
      sa iyong sarili.

    15Ngunit kung kayo ay magkakagatan at magsasakmalan sa isa't isa, mag-ingat kayo, na hindi ninyo maubos ang isa't isa.

 

Ang Buhay sa Pamamagitan ng Espiritu

 

 16Ngunit sinasabi ko: Mamuhay kayo ayon sa Espiritu upang hindi ninyo tuparin ang mga nasa ng laman. 17Ito ay sapagkat ang ninanasa ng laman ay laban sa Espiritu at ang ninanasa ng Espiritu ay laban sa laman. Sila ay magkasalungat sa isa't isa. Ito ay upang hindi mo gawin ang mga bagay na ibig mong gawin. 18Ngunit yamang kayo ay pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng kautusan.

   
 19Ngayon ang mga gawa ng laman ay nahahayag. Ang mga ito ay ang pangangalunya, pakikiapid, karumihan, kahalayan. 20Mga pagsamba sa diyos-diyosan, pangkukulam, pag-aalitan, paglalaban-laban, paninibugho, pag-uumapaw sa poot, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, pagkakampi-kampi. 21Mga pagkainggit, pagpatay, paglalasing, magulong pagtitipon at mga bagay na tulad ng mga ito. Ito ay ipina-paunang sabi ko sa inyo katulad ng sinabi ko sa inyo noong una. Ang mga gumagawa ng ganoong mga bagay ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos.

   
 22Ngunit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kagandahang loob, kabutihan, pananampalataya, 23kaamuan, pagpipigil sa sarili. Walang kautusan laban sa mga bagay na ito. 24Ngunit naipako na sa krus ng mga na kay Cristo ang laman kasama ang mga masasamang pita at mga pagnanasa nito. 25Yamang tayo ay nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, nararapat lamang na tayo ay lumakad ng ayon sa Espiritu. 26Huwag tayong maghangad pa ng karangalang walang kabuluhan na kung hangarin natin ito, magkakainisan at magkakainggitan tayo sa isa't isa.

 

 

Mga Taga-Galacia 6

 

Paggawa ng Mabuti sa Lahat ng Tao

 

 1Mga kapatid, kapag natagpuan ang isang tao sa pagsalangsang, kayong mga taong sumusunod sa Espiritu ang magpanumbalik sa kaniya sa espiritu ng kaamuan. Ngunit mag-ingat kayo sa inyong sarili na baka kayo naman ay matukso. 2Batahin ninyo ang pasanin ng bawat isa't isa. Sa ganitong paraan ay tinutupad ninyo ang kautusan ni Cristo. 3Ito ay sapagkat kapag iniisip ng sinuman na siya ay mahalaga, na hindi naman siya mahalaga, dinadaya niya ang kaniyang sarili. 4Ngunit suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga gawa. Kung magkagayon, makakapagmapuri siya sa kaniyang sarili lamang at hindi sa iba. 5Ito ay sapagkat ang bawat isa ay dapat magbata ng bahagi na dapat niyang pasanin.

   
 6Ang mga tinuturuan sa salita ay dapat magbahagi ng mabubuting bagay sa mga nagtuturo.

   
 7Huwag ninyong hayaang kayo ay mailigaw. Hindi mo maaaring libakin ang Diyos sapagkat anuman ang inihasik ng isang tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8Ang naghahasik sa kaniyang laman ay mag-aani ng kabulukang mula sa laman. Ngunit ang naghahasik sa Espiritu ay mag-aani ng buhay ng walang hanggan. 9Ngunit kung tayo ay gumagawa ng mabuti, hindi tayo dapat na panghinaan ng loob. Ito ay sapagkat tayo ay aani kung hindi tayo manlulupaypay sa pagdating ng takdang panahon. 10Kaya nga, habang tayo ay may pagkakataon pa, gumawa tayo nang mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.

 

Hindi sa Pagtutuli Kundi ang Bagong Nilalang ng Diyos

 

 11Tingnan ninyo, kung gaano kalaki ang mga titik na isinulat ko sa inyo sa pamamagitan ng sarili kong kamay.

   
 12Ang mga pumipilit sa inyo na kayo ay maging nasa pagtutuli ay sila na ang ibig lamang ay maging maganda sa panlabas na anyo. Ipinipilit nila ito upang huwag silang usigin ng mga tao dahil sa krus ni Cristo. 13Ito ay sapagkat kahit na ang mga lalaking iyon ay nasa pagtutuli, sila ay hindi tumutupad sa kautusan. Subalit upang may maipagmapuri sila sa inyong katawan, ibig nila na kayo ay maging nasa pagtutuli. 14Sa ganang akin, huwag nawang mangyari na ako ay magmapuri maliban lamang patungkol sa krus ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niya, ang sanlibutan ay napako sa krus sa akin at ako ay napako sa krus sa sanlibutan. 15Ito ay sapagkat walang halaga kay Cristo ang pagiging nasa pagtutuli at ang hindi pagiging nasa pagtutuli, kundi ng pagiging bagong nilalang lamang. 16Kapayapaan at kahabagan ang sumakanilang lahat na lumalakad ayon sa tuntuning ito, maging sa Israel ng Diyos.

   
 17Mula ngayon ay huwag na akong bagabagin ng sinuman, sapagkat taglay ko sa aking katawan ang mga marka ng Panginoong Jesus.

   
 18Mga kapatid ko, ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyong espiritu. Siya nawa!

 

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Mga Taga-Efeso

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56

Mga Taga-Efeso 1

 

 1Akong si Pablo, na apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ay sumusulat sa mga banal na nasa Efeso at sa mga tapat kay Cristo Jesus.


 2Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.

Pagpapalang Espirituwal sa Pamamagitan ni Cristo

 3Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo na siyang nagpala sa atin ng bawat pagpapalang espirituwal sa kalangitan sa pamamagitan ni Cristo. 4Ito ay ayon sa pagpili niya sa atin kay Cristo bago itinatag ang sanlibutan upang tayo maging mga banal at walang kapintasan sa harapan niya sa pag-ibig. 5Tayo ay tinalaga niya nang una pa upang ampunin sa kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jesucristo ayon sa kaniyang kalooban. 6Ito ay sa kapurihan ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na kung saan tayo ay ginawa niyang katanggap-tanggap sa kaniyang minamahal. 7Na sa kaniya, ayon sa kasaganaan ng kanyang biyaya, tayo ay mayroong katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran sa mga kasalanan. 8Pinasagana niya ang mga ito para sa atin sa lahat ng karunungan at kaalaman. 9Ginawa niya ito pagkatapos niyang ipaalam sa atin ang lahat ng hiwaga ng kaniyang kalooban ayon sa kaniyang mabuting kaluguran na nilayon niya sa kaniyang sarili. 10Ito ay para sa pangangasiwa ng kaganapan ng mga panahon na ang lahat ng mga bagay ay kaniyang pag-isahin kay Cristo, kapwa mga bagay sa kalangitan at mga bagay sa lupa.

   
 11Sa kaniya rin tayo ay nagkamit ng mana. Itinalaga niya tayo nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa layunin ng kaniyang kalooban. 12Ito ay upang tayo na mga naunang nagtiwala kay Cristo ay maging sa kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian. 13Sumampalataya rin kayo kay Cristo, pagkarinig ninyo ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan. Sa kaniya rin naman, pagkatapos ninyong sumampalataya, ay tinatakan kayo ng Banal na Espiritu na ipinangako. 14Ang Banal na Espiritu ang katiyakan ng ating mana, hanggang sa pagtubos ng biniling pag-aari para sa kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian.

Pasasalamat at Pananalangin

 15Kaya nga, ako ay nagpapasalamat para sa inyo, nang marinig ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal. 16Dahil dito, patuloy din akong nagpapasalamat para sa inyo at binabanggit ko kayo sa aking mga panalangin. 17Dumadalangin ako sa Diyos ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng kaluwalhatian, na ipagkaloob niya sa inyo ang espiritu ng karunungan at kapahayagan sa kaalaman sa kaniya. 18Idinadalangin kong maliwanagan ang mata ng inyong isipan upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa ng kaniyang pagtawag at kung ano ang yaman ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal. 19Idinadalangin kong malaman ninyo kung ano ang nakakahigit na kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan patungkol sa atin na sumasampalataya, ayon sa paggawa ng lawak ng kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan. 20Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, binuhay niya si Cristo mula sa mga patay at siya ay kaniyang pinaupo sa bahaging kanan ng kaniyang kamay sa kalangitan. 21Doon siya ay higit na nakakataas sa bawat pamunuan at kapamahalaan at kapangyarihan at paghahari at sa bawat pangalang ipinangalan. Ito ay hindi lamang sa kapanahunang ito kundi sa darating pa. 22At ang lahat ng mga bagay ay ipinailalim niya sa kaniyang mga paa. At ipinagkaloob sa kaniya na maging ulo ng lahat-lahat ng mga bagay para sa iglesiya. 23Ang iglesiya ang kaniyang katawan, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat lahat.  

 

Mga Taga-Efeso 2

Binuhay kay Cristo

 1At patungkol sa inyo, kayo ay dating mga patay na sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan. 2Sa mga ito dati kayong namuhay ayon sa takbuhin ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapamahalaan ng hangin, ang espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway. 3Tayo noon ay nag-asal na kasama nila ayon sa mga nasa ng ating laman. Ginagawa natin ang nasa ng laman at ng mga kaisipan. Tayo rin ay likas na mga anak na kinapopootan tulad ng iba. 4Ngunit, ang Diyos ay sagana sa kahabagan. Sa pamamagitan ng kaniyang dakilang pag-ibig, tayo ay inibig niya. 5Kahit noong tayo ay patay sa ating mga pagsalangsang ay binuhay niya tayong kasama ni Cristo. Sa pamamagitan ng biyaya kayo ay naligtas. 6Tayo ay kasamang binuhay at kasamang pinaupo sa kalangitan kay Cristo Jesus. 7Ito ay upang maipakita niya sa darating na mga kapanahunan ang nakakahigit na yaman ng kaniyang biyaya, sa kaniyang kabutihan sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 8Ito ay sapagkat sa biyaya kayo naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito ay hindi sa inyong sarili, ito ay kaloob ng Diyos. 9Ito ay hindi dahil sa gawa upang hindi magmalaki ang sinuman. 10Ito ay sapagkat tayo ay kaniyang mga likha na nilikha ng Diyos kay Cristo Jesus para sa mga mabuting gawa, na inihanda ng Diyos noong una na dapat nating ipamuhay.

Nagkakaisa kay Cristo

 11Kaya nga, alalahanin ninyo na kayo ay dating mga Gentil sa laman. Mga tinawag na hindi nasa pagtutuli niyaong mga nasa pagtutuli sa laman na gawa ng kamay. 12Sa panahong iyon, kayo ay hiwalay kay Cristo, mga ihiniwalay sa pagkamamamayan ng Israel at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako. Wala kayong pag-asa at wala kayong Diyos sa sanlibutan. 13Sa ngayon, kay Cristo Jesus, kayo na dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.

   
 14Ito ay sapagkat siya ang ating kapayapaan. Pinag-isa niya ang dalawa. Kaniyang giniba ang gitnang dinding na humahati. 15Sa pamamagitan ng kaniyang katawan, pinawalang-bisa niya ang pag-aalitan, ang batas ng kautusan na nasa mga utos. Ginawa niya ito upang magawa niya sa kaniyang sarili na ang dalawa ay maging isang bagong tao, sa gayon siya ay gumawa ng kapayapaan. 16At upang kaniyang pagkasunduin ang dalawa sa iisang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na dito ang pag-aalitan ay pinatay niya. 17Sa kaniyang pagdating, inihayag niya ang ebanghelyo ng kapayapaan sa inyo na malayo at sa kanila na malapit. 18Sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay kapwa may daan patungo sa Ama sa pamamagitan ng isang Espiritu.

   
 19Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga, subalit mga mamamayang kasama ng mga banal at ng sambahayan ng Diyos. 20Kayo ay naitayo sa saligan ng mga apostol at mga propeta. Si Jesucristo ang siya mismong batong-panulok. 21Sa kaniya ang lahat ng bahagi ng gusali na sama-samang pinaghugpong ay lumalago sa isang banal na dako sa Panginoon. 22Sa kaniya rin kayo ay sama-samang itinayo upang maging tirahan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
 

 

Mga Taga-Efeso 3

Si Pablo, Ang Mangangaral sa mga Gentil

 1Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus para sa inyo na mga Gentil.

   
 2Tunay na narinig ninyo na ibinigay sa akin ang pangangasiwa sa biyaya ng Diyos para sa inyo. 3Sumulat ako sa inyo ng maikling sulat noon na nagsasaad na sa pamamagitan ng paghahayag, ipinaalam niya sa akin ang hiwaga. 4Sa inyong pagbasa nito ay mauunawaan ninyo ang aking kaalaman sa hiwaga ni Cristo. 5Sa ibang kapanahunan, ito ay hindi ipinaalam sa sangkatauhan na tulad ngayon. Ito ngayon ay inihayag sa mga banal niyang apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Espiritu. 6Ito ay upang sa pamamagitan ng ebanghelyo, ang mga Gentil ay magiging kasamang tagapagmana at kaisang katawan at kasamang kabahagi sa kaniyang pangako na na kay Cristo.

   
 7Ako ay ginawang tagapaglinkod ng ebanghelyong ito ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan. 8Ako na higit na mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal ay pinagkalooban ng biyayang ito upang ipangaral ko sa mga Gentil ang ebanghelyo, ang hindi malirip na kayamanan ni Cristo. 9Ito ay upang malinaw na makita ng lahat kung ano ang pakikipag-isa ng hiwaga, na sa panahong nakalipas, ay dating nakatago sa Diyos na lumikha ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesucristo. 10Ang layunin niya ay upang ipaalam, sa pamamagitan ng iglesiya, ang malawak na karunungan ng Diyos sa mga pamunuan at mga kapamahalaan sa kalangitan. 11Dapat nilang malaman ang kaniyang karunungan ayon sa walang hanggang layunin na kaniyang ginawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 12Sa kaniya, tayo ay mayroong katapangan at tayo ay tuwirang makakalapit sa Diyos na may katiyakan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. 13Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na huwag kayong manghina sa mga paghihirap ko para sa inyo, na siya ninyong kaluwalhatian.

Panalangin para sa mga Taga-Efeso

 14Dahil dito, iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama ng ating Panginoong Jesucristo. 15Sa kaniya ay pinangalanan ang bawat angkan sa langit at sa lupa. 16Ito ay upang ayon sa kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian ay palakasin niya kayong may kapangyarihan sa inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu. 17Ito ay upang si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya. 18Upang kayo na nag-ugat at natatag sa pag-ibig, ay lubos na makaunawa, kasama ng mga banal, kung ano ang lawak, ang haba, ang lalim at ang taas ng pag-ibig ni Cristo. 19Nang sa gayon kayo ay lubos na makaunawa ng pag-ibig ni Cristo na nakakahigit sa kaalaman at upang kayo ay mapuspos ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.

   
 20Siya ay makakagawa ng pinakahigit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin. 21Sumakaniya ang kaluwalhatian sa iglesiya sa pamamagitan ni Cristo Jesus sa lahat ng salit-saling lahi magpakailanman. Siya nawa.

 

Mga Taga-Efeso 4

Pagkakaisa sa Katawan ni Cristo

 1Ako na bilanggo sa Panginoon ay namamanhik sa inyo na mamuhay kayo nang nararapat sa tawag na itinawag sa inyo. 2Mamuhay kayong may buong kapakumbabaan at kaamuan na may pagtitiis. Magbatahan kayo sa isa't isa sa pag-ibig. 3Pagsikapan ninyong panatilihin ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod na kapayapaan. 4Mayroong isang katawan at isang Espiritu kung papaanong tinawag din kayo sa isang pag-asa ng inyong pagkatawag. 5Mayroong isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bawtismo. 6Mayroong isang Diyos at Ama ng lahat na nakakahigit sa lahat. Siya ay nasa lahat at nasa inyong lahat.

   
 7Ngunit ang bawat isa sa atin ay binigyan ng biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. 8Kaya nga, sinabi niya:
      Sa kaniyang pag-akyat sa itaas ay kinuha niya
      ang maraming bihag at nagbigay siya ng mga
      kaloob sa mga tao.

    9Nang sinabing siya ay umakyat, ano ang kahulugan niyon? Hindi ba ito ay nangangahulugang siya rin ay bumaba muna sa mababang dako ng lupa? 10Siya na bumaba ay siya ring umakyat sa itaas ng lahat ng mga langit upang kaniyang puspusin ang lahat ng mga bagay. 11Ibinigay niya na maging mga apostol ang ilan, ang ilan ay maging mga propeta, ang ilan ay maging mga mangangaral ng ebanghelyo at ang ilan ay maging mga pastor at mga guro. 12Ito ay upang maging handa ang mga banal para sa gawaing paglilingkod at para sa ikatitibay ng katawan ni Cristo. 13Ito ay hanggang sa maabot nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya at ng kaalaman sa Anak ng Diyos, hanggang sa tayo ay maging sakdal, hanggang sa tayo ay lumaki sa pinakasukat ng kataasan ng kapuspusan ni Cristo.

   
 14Ito ay upang hindi na tayo maging mga bata na sinisiklot at tinatangay kung saan-saan ng bawat hangin ng katuruan. Ito ay sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao at ng katusuhan na naghahatid patungo sa mapanlinlang na kaparaanan. 15Sa halip, panatilihin natin ang katotohanan ayon sa pag-ibig upang lumago tayo sa lahat ng mga bagay kay Cristo, na siya ang ulo. 16Sa kaniya ang buong katawan ay inihugpong at pinag-isa ng itinutustos ng bawat dugtong ayon sa sukat ng paggawa ng bawat isang bahagi. Kaya nga, ang paglago ng katawan ay gumagawa sa ikatitibay ng kaniyang sarili niya sa pag-ibig.

Namumuhay Bilang mga Anak ng Liwanag

 17Kaya nga, sinasabi ko ito at pinatotohanan sa Panginoon na huwag na kayong mamuhay tulad ng ibang mga Gentil na namuhay sa kanilang pag-iisip na walang kabuluhan. 18Ang kanilang pang-unawa ay nadidimlan, mga napahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kanilang kawalan ng kaalaman, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. 19Sa kanilang kawalan ng pakiramdam ay isinuko nila ang kanilang mga sarili sa kahalayan upang magawa nila ang lahat ng karumihan na may kasakiman.

   
 20Ngunit hindi sa ganoong paraan kayo natuto patungkol kay Cristo. 21Totoong narinig ninyo siya at tinuruan niya kayo ayon sa katotohanang na kay Jesus. 22Hubarin ninyo ang dating pagkatao ayon sa dating pamumuhay na sinisira ayon sa mapandayang pagnanasa. 23Magpanibago kayong muli sa espiritu ng inyong kaisipan. 24At isuot ninyo ang bagong pagkatao na ayon sa Diyos ay nilalang sa katuwiran at totoong kabanalan.

   
 25Kaya nga, sa paghubad ninyo ng kasinungalingan ay magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa kaniyang kapwa sapagkat tayo ay bahagi ng bawat isa. 26Magalit kayo at huwag kayong magkasala. Huwag ninyong bayaang lumubog ang araw sa inyong pagkapoot. 27Huwag din ninyong bigyan ng puwang ang diyablo. 28Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay magpagal siya. Dapat niyang gamitin ang kaniyang mga kamay sa paggawa ng mabuti upang siya ay makapagbahagi sa nangangailangan.

   
 29Huwag ninyong pabayaang mamutawi sa inyong mga bibig ang anumang bulok na salita. Subalit kung mayroon man, ay mamutawi yaong mabuti na kagamit-gamit sa ikatitibay upang ito ay makapagbigay biyaya sa nakikinig. 30Huwag ninyong pighatiin ang Banal na Espiritu ng Diyos. Sa pamamagitan niya ay natatakan kayo para sa araw ng katubusan. 31Alisin ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit, poot, sigawan, panlalait at lahat ng uri ng masamang hangarin. 32Maging mabait kayo sa isa't isa, mahabagin, nagpapatawaran sa isa't isa, kung papaanong pinatawad kayo ng Diyos kay Cristo.

 

Mga Taga-Efeso 5

 1Kaya nga, tularan ninyo ang Diyos bilang mga minamahal na mga anak. 2Mamuhay kayo sa pag-ibig tulad din ng pag-ibig ni Cristo sa atin. Ipinagkaloob niya ang kaniyang sarili para sa atin na isang handog at haing mabangong samyo sa Diyos.

   
 3Huwag man lang mabanggit sa inyo ang pakikiapid at lahat ng karumihan o kasakiman. Nararapat na huwag itong mabanggit sa mga banal. 4Ang mahalay at walang kabuluhan o malaswang pananalita ay hindi nararapat sa inyo. Sa halip, kayo ay maging mapagpasalamat. 5Ito ay sapagkat nalalaman ninyo na ang nakikiapid, o maruming tao o sakim na sumasamba sa mga diyos-diyosan ay walang mamanahin sa paghahari ni Cristo at ng Diyos. 6Huwag ninyong hayaang dayain kayo ng sinuman sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang salita sapagkat sa mga bagay na ito ang poot ng Diyos ay dumarating sa mga anak na masuwayin. 7Huwag nga kayong maging kabahaging kasama nila.

   
 8Ito ay sapagkat dati kayong mga nasa kadiliman ngunit ngayon ay kaliwanagan sa Panginoon. Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag. 9Ito ay sapagkat ang bunga ng Espiritu ay pawang kabutihan at katuwiran at katotohanan. 10Patunayan ninyo kung ano ang lubos na nakakalugod sa Panginoon. 11At huwag kayong magkaroon ng pakikipag-isa sa mga gawa ng kadiliman na hindi nagbubunga, sa halip ay inyong sawayin ang mga ito. 12Ito ay sapagkat nakakahiyang banggitin ang mga bagay na ginagawa nila sa lihim. 13Ngunit nalalantad ang lahat ng mga bagay na sinasaway ng liwanag sapagkat ang liwanag ang naglalantad ng lahat ng mga bagay. 14Dahil dito, sinabi niya:
      Gumising kayo na natutulog at bumangon mula
      sa mga patay. At sa inyo si Cristo ay magliliwanag.

   
 15Magsikap kayong mamuhay nang may buong pag-iingat, hindi tulad ng hangal kundi tulad ng mga pantas. 16Samantalahin ninyo ang panahon dahil ang mga araw ay masama. 17Kaya nga, huwag kayong maging mga mangmang, subalit unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18Huwag kayong malasing sa alak na naroroon ang kawalan ng pagpipigil sa sarili, sa halip ay mapuspos kayo ng Espiritu. 19Mag-usap kayo sa isa't isa sa mga awit at mga himno at mga espirituwal na awit. Umawit at magpuri kayo sa Panginoon sa inyong puso. 20Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayong lagi sa Diyos at Ama sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo.

   
 21Ipasakop ninyo ang inyong mga sarili sa isa't isa sa pagkatakot sa Diyos.

Mga Asawang Babae at Mga Asawang Lalaki

 22Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyo-inyong asawa gaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. 23Ito ay sapagkat ang asawang lalaki ay siyang ulo ng asawang babae, tulad ni Cristo na ulo ng iglesiya at tagapagligtas ng katawan. 24Kung papaanong ang iglesiya ay nagpasakop kay Cristo, gayundin ang mga asawang babae ay magpasakop sa sarili nilang mga asawa sa lahat ng mga bagay.

   
 25Mga asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyong asawa tulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesiya at ipinagkaloob niya ang kaniyang sarili para dito. 26Ito ay upang kaniyang gawing banal ang iglesiya sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa salita. Ipinagkaloob niya ang kaniyang sarili upang gawing banal ang iglesiya. 27Ito ay upang maiharap niya ang iglesiya sa kaniyang sarili na isang marilag na iglesiya, walang batik o kulubot o anumang mga gayong bagay, sa halip, ang iglesiya ay maging banal at walang kapintasan. 28Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kanilang mga asawa tulad ng pag-ibig nila sa kanilang sariling katawan. Siya na nagmamahal sa kaniyang asawa ay nagmamahal sa kaniyang sarili. 29Ito ay sapagkat wala pang sinumang namuhi sa kaniyang sariling katawan kundi inaalagaan ito at minamahal tulad ng ginagawa ng Panginoon sa iglesiya. 30Ito ay dahil tayo ay bahagi ng kaniyang katawan, ng kaniyang laman at ng kaniyang mga buto.
       31Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kaniyang ama
      at ina at makikipag-isa sa kaniyang asawa at
      ang dalawa ay magiging isang laman.

    32Ito ay isang dakilang hiwaga, ngunit nagsasalita ako patungkol kay Cristo at sa iglesiya. 33Gayunman, ang bawat isa sa inyo ay magmahal sa kaniyang asawang babae tulad sa kaniyang sarili. Ang asawang babae ay magpitagan sa kaniyang asawa.

 

Mga Taga-Efeso 6

Mga Anak at Mga Magulang

 1Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon dahil ito ay matuwid. 2Igalang ninyo ang inyong ama at ina. Ito ang unang utos na may pangako:
       3Gawin ninyo ito upang maging mabuti para sa
      inyo at kayo ay mamuhay nang matagal sa lupa.

   
 4Mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak sa halip ay alagaan ninyo sila sa pagsasanay at sa turo ng Panginoon.

Mga Alipin at Mga Panginoon

 5Mga alipin, maging masunurin kayo sa inyong panginoon ayon sa laman at sundin ninyo sila nang may pagkatakot at panginginig at sa katapatan ng inyong mga puso tulad ng pagsunod ninyo kay Cristo. 6Sumunod kayo hindi upang magbigay lugod sa kanila tuwing sila ay nakatingin sa inyo, kundi bilang mga alipin ni Cristo na gumagawa ng kalooban ng Diyos mula sa inyong kaluluwa. 7Sumunod kayo nang may mabuting kalooban na gumagawa ng paglilingkod sa Panginoon at hindi sa tao. 8Nalalaman ninyo na ang anumang mabuting nagawa ng bawat isa, gayundin ang tatanggapin niya mula sa Panginoon, maging siya ay alipin o malaya.

   
 9Mga panginoon, gawin ninyo ang gayunding mga bagay sa kanila. Tigilan ninyo ang pagbabanta dahil nalalaman ninyo na ang sarili ninyong Panginoon ay nasa langit at siya ay hindi nagtatangi ng mga tao.

Ang Baluting Ibinibigay ng Diyos

 10Sa katapusan mga kapatid, magpakatibay kayo sa Panginoon at sa kaniyang makapangyarihang lakas. 11Isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos upang kayo ay makatayo laban sa mga lalang ng diyablo. 12Ito ay sapagkat nakikipagtunggali tayo, hindi laban sa laman at dugo, subalit laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapamahalaan, laban sa mga makapangyayari sa kadiliman sa kapanahunang ito at laban sa espirituwal na kasamaan sa mga dako ng kalangitan. 13Dahil dito, kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos upang kayo ay makatayo laban sa masamang araw at pagkagawa ninyo ng lahat ng mga bagay ay manatili kayong nakatayo. 14Tumayo nga kayo na nabibigkisan ang inyong mga balakang ng katotohanan at isuot ninyo ang baluting pandibdib ng katuwiran. 15Sa inyong mga paa ay isuot ang kahandaan ng ebanghelyo ng kapayapaan. 16Higit sa lahat, kunin ninyo ang kalasag ng pananampalataya. Sa pamamagitan nito ay maaapula ninyo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama. 17Tanggapin din ninyo ang helmet ng kaligtasan at ang tabak ng Espiritu na siyang salita ng Diyos. 18Sa lahat ninyong pananalangin at pagdaing ay manalangin kayong lagi sa pamamagitan ng Espiritu. Sa bagay na ito ay magpuyat kayo na may buong pagtitiyaga at pagdaing para sa lahat ng mga banal.

   
 19Ipanalangin ninyo ako, na bigyan ako ng pananalita, upang magkaroon ako ng tapang sa pagbukas ko ng aking bibig, upang maipahayag ang hiwaga ng ebanghelyo. 20Dahil sa ebanghelyo, ako ay isang kinatawan na nakatanikala upang sa pamamagitan nito, makapagsalita akong may katapangan gaya ng dapat kong pagsasalita.

Panghuli ng Pagbati

 21Ipahahayag sa inyo ni Tiquico ang lahat ng mga bagay patungkol sa akin upang malaman ninyo ang mga bagay patungkol sa akin at ang mga ginagawa ko. Siya ay isang minamahal na kapatid at matapat na tagapaglingkod sa Panginoon. 22Isinugo ko siya sa inyo para sa bagay na ito upang malaman ninyo ang mga bagay patungkol sa amin at mapalakas niya ang inyong loob.

   
 23Mga kapatid, sumainyo ang kapayapaan at pag-ibig na may pananampalataya mula sa Diyos Ama at Panginoong Jesucristo. 24Biyaya ang sumakanilang lahat na umiibig ng dalisay sa ating Panginoong Jesuscristo. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Mga Taga-Filipos

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4

Mga Taga-Filipos 1

Pagbati

 1Akong si Pablo at si Timoteo ay mga alipin ni Cristo Jesus. Kami ay sumusulat sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos gayundin sa mga tagapamahala at sa mga diyakono.

   
 2Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.

Pasasalamat at Pananalangin

 3Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing maaala-ala ko kayo. 4Humihiling ako sa Diyos na may galak para sa inyong lahat sa tuwing dumadalangin ako. 5Ito ay dahil sa inyong pakikipag-isa sa ebanghelyo mula pa noong unang araw hanggang ngayon. 6Lubos akong nakakatiyak sa bagay na ito, na siya na nagsimula ng mabuting gawa sa inyo ay magtatapos nito hanggang sa araw ni Jesucristo.

   
 7Matuwid lamang na maging ganito ang aking kaisipan sa inyong lahat sapagkat kayo ay nasa puso ko. Kayong lahat ay kabahagi ko sa biyaya, sa pagkatanikala, sa pagtatanggol at sa pagpapatunay na totoo ang ebanghelyo. 8Ito ay sapagkat ang Diyos ang aking saksi kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat na tulad ng pagmamalasakit na mayroon si Jesucristo.

   
 9Ito ang aking panalangin na ang inyong pag-ibig ay lalung-lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pagkaunawa. 10Dalangin ko rin na mapili ninyo ang mga bagay na pinakamabuti upang kayo ay maging tapat at walang kapintasan hanggang sa araw ni Cristo. 11At upang kayo ay mapuspos ng mga bunga ng katuwiran sa pamamagitan ni Jesucristo sa ikaluluwalhati at sa ikapupuri ng Diyos.

Ang mga Tanikala ni Pablo ay Nagpalaganap sa Ebanghelyo

 12Mga kapatid, ibig kong maunawaan ninyo ngayon na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagbunga ng paglaganap ng ebanghelyo. 13Dahil dito, naging maliwanag sa lahat ng mga bantay sa palasyo at sa lahat ng iba pang tao na ako ay nakatanikala dahil kay Cristo. 14Dahil sa aking pagkatanikala ang nakararami sa mga kapatid sa Panginoon ay lalong nagtiwala sa Panginoon, sila ay lalong naging malakas ang loob sa pangangaral ng salita nang walang takot.

   
 15Totoo ngang may ilang nangangaral patungkol kay Cristo dahil sa inggit at dahil sa paglalaban-laban ngunit ang iba naman ay sa mabuting kalooban. 16Ang ilan ay naghahayag patungkol kay Cristo dahil sa makasariling hangarin, hindi sa katapatan ng kalooban, na nag-aakalang ito ay makakadagdag ng paghihirap sa aking pagkakatanikala. 17Ngunit ang iba ay gumagawa nang dahil sa pag-ibig, na kanilang nalalaman na ako ay itinalaga sa pagtatanggol sa ebanghelyo. 18Ano nga ang kahalagahan nito? Ang mahalaga ay naipangaral si Cristo sa anumang paraan, maging sa pagkukunwari o sa katotohanan. Dahil dito, ako ay nagagalak at patuloy na magagalak.

   
 19Sapagkat nalalaman kong ang kahihinatnan nito ay ang aking kalayaan sa pamamagitan ng inyong pananalangin may paghiling at sa pamamagitan ng mga ipinagkakaloob ng Espiritu ni Jesucristo. 20Ito ay ayon sa aking mataimtim na pag-asam at pag-asa na sa anuman bagay ay hindi ako mapapahiya. Sa halip, sa pagtaglay ko ng buong katapangan na gaya rin ng dati, ay dakilain si Cristo sa aking katawan maging sa buhay o sa kamatayan. 21Ito ay sapagkat sa ganang akin, ang mabuhay ay si Cristo at ang mamatay ay pakinabang. 22Ngunit kung ang mabuhay sa laman ay mangangahulugan ng mabungang pagpapagal, hindi ko malaman kung ano ang aking pipiliin. 23Ito ay sapagkat napipigilan ako ng dalawang pagpipilian. Nais kong pumanaw na upang mapasa piling ni Cristo na ito ay lalong mabuti. 24Ngunit ang manatili sa katawan ay higit na kailangan dahil sa inyo. 25Dahil lubos akong nakakatiyak sa bagay na ito, nalalaman kong ako ay mananatili at patuloy na makakasama ninyong lahat sa inyong pagsulong at kagalakan sa inyong pananampalataya. 26Ito ay upang kung muli ninyo akong makasama ay mag-umapaw ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus dahil sa akin.

   
 27Kinakailangang mamuhay kayong karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo upang kung ako ay pumunta riyan at makita kayo o hindi man ay makabalita ako ng patungkol sa inyo, na kayo ay nananatiling matatag sa iisang espiritu at iisang isipan at sama-sama ninyong ipinagtatanggol ang pananampalataya ng ebanghelyo. 28At hindi kayo maaaring takutin sa anumang paraan ng inyong mga kaaway. Sa kanila, ito ay maliwanag na palatandaan patungo sa kanilang ikapapahamak. Para sa inyo, ito ay sa ikaliligtas, at ito ay mula sa Diyos. 29Sapagkat ipinagkaloob sa inyo alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang sumampalataya sa kaniya kundi ang magbata rin naman ng hirap alang-alang sa kaniya. 30Nasa inyo ang pakikipagbakang nakita ninyong nasa akin at nababalitaan ninyong nasa akin ngayon.

 

Mga Taga-Filipos 2

Pagtulad sa Pagpapakababa ni Cristo

 1Yamang mayroon kayong kalakasan ng loob kay Cristo, mayroon kayong kaaliwan sa kaniyang pag-ibig, mayroon kayong pakikipag-isa sa kaniyang Espiritu, mayroon kayong pagmamalasakit at kaawaan. 2Lubusin nga ninyo ang aking kagalakan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang kaisipan, ng iisang pag-ibig, ng iisang kalooban at ng iisang pag-iisip. 3Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o pagpapalalo. Sa halip, sa kapakumbabaan ng pag-iisip, ituring ninyo na ang iba ay higit na mabuti kaysa sa inyo. 4Huwag hanapin ng isa't isa ang ikabubuti ng kaniyang sarili lang kundi ang ikabubuti rin naman ng iba.

   
 5Ito ay sapagkat kailangang taglayin ninyo ang kaisipan na na kay Cristo Jesus din naman. 6Bagaman siya ay nasa anyong Diyos, hindi niya itinuring na kailangang pakahawakan ang kaniyang pagiging kapantay ng Diyos. 7Bagkus ginawa niyang walang kabuluhan ang kaniyang sarili at tinanggap niya ang anyo ng isang alipin at nakitulad sa tao. 8Yamang siya ay nasumpungan sa anyong tao, siya ay nagpakumbaba at naging masunurin hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus. 9Kaya nga, siya naman ay lubhang itinaas ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. 10Ito ay upang sa pangalan ni Jesus ay luluhod ang bawat tuhod ng mga nasa langit, ng mga nasa lupa at ng mga nasa ilalim ng lupa. 11Ito ay upang ipahayag ng bawat dila na si Jesucristo ang Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Magningning Tulad ng mga Bituin

 12Kaya nga, mga minamahal ko, gamitin ninyo ang inyong kaligtasan na may takot at panginginig, tulad ng palagi ninyong pagsunod, hindi lamang kung ako ay kasama ninyo kundi lalo na ngayong wala ako sa inyo. 13Ang dahilan nito ay gumagawa sa inyo ang Diyos upang naisin at gawin ninyo ang kaniyang mabuting kaluguran.

   
 14Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang mga bulung-bulungan at pagtatalo. 15Gawin ninyo ang gayon upang walang anumang maipaparatang sa inyo at kayo ay maging dalisay, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at lihis. Magliwanag kayo sa kanilang kalagitnaan tulad ng mga liwanag sa sanlibutan. 16Inyong itanghal ang salita ng buhay upang may ipagmapuri ako sa araw ni Cristo na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal nang walang kabuluhan. 17Subalit kung ako ay ibubuhos ng Diyos tulad ng haing ibinubuhos sa ibabaw ng handog at paglilingkod ng inyong pananampalataya, matutuwa at magagalak akong kasama ninyo. 18Sa gayunding paraan, kayo naman ay matutuwa at magagalak na kasama ko.

Si Timoteo at si Epafrodito

 19Ngunit umaasa ako sa Panginoong Jesus na maisugo ko sa inyo si Timoteo sa lalong madaling panahon upang ako rin naman ay maaliw kapag nalaman ko ang inyong kalalagayan. 20Ito ay sapagkat wala na akong ibang taong katulad niya ang pag-iisip, na may tunay na pagmamalasakit sa inyong kalalagayan. 21Ito ay sapagkat abala silang lahat sa paghahanap ng mga bagay para sa kanilang sariling kapakanan, hindi sa mga bagay na nauukol kay Cristo Jesus. 22Ngunit alam na ninyo ang kaniyang subok na pag-uugali, na gaya ng isang anak sa kaniyang ama, ay gayon siyang naglingkod na kasama ko sa ebanghelyo. 23Siya nga ang aking inaasahang susuguin sa inyo sa lalong madaling panahon pagkatapos kong malaman ang aking magiging kalagayan. 24Ngunit nakakatiyak ako sa Panginoon na ako rin ay makakapunta riyan sa lalong madaling panahon.

   
 25Ngunit naisip kong kailangang suguin ko sa inyo si Epafrodito na aking kapatid, kamanggagawa at kapwa kawal, ngunit sugo at lingkod ninyo na tumitingin sa aking mga pangangailangan. 26Ito ay sapagkat siya ay sabik na sabik sa inyong lahat at labis na namamanglaw dahil sa nabalitaan ninyong siya ay nagkasakit. 27Ito ay sapagkat totoo ngang siya ay nagkasakit at muntik nang mamatay. Subalit kinahabagan siya ng Diyos at hindi lamang siya kundi ako rin naman upang huwag akong magkaroon ng sunod-sunod na kalungkutan. 28Kaya nga, lalo kong pinagsikapang suguin siya sa inyo upang pagkakita ninyong muli sa kaniya, kayo ay magalak at mabawasan naman ang aking kalungkutan. 29Kaya nga, tanggapin ninyo siya ng buong kagalakan sa Panginoon at parangalan ninyo ang mga katulad niya. 30Ito ay sapagkat nabingit siya sa kamatayan alang-alang sa gawain ni Cristo, na hindi pinahalagahan ang kaniyang buhay upang punan ang kakulangan ng inyong paglilingkod sa akin.
 

 

Mga Taga-Filipos 3

Walang Pagtitiwala sa Gawa ng Tao

 1Mga kapatid ko, sa katapus-tapusan, magalak kayo sa Panginoon. Ang sumulat sa inyo ng gayunding mga bagay ay totoong hindi mabigat sa akin yamang ito ay upang mailayo kayo sa panganib.

   
 2Mag-ingat kayo sa mga aso. Mag-ingat kayo sa mga gumagawa ng masama at mga nagpuputol ng laman. 3Ito ay sapagkat tayo ang nasa pagtutuli, tayo na mga sumasamba sa Diyos sa Espiritu at mga nagmamalaki dahil kay Cristo Jesus, at hindi nagtitiwala sa gawa ng tao. 4Bagaman ako ay maaari ding magtiwala sa gawa ng tao.
   Kung sinuman ay mag-aakala na siya ay may dahilan upang magtiwala sa gawa ng tao, lalo na ako. 5Tinuli ako sa ika-walong araw. Ako ay nanggaling sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin. Ako ay isang Hebreong nagmula sa mga Hebreo. Kung ang pag-uusapan ay patungkol sa kautusan, ako ay isang Fariseo. 6Kung ang pag-uusapan ay patungkol sa kasigasigan, pinag-uusig ko ang iglesiya. Kung ang pag-uusapan ay patungkol sa pagiging matuwid na ayon sa kautusan, walang maipupula sa akin.

   
 7Subalit anumang mga bagay na kapakinabangan sa akin, ang mga iyon ay itinuturing kong kalugihan alang-alang kay Cristo. 8Oo, sa katunayan itinuturing kong kalugihan ang lahat ng bagay para sa napakadakilang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya, tinanggap ko ang pagkalugi sa lahat ng bagay at itinuring kong dumi ang lahat ng mga ito, makamtan ko lamang si Cristo. 9Sa ganoon, ako ay masumpungan sa kaniya, hindi sa pamamagitan ng sarili kong katuwiran na ayon sa kautusan kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at ang katuwiran na mula sa Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya. 10Ito ay upang makilala ko siya at ang kapangyarihan ng kaniyang muling pagkabuhay at ang pakikipag-isa sa kaniyang mga paghihirap, upang matulad ako sa kaniya, sa kaniyang kamatayan. 11At sa anumang paraan ay makarating ako sa muling pagkabuhay ng mga patay.

Pagpapatuloy Patungo sa Nilalayon

 12Hindi sa natamo ko na, o ako ay naging ganap na. Inangkin ako ni Cristo Jesus para sa isang layunin at nagsusumikap ako upang aking maangkin ang layuning iyon. 13Mga kapatid, hindi ko ibinibilang na naangkin ko na ngunit isang bagay ang ginagawa ko. Nililimot ko na ang mga bagay na nasa likuran ko at pinagsisikapang maabot ang mga bagay na nasa harap ko. 14Pinagsisikapan kong maabot ang hangganan ng takbuhin para sa gantimpala ng mataas na pagkatawag sa akin ng Diyos na na kay Cristo Jesus.

   
 15Kaya nga, sa lahat ng mga ganap ay kailangang magkaroon ng ganitong kaisipan. At kung sa anumang bagay ay naiiba ang inyong kaisipan, ipahahayag din naman ito sa inyo ng Diyos. 16Gayunman, lumakad tayo sa pamamagitan ng gayunding paraan na natamo na natin upang magkaroon tayo ng iisang kaisipan.

   
 17Mga kapatid, magkaisa kayo sa pagtulad sa akin. Pagmasdan ninyo ang mga lumalakad ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin. 18Ito ay sapagkat madalas kong sinasabi sa inyo, at ngayon sasabihin ko sa inyong muli na may pagluha, na marami ang lumalakad, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19Ang kahihinatnan nila ay kapahamakan. Ang diyos nila ay ang kanilang tiyan. Ang kanilang kaluwalhatian ay ang mga bagay na dapat nilang ikahiya. Ang kanilang kaisipan ay nakatuon sa mga bagay na panlupa. 20Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay nasa langit, na mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo. 21Siya ang magbabago ng ating walang halagang katawan upang maging katulad ng kaniyang maluwalhating katawan, ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan na magpapasakop ng lahat ng bagay sa kaniya.

 

Mga Taga-Filipos 4

 1Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinanabikan, kayo ang aking kagalakan at putong. Magpakatatag kayo sa ganitong paraan sa Panginoon.

Mga Pagtatagubilin

 2Pinagtagubilinan ko sina Euodias at Sintique na magkaisa ng pag-iisip sa Panginoon. 3Hinihiling ko rin naman sa iyo, tunay na kamanggagawa, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sila ang mga kasama kong nagpagal para sa ebanghelyo, kasama si Clemente at ang iba pang mga kamanggagawa na ang kanilang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay.

   
 4Magalak kayong lagi sa Panginoon at muli kong sasabihin, magalak kayo. 5Ipakilala ninyo sa lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Malapit na ang Panginoon. 6Huwag kayong mabalisa patungkol sa anumang bagay. Sa halip, ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos na may pasasalamat sa pamamagitan ng panalangin at ng panalanging may paghiling. 7At ang kapayapaang mula sa Diyos, na higit sa anumang pang-unawa, ang siyang mag-iingat sa inyong mga puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

   
 8Sa katapus-tapusan mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, anuman ang marangal, anuman ang matuwid, anuman ang dalisay, anumang mga bagay ang kaibig-ibig, anuman ang may mabuting ulat, kung mayroon mang kabutihan at anumang kapuri-puri, ang mga bagay na ito ang isipin ninyo. 9Ang mga bagay din na inyong natutuhan, at tinanggap, at narinig at nakita sa akin ay isagawa ninyo. Sa gayon, ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.

Pagpapasalamat ni Pablo sa mga Taga-Filipos Dahil sa Kanilang mga Kaloob

 10Ngunit lubos akong nagagalak sa Panginoon na sa wakas muling nanariwa ngayon ang inyong pag-alaala sa akin, na bagaman may pag-alaala kayo sa akin, wala nga lang kayong pagkakataong ipakita ito. 11Hindi sa ako ay nagsalita dahil sa aking pangangailangan, dahil natutuhan ko nang masiyahan anuman ang aking kalagayan. 12Alam ko ang mabuhay sa paghihikahos at ang mabuhay sa kasaganaan, kung paano ang ibababa at alam ko kung paano ang sumagana. Sa lahat ng dako at sa lahat ng bagay ay tinuruan akong mabusog at magutom, maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan. 13Ako ay may sapat na lakas na gawin ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Cristo na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.

   
 14Gayunman, napakabuti ng inyong ginawang pakikibahagi sa aking mga paghihirap. 15Kayong mga taga-Filipos, alam din naman ninyo na sa pasimula pa ng pangangaral ng ebanghelyo, nang umalis ako sa Macedonia, walang ibang iglesiya ang nakipag-isa sa akin patungkol sa pagkakaloob at sa pagtanggap, kundi kayo lamang. 16Ito ay sapagkat maging noong ako ay nasa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking pangangailangan. 17Hindi sapagkat ako ay naghahangad ng kaloob kundi ang hinahangad ko ay masaganang bunga na nakatala para sa inyo. 18Mayroon ako ng lahat ng bagay at sumasagana. Napunan na ang aking pangangailangan dahil sa natanggap ko mula kay Epafrodito ang mga bagay na ipinadala ninyo. Ito ay samyo na mahalimuyak, isang haing katanggap-tanggap at kalugud-lugod sa Diyos. 19Ngunit ang aking Diyos ang magpupuno sa inyo ng lahat ng inyong pangangailangan ayon sa kaniyang kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.

   
 20Ngayon, sa ating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.

Panghuling Pagbati

 21Batiin ninyo ang bawat banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko. 22Binabati kayo ng lahat ng mga banal lalong-lalo na ang mga kasambahay ni Cesar.

   
 23Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyong lahat. Siya niawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Mga Taga-Colosas

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4

Mga Taga-Colosas 1

 1Akong si Pablo ay apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos at ang ating kapatid na si Timoteo. 2Ako ay sumusulat sa mga banal at mga tapat na kapatid kay Cristo na nasa Colosas.
   Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.

Pasasalamat at Pananalangin

 3Nagpapasalamat kami sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo. Kayo ay patuloy naming idinadalangin. 4Nagpapasalamat kami sa Diyos sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananampalataya kay Cristo Jesus at ang patungkol sa pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal. 5Ang pananampalataya at pag-ibig na ito ay dahil sa pag-asang nakalaan para sa inyo sa kalangitan, na una ninyong narinig sa salita ng katotohanan ng ebanghelyo. 6Dumating ito sa inyo, tulad ng pagdating nito sa buong sanlibutan. Ito ay nagbubunga gaya rin naman ng pagbubunga sa inyo mula nang araw na inyong marinig at malaman ang biyaya ng Diyos sa katotohanan. 7Ito ay katulad ng natutunan ninyo kay Epafras, ang minamahal naming kapwa-alipin, na tapat na tagapaglingkod ni Cristo para sa inyo. 8Siya rin ang nagsabi sa amin sa pamamagitan ng Espiritu patungkol sa inyong pag-ibig.

   
 9Dahil din naman dito, mula nang araw na marinig namin ito, wala na kaming tigil sa pananalangin para sa inyo. Hinihiling namin na kayo ay mapuspos ng kaalaman ng kaniyang kalooban, sa buong karunungan at espiritwal na pagkaunawa. 10Ito ay upang mamuhay kayong karapat-dapat sa Panginoon sa buong kaluguran, at upang kayo ay mamunga sa bawat gawang mabuti at lumalago sa kaalaman ng Diyos. 11At upang kayo ay lumakas sa kapangyarihan ayon sa kapangyarihan ng kaniyang kaluwalhatian sa buong pagtitiis at pagtitiyaga na may kagalakan. 12Magpasalamat kayo sa Ama na nagpaging-dapat sa atin na maging kabahagi ng mana ng mga banal sa kaliwanagan. 13Siya ang nagligtas sa atin mula sa kapamahalaan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang pinakamamahal na Anak. 14Sa kaniya ay mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan.

Si Cristo ang Pangulo ng Lahat ng Bagay

 15Siya ang wangis ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay na pinakahigit sa buong sangnilikha. 16Ito ay sapagkat sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng mga bagay na nasa langit at mga bagay na nasa lupa, mga bagay na nakikita o hindi nakikita. Ito man ay mga luklukan, o mga paghahari, o mga pamunuan, o mga pamamahala. Ang lahat ng bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya. 17At siya ay nauna sa lahat ng bagay at sa pamamagitan niya ay nananatiling buo ang lahat ng mga bagay. 18At siya ang ulo ng katawan, ang iglesiya. Siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay upang siya ang maging kataas-taasan sa lahat ng bagay. 19Ikinalugod ng Ama na ang buong kapuspusan ay manahan sa kaniya. 20Nagdala siya ng kapayapaan sa pamamagitan ng dugo na nabuhos sa krus. Sa pamamagitan niya ikinalugod ng Ama na ipagkasundo sa kaniyang sarili ang lahat ng mga bagay sa lupa, o sa lahat ng mga bagay sa langit.

   
 21At kayo na dating banyaga at mga kaaway ng Diyos dahil sa inyong pag-iisip at dahil sa inyong masasamang gawa ay ipinagkasundo ngayon. 22Ito ay sa katawan ng kaniyang laman sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan upang kayo ay maiharap na banal at walang kapintasan at walang maipaparatang sa kaniyang paningin. 23Ito ay kung manatili kayo sa pananampalataya na matatag at matibay at hindi malilipat mula sa pag-asa ng ebanghelyo na inyong narinig at ito ang ipinangaral sa bawat nilalang na nasa silong ng langit. Akong si Pablo ay ginawang tagapaglingkod ng ebanghelyong ito.

Ang Pagpapagal ni Pablo Para sa Iglesiya

 24Ako ngayon ay nagagalak sa aking mga paghihirap alang-alang sa inyo. Pinupunuan ko sa aking katawan ang mga kakulangan ng mga paghihirap ni Cristo para sa kapakanan ng kaniyang katawan, ang iglesiya. 25Dahil dito naging tagapaglingkod ako ayon sa pangangasiwa na mula sa Diyos, na ibinigay sa akin para sa inyong kapakinabangan upang ganapin ko ang Salita ng Diyos. 26Ito ang hiwagang inilihim mula pa sa nakaraang kapanahunan at mula sa mga lahing nakaraan, ngunit ngayon ay ipinahayag sa kaniyang mga banal. 27Sa kanila ay ipinasya ng Diyos na ipakilala ang kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa mga Gentil. Ito ay si Cristo na sumasainyo, ang pag-asa sa kaluwalhatian.

   
 28Siya ang aming ipinahahayag. Binibigyan namin ng babala at tinuturuan ang bawat tao ng lahat ng karunungan, upang maiharap naming sakdal ang bawat tao kay Cristo Jesus. 29Dahil dito, nagpapagal din naman ako at nagsisikap ayon sa kaniyang paggawa na gumagawang may kapangyarihan sa akin.

Mga Taga-Colosas 2

 1Sapagkat ibig kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang aking pakikipagbaka para sa inyo, at sa mga taga-Laodicea, at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin ng mukhaan. 2Ito ay upang mapalakas ang kanilang mga loob na magkaisa sila sa pag-ibig. At upang magkaroon sila ng lahat ng kayamanan ng lubos na katiyakan ng pang-unawa sa pagkaalam ng hiwaga ng Diyos, at ng Ama at ni Cristo. 3Sa kaniya natatago ang lahat ng kayamanan ng karunungan at kaalaman. 4Sinasabi ko ito sa inyo upang huwag kayong madaya ng sinuman ng mga salitang kaakit-akit. 5Ito ay sapagkat kahit ako ay wala riyan sa aking laman, naririyan naman ako sa inyo sa aking espiritu, na nagagalak at nakakakita ng inyong kaayusan at ng katatagan ng inyong pananampalataya kay Cristo.

Kalayaan Mula sa Tuntunin ng Tao sa Pamamagitan ng Buhay kay Cristo

 6Kaya nga, sa paraang tinanggap ninyo si Cristo bilang Panginoon, mamuhay naman kayong gayon sa kaniya. 7Kayo ay nag-ugat ng malalim, at natayo sa kaniya na matatag na nagtutumibay sa pananampalatayang itinuro sa inyo at umaapaw dito na may pasasalamat.

   
 8Mag-ingat kayo, na baka bihagin kayo ng sinuman sa pamamagitan ng pilosopiya at ng walang kabuluhang panlilinlang, na ayon sa kaugalian ng mga tao, ayon sa mga espiritwal na kapangyarihan ng sanlibutan ito at hindi naaayon kay Cristo.

   
 9Ito ay sapagkat nananahan sa kaniyang katawan ang lahat ng kapuspusan ng kalikasan ng Diyos. 10Kayo ay ganap sa kaniya na siyang pangulo ng lahat ng pamunuan at kapamahalaan. 11Sa kaniya, kayo ay nasa pagtutuli hindi sa pamamagitan ng mga kamay, upang hubarin ninyo ang mga kasalanan sa laman, sa pamamagitan ng pagiging nasa pagtutuli na kay Cristo. 12Kayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bawtismo. Dito, kayo rin naman ay muling binuhay na kasama niya sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, sa paggawa ng Diyos na bumuhay sa kaniya mula sa mga patay.

   
 13Kayo, na mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at sa hindi pagiging nasa pagkatuli ng inyong laman, ay binuhay na kasama niya. Kayo ay pinatawad na sa lahat ng mga pagsalangsang. 14Binura na niya ang nasulat na mga batas na laban sa atin. Inalis niya ito sa kalagitnaan natin at ipinako ito sa krus. 15Hinubaran na niya ng kapangyarihan ang mga pamunuan at mga kapamahalaan. Inilantad niya sila sa madla at inihayag niya ang kaniyang pagtatagumpay sa pamamagitan ng krus.

   
 16Kaya nga, huwag ninyong hayaan na hatulan kayo ng sinuman patungkol sa pagkain, o sa inumin, o patungkol sa pagdiriwang ng kapistahan, o sa bagong buwan o sa mga araw ng Sabat. 17Ang mga ito ay isang anino lamang ng mga bagay na darating ngunit ang katunayan ay si Cristo. 18May taong nasisiyahan sa paggawa ng huwad na pagpapakumbaba at pagsamba sa mga anghel. Huwag ninyong hayaan ang gayong tao na dayain kayo at hindi ninyo makuha ang inyong gantimpala. Siya ay nagkukunwaring nakakita ng mga bagay na hindi naman niya nakita. Ang kaniyang isipang makalaman ay nagpalaki ng kaniyang ulo nang walang katuturan. 19Siya ay hindi nanatiling nakaugnay sa tunay na ulo, na kung saan ang buong katawan ay lumalago sa pamamagitan ng paglago na mula sa Diyos. Ito ay sa mga ibinibigay ng mga kasukasuan at ng mga litid na siyang nagpapalusog at nag-uugnay-ugnay sa buong katawan.

   
 20Kung kayo nga ay namatay na kasama ni Cristo mula sa mga espiritwal na kapangyarihan ng sanlibutan, bakit kayo, na waring nabubuhay pa sa sanlibutan, ay nagpapasakop pa sa mga batas? 21Ang mga ito ay: Huwag kang hahawak, huwag kang titikim, huwag kang hihipo. 22Ang mga batas na ito ay tumutukoy sa mga bagay na masisira, kapag ang mga ito ay ginagamit. Ang mga ito ay ayon sa mga utos at sa mga aral ng mga tao. 23Ang mga bagay na ito ay waring may karunungan sa kusang pagsamba at huwad na pagpapakumbaba at pagpapahirap ng katawan. Ngunit ang mga ito ay walang kapangyarihan laban sa kalayawan sa laman.

 

Mga Taga-Colosas 3

Tuntunin Para sa Matuwid na Pamumuhay

 1Yamang kayo nga ay muling binuhay na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan si Cristo ay nakaupo sa kanan ng Diyos. 2Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas at hindi sa mga bagay na nasa lupa. 3Ito ay sapagkat namatay na kayo at ang buhay ninyo ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos. 4Kapag si Cristo na ating buhay ay mahahayag, kasama rin naman niya kayong mahahayag sa kaluwalhatian.

   
 5Patayin nga ninyo ang inyong mga bahagi na maka-lupa. Ito ay ang pakikiapid, karumihan, pita ng laman, masasamang nasa at kasakiman na siyang pagsamba sa diyos-diyosan. 6Dahil sa mga bagay na ito, ang poot ng Diyos ay dumarating sa mga anak na masuwayin. 7Ang mga ito ay inyo rin namang nilakaran noong una nang kayo ay namumuhay pa sa ganitong mga bagay. 8Ngunit ngayon ay hubarin na ninyo ang lahat ng ito: galit, poot, masamang hangarin, pamumusong, malalaswang salita na mula sa inyong bibig. 9Huwag na kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo nang lubusan ang dating pagkatao kasama ang mga masasamang gawa nito. 10Isuot naman ninyo ang bagong pagkatao na binago patungo sa kaalaman ayon sa wangis ng lumalang sa kaniya. 11Doon ay wala ng pagkakaiba ang mga Griyego o mga Judio, ang mga nasa pagtutuli o wala sa pagtutuli, mga hindi Griyego, mga Scita, mga alipin o malaya. Si Cristo ang lahat at nasa lahat.

   
 12Kaya nga, bilang mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magsuot kayo ng pusong maawain, ng kabutihan, kapakumbabaan ng pag-iisip, ng kaamuan at pagtitiyaga. 13Magbatahan kayo sa isa't isa at magpatawaran kayo sa isa't isa kapag ang sinuman ay may hinaing sa kaninuman. Kung paanong pinatawad kayo ni Cristo ay gayundin kayo magpatawad. 14Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magbihis kayo ng pag-ibig na siyang tali ng kasakdalan.

   
 15Ang kapayapaan ng Diyos ang siyang maghari sa inyong mga puso. Kayo ay tinawag dito sa isang katawan at maging mapagpasalamat kayo. 16Manahang sagana sa inyo ang salita ni Cristo sa lahat ng karunungan. Turuan at payuhan ninyo ang bawat isa sa pamamagitan ng mga salmo, ng mga himno at mga awiting espirituwal. Umawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Panginoon. 17Anuman ang inyong gawin sa salita o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus na may pagpapasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

Tuntunin Para sa Sambahayang Kristiyano

 18Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya ng nararapat sa Panginoon.

   
 19Mga asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyong asawa at huwag kayong maging marahas sa kanila.

   
 20Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa lahat ng bagay sapagkat nakalulugod ito sa Diyos.

   
 21Mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak upang huwag manghina ang kanilang loob.

   
 22Mga alipin, sundin ninyo sa lahat ng bagay ang inyong mga amo dito sa lupa, hindi lamang kung sila ay nakatingin bilang pakitang-tao, kundi sa katapatan ng puso na may takot sa Diyos. 23Anuman ang inyong gawin, gawin ninyo ito ng buong puso na para sa Panginoon at hindi para sa mga tao. 24Yamang nalalaman ninyo na kayo ay tatanggap mula sa Panginoon ng gantimpalang mana dahil ang Panginoon, ang Cristo ang inyong pinaglilingkuran. 25Ang sinumang gumagawa ng masama ay tatanggap ng kabayaran sa kaniyang ginawang kasamaan. Ang Diyos ay walang mga taong itinatangi.

 

Mga Taga-Colosas 4

 1Mga amo, ibigay ninyo sa inyong mga alipin kung ano ang makatarungan at kung ano ang nararapat, yamang nalalaman ninyo na kayo rin ay may isang Panginoon sa langit.

Karagdagang Tagubilin

 2Magpatuloy kayong may kasigasigan sa pananalangin. Magbantay kayong may pagpapasalamat. 3Idalangin din naman ninyo kami na magkaroon ng pagkakataong mula sa Diyos na makapangaral at makapaghayag kami ng hiwaga ni Cristo. Ito ang dahilan kung bakit ako din naman ay nabilanggo. 4Idalangin ninyo na kapag ako ay magsalita, ito ay maging ayon sa nararapat kong pagpapaliwanag. 5Mamuhay kayong may karunungan sa kanila na mga nasa labas at samantalahin ninyo ang panahon. 6Ang inyong pananalita ay maging mapagbiyayang lagi na may lasang asin upang malaman ninyo kung ano ang dapat ninyong isagot sa bawat isa.

Panghuling Pagbati

 7Ang minamahal na kapatid na si Tiquico ang magbabalita sa inyo ng patungkol sa aking kalagayan. Siya ay isang tapat na tagapaglingkod at kapwa alipin sa Panginoon. 8Siya ay sinugo ko sa inyo upang malaman ang inyong kalagayan at palakasin ang inyong loob. 9Kasama niya si Onesimo, na isang tapat at minamahal na kapatid at kasama rin ninyo. Ipaaalam nila sa inyo ang lahat ng nangyayari dito.

   
 10Binabati kayo ni Aristarco na kasama ko sa bilangguan. Binabati rin kayo ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Patungkol sa kaniya ay tumanggap na kayo ng mga tagubilin. Kaya pagdating niya diyan sa inyo ay tanggapin ninyo siya. 11Binabati rin kayo ni Jesus na tinatawag na Justo. Sila ay mga nasa pagtutuli at sila lamang ang mga kamanggagawa ko para sa paghahari ng Diyos at sila ay kaaliwan sa akin. 12Binabati rin kayo ni Epafras na isa sa inyo. Siya ay isang alipin ni Cristo na laging nananalangin ng mataimtim para sa inyo upang kayo ay maging ganap at lubos sa lahat ng kalooban ng Diyos. 13Saksi ako sa kasigasigan niya para sa inyo at sa mga taga-Laodicea at sa mga taga-Hierapolis. 14Binabati rin kayo ni Lucas na minamahal na manggagamot at gayundin ni Demas. 15Batiin ninyo ang mga kapatid na nasa Laodicea, gayundin si Nimfa at sa iglesyang nagtitipon sa kaniyang bahay.

   
 16Pagkabasa ng sulat na ito sa inyo, ipabasa rin ninyo sa iglesiya sa Laodicea upang mabasa rin ninyo ang sulat na galing sa mga taga-Laodicea.

   
 17Sabihin ninyo kay Arquipo: Tiyakin mong maganap ang gawain ng paglilingkod na tinanggap mo sa Panginoon.

   
 18Akong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Alalahanin ninyo ang aking mga tanikala. Ang biyaya ay sumainyo. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

1 Mga Taga-Tesalonica

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 5

1 Mga Taga-Tesalonica 1

 1Akong si Pablo na kasama si Silvano at Timoteo ay sumusulat sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos Ama at nasa Panginoong Jesucristo.
   Sumainyo ang biyaya at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.

Pagpapasalamat Dahil sa Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica

 2Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos patungkol sa inyong lahat. Kapag nananalangin kami, binabanggit namin kayong lagi. 3Inaala-ala naming walang patid sa harapan ng ating Diyos Ama ang inyong gawa na bunga ng pananampalataya, ang inyong pagpapagal na may pag-ibig at pagtitiis na may pag-asa sa ating Panginoong Jesucristo.

   
 4Alam namin, mga minamahal na kapatid, na kayo ay hinirang ng Diyos. 5Ito ay sapagkat ang aming ebanghelyo ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang. Subalit ito ay dumating sa kapangyarihan din naman at sa Banal na Espiritu at sa lubos na katiyakan. Alam din ninyo kung anong uri ng mga tao kami sa inyong kalagitnaan para sa inyong kapakanan. 6Yamang tinanggap ninyo ang salita sa matinding paghihirap na may kagalakang mula sa Banal na Espiritu, tinularan ninyo kami at ang Panginoon. 7Dahil dito naging huwaran kayo sa lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaya. 8Ito ay sapagkat mula sa inyo ang salita ng Panginoon ay narinig sa lahat ng dako hindi lamang sa Macedonia at Acaya subalit maging sa lahat ng dako, at ang inyong pananampalataya sa Diyos ay lumaganap sa bawat dako, anupa't hindi na namin kailangang magsalita pa ng anuman. 9Ito ay sapagkat sila na rin ang nagpahayag patungkol sa paraan nang pagpasok namin sa inyo, at kung papaano ninyo tinalikdan ang mga diyos-diyosan upang paglingkuran ang buhay at totoong Diyos. 10Ito rin ay upang inyong hintayin ang kaniyang Anak mula sa kalangitan na kaniyang ibinangon mula sa mga patay. Siya ay si Jesus na nagligtas sa atin mula sa poot na darating.

 

1 Mga Taga-Tesalonica 2

Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica

 1Mga kapatid, kayo ang siyang nakakaalam na ang aming pagpasok sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan. 2Subalit kami ay naghirap nang una pa man at inalipusta sa Filipos tulad ng inyong nalalaman. Magkagayunman, naging malakas ang loob namin, sa tulong ng Diyos na sabihin sa inyo ang ebanghelyo sa gitna ng matinding pakikipagbaka. 3Ito ay sapagkat ang aming tapat na panghihikayat sa inyo ay hindi mula sa kamalian, at karumihan ni sa pandaraya. 4Subalit kung papaano kaming ginawang katanggap-tanggap ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay sinasabi namin ang gayon. Sinasabi namin ang gayon hindi upang bigyang-lugod ang mga tao kundi ang Diyos na siyang sumusubok ng ating mga puso. 5Ito ay sapagkat alam ninyo na nang kami ay kasama ninyo, kailanman ay hindi kami gumamit ng salita na pakunwaring papuri, ni pagbabalatkayo upang itago ang kasakiman. Ang Diyos ang saksi.

   
 6Alam rin ninyo na hindi kami naghahanap ng papuri mula sa mga tao, ni sa inyo, ni sa iba man, bagaman bilang mga apostol ni Cristo mayroon kaming karapatang humiling sa inyo. 7Kami ay naging malumanay sa inyong kalagitnaan katulad ng isang ina na nangangalaga sa kaniyang mga sariling anak. 8Sa ganitong pananabik ay nalugod kaming ibahagi sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming sariling buhay sapagkat napamahal na kayo sa amin. 9Ito ay sapagkat naala-ala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagpapakapagod sa mga gawain dahil araw at gabi ay gumagawa kami upang huwag kaming maging pasanin ng sinuman sa inyo, sa aming pagpapahayag ng ebanghelyo ng Diyos.

   
 10Kayo ay mga saksi at ganoon din ang Diyos kung papaano kami namuhay kasama ninyo na mga sumasampalataya. Namuhay kaming banal at matuwid at walang kapintasan. 11Alam ninyo kung paano namin pinalakas ang loob, inaliw at binigyang patotoo ang bawat isa sa inyo tulad ng isang ama sa sarili niyang mga anak. 12Ito ay upang mamuhay kayo ng karapat-dapat sa Diyos na tumawag sa inyo sa kaniyang sariling paghahari at kaluwalhatian.

   
 13Dahil dito, kami rin ay walang patid na nagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang tinanggap ninyo mula sa amin ang salitang inyong narinig na nanggaling sa Diyos, tinanggap ninyo ito hindi bilang salita ng mga tao. Subalit tinanggap ninyo ito, na ito nga ang salita ng Diyos na siya ring gumagawa sa inyo na sumasampalataya. 14Ito ay sapagkat, kayo mga kapatid ay tumulad sa mga iglesiya ng Diyos sa Judea na na kay Cristo Jesus dahil kayo rin ay naghirap ng gayunding mga bagay mula sa inyong mga sariling kababayan tulad din nila na naghirap mula sa mga Judio. 15Ang mga ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at gayundin sa kanilang mga sariling propeta. Sila rin ang nagpalayas sa inyo, at hindi nila binigyang-lugod ang Diyos at sila ay laban sa lahat ng tao. 16Pinagbawalan nila kaming magsalita sa mga Gentil upang hindi maligtas ang mga ito. Sa gayon ay umabot na sa hangganan ang kanilang kasalanan, kaya ang poot ng Diyos ay dumating na sa kanila sa kasukdulan.

Ninanais na Makita ni Pablo ang mga Taga-Tesalonica

 17Mga kapatid, kami ay nangulila sa inyo nang sandaling panahon, na bagaman hindi namin kayo nakikita, kayo ay nasa aming puso. Dahil dito lalo naming pinagsikapang makita kayo ng mukhaan na may masidhing pagnanais. 18Kaya naman ibig namin na mapuntahan kayo, maging ako, na si Pablo ay gayundin ang pagnanais minsan at muli. Subalit hinadlangan kami ni Satanas. 19Sapagkat ano nga ba ang aming pag-asa, o kagalakan o putong ng kagalakan? Hindi ba kayo sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagbabalik? 20Ito ay sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.  

1 Mga Taga-Tesalonica 3

 1Kaya nga, nang hindi na nga namin ito matiis, inisip namin na mabuti pang maiwan na lamang kami sa Atenas. 2Sinugo namin si Timoteo na ating kapatid at tagapaglingkod ng Diyos at aming kamanggagawa sa ebanghelyo ni Cristo upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob patungkol sa inyong pananampalataya. 3Ito ay upang walang sinuman sa inyo ang matinag ng mga paghihirap na ito dahil kayo ang siyang nakakaalam na kami ay itinalaga sa mga bagay na ito. 4Ito ay sapagkat nang kasama ninyo kami, sinabi na namin sa inyo nang una pa, na kami ay magbabata na ng kahirapan. At nalaman ninyo na gayon nga ang nangyari. 5Nang hindi na ako makatiis ay nagsugo ako upang malaman ang patungkol sa inyong pananampalataya, dahil sa aking pangambang baka kayo ay natukso na ng manunukso at mawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.

Nagpalakas ng Loob ang Pagbabalita ni Timoteo

 6Ngunit ngayon, si Timoteo ay bumalik na sa amin mula sa inyo. Ibinalita niya sa amin ang patungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at lubha ninyo kaming pinananabikang makita tulad din naman namin sa inyo. 7Dahil dito, mga kapatid, lumakas ang aming loob patungkol sa inyo sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa kabila ng lahat naming paghihirap at pangangailangan. 8Sa ngayon kami ay nabubuhay kung matibay kayong tumatayo sa Panginoon. 9Sapagkat anong pasasalamat ang ibibigay namin sa Diyos patungkol sa inyo? Paano namin pasasalamatan ang lahat ng kagalakang ikinagagalak namin alang-alang sa inyo sa harap ng ating Diyos? 10Gabi at araw ay maningas naming ipinananalangin na makita ang inyong mga mukha at lubos na mapunan ang kakulangan sa inyong pananampalataya.

   
 11Ngunit ang Diyos nawa at ating Ama at ang Panginoong Jesucristo ang siyang pumatnubay sa aming daan papunta sa inyo. 12Palaguin at pag-apawin nawa kayo ng Diyos sa pag-ibig sa isa't isa at sa lahat tulad din naman namin sa inyo. 13Ito ay upang palakasin ang inyong mga puso na walang kapintasan sa kabanalan sa harapan ng ating Diyos at Ama sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesucristo kasama ang lahat niyang mga banal.

 

1 Mga Taga-Tesalonica 4

Mamuhay nang Kalugud-lugod sa Diyos

 1Sa katapus-tapusan, mga kapatid, aming hinihiling at matapat na hinihikayat kayo sa Panginoong Jesus na sumagana kayo nang higit pa sa natutunan ninyo mula sa amin, kung paano kayo dapat mamuhay at magbigay-lugod sa Diyos. 2Ito ay sapagkat alam ninyo ang mga tagubiling ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo.

   
 3Ito ay sapagkat ang kalooban ng Diyos ay ang inyong kabanalan, na inyong iwasan ang pakikiapid. 4Ang bawat isa sa inyo ay dapat nakakaalam kung papaano niya mapigil ang kaniyang katawan para sa kabanalan at karangalan. 5Ito ay hindi dapat sa masasamang nasa ng laman kagaya ng mga Gentil na hindi nakakakilala sa Diyos. 6Gayundin, ang sinuman ay hindi dapat magmalabis at magsamantala sa kaniyang kapatid sa anumang bagay sapagkat ang Panginoon ang tagapaghiganti patungkol sa lahat ng mga bagay na ito. Ito ay tulad ng sinabi namin sa inyo nang una pa man at aming pinatotohanang lubos. 7Ito ay sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos sa karumihan kundi sa kabanalan. 8Kaya nga, ang nagtatakwil sa mga katuruang ito ay hindi nagtatakwil sa tao kundi sa Diyos na siya ring nagbigay sa atin ng kaniyang Banal na Espiritu.

   
 9Ngayon, hindi ko na kinakailangang sumulat pa sa inyo patungkol sa pag-ibig sa mga kapatid sapagkat kayo ang siyang tinuruan na ng Diyos na mag-ibigan sa isa't isa. 10At ito nga ay inyong ginagawa sa lahat ng mga kapatid na nasa buong Macedonia. Ngunit matapat namin kayong hinihikayat na kayo ay lalong sumagana sa bagay na ito.

   
 11Matuto din naman kayong mamuhay nang tahimik, inyong gawin ang mga sarili ninyong gawain, at gumawa kayo sa pamamagitan ng inyong mga kamay katulad ng ipinagtagubilin namin sa inyo. 12Ito ay upang mamuhay kayong may kaayusan sa mga taga-labas at nang huwag kayong umasa sa kaninuman.

Ang Pagdating ng Panginoon

 13Ngunit, hindi ko ibig na kayo mga kapatid, ay hindi makaalam patungkol sa mga natutulog upang huwag kayong magdalamhati na tulad ng mga iba na walang pag-asa. 14Ito ay sapagkat kung naniniwala tayo na si Jesus ay namatay at nagbangong muli, gayundin naman ang mga natutulog kay Jesus ay dadalhin ng Diyos kasama niya. 15Ito ay sinasabi namin sa inyo ayon sa salita ng Panginoon na tayong nabubuhay at nanatili hanggang sa pagdating ng Panginoon ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog. 16Ito ay sapagkat ang Panginoon din ang siyang bababa mula sa langit na may isinisigaw na utos, na may tinig ng pinunong-anghel at may trumpeta ng Diyos. Ang mga patay kay Cristo ay unang magbabangon. 17Pagkatapos nito, tayong mga buhay at naririto pa ay kasama nilang aagawin sa mga alapaap upang salubungin natin ang Panginoon sa hangin. Sa gayon, makakasama natin ang Panginoon magpakailanman. 18Kaya palakasin ninyo ang loob ng isa't isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.

 

1 Mga Taga-Tesalonica 5

 1Ngunit mga kapatid, hindi na kinakailangang sumulat pa kami sa inyo patungkol sa mga panahon at mga kapanahunan. 2Ito ay sapagkat nalalaman ninyong lubos na ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng pagdating ng isang magnanakaw sa gabi. 3Ito ay sapagkat kapag sinasabi nila: Kapayapaan at katiwasayan, ang biglang pagkawasak ay darating sa kanila tulad ng nararamdamang sakit ng babaeng manganganak na. At sila ay hindi makakatakas sa anumang paraan.

   
 4Ngunit kayo mga kapatid, ay wala sa kadiliman upang ang araw na iyon ay biglang dumating sa inyo tulad ng pagdating ng isang magnanakaw. 5Kayong lahat ay mga anak ng liwanag at mga anak ng araw. Tayo ay hindi mga tao ng gabi o ng kadiliman. 6Kaya nga, hindi tayo dapat matulog katulad ng iba, subalit laging nagbabantay at may maayos na pag-iisip. 7Ito ay sapagkat ang mga natutulog ay natutulog sa gabi at ang mga manginginom ng alak ay naglalasing sa gabi. 8Ngunit dahil tayo ay sa araw, dapat ay may maayos tayong pag-iisip. Ating isuot ang baluting pangdibdib ng pananampalataya at pag-ibig at bilang helmet, ang pag-asa ng kaligtasan. 9Ito ay sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa poot kundi para magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo. 10At siya ang namatay para sa atin upang tayo, maging gising o tulog man, ay mabuhay na kasama niya. 11Kaya palakasin ninyo ang loob at patatagin ang isa't isa tulad ng inyong ginawa.

Mga Panghuling Paala-ala

 12Ngunit ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na kilalanin ninyo ang mga nagpapagal sa inyo at nangunguna sa inyo sa Panginoon at nagbibigay babala sa inyo. 13Inyong lubos na pahalagahan sila sa pag-ibig dahil sa kanilang gawa. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't isa. 14Ngunit mga kapatid, aming ipinagtatagubilin din na bigyan ninyo ng babala ang mga tamad. Aliwin ninyo ang mga mahihina ang loob. Inyong tulungan ang mga nanghihina. Maging mapagbata kayo sa lahat. 15Tiyakin ninyo na walang sinumang gumanti ng masama sa masama. Subalit pagsumikapan ninyong lagi na gumawa ng mabuti sa isa't isa at gayundin sa lahat.

   
 16Lagi kayong magalak. 17Manalangin kayong walang patid. 18Magpasalamat kayo patungkol sa lahat ng bagay sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.

   
 19Huwag ninyong patayin ang ningas ng Banal na Espiritu. 20Huwag ninyong hamakin ang mga paghahayag. 21Suriin ninyo ang lahat ng mga bagay. Hawakan ninyo ang mabuti. 22Iwasan ninyo ang lahat ng anyo ng kasamaan.

   
 23Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan mismo nawa ang siyang magpaging-banal sa inyo nang ganap. Ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay maingatang buo na walang kapintasan hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesucristo. 24Siya na tumatawag sa inyo ay matapat. Siya rin ang gagawa nito.

Panghuling Pagbati

 25Mga kapatid, ipanalangin ninyo kami. 26Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid sa pamamagitan ng banal na halik. 27Iniuutos ko sa inyo sa pamamagitan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga banal na kapatid.

   
 28Ang biyaya ng ating Panginoong Jesuscristo ay sumainyo. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

2 Mga Taga-Tesalonica

Chapters: 1 | 2 | 3

2 Mga Taga-Tesalonica 1

 1Akong si Pablo na kasama si Silvano at si Timoteo ay sumusulat sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.

   
 2Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.

Pagpapasalamat at Panalangin

 3Mga kapatid, nararapat lamang na kami ay laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo sapagkat ang inyong pananampalataya ay lalong lumalago at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo ay sumasagana at ito rin ay sumasagana sa lahat para sa isa't isa. 4Kaya nga, para sa amin, kayo ay ipinagmamalaki namin sa mga iglesiya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig at mga paghihirap na inyong tinitiis.

   
 5Ang mga ito ang katibayan ng makatarungang paghatol ng Diyos na kayo ay ariing karapat-dapat na mapabilang sa kaharian ng Diyos. Alang-alang sa kaharian ng Diyos, kayo ay natitiis. 6Makatarungan para sa Diyos na gantihan ng paghihirap ang mga nagpapahirap sa inyo. 7Gantihan din kayo ng Diyos ng kapahingahan kasama namin, sa inyo na mga nagbata ng kahirapan, sa araw na ang Panginoong Jesucristo ay mahahayag mula sa langit kasama ng kaniyang makapangyarihang mga anghel. 8Sa pamamagitan ng naglalagablab na apoy ay maghihiganti siya sa kanila na hindi nakakakilala sa Diyos at sila na hindi sumunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo. 9Daranasin nila ang kaparusahang walang hanggang kapahamakan. Ito ay ang pagkahiwalay mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kalakasan. 10Sa araw na iyon ng kaniyang pagdating, siya ay luwalhatiin ng kaniyang mga banal at kamanghaan ng lahat ng sumasampalataya. Ito ay sapagkat ang patotoo namin sa inyo ay inyong sinampalatayanan.

   
 11Dahil din dito, lagi namin kayong idinadalangin na ibilang kayo ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag na ito. Idinadalangin din namin na ganapin ng Diyos ang bawat mabuting kaluguran sa kabutihan at gawa ng pananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan. 12Ito ay upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesucristo ay maluwalhati sa inyo at kayo sa kaniya ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesucristo.

 

2 Mga Taga-Tesalonica 2

Ang Tao ng Kasalanan

 1Ngayon, mga kapatid, sa pamamagitan ng pagparito ng ating Panginoong Jesucristo at sa ating pagkakatipon sa kaniya, nakikiusap kami sa inyo. 2Huwag madalaling maguluhan ang inyong pag-iisip, ni magulumihanan sa pamamagitan man ng espiritu, o salita, o sulat na sinasabi ng mga tao na galing sa amin, na para bang ang araw ng Panginoon ay dumating na. 3Huwag ninyong hayaan na kayo ay madaya ng sinuman sa anumang paraan sapagkat ang araw na iyon ay hindi darating malibang mangyari muna ang pagtalikod sa pananampalataya at mahayag ang tao ng kasalanan, ang anak ng paglipol. 4Siya ay sasalungat sa Diyos at itinataas ang kaniyang sarili nang higit sa kanilang lahat na tinatawag na Diyos o sa anumang sinasamba. Sa gayon, siya ay papasok sa banal na dako ng Diyos at uupo bilang Diyos. Ipinahahayag niya ang kaniyang sarili na siya ang Diyos.

   
 5Hindi ba ninyo naaala-ala na ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo nang ako ay kasama pa ninyo? 6Ngayon, alam ninyo kung sino ang pumipigil sa kaniya upang siya ay mahayag sa kaniyang takdang panahon. 7Ito ay sapagkat gumagawa na ang hiwaga ng kawalang pagkikilala sa kautusan ng Diyos. May pumipigil pa rito sa ngayon hanggang sa ang pumipigil ay maalis. 8Kung magkagayon, mahahayag siya na walang kinikilalang kautusan ng Diyos. Ang Panginoon ang pupuksa sa kaniya sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig. Sa pamamagitan ng kasinagan ng kaniyang pagdating at ang Panginoon ay siya ring magpapawalang-bisa sa taong iyon. 9Ang pagparito ng taong walang kinikilalang kautusan ng Diyos ay ayon sa paggawa ni Satanas ayon sa lahat ng uri ng kapangyarihan at mga tanda at mga kamangha-manghang gawa ng kasinungalingan. 10Gagawa siya ng lahat ng daya ng kalikuan sa kanila na napapahamak sapagkat hindi nila tinanggap ang pag-ibig ng katotohanan upang sila ay maligtas. 11Dahil dito, ang Diyos ay magpapadala sa kanila ng makapangyarihang gawain ng panlilinlang upang sila ay maniwala sa kasinungalingan. 12Ito ay upang hatulan niya ang lahat ng hindi naniwala sa katotohanan kundi nasiyahan sa kalikuan.

Tumayo nang Matatag

 13Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, nararapat na kami ay laging magpasalamat sa Diyos patungkol sa inyo. Ito ay sapagkat pinili kayo ng Diyos mula pa sa pasimula para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapaging-banal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan. 14Tinawag niya kayo dito sa pamamagitan ng aming ebanghelyo upang matamo ninyo ang kalwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo. 15Kaya nga, mga kapatid, tumayo kayong matatag at panghawakan ninyong matibay ang mga dating aral na itinuro sa inyo, maging ito man ay sa pamamagitan ng salita o sa pamamagitan ng aming sulat.

   
 16Ang ating Panginoong Jesucristo at ating Diyos Ama ay nagmahal sa atin at nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya. 17Palakasin nawa niya ang inyong kalooban at patatagin nawa kayo sa lahat ng mabuting salita at gawa.

2 Mga Taga-Tesalonica 3

Humiling si Pablo Upang Ipanalangin

 1Sa katapus-tapusan, mga kapatid, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay lumaganap at luwalhatiin na tulad nang pagluwalhati ninyo. 2At upang kami ay mailigtas mula sa mga taong liko at masama sapagkat hindi lahat ng tao ay mayroong pananampalataya. 3Ngunit matapat ang Panginoon na siyang magpapatatag sa inyo at mag-iingat sa inyo mula sa masama. 4Nagtitiwala kami sa Panginoon patungkol sa inyo na ang mga bagay na iniutos ko sa inyo ay inyong ginagawa at gagawin. 5Patnubayan ng Panginoon ang inyong mga puso patungo sa pag-ibig sa Diyos at patungo sa pagbabata ni Cristo.

Babala Laban sa Katamaran

 6Ngayon, mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo na kayo ay humiwalay sa bawat kapatid na tamad at hindi namumuhay ayon sa aral na tinanggap niya sa amin. 7Kayo rin ang siyang nakakaalam kung papaanong kinakailangang tularan ninyo kami sapagkat hindi kami namuhay sa katamaran sa inyong kalagitnaan. 8Hindi rin kami kumain ng tinapay ng sinuman na walang bayad. Sa halip, sa pagpapagal at pagpapakapagod sa gawain, gumawa kami sa gabi at sa araw upang huwag kaming maging pasanin ng sinuman sa inyo. 9Ginawa namin ito hindi dahil sa kami ay walang kapamahalaan sa mga bagay na ito kundi upang maibigay namin sa inyo ang aming sarili na maging isang huwaran upang kami ay tularan ninyo. 10Nang kasama ninyo kami, iniutos namin sa inyo na kung ang sinuman ay ayaw gumawa ay huwag ding siyang kumain.

   
 11Ito ay sapagkat nabalitaan namin na ang iba sa inyo ay namumuhay sa katamaran. Hindi man lang sila gumagawa, sa halip ay nakikialam pa sa mga bagay ng iba. 12Sa gayong mga tao ay aming iniuutos at ipinagtatagubilin sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo na sila ay gumawa nang tahimik upang sila ay kumain ng sarili nilang mga pagkain. 13Ngunit mga kapatid, huwag kayong panghinaan ng loob sa paggawa ng mabuti.

   
 14Kung ang sinuman ay hindi sumunod sa aming salita sa pamamagitan ng sulat na ito, tandaan ninyo ang taong iyon. Huwag kayong makisama sa kaniya upang siya ay mapahiya. 15Gayunman, huwag ninyo siyang ituring na kaaway kundi bigyan ninyo siya ng babala tulad ng isang kapatid.

Panghuling Pagbati

 16Ngayon, ang Panginoon ng kapayapaan ang siyang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa buong panahon at sa bawat paraan. Sumainyong lahat ang Panginoon.

   
 17Ako, si Pablo, ang lumagda ng pagbating ito sa pamamagitan ng aking kamay. Ito ang siyang tanda ng bawat sulat ko. Ganito ang aking ginagawa sa bawat sulat ko.

   
 18Sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

1 Kay Timoteo

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56

1 Kay Timoteo 1

 1Akong si Pablo ay isang apostol ni Jesucristo ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ng Panginoong Jesucristo. Siya ang ating pag-asa. 2Ako ay sumusulat sa iyo, Timoteo. Ikaw ay tunay kong anak sa pananampalataya.
   Sumaiyo ang biyaya, kahabagan at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Babala Laban sa mga Huwad na Tagapagturo ng Kautusan

 3Nang ako ay pumunta sa Macedonia, ipinapayo ko sa iyo na manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang kalalakihan na huwag silang magturo ng kakaibang katuruan. 4Utusan mo sila na huwag nilang bigyang pansin ang mga alamat at walang katapusang talaan ng mga angkan. Ang mga bagay na ito ay nagbubunga lamang ng mga pagtatalo. Hindi sila nagbubunga ng pamamahalang mula sa Diyos na sa pamamagitan ng pananampalataya. 5Ngunit ang layunin ng utos na ito ay pag-ibig na mula sa isang pusong dalisay, isang mabuting budhi at walang pakunwaring pananampalataya. 6Ang ilan ay sumala na sa mga ito at napabaling sila sa mga usapang walang kabuluhan. 7Ibig nilang maging mga guro ng kautusan ngunit hindi nila nauunawaan ang kanilang mga sinasabi ni ang mga bagay na buong tiwala nilang sinasabi.

   
 8Alam natin na mabuti ang kautusan kapag ito ay ginamit sa wastong paraan. 9Alam natin na hindi itinalaga ng Diyos ang kautusan para sa mga matuwid kundi para sa mga hindi kumikilala sa kautusan ng Diyos, sa mga mapanghimagsik, sa mga hindi kumikilala sa Diyos, sa mga makasalanan, sa mga hindi banal at mga mapaglapastangan sa Diyos, para sa mga pumapatay ng kanilang ama o ina, at para sa mga mamamatay-tao. 10Ito rin ay para sa mga mapakiapid, sa mga lalaki na nagpapagamit sa kapwa lalaki, sa mga magnanakaw ng tao, sa mga sinungaling at para sa mga bulaang saksi, para sa ano pa mang sumasalungat sa mapagkakatiwalaang katuruan. 11Ito ay ayon sa maluwalhating ebanghelyo ng Diyos na ating pinupuri, na ipinagkatiwala sa akin.

Ang Biyaya ng Diyos kay Pablo

 12Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na Panginoon natin na siyang nagpalakas sa akin. Inari niya akong tapat at siya ang nagtalaga sa akin upang maglingkod sa kaniya. 13Noong una, ako ay mamumusong, isang mang-uusig at isang manlalait. Subalit ginawa ko ang mga ito dahil sa kawalan ng kaalaman at pananampalataya, kaya nga, kinahabagan niya ako. 14Ngunit ang biyaya ng ating Panginoon ay labis na sumagana sa akin na kalakip ng pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.

   
 15Narito ang isang mapagkakatiwalaang pananalita at karapat-dapat na lubos na tanggapin: Si Cristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakapusakal sa mga makasalanan. 16Subalit ang dahilan kung bakit niya ako kinahabagan ay upang maipakita ni Jesucristo ang kaniyang buong pagtitiyaga una sa akin, upang maging isang huwaran sa mga sasampalataya sa kaniya at nang magkamit ng buhay na walang hanggan. 17Ngayon, sa Haring walang hanggan at walang pagkabulok, at hindi nakikita, at tanging matalinong Diyos, sumakaniya ang karangalan at kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.

   
 18Timoteo, anak ko, ito ang iniuutos ko sa iyo ayon sa mga unang paghahayag patungkol sa iyo. Makipaglaban ka ng mabuting pakikibaka. 19Panghawakan mo ang pananampalataya at isang mabuting budhi dahil may mga taong tinanggihan ang mga ito. Ang naging bunga, ang kanilang pananampalataya ay naging tulad ng isang barko na nawasak. 20Kabilang sa mga taong ito ay sina Himeneo at Alexander. Upang sila ay matutong huwag manlait, ibinigay ko sila kay Satanas.

1 Kay Timoteo 2

Mga Tagubilin Patungkol sa Pagsamba

 1Kaya nga, una sa lahat, ipinamamanhik ko na ang lahat ng mga dalanging may paghiling, ang mga panalangin, ang mga dalangin na namamagitan at pasasalamat ay gawin para sa lahat ng mga tao. 2Gawin din ang mga ito para sa mga hari at para sa lahat ng mga nasa pamamahala. Ito ay upang mamuhay tayo ng payapa at tahimik sa lahat ng gawaing maka-Diyos at karapat-dapat na pag-ugali. 3Sapagkat ito ay mabuti at katanggap-tanggap sa harapan ng Diyos na ating Tagapagligtas. 4Inibig niyang iligtas ang mga tao at upang sila ay makaalam ng katotohanan. 5Ito ay sapagkat may iisang Diyos at iisang Tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at ng mga tao. Siya ay ang taong si Cristo Jesus. 6Ibinigay niya ang kaniyang sarili bilang pantubos para sa lahat ng tao, isang patotoo sa takdang panahon. 7Dahil dito itinalaga ako ng Diyos na maging mangangaral at apostol. Nagsasalita ako ng katotohanan na na kay Cristo at hindi ako nagsisinungaling. Itinalaga niya ako upang magturo ng pananampalataya at katotohanan sa mga Gentil.

   
 8Kaya nga, ninais ko na ang mga lalaki ay manalangin sa lahat ng dako na itinataas ang kanilang mga kamay na banal na walang poot o pagtatalo.

   
 9Gayundin naman, ninais ko na gayakan ang mga babae ang kanilang sarili, manamit ng maayos, maging mahinhin at gina-gamit nang maayos ang pag-iisip. Hindi dapat na nakatirintas ang buhok, o nagsusuot ng ginto, o perlas o mga mamahaling damit. 10Sa halip, dapat na magsuot sila ng mga mabubuting gawa. Ito ay nararapat sa mga babaeng nagsasabing sumasamba sila sa Diyos.

   
 11Ang isang babae ay dapat na matutong tumahimik na may pagpapasakop. 12Hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo o mamuno sa lalaki. Sa halip siya ay maging tahimik. 13Ang dahilan nito ay nilikha muna ng Diyos si Adan, saka niya nilikha si Eva. 14Hindi nadaya si Adan. Ngunit nang ang babae ay nadaya, siya ang nasa pagsalangsang. 15Ngunit maililigtas siya sa pamamagitan ng pagsilang ng sanggol kung sila ay magpapatuloy sa pananampalataya, pag-ibig at kabanalan na ginagamit nang maayos ang pag-iisip.

 

1 Kay Timoteo 3

Mga Tagapangasiwa at Mga Diyakono

 1Ang pananalitang ito ay mapagkakatiwalaan. Kung ninanais ng sinuman ang gawain ng isang tagapangasiwa, nagnanais siya ng isang magandang gawain. 2Ang tagapangasiwa ay dapat na walang maipupula, iisa lang ang asawa, mapagpigil, ginagamit nang maayos ang pag-iisip, may magandang asal, bukas ang tahanan sa mga panauhin at makakapagturo. 3Siya ay hindi dapat na manginginom ng alak, hindi palaaway, hindi gahaman sa maruming kapakinabangan, subalit mahinahon at mapayapa at hindi maibigin sa salapi. 4Dapat na pinamamahalaan niya nang mabuti ang kaniyang sariling tahanan, na ang kaniyang mga anak ay nagpapasakop na may karapat-dapat na ugali. 5Kapag ang isang lalaki ay hindi marunong mamahala ng kaniyang sariling sambahayan, papaano niya mapangangalagaan ang iglesiya ng Diyos? 6Hindi siya dapat baguhang mananampalataya, at baka kung siya ay magmayabang ay mahulog sa hatol ng Diyos na inihatol niya sa diyablo. 7Dapat na may mabuti siyang patotoo sa mga taga-labas. Kung wala siya nito, baka siya ay mahulog sa pangungutya at sa bitag ng diyablo.

   
 8Gayundin naman, ang mga diyakono ay dapat na may karapat-dapat na pag-uugali. Hindi madaya, hindi nagpapairal sa alak, hindi gahaman sa maruming kapakinabangan. 9Dapat na manangan sila sa hiwaga ng pananampalataya na taglay ang isang malinis na budhi. 10Subukin muna sila. Kung walang anumang maipaparatang sa kanila, hayaan silang maglingkod.

   
 11Ang mga babae naman ay dapat na may karapat-dapat na pag-uugali. Hindi mapanirang puri, ginagamit nang maayos ang pag-iisip, at mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay.

   
 12Ang bawat diyakono ay dapat na asawa ng isang babae at pinamamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at kanilang sambahayan. 13Ito ay sapagkat ang mga nakapaglingkod nang mahusay bilang diyakono ay nagtatamo ng isang mabuting tungkulin at ng dakilang kalakasan ng loob sa pananampalataya na na kay Cristo Jesus.

   
 14Sa dahilang inaasahan kong makarating diyan sa inyo sa lalong madaling panahon, isinusulat ko ang mga bagay na ito sa iyo. 15Ngunit kung ako ay maaantala sa pagpariyan sa iyo, alam mo ang paraan kung paano ang dapat na maging asal mo sa bahay ng Diyos na siyang iglesiya ng Diyos na buhay. Ito ang haligi at saligan ng katotohanan. 16Nahayag ito na may katiyakan. Ang hiwaga ng pagkamaka-Diyos ay dakila: Nahayag sa laman ang Diyos. Inihayag ng Espiritu na siya ay matuwid. Nakita siya ng mga anghel. Ipinangaral siya sa mga Gentil. Sinampalatayanan siya ng sanlibutan. Tinanggap siya sa kaluwalhatian.

 

1 Kay Timoteo 4

Mga Tagubilin kay Timoteo

 1Ngunit maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa huling panahon ay iiwan ng ilang tao ang pananampalataya. Bibigyang pansin nila ang mga espiritung mapanlinlang at ang mga katuruan ng mga demonyo. 2Ang mga taong ito ay nagsasalita ng kasinungalingan na may pagpapaimbabaw. Ang kanilang budhi ay pinaso. 3Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at may ipinagbabawal sila na pagkain, na nilikha ng Diyos upang tanggapin na may pasasalamat ng mga sumasampalataya at nakakaalam ng katotohanan. 4Ito ay sapagkat ang lahat na nilikha ng Diyos ay mabuti, na dapat tanggaping may pasasalamat at hindi ito dapat itakwil. 5Ito ay sapagkat pinaging-banal ang mga ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin.

   
 6Kung ituturo mo ang mga bagay na ito sa harapan ng mga kapatid, ikaw ay magiging mabuting tagapaglingkod ni Jesucristo. Ikaw ay pinakakain ng Diyos ng mga salita ng pananampalataya at ng katuruan na buong ingat mong sinunod. 7Ngunit tanggihan mo ang mga alamat na mapaglapastangan sa Diyos na isinasalaysay ng matatandang babae. Sanayin mo ang iyong sarili sa pagiging maka-Diyos. 8Ito ay sapagkat kung sinasanay mo ang iyong katawan, mayroon naman itong kaunting pakinabang. Ngunit ang pagiging maka-Diyos ay may kapakinabangan sa lahat ng mga bagay. Ito ay may pangako sa buhay sa ngayon at sa buhay na darating.

   
 9Ito ay isang mapagkakatiwalaang pananalita at karapat-dapat na tanggapin ng lahat. 10Ito ang dahilan na kami ay nagpapagal at kinukutya ng mga tao. Ito ay dahil umaasa kami sa Diyos na buhay na siyang tagapagligtas ng lahat ng tao, lalong higit doon sa mga sumasampalataya.

   
 11Iutos mo ang mga bagay na ito at ituro mo sa kanila. 12Walang sinumang dapat na humamak sa iyo dahil sa iyong kabataan subalit maging huwaran ka ng mga mananampalataya sa salita, sa pag-uugali, sa pag-ibig, sa espiritu, sa pananampalataya, sa kadalisayan. 13Hanggang sa ako ay makapariyan sa iyo, iukol mo ang iyong sarili sa pagbabasa, sa pagpapayo at sa pagtuturo. 14Huwag mong pabayaan ang kaloob na ibinigay ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng paghahayag at ng pagpatong sa iyo ng mga kamay ng mga matanda sa iglesiya.

   
 15Pagbulay-bulayan mong mabuti ang mga bagay na ito. Italaga mo nang lubusan ang iyong sarili sa pagsasagawa nito. Sa gayon, maliwanag na makikita ng lahat na ikaw ay lumalago. 16Ingatan mo ang iyong sarili at ang pagtuturo. Manatili ka sa mga bagay na ito. Kung gagawin mo ito, maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga makikinig sa iyo.

 

1 Kay Timoteo 5

Payo Patungkol sa mga Balo, Matatanda at mga Alipin

 1Huwag mong sawayin ang isang matanda. Sa halip, hikayatin mo siya nang may katapatan tulad sa isang ama, gayundin naman sa mga nakakabatang lalaki, na tulad sa mga kapatid. 2Hikayatin mo nang may katapatan ang matatandang babae na tulad sa mga ina, at ang mga nakakabatang babae na tulad sa mga kapatid na babae nang buong kalinisan.

   
 3Igalang mo ang mga balong babae na tunay na mga balo. 4Ngunit kung ang balo ay may mga anak o mga apo, dapat na matutunan muna nilang ipakita na sila ay sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagkalinga nila sa kanilang sambahayan. Gantihan din nila ng kabutihan ang kanilang mga magulang at ninuno sapagkat mabuti at katanggap-tanggap ito sa harapan ng Diyos. 5Ngayon, ang babae na isang tunay na balo at nag-iisa ay sa Diyos umaasa. Gabi at araw, siya ay nagpapatuloy sa paghiling sa Diyos at pananalangin. 6Ngunit ang balo na nagpapakabuyo sa pansariling kasiyahan, bagaman siya ay nabubuhay, siya ay patay. 7Upang sila ay hindi mapintasan, iutos mo ang mga bagay na ito sa kanila. 8Kapag hindi paglaanan na sinuman ang pangangailangan ng kaniyang sarili, lalo na ang kaniyang sariling sambahayan, ay tumalikod na sa pananampalataya. Siya ay masahol pa sa isang hindi mananampalataya.

   
 9Kung ang isang balo ay mahigit nang animnapung taong gulang, isama mo ang kaniyang pangalan sa talaan ng mga balo. Dapat na siya ay naging asawa lamang ng isang lalaki. 10Dapat nasaksihan ng mga tao ang kaniyang mabubuting gawa, tulad ng pagpapalaki niya sa kaniyang mga anak, pagpapatuloy niya sa mga taga-ibang bayan, paghugas niya sa mga paa ng mga banal, pagtulong niya sa mga nagulumihanan at kung iniukol niya ang kaniyang sarili sa lahat ng uri ng mabubuting gawa.

   
 11Tanggihan mong isama sa talaan ang mga batang babaeng balo sapagkat kung ang kanilang makalamang pagnanasa ay maging salungat kay Cristo, sila ay nagnanais na mag-asawa. 12Sa dahilang itinakwil nila ang kanilang unang pananampalataya, hinahatulan sila ng Diyos. 13Dagdag pa rito, natututo silang maging tamad na nagpapalipat-lipat sa mga bahay-bahay. Hindi lang sila mga tamad kundi sila ay mga masitsit at nakikialam sa buhay ng ibang tao at nagsasabi ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin. 14Kaya nga, ninanais ko na ang mga batang balo ay mag-asawa, na sila ay magkaanak at pangalagaan ang kanilang tahanan upang hindi sila magbigay ng pagkakataon sa kaaway na alipustain sila. 15Ito ay sapagkat ang ilan ay tumalikod na at sumunod na kay Satanas.

   
 16Kung ang isang mananampalatayang lalaki o isang mananampalatayang babae ay may mga balo sa kanilang kamag-anakan, dapat niya silang tulungan upang hindi sila maging pabigat sa iglesiya. Sa ganoon, ang iglesiya ay makakatulong sa mga tunay na mga balo.

   
 17Ang mga matanda sa iglesiya na nangangasiwang mabuti ay ibilang na karapat-dapat na tumanggap ng ibayong pagpapahalaga, lalo na ang mga nagpapagal sa salita at sa pagtuturo. 18Ito ay sapagkat sinabi ng kasulatan:
      Huwag mong busalan ang baka habang
      gumigiik.

   At ito rin ay nagsasabi:
      Ang mga manggagawa ay karapat-dapat sa
      kaniyang sahod.

    19Maliban sa dalawa o tatlong saksi ang magharap ng paratang laban sa matanda sa iglesiya, huwag mong itong tanggapin. 20Ang mga nagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat upang ang iba ay matakot.

   
 21Mahigpit kong ipinagtatagubilin sa iyo sa harapan ng Diyos at Panginoong Jesucristo at ng mga anghel na pinili ng Diyos: Ingatan mo ang mga tagubiling ito. Huwag kang humatol kaagad-agad. Huwag kang magtangi ng isang tao nang higit kaysa iba.

   
 22Huwag kang magmadali sa pagtatalaga ng sinuman sa pamamagitan ng pagpapatong ng iyong kamay. Huwag kang makibahagi sa mga kasalanan ng iba. Panatilihin mong dalisay ang iyong sarili.

   
 23Huwag kang uminom ng tubig lamang. Dahil sa iyong sikmura at madalas mong pagkakasakit, gumamit ka ng kaunting alak.

   
 24Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag na nakikita, na nauuna pa sa kanila sa paghuhukom. Ang mga kasalanan naman ng ibang tao ay sumusunod sa kanila. 25Sa gayunding paraan, ang mabubuting gawa ay hayagang nakikita. Ang mga hindi mabubuting gawa ay hindi maililingid.

 

1 Kay Timoteo 6

 1Hayaang isipin ng lahat ng nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin na ang kanilang mga amo ay karapat-dapat sa buong paggalang. Ito ay upang hindi mamusong ang mga tao sa pangalan ng Diyos at sa ating katuruan. 2Ang may mga amo na mananampalataya ay huwag manlait sa kanila dahil sila ay mga kapatid. Sa halip, dahil ang makikinabang ay mananampalataya at ang kanilang mga minamahal, dapat silang maglingkod sa kanila nang lalong mainam. Ituro mo ang mga bagay na ito at hikayatin mo silang may katapatan.

Pag-ibig sa Salapi

 3Maaring may magturo ng kakaibang turo na hindi sumasang-ayon sa mabuting salita ng ating Panginoong Jesucristo na ayon sa mapagkakatiwalaang katuruan. 4Kung ang sinumang tao ay gumagawa nito, siya ay mayabang, walang nalalaman, nahumaling sa pakikipagtalo at pakikipaglaban patungkol sa mga salita. Sa mga ito nagmumula ang inggit, paglalaban-laban, panglalait at masamang paghihinala. 5Mula rito ay dumarating ang walang hanggang mga pagtatalo mula sa mga taong may bulok na pag-iisip, at salat sa katotohanan. Iniisip nila na ang pagiging maka-Diyos ay paraan ng pagpapayaman. Layuan mo ang mga ganitong tao.

   
 6Ngunit ang pagsamba sa Diyos na may kasiyahan ay malaking pakinabang. 7Ito ay sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan. Maliwanag na wala tayong madadalang anuman mula rito. 8Kung tayo ay may pagkain at pananamit, masiyahan na tayo sa mga ito. 9Ngunit ang mga naghahangad na maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa isang silo. Sila ay nahuhulog sa mga mangmang na hangarin na makakapinsala sa kanila, at nagtutulak sa mga tao na malunod sa pagkawasak at pagkapahamak. 10Ito ay sapagkat ang pag-ibig sa salapi ang ugat sa lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang tao na nagpupumilit na makamtan ito ay naligaw palayo sa pananampalataya. Maraming pagdadalamhati ang lumalagos sa kanilang mga sarili.

Ang Tagubilin ni Pablo kay Timoteo

 11Ngunit ikaw, o tao ng Diyos, lumayo ka sa mga bagay na ito at sikapin mong maabot ang mga bagay na may katuwiran, pagiging maka-Diyos, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. 12Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya. Manangan ka sa buhay na walang hanggan na kung saan ay tinawag ka ng Diyos para rito at isinalaysay mo sa mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming saksi. 13Inuutusan kita sa harapan ng Diyos na nagbibigay buhay sa lahat ng bagay at sa harapan ni Cristo Jesus na sumaksi ng isang magandang paliwanag sa harap ni Poncio Pilato. 14Hanggang ang ating Panginoong Jesucristo ay dumating, tuparin mo ang utos na ito nang walang dungis at walang maipupula sa iyo. 15Siya ay mahahayag sa takdang panahon. Siya lamang ang pinagpala at makapangyarihan, Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. 16Siya lamang ang hindi maaaring mamatay, naninirahan sa liwanag na hindi malalapitan ng sinuman, walang sinumang nakakita sa kaniya ni makakakita sa kaniya. Sumasakaniya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Siya nawa.

Mga Panghuling Salita

 17Utusan mo ang mayayaman sa kapanahunang ito na huwag silang maging mapagmataas. Hindi nila dapat ilagak ang kanilang pag-asa sa kayamanang walang katiyakan. Sa halip, dapat nilang ilagak ang kanilang pag-asa sa buhay na Diyos na marangyang ipinagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay upang tayo ay masiyahan. 18Utusan mo silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, maging mapagbigay sila at handang magbahagi sa iba. 19Dapat silang maglaan ng isang mabuting saligan para sa kanilang sarili para sa hinaharap upang sila ay makapanangan sa buhay na walang hanggan.

   
 20 O Timoteo, ingatan mo ang mga ipinagkakatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang mapaglapastangan at mga usapang walang kabuluhan at mga pagtatalo na napagkakamaliang tawaging karunungan.
 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

2 Kay Timoteo

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4

2 Kay Timoteo 1

 1Akong si Pablo ay isang apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos ayon sa pangako ng buhay na na kay Cristo Jesus. 2Ako ay sumusulat sa iyo, O Timoteo, ang minamahal kong anak.
   Ang Diyos Ama at si Cristo Jesus na ating Panginoon ang magkakaloob sa iyo ng biyaya, kahabagan at kapayapaan.

Pinapayuhan ni Pablo si Timoteo na Maging Matapat

 3Nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang may malinis na budhi, tulad ng paglilingkod ng aking mga ninuno. Kapag ako ay nananalanging may paghiling gabi at araw, lagi kitang naaala-ala. 4Kapag naaala-ala ko ang iyong mga luha, labis akong nananabik na makita ka upang mapuspos ako ng kagalakan. 5Naaala-ala ko ang pananampalataya mong walang pagkukunwari na unang nanahan sa iyong lola Loida at sa iyong inang si Eunice. Natitiyak kong nananahan din ito sa iyo. 6Dahil dito, pinaaalalahanan kita na pagningasin mong muli ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpatong ko ng aking mga kamay sa iyo. 7Ito ay sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagkatakot, sa halip, binigyan niya tayo ng espiritu ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng maayos na pag-iisip.


 8Kaya nga, huwag kang mahiya sa patotoo patungkol sa ating Panginoon, ni sa akin na isang bilanggo. Subalit dahil sa ebanghelyo, makibahagi kang kasama ko sa kahirapan ayon sa kapangyarihan ng Diyos. 9Siya ang nagligtas at tumawag sa atin sa pamamagitan ng isang banal na pagtawag, hindi dahil sa ating mga gawa ngunit ayon sa kaniyang sariling layunin at biyaya. Ito ay ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa man nagsimula ang panahon. 10Ngunit ngayon, ito ay nahayag sa pamamagitan ng pagdating ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Pinawalang-bisa niya ang kapangyarihan ng kamatayan at dinala niya ang buhay at ang kawalan ng kamatayan sa liwanag ng ebanghelyo. 11Dito ay itinalaga ako na maging isang tagapangaral, isang apostol at isang guro para sa mga Gentil. 12Dahil dito, nagtitiis ako sa mga bagay na ito. Ngunit hindi ako nahihiya. Ang dahilan nito ay kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong kaya niyang ingatan ang inilagak ko sa kaniya hanggang sa araw na iyon.

   
 13Panatilihin mong maging huwaran ng mapagkakatiwalaang salita na iyong narinig mula sa akin. Panatilihin mo ito sa pananampalataya at sa pag-ibig na na kay Cristo Jesus. 14Ingatan mo ang mabuting bagay na inilagak ko sa iyo. Bantayan mo ito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin.

 
 15Alam mo na iniwan ako ng lahat ng taga-Asya, kabilang sina Figelo at Hermogenes.

   
 16Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo. Ang dahilan nito ay maraming ulit niya akong pinasiglang muli at hindi niya ikinahiya ang aking pagiging bilanggo. 17Noong siya ay nasa Roma, pinagsikapan niya akong hanapin at natagpuan niya ako. 18Maging kalooban nawa ng Panginoon na makatagpo siya ng habag mula sa Panginoon sa araw na iyon. Higit mong nalalaman kung gaano siya naglingkod ng lubos sa Efeso.

2 Kay Timoteo 2

 1Kaya nga, anak ko, magpakatibay ka sa biyaya na na kay Cristo Jesus. 2Narinig mo ang maraming bagay na aking sinabi sa harapan ng maraming saksi. Ipagkatiwala mo ang mga bagay na ito sa mga lalaking mapagkakatiwalaan na makakapagturo rin naman sa iba. 3Kaya nga, tiisin mo ang lahat ng hirap tulad ng isang mabuting kawal ni Jesucristo. 4Hindi isinasangkot ng naglilingkod bilang isang kawal ang kaniyang buhay sa mga bagay ng buhay na ito. Ito ay upang mabigyan niya ng kasiyahan ang nagtala sa kaniya bilang isang kawal. 5Gayundin naman, kung ang sinuman ay nakikipagpaligsahan sa palaro, kung hindi siya makikipagpaligsahan ayon sa alituntunin, siya ay hindi bibigyan ng gantimpalang-putong. 6Ang nagpapagal na magsasaka ang dapat munang makinabang sa kaniyang mga ani. 7Pakaisipin mo ang mga sinasabi ko at bibigyan ka nawa ng Panginoon ng pang-unawa sa lahat ng bagay.

   
 8Alalahanin mo na si Jesucristo ay mula sa angkan ni David, na ibinangon mula sa mga patay ayon sa aking ebanghelyo. 9Dahil dito, tiniis ko ang mga paghihirap kahit sa pagkabilanggo tulad sa isang manggagawa ng kasamaan. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi matatanikalaan. 10Dahil dito, tiniis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga pinili, upang sila ay magtamo rin naman ng kaligtasan na na kay Cristo Jesus na may walang hanggang kaluwalhatian.

   
 11Ito ay mapagkakatiwalaang pananalita sapagkat kung tayo ay namatay na kasama niya, tayo rin naman ay mabubuhay na kasama niya. 12Kung tayo ay maghihirap, tayo rin naman ay maghaharing kasama niya. Kung ipagkakaila natin siya, ipagkakaila rin niya tayo. 13Kung hindi tayo mapagkakatiwalaan, siya ay nananatiling mapagkakatiwalaan. Hindi niya maipagkakaila ang kaniyang sarili.

Manggagawang Minarapat ng Diyos

 14Patuloy mong ipaala-ala sa kanila ang mga bagay na ito. Mahigpit mong iutos sa kanila, sa harapan ng Diyos, na huwag silang makikipagtalo patungkol sa mga salita na walang kabuluhan at nakakapagpahamak sa mga nakikinig. 15Pagsikapan mong mabuti na iyong iharap ang iyong sarili na katanggap-tanggap sa Diyos, isang manggagawa na walang dapat ikahiya, na itinuturo ng tama ang salita ng katotohanan. 16Ngunit layuan mo ang usapang walang kabuluhan at mapaglapastangan sa Diyos sapagkat ang ganitong usapan ay nagbubunsod sa hindi pagkakilala sa Diyos. 17Ang katuruan ng mga gumagawa nito ay kumakalat na parang kanggrena. Sina Himeneo at Fileto ay kabilang dito. 18Sila ay sumala sa katotohanan. Sinasabi nila: Naganap na ang muling pagkabuhay. Sa ganyang paraan ay itinataob nila ang pananampalataya ng ilan.

 19Gayunman, ang matatag na saligan ng Diyos ay nakatindig nang matibay. Ito ang nakatatak dito:
   Kilala ng Panginoon ang kabilang sa kaniya. Lumayo sa
   kalikuan ang bawat isang sumasambit sa pangalan ni Cristo.

   
 20Ngunit sa isang malaking bahay, hindi lamang mga kasangkapang gawa sa ginto at pilak ang naroon, subalit may mga kasangkapan ding gawa sa kahoy at putik. Ang ilang kasangkapan ay ginagamit sa pagpaparangal, ang iba ay ginagamit sa hindi pagpaparangal. 21Kaya nga, kung nilinis ng isang tao ang mga bagay na ito na nasa kaniyang sarili, siya ay magiging kasangkapang kagamit-gamit sa pagpaparangal, pinaging-banal, kapaki-pakinabang siya sa kaniyang panginoon at nakahanda para sa bawat mabuting gawa.

   
 22Ngunit takasan mo ang masasamang nasa ng kabataan. Pagsikapan mong maabot ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig at kapayapaan kasama ang mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso. 23Tanggihan mo ang mangmang at mga hangal na pagtatalo. Alam mong ang mga ito ay nagbubunga ng mga paglalaban-laban. 24Ang pakikipag-away ay hindi nababagay sa isang alipin ng Panginoon. Sa halip, siya ay maging mabait sa lahat, handang makapagturo at matiisin sa iba. 25Kailangan niyang turuan ng may kababaang-loob ang mga sumasalungat sa kaniya. Marahil ay maging kalooban ng Diyos na magsisi sila at sila ay makaalam sa katotohanan. 26At sila ay magigising at tatakas mula sa silo ng diyablo, na bumihag sa kanila upang sumunod sa kaniyang kalooban.

 

2 Kay Timoteo 3

Kawalan ng Pagsamba sa Mga Huling Araw

 1Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw, darating ang magulong panahon. 2Ito ay sapagkat ang tao ay magigimg maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, hindi mapagpasalamat, hindi banal. 3Sila ay walang pag-ibig, hindi mapagpatawad, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabagsik, hindi mapagmahal sa kabutihan. 4Sila ay mga taksil, mga hindi mapigil at mga mapagpalalo. Iniibig nila ang kalayawan kaysa sa ibigin nila ang Diyos. 5Sila ay may anyo ng pagkamaka-Diyos ngunit ipinagkakaila ang kapangyarihan nito. Iwasan mo ang mga taong ito.

   
 6Ito ay sapagkat ang ganitong mga tao ang pumapasok sa bahay sa pamamagitan ng panlilinlang at binibihag ang mga babaeng mahihina ang kaisipan. Ang mga kasalanan ay nagpapabigat sa mga babaeng ito at inililigaw sila ng lahat ng uri ng pagnanasa. 7Sila ay laging nag-aaral ngunit hindi sila kailanman makakaalam ng katotohanan. 8Kung paanong si Janes at Jambres ay sumalungat kay Moises, gayundin ang pagsalungat sa katotohanan ng mga taong ito na may mga kaisipang napakasama. Patungkol sa pananampalataya, sila ay nasumpungang walang kabuluhan. 9Ngunit sila ay hindi makakasulong pa. Ito sapagkat kung paanong nakita ng lahat ang kamangmangan nina Janes at Jambres, makikita rin ng lahat ang kamangmangan ng mga ito.

Ang Bilin ni Pablo kay Timoteo

 10Ngunit maingat mong sinunod ang mga itinuro ko, ang aking pamamaraan sa buhay, ang aking layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at pagtitiis. 11Alam mo ang aking mga pag-uusig at ang aking mga kahirapan. Alam mo ang mga bagay na nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconio at sa Listra. Alam mo kung anong uri ng pag-uusig ang aking binata. Iniligtas ako ng Panginoon mula sa lahat ng ito. 12At lahat nga ng ibig na mamuhay kay Cristo ng may pagkamaka-Diyos ay uusigin. 13Ngunit ang mga taong masasama at mga mapagpakunwari ay higit pang sasama. Inililigaw nila ang iba at ililigaw din sila ng iba. 14Ngunit ikaw ay manatili sa mga bagay na iyong natutunan at sa mga bagay na nakakatiyak ka, sapagkat kilala mo kung kanino mo ito natutuhan. 15Mula ng ikaw ay sanggol pa lamang, alam mo na ang banal na mga kasulatan na makakapagbigay ng karunungan sa iyo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16Kinasihan ng Diyos ang bawat kasulatan. Ang mga ito ay mapakikinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagsasanay sa katuwiran. 17Ito ay upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, na naihandang lubos sa mga mabubuting gawa.

 

2 Kay Timoteo 4

 1Inuutusan kita sa harap ng Diyos at sa harapan ng Panginoong Jesucristo, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay sa kaniyang pagpapakita at paghahari. 2Ipangaral mo ang salita. Maging handa ka sa mabuting panahon o sa hindi mabuting panahon. Manumbat ka, magsaway ka, manghikayat kang may katapatan at pagtuturo. 3Ito ay sapagkat ang panahon ay darating na ang mga tao ay ayaw nang tumanggap ng mabuting katuruan. Sa halip, ayon sa kanilang mga sariling pagnanasa, mag-iipon sila ng mga guro para sa kanilang mga sarili. Magtuturo sila kung ano ang nais ng kanilang nangangating tainga. 4Itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan. Babaling sila sa mga alamat. 5Ngunit ikaw, maging maayos ang iyong pag-iisip sa lahat ng mga bagay. Tiisin mo ang lahat ng kahirapan. Gawin mo ang gawain ng isang mangangaral ng ebanghelyo. Ganapin mong lubusan ang iyong paglilingkod.

   
 6Ito ay sapagkat ibinuhos na ako tulad ng isang handog. Sumapit na ang panahon ng aking pag-alis. 7Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka. Natapos ko na ang takbuhin. Naingatan kong lubusan ang pananampalataya. 8Kaya nga, ang Diyos ay naglaan para sa akin sa itaas ng isang gantimpalang putong ng katuwiran. Ang Panginoon na siyang matuwid na tagahatol ang magbibigay sa akin nito sa araw na iyon, at hindi lamang sa akin, kundi sa kanila na nagmamahal sa kaniyang pagpapakita.

Mga Sariling Habilin

 9Sikapin mong makaparito sa akin sa lalong madaling panahon. 10Ito ay sapagkat pinabayaan ako ni Demas at siya ay pumunta sa Tesalonica dahil inibig niya ang kasalukuyang sanlibutang ito. Si Cresente ay pumunta sa Galacia. Si Tito ay pumunta sa Dalmacia. 11Si Lucas lamang ang naiwang kasama ko. Si Marcos ay isama mo sa iyong pagparito sapagkat siya ay mahalaga sa akin para sa paglilingkod. 12Ngunit si Tiquico ay pinapunta ko sa Efeso. 13Sa pagparito mo, dalhin mo ang balabal na aking iniwan kay Carpo sa Troas at ang mga aklat, lalong lalo na ang mga balat ng hayop na sinusulatan.

   
 14Ginawan ako ng napakaraming kasamaan ni Alexander na panday. Gantihan nawa siya ng Panginoon ayon sa kaniyang mga gawa. 15Mag-ingat ka sa kaniya sapagkat mahigpit niyang sinalungat ang aming mga salita.

   
 16Sa aking unang pagtatanggol, walang sinumang sumama sa akin sa halip ay pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawa itong ibilang laban sa kanila. 17Ngunit ang Panginoon ang kasama ko at nagbigay sa akin ng kakayanan upang makapangaral ako ng lubusan at upang marinig ito ng mga Gentil. Sinagip niya ako mula sa bibig ng leon. 18At sasagipin ako ng Panginoon mula sa lahat ng masasamang gawa. Ililigtas niya ako para sa kaniyang makalangit na paghahari. Sumakaniya ang kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.

Panghuling Pagbati

 19Batiin mo sina Priscila at Aquila at ang mga tao sa sambahayan ni Onesiforo. 20Si Erasto ay nanatili sa Corinto. Dahil si Trofimo ay may sakit, iniwan ko siya sa Mileto. 21Sikapin mong makaparito bago mag-taglamig. Binabati ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid.

   
 22Sumaiyong espiritu nawa ng Panginoong Jesucristo. Sumaiyo ang biyaya. Siya nawa!

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Kay Tito

Chapters: 1 | 2 | 3

Kay Tito 1

 1Akong si Pablo ay alipin ng Diyos at apostol ni Jesucristo ayon sa pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos. Ayon sa kaalaman ng katotohanan at ayon sa pagkamaka-Diyos. 2Mayroon akong buhay na walang hanggan na nakabatay sa pag-asa. Ito ay ipinangako na ng Diyos na hindi makapagsisinungaling, bago pa sa pasimula ng panahon. 3Sa panahong itinakda ng Diyos, inihayag niya ang kaniyang salita sa pamamagitan ng pangangaral. Ang pangangaral na ito ay ipinagkatiwala niya sa akin alinsunod sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas. 4Sumusulat ako sa iyo Tito. Ikaw ay tunay kong anak ayon sa pananampalatayang nasa ating lahat.
   Sumaiyo ang biyaya, kahabagan at kapayapaang mula sa Diyos Ama at Panginoong Jesucristo na ating Tagapagligtas.

Ang Mga Ginawa ni Tito sa Creta

 5Ang dahilan kung bakit kita iniwan sa Creta ay upang ayusin mo ang mga bagay na kulang at upang magtalaga ka ng mga matanda sa bawat lungsod. Italaga mo sila gaya ng iniutos ko sa iyo. 6Ito ang aking utos: Italaga mo ang lalaking walang maipupula ang sinuman at may isang asawa. Ang kaniyang mga anak ay mga mananampalataya, dapat na hindi mapaparatangan ng walang pagpipigil o masuwayin. 7Ito ay sapagkat dapat na walang maipaparatang sa tagapangasiwa bilang katiwala ng Diyos. Hindi niya dapat ipagpilitan ang kaniyang sariling kalooban at hindi madaling magalit. Siya ay hindi dapat manginginom ng alak, hindi palaaway at hindi gahaman sa salapi. 8Sa halip, ang kaniyang tahanan ay bukas para sa mga panauhin, mapagmahal sa mabuti, ginagamit nang maayos ang isip, matuwid, banal at may pagpipigil sa sarili. 9Dapat din na panghawakan niya ang matapat na salita ayon sa itinuro sa kaniya. Ito ay upang mahimok niya ang ilan at kaniyang masaway yaong mga laban sa salita, sa pamamagitan ng mabuting aral.

   
 10Ito ay sapagkat marami ang mga masuwaying tao. Sila ay nagsasalita ng walang kabulukan at mga mandaraya, lalong-lalo na iyong nasa pagtutuli. 11Huwag mo na silang pagsalitain sapagkat itinataob nila ang mga sambahayan. Magkamal lang ng salapi ay nagtuturo na sila ng mga bagay na hindi nila dapat ituro. 12Isa sa kanila, ito ay sarili nilang propeta, ang nagsabi: Ang mga taga-Creta ay laging sinungaling, asal masamang hayop at matatakaw na batugan. 13Ang sinabing ito patungkol sa kanila ay totoo. Dahil dito, mahigpit mo silang sawayin upang sila ay tumibay sa pananampalataya. 14Ito ay upang huwag sila makinig sa mga katha ng mga Judio at ng mga utos ng taong tumatalikod sa katotohanan. 15Sa taong malinis, ang lahat ng mga bagay ay malinis. Ngunit sa lahat ng nadungisan at hindi sumasampalataya ay walang bagay na malinis. Subalit ang kanilang pag-iisp at budhi ay nadungisan. 16Sinasabi nilang kilala nila ang Diyos ngunit siya ay ipinagkakaila nila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Sila ay kasuklam-suklam, masuwayin at hindi makagagawa ng anumang mabuti.

Kay Tito 2

Ang Dapat Ituro sa Iba't Ibang Pangkat

 1Ngunit magsalita ka ng mga bagay na angkop sa mabuting aral. 2Ang matatandang lalaki ay maging mapagpigil, may karapat-dapat na ugali, ginagamit nang mabuti ang isip, may mabuting pananampalataya, pag-ibig at pagtitiis.

   
 3Sa ganoon ding paraan ang kilos ng mga matatandang babae ay maging karapat-dapat sa mga banal, hindi mga mapanirang-puri, hindi nagpaaalipin sa maraming alak. Sila ay maging mga guro ng mga bagay na mabuti. 4Dapat silang maging ganito upang kanilang maturuan ang mga nakababatang babae na maging mapagmahal sa kanilang asawa at mapagmahal sa mga anak. 5Turuan mo rin silang gumamit nang maayos ng kanilang isipan, maging dalisay, maging abala sa sariling bahay. Turuan mo silang maging mabuti, magpasakop sa sarili nilang asawa upang huwag mapagsalitaan ng masama ang salita ng Diyos.

   
 6Ang mga nakakabatang lalaki, sa gayunding paraan, ay hikayatin mong may katapatan na magkaroon sila ng tamang pag-iisp. 7Sa lahat ng mga bagay ipakita mo ang iyong sarili na huwaran ng mga mabubuting gawa. Sa pagtuturo, ay may katapatan, may karapat-dapat na pag-uugali at buhay na walang kabulukan. 8Ipakita mong huwaran ang iyong sarili sa magaling na pananalitang hindi mahahatulan. Dapat kang maging ganito upang siya na nasa kabila ay mapahiya at walang masasabing masama patungkol sa iyo.

   
 9Ang mga alipin ay magpasakop sa sarili nilang mga amo. Sa lahat ng mga bagay ay maging kalugud-lugod at hindi palasagot. 10Hindi sila dapat magnakaw ngunit nagpapakita ng lahat ng mabuting pagtatapat upang ang aral ng inyong Diyos na Tagapagligtas ay kanilang palamutian sa lahat ng mga bagay.

   
 11Ito ay sapagkat ang biyaya ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan ay nahayag sa lahat ng mga tao. 12Ito ay nagtuturo na dapat tayong mamuhay sa kasalukuyang panahon na may mabuting paggamit ng isip, mamuhay na matuwid at mamuhay na may pagkilala sa Diyos. Mamuhay tayong tumatanggi sa hindi pagkilala sa Diyos at makamundong pagnanasa. 13Mamuhay tayo nang ganito habang hinihintay ang mapagpalang pag-asa at marilag na pagpapakita ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesucristo. 14Ibinigay niya ang kaniyang sarili para sa atin upang tubusin niya tayo mula sa lahat ng hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos at malinis niya para sa kaniyang sarili, ang tao na kaniyang pag-aari, masigasig sa mabubuting gawa.

   
 15Ang mga bagay na ito ang iyong ipangaral at ihikayat at isumbat na may buong kapamahalaan. Huwag kang pahahamak sa kaninuman.

 

Kay Tito 3

Paggawa ng Mabuti

 1Ipaala-ala mo na sila ay magpasakop sa mga pinuno at sa mga may kapamahalaan. Maging masunurin at maging handa sa paggawa ng mabubuti. 2Ipaala-ala mo rin sa kanila na huwag silang manlait sa kaninuman. Dapat din silang maging mapayapa, mahinahon at nagpapakita ng kababaang-loob sa lahat ng mga tao.

   
 3Ito ay sapagkat sa nakaraang panahon, tayo rin naman ay mga mangmang, mga masuwayin at mga iniligaw. Naging alipin tayo sa iba't ibang masasamang pita at kalayawan. Namuhay tayo sa masamang hangarin at inggitan. Kinapootan tayo ng mga tao at napoot tayo sa isa't isa. 4Ngunit nahayag ang kabutihan ng Diyos, na ating Tagapagligtas at ang kaniyang pag-ibig sa mga tao. 5Nang mahayag ito, iniligtas niya tayo, hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng katuwiran na ating ginawa, kundi ayon sa kaniyang kahabagan. Ito ay sa pamamagitan ng muling kapanganakang naghuhugas sa atin at sa pamamagitan ng Banal na Espiritung bumabago sa atin. 6Masagana niyang ibinuhos ang Banal na Espiritu sa atin, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Tagapagligtas. 7Ginawa niya ito upang sa pagpapaging-matuwid sa atin, sa pamamagitan ng biyaya at ayon sa pag-asa, tayo ay maging tagapagmana ng buhay na walang hanggan. 8Ito ay mapagkakatiwalaang salita. Ibig kong palagi mong bigyan ng diin ang mga bagay na ito upang ang mga mananampalataya sa Diyos ay maging maingat sa pagpapanatili ng mabuting gawa. Ang mga bagay na ito ay mabuti at kapakipakinabang sa mga tao.

   
 9Iwasan mo ang hangal na pagtatanungan, ang walang katapusang pagsasalaysay ng mga angkan, ang pag-aaway-away at pagtatalo patungkol sa kautusan sapagkat wala itong kapakinabangan at walang itong kabuluhan. 10Itakwil mo ang taong lumilikha ng pagkakampi-kampi, kung hindi siya nakinig pagkatapos ng una at ikalawang babala. 11Alam mo na ang ganyang tao ay lihis at nagkakasala, na hinatulan na niya ang kaniyang sarili.

Panghuling Tagubilin

 12Nang isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico, sikapin mong pumunta sa akin sa Nicopolis sapagkat aking ipinasyang doon magpalipas ng taglamig. 13Sikapin mong matulungan si Zenas na manananggol at si Apollos sa kanilang paglalakbay. 14Dapat matutunan ng ating mga tao na manatili sa mabubuting gawa sa araw-araw na pangangailangan upang magbunga.

   
 15Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga umiibig sa atin sa pananampalataya.
   Biyaya ang sumainyong lahat. Siya nawa!

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Kay Filemon

Kay Filemon 1

 1Akong si Pablo na bilanggo ni Cristo Jesus at si Timoteo na ating kapatid ay sumusulat kay Filemon. Ikaw ay aming minamahal at aming kamanggagawa. 2Kami rin ay sumusulat kay Apia na aming minamahal. Sumusulat kami kay Arquipo na aming kasamang kawal. Sumusulat kami sa iglesiya na nasa iyong bahay.

   
 3Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa ating Diyos Ama at sa Panginoong Jesucristo.

Pagpapasalamat ni Pablo sa Diyos Dahil kay Filemon at Ipinanalangin Siya

 4Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa inyo. Lagi kong binabanggit ang iyong pangalan sa aking mga panalangin. 5Nabalitaan ko ang pag-ibig mo sa lahat ng mga banal at ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. 6Idinadalangin kong maging mabisa ang pakikisama ng iyong pananampalataya sa lubos na pagkakilala ng bawat mabubuting bagay na nasa inyo kay Cristo Jesus. 7Malaki ang aming pasasalamat at lumakas ang aming loob dahil sa iyong pag-ibig. Ang kalooban ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid.

Ang Mahigpit na Pakiusap ni Pablo para kay Onesimo

 8Ako ay mayroong lubos na kalakasan ng loob kay Cristo na utusan ka kung ano ang mga bagay na dapat mong gawin. 9Gayunman, ipinamamanhik ko sa iyo alang-alang sa pag-ibig. Ako nga, si Pablo, matanda na at ngayon ay bilanggo rin ni Jesucristo. 10Ipinamamanhik ko sa iyo patungkol sa anak kong si Onesimo na naging anak ko sa pananampalataya habang ako ay nakabilanggo. 11Dati ay hindi mo siya pinakinabangan, subalit ngayon, siya ay malaking kapakinabangan sa iyo at gayundin sa akin.

   
 12Pinabalik ko siya sa iyo. Kaya nga, tanggapin mo siyang parang aking sariling puso. 13Ibig ko sanang manatili siya sa akin upang kaniyang gampanan ang dapat mong gawin sa paglilingkod sa akin habang ako ay nakabilanggo dahil sa ebanghelyo. 14Ngunit kung hindi mo pahihintulutan ay ayaw kong gumawa ng anumang hakbang. Nais kong ang iyong kabutihang-loob ay huwag maging tila sapilitan kundi maging taos sa iyong kalooban. 15Marahil, dahil dito napalayo siya sa iyo nang ilang panahon upang mapasaiyo siya nang habang panahon. 16Siya ay mapapasaiyo hindi na bilang alipin, kundi higit pa sa alipin, isang kapatid na minamahal. Mahal na mahal ko siya, gaano pa kaya sa iyo? Higit mo siyang mahalin sa laman at gayundin sa Panginoon.

   
 17Kaya nga, yamang itinuturing mo ako bilang iyong kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. 18Subalit kung siya ay may pagkakasala o anumang pagkakautang sa iyo, ibilang mo iyon sa akin. 19Ako, si Pablo, ang sumusulat ng mga salitang ito nang sarili kong kamay. Babayaran kita. Gayunman, hindi na kailangang sabihin sa iyo na utang mo ang iyong buhay sa akin. 20Oo kapatid, mayroon din akong kapakinabangan sa iyo sa Panginoon. Paginhawahin mo ang aking kalooban alang-alang sa Panginoon. 21Sinusulatan kita sa pagtitiwala sa iyong pagtalima. Alam ko na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi.

   
 22Ngunit bago ang lahat, ipaghanda mo ako ng matutuluyan sapagkat aking inaasahan na ako ay mapahintulutang makasama mo, bilang tugon sa iyong mga panalangin.

Panghuling Pagbati

 23Binabati ka ni Epafras na kapwa ko bilanggo kay Cristo Jesus. 24Binabati ka nina Marcos, Aristarco, Demas at ni Lucas na mga kamanggagawa ko.

   
 25Sumainyong espiritu ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Hebreo

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13

Hebreo 1

Ang Anak ay Higit kaysa mga Anghel

 1Noong una, ang Diyos ay nagsalita sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit nitong mga huling araw, nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Anak. 2Siya ay hinirang ng Diyos na maging tagapagmana ng lahat ng mga bagay. Sa pamamagitan din niya, nilikha ng Diyos ang mga kapanahunan. 3Siya ang kaliwanagan ng kaluwalhatian ng Ama at ang ganap na kapahayagan ng pagka-Diyos ng Ama. Siya ang humahawak ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos niyang gawin ang paglilinis sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasang dako. 4Yamang siya ay higit pang dakila sa mga anghel, ang pangalan na kaniyang minana ay higit pa kaysa sa kanilang pangalan.

   
 5Alin sa mga anghel ang kailanman ay pinagsabihan ng ganito:
      Ikaw ay ang aking Anak at sa araw na ito ay
      ipinanganak kita.

   At muli niyang sinabi:
      Ako ang magiging Ama sa kaniya at siya ay
      magiging Anak sa akin.

    6Gayundin, nang dalhin niya ang kaniyang tanging dakilang Anak sa sanlibutan, sinabi niya:
      At hayaan siyang sambahin ng lahat ng anghel
      ng Diyos.

    7Patungkol naman sa mga anghel, sinasabi niya:
      Ginawa niyang espiritu ang kaniyang mga
      anghel at ang kaniyang mga natatanging lingkod
      na nag-aalab na apoy.

    8Ngunit patungkol sa Anak, sinabi niya:
      O Diyos, ang iyong trono ay magpakailanman.
      At ang setro ng katuwiran ang magiging setro
      ng iyong paghahari. 9Inibig mo ang katuwiran
      at kinapootan mo ang hindi pagkilala sa
      kautusan ng Diyos. Dahil dito ay pinahiran ka
      ng Diyos, na iyong Diyos, ng langis ng
      kaligayahan higit sa iyong mga kasama.

    10At sinabi niya:
      O, Panginoon, sa simula pa man ay itinatag mo
      na ang saligan ng lupa. At ang mga kalangitan
      ay mga gawa ng iyong mga kamay. 11Sila ay
      mapapahamak ngunit mananatili ka. Silang
      lahat ay malulumang tulad ng isang kasuotan.
       12Babalumbonin mo silang tulad ng isang
      balabal at sila ay mababago. Ngunit ikaw ay
      mananatiling ikaw at ang iyong mga taon ay
      hindi matatapos kailanman.

    13Kailanman ay hindi sinabi ng Diyos sa kaninumang anghel:
      Umupo ka sa aking kanan hanggang sa gawin
      kong tuntungan ng mga paa mo ang iyong mga
      kaaway.

    14Hindi ba silang lahat ay mga espiritung naglilingkod na sinugo upang maglingkod para sa mga magmamana ng kaligtasan?

 

Hebreo 2

Babalang Makinig

 1Kaya nga, dapat nating bigyan ng higit na pagpapahalaga ang mga salita na ating narinig upang tayo ay hindi maliligaw. 2Sapagkat kung ang mga salitang sinalita ng mga anghel ay pinagtibay, ang bawat paglabag at bawat pagsuway ay tumanggap ng kaniyang makatarungang parusa. 3Kung gayon, papaano tayo makakatakas kung pinabayaan natin ang gayong napakadakilang kaligtasan? Ang Panginoon mismo ang unang nagsalita patungkol dito at pinagtibay ito sa atin ng mga nakarinig sa kaniya. 4Ang Diyos din naman ang nagbigay ng kaniyang patotoo sa pamamagitan ng mga tanda, mga kamangha-manghang gawa, iba't ibang himala at gayundin ng mga kaloob na mula sa Banal na Espiritu, ayon sa kaniyang kalooban.

Ginawa ng Diyos na si Jesus ay Maging Tulad ng Kaniyang mga Kapatid

 5Sapagkat hindi ipinailalim ng Diyos sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siyang ating sinasabi. 6May nagpatotoo sa isang dako:
      Ano ang tao upang alalahanin mo siya? O, sino
      ang anak ng tao upang pagmalasakitan mo siya?
       7Sa maikling panahon ay ginawa mo siyang
      mababa kaysa mga anghel. Pinutungan mo siya
      ng kaluwalhatian at karangalan. Ipinailalim mo
      sa kaniya ang lahat ng gawa ng iyong mga
      kamay. 8Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa
      kaniyang mga paa.

   Sapagkat nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kaniya walang anumang bagay na hindi ipinasakop sa kaniya. Ngunit sa ngayon ay hindi pa natin nakikita ang lahat ng bagay na napailalim sa kaniya. 9Ngunit nakikita natin si Jesus. Sa maikling panahon ay ginawa siyang mababa kaysa sa mga anghel na dahil sa kahirapan sa kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan. Ito ay upang sa pamamagitan ng biyaya Diyos ay tikman niya ang kamatayan para sa lahat ng tao.

   
 10Ang lahat ng mga bagay ay para sa Diyos at siya ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Nang siya ay magdala ng maraming anak sa kaluwahatian, nararapat na gawin niyang ganap ang may akda ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng kahirapan. 11Sapagkat siya na nagpapaging-banal at ang mga pinaging-banal ay kabilang sa iisang sambahayan. Kaya ito ang dahilan na kung tawagin niya silang mga kapatid ay hindi siya nahihiya. 12Sinabi niya:
      Ipahahayag ko ang pangalan mo sa aking mga
      kapatid. Aawitin ko ang iyong papuri sa gitna
      ng iglesiya.

    13At muli sinabi niya:
      Ilalagak ko ang aking tiwala sa kaniya.

   At muli sinabi niya:
      Narito, ako at ang mga anak na ibinigay ng
      Diyos sa akin.

   
 14Yamang ang mga anak ay may laman at dugo, siya din naman ay nakibahagi ng ganoon, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang mapawalang-bisa ang diyablo na siyang may hawak ng kapangyarihan ng kamatayan. 15Gayundin sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang mapalaya ang sinumang natatakot sa kamatayan at sa kanilang buong buhay ay nasa ilalim ng pagkaalipin. 16Ito ay sapagkat tiyak na hindi ang mga anghel ang kaniyang tinutulungan kundi ang mga anak ni Abraham. 17Kaya kinakailangang matulad siya sa kaniyang mga kapatid sa lahat ng paraan upang sa kaniyang paglilingkod sa Diyos, siya ay maging mahabagin at matapat na pinakapunong-saserdote, upang siya ay maging kasiya-siyang hain sa mga kasalanan ng mga tao. 18Sapagkat nakaranas siya na siya ay tuksuhin. Kaya naman kaya niyang tulungan ang mga tinutukso.

 

Hebreo 3

Si Jesus ay Higit na Mahalaga Kaysa kay Moises

 1Kaya nga, mga banal na kapatid, kayong kabahagi sa tawag na makalangit, magtuon kayo ng inyong pag-iisip kay Jesus na siyang apostol at pinakapunong-saserdote na aming ipinahahayag. 2Kung paanong si Moises ay matapat sa lahat ng sambahayan ng Diyos ay gayundin naman si Jesus ay tapat sa nagsugo sa kaniya. 3Sapagkat nasumpungan siyang higit na karapat-dapat na parangalan kaysa kay Moises. Katulad din naman sa nagtayo ng bahay, ay dapat na higit na parangalan kaysa sa bahay. 4Sapagkat may gumagawa ng bawat bahay ngunit ang Diyos ang gumagawa ng lahat ng bagay. 5At si Moises ay totoong naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, bilang patotoo sa mga bagay na sasabihin pa lamang. 6Ngunit si Jesus ay ang anak na namamahala sa kaniyang bahay at ang bahay na ito ay tayo, kapag mananangan tayong may katatagan hanggang sa katapusan sa katiyakan at sa magpapapuri ng ating pag-asa.

Babala Laban sa Hindi Pananampalataya

 7Iyan ang dahilan kaya sinabi ng Banal na Espiritu:
      Ngayon, kung inyong marinig ang kaniyang
      tinig, 8huwag ninyong pagmatigasin ang
      inyong mga puso, gaya ng inyong ginawa nang
      kayo ay maghimagsik, noong panahon nang
      kayo ay sinubok sa ilang. 9Doon ako ay tinukso
      at sinubok ng inyong mga ninuno at nakita nila
      ang aking mga gawa sa loob ng apatnapung
      taon. 10Kaya nga, ako ay nagalit sa lahing iyan.
      At aking sinabi: Ang kanilang mga puso ay
      laging naliligaw at hindi nila nalaman ang aking
      daan. 11Kaya nga, sa aking pagkapoot,
      sumumpa ako: Hindi sila makakapasok sa lugar
      ng kapahingahan na aking inihanda.

   
 12Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang isa man sa inyo na may masamang puso na hindi sumasampalataya na magpapalayo sa inyo sa buhay na Diyos. 13Ngunit samantalang ito ay tinatawag na ngayon, hikayatin ninyong may katapatan araw araw ang isa't isa upang hindi patigasin ng daya ng kasalanan ang puso ng sinuman sa inyo. 14Sapagkat tayo ay naging mga kabahagi ni Cristo kung ang pagtitiwalang natamo natin sa pasimula pa ay pananatilihin nating matatag hanggang sa katapusan. 15Katulad ng sinabi ng mga kasulatan:
      Ngayon, kung inyong marinig ang kaniyang
      tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga
      puso na inyong ginawa nang kayo ay maghimagsik.

   
 16Sapagkat ang ilang nakarinig ay naghimagsik. Ngunit hindi naghimagsik ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto. 17At kanino siya nagalit sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba doon sa mga nagkasala at ang kanilang mga katawan ay nabuwal sa ilang? 18At sa kanino siya sumumpa na hindi sila makapasok sa kaniyang kapahingahan? Hindi ba sa kanila na mga sumuway? 19Kaya nga, nakikita natin na dahil hindi sila sumasampalataya, hindi sila nakapasok sa kapahingahan.

 

Hebreo 4

Isang Pamamahingang Sabat para sa Bayan ng Diyos

 1Kaya nga, dapat tayong matakot, yamang may nananatiling pangako na tayo ay makapasok sa kaniyang kapahingahan. Baka mayroon ilan sa inyo na maaring hindi makapasok. 2Sapagkat may ipinangangaral na ebanghelyo sa atin at gayundin sa kanila. Subalit hindi naging kapakinabangan sa kanila ang salita na ipinangaral. Sapagkat sila na nakinig ay hindi ito sinamahan ng pananampalataya. 3Sapagkat tayo na mga sumasampalataya ay pumasok sa kapahingahang iyon. Katulad ng sinabi niya:
      Kaya nga, sa aking pagkapoot ay sumumpa ako:
      Kailanman ay hindi sila papasok sa aking
      kapahingahan.

   Gayunman, ang mga gawa ay natapos mula sa pagkakatatag ng sanlibutan. 4Sapagkat sa isang dako ng Kasulatan, siya ay nagsalita ng ganito patungkol sa ika-pitong araw:
      At sa ikapitong araw ay nagpahinga ang Diyos
      sa lahat ng kaniyang mga gawa.

    5At muli, sa dako ring iyon:
      Sila ay hindi makapapasok sa aking kapahingahan.

   
 6Kaya nga, nananatili pa na ang iba ay makakapasok sa kapahingahang iyan sapagkat ang mga nakarinig ng ebanghelyo noong una ay hindi sumampalataya. 7Muli, nagtalaga siya ng isang takdang araw, nang siya ay nagsalita kay David pagkalipas ng matagal na panahon. Ang tinawag dito ay Ngayon. Gaya ng sinalita niya noong una, sinabi niya:
      Ngayon, kung marinig ninyo ang kaniyang tinig,
      huwag ninyong pagmatigasin ang inyong mga
      puso.

    8Sapagkat kung binigyan sila ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana siya nagsalita ng iba pang araw, pagkatapos niyaon. 9Kaya nga, mayroon pang kapahingahang nananatili para sa mga tao ng Diyos. 10Ito ay sapagkat ang sinumang pumapasok sa kaniyang kapahingahan, siya rin naman ay nagpahinga sa kaniyang mga gawa kung paanong ang Diyos ay nagpahinga mula sa kaniyang mga gawa. 11Kaya nga, sikapin nating makapasok sa kapahingahang iyon upang walang sinumang bumagsak sa ganoon ding halimbawa ng pagsuway.

   
 12Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Diyos at higit na matalas ito kaysa sa alin mang tabak na may dalawang talim. Bumabaon ito hanggang sa ikapaghihiwalay ng kaluluwa at ng espiritu at ng kasu-kasuan at utak ng buto. Nakakatalos ito ng mga pag-iisip at mga saloobin ng puso. 13At walang anumang nilikha ang makakapagkubli ng kaniyang mga gawa sa paningin ng Diyos. Ang lahat ay lantad at hayag sa kaniyang mga mata. At tayo ay magbibigay-sulit sa kaniya.

Si Jesus ang Dakilang Pinakapunong-saserdote

 14Kaya nga, yamang tayo ay may isang dakilang pinakapunong-saserdote, si Jesus na Anak ng Diyos na dumaan sa mga langit, tayo ay magpakatatag sa ating ipinahahayag. 15Sapagkat wala tayong pinakapunong-saserdote na hindi maaaring makiramay sa ating mga kahinaan. Siya ay sinubok sa lahat ng paraan katulad natin ngunit siya ay hindi nagkasala. 16Kaya nga, dumulog tayo sa trono ng biyaya na may malaking pagtitiwala upang tayo ay tumanggap ng habag at biyaya na makatutulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.

 

Hebreo 5

 1Sapagkat ang bawat pinakapunong-saserdote ay kinuha mula sa mga kalalakihan upang siya ang dapat na kumatawan sa kanila sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos at upang siya ay naghandog ng mga kaloob at mga handog para sa kasalanan. 2Yamang siya rin naman ay napapaligiran ng kahinaan, maaari siyang makitungo nang mahinahon sa mga mangmang at sa mga naliligaw. 3Dahil dito, kailangan niyang maghandog ng mga handog para sa kasalanan. Kung papaanong siya ay naghandog para sa mga tao, gayundin naman ay maghandog siya para sa kaniyang sarili.

   
 4Walang sinumang nag-angkin ng karangalang ito para sa kaniyang sarili, kundi siya na tinawag ng Diyos tulad ng kaniyang pagkatawag kay Aaron. 5Gayundin namam, hindi inangkin ni Cristo para sa kaniyang sarili ang kaluwalhatian ng pagiging isang pinakapunong-saserdote. Subalit sinabi ng Diyos sa kaniya:
      Ikaw ay ang aking Anak. Sa araw na ito ay
      ipinanganak kita.

    6Gayundin naman sa ibang dako ay sinabi niya ito:
      Ikaw ay isang saserdote magpakailanman, ayon
      sa pangkat ni Melquisedec.

   
 7Siya, nang nabubuhay pa sa laman, ay kapwa humiling at dumalangin na may malakas na iyak at pagluha sa kaniya na makakapagligtas sa kaniya mula sa kamatayan. At dahil siya ay may banal na pagkatakot, siya ay dininig. 8Bagaman siya ay isang anak, natutunan niyang sumunod mula sa mga bagay na kaniyang tiniis. 9Nang siya ay naging ganap, siya ay naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan para sa lahat ng mga sumusunod sa kaniya. 10Siya ay itinalaga ng Diyos na maging isang pinakapunong-saserdote ayon sa pangkat ni Melquisedec.

Babala Laban sa Paglayo sa Pananampalataya

 11Marami kaming masasabi patungkol sa kaniya na mahirap ipaliwanag dahil kayo ay naging mapurol sa pakikinig. 12Sapagkat sa panahon na kayo ay dapat na maging mga guro, nangangailangan pa kayo na may magturo sa inyong muli ng panimulang katuruan ng mga aral ng Diyos. Kayo ay naging katulad ng mga nangangailangan pa ng gatas at hindi tulad ng mga nangangailangan ang matigas na pagkain. 13Sapagkat ang sinumang nabubuhay sa gatas ay hindi pa sanay sa katuruang patungkol sa katuwiran sapagkat siya ay isa pang sanggol. 14Ngunit ang pagkaing matigas ay para sa mga taong ganap na. Dahil sa pagsagawa ay nasanay na nila ang kanilang mga kaisipan upang makilala ang masama at mabuti.

 

Hebreo 6

 1Dahil dito, itigil na natin ang pag-uusap sa mga panimulang katuruan patungkol kay Cristo. Dapat tayong magpatuloy na lumago sa lalong ganap na mga bagay. Huwag na nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos. 2Gayundin naman ang patungkol sa mga pagbabawtismo, pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay at kahatulang walang hanggan. 3Kung ipahihintulot ng Diyos, gagawin namin ito.

   
 4Sapagkat minsan ay naliwanagan na ang mga tao. Natikman na nila ang makalangit na kaloob at naging kabahagi na ng Banal na Espiritu. 5Natikman na nila ang mabuting Salita ng Diyos at ang mga kapangyarihan ng darating na kapanahunan. 6Kung sila ay tatalikod, hindi na maaring mapanumbalik sila sa pagsisisi. Sapagkat muli nilang ipinako sa krus para sa kanilang sarili ang anak ng Diyos.

   
 7Sapagkat ang lupa ay umiinom ng ulang malimit bumuhos dito. Pagkatapos, ito ay nagbibigay ng mga tanim na mapapakinabangan ng mga nagbungkal nito. Ito ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos. 8Ngunit ang lupang tinutubuan ng mga tinik at mga dawag ay tinatanggihan at nanganganib na sumpain. At ito ay susunugin sa katapusan.

   
 9Ngunit mga minamahal, bagaman kami ay nagsasalita ng ganito, nakakatiyak kami ng higit na mabubuting bagay patungkol sa inyo at mga bagay na nauukol sa kaligtasan. 10Ang Diyos ay makatarungan at hindi niya kalilimutan ang inyong mga gawa at pagpapagal sa pag-ibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan. Kayo na naglingkod ay patuloy na naglilingkod sa mga banal. 11Ninanais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding pagsusumikap patungo sa lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas. 12Hindi namin nais na kayo ay maging tamad kundi inyong tularan sila na sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiyaga ay magmamana ng ipinangako ng Diyos.

Ang Pangako ng Diyos ay Tiyak

 13Sapagkat nang mangako ang Diyos kay Abraham, sumumpa siya sa kaniyang sarili yamang wala nang sinumang makakahigit pa na kaniyang mapanumpaan. 14Sinabi niya:
      Tiyak na pagpapalain kita at ibibigay sa iyo ang
      maraming angkan.

    15At sa ganoong mahabang pagtitiis, tinanggap niya ang pangako.

   
 16Sapagkat sumusumpa ang mga tao sa sinumang nakakahigit. At ang sumpa ang siyang nagpapatibay sa mga sinabi nila at nagbibigay wakas sa bawat pagtatalo. 17Gayundin lalong higit na ninais ng Diyos na ipakita nang may kasaganaan ang hindi pagkabago ng kaniyang layunin sa mga tagapagmana ng pangako. Ito ay kaniyang pinagtibay sa pamamagitan ng isang sumpa. 18Sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi kailanman nagbabago, hindi maaari para sa Diyos ang magsinungaling sa pamamagitan ng dalawang bagay na iyon. Ginawa niya ito upang tayo ay magkaroon ng matibay na kalakasan ng loob, na mga lumapit sa kaniya upang manangan sa pag-asang inilagay niya sa harapan natin. 19Ito ang ating pag-asa na katulad ng isang angkla ng ating kaluluwa ay matatag at may katiyakan. Ito ay pumapasok doon sa kabilang dako ng tabing. 20Dito pumasok si Jesus bilang tagapanguna natin para sa ating kapakinabangan, na maging isang pinakapunong-saserdote magpakailanman ayon sa uri ni Melquisedec.

 

Hebreo 7

Si Melquisedec ang Pinakapunong-saserdote

 1Ang Melquisedec na ito ay hari ng Salem at siya ay naging saserdote ng kataas-taasang Diyos. Nasalubong niya si Abraham pagkatapos niyang maipalipol ang mga hari at pinagpala niya siya. 2Ibinigay ni Abraham sa kaniya ang ikapu ng lahat ng nasamsam niya. Ayon sa kahulugan ng kaniyang pangalan, na una sa lahat ay ang hari ng katuwiran, siya rin naman ay hari ng Salem, na hari ng kapayapaan. 3Wala siyang ama o ina, wala siyang talaan ng mga angkan. Ang kaniyang mga taon ay walang simula, ang kaniyang buhay ay walang wakas. Siya ay natutulad sa anak ng Diyos. Siya ay nanatiling saserdote magpakailanman.

   
 4Ngayon, isipin natin kung gaano kadakila ang taong ito, na maging si Abraham na ating ninuno ay nagbigay sa kaniya ng ikapu sa kaniyang mga samsam. 5Ang mga anak nga ni Levi na naging mga saserdote ay may kautusan na kumuha ng ikapu mula sa mga tao. Ito ay ang kaniyang mga kapatid bagaman sila ay nagmula sa baywang ni Abraham. 6Ngunit siya na ang angkan ay hindi nanggaling sa kanila ay kumuha ng ikapu mula kay Abraham at siya na tumanggap ng mga pangako ay kaniyang pinagpala. 7Ngunit walang pagtatalo na ang nakakababa ay pinagpala sa pamamagitan niya na nakakahigit. 8At dito, ang mga taong tumatangap ng ikapu ay namamatay. Ngunit sa kabilang dako, siya ay tumatanggap ng ikapu at mayroon siyang patooo na siya ay buhay. 9Marahil, maaaring masabi ng sinuman na maging si Levi na kumukuha ng ikapu ay nagbayad ng ikapu sa pamamagitan ni Abraham. 10Sapagkat nang salubungin ni Melquisedec si Abraham, si Levi ay nasa baywang pa ng kaniyang ninuno.

Si Jesus ay Tulad ni Melquisedec

 11Nang ibigay ng Diyos ang kautusan sa mga tao, ito ay nakabatay sa gawaing pagiging saserdote na nauukol sa mga angkan ni Levi. Hindi ba totoo na kung ang pagiging-ganap ay sa pamamagitan ng gawain ng pagiging saserdoteng iyon, hindi na kailangang magkaroon ng iba pang saserdote? Gayunman, itinalaga ng Diyos ang saserdote na ito ayon sa pangkat ni Melquisedec at hindi ayon sa angkan ni Aaron. 12Sapagkat nang baguhin ng Diyos ang pagkasaserdote, kinakailangang baguhin din niya ang kautusan. 13Sapagkat siya, na tinutukoy ng mga bagay na ito, ay kabahagi ng ibang lipi, kung saan ay walang sinuman ang naglingkod sa dambana. 14Sapagkat malinaw na ang ating Panginoon ay nagmula sa lipi ni Juda. At nang tukuyin ni Moises ang liping ito, siya ay walang binanggit patungkol sa mga pagkasaserdote. 15Kung may lilitaw na bagong saserdote na katulad ni Melquisedec, lalo itong nagiging malinaw. 16Ito ay hindi nakabatay ayon sa makalamang kautusan, kundi sa kapangyarihan ng buhay na kailanman ay hindi masisira. 17Sapagkat pinatotohanan ng kasulatan:
      Ikaw ay isang saserdote magpakailanman, ayon
      sa uri ni Melquisedec.

   
 18Sapagkat ang dating kautusan ay isina isangtabi dahil ito ay mahina at walang kabuluhan. 19Sapagkat walang napapaging-ganap ang kautusan. Sa kabilang dako, mayroong pagpapakilala ng lalong mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito, tayo ay lumalapit sa Diyos.

   
 20Ito ay hindi ginawa ng walang panunumpa. 21Sa isang dako, sila ay naging saserdote ng walang panunumpa, sa kabilang dako si Jesus ay naging saserdote ng may panunumpa sa pamamagitan niyaong nagsasabi sa kaniya:
      Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magsisisi.
      Ikaw ay saserdote magpakailanman ayon sa uri
      ni Melquisedec.

    22Sa pamamagitan nito, si Jesus ang naging katiyakan ng isang lalong higit na mabuting tipan.

   
 23Sa isang dako, dahil pinigilan sila ng kamatayan upang magpatuloy, kinakailangan ang maraming saserdote. 24Sa kabilang dako naman, dahil si Jesus ay nabubuhay magpakailanman, siya ay may pagkasaserdoteng mananatili magpakailanman. 25Kaya nga, ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya ay maililigtas niya nang lubusan, yamang siya ay nabubuhay magpakailanman upang siya ay mamagitan sa kanila.

   
 26Sapagkat nararapat na ibigay sa atin ang ganitong uri ng pinakapunong-saserdote. Siya ay banal, walang kapintasan at malinis. Siya ay nahihiwalay sa mga makasalanan at itinaas siya ng Diyos na mataas pa sa kalangitan. 27Siya ay hindi natutulad sa ibang mga pinunong-saserdote na kailangang maghandog ng mga handog araw-araw, una para sa kaniyang mga kasalanan. At pagkatapos ay maghahandog sila ng mga handog para sa mga kasalanan ng ibang tao. Sapagkat kaniyang ginawa ito nang minsan at magpakailanman, nang ihandog niya ang kaniyang sarili. 28Sapagkat ang kautusan ay nagtatalaga ng mga pinunong-saserdote na mga taong may kahinaan. Ngunit ang salita ng panunumpa na dumating pagkatapos ng kautusan ay nagtalaga sa anak na pinaging-ganap magpakailanman.

 

Hebreo 8

Si Jesus ang Pinakapunong-saserdote ng Bagong Tipan

 1Ngayon, ito ang buod ng mga bagay na sinasabi. Mayroon tayong gayong pinakapunong-saserdote na nakaupo sa kanan ng trono ng kamahalan sa mga kalangitan. 2Siya ay naglilingkod sa banal na dako at tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.

   
 3Sapagkat ang bawat pinunong-sasedote na itinalaga upang makapaghandog ng mga kaloob at mga handog, kinakailangan na ang pinakapunong-saserdoteng ito ay magkaroon din ng maihahandog. 4Sapagkat kung narito siya sa lupa, hindi siya magiging isang saserdote dahil may ibang mga saserderdote na naririto na naghahandog ng mga kaloob ayon sa kautusan. 5Sila ay naglilingkod sa isang tabernakulo na isang larawan at isang anino ng nasa kalangitan. Kaya nang si Moises ay handa na upang magtayo ng tabernakulo, nagbabala ang Diyos sa kaniya. Sinabi niya: Tiyakin mong gawin ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok. 6Ngunit ngayon si Jesus ay nagtamo ng isang higit na dakilang paglilingkod, yamang siya ay tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti. Ang tipang ito ay natatag sa lalong mabuting pangako.

   
 7Sapagkat kung ang unang tipan ay walang kakulangan, hindi na sana naghahanap pa ng lugar para sa ikalawang tipan. 8Sapagkat nakita ng Diyos ang pagkukulang sa kanila, na sinasabi:
      Akong Panginoon ang nagsasabi: Narito, dumarating
      ang mga araw. Itatatag ko ang isang bagong
      tipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan
      ni Juda. 9Ito ay hindi tulad sa lumang tipan
      na aking ginagawa sa kanilang mga ninuno,
      sa araw nang akayin ko sila at inilabas sa
      bayan ng Egipto. Dahil hindi sila naging tapat
      sa aking tipan, kaya pinabayaan ko sila. 10At
      akong Panginoon ang nagsasabi: Ito ang tipan
      na aking gagawin sa sambahayan ni Israel
      pagkaraan ng mga araw na yaon. Ilalagay ko
      aking mga ang kautusan sa kanilang mga isip at
      isusulat ko din ang mga ito sa kanilang mga
      puso. At ako ay magiging Diyos nila at sila
      ay magiging mga tao ko. 11Wala nang
      magtuturo sa kaniyang kapwa o sa kaniyang
      kapatid: Kilalanin mo ang Panginoon. Sapagkat
      makikilala ako ng lahat, maging ng mga dakila
      at hindi dakila. 12Sapagkat kahahabagan ko sila
      sa kanilang mga kalikuan at hindi ko na alalahanin
      pa ang kanilang mga kasalanan at hindi pagkilala
      sa kautusan ng Diyos.

   
 13Nang sabihin niya: Isang bagong tipan, pinaging luma niya ang unang tipan. Ito ngayon ay tumatanda na at malapit nang mawala.

 

Hebreo 9

Pananambahan sa Loob ng Tabernakulo na Nasa Lupa

 1Ngayon nga ang unang tipan ay may mga tuntunin sa pagsamba at mayroon ding isang banal na dako sa lupa. 2Ito ay sapagkat ang mga tao ay nagtayo ng isang tabernakulo. Tinawag nila ang unang silid na banal na dako. Dito nila inilalagay ang lagayan ng ilawan, ang mesa at ang tinapay na inilagay sa harap ng Diyos. 3At sa likuran ng ikalawang tabing ay isang silid na tinatawag nilang kabanal-banalang dako. 4Ito ay mayroong isang ginintuang dambana ng kamangyang at kaban ng tipan na ang bawat bahagi ay binalot ng ginto. Naglalaman ito ng sisidlang ginto na may lamang mana, ang tungkod ni Aaron na umusbong at ang tapyas ng bato ng tipan. 5Ang lugar ng kasiya-siyang handog ay nasa ibabaw ng kaban ng tipan at sa ibabaw noon ay kerubin ng kaluwalhatian. Ngunit hindi natin ngayon mapag-usapan ang mga bagay na ito nang isa-isa.

   
 6Kapag ang lahat ng bagay ay maihanda na nang ganito, ang mga saserdote ay laging pumapasok sa unang silid upang gampanan ang kanilang paglilingkod. 7Ngunit ang pinakapunong-saserdote lang ang pumapasok sa ikalawang silid minsan lang sa isang taon at lagi siyang may dalang dugo. Inihahandog niya ang dugo para sa kaniyang sarili at para sa mga nagawang kasalanan ng mga tao na hindi nila nalalaman. 8Ito ang ipinakikita ng Banal na Espiritu: Habang ang unang tabernakulo ay naroroon pa, hindi pa binubuksan ng Diyos ang daang patungo sa kabanal-banalang dako. 9Ito ay pagsasalarawan para sa kasalukuyang panahon kung saan ang mga kaloob at mga hain na kanilang inihandog ay hindi makakapaglinis ng budhi ng sumasamba. 10Ang mga ito ay binubuo ng pagkain at inumin at mga natatanging paraan ng paglubog at mga alituntunin ng tao. Iniutos ito ng Diyos hanggang sa panahon na babaguhin niya ang mga bagay.

Ang Dugo ni Cristo

 11Ngunit si Cristo ay naging pinakapunong-saserdote ng magandang mga bagay na darating. Siya ay pumasok sa higit na mahalaga at lalong ganap na tabernakulo na hindi ginawa ng mga kamay ng mga tao at hindi ito bahagi ng nilikhang ito. 12Pumasok siya, hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing o guya kundi sa pamamagitan ng sarili niyang dugo. At nang maganap na niya ang walang hanggang katubusan, pumasok siya sa kabanal-banalang dako nang minsan lamang at magpakailanman. 13Ang dugo ng mga toro at ng kambing at ang abo ng dumalagang baka, na iwiniwisik doon sa mga marurumi, ay nagpapabanal sa ikalilinis ng laman. 14Gaano pa kaya ang dugo ni Jesus na makakapaglinis ng inyong budhi mula sa mga patay na gawa upang maglingkod sa buhay na Diyos. Inihandog niya ang kaniyang sarili sa Diyos nang walang kapintasan sa pamamagitan ng tulong ng walang hanggang Espiritu.

   
 15Dahil dito, siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan upang matubos niya sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ang mga lumabag sa unang tipan. Ngayon, ang mga tinawag ng Diyos ay tatanggap ng walang hanggang mana na ipinangako niya.


 16Sapagkat kung saan naroon ang isang tipan, kinakailangan ang gumawa ng tipan ay mamatay. 17Sapagkat pagkamatay ng isang tao, ang isang tipan ay magiging mabisa. Habang ang taong gumawa nito ay nabubuhay pa, wala itong bisa. 18Iyan ang dahilan kung bakit pinagtibay ang unang tipan sa pamamagitan ng dugo. 19Sapagkat nangusap si Moises sa bawat tuntunin ng kautusan sa lahat ng taong naroroon. Pagkatapos nito ay dinala niya ang dugo ng mga guya at kambing na may kahalong tubig, pulang lana at sanga ng isopo at winisikan niya ang aklat ng kautusan at ang lahat ng taong naroroon. 20Sinabi niya: Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Diyos para sa inyo. 21Gayundin naman, winisikan niya ng dugo ang tabernakulo at lahat ng sisidlan na ginamit nila sa paglilingkod. 22At ayon sa kautusan na halos ang lahat ng bagay ay nalilinis sa pamamagitan ng dugo. Kung walang pagkabuhos ng dugo, walang kapatawaran.

   
 23Upang malinis nila ang larawan ng mga bagay sa langit, kailangang ihandog nila ang mga ito. Sa kabilang dako naman, ang mga makalangit na bagay ay nangangailangan ng mga haing higit sa mga ito. 24Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa kabanal-banalang dako, na ginawa ng mga kamay ng mga tao, na larawan lamang ng tunay na dako. Subalit siya ay pumasok sa langit mismo upang siya ay humarap sa Diyos alang-alang sa atin. 25Sapagkat hindi na kinakailangang si Cristo ay maghandog ng kaniyang sarili nang madalas katulad ng mga pinakapunong-saserdote na pumapasok sa kabanal-banalang dako sa bawat taon na taglay ang dugo na hindi naman sa kanila. 26Kung gayon nga, hindi na kinakailangang maghirap siya nang maraming ulit simula pa nang ang sanlibutan ay itinatag. Ngunit upang pawiin niya ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang sarili, ngayon siya ay nagpakita minsan lamang sa wakas ng mga kapanahunan. 27Itinakda na minsan lamang mamatay ang tao at pagkatapos nito ay ang kahatulan. 28Sa ganoong paraan, upang batahin niya ang mga kasalanan ng marami, inihandog ni Cristo ang kaniyang sarili nang minsan lamang. Siya ay magpapakita sa ikalawang pagkakataon doon sa mga masiglang naghihintay sa kaniya hindi upang batahin ang kasalanan kundi para sa kaligtasan.

 

Hebreo 10

Ang Hain ni Cristo ay Minsanan Lang

 1Ang kautusan ay isang anino ng mabubuting bagay na darating. Hindi iyon ang wangis ng mga tunay na bagay. Bawat taon patuloy silang naghahandog ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nagpapaging-ganap sa kanila na lumalapit. 2Hindi ba sila ay titigil na sa paghahandog ng mga handog? Kung minsan sila ay naghandog ng mga hain na maglilinis sa mga sumasamba, hindi na sila kailanman uusigin ng kanilang mga kasalanan. 3Subalit sa bawat taon ang mga haing iyon ay nagpapaala-ala sa kanila ng kanilang mga kasalanan. 4Sapagkat hindi maaaring maalis ng dugo ng mga baka at kambing ang mga kasalanan.

   
 5Kaya nga, nang dumating siya sa sanlibutan, sinabi niya:
      Hindi mo inibig ang mga handog at mga hain.
      Ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin.
       6Hindi ka nalugod sa mga handog na susunugin
      at mga hain para sa mga kasalanan. 7Pagkatapos
      nito, sinabi ko: Narito, dumarating ako sa
      balumbon ng aklat na nasulat patungkol sa
      akin, upang sundin ang iyong kalooban, O
      Diyos.

    8Una, sinabi niya:
      Hindi mo inibig ang mga handog at mga hain.
      Hindi ka nalulugod sa mga handog na susunugin
      at mga hain para sa kasalanan. Ang mga ito ay
      hinihingi ng kautusan na ihandog.

    9Pagkatapos sinabi niya:
      Narito, ako ay naparito upang gawin ang iyong
      kalooban, O Diyos.

   Upang maitatag niya ang ikalawa, inalis niya ang una. 10Sa pamamagitan ng kaniyang kalooban, ginagawa tayong banal sa pamamagitan ng paghandog ng katawan ni Jesucristo minsan at magpakailanman.


 11At sa bawat araw ang bawat saserdote ay tumatayo at naglilingkod. Siya ay palaging naghahandog ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi makapag-aalis ng mga kasalanan. 12Ngunit pagkatapos niyang maghandog ng isang hain para sa mga kasalanan magpakailanaman, siya ay umupo sa kanang dako ng Diyos. 13Mula sa panahong iyon, siya ay naghihintay hanggang mailagay na ang tuntungan ng kaniyang mga paa ang kaniyang mga kaaway. 14Sapagkat sa pamamagitan ng paghahandog ng isang hain, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinapaging-banal.

   
 15At ang Banal na Espiritu rin ang nagpatotoo sa atin, una, sinabi niya:
       16Akong Panginoon ay nagsasabi: Ito ang tipan
      na gagawin ko sa kanila, pagkatapos ng mga
      araw na iyon. Ilalagay ko ang aking mga
      kautusan sa kanilang mga puso. At isusulat ko
      rin ang mga ito sa kanilang mga kaisipan.

    17Pagkatapos nito ay sinabi niya:
      Hindi ko na kailanman aalalahanin pa ang
      kanilang mga kasalanan at ang kanilang mga
      hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.

    18Ngunit kung saan mayroong kapatawaran sa mga ito, hindi na kailangan pang maghandog ng mga hain para sa kasalanan.

Isang Panawagan sa Atin na Tayo ay Magtiyaga

 19Mga kapatid, yamang tayo nga ay mayroon katiyakan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, makakapasok na tayo sa kabanal-banalang dako. 20Siya ay nagtatag ng isang bago at buhay na daan para sa atin sa pamamagitan ng tabing na kaniyang katawan. 21At mayroon tayong dakilang saserdote na namumuno sa bahay ng Diyos. 22Tayo ay lumapit na may tapat na puso at lubos na pagtitiwala ng pananampalataya dahil winisikan na Diyos ang ating mga puso upang malinis ang ating masamang budhi at gayundin hinugasan ang ating mga katawan ng dalisay na tubig. 23Manangan tayong matibay sa pag-asang ipinahahayag natin na walang pag-aalinlangan sapagkat siya na nangako ay matapat. 24Isaalang-alang natin na magpalakasan tayo ng loob sa isa't isa patungo sa pag-ibig at mga mabubuting gawa. 25Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipun-tipon katulad ng iba na may ganyang kaugalian. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na, na inyong nakikita na nalalapit na ang araw.

   
 26Sapagkat tinanggap na natin ang kaalaman ng katotohanan at kung sinasadya natin ang pagkakasala, wala nang natitira pang handog para sa mga kasalanan. 27Ang natitira na lamang ay ang kakila-kilabot na paghihintay para sa paghuhukom at nagngangalit na apoy na siyang lalamon sa mga kaaway. 28Kung tumatanggi ang isang tao sa kautusan ni Moises, mamamatay siya na walang kaawaan ayon sa patotoo ng dalawang o tatlong saksi. 29Ang isang tao na tumatanggi sa Anak ng Diyos at itinuring na marumi ang dugo ng tipan na naglinis sa kaniya at tumatanggi sa Espiritu na nagbibigay ng biyaya, kung ginagawa niya ang mga ito, gaanong bigat na parusa sa palagay ninyo ang tatanggapin niya? 30Sapagkat kilala natin siya na nagsabi: Akin ang paghihiganti. Ako ang gaganti, sabi ng Panginoon. At muli, sinabi niya: Ang Pangi-noon ang hahatol sa kaniyang mga tao. 31Kung ang isa ay mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos, ito ay kakila-kilabot na bagay.

   
 32Ngunit alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan. Pagkatapos ninyong tanggapin ang liwanag, nagbata kayo ng mahigpit na pakikibaka sa mga paghihirap. 33Sa isang dako, hayagan kayong inalipusta at inusig. Sa kabilang dako naman, nakasama kayo ng mga nakaranas ng gayong paghihirap. 34Sapagkat dinamayan ninyo ako nang ako ay nasa kulungan. At nang kamkamin nila ang inyong ari-arian, tinanggap ninyo ito na may kagalakan, yamang nalalaman ninyo na mayroon kayong higit na mabuti at walang hanggang pag-aari sa langit.

   
 35Kaya nga, huwag ninyong itakwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala. 36Sapagkat kailangan ninyo ang pagtitiis upang pagkatapos maisagawa ang kalooban ng Diyos ay matanggap ninyo ang kaniyang pangako. 37Sapagkat sa napaikling panahon na lamang:
      Siya na paparito ay darating na at hindi siya
      magtatagal. 38Ngunit ang matuwid ay mabubuhay
      sa pamamagitan ng pananampalataya. At kung
      siya ay tumalikod, hindi malulugod ang aking
      kaluluwa sa kaniya.

    39Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumalikod patungo sa pagkawasak. Sa halip tayo ay kabilang sa mga sumasampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.

 

Hebreo 11

Sa Pamamagitan ng Pananampalataya

 1Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na ating inaasahan. Ito ang katunayan ng mga bagay na hindi natin nakikita. 2Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya, nagpatotoo ang mga matanda.

   
 3Sa pamamagitan ng pananampalataya, nauunawaan natin ang mga ito. Nilikha ng Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng salita na kaniyang sinabi. Kaya mula sa mga bagay na hindi makikita ng sinuman, inihanda niya ang mga bagay na nakikita.

   
 4Sa pamamagitan ng pananampalataya, naghandog si Abel ng higit na mabuting handog sa Diyos kaysa sa inihandog ni Cain at sa pamamagitan nito, nakita siyang matuwid. Ang Diyos ang nagpatotoo patungkol sa kaniyang mga kaloob bagaman patay na siya ay nagsasalita pa.

   
 5Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Enoc ay kinuha ng Diyos, kaya siya ay hindi nakaranas ng kamatayan. At dahil kinuha siya ng Diyos, hindi na nila siya nakita. Sapagkat bago siya kinuha ng Diyos, pinatotohanan na siya ay tunay na kalugud-lugod sa Diyos. 6Ngunit kung walang pananampalataya, walang sinumang tunay na makakapagbigay-lugod sa kaniya. Sapagkat ang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at dapat siyang sumampalatayang siya ang nagbibigay gantimpala sa mga masikap na humahanap sa kaniya.

   
 7Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Noe ay naghanda ng isang arka nang magbabala ang Diyos sa kaniya patungkol sa mga bagay na hindi pa niya nakikita. Inihanda niya ito ng may banal na pagkatakot upang mailigtas niya ang kaniyang sambahayan. Sa pamamagitan nito, hinatulan niya ang sanlibutan. At siya ay naging tagapagmana ng katuwiran na kaniyang tinanggap sa pamamagitan ng pananampalataya.

   
 8Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Abraham na tinawag ng Diyos ay sumunod at nagtungo sa isang dako na malapit na niyang tanggapin bilang pamana. Bagaman hindi niya alam kung saan siya patungo, lumabas siya. 9Sa pamamagitan ng pananampalataya, siya ay namuhay tulad ng isang dayuhan sa bayang ipinangako sa kaniya at siya ay tumira sa mga tolda kasama sina Isaac at Jacob. Sila ay mga kasama niyang tagapagmana ng pangako ring iyon. 10Sapagkat inaasahan niyang makita ang isang lungsod na may matibay na saligan na ang Diyos ang nagplano at nagtayo.

   
 11At sa pamamagitan ng pananampalataya, si Sara ay tumanggap ng kakayahang magdalang-tao. Kahit na siya ay lampas na sa gulang upang magkaanak, nanganak pa rin siya. Sapagkat kinilala niya na ang nangako sa kaniya ay matapat. 12At kaya nga, bagaman siya ay tulad sa isang patay, marami ang nagmula sa kaniya na kasindami ng mga bituin sa langit at na tulad ng buhangin sa tabing dagat na hindi mabilang.

   
 13Ang lahat ng mga taong ito ay namuhay ayon sa pananampalataya hanggang sa mamatay na hindi nila natanggap ang mga ipinangako. Ngunit natanaw nila ang mga ito. Nahikayat sila at nanghawakan sila dito at inamin nila na sila ay mga dayuhan at mga pansamantalang nanunuluyan sa lupa. 14Sapagkat ang mga taong nagsasalita ng mga ganitong bagay ay nagpapakilala na sila ay naghahangad ng sariling tahanan. 15At kung iniisip nila ang bayan na kanilang iniwan, may panahon pa silang bumalik. 16Ngunit ngayon, hinangad nila ang higit na mabuting bayan na maka-langit, kaya nga, hindi ikinakahiya ng Diyos na tawagin nila siyang Diyos. Siya ay naghanda ng isang lungsod para sa kanila.

   
 17Sa pamamagitan ng pananampalataya, nang siya ay sinubok ng Diyos, inihandog ni Abraham si Isaac bilang isang hain. Siya na tumanggap ng mga pangako ay naghandog ng kaniyang kaisa-isang anak. 18Sa kaniya ay sinabi: Sa pamamagitan ni Isaac ay pangangalanan ko ang iyong binhi. 19Kaniyang itinuring na kaya ng Diyos na buhayin siya sa gitna ng mga patay. Sa pamamagitan ng paglalarawan ay muli niya siyang naangkin mula sa mga patay.

   
 20Sa pamamagitan ng pananampalataya ay pinagpala ni Isaac sina Jacob at Esau patungkol sa mga bagay na darating.

   
 21Sa pamamagitan ng pananampalataya ay pinagpala ni Jacob ang bawat anak ni Jose nang siya ay malapit nang mamatay. At siya ay sumamba habang nakasandal sa dulo ng kaniyang tungkod.

   
 22Sa pamamagitan ng pananampalataya, nang siya ay malapit nang mamatay, naala-ala ni Jose ang patungkol sa paglabas ng mga anak ni Israel mula sa Egipto at nagbigay ng utos patungkol sa kaniyang mga buto.

   
 23Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Moises pagkapanganak sa kaniya ay itinago ng kaniyang mga magulang sa loob ng tatlong buwan sapagakat nakita nilang siya ay magandang bata. At hindi sila natakot sa batas na iniutos ng hari.

   
 24Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Moises nang siya ay malaki na ay tumangging tawaging anak ng babaeng anak ni Faraon. 25Pinili niyang magbata ng kahirapan kasama ng mga tao ng Diyos kaysa magtamasa ng panandaliang kaligayahang dulot ng kasalanan. 26Itinuring niya na ang mga kahihiyan ng Mesiyas ay higit na malaking kayamanan kaysa sa maangkin niya ang mga mahahalagang bagay at kayamanan sa Egipto. Sapagkat nakatuon ang kaniyang mga mata sa gantimpalang darating. 27Sa pamamagitan ng pananampalataya ay kaniyang iniwan ang Egipto. Hindi siya natakot sa poot ng hari. Sapagkat matatag ang kaniyang kalooban dahil waring nakita na niya yaong hindi nakikita. 28Sa pamamagitan ng pananampalataya ay ginanap niya ang paglampas at pagpahid ng dugo upang huwag siyang hipuin ng namumuksa ng mga panganay.

   
 29Sa pamamagitan ng pananampalataya ay natawid nila ang Pulang dagat tulad sa pagtawid sa tuyong lupa. Nang subukin ito ng mga taga-Egipto, nalunod sila.

   
 30Sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, ang mga pader ng lungsod ng Jerico ay bumagsak pagkatapos nilang mapaikutan ang lungsod sa loob ng pitong araw.

   
 31Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Rahab na isang patutot ay hindi napahamak na kasama ng mga masuwayin dahil tinanggap niya ang mga tiktik na may kapayapaan.

   
 32Ano pa ang aking masasabi? Sapagkat kukulangin ako ng panahon upang sabihin pa sa inyo ang patungkol kay Gideon, Barak, Samson, Jefta, o ang patungkol kay David at Samuel at mga propeta. 33Sa pamamagitan ng pananampalataya ay nalupig nila ang mga kaharian, gumawa ng katuwiran, tumanggap sila ng mga pangako at nagpatigil ng mga bibig ng leon. 34Pinatay nila ang kapangyarihan ng apoy at nakatakas sila sa talim ng tabak. Bagaman sila ay mahihina, tumanggap sila ng kalakasan. Naging malakas sila sa digmaan at dinaig nila ang mga dayuhang hukbo. 35Tinanggap ng mga kababaihan ang kanilang mga patay na muling binuhay. Ang iba ay pinahirapan dahil tumanggi silang palayain, upang makamtan nila ang higit na mabuting muling pagkabuhay. 36Ang iba ay tumanggap ng pagsubok, ng pangungutya, ng mga paghagupit at oo, ang iba ay iginapos nila at ibinilanggo. 37Ang iba naman ay binato, nilagaring pahati, tinukso at pinatay sa pamamagitan ng tabak. Gumala sila, na ang suot ay balat ng tupa at mga balat ng kambing, na naghihirap, pinag-usig at pinagmalupitan. 38Ang sanlibutang ito ay hindi nararapat para sa kanila. Sila ay nagpagala-gala sa mga ilang at mga bundok, sa mga kuweba at sa mga lungga ng lupa.

   
 39Ang lahat ng mga ito, na nagkaroon ng mabuting patotoo sa pamamagitan ng pananampalataya, ay hindi nakatanggap sa mga bagay na ipinangako. 40Sapagkat noon pa mang una ay naglaan na ng higit na mabuting bagay ang Diyos para sa atin, sapagkat sila ay hindi magiging-ganap na hindi tayo kasama.

 

Hebreo 12

Tinutuwid ng Diyos ang Kaniyang mga Anak

 1Kaya nga, tayo rin naman ay napapalibutan ng gayong makapal na ulap ng mga saksi. Ating isaisangtabi ang bawat bagay na humahadlang sa atin at ang kasalanang napakadaling bumalot sa atin. Takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing inilaan sa atin. 2Ituon natin ang ating mga mata kay Jesus na siya ang nagpasimula at nagpapaging-ganap ng ating pananampalataya. Siya ay nagbata ng krus alang-alang sa kagalakang itinalaga sa kaniya at hinamak niya ang kahihiyan. Pagkatapos ay umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos. 3Dapat ninyo siyang isaalang-alang na mabuti upang huwag kayong manlupaypay at huwag manghina ang inyong kaluluwa, dahil siya ay nagtiis ng labis na pagsalungat mula sa mga taong makasalanang laban sa kaniya.

   
 4Sa pakikibaka ninyo laban sa kasalanan ay hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng inyong dugo. 5Nakalimutan na ba ninyo ang salitang nagpapalakas ng inyong loob na tumutukoy sa inyo bilang mga anak? Ang sinasabi:
      Anak ko, kung itinutuwid ka ng Panginoon,
      huwag mong ipagwalang bahala. At kung sina-saway
      ka niya, huwag manghina ang iyong loob.
       6Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang mga
      iniibig niya, pinapalo ang bawat tina-tanggap
      niya bilang anak.

   
 7Kung nagbabata kayo ng pagtutuwid, ang Diyos ay siyang gumagawa sa inyo bilang mga anak. Sapagkat alin bang anak ang hindi itinutuwid ng kaniyang ama? 8Ang lahat ng anak ay dumaranas ng pagtutuwid. Ngunit kung hindi kayo itinutuwid, kayo ay mga anak sa labas at hindi kayo mga tunay na anak. 9Higit pa dito, lahat tayo ay may mga ama sa laman at itinutuwid nila tayo. At iginagalang natin sila. Hindi ba lalong nararapat na handa tayong magpasakop sa ating Ama ng espiritu upang tayo ay mabuhay? 10Sapagkat sila ay nagtutuwid sa atin, ayon sa ipinapalagay nilang mabuti, sa maikling panahon. Ngunit ang Diyos ay tumutuwid para sa ating kapakinabangan at upang tayo ay maging kabahagi ng kaniyang kabanalan. 11Ngunit walang pagtutuwid na parang kasiya-siya sa kasalukuyan. Ito ay masakit ngunit sa katagalan, ito ay nagdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran, sa mga nasasanay ng pagtutuwid.

   
 12Kaya nga, itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at ituwid ninyo ang inyong mga tuhod na nangangatog. 13At tuwirin ninyo ang mga daraanan ng inyong mga paa upang ang mga lumpo ay huwag malihis, sa halip, sila ay gumaling.

Babala Laban sa Pagtanggi sa Diyos

 14Sikapin ninyong mamuhay ng may kapayapaan at kabanalan sa lahat ng tao, dahil walang sinumang makakakita sa Panginoon kung wala ito. 15Mag-ingat kayo baka mayroong magkulang sa biyaya ng Diyos. Ingatan ninyo na baka may sumibol na ugat ng sama ng loob na siyang dahilan ng kaguluhan at sa pamamagitan nito ay nadudungisan ang marami. 16Tiyakin ninyo na walang matagpuan sa inyo na taong imoral o mapaglapastangan tulad ni Esau na kaniyang ipinagbili ang karapatang magmana bilang panganay na anak na lalaki dahil sa isang pagkain. 17Sapagkat alam na ninyong lahat kung ano ang nangyari pagkatapos. Nang ibig na niyang manahin ang basbas, itinakwil siya ng Diyos. Bagaman si Esau ay humanap ng paraan na may pagluha upang siya ay makapagsisi, hindi siya makahanap ng pagkakataon para makapagsisi.

   
 18Sapagkat hindi kayo nakalapit sa bundok na inyong mahihipo na naglalagablab sa apoy, sa kapusikitan, sa kadiliman at sa unos. 19At ang naroon ay tunog ng trumpeta at ang tinig ng mga salita. Pagkarinig nila ng tinig nito, nagsumamo sila na huwag nang banggitin sa kanilang muli ang mga salitang ito. 20Sapagkat hindi nila makayanang dalhin ang iniutos na sinabi: Kung ang isang hayop ay madikit sa bundok, dapat ninyong batuhin at sa pamagitan ng sibat ay inyong tuhugin. 21Dahil ang tanawin ay labis na nakakasindak, sinabi ni Moises: Nilukuban ako ng takot at ako ay nanginig.

   
 22Subalit kayo ay nakalapit na sa bundok ng Zion at sa lungsod ng buhay na Diyos, sa Jerusalem na maka-langit at sa hindi mabilang na mga anghel. 23Lumapit na kayo sa pangkalahatang pagtitipon at sa iglesiya ng mga panganay na nakatala sa kalangitan. Lumapit na kayo sa Diyos na hukom ng lahat at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinaging-ganap. 24Lumapit na kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan ng isang bagong tipan at sa dugo na kaniyang iwinisik na nangungusap ng higit na mabubuting bagay kaysa sa dugo ni Abel.

   
 25Tiyakin ninyo na hindi ninyo tinatanggihan ang nagsasalita. Sapagkat kung ang mga tumanggi sa nagsalita sa lupa ay hindi makakaligtas sa paghatol. Ang ating kahatulan ay lalong tiyak kung tatalikuran natin siya na nagmula sa langit. 26Noon ang kaniyang tinig ay yumanig sa lupa. Ngunit ngayon siya ay nangako na sinasabi: Minsan na lang ay yayanigin ko hindi lamang ang lupa kundi gayundin ang langit. 27Nang gamitin niya ang katagang, minsan na lang, ang ibig niyang sabihin ay aalisin niya ang lahat ng bagay na mayayanig, na ang mga ito ay ang mga bagay na ginawa, upang ang mga bagay na hindi mayayanig ay manatili.

   
 28Tinanggap natin ang isang paghahari na walang makakayanig. Kaya nga, tayo nawa ay magkaroon ng biyaya na sa pamamagitan nito, tayo ay maghahandog ng paglilingkod na kalugud-lugod sa Diyos, na may banal na paggalang at pagkatakot. 29Sapagkat ang ating Diyos ay isang apoy na tumutupok.

 

Hebreo 13

Pagtatapos na Payo

 1Hayaan ninyong magpatuloy sa inyo ang pagmamahalan ng magkakapatid. 2Huwag ninyong kalimutan ang maging mapagpatuloy sa mga taga-ibang bayan. Sa pamamagitan nito, ang iba ay tumanggap ng mga anghel bilang mga panauhin na hindi nila ito nalalaman. 3Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na waring kayo ay nabilanggo na kasama nila. At alalahanin ninyo iyong mga pinagmalupitan na waring kaisang-katawan din kayo.

   
 4Ang pag-aasawa ay marangal sa lahat at ang pagsasamahan ng mag-asawa na walang dungis. Ngunit hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya. 5Ang pamumuhay ninyo ay dapat walang pag-ibig sa salapi. Masiyahan na kayo sa mga bagay na taglay ninyo sapagkat sinabi ng Diyos:
      Kailanman ay hindi kita iiwan at kailanman ay
      hindi kita pababayaan.

    6Kaya nga, masasabi natin na may pagtitiwala:
      Ang Panginoon ang aking katulong. Hindi ako
      matatakot. Ano ang magagawa ng tao sa akin?

   
 7Alalahanin ninyo ang inyong mga tagapangasiwa na nagpahayag ng salita ng Diyos sa inyo. At tularan ninyo ang kanilang pananampalataya habang minamasdan ninyo ang hangarin ng kanilang buhay. 8Si Jesus ay siya pa rin kahapon, ngayon, bukas at magpakailanman.

   
 9Huwag ninyong hayaan na madala kayo ng lahat ng uri at kakaibang mga katuruan. Sapagkat mabuting pagtibayin natin ang ating mga puso sa pamamagitan ng biyaya at hindi sa pamamagitan ng pagkain. Ang pagkain ay hindi makakapagbigay ng kapakinabangan sa mga nabubuhay sa pamamagitan nito. 10Tayo ay may isang dambana. Ang mga saserdote na naglilingkod sa makalupang tabernakulo ay walang karapatang kumain dito.

   
 11Sapagkat ang pinakapunong-saserdote ay nagdala ng dugo ng hayop sa kabanal-banalang dako bilang isang hain para sa kasalanan. Kapag ginagawa nila ito, sinusunog nila ang katawan ng mga hayop sa labas ng kampamento. 12Kaya nga, gayundin naman kay Jesus, ng mapaging-banal niya ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang dugo, naghirap siya sa labas ng tarangkahan ng lungsod. 13Kaya nga, tayo ay lumapit sa kaniya sa labas ng kampamento na binabata ang kaniyang kahihiyan. 14Sapagkat wala tayong nananatiling lungsod dito. Subalit hinahangad natin ang lungsod na darating.

   
 15Kaya sa pamamagitan niya, patuloy tayong magdala ng handog ng papuri sa Diyos. Ang ating hain ay ang bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan. 16Ang paggawa ng mabuti at pakikibahagi sa paglilingkod ay huwag ninyo itong kaliligtaan sapagkat kalugud-lugod sa Diyos ang mga handog na tulad nito.

   
 17Sundin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo at magpasakop kayo sa kanilang pamamahala sapagkat iniingatan nilang patuloy ang inyong mga kaluluwa bilang mga magbibigay sulit para sa inyo. Sundin ninyo sila upang magawa nila itong may kagalakan at hindi nang may kahapisan, sapagkat ito ay hindi magiging kapakipakinabang sa inyo.

   
 18Ipanalangin ninyo kami. Natitiyak naming malinis ang aming budhi. At ibig naming mamuhay nang maayos sa lahat ng bagay. 19Masikap kong ipinamamanhik sa inyo na ipanalangin ninyo ako upang makasama ko kayo sa lalong madaling panahon.

   
 20Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan ang magpapatibay sa inyong bawat gawang mabuti. Siya yaong sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan ang nagbangon muli sa ating Panginoong Jesus mula sa mga patay na siyang Dakilang Pastol ng mga tupa. 21Gawin nawa niya kayong ganap sa bawat mabubuting gawa upang gawin ang kaniyang kalooban. Sa pamamagitan ni Jesucristo, maisasagawa niya sa inyo ang anumang makakalugod sa kaniya. Sumakaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Siya nawa.

   
 22Mga kapatid ko, ipinamamanhik ko sa inyo, na inyong tiisin ang salita ng matapat na panghihikayat, bagaman sinulatan ko na kayo ng maiksing sulat.

   
 23Alamin ninyo na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinalaya na nila. Kapag siya ay dumating agad, sasama ako sa kaniya at magkikita tayo.

   
 24Batiin ninyo ang lahat ninyong tagapangasiwa at ang lahat ng mga banal. Binabati kayo ng mga nasa Italia.

   
 25Ang biyaya ang sumainyong lahat. Siya nawa!

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Santiago

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 5

Santiago 1

 1Akong si Santiago ay isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo. Binabati ko ang labindalawang lipi ni Israel na nakakalat sa iba't ibang bansa.

Mga Pagsubok at mga Tukso

 2Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3Nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis. 4Ngunit hayaan ninyong ang pagtitiis ay magkaroon ng kaniyang ganap na gawa upang kayo ay maging ganap at buo. Sa gayon, kayo ay maging ganap at lubos na walang anumang kakulangan. 5Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at iyon ay ibibigay sa kaniya. Ang Diyos ay nagbibigay nang masagana sa lahat at hindi nagagalit. 6Ngunit kapag siya ay humingi, humingi siyang may pananampalataya at walang pag-aalinlangan sapagkat ang taong nag-aalinlangan ay katulad ng isang alon sa dagat na tinatangay at ipinapadpad ng hangin. 7Ang taong nag-aalinlangan ay hindi dapat mag-isip na siya ay tatanggap ng anuman mula sa Panginoon. 8Ang taong nagdadalawang-isip ay hindi matatag sa lahat ng kaniyang mga lakad.

   
 9Magmapuri ang kapatid na may mababang kalagayan dahil sa kaniyang pagkakataas. 10Magmapuri din naman ang mayaman dahil sa kaniyang pagkakababa sapagkat tulad ng bulaklak ng damo, siya ay lilipas. 11Ito ay sapagkat ang araw ay sumisikat na may matinding init at tinutuyo ang damo. Ang bulaklak ng damo ay nalalagas at sinisira ng araw ang kaakit-akit na anyo nito. Gayundin naman ang mayaman, siya ay lumilipas sa kaniyang mga lakad.

   
 12Pinagpala ang taong nagtitiis ng pagsubok dahil kapag siya ay nasubok na, tatanggap siya ng putong ng buhay na ipinangako ng Panginoon sa kanila na umiibig sa kaniya.

   
 13Huwag sabihin ng sinumang tinutukso: Ako ay tinutukso ng Diyos. Ito ay sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso ng mga kasamaan at hindi niya tinutukso ang sinuman. 14Ang bawat tao ay natutukso kapag siya ay nahihila ng kaniyang masidhing pita at siya ay nasisilo nito. 15Kapag ang masidhing pita ay naglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan. Kung ang kasalanan ay naganap, ito ay nagbubunga ng kamatayan.

   
 16Minamahal kong mga kapatid, huwag kayong padaya kaninuman. 17Ang bawat mabuting pagbibigay at bawat ganap na kaloob ay mula sa itaas at nagbubuhat sa Ama ng mga liwanag na walang pagbabago, ni anino man ng pagtalikod. 18Sa kaniyang sariling kalooban ay ipinanganak niya tayo sa pamamagitan ng salita ng katotohanan upang maging isang uri tayo ng mga unang-bunga ng kaniyang mga nilikha.

Pakikinig at Pagsasagawa

 19Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, ang bawat tao ay dapat maging maagap sa pakikinig at maging mahinahon sa pagsasalita at hindi madaling mapoot. 20Ito ay sapagkat ang poot ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos. 21Kaya nga, hubarin ninyo ang lahat ng karumihan at ang pag-uumapaw ng kasamaan. Tanggapin ninyo nang may kababaan ng loob ang salitang ihinugpong sa inyo na makakapagligtas sa inyong mga kaluluwa.

   
 22Maging tagatupad kayo ng salita at huwag maging taga-pakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili. 23Ang sinumang tagapakinig ng salita ngunit hindi tagatupad nito ay natutulad sa isang taong minamasdan ang kaniyang likas na mukha sa salamin. 24Pagkatapos niyang masdan ang kaniyang sarili, siya ay lumisan at kinalimutan niya kaagad kung ano ang uri ng kaniyang pagkatao. 25Ngunit ang sinumang tumitingin sa ganap na kautusan ng kalayaan at nananatili rito ay tagapakinig na hindi nakakalimot sa halip siya ay tagatupad ng salita. Ang taong ito ay pagpapalain sa kaniyang ginagawa.

   
 26Kung ang sinuman sa inyo ay waring relihiyoso at hindi niya pinipigil ang kaniyang dila, subalit dinadaya niya ang kaniyang puso, ang kaniyang relihiyon ay walang kabuluhan. 27Ang dalisay at walang dungis na relihiyon sa harapan ng Diyos Ama ay ang pagdalaw sa mga ulila at sa mga babaeng balo sa kanilang paghihirap. Ito ay upang maingatan ang kaniyang sarili na hindi mabahiran ng sanlibutan.

 

Santiago 2

Huwag Magtatangi ng Isang Tao nang Higit sa Iba

 1Mga kapatid ko, kayo ay may pananampalataya na nasa Panginoong Jesucristo na Panginoon ng kaluwalhatian at kayo na may pananampalatayang ito ay huwag magkaroon ng pagtatangi ng mga tao. 2Maaaring may pumasok sa inyong sinagoga na isang taong may gintong singsing at marangyang kasuotan. Maaari ding may pumasok na isang taong dukha na napakarumi ng damit. 3At higit ninyong binigyan ng pansin ang may marangyang kasuotan at sinasabi mo sa kaniya: Maupo po kayo rito sa magandang dako. Sa taong dukha ay sinasabi mo: Tumayo ka na lang dito o di kaya ay maupo ka sa tabi ng patungan ng aking paa. 4Hindi ba kayo rin ay may mga pagtatangi-tangi sa inyong mga sarili? Hindi ba kayo ay naging mga tagahatol na may masasamang isipan?

   
 5Makinig kayo, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito na mayayaman sa pananampalataya? Hindi ba pinili silang taga-pagmana ng paghaharing ipinangako niya sa mga umiibig sa kaniya? 6Hinamak ninyo ang taong dukha. Hindi ba ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa harap ng mga hukuman? 7Hindi ba sila ang lumalait sa mabuting pangalan na itinatawag sa inyo?

   
 8Kung tinutupad ninyo ang maharlikang kautusan ayon sa kasulatan, mabuti ang inyong ginagawa. Ito ay nagsasabi: Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 9Kaya kung kayo ay nagtatangi ng tao, kayo ay nagkakasala at sinusuway ang kautusan bilang mga lumalabag. 10Ang sinumang tumutupad sa buong kautusan ngunit natitisod sa isang bahagi ay nagkakasala sa buong kautusan. 11Ito ay sapagkat sinabi ng Diyos: Huwag kang makiapid. Sinabi rin niyang huwag kang papatay. Kung hindi ka man nakiapid ngunit ikaw naman ay pumatay, ikaw ay lumabag din sa kautusan.

   
 12Kaya magsalita ka at gumawa tulad ng mga hahatulan na ng kautusan ng kalayaan. 13Ito ay sapagkat walang kahabagang hahatulan ng Diyos ang sinumang nagkait ng habag. Ang kahabagan ay nananaig sa kahatulan.

Pananampalataya at mga Gawa

 14Mga kapatid ko, kung sabihin ng isang tao na siya ay may pananampalataya subalit wala siyang mga gawa, ano ang pakinabang noon? Maililigtas ba siya ng pananampalataya? 15Maaaring ang isang kapatid na lalaki o babae ay walang damit o kinukulang sa pang-araw-araw na pagkain. 16At ang isa sa inyo ay nagsabi sa kanila: Humayo kayo nang mapayapa. Magpainit kayo at magpakabusog. Ngunit hindi mo naman ibinigay sa kanila ang mga kailangan ng katawan, ano ang kapakinabangan noon? 17Ganiyan din ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ito ay patay sa kaniyang sarili.

   
 18Maaaring may magsabi: Ikaw ay may pananampalataya, ako ay may mga gawa. Ipakita mo ang iyong pananampalataya na wala ang iyong mga gawa at ipapakita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19Nananampalataya kang iisa ang Diyos. Mabuti ang iyong ginagawa. Maging ang mga demonyo ay nananampalataya at nanginginig.

   
 20Ikaw na taong walang kabuluhan, ibig mo bang malaman na ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay? 21Hindi ba ang ating amang si Abraham ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa? Ito ay nang ihandog niya sa dambana ang kaniyang anak na si Isaac. 22Iyong nakita na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa. 23At naganap ang kautusan na sinabi: Sinampalatayanan ni Abraham ang Diyos at ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran at tinawag siyang kaibigan ng Diyos. 24Nakikita ninyong ang tao ay pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.

   
 25Hindi ba sa gayunding paraan si Rahab na isang patutot ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa? Matapos niyang tanggapin ang mga sugo, sila ay pinaalis niya at pinadaan sa ibang landas. 26Kung paanong ang katawang walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa.

 

Santiago 3

Pagpapaamo ng Dila

 1Mga kapatid ko, nalalaman ninyo na tayong mga guro ay tatanggap ng lalong higit na kahatulan. Kaya nga, huwag maging guro ang marami sa inyo. 2Ito ay sapagkat tayong lahat sa maraming paraan ay natitisod. Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa kaniyang pananalita, siya ay taong ganap at napipigil niya ang kaniyang buong katawan.

   
 3Narito, nilalagyan natin ng bokado ang bibig ng mga kabayo upang tayo ay sundin nila. Sa pamamagitan ng bokado ay naililiko natin ang buong katawan nila. 4Tingnan din ninyo ang mga barko. Ang mga ito ay malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin. Gayunman, bagamat malalaki, ang mga ito ay inililiko ng napakaliit na timon saan man naisin ng taga-timon. 5Gayundin naman ang dila. Ito ay isang maliit na bahagi ng katawan ngunit nagyayabang ng mga dakilang bagay. Narito, ang maliit na apoy ay nagpapaliyab ng malalaking kahoy. 6Ang dila ay tulad ng apoy, sanlibutan ng kalikuan. Ang dila ay bahagi ng ating katawan na dumudungis sa kabuuan nito. Sinusunog nito ang mga pamamaraan kung paano tayo nabubuhay at ito ay pinag-aapoy ng impiyerno.

   
 7Ito ay sapagkat napaamo na ang lahat ng uri ng mga hayop at mga ibon at mga gumagapang na hayop at mga bagay sa dagat. At ito ay paaamuin ng tao. 8Ngunit walang nakapagpaamo sa dila. Ito ay masamang bagay na hindi mapipigil at puno ng kamandag na nakakamatay.

   
 9Sa pamamagitan ng dila ay pinupuri natin ang Diyos Ama. Ginagamit din natin ito sa pagsumpa sa mga taong ginawa ng Diyos ayon sa kaniyang wangis. 10Sa pamamagitan ng gayunding bibig ay lumalabas ang pagpuri at pagsumpa. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito ang mga bagay na ito. 11Ang bukal ba ay naglalabas ng matamis at ng mapait na tubig sa iisang butas? 12Mga kapatid ko, makakapagbunga ba ng olivo ang puno ng igos? O ang puno ba ng ubas ay makakapagbunga ng igos? Gayundin, ang bukal ay hindi makakapaglabas ng maalat at matamis na tubig.

Dalawang Uri ng Karunungan

 13Sino sa inyo ang matalino at nakakaunawa? Hayaang ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kaniyang mga gawa na may mapagpakumbabang karunungan. 14Maaaring magkaroon ng mapait na pag-iinggitan at makasariling pagnanasa sa inyong mga puso. Kung mayroon man, huwag kayong magmapuri at magsinungaling laban sa katotohanan. 15Ang karunungang ito ay hindi nagmumula sa itaas, subalit ito ay mula sa lupa, makalaman at mula sa mga demonyo. 16Kung saan may pag-iinggitan at makasariling pagnanasa, naroroon ang kaguluhan at lahat ng masamang bagay.


 17Ang karunungang nagmumula sa itaas una, sa lahat, ay dalisay, pagkatapos ay mapayapa, maamo, nagpapasakop, puno ng kahabagan at may mabubuting bunga. Ito ay hindi nagtatangi at walang pagpapakunwari. 18Ngunit ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan para doon sa mga gumagawa ng kapayapaan.

Santiago 4

Ipasakop Ninyo sa Diyos ang Inyong mga Sarili

 1Saan nagmula ang mga pag-aaway at mga paglalaban-laban sa inyo? Hindi ba ito ay nagmula sa inyong mga pagnanasa sa kalayawan na nag-aaway sa inyong katawan? 2May masidhi kayong paghahangad ngunit hindi kayo nagkakaroon. Kayo ay pumapatay at nag-iimbot ngunit hindi kayo nagkakamit. Kayo ay nag-aaway-away at naglalaban-laban. Hindi kayo nagkakaroon dahil hindi kayo humihingi. 3Humingi kayo, ngunit hindi kayo nakatanggap sapagkat ang inyong paghingi ay masama. Ang inyong hinihingi ay gagamitin ninyo sa inyong mga kalayawan. 4Hindi ba ninyo nalalaman, kayong mga mangangalunyang lalaki at babae na ang nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya ang sinumang makikipagkaibigan sa sanlibutan ay kaaway ng Diyos. 5Sinasabi ng kasulatan:
      Ang Espiritung nananahan sa atin ay labis na
      naninibugho.

   Sa palagay ba ninyo ay walang kabuluhan ang sinasabing ito ng kasulatan? 6Ngunit tayo ay binigyan niya ng higit pang biyaya. Dahil dito sinabi niya:
      Sinasalungat ng Diyos ang mga mapagmataas
      ngunit binibigyan niya ng biyaya ang mga
      mapagpakumbaba.

   
 7Ipasakop nga ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at siya ay lalayo sa inyo. 8Magsilapit kayo sa Diyos at siya ay lalapit sa inyo. Kayong mga makasalanan, linisin ninyo ang inyong mga kamay. Kayong mga taong nagdadalawang-isip, dalisayin ninyo ang inyong mga puso. 9Magdalamhati kayo, maghinagpis kayo at tumangis kayo. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagdadalamhati. Palitan ninyo ang inyong katuwaan ng kalungkutan. 10Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at kayo ay itataas niya.


 11Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Ang gumagawa nito at humahatol sa kaniyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan at humahatol sa kautusan. Kung hinahatulan mo ang kautusan, hindi ka tagatupad ng kautusan. Ikaw ay tagahatol. 12Iisa lamang ang nagbigay ng kautusan. Siya ang makakapagligtas at makakapuksa. Sino ka upang humatol sa iba?

Pagyayabang Patungkol sa Kinabukasan

 13Makinig kayo ngayon, kayong nagsasabi: Ngayon o kaya bukas, kami ay pupunta sa gayong lungsod. Mananatili kami roon ng isang taon. Kami ay mangangalakal at tutubo. 14Ngunit hindi ninyo nalalaman kung ano ang mangyayari sa kinabukasan. Ito ay sapagkat ano ang iyong buhay? Ito ay tulad sa isang singaw na sa maikling oras ay lumilitaw at pagkatapos ay naglalaho. 15Ito ang dapat ninyong sabihin: Kung kalooban ng Panginoon, mabubuhay tayo. Gagawin natin ang bagay na ito o ang gayong bagay. 16Datapuwa't ngayon ay nagmamapuri kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng ganitong pagmamapuri ay napakasama. 17Kaya nga, ang sinumang nakakaalam sa paggawa ng mabuti at hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya.  

Santiago 5

Babala sa mga Mayayaman na Nang-aapi sa Ibang Tao

 1Makinig kayo, kayong mayayaman. Kayo ay tumangis at humagulgol dahil sa darating na mga paghihirap ninyo. 2Ang mga kayamanan ninyo ay nangabulok. Ang mga damit ninyo ay kinain ng tanga. 3Ang inyong mga ginto at pilak ay kinalawang. Ang mga kalawang na ito ang magiging patotoo laban sa inyo at siyang kakain sa inyong mga laman tulad ng apoy. Kayo ay nag-imbak ng kayamanan para sa mga huling araw. 4Narito, ipinagkait ninyong may pandaraya ang mga upa ng mga manggagawang gumapas sa inyong mga bukirin. Ang kanilang mga upa ay umiiyak. Ang iyak ng mga manggagawang gumapas ay narinig ng Panginoon ng mga hukbo. 5Kayo ay namuhay sa lupang ito, sa karangyaan at pagpapasasa. Binusog ninyo ang inyong mga puso tulad sa araw ng katayan. 6Inyong hinatulan at pinatay ang taong matuwid. Hindi niya kayo tinutulan.

Pagtitiis sa Paghihirap

 7Mga kapatid ko, magtiis kayo hanggang sa pagbabalik ng Panginoon. Narito, ang magsasaka ay naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa. Hinihintay niya ito ng may pagtitiyaga hanggang sa matanggap nito ang una at huling ulan. 8Magtiis din nga kayo at patatagin ninyo ang inyong kalooban sapagkat malapit na ang pagbabalik ng Panginoon. 9Mga kapatid, huwag kayong magsumbatan sa isa't isa upang hindi kayo mahatulan. Narito, ang hukom ay nakatayo sa pintuan.


 10Mga kapatid, gawin ninyong halimbawa ang mga propeta na nangaral sa pangalan ng Panginoon. Sila ang mga halimbawa na dumanas ng paghihirap at ng pagtitiis. 11Narito, itinuturing nating pinagpala ang mga nakapagtiis. Narinig ninyo ang pagtitiis ni Job at nalaman ninyo ang ginawa ng Panginoon sa katapusan na lubhang mapagmalasakit at maawain.


 12Ngunit higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng langit, o lupa, o ng ano pa mang panunumpa. Ang inyong oo ay dapat maging oo, ang inyong hindi ay dapat maging hindi upang hindi kayo mahulog sa kahatulan.

Ang Panalanging may Pananampalataya

 13Mayroon bang nahihirapan sa inyo? Manalangin siya. Mayroon bang masaya sa inyo? Magpuri siya. 14Mayroon bang may sakit sa inyo? Tawagin niya ang mga matanda sa iglesiya upang siya ay kanilang ipanalangin at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15Ang panalanging may pananampalataya ay makakapagpagaling sa taong maysakit at siya ay ibabangon ng Panginoon. Kung mayroon siyang nagawang mga pagkakasala, siya ay patatawarin. 16Ipahayag ninyo ang inyong mga pagsalangsang sa isa't isa. Manalangin kayo para sa isa't isa, upang gumaling kayo. Ang mabisa at taimtim na panalangin ng taong matuwid ay higit na malaki ang magagawa.


 17Si Elias ay taong may damdamin ding tulad natin. Mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan at hindi nga umulan sa lupa sa loob ng tatlo at kalahating taon. 18Muli siyang nanalangin at ang langit ay nagbuhos ng ulan, at ang lupa ay nagbigay ng ani.


 19Mga kapatid, kung ang isa sa inyo ay lumihis sa katotohanan, maaring siya ay mapanumbalik ng isa sa inyo. 20Dapat malaman ng nagpanumbalik sa makasalanan mula sa pagkakaligaw na maililigtas niya ang isang kaluluwa mula sa kamatayan. Siya ay magtatakip ng maraming kasalanan.

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

1 Pedro

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 5

1 Pedro 1

 1Akong si Pedro ay apostol ni Jesucristo. Sa mga hinirang ng Diyos na pansamantalang nakikipamayan at nakakalat sa Ponto, Galacia, Cappadocia, Asya at Bitinia. 2Hinirang sila ayon sa paunang kaalaman ng Diyos Ama sa pamamagitan ng pagpapaging-banal ng Espiritu, patungo sa pagsunod at pagwiwisik ng dugo ni Jesucristo.
   Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan.

Papuri sa Diyos para sa Isang Buhay na Pag-asa

 3Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo sapagkat sa kaniyang dakilang kahabagan ay ipinanganak niya tayong muli patungo sa isang buhay na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesucristo mula sa mga patay. 4Ginawa niya ito para sa isang manang hindi nabubulok, hindi narurumihan at hindi kumukupas na inilaan sa langit para sa atin. 5Ang kapangyarihan ng Diyos ang nag-iingat sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya, para sa kaligtasang nakahandang ihayag sa huling panahon. 6Ito ang inyong ikinagagalak bagamat, ngayon sa sandaling panahon kung kinakailangan, ay pinalulumbay kayo sa iba't ibang pagsubok. 7Ito ay upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya, na lalong higit na mahalaga kaysa ginto na nasisira, bagaman sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri, ikararangal at ikaluluwalhati ni Jesucristo sa kaniyang kapahayagan. 8Kahit na hindi ninyo siya nakita, inibig ninyo siya. Kahit hindi ninyo siya nakikita ngayon ay nananampalataya kayo sa kaniya. Dahil dito, nagagalak kayo ng kagalakang hindi kayang ipaliwanag sa salita at puspos ng kaluwalhatian. 9Nagagalak kayo sapagkat tinatanggap ninyo ang layunin ng inyong pananampalataya na walang iba kundi ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.

   
 10Ang kaligtasang ito ay masusing sinisiyasat at sinusuri ng mga propetang naghayag sa biyayang darating sa inyo. 11Sinisiyasat nila kung sino at kung kailan mangyayari ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na sumasakanila. Ang Espiritu ang nagpatotoo noon pang una patungkol sa mga kahirapan ni Cristo at ang mga kaluwalhatiang kasunod nito. 12Ipinahayag ito sa kanila subalit hindi para sa kanilang sarili kundi ipinaglingkod nila ito para sa atin. Ang bagay na ito ay ibinalita ngayon sa inyo sa pamamagitan ng mga tagapangaral ng ebanghelyo. Nangaral sila sa pamamagitan ng Espiritu na isinugo mula sa langit. Mahigpit na hinahangad ng mga anghel na malaman ang mga bagay na ito.

Magpakabanal Kayo

 13Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong isipan gaya ng pagkabigkis ng baywang. Magkaroon kayo ng maayos na pag-iisip. Lubos kayong umasa sa biyayang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesucristo. 14Tulad ng mga masunuring anak, huwag na kayong makiayon pa sa dating masidhing pita noong kayo ay wala pang pang-unawa. 15At sapagkat ang tumawag sa inyo ay banal, magpakabanal din kayong tulad niya sa lahat ng inyong pag-uugali. 16Ito ay sapagkat nasusulat: Magpaka-banal kayo sapagkat ako ay banal.


 17Ang Ama ay humahatol nang walang pagtatangi ayon sa gawa ng bawat isa. Yamang tinatawag ninyo siyang Ama, ang inyong pag-uugali ay dapat may pagkatakot sa panahon na kayo ay namumuhay bilang mga dayuhan. 18Nalalaman ninyong tinubos kayo mula sa walang kabuluhang paraan ng pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno. Ang ipinangtubos sa inyo ay hindi nasisirang mga bagay na gaya ng pilak at ginto. 19Subalit ang ipinangtubos sa inyo ay ang mahalagang dugo ni Cristo. Siya ay tulad ng isang korderong walang kapintasan at walang dungis. 20Alam na ng Diyos ang patungkol sa kaniya noong una pa man, bago pa itinatag ang sanlibutan. Ngunit alang-alang sa inyo, nahayag siya sa mga huling araw na ito. 21Sa pamamagitan niya, nanampalataya kayo sa Diyos na muling bumuhay sa kaniya mula sa mga patay at nagbigay kaluwalhatian sa kaniya. Kaya nga, ang inyong pananampalataya at pag-asa ay mapasa-Diyos.


 22Ngayon ay dinalisay na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu upang kayo ay magkaroon ng pag-ibig na walang pagkukunwari sa mga kapatid. Kaya nga, mag-ibigan kayo sa isa't isa nang buong ningas ng may malinis na puso. 23Ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Diyos na nabubuhay at namamalagi magpakailanman. 24Ito ay sapagkat sinasabi:
      Ang lahat ng tao ay gaya ng damo. Ang lahat ng
      kaluwalhatian ng tao ay gaya ng bulaklak ng
      damo. Ang damo ay natutuyo at ang bulaklak ay
      nalalagas. 25Ngunit ang salita ng Panginoon ay
      mamamalagi magpakailanman.

   Ito ang ebanghelyo na ipinangaral sa inyo.

1 Pedro 2

 1Kaya nga, alisin na ninyo ang lahat ng masamang hangarin at lahat ng pandaraya. Talikdan na ninyo ang pagkukunwari, pagkainggit at lahat ng uri ng paninirang puri. 2Kung magkagayon, gaya ng sanggol na bagong silang, nasain ninyo ang dalisay na gatas na ukol sa espiritu upang lumago kayo. 3Nasain ninyo ito, yamang nalasap ninyo na ang Panginoon ay mabuti.

Ang Batong Buhay at ang Mga Batong Buhay

 4Lumapit kayo sa kaniya na siyang batong buhay na itinakwil ng mga tao. Ngunit sa Diyos siya ay hirang at mahalaga. 5Kayo rin ay katulad ng mga batong buhay. Itinatatag kayo ng Diyos na isang bahay na espirituwal. Kayo ay mga saserdoteng banal, kaya maghandog kayo ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo. 6Ganito ang sinasabi ng kasulatan:
      Narito, itinatayo ko sa Zion ang isang pangunahing
      batong panulok, hinirang at mahalaga. Ang
      sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi
      mapapahiya.

    7Kaya nga, sa inyo na sumasampalataya, siya ay mahalaga. Ngunit sa mga hindi sumusunod:
      Ang batong tinakwil ng mga tagapagtayo ang
      naging pangunahing batong panulok. 8At naging
      batong ikabubuwal at katitisuran.

   Natitisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita yamang dito rin naman sila itinalaga.

   
 9Ngunit kayo ay isang lahing hinirang, makaharing pagka-saserdote, isang bansang banal at taong pag-aari ng Diyos. Ito ay upang ipahayag ninyo ang kaniyang kadakilaan na siya rin naman ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan. 10Noong nakaraan, kayo ay hindi niya tao ngunit ngayon ay tao na ng Diyos. Noon ay hindi kayo nagkamit ng kahabagan ngunit ngayon ay nagkamit na ng kahabagan.

   
 11Mga minamahal, bilang mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo ay lumayo sa masamang pagnanasa ng laman na nakikipaglaban sa kaluluwa. 12Mamuhay kayong maayos sa gitna ng mga Gentil. Nagsasalita sila laban sa inyo na tulad sa gumagawa ng masama. Subalit sa pagkakita nila ng inyong mabubuting gawa ay pupurihin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdalaw.

Pagpapasakop sa mga Namumuno at mga Panginoon

 13Magpasakop kayo sa bawat pamamahalang itinatag ng tao alang-alang sa Panginoon. Magpasakop kayo maging sa hari na siyang pinakamataas na pinuno. 14Magpasakop kayo maging sa mga gobernador na waring mga sugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng matuwid. 15Ito ay sapagkat ang kalooban ng Diyos na sa paggawa ninyo ng mabuti ay mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga taong mangmang. 16Magpasakop kayo bilang mga malaya ngunit huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan bilang panakip sa masamang hangarin. Subalit magpasakop kayo sa Diyos bilang mga alipin. 17Igalang ninyo ang lahat ng tao. Ibigin ninyo ang mga kapatid. Matakot kayo sa Diyos at igalang ninyo ang hari.


 18Mga katulong, magpasakop kayo na may buong pagkatakot sa inyong mga amo. Gawin ninyo ito hindi lamang sa mababait at mahinahon kundi sa mga liko rin. 19Ito ay sapagkat kapuri-puri ang isang taong namimighati at naghihirap kahit walang sala kung ang kaniyang budhi ay umaasa sa Diyos. 20Maipagmamapuri ba kung kayo ay nagtitiis ng hirap ng pangbubugbog dahil sa paggawa ng kasalanan? Ngunit kung kayo ay nagtitiis ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti ito ay kalugud-lugod sa Diyos. 21Ito ay sapagkat tinawag kayo sa ganitong bagay. Si Cristo man ay naghirap alang-alang sa atin at nag-iwan sa atin ng halimbawa upang kayo ay sumunod sa kaniyang mga hakbang.
       22Hindi siya nagkasala at walang pandarayang
      namutawi sa kaniyang bibig.

    23Nang alipustain siya, hindi siya nang-alipusta. Nang naghirap siya, hindi siya nagbanta. Sa halip, ang kaniyang sarili ay ipinagkatiwala niya sa kaniya na humahatol nang matuwid. 24Dinala niya sa kaniyang sariling katawan ang ating mga kasalanan sa ibabaw ng kahoy upang tayo na namatay sa kasalanan ay maging buhay sa katuwiran at dahil sa kaniyang sugat kayo ay gumaling. 25Ito ay sapagkat kayo ay tulad ng mga tupa na naligaw, ngunit nagbalik na kayo ngayon sa Pastol at Tagapangasiwa ng inyong mga kaluluwa.

1 Pedro 3

Mga Asawang Babae at mga Asawang Lalaki

 1Kayo namang mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawa. At kung mayroon pa sa kanila na hindi sumusunod sa salita ng Diyos ay madala rin sila ng walang salita sa pamamagitan ng pamumuhay ng asawang babae. 2Madadala sila kapag nakita nila ang inyong dalisay na pamumuhay na may banal na pagkatakot. 3Ang inyong paggayak ay huwag maging sa panlabas lamang. Ito ay huwag maging gaya ng pagtitirintas ng buhok at pagsusuot ng mga hiyas na ginto at mamahaling damit. 4Sa halip, ang pagyamanin ninyo ay ang paggayak sa pagkatao na natatago sa inyong puso, ang kagayakang hindi nasisira na siyang bunga ng maamo at payapang espiritu. Ito ang lubhang mahalaga sa mata ng Diyos.
 5Ito ay sapagkat ganito ang kagayakang pinagyaman ng mga babaeng banal noong unang panahon. Sila ay nagtiwala sa Diyos at nagpasakop sa kanilang sariling asawa. 6Katulad ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang kaniyang asawang si Abraham. Kayo rin ay mga anak ni Sara kung mabuti ang inyong mga gawa at wala kayong katatakutang anuman.

   
 7Kayo namang mga asawang lalaki, manahan kayong may pang-unawa kasama ng inyong asawa tulad ng isang mahinang sisidlan. Bigyan ninyo sila ng karangalan sapagkat kapwa ninyo silang tagapagmana ng biyaya ng buhay. Sa gayon ay walang magiging hadlang sa inyong mga panalangin.

Pagdanas ng Hirap sa Paggawa ng Mabuti

 8Katapus-tapusan, magkaisa kayo, magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid. Kayo ay maging maawain at mapagkaibigan. 9Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Huwag ninyong alipustain ang umaalipusta sa inyo. Sa halip, gantihan ninyo sila ng pagpapala sapagkat tinawag kayo upang gawin ito, upang kayo ay magmana ng pagpapala. 10Ito ay sapagkat nasusulat:
      Ang nagnanais umibig sa buhay at makakita ng
      mabubuting araw ay dapat magpigil ang dila
      mula sa pagsasalita ng masama. At ang kaniyang
      labi ay dapat pigilin sa pagsalita ng pandaraya.
       11Tumalikod siya sa masama at gumawa siya
      ng mabuti. Hanapin niya ang kapayapaan at
      ipagpatuloy niya ito. 12Ito ay sapagkat ang mga
      mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid. Ang
      kaniyang tainga ay dumirinig ng kanilang
      panalangin. Ngunit ang mukha ng Panginoon ay
      laban sa mga gumagawa ng masama.


 13Kapag ang sinusunod ninyo ay ang mabuti, sino ang mananakit sa inyo? 14At kung uusigin kayo sa paggawa ng mabuti, pinagpala pa rin kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang pinangangambahan at huwag kayong mabagabag. 15Ngunit pakabanalin ninyo ang Panginoong Diyos sa inyong mga puso. Humanda kayong lagi na sumagot sa sinumang magtatanong sa inyo patungkol sa inyong pag-asa, na may kaamuan at pagkatakot. 16Magkaroon kayo ng magandang budhi upang mapahiya ang mga naninirang-puri sa inyo na nagsasabing gumagawa kayo ng masama at tumutuya sa inyong magandang pamumuhay kay Cristo. 17Ito ay sapagkat kung loloobin ng Diyos, higit na mabuti ang magdusa nang dahil sa paggawa ng kabutihan kaysa paggawa ng kasamaan.


 18Dahil si Cristo man ay minsang nagdusa dahil sa kasalanan. Ang matuwid para sa mga hindi matuwid upang madala niya tayo sa Diyos. Pinatay siya sa laman ngunit binuhay siya sa pamamagitan ng Espiritu. 19Sa pamamagitan din niya pumunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20Iyan ang mga espiritung sumuway, na nang minsan ay hinintay ng pagbabata ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa ang arka. Ilan tao lamang ang naligtas. Walo lamang ang naligtas sa arka sa pamamagitan ng tubig. 21Ang tubig na iyon ang larawan ng bawtismo na ngayon ay nagliligtas sa atin. Hindi sa paglilinis ng karumihan ng makasalanang likas kundi ang tugon ng isang malinis na budhi sa Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesucristo. 22Siya ay umakyat sa langit at nasa kanan ng Diyos. Ipinasailalim na sa kaniya ng Diyos ang mga anghel, ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.

1 Pedro 4

Namumuhay para sa Diyos

 1Kaya nga, yamang si Cristo ang nagbata ng hirap sa laman dahil sa atin, maging gayundin nawa ang inyong pag-iisip sapagkat ang nagbata ng hirap sa laman ay tumigil sa pakikipag-ugnayan sa kasalanan. 2Sa nalalabi niyang panahon sa katawang ito ay hindi na siya namuhay para sa masidhing pagnanasa sa laman kundi ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. 3Sapat na ang nakaraang panahon ng ating buhay upang gawin ang kalooban ng mga Gentil. Lumakad tayo sa kahalayan, masamang pagnanasa, paglalasing, magulong pagtitipon, mga pag-iinuman at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyos-diyosan. 4Iniisip nilang hindi pangkaraniwan ang hindi ninyo pakikipamuhay sa kanila sa gayong labis na kaguluhan. Dahil dito nilalait nila kayo. 5Ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buhay at sa mga patay. 6Ito ay sapagkat ang ebanghelyo ay inihayag maging sa mga namatay upang sila ay mahatulan ayon sa mga taong nasa katawang laman ngunit maging buhay ayon sa Diyos sa espiritu.

   
 7Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay. Kaya nga, maging maayos ang inyong pag-iisip at laging handa sa pananalangin. 8Higit sa lahat, mag-ibigan kayo ng buong ningas sa isa't isa. Sapagkat ang pag-ibig ay tumatakip ng maraming kasalanan. 9Maging mapagpatuloy kayo sa isa't isa nang hindi mabigat sa loob. 10Ayon sa biyaya na tinanggap ninyo ay ipaglingkod ninyo sa inyong kapwa. Maglingkod kayo gaya ng mabuting katiwala sa masaganang biyaya ng Diyos. 11Kung ang sinuman ay magsalita, magsalita siya tulad ng isang nagsasalita ng salita ng Diyos. Kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya ayon sa lakas na ibinibigay sa kaniya ng Diyos. Gawin niya ang mga ito upang papurihan ang Diyos sa lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo. Sa kaniya ang karangalan at paghahari magpakailan pa man. Siya nawa.

Pagdanas ng Hirap sa Pagiging Isang Kristiyano

 12Mga minamahal, huwag ninyong isipin na wari bang hindi pangkaraniwan ang matinding pagsubok na inyong dinaranas. Huwag ninyong isipin na tila baga hindi pangkaraniwan ang nangyayari sa inyo. 13Magalak kayo na kayo ay naging bahagi sa mga paghihirap ni Cristo. Kapag nahayag na ang kaniyang kaluwalhatian labis kayong magagalak. 14Kapag kayo ay inalipusta dahil sa pangalan ni Cristo, pinagpala kayo sapagkat ang Espiritu ng kaluwalhatian at ng Diyos ay nananahan sa inyo. Sa ganang kanila, siya ay inalipusta, ngunit sa ganang inyo siya ay pinarangalan. 15Huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang mamamatay tao, o magnanakaw, o gumagawa ng masama o mapanghimasok sa gawain ng iba. 16Ngunit bilang isang mananampalataya huwag ikahiya ninuman kung siya ay magdusa. Sa halip, purihin niya ang Diyos sa bagay na ito. 17Ito ay sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa sambahayan ng Diyos. Ngunit kung sa atin ito nagsimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga taong sumusuway sa ebanghelyo ng Diyos?
       18At kung ang kaligtasan ay mahirap para sa
      matuwid, ano kaya ang magiging kalagayan ng
      hindi kumikilala sa Diyos at ng makasalanan?

   
 19Kaya ang mga nagbabata dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ay italaga nila ang kanilang kaluluwa sa kaniya na matapat na Manglilikha at magpatuloy sa paggawa ng mabuti.

 

1 Pedro 5

Sa mga Matanda at mga Kabataang Lalaki

 1Ang mga matanda na nasa inyo ay pinagtatagubilinan ko bilang isa ring matanda na nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo at bilang kabahagi rin ng kaluwalhatiang ihahayag. 2Ipinamamanhik kong pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Pangasiwaan ninyo sila, hindi dahil sa napipilitan kayo kundi kusang-loob, hindi dahil sa kasakiman sa pagkakamal ng salapi sa masamang paraan kundi sa paghahangad na makapaglingkod. 3At hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan kundi bilang huwaran sa inyong kawan. 4Sa pagparito ng Pangulong Pastol tatanggap kayo ng hindi nasisirang putong ng kaluwalhatian.

   
 5Kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa mga matanda. Magpasakop kayo sa isa't isa at isuot ninyo ang kapakumbabaan sapagkat
      sinasaway ng Diyos ang mga palalo at
      nagbibigay biyaya sa mga mapagpakumbaba.

    6Kaya nga, magpakumbaba kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos upang kayo ay kaniyang itaas sa takdang panahon. 7Ilagak ninyo sa kaniya ang lahat ninyong kabalisahan sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.

   
 8Magkaroon kayo ng maayos na pag-iisip at magbantay kayo sapagkat ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leon na umaatungal at umaali-aligid na naghahanap kung sino ang malalamon niya. 9Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Labanan ninyo siya. Tulad ng nalalaman ninyo, dumaranas din ng gayong kahirapan ang mga kapatid ninyo sa buong sanlibutan.

   
 10Ang Diyos ng lahat ng biyaya, ang siyang tumawag sa inyo sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo Jesus. Pagkatapos ninyong maghirap ng maikling panahon, siya rin ang magpapaging-ganap, magpapalakas, magbibigay ng kakayanan at magpapatatag sa inyo. 11Sumakaniya nawa ang papuri at paghahari magpakailanman. Siya nawa!

Panghuling Pagbati

 12Isinulat ko ang maikling liham na ito sa tulong ni Silvano na itinuturing kong matapat na kapatid upang mahikayat ko kayo ng may katapatan at patunayan sa inyo na ito nga ang totoong biyaya ng Diyos na nagpapatatag sa inyo.

   
 13Ang babae na nasa Babilonia ay bumabati sa inyo. Siya rin ay isang hinirang na tulad ninyo. Binabati rin kayo ni Marcos na aking anak. 14Batiin ninyo ang isa't isa ng halik ng pag-ibig. Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na na kay Cristo Jesus. Siya nawa!

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

2 Pedro

Chapters: 1 | 2 | 3

2 Pedro 1

 1Akong si Simon Pedro ay alipin at apostol ni Jesucristo. Sumusulat ako sa kanila na kasama naming tumanggap ng mahalagang pananampalataya katulad ng aming pananampalataya sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesucristo.

   
 2Sumagana sa inyo ang biyaya at kapayapaan sa pagkakilala sa Diyos at kay Jesus na Panginoon natin.

Tiyakin Ninyong Kayo ay Tinawag at Hinirang ng Diyos

 3Ayon sa kaniyang kapangyarihan, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang lahat ng bagay na nauukol sa buhay at sa pagkamaka-Diyos sa pamamagitan ng pagkakilala sa kaniya na tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaluwalhatian at kapangyarihan. 4Sa pamamagitan nito, ibinigay niya sa atin ang kaniyang mga mahalaga at dakilang pangako upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa banal na kalikasan ng Diyos. Yamang nakaiwas na kayo sa kabulukan na nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, nakabahagi kayo sa banal na kabanalan ng Diyos.

   
 5Dahil dito, pagsikapan ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kagandahang-asal at sa kagandahang-asal, ang kaalaman. 6Idagdag ninyo sa kaalaman ang pagpipigil, at sa pagpipigil ay ang pagtitiis, at sa pagtitiis ay ang pagkamaka-Diyos. 7Idagdag ninyo sa pagkamaka-Diyos ay ang pag-ibig sa kapatid at sa pag-ibig sa kapatid ay ang pag-ibig. 8Ito ay sapagkat kung taglay ninyo at nananagana sa inyo ang mga katangiang ito, hindi kayo magiging tamad o walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesucristo. 9Ngunit ang sinumang wala ng mga katangiang ito ay bulag, maiksi ang pananaw. Nakalimutan na niyang nalinis na siya sa mga dati niyang kasalanan.

   
 10Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong lalo na maging tiyak ang pagkatawag at pagkahirang sa inyo sapagkat kung gagawin ninyo ito, kailanman ay hindi na kayo matitisod. 11Ito ay sapagkat sa ganitong paraan ay ibibigay sa inyo ang masaganang pagpasok sa walang hanggang paghahari ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ang Kasulatan ay Sinabi na Noong Una Pa

 12Kaya nga, hindi ako magpapabaya sa pagpapaala-ala sa inyo ng mga bagay na ito bagamat alam na ninyo ang mga katotohanan at matatag na kayo sa katotohanan na inyo nang tinaglay. 13Aking minabuti na pakilusin kayo upang maala-ala ninyo ito samantalang nabubuhay pa ako sa toldang ito na pansamantalang tirahan. 14Yamang alam kong hindi na magtatagal at lilisanin ko na ang aking tirahan ayon sa ipinakita sa akin ng ating Panginoong Jesucristo. 15Sisikapin ko ang lahat upang sa aking pag-alis ay maala-ala pa ninyo ang mga bagay na ito.


 16Ito ay sapagkat hindi kami sumunod sa mga kathang-isip na maingat na ginawa nang ipakilala namin sa inyo ang patungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesucristo, kundi nasaksihan namin ang kaniyang kadakilaan. 17Ito ay sapagkat nakita namin nang ipagkaloob sa kaniya ng Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian. Ito ay nangyari nang marinig niya ang gayong uri ng tinig na dumating sa kaniya mula sa napakadakilang kaluwalhatian: Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalugdan. 18Narinig namin ang tinig na ito mula sa langit nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.


 19Taglay namin ang salita ng mga propeta na lubos na mapagkakatiwalaan. Makakabuting isaalang-alang ninyo ito. Ang katulad nito ay isang ilawan na nagliliwanag sa kadiliman hanggang sa mabanaag ang bukang-liwayway at ang tala sa umaga ay sumikat sa inyong mga puso. 20Higit sa lahat, dapat ninyong unang malaman na alinmang pahayag sa kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling paliwanag. 21Ito ay sapagkat ang mga pahayag ay hindi dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao ngunit nagsalita ang mga banal na tao ng Diyos nang sila ay ginabayan ng Banal na Espiritu.

2 Pedro 2

Lilipulin ng Diyos ang Mga Huwad na Tagapagturo

 1Ngunit nagkaroon ng mga bulaang propeta sa gitna ng mga tao. Gayundin naman may lilitaw ring mga bulaang guro sa inyo. Lihim nilang ipapasok ang mga nakakasirang maling katuruan. Ikakaila rin nila ang naghaharing Panginoon na bumili sa kanila. Inilalagay nila ang kanilang sarili sa biglang kapahamakan. 2Marami ang susunod sa kanilang mga gawang nakakawasak. Dahil sa kanila, pagsasalitaan ng masama ang daan ng katotohanan. 3Sa kanilang kasakiman ay makikinabang sila dahil sa inyong mga salapi sa pamamagitan ng gawa-gawang salita. Ang hatol sa kanila mula pa noon ay hindi na magtatagal at ang kanilang pagkalipol ay hindi natutulog.


 4Ito ay sapagkat hindi pinaligtas ng Diyos ang mga anghel na nagkasala subalit sila ay ibinulid sa kailaliman at tinanikalaan ng kadiliman upang ilaan para sa paghuhukom. 5Gayundin naman hindi rin pinaligtas ng Diyos ang sanlibutan noong unang panahon kundi ginunaw niya ito dahil sa hindi pagkilala sa Diyos. Ngunit iningatan niya si Noe na taga-pangaral ng katuwiran na kasama ng pitong iba pa. 6Nang ang mga lungsod ng Sodoma at Gomora ay natupok ng apoy, hinatulan sila ng matinding pagkalipol upang maging halimbawa sa mga mamumuhay nang masama. 7Ngunit iniligtas ng Diyos ang matuwid na si Lot na lubhang nahahapis sa mahahalay na pamumuhay ng masama. 8Ito ay sapagkat naghihirap ang kaluluwa ng matuwid na tao sa kanilang mga gawa na hindi ayon sa kautusan. Ito ay kaniyang nakikita at naririnig sa araw-araw niyang pakikipamuhay sa kanila. 9Alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga sumasamba sa Diyos. Alam din niya kung paanong ilaan ang mga hindi matuwid para sa araw ng paghuhukom upang sila ay parusahan. 10Inilaan niya sa kaparusahan lalo na ang mga lumalakad ayon sa laman sa pagnanasa ng karumihan at lumalait sa mga may kapangyarihan.
   Sila ay mapangahas, ginagawa ang sariling kagustuhan at hindi natatakot lumait sa mga maluwalhatiang nilalang. 11Ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi humahatol na may panlalait laban sa kanila sa harapan ng Panginoon. 12Ang mga taong ito ay parang maiilap na hayop na hindi makapangatuwiran, na ipinanganak upang hulihin at patayin. Nilalait nila maging ang mga bagay na hindi nila nalalaman. Sila ay lubusang mapapahamak sa kanilang kabulukan.


 13Tatanggapin nila ang kabayaran sa ginagawa nilang kalikuan. Inaari nilang kaligayahan ang labis na pagpapakalayaw kahit na araw. Sila ay tulad ng mga dungis at batik kapag sila ay nakikisalo sa inyo samantalang sila ay labis na nagpapakalayaw sa kanilang pandaraya. 14Ang mata nila ay puspos ng pangangalunya. Wala silang tigil sa paggawa ng kasalanan. Inaakit nila ang hindi matatag ang pag-iisip. Nasanay ang kanilang puso sa kasakiman. Sila ay mga taong isinumpa. 15Iniwan nila ang tamang daan at sila ay naligaw nang sundan nila ang daan ni Balaam na anak ni Besor. Inibig ni Balaam ang kabayaran sa paggawa ng kalikuan. 16Kayat siya ay sinaway sa kaniyang pagsalangsang at isang asnong pipi, na nagsalita ng tinig ng tao, ang siyang nagbawal sa kahangalan ng propeta.


 17Ang mga bulaang gurong ito ay tulad ng bukal na walang tubig at mga ulap na itinataboy ng unos. Inilaan na sa kanila ang pusikit na kadiliman magpakailanman. 18Ito ay sapagkat ang mapagmalaki nilang pananalita ay walang kabuluhan dahil inaakit nila sa pamamagitan ng masamang pagnanasa ng kahalayan sa laman yaong mga tunay na nakaligtas na mula sa mga taong may lihis na pamumuhay. 19Pinapangakuan nila ng kalayaan ang mga naaakit nila gayong sila ay alipin ng kabulukan sapagkat ang tao ay alipin ng anumang nakakadaig sa kaniya. 20Ito ay sapagkat nakawala na sa kabulukan ng sanlibutan ang mga taong kumikilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Subalit kung muli silang masangkot at madaig, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa kaysa sa dati. 21Ito ay sapagkat mabuti pang hindi na nila nalaman ang daan ng katuwiran kaysa tumalikod pagkatapos na malaman ang banal na utos na ibinigay sa kanila. 22Kung magkagayon, nangyari sa kanila ang kawikaang totoo: Bumabalik ang aso sa sarili niyang suka at sa paglulublob sa pusali ang baboy na nahugasan na.

2 Pedro 3

Ang Araw ng Panginoon

 1Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay ginigising ko ang inyong malinis na pag-iisip sa pagpapaala-ala sa inyo. 2Ito ay upang lagi ninyong alalahanin ang mga salitang sinabi ng mga banal na propeta noong una pa at ang mga utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan namin na mga apostol.

   
 3Dapat ninyong malaman muna na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na lumalakad ayon sa sarili nilang masamang pagnanasa. 4Kanilang sasabihin: Nasaan ang katuparan ng pangako ng kaniyang pagparito? Ito ay sapagkat natulog na ang ating mga ninuno ngunit ang lahat ay nananatili pa ring gayon simula pa ng paglalalang. 5Ito ay sapagkat sadya nilang nilimot na sa pamamagitan ng Diyos ay nagkaroon ng kalangitan noon pang una at ang lupa ay lumitaw mula sa tubig at sa ilalim ng tubig. 6Sa pamamagitan din nito, ang sanlibutan na nagunaw ng tubig nang panahong iyon ay nalipol. 7Sa pamamagitan ng salita ng Diyos ang kalangitan ngayon at ang lupa ay iningatang nakatalaga para sa apoy at para sa araw ng paghuhukom at pagkalipol ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos.

   
 8Ngunit mga minamahal, huwag ninyong kalimutan ito: Sa Panginoon ang isang araw ay tulad sa isang libong taon at ang isang libong taon ay tulad ng isang araw. 9Ang katuparan ng pangako ay hindi inaantala ng Panginoon tulad ng inaakala ng iba. Siya ay mapagtiis sa atin. Hindi niya nais na ang sinuman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsisi.

   
 10Ngunit ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng magnanakaw sa gabi. Sa araw na iyon ang kalangitan ay mapaparam na may malakas na ugong. Ang lahat ng mga sangkap na bumubuo ng sanlibutan ay masusunog at mawawasak. Ang lupa at ang mga bagay na ginawa na naroroon ay mapupugnaw.

   
 11Yamang ang lahat ng bagay na ito ay mawawasak, ano ngang pagkatao ang nararapat sa inyo? Dapat kayong mamuhay sa kabanalan at pagkamaka-Diyos. 12Hintayin ninyo at madaliin ang pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon ang langit ay masusunog at mawawasak. Ang lahat ng mga sangkap na bumubuo ng sanlibutan ay matutunaw sa matinding init. 13Ngunit ayon sa pangako ng Diyos tayo ay naghihintay ng bagong langit at bagong lupa. Ang katuwiran ay nananahan doon.

   
 14Kaya nga, mga minamahal, yamang hinihintay natin ang mga bagay na ito, sikapin ninyong masumpungan niya tayong walang dungis at walang kapintasan at mapayapa sa kaniyang pagdating. 15Inyong ariin na ang pagtitiis ng ating Panginoon ay kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal na kapatid nating si Pablo ayon sa karunungang kaloob sa kaniya. 16Gayundin naman sa lahat ng kaniyang sulat, sinasalita niya ang mga bagay na ito. Ilan sa mga ito ay mahirap unawain at binigyan ng maling kahulugan ng mga hindi naturuan at hindi matatag. Ganito rin ang kanilang ginagawa sa ibang kasulatan sa ikapapahamak ng kanilang sarili.

   
 17Kaya nga, kayo mga minamahal, dahil alam na ninyo ang mga bagay na ito noon pa, mag-ingat kayo baka kayo mahulog sa inyong matatag na kalalagayan at mailigaw ng kamalian ng mga walang pagkilala sa kautusan ng Diyos. 18Lumago kayo sa biyaya at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa kaniya ang kapurihan ngayon at magpakailanman. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

1 Juan

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 5

1 Juan 1

Ang Salita ng Buhay

 1Siya na buhat pa nang pasimula ay aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming namasdan at nahawakan ng aming mga kamay. Siya ang Salita ng buhay. 2Ang buhay ay nahayag at nakita namin ito at aming pinatotohanan. Isinasalaysay namin sa inyo ang buhay na walang hanggan na iyon na kasama ng Ama na nahayag sa amin. 3Siya na aming nakita at narinig ay isinasalaysay namin sa inyo upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikipag-isa sa amin. Tunay na ang pakikipag-isa ay sa Ama at sa kaniyang Anak na si Jesucristo. 4Sinusulat namin ang mga bagay na ito sa inyo upang malubos ang ating kagalakan.

Pamumuhay sa Liwanag

 5Ito nga ang pangaral na narinig namin sa kaniya at ipinahahayag namin sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kaniya ay walang anumang kadiliman. 6Kung sinasabi nating tayo ay may pakikipag-isa sa kaniya ngunit lumalakad naman sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan. 7Ngunit kung lumalakad tayo sa liwanag, tulad niyang nasa liwanag, may pakikipag-isa tayo sa isa't isa. Ang dugo ni Jesucristo na kaniyang anak ang naglilinis sa lahat ng kasalanan.

   
 8Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9Kung ihahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na magpapatawad at maglilinis sa atin sa lahat ng ating kalikuan. 10Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang salita niya ay wala sa atin.

1 Juan 2

 1Munti kong mga anak, sinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Ngunit kapag nagkasala ang sinuman, mayroon tayong isang Tagapagtanggol sa Ama, si Jesucristo, ang matuwid. 2Siya ang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan. Hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para rin naman sa mga kasalanan ng buong sanlibutan.

   
 3Sa ganitong paraan, nalalaman natin na nakikilala natin siya kapag sinusunod natin ang kaniyang mga utos. 4Ang nagsasabing: Nakikilala ko siya, ngunit hindi sinusunod ang kaniyang mga utos ay isang sinungaling at wala sa kaniya ang katotohanan. 5Ang sinumang sumusunod sa kaniyang mga salita, totoong naganap sa kaniya ang pag-ibig ng Diyos. Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na tayo ay nasa kaniya. 6Ang sinumang nagsasabing siya ay nananatili sa kaniya, ay nararapat din namang lumakad kung papaano lumakad si Jesus.


 7Mga kapatid, hindi ako sumusulat ng bagong utos sa inyo kundi ang dating utos na inyong tinanggap mula pa noong una. Ang dating utos ay ang salita na inyong narinig buhat pa sa pasimula. 8Muli, isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo na totoo sa kaniya at sa inyo sapagkat ang kadiliman ay napapawi na at ang tunay na liwanag ay sumisikat na.


 9Ang nagsasabing siya ay nasa liwanag ngunit napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon. 10Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananatili sa liwanag at walang anumang bagay ang sa kaniya na magiging katitisuran. 11Ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya malaman kung saan siya patutungo sapagkat ang kadilimang iyon ang bumulag sa kaniyang mga mata.


 12Munti kong mga anak, sinusulatan ko kayo sapagkat ang inyong mga kasalanan ay pinatawad na, alang-alang sa kaniyang pangalan.


 13Mga ama, sumusulat ako sa inyo sapagkat nakilala na ninyo siya, na buhat pa sa pasimula. Mga kabataang lalaki, sumusulat ako sa inyo sapagkat nalupig ninyo siya na masama. Mga munti kong anak, sumusulat ako sa inyo sapagkat nakilala ninyo ang Ama. 14Mga ama, sinulatan ko kayo sapagkat nakilala na ninyo siya na buhat pa sa pasimula. Mga kabataang lalaki, sinulatan ko kayo sapagkat kayo ay malakas at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo at nalupig ninyo ang masama.

Huwag Ibigin ang Sanlibutan

 15Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, maging ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama. 16Ito ay sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan, ang masasamang pagnanasa ng laman, ang masasamang pagnanasa ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay. Ang mga ito ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan.

   
 17Lumilipas ang sanlibutan at ang masasamang pagnanasa nito ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.

Babala Laban sa mga Anticristo

 18Munting mga anak, ito na ang huling oras. Gaya ng inyong narinig na darating ang anticristo. Kahit ngayon ay marami nang anticristo kaya nalalaman natin na ito na ang huling oras.

   
 19Humiwalay sila sa atin subalit hindi sila kabilang sa atin sapagkat kung talagang kabilang sila sa atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila upang mahayag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin.

   
 20Ngunit kayo ay pinagkalooban niyaong Banal at nalalaman ninyo ang lahat ng bagay. 21Sinulatan ko kayo hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan kundi dahil sa alam na ninyo ito. Alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan. 22Sino ang sinungaling? Siya na tumatangging si Jesus ang Mesiyas. Ang tumatanggi sa Ama at sa Anak, siya ay anticristo. 23Ang bawat isang tumatanggi sa Anak ay wala rin naman sa kaniya ang Ama. 24Kaya nga, ang mga bagay na inyong narinig buhat pa sa pasimula ay manatili nga sa inyo. Kung ang inyong narinig buhat pa sa pasimula ay nananatili sa inyo ay mananatili rin kayo sa Anak at sa Ama.

   
 25Ang pangakong ipinangako niya sa atin ay ito, ang buhay na walang hanggan. 26Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo patungkol sa kanila na ibig na kayo ay mailigaw. 27Ang pagkakaloob sa inyo na inyong tinanggap mula sa kaniya ay nananatili sa inyo at hindi na kayo kailangang turuan ninuman. Ito ring pagkakaloob na ito ang siyang nagtuturo sa inyo patungkol sa lahat ng bagay. Ito ay totoo at hindi ito kasinungalingan. At kung papaanong tinuruan kayo nito, manatili kayo sa kaniya.

Mga Anak ng Diyos

 28Ngayon, munting mga anak, manatili kayo sa kaniya. Sa gayon, kapag mahahayag siya, magkakaroon tayo ng kapanatagan at hindi tayo mahihiya sa harapan niya sa kaniyang pagparito. 29Kung inyong nalalaman na siya ay matuwid, inyong nalalaman na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak mula sa Diyos.

 

1 Juan 3

 1Narito, kung gaano kalaki ang pag-ibig ng Ama na ipinagkaloob sa atin upang tawagin tayong mga anak ng Diyos. Ang dahilan kaya hindi tayo kilala ng sanlibutan ay sapagkat hindi ito nakakakilala sa kaniya. 2Mga minamahal, ngayon ay mga anak na tayo ng Diyos bagaman hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Ngunit alam natin na kapag mahahayag siya, tayo ay magiging katulad niya sapagkat makikita natin siya kung ano ang anyo niya. 3Sinumang nagtataglay ng ganitong pag-asa sa kaniya ay dumadalisay sa kaniyang sarili, gaya naman niyang dalisay.

   
 4Sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din sa kautusan at ang kasalanan ay ang hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.
 5Nalalaman ninyo na siya ay nahayag upang alisin ang ating mga kasalanan at sa kaniya ay walang kasalanan. 6Sinumang nananatili sa kaniya ay hindi nagkakasala. Ang sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa kaniya o nakakilala sa kaniya.

   
 7Mga anak, huwag ninyong hayaang iligaw kayo ninuman. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid na gaya niyang matuwid. 8Ang gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo sapagkat ang diyablo ay nagkakasala na buhat pa sa pasimula. Ang Anak ng Diyos ay nahayag sa dahilang ito upang wasakin niya ang mga gawa ng diyablo. 9Ang sinumang ang kapanganakan ay mula sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa kasalanan sapagkat ang kaniyang binhi ay nananatili sa kaniya. At hindi siya maaaring magkasala sapagkat ang kaniyang kapanganakan ay mula sa Diyos. 10Sa ganitong paraan nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo. Ang sinumang hindi gumagawa ng matuwid at hindi umiibig sa kaniyang kapatid ay hindi sa Diyos.

Mag-ibigan sa Isa't isa

 11Ito ang pangaral na inyong narinig buhat pa sa pasimula, na dapat tayong mag-ibigan sa isa't isa. 12Huwag nating tularan si Cain na galing sa kaniya na masama. At malupit niyang pinatay ang kaniyang kapatid. Bakit malupit niyang pinatay ang kaniyang kapatid? Ito ay sapagkat masasama ang kaniyang mga gawa at ang mga gawa ng kaniyang kapatid ay matuwid. 13Mga kapatid ko, huwag kayong magtaka kapag kinapopootan kayo ng sangkatauhan. 14Nalalaman natin na lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid ay nananatili sa kamatayan. 15Sinumang napopoot sa kaniyang kapatid ay isang mamamatay-tao. Alam ninyong ang mamamatay-tao ay walang buhay na walang hanggan sa kaniya.


 16Sa ganitong paraan ay nakilala natin ang pag-ibig ng Diyos sapagkat inialay na ni Jesus ang kaniyang buhay para sa atin. Kaya dapat din naman na ialay natin ang ating mga buhay para sa mga kapatiran. 17Kung ang sinuman ay may mga pag-aari sa sanlibutang ito at nakikita niya ang kaniyang kapatid na may pangangailangan at ipagkait sa kaniya ang habag, paano mananatili ang pag-ibig ng Diyos sa kaniya? 18Munti kong mga anak, huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita lamang ni ng dila lamang kundi sa pamamagitan ng gawa at sa katotohanan. 19Sa ganitong paraan, nalalaman nating tayo ay mula sa katotohanan at ang ating mga puso ay magkakaron ng katiyakan sa harapan niya. 20Kapag hinatulan tayo ng ating puso, ang Diyos ay lalong higit kaysa sa ating puso at alam niya ang lahat ng bagay.


 21Mga minamahal, kung hindi tayo hinahatulan ng ating puso, may kapanatagan tayo sa harap ng Diyos. 22At anuman ang ating hingin ay ating tatanggapin mula sa kaniya sapagkat sinusunod natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na nakakalugod sa kaniyang paningin. 23Ito ang kaniyang utos: Sumampalataya tayo sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesucristo. Tayo ay mag-ibigan sa isa't isa ayon sa ibinigay niyang utos sa atin. 24Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa kaniya at ang Diyos ay nananatili sa kaniya. Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na siya ay nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.

 

1 Juan 4

Subukin ang mga Espiritu

 1Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, sa halip, subukin muna ninyo ang mga espiritu kung sila ay mula sa Diyos sapagkat maraming bulaang propeta ang naririto na sa sanlibutan. 2Sa ganitong paraan ninyo malalaman ang Espiritu ng Diyos: Ang bawat espiritung kumikilala na si Jesucristo ay nagkatawang tao sa kaniyang pagparito ay mula sa Diyos. 3Ang bawat espiritung hindi kumikilala na si Jesucristo ay nagkatawang tao sa kaniyang pagparito ay hindi mula sa Diyos. Ito ang espiritu ng anticristo na narinig ninyong darating at narito na nga sila ngayon sa sanlibutan.

   
 4Munting mga anak, kayo ay mula sa Diyos at sila ay napagtagumpayan ninyo sapagkat higit siyang dakila na nasa inyo kaysa sa kaniya na nasa sanlibutan. 5Sila ay mula sa sanlibutan, kaya nga, sila ay nagsasalita kung papaano ang sanlibutan ay nagsasalita at pinakikinggan sila ng sanlibutan. 6Tayo ay mula sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin. Ang hindi mula sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa ganitong paraan ay makikilala natin ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.

Ang Pag-ibig ng Diyos at ang Ating Pag-ibig

 7Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa't isa sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang sa bawat isang umiibig, ang kanilang kapanganakan ay mula sa Diyos at nakakilala sa Diyos. 8Ang hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig. 9Sa ganitong paraan nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin na sinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo ay mabuhay sa pamamagitan niya. 10Ganito ang pag-ibig, hindi sapagkat inibig natin ang Diyos kundi dahil siya ang umibig sa atin at sinugo ang kaniyang Anak bilang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan. 11Mga minamahal, yamang iniibig tayo ng Diyos, dapat din naman tayong mag-ibigan sa isa't isa. 12Walang sinumang nakakita sa Diyos kahit kailan. Kapag tayo ay nag-iibigan sa isa't isa, ang Diyos ay nananatili sa atin at ang kaniyang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin.

   
 13Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na tayo ay nananatili sa kaniya at siya sa atin sapagkat ibinigay niya sa atin ang kaniyang Espiritu. 14Nakita namin at pinatunayang sinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan. 15Ang sinumang kumikilalang si Jesus ay Anak ng Diyos, nananatili ang Diyos sa kaniya at siya ay nananatili sa Diyos. 16Alam natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin at sinampalatayanan natin ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos ay nananatili sa kaniya.

   
 17Sa ganitong paraan, naging ganap sa atin ang pag-ibig upang tayo ay magkaroon ng katiyakan sa araw ng paghuhukom. Ito ay sapagkat kung ano nga siya ay gayundin tayo sa sanlibutang ito. 18Walang takot sa pag-ibig. Ang ganap na pag-ibig ay nagtataboy ng takot sapagkat ang takot ay kaparusahan. Ang natatakot ay hindi pa nagiging ganap sa pag-ibig.

   
 19Iniibig natin siya sapagkat siya ang unang umibig sa atin. 20Kung sinasabi ng isang tao: Iniibig ko ang Diyos, ngunit napopoot naman sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Ito ay sapagkat kung hindi niya iniibig ang kaniyang kapatid na kaniyang nakikita, paano niya maibig ang Diyos na hindi niya nakikita? 21Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: Ang sinumang umiibig sa Diyos ay dapat din namang umibig sa kaniyang kapatid.

 

1 Juan 5

Pananampalataya sa Anak ng Diyos

 1Ang sinumang sumampalataya na si Jesus ang Mesiyas, ang kaniyang kapanganakan ay mula sa Diyos. Ang sinumang umiibig sa kaniya na pinagmulan ng kapanganakan ay umiibig din naman sa kaniya na ipinanganak niya. 2Sa pamamagitan nito ay nalalaman natin na iniibig natin ang mga anak ng Diyos kung iniibig natin ang Diyos at sinusunod ang kaniyang mga utos. 3Ito ang pag-ibig ng Diyos: Tuparin natin ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga utos ay hindi mabigat. 4Dahil ang sinuman na ang kapanganakan ay mula sa Diyos ay nagtatagumpay sa sanlibutan at ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya. 5Sino ang nagtatagumpay sa sanlibutan? Hindi ba ang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos?

   
 6Siya itong naparito sa pamamagitan ng tubig at dugo, si Jesucristo. Hindi siya naparito sa pamamagitan ng tubig lamang kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. Ang nagpapatotoo ay ang Espiritu sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. 7May tatlong nagpapatotoo sa langit, ang Ama, ang Salita, ang Banal na Espiritu at ang tatlong ito ay iisa. 8May tatlong nagpapatotoo sa lupa, ang Espiritu, ang tubig at ang dugo. Ang tatlong ito ay nagkakaisa. 9Yamang tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, higit na dakila ang patotoo ng Diyos sapagkat ito ang patotoo ng Diyos na pinapatunayan niya patungkol sa kaniyang Anak. 10Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay ng patotoo sa kaniyang sarili. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos, siya ang nagsasabi na ang Diyos ay sinungaling sapagkat hindi niya sinampalatayanan ang patotoo na pinatotohanan ng Diyos patungkol sa kaniyang Anak. 11At ito ang patotoo: Binigyan tayo ng Diyos ng buhay na walang hanggan at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. 12Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay. Siya na hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay hindi kinaroroonan ng buhay.

Mga Panghuling Salita

 13Isinulat ko ang mga bagay na ito sa inyo na sumasampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos upang inyong malaman na kayo ay may buhay na walang hanggan at upang kayo ay sumampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos. 14Mayroon tayong katiyakan sa pagharap sa kaniya. Ito ang kapanatagan na sa tuwing humihingi tayo ng anumang bagay na ayon sa kaniyang kalooban, dinirinig niya ito. 15Yamang alam nating dinirinig niya tayo sa anumang hingin natin, alam din nating natatamo natin ang mga kahilingan na hiningi sa kaniya.

   
 16Maaaring may makakita sa kaniyang kapatid na gumagawa ng kasalanang hindi ikamamatay. Humiling siya sa Diyos para sa kaniya at magbibigay ng buhay ang Diyos sa kaniya. Ito ay para sa mga nagkakasala ng kasalanang hindi ikamamatay. May kasalanang ikamamatay. Hindi ko sinasabing idalangin niya ito. 17Ang lahat ng kalikuan ay kasalanan. Ngunit may kasalanang hindi ikamamatay.


 18Nalalaman natin na ang sinuman na ang kapanganakan ay mula sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Siya na ang kapanganakan ay mula sa Diyos ay nag-iingat sa kaniyang sarili at hindi siya maaagaw ng masama. 19Nalalaman natin na tayo ay sa Diyos at ang buong sanlibutan ay nasa kamay ng masama. 20Alam nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan tayo ng pang-unawa upang makilala natin siya na totoo. Tayo ay nasa kaniya na totoo, samakatuwid, sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.


 21Munting mga anak, lumayo kayo sa mga diyos-diyosan. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

2 Juan

2 Juan 1

 1Ako na isang matanda ay sumusulat sa hinirang na ginang at sa kaniyang mga anak na aking iniibig sa katotohanan. Hindi lamang ako ang umiibig sa inyo kundi kasama rin ang lahat ng nakakilala ng katotohanan. 2Minamahal ko kayo alang-alang sa katotohanang nananatili sa atin at mamamalagi sa atin magpakailanman.

   
 3Sumainyo ang biyaya, kahabagan at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa Panginoong Jesucristo, ang Anak ng Ama sa katotohanan at sa pag-ibig.

   
 4Labis akong nagagalak na makita ko ang inyong mga anak na lumalakad sa katotohanan, ayon sa tinanggap nating utos mula sa Ama. 5Ngayon ay nakikiusap ako sa iyo, ginang, hindi sa waring sumusulat ako sa iyo ng isang bagong utos kundi yaong tinanggap na natin buhat pa sa pasimula. Ito ay ang mag-ibigan tayo sa isa't isa. 6Ganito ang pag-ibig: Lumakad tayo ayon sa kaniyang mga kautusan. Ito ang utos na inyong narinig buhat pa sa pasimula na siyang dapat ninyong lakaran.
 7Maraming manlilinlang ang narito na sa sanlibutan. Sila yaong mga ayaw kumilala na si Jesucristo ay nagkatawang-tao. Ang ganitong tao ay isang mandaraya at anticristo. 8Ingatan ninyo ang inyong sarili upang huwag mawala sa atin ang mga bagay na ating pinagpagalan kundi matanggap natin ang buong gantimpala. 9Sa sinumang sumasalangsang at hindi nananatili sa aral ni Cristo ay wala sa kaniya ang Diyos. Siya na nananatili sa aral ni Cristo, ang Ama at ang Anak ay nasa kaniya. 10Kung may dumating sa inyo at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, ni batiin man. 11Ito ay sapagkat ang sinumang bumabati sa kaniya ay nakikibahagi sa kaniyang masasamang gawa.

   
 12Maraming bagay akong isusulat sa inyo ngunit hindi ko ibig na isulat sa pamamagitan ng papel at tinta. Umaasa akong makapariyan sa inyo at makausap kayo ng mukhaan upang malubos ang ating kagalakan.

   
 13Binabati ka ng mga anak ng kapatid mong babaeng hinirang. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

3 Juan

3 Juan 1

 1Ako na isang matanda ay sumulat sa pinakamamahal na Gayo na aking iniibig sa katotohanan. 2Minamahal, ang hangad ko ay sumagana ka sa lahat ng bagay at magkaroon ka ng mabuting kalusugan gaya naman ng kasaganaang taglay ng iyong kaluluwa. 3Labis akong nagalak nang dumating ang mga kapatid at nagpatotoo patungkol sa katotohanan na nasa iyo at kung paano ka lumalakad sa katotohanan. 4Wala nang hihigit pang kagalakan sa akin kundi ang marinig ko na ang aking mga anak ay lumalakad sa katotohanan.

   
 5Minamahal, ginagawa mong may katapatan ang anumang iyong ginagawa sa mga kapatid at sa mga dayuhan. 6Sila ang mga nagpapatotoo sa iglesiya patungkol sa iyong pag-ibig. Sa tuwing tinutulungan mo sila sa kanilang paglalakbay sa paraang karapat-dapat sa Diyos. Mabuti ang ginagawa mo. 7Ito ay sapagkat sila ay humayo alang-alang sa kaniyang pangalan na walang kinuhang anuman sa mga Gentil. 8Kaya nga, dapat nating tanggapin ang mga tulad nila upang makasama natin sila sa paggawa ng katotohanan.

   
 9Sumulat ako sa iglesiya ngunit hindi kami tinatanggap ni Diotrefes na ibig maging pinakamataas sa kanilang lahat. 10Kaya nga, kung makapunta ako riyan, ipapaala-ala ko sa kaniya ang mga ginawa niyang paninira laban sa amin sa pamamagitan ng masasamang salita. At hindi pa siya nasiyahan sa ganito. Hindi rin niya tinanggap ang mga kapatid at pinagbabawalan ang mga ibig tumanggap sa kanila at itinataboy sila mula sa iglesiya.

   
 11Minamahal, huwag ninyong tularan ang masama kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay mula sa Diyos ngunit ang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakita sa Diyos. 12Maganda ang patotoo ng lahat tungkol kay Demetrio, maging ang katotohanan mismo ay nagpapatotoo sa kaniya. Kami ay nagpatotoo rin at alam ninyong ang aming patotoo ay tunay.

   
 13Maraming bagay pa akong isusulat ngunit hindi ko ibig na isulat sa iyo sa pamamagitan ng tinta at panulat. 14Umaasa ako na makikita kita riyan kaagad at mag-uusap tayo ng mukhaan. Kapayapaan ang sumaiyo. Binabati ka ng mga kaibigan dito. Batiin mo ang mga kaibigan diyan sa kanilang mga pangalan.

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Judas

Judas 1

 1Si Judas, ang alipin ni Jesucristo at kapatid ni Santiago. Sa mga tinawag at pinaging-banal ng Diyos Ama at iniingatan ni Jesucristo.

   
 2Ang kahabagan, kapayapaan at pag-ibig ay sumagana sa inyo.

Ang Kasalanan at Ang Wakas ng mga Taong Hindi Sumasamba sa Diyos

 3Mga minamahal, buong pagsisikap kong ninais na sulatan kayo patungkol sa kaligtasang tinanggap nating lahat. Kailangang sulatan ko kayo at ipagtagubilin sa inyo na inyong ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkatiwala minsan at magpakailanman sa mga banal. 4Ito ay sapagkat lihim na nakapasok sa inyo ang ilang mga taong hindi maka-Diyos. Noon pang una ay nilagyan na sila ng tanda ng Diyos upang patawan ng kaparusahan. Pinapalitan nila ng kahalayan ang biyaya ng ating Diyos. Ikinakaila nila ang natatanging Panginoong Diyos at ang ating Panginoong Jesucristo.

   
 5Ngunit ibig ko pa ring ipaalala sa inyo kahit na nalalaman na ninyo ang mga bagay na ito noon. Iniligtas ng Panginoon ang kaniyang tao mula sa lupain ng Egipto ngunit nilipol niya ang hindi sumampalataya. 6At ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan, kundi iniwan ang kanilang tinatahanan, ay inilaan ng Diyos sa walang hanggang tanikala sa ilalim ng kadiliman para sa dakilang araw ng paghuhukom. 7Gayundin ang ginawa sa lungsod ng Sodoma at Gomora at sa mga kalapit lungsod nito. Nagpakabuyo sila sa pakikiapid at mahalay na pagnanasa sa ibang laman. Sila ay naging halimbawa nang sila ay pumailalim sa parusa ng apoy na walang hanggan.

   
 8Gayundin ang mga taong ito. Sila ay mga taong nananaginip ng masama na dinudungisan ang kanilang laman. Tinatanggihan nila ang mga may kapangyarihan at nilalait nila ang mga maluwalhating nilalang. 9Nang makipaglaban si arkanghel Miguel sa diyablo, nakipagtalo siya patungkol sa bangkay ni Moises. Sa kaniyang pakikipagtalo ay hindi siya nangahas na magbigay ng mapanglait na paghatol. Sa halip ay sinabi niya: Sawayin ka ng Panginoon. 10Ngunit nilalait ng mga taong ito ang mga bagay na hindi nila nalalaman. Ngunit ang mga bagay na likas nilang nauunawaan ay ginagamit nila sa kanilang sariling kasiraan, tulad ng mga hayop na walang pag-iisip.

   
 11Sa aba nila! Ito ay sapagkat sumunod sila sa daan ni Cain. At sa pagnanais nila ng kabayarang salapi, bumulusok sila sa kalikuan ni Balaam. At gaya ni Core sila ay naghimagsik at nalipol.

   
 12Ang mga taong ito ay mga lubog na bato sa inyong pagsasalu-salo sa hapag ng pag-ibig. Nakikisalo silang kasama ninyo nang walang takot, na ang sarili lamang nila ang kanilang pinangangalagaan. Sila ay parang ulap na walang tubig na dinadala ng mga hangin. Katulad din sila ng punong-kahoy na hindi namumunga kahit kapanahunan na, dalawang ulit nang namatay, binunot mula sa mga ugat. 13Sila ay katulad ng mga malalaking alon sa dagat. Ang kanilang kahiya-hiyang gawain ay lumalabas gaya ng mga bula ng tubig. Sila ay katulad ng mga bituing naliligaw. Ang pusikit na kadiliman ay nakalaan para sa kanila magpakailanman.

   
 14Si Enoc na ikapitong saling lahi mula kay Adan ay naghayag ng Salita ng Diyos sa kanila. Sinabi niya: Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang kaniyang libu-libong banal. 15Ito ay upang silang lahat ay kaniyang hatulan at sumbatan ang lahat ng mga hindi maka-diyos na kasama nila. Kasama ang mga gawa na ginawa nila sa hindi maka-diyos na paraan, at ang mga mapanglait na salita na sinabi laban sa kaniya ng mga makasalanan, na mga hindi maka-diyos. 16Ang mga taong ito ay laging dumadaing at laging umaangal. Lumalakad sila ayon sa kanilang masamang layunin. Sila ay nagsasalita ng mga salitang mapagmalaki at nagsasalita ng pakunwaring papuri sa mga tao upang sila ay makinabang.

Panawagan para Manatiling Matatag

 17Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salita na ipinaliwanag na sa inyo noon pang una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesucristo. 18Sinabi nila sa inyo na sa huling araw ay lilitaw ang mga manlilibak. Sila ay lalakad ayon sa sarili nilang masamang hangarin at ng hindi pagkilala sa Diyos. 19Ang mga ito ang lumikha ng pagkakabaha-bahagi. Sila ay lumalakad ayon sa kanilang likas na pagkatao at wala sa kanila ang Espiritu.

   
 20Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa napakabanal na pananampalatya. Manalangin kayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 21Habang naghihintay kayo, panatilihin ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos. Hintayin ninyo ang habag ng ating Panginoong Jesucristo na patungo sa walang hanggang buhay. 22Kahabagan ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23Sagipin ninyong may takot ang iba, agawin ninyo sila mula sa apoy. Gayundin, kapootan ninyo kahit ang damit na nadungisan ng laman.

Papuri

 24Ang Diyos ang makapag-iingat sa inyo mula sa pagkakatisod at makapaghaharap sa inyo nang walang kapintasan na may malaking galak sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian. 25Sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sumakaniya ang kapurihan, at kadakilaan, ang kapangyarihan at kapamahalaan mula ngayon at magpakailanman. Siya nawa!

 

*  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *  *

Pahayag

Chapters: 1 | 2 | 3 | 4 | 56 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13 | 14 | 15 | 16 | 17 | 18 | 19 | 20 | 21 | 22

Pahayag 1

Paunang Salita

 1Ito ang pahayag ni Jesucristo na ibinigay ng Diyos sa kaniya upang ipakita sa kaniyang mga alipin kung anong mga bagay ang malapit nang mangyari. Ito ay kaniyang pinatotohanan nang ipinadala niya ito sa kaniyang aliping si Juan sa pamamagitan ng kaniyang anghel. 2Anuman ang nakita ni Juan, pinatotohanan niya ang salita ng Diyos at ang patotoo tungkol kay Jesucristo. 3Pinagpala siya na bumabasa at sila na nakikinig sa mga salita ng pahayag at tumutupad sa mga bagay na nasusulat dito.

Mga Pagbati at Papuri

 4Akong si Juan ay sumusulat sa pitong iglesiya na nasa Asya.
   Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa kaniya na siyang kasalukuyan, na siyang nakaraan at siyang darating pa at mula sa pitong Espiritu na nakaharap sa kaniyang trono. 5Sumainyo din nawa ang biyaya at kapayapaang mula kay Jesucristo, ang tapat na saksi, ang panganay sa mga patay at ang tagapamahala sa mga hari ng lupa.
   Siya ang umibig sa atin at naghugas sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang dugo. 6Ginawa niya tayo na maging mga hari at mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at kapamahalaan magpakailan pa man. Siya nawa.

   
 7Narito, dumarating siyang kasama ng mga alapaap at makikita siya ng bawat mata at ng mga tumusok sa kaniya. Dahil sa kaniya, ang lahat ng lipi ng tao sa lupa ay tatangis. Oo! Siya nawa.
 8Sinasabi ng Panginoon: Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas. Ako ang kasalukuyan, ang kahapon at ang darating. Ako ang Makapangyarihan sa lahat.

Kawangis ng Anak ng Tao

 9Akong si Juan ay inyong kapatid at inyong kasama sa mga paghihirap at sa paghahari at sa pagtitiis ni Jesucristo. Dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesucristo, ako ay nasa pulo na kung tawagin ay Patmos. 10Ako ay nasa Espiritu sa araw ng Panginoon. At narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na katulad ng tunog ng isang trumpeta. 11Sinabi nito: Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Isulat mo sa isang aklat ang anumang iyong makikita at ipadala mo ito sa mga iglesiya na nasa Asya, sa Efeso, sa Esmirna, sa Pergamo, sa Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicia.

   
 12At ako ay lumingon upang tingnan ang tinig na nagsasalita sa akin. Sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong lagayan ng ilawan. 13Sa kalagitnaan ng pitong gintong lagayan ng ilawan ay may isang katulad ng Anak ng Tao. Siya ay nakasuot ng isang kasuotan na umaabot sa paa. Siya ay may isang gintong pamigkis na nakabigkis sa palibot ng kaniyang dibdib. 14Ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay katulad ng maputing lana, kasimputi ng niyebe. Ang kaniyang mga mata ay katulad ng alab ng apoy. 15At ang kaniyang mga paa ay katulad ng makinang na tanso na katulad din ng pinakinang sa pugon. Ang kaniyang tinig ay katulad ng ugong ng maraming tubig. 16Siya ay may pitong bituin sa kaniyang kanang kamay. At may lumabas sa kaniyang bibig na isang tabak na may dalawang talim. Ang kaniyang mukha ay katulad ng matinding sikat ng araw.

   
 17Nang makita ko siya, ako ay bumagsak sa kaniyang paanan na katulad ng isang taong patay. Ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay at sinabi sa akin: Huwag kang matakot. Ako ang una at ang wakas. 18Ako yaong nabubuhay at yaong namatay. Narito, ako ay buhay magpakailan pa man. Siya nawa. Nasa akin ang mga susi ng hades at ng kamatayan.

   
 19Isulat mo ang mga bagay na iyong nakikita, ang mga bagay na kasalukuyan at ang mga bagay na mangyayari pagkatapos nito. 20Isulat mo ang hiwaga tungkol sa pitong bituin na iyong nakita sa kanang kamay ko at pitong gintong lagayan ng ilawan. Ito ang hiwaga: Ang pitong bituin ay ang mga anghel sa pitong iglesiya. At ang pitong lagayan ng ilawan na iyong nakita ay ang pitong iglesiya.

 

Pahayag 2

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Efeso

 1Isulat mo sa anghel ng iglesiya sa Efeso:
      Ako na may hawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang
   kamay, na lumalakad sa gitna ng pitong ginintuang
   lagayan ng ilawan, ang nagsasabi ng mga bagay na ito:
    2Nalalaman ko ang iyong mga gawa, ang iyong pagpapagal
   at ang iyong pagtitiis. Nalalaman kong hindi mo matanggap
   ang mga masasama. Sinubok mo ang mga nagpapanggap na
   mga apostol at napagkilala ngunit hindi naman. Natuklasan
   mong sila ay mga sinungaling. 3Ikaw ay nagpatuloy at
   nagtiis. Alang-alang sa aking pangalan ay nagpagal ka at
   hindi nanlupaypay.
       4Ngunit mayroon akong isang laban sa iyo. Ito ay:
   Tinalikdan mo ang iyong unang pag-ibig. 5Kaya nga,
   alalahanin mo kung saan ka nahulog. Magsisi ka at gawin
   mo ang mga gawang ginawa mo noong una. Ngunit kung
   hindi, papariyan ako agad sa iyo at aalisin ko ang lagayan
   ng iyong ilawan sa kinakalagyan nito maliban na ikaw ay
   magsisi. 6Ngunit nasa iyo ang bagay na ito. Napopoot ka
   sa mga gawa ng mga Nicolaita. Napopoot din ako sa mga
   gawa nila.
       7Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu
   sa mga iglesiya. Sa sinumang magtatagumpay, ibibigay ko
   sa kaniya ang karapatang kumain sa bunga ng punongkahoy
   ng buhay na nasa gitna ng halamanan ng Diyos.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Esmirna

 8Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Esmirna:
      Ako yaong simula at wakas ang nagsasabi ng mga
   bagay na ito. Ako yaong namatay at muling nabuhay.
    9Nalalaman ko ang iyong mga gawa, ang iyong mga
   paghihirap at iyong karukhaan. Ngunit ikaw ay mayaman.
   Alam ko ang mga nagsasabing sila ay mga Judio ngunit
   hindi naman at ang kanilang pamumusong. Sila ay isang
   sinagoga ni Satanas. 10Huwag mong kakatakutan ang
   lahat ng bagay na malapit mo nang danasin. Narito, ang
   ilan sa inyo ay malapit nang ipabilanggo ng diyablo upang
   kayo ay subukin. At magkakaroon ka ng paghihirap sa
   loob ng sampung araw. Maging tapat kayo kahit hanggang
   kamatayan at bibigyan ko kayo ng gantimpalang putong
   ng buhay.
       11Siya na may pandinig ay makinig sa sinasabi ng
   Espiritu sa mga iglesiya. Ang magtatagumpay ay hindi
   kailanman makakaranas ng ikalawang kamatayan.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Pergamo

 12Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Pergamo:
      Ako na may matalas na tabak, na may dalawang talim,
   ay nagsasabi ng mga bagay na ito: 13Nalalaman ko ang
   iyong mga gawa at kung saan ka nakatira. Nakatira ka sa
   kinaroroonan ng luklukan ni Satanas. Nanghawakan kang
   patuloy sa aking pangalan at hindi mo tinalikdan ang
   aking pananampalataya kahit sa araw na pinatay nila si
   Antipas na aking tapat na saksi sa inyong kalagitnaan, na
   tinatahanan ni Satanas.
       14Subalit mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo,
   sapagkat mayroon sa inyo na ang pinanghawakan ay ang
   katuruan ni Balaam. Tinuruan ni Balaam si Barak na
   maglagay ng katitisuran sa harap ng mga anak ni Israel.
   Ang katitisuran ay ang kumain sila ng mga inihain sa mga
   diyos-diyosan at sila ay nakiapid. 15Sila rin yaong
   nanghahawakan sa katuruan ng mga Nicolaita, na
   kinapopootan ko. 16Magsisi ka! Kung hindi ka magsisisi,
   kaagad akong pupunta riyan. Makikipaglaban ako sa
   kanila sa pamamagitan ng tabak sa aking bibig.
       17Ang may pandinig ay makinig kung ano ang sinasabi
   ng Espiritu sa mga iglesiya. Ibibigay ko sa magtatagumpay
   ang karapatang kumain ng manang itinago ng Diyos.
   Bibigyan ko siya ng isang puting bato kung saan isinulat ko
   ang isang bagong pangalan na walang sinumang nakakaalam
   sa pangalan maliban lang sa makakatanggap nito.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Tiatira

 18Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Tiatira:
      Ako na Anak ng Diyos ang nagsasabi ng mga bagay na
   ito: Ang aking mga mata ay katulad ng alab na apoy.
   Ang aking mga paa ay katulad ng makinang na tanso.
    19Nalalaman ko ang iyong mga gawa at ang iyong pag-ibig
   at ang iyong paglilingkod. Nalalaman ko ang inyong
   pananampalataya at pagtitiis. Alam ko ang huli mong mga
   gawa ay higit kaysa sa mga nauna mong mga gawa.
       20Mayroon akong ilang bagay laban sa iyo dahil
   pinahintulutan mo ang babaeng si Jezebel, na tinawag
   niya ang kaniyang sarili na babaeng propeta. Siya ay
   nagtuturo at inililigaw ang aking mga alipin upang sila ay
   makiapid at kumain ng mga inihain sa diyos-diyosan.
    21Binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi sa
   kaniyang pakikiapid. Ngunit hindi siya nagsisi. 22Narito,
   inihagis ko siya sa isang higaan. Ang mga nangangalunya
   sa kaniya ay ihahagis ko sa isang dakilang paghihirap,
   kung hindi sila magsisisi sa kanilang mga gawa.
    23Papatayin ko ang kaniyang mga anak. At malalaman ng
   lahat ng iglesiya na ako yaong sumusuri sa kaloob-looban
   at sa mga puso. Ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ayon
   sa kaniyang mga gawa. 24Ngunit sinabi ko sa inyo at sa
   mga natitira sa Tiatira at sa sinumang wala sa ganitong
   katuruan at sa sinumang hindi nakakaalam sa tinatawag
   na malalalim na bagay ni Satanas: Wala akong ibang
   pasaning ibibigay sa inyo. 25Ang sinasabi ko lang:
   Maghawakan kayo sa mga bagay na taglay na ninyo
   hanggang sa aking pagdating.
       26Ang magtatagumpay at ang tutupad ng aking mga
   gawa hanggang sa wakas ay bibigyan ko ng kapamahalaan
   sa mga bansa.
       27Mamamahala siya sa kanila bilang isang
      pastol sa pamamagitan ng isang bakal na
      tungkod, sa pamaraan ng pagdudurog ng
      isang tao sa palayok.
   Ito ay katulad din sa paraan ng pagtanggap ko ng
   kapamahalaang mula sa aking Ama. 28At ibibigay ko sa
   kaniya ang tala sa umaga. 29Ang may pandinig ay
   makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya.

Pahayag 3

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Sardis

 1Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Sardis:
      Ako na may taglay ng pitong Espiritu ng Diyos at ng
   pitong bituin ang nagsasabi ng mga bagay na ito:
   Nalalaman ko ang iyong mga gawa, mayroon kang
   pangalan na ikaw ay nabubuhay, ngunit ikaw ay patay.
    2Magbantay ka. Palakasin mo ang mga bagay na natitira
   na malapit nang mamatay sapagkat nasumpungan ko na
   ang inyong mga gawa ay hindi ganap sa paningin ng
   Diyos. 3Kaya nga, alalahanin mo kung papaano ka
   tumanggap at nakinig. Tuparin mo ito at magsisi ka.
   Kaya nga, kung hindi ka magbantay, ako ay paririyan sa
   iyo katulad ng isang magnanakaw. Kailanman ay hindi
   mo malalaman kung anong oras ako paririyan sa iyo.
       4Mayroon kang ilang tao sa Sardis na hindi narumihan
   ang kanilang mga kasuotan. Sila ay kasama kong lalakad
   na nararamtan ng maputing damit dahil sila ay karapat-dapat.
    5Ang magtatagumpay ay daramtan ko ng maputing damit.
   Hindi ko buburahin kailanman ang kaniyang pangalan
   sa aklat ng buhay. Kikilalanin ko ang kaniyang pangalan
   sa harapan ng aking Ama at sa harapan ng kaniyang mga
   anghel. 6Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng
   Espiritu sa mga iglesiya.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Filadelfia

 7Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Filadelfia:
      Ako ang Banal at Totoo. Ako ang may hawak ng susi
   ni David na nagbubukas at walang makakapagsara nito,
   nagsasara ako at walang makakapagbukas nito.
    8Nalalaman ko ang iyong mga gawa, narito, inilagay
   ko sa harap mo ang isang pintuang bukas at walang
   makakapagsara nito sapagkat kaunti ang iyong lakas
   at tinupad mo ang aking salita at hindi mo ipinagkaila
   ang aking pangalan. 9Narito, sinasabi ko ito sa kanila na
   kabahagi ng sinagoga ni Satanas, yaong mga nagsasabi
   na sila ay mga Judio at hindi naman. Subalit sila ay
   nagsinungaling. Narito, palalapitin ko sila upang
   magpatirapa sa iyong paanan. Ipaaalam ko sa kanila na
   iniibig kita. 10Dahil tinupad mo ang aking salita na ikaw
   ay dapat maging matiisin, iingatan kita sa panahong ito
   ng pagsubok na darating na sa mga tao sa buong sanlibutan
   upang subukin ang mga naninirahan sa lupa.
       11Narito, darating na ako agad. Panghawakan mo ang
   anumang iyong tinataglay upang walang sinumang
   makakuha ng iyong gantimpalang putong. 12Ang
   magtatagumpay ay gagawin kong isang haligi sa banal
   na dako ng aking Diyos. Siya ay hindi na lalabas kailanman.
   Isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Diyos at ang
   pangalan ng lungsod ng aking Diyos, ang bagong
   Jerusalem na bumababang galing sa langit mula sa aking
   Diyos. Isusulat ko sa kaniya ang bago kong pangalan.
    13Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng
   Espiritu sa mga iglesiya.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Laodicea

 14Isulat mo sa anghel ng iglesiya sa Laodicea:
      Ako, na tinatawag na Siya nawa, ang tapat at totoong
   saksi, ang pasimula ng mga nilalang ng Diyos, ang
   nagsasabi ng mga bagay na ito: 15Nalalaman ko ang
   iyong mga gawa na ikaw ay hindi malamig o mainit. Ang
   nais ko ay maging malamig ka o mainit. 16Kaya nga,
   sapagkat ikaw ay maligamgam, hindi malamig o mainit,
   isusuka na kita mula sa aking bibig. 17Sinasabi mo:
   Ako ay mayaman. Ako ay naging mayaman at hindi
   nangangailangan ng anuman. Hindi mo alam na ikaw
   ay sawimpalad, nararapat kahabagan, maralita, bulag at
   hubad. 18Dahil dito, pinapayuhan kita na bumili ng ginto
   mula sa akin na dinalisay ng mga tao sa apoy upang
   yumaman ka. Bumili ka ng maputing damit upang ikaw
   ay mabihisan. Sa ganitong paraan ay hindi makikita
   ng mga tao ang kahihiyan ng iyong kahubaran. Pahiran
   mo ang iyong mga mata ng gamot para sa mata upang
   makakita ka.
       19Sinasaway ko at sinusupil ko ang aking mga
   minamahal. Kaya nga, magsumigasig ka at magsisi.
    20Narito, ako ay nakatayo sa pintuan at patuloy na
   kumakatok. Kapag marinig ng sinuman ang aking tinig
   at magbukas ng pinto, ako ay papasok sa kaniya. Ako
   ay maghahapunang kasama niya at siya ay kakaing
   kasama ko.
       21Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang
   maupong kasama ko sa aking trono, katulad din ng aking
   pagtatagumpay. At ako ay umupong kasama ng aking
   Ama sa kaniyang trono. 22Ang may pandinig ay makinig
   sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya.

 

Pahayag 4

Ang Trono sa Langit

 1Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako. Narito, ang isang bukas na pinto sa langit. At ang unang tinig na aking narinig ay katulad ng isang trumpeta na nagsasalita sa akin. Sinabi nito: Umakyat ka rito. Ipapakita ko sa iyo ang mga bagay na dapat mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito. 2Kaagad, ako ay nasa Espiritu at narito, isang trono ang naroon sa langit at isang nakaupo sa trono. 3Ang siya na nakaupo ay katulad sa isang batong haspe at isang sardonise. Isang bahaghari ang nakapalibot sa trono na katulad ng isang esmeralda. 4Dalawampu't apat na luklukan ang nakapalibot sa tronong iyon. Sa mga luklukang iyon, nakita ko ang dalawampu't apat na mga matanda na nakaupo roon. Sila ay nakasuot ng mapuputing damit at sa kanilang mga ulo ay may gintong putong. 5Mga kidlat at mga kulog at mga tinig ang lumalabas mula sa trono. Pitong ilawan ng apoy ang nagniningas sa harap ng trono. Sila ay ang pitong Espiritu ng Diyos. 6Sa harap ng trono ay isang lawa ng salamin na katulad ng kristal.
   Sa gitna ng trono at sa palibot ng trono ay may apat na buhay na nilalang, puno ng mga mata sa harapan at sa likuran. 7Ang unang buhay na nilalang ay katulad sa isang leon. Ang ikalawang buhay na nilalang ay katulad ng isang guya. Ang ikatlong buhay na nilalang ay mayroong mukhang katulad ng isang tao. Ang ikaapat na buhay na nilalang ay lumilipad katulad ng isang agila. 8Ang bawat isa sa apat na buhay na nilalang ay may anim na pakpak sa kaniyang sarili. Puno ng mga mata sa buong palibot at sa loob nila. At hindi sila tumitigil araw at gabi sa pagsasabi ng:
   Banal! Banal! Banal! Panginoong Diyos na
   Makapangyarihan sa lahat. Siya ang nakaraan, ang
   kasalukuyan, at ang darating.

   
 9At nang ang mga buhay na nilalang ay magbibigay papuri at karangalan at pasasalamat sa kaniya na nakaupo sa trono na siyang nabubuhay magpakailan pa man. 10Ang dalawampu't apat na matanda ay magpapatirapa sa harapan ng nakaupo sa trono. Sasambahin nila ang nabubuhay mula sa kapanahunan hanggang sa kapanahunan. At ilalagay nila ang kanilang mga putong sa harapan ng trono. 11Sasabihin nilang:
   O, Panginoon, karapat-dapat kang tumanggap ng
   kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan sapagkat
   nilalang mo ang lahat ng bagay at sa pamamagitan ng
   iyong kalooban, sila ay naroroon at sila ay nalalang.

 

Pahayag 5

Ang Balumbon na Aklat at ang Kordero

 1At nakakita ako ng isang balumbon sa kanang kamay ng nakaupo sa trono na may sulat sa loob at sa likod nito, tinatakan ito ng pitong selyo. 2At nakita ko ang isang malakas na anghel na nagpapahayag sa isang malakas na tinig: Sino ang karapat-dapat na magbukas sa selyo ng balumbon at magpaluwag ng mga selyo nito. 3Walang sinuman sa langit, o sa lupa, o sa ilalim ng lupa ang makakapagbukas ng balumbon o makatingin man dito. 4Dahil hindi sila makakita ng sinumang karapat-dapat na magbukas at magbasa ng balumbon o makatingin man nito, ako ay tumangis ng labis. 5Sinabi ng isa sa mga matanda sa akin: Huwag kang tumangis. Narito, ang leon na mula sa lipi ni Juda at ang ugat ni David ay nagtagumpay upang buksan ang balumbon at luwagan ang pitong selyo nito.

   
 6At nakita, narito, isang Kordero ang nakatayong katulad niyaong pinatay sa gitna ng trono at sa kanilang apat na nilalang at sa gitna ng mga matanda. Siya ay may pitong sungay at pitong mga mata na ang mga ito ay ang pitong Espiritu ng Diyos na sinugo sa lahat ng lupa. 7At siya ay dumating at kinuha ang balumbon mula sa kanang kamay ng nakaupo sa trono.

   
 8Nang kunin niya ang balumbon, ang apat na buhay na nilalang at ang dalawampu't apat na mga matanda ay may mga alpa at mga gintong mangkok na pinuno ng kamangyan na ito ang mga panalangin ng mga banal. 9At sila ay umawit ng bagong awit. Sinabi nila:
   Ikaw ay karapat-dapat kumuha ng balumbon at magbukas
   ng selyo nito. Dahil pinatay ka nila at tinubos mo kami
   para sa Diyos ng iyong dugo, sa bawat lipi at wika, mga
   tao at bansa. 10Ginawa mo kaming mga hari at mga
   saserdote para sa aming Diyos. At kami ay maghahari sa
   ibabaw ng lupa.

   
 11Nakita ko at narinig ang tinig ng maraming anghel na nakapalibot sa trono, ng mga buhay na nilalang, ng mga matanda at ng mga sampunlibo ng sampunlibo at mga libu-libo ng mga libu-libo. 12Sinabi nila sa pamamagitan ng isang malakas na tinig:
   Ang Korderong kanilang pinatay ay karapat-dapat na
   tumanggap ng kapangyarihan at kayamanan at karunungan
   at kalakasan at karangalan at kaluwalhatian at pagpapala.

   
 13Narinig ko ang tinig ng lahat ng nilalang na naroon sa langit, at sa lupa, at ilalim ng lupa, at silang nasa karagatan at ang lahat ng bagay na nasa kanila, nagsasabi:
   Sa kaniya na nakaupo sa trono at sa Kordero, pagpapala at
   karangalan at kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailan
   pa man.

    14At ang apat na buhay na nilalang ay nagsabi: Siya nawa. At ang dalawampu't apat na mga matanda ay nagpatirapa at sinamba siyang nabubuhay magpakailan pa man.

 

Pahayag 6

Ang mga Selyo

 1At nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa mga selyo. At narinig ko ang isa sa mga apat na buhay na nilalang na nagsasabi sa isang malakas na tinig na katulad ng kulog: Halika at tingnan mo. 2At nakita ko at narito, ang isang puting kabayo. At ang nakaupo rito ay may isang pana. Binigyan siya ng isang putong. Humayo siya na nanlulupig at upang manlupig.

   
 3Nang buksan ng Kordero ang ikalawang selyo, narinig ko ang ikalawang buhay na nilalang na nagsasabi: Sinabi niya: Halika at tingnan mo. 4At isa pang kabayo ang lumabas, ito ay pula. At ibinigay sa kaniya na nakaupo dito na pawiin ang kapayapaan sa lupa upang magpatayan sa isa't isa ang mga tao at binigyan siya ng isang malaking tabak.

   
 5Nang buksan ng Kordero ang ikatlong selyo, narinig ko ang ikatlong buhay na nilalang na nagsasabi: Halika at tingnan mo. At nakita ko, narito, ang isang itim na kabayo. Ang nakaupo rito ay may isang timbangan sa kaniyang kamay. 6At narinig ko ang isang tinig sa kalagitnaan ng apat na buhay na nilalang na nagsasabi: Gawin mo na ang halaga ng isang takal ng trigo ay isang denaryo at ang tatlong takal na sebada na isang denaryo. Huwag mong pinsalain ang langis at alak.

   
 7At nang binuksan niya ang ikaapat na selyo, narinig ko ang tinig ng ikaapat na buhay na nilalang na nagsasabi: Halika at tingnan mo. 8Nakita ko ang isang kabayong maputla. Ang pangalan ng nakaupo roon ay Kamatayan. At sumunod ang hades sa kaniya. Binigyan sila ng kapamahalaan na patayin ang higit sa ikaapat na bahagi ng lupa, ng tabak at ng gutom at ng kamatayan at sa pamamagitan ng mabangis na hayop ng lupa.

   
 9At nang binuksan niya ang ikalimang selyo, sa ilalim ng dambana, nakita ko ang mga kaluluwa ng mga taong napatay dahil sa Salita ng Diyos at dahil sa patotoong taglay nila. 10Sila ay sumisigaw nang malakas na nagsasabi: O Panginoon, ikaw ang banal at totoo. Hanggang kailan mo hahatulan ang mga taong naninirahan sa lupa at ipaghihiganti ang aming dugo? 11Binigyan ng maputing kasuotan ang bawat isa sa kanila. Sinabi sa kanila na magpahinga muna sila ng kaunting panahon hanggang ang bilang ng kapwa nila alipin at mga kapatid na papatayin nang katulad nila ay maganap.

   
 12At nang binuksan niya ang ika-anim na selyo, narito, isang malakas na lindol. Ang araw ay naging maitim na katulad ng magaspang na damit na mabalahibo. Ang buwan ay naging katulad ng dugo. 13Ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa katulad ng pagkahulog ng mga bubot na bunga ng punong igos kung inuuga ng isang napakalakas na hangin. 14Ang kalangitan ay nawalang katulad ng balumbong nilulon. Ang bawat bundok at bawat pulo ay naalis sa kinalalagyan nila.

   
 15At ang mga hari sa lupa, mga dakilang tao, mga mayaman, mga pinunong-kapitan, mga makapangyarihan, ang bawat alipin at bawat malaya ay nagtago ng kanilang sarili sa mga yungib at sa mga bato sa kabundukan. 16Sinabi nila sa mga bundok at mga bato: Bagsakan ninyo kami. Itago ninyo kami mula sa mukha ng nakaupo sa trono ng Diyos at mula sa poot ng Kordero. 17Sapagkat dumating na ang dakilang araw ng kaniyang poot. Kaya, sino nga ang makakatagal?

 

Pahayag 7

Tinatakan ng Diyos ang Isangdaan at Apatnapu't Apat na Libong Tao

 1Pagkatapos ng mga bagay na ito, nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa. Pinipigil nila ang apat na hangin ng lupa upang walang hanging makaihip sa lupa o sa dagat o sa anumang punong-kahoy. 2At nakita ko ang isa pang anghel na pumapaitaas mula sa sinisilangan ng araw. Nasa kaniya ang tatak ng buhay na Diyos. Siya ay sumigaw ng isang malakas na tinig at nagsalita sa apat na mga anghel na binigyan ng kapangyarihan upang saktan ang lupa at ang dagat. 3Sinabi ng anghel sa kanila: Huwag ninyong saktan ang lupa o ang dagat o ang mga punong-kahoy hanggang hindi namin natatatakan sa noo ang mga alipin ng aming Diyos. 4Narinig ko ang bilang ng mga natatakan. Ang bilang ay isangdaan apatnapu't apat na libo na tinatakan mula sa bawat lipi ng mga taga-Israel.

   
 5Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Juda. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Ruben. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Gad. 6Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Aser. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Neftali. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Manases. 7Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Simeon. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Levi. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Isacar. 8Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Zabulon. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Jose. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Benjamin.

Ang Maraming Taong Nakasuot ng Puting Damit

 9Pagkatapos kong makita ang mga bagay na ito, narito, ang napakaraming taong naroroon na walang sinumang makakabilang sa kanila. Sila ay mula sa bawat bansa, bawat lipi at bawat wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at sa harap ng Kordero. Sila ay nakasuot ng maputing damit at may hawak na mga palaspas. 10Sila ay sumisigaw ng isang malakas na tinig. Sinabi nila:
   Ang kaligtasan ay sa kaniya na nakaupo sa trono at sa
   Kordero.

   
 11At ang lahat ng anghel at mga matanda at ang apat na kinapal na buhay ay nakatayo sa palibot ng trono. Sila ay nagpatirapa sa harap ng trono at sinamba ang Diyos. 12Sinabi nila:
   Siya nawa. Pagpapala at kaluwalhatian at karunungan at
   pasasalamat at karangalan at kapangyarihan at kalakasan
   sa ating Diyos magpakailan pa man. Siya nawa.

   
 13At isa sa mga matanda ang sumagot. Sinabi niya sa akin: Sino ang mga taong ito na nakasuot ng mapuputing damit? Saan sila nanggaling?

   
 14At sinabi ko sa kaniya: Ginoo, nalalaman mo iyan.
   Sinabi niya sa akin: Sila ang mga nanggaling sa dakilang paghihirap. Hinugasan nila ang kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito ng dugo ng kordero. 15Dahil dito:
   Sila ay nasa harapan ng trono ng Diyos. Pinaglilingkuran
   nila siya araw at gabi sa kaniyang banal na dako. Ang
   nakaupo sa trono ay mananahang kasama nila. 16Kailanman
   ay hindi na sila magugutom at kailanman ay hindi na sila
   mauuhaw. Hindi na sila maiinitan ng sikat ng araw ni wala
   ng matinding init ang tatama sa kanila. 17Ito ay
   sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang siyang
   mangangalaga sa kanila. Aakayin niya sila sa buhay na
   bukal ng tubig. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa
   kanilang mga mata.

 

Pahayag 8

Ang Ikapitong Selyo at ang Ginintuang Sunugan ng Insenso

 1At nang buksan niya ang ikapitong selyo, tumahimik sa langit nang may kalahating oras.

   
 2At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Binigyan sila ng pitong trumpeta.

   
 3At isa pang anghel ang dumating at tumayo sa tabi ng dambana. Siya ay may taglay na gintong suuban ng kamangyan. Binigyan siya ng maraming kamangyan upang ihandog niya itong kasama ng mga panalangin ng lahat ng banal sa ginintuang dambana na nasa harapan ng trono. 4Ang usok ng kamangyan, kasama ang mga panalangin ng mga banal ay pumailanglang sa harapan ng Diyos mula sa kamay ng anghel. 5Kinuha ng anghel ang suuban ng kamangyan at pinuno ito ng apoy na mula sa dambana. Inihagis niya ito sa lupa. Nagkaroon ng ingay, kulog, kidlat at lindol.

Ang mga Trumpeta

 6Inihanda ng pitong anghel, na may pitong trumpeta, ang kanilang mga sarili upang hipan ang kanilang mga trumpeta.

   
 7Hinipan ng unang anghel ang kaniyang trumpeta. Bumagsak ang graniso at apoy na may kahalong dugo. Inihagis ito sa lupa. Ika-tatlong bahagi ng mga punong-kahoy ang nasunog at lahat ng sariwang damo ay nasunog.

   
 8Hinipan ng pangalawang anghel ang kaniyang trumpeta. At isang katulad ng malaking bundok na nagliliyab, ito ay itinapon sa dagat. At ang ika-tatlong bahagi ng dagat ay naging dugo. 9At ang ika-tatlong bahagi ng mga buhay na nilalang na nasa dagat ang namatayat ang ika-tatlong bahagi ng mga sasakyang dagat ay nawasak.

   
 10Hinipan ng pangatlong anghel ang kaniyang trumpeta. Isang malaking bituin ang bumagsak mula sa langit na nagniningas na katulad ng isang ilawan. At ito ay bumagsak sa ikatlong bahagi sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig. 11Ang pangalan ng bituin ay Kapaitan. Ang ika-tatlong bahagi ng tubig ay pumait. Maraming tao ang namatay dahil pumait ang tubig.

   
 12Hinipan ng pang-apat na anghel ang kaniyang trumpeta. Napinsala ang ika-tatlong bahagi ng araw at ang ika-tatlong bahagi ng buwan at ang ika-tatlong bahagi ng mga bituin upang magdilim ang ika-tatlong bahagi nito at ang ika-tatlong bahagi ng isang araw ay hindi magliliwanag at gayundin ng sa gabi.

   
 13At nakita ko at narinig ang isang anghel na lumilipad sa gitna ng langit na nagsasabi sa malakas na tinig: Sa aba, sa aba, sa aba sa kanila na naninirahan sa lupa dahil sa nananatili pang tunog ng trumpeta ng tatlong anghel na kanila pang hihipan.

 

Pahayag 9

 1Hinipan ng panglimang anghel ang kaniyang trumpeta. At nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa buhat sa langit. Ibinigay sa kaniya ang susi ng walang hanggang kalaliman. 2At binuksan niya ang walang hanggang kalaliman. Pumailanlang ang usok na lumabas mula sa kalalim-lalimang hukay katulad ng usok na nagmumula sa isang napakalaking pugon. Ang araw at ang hangin ay dumilim dahil sa usok. 3Buhat sa usok ay lumabas ang mga balang sa ibabaw ng lupa. Binigyan sila ng kapamahalaang katulad ng kapamahalaang taglay ng mga alakdan sa lupa. 4At sinabi sa kanila na huwag nilang pipinsalain ang mga damo sa lupa o anumang bagay na luntian at ang mga punong-kahoy. Ang pipinsalain lamang nila ay ang mga taong walang tatak ng Diyos sa kanilang noo. 5Hindi sila binigyan ng pahintulot na patayin ang mga tao. Pahihirapan lamang nila sila sa loob ng limang buwan. Ang pagpapahirap na ito ay katulad ng sakit na nararanasan ng taong kinagat ng alakdan. 6Sa mga araw na iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi nila matatagpuan. Magpapakamatay sila ngunit lalayuan sila ng kamatayan.

   
 7Ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong inihanda para sa labanan. Sa kanilang mga ulo ay mayroong gantimpalang putong katulad ng ginto. Ang kanilang mga mukha ay katulad ng mga mukha ng tao. 8May mga buhok silang katulad ng buhok ng babae. Ang kanilang mga ngipin ay katulad ng ngipin ng leon. 9May mga baluti sila sa dibdib na katulad ng mga baluting bakal. Ang ugong ng kanilang mga pakpak ay katulad ng ugong ng mga karuwahe ng mga kabayong dumadaluhong sa labanan. 10May mga buntot sila at tibo na katulad ng mga alakdan. May kapamahalaan silang saktan ang tao sa loob ng limang buwan. 11Mayroon silang hari na namumuno sa kanila. Siya ay ang anghel sa walang hanggang kalaliman. Ang kaniyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon. Sa wikang Griyego ito ay Apolyon.

   
 12Natapos na ang unang kaabahan. Pagkatapos ng mga bagay na ito, dalawa pang kaabahan ang darating.

   
 13Hinipan ng pang-anim na anghel ang kaniyang trumpeta. Narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. 14Sinabi niya sa pang-anim na anghel na may trumpeta: Pakawalan mo ang apat na anghel na iginapos sa malaking ilog ng Eufrates. 15At pinakawalan niya ang apat na anghel na inihanda para sa oras, araw, buwan at taon upang pumatay sa ikatlong bahagi ng mga tao. 16Ang bilang ng hukbong nangangabayo ay dalawang daang milyon. Narinig ko ang bilang nila.

   
 17Sa ganito ko nakita ang mga kabayo at ang mga sakay nila sa isang pangitain. Sila ay may suot na mga baluti sa dibdib na mapulang katulad ng apoy, matingkad na bughaw at dilaw na katulad ng asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay katulad ng mga ulo ng mga leon. Apoy at usok at nagniningas na asupre ang lumalabas sa kanilang mga bibig. 18Sa pamamagitan ng tatlong ito, ang apoy, ang usok at ang nagniningas na asupre, ay pinatay nila ang ikatlong bahagi ng mga tao. Ang mga bagay na ito ay lumalabas mula sa kanilang mga bibig. 19Ito ay sapagkat ang kanilang mga kapamahalaan ay nasa mga bibig at mga buntot katulad ng mga ahas na may mga ulong makakapanakit.

   
 20May mga nalalabing mga tao na hindi napatay ng mga salot na ito. Ngunit hindi nila pinagsisihan ang gawa ng kanilang mga kamay. At hindi sila nagsisi upang hindi sila sasamba sa mga demonyo at mga diyos-diyosang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy. Hindi sila makakakita, ni makakarinig, ni makakalakad man. 21Hindi sila nagsisisi sa kanilang mga pagpatay, sa kanilang mga panggagaway, sa kanilang mga pakikiapid at sa kanilang pagnanakaw.

 

Pahayag 10

Ang Anghel at ang Maliit na Balumbon na Aklat

 1Nakita ko ang isa pang malakas na anghel na bumababang mula sa langit na nadaramtan ng ulap na may bahag-hari sa kaniyang ulo. Ang kaniyang mukha ay katulad ng araw at ang kaniyang mga paa ay katulad ng mga paa ng haligi ng apoy. 2Mayroon siyang isang bukas na munting aklat sa kaniyang kamay. Ang kaniyang kanang paa ay nakatuntong sa dagat at ang kaniyang kaliwang paa ay sa lupa. 3Sumigaw siya nang malakas na tinig na katulad ng leong umaatungal. At nang sumigaw siya, ang pitong kulog ay nagsalita sa pamamagitan ng kani-kanilang mga tinig. 4Nang magsalita ang mga kulog sa pamamagitan ng kani-kanilang mga tinig, susulat na sana ako. At narinig ko ang isang tinig mula sa langit. Sinabi nito sa akin: Selyuhan ang sinabi ng pitong kulog. Huwag mong isulat ang kanilang mga salita.

   
 5Ang anghel na nakita kong nakatayo sa dagat at sa lupa ay nagtaas ng kaniyang kamay sa langit. 6Siya ay sumumpa sa pamamagitan niya na nabubuhay sa magpakailan pa man, na lumalang ng langit at ng mga bagay na naroon, ang lupa at ang mga bagay rito, ang dagat at ang mga bagay rito at sinabi ng anghel: Hindi na maaaring ipagpaliban pa. 7Subalit sa mga araw na hihipan na ng ikapitong anghel ang kaniyang trumpeta, matatapos na ang hiwaga ng Diyos katulad nang pagpapahayag ng ebangelyo sa kaniyang mga alipin na mga propeta.

   
 8At ang tinig na aking narinig mula sa langit ay muling nagsasabi sa akin: Yumaon ka. Kunin mo ang bukas na munting aklat sa kamay ng anghel na nakatuntong sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng lupa.

   
 9At ako ay pumunta sa anghel at sinabi ko sa kaniya: Ibigay mo sa akin ang munting balumbon. At sinabi niya sa akin: Kunin mo at kainin mong lahat ito. Paaasimin nito ang iyong tiyan. Ngunit sa iyong bibig, matamis itong katulad ng pulot. 10At kinuha ko ang munting aklat mula sa kamay ng anghel. Kinain kong lahat ito. Sa aking bibig ay matamis itong katulad ng pulot. Nang kainin ko ito, naging mapait ang tiyan ko. 11At sinabi niya sa akin: Dapat na ihayag mong muli ang patungkol sa mga tao, sa mga bansa, sa mga wika at sa mga hari.

 

Pahayag 11

Ang Dalawang Tagapagpatotoo

 1At binigyan ako ng isang tambo na katulad ng isang panukat at sinabi ng anghel: Tumindig ka at sukatin mo ang banal na dako ng Diyos at ang dambana at ang mga sumasamba roon. 2Huwag mo nang isali ang patyo na nasa labas ng templo. Huwag mo na itong sukatin sapagkat ibinigay na ito ng Diyos sa mga Gentil. Yuyurakan nila ang banal na lungsod sa loob nang apatnapu't dalawang buwan. 3Bibigyan ko ng kapangyarihan ang dalawang tagapagpatotoo ko. Sila ay maghahayag sa loob ng isang libo at dalawangdaan at animnapung araw. Magsusuot sila ng magaspang na damit. 4Sila ang dalawang punong olibo at ang dalawang lalagyan ng ilawan. Nakatayo ang mga ito sa harapan ng Diyos ng lupa. 5Kung sinuman ang ibig manakit sa kanila, ang apoy ay lalabas mula sa kanilang mga bibig at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Ang sinumang ibig manakit sa kanila ay dapat patayin sa ganitong paraan. 6May kapamahalaan ang mga lalaking ito na isara ang langit upang hindi umulan sa mga araw ng kanilang paghahayag. May kapamahalaan sila sa tubig upang gawin itong dugo. May kapamahalaan silang saktan ang lupa ng lahat ng mga salot kailanman nila ibig.

   
 7Pagkatapos ng kanilang patotoo, ang mabangis na hayop na umahong palabas ng walang hanggang kalaliman ay makikipagdigma laban sa kanila. Sila ay lulupigin at papatayin nila. 8Malalagay sa lansangan ng kabilang lungsod ang kanilang mga katawan. Sodoma at Egipto ang espirituwal na pangalan ng dakilang lungsod. Doon ipinako ang ating Panginoon. 9At ang ilang taong nagmula sa mga lipi at mga wika at mga bansa ay titingin sa kanilang mga katawan sa loob nang tatlo at kalahating araw. Hindi nila papayagang ilibing sa mga libingan ang mga katawan nila. 10Dahil sa kanila, magagalak ang mga taong nakatira sa lupa. Magdiriwang sila at magpapadala ng mga kaloob sa isa't isa dahil patay na ang dalawang propeta na ito na nagpapahirap sa mga naninirahan sa lupa.

   
 11Pagkatapos ng tatlo at kalahating araw, pumasok sa kanila ang espiritu ng buhay na mula sa Diyos. Tumindig sila sa kanilang mga paa. Labis na sindak ang bumalot sa lahat ng mga nakakita sa kanila. 12Nakarinig sila ng isang napakalakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila: Umakyat kayo rito. At umakyat sila sa langit sa alapaap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.

   
 13Sa oras na iyon, nagkaroon ng isang napakalakas na lindol. Bumagsak ang ika-sampung bahagi ng lungsod. Pitong libong tao ang pinatay ng lindol. Ang mga natira ay natakot at nagbigay papuri sa Diyos ng kalangitan.

   
 14Natapos na ang ikalawang kaabahan. Narito, darating na agad ang pangatlong kaabahan.

Ang Pangpitong Trumpeta

 15Hinipan ng pangpitong anghel ang kaniyang trumpeta. May malakas na mga tinig sa langit na nagsasabi:
   Ang mga paghahari ng sanlibutan ay naging mga
   paghahari ng ating Panginoon at ng kaniyang Cristo. At
   maghahari siya sa mga magpakailan pa man.

    16Ang dalawampu't apat na nga matanda ay nagpatirapa at sinamba ang Diyos. Sila ang mga nakaupo sa kanilang mga luklukan sa harapan ng Diyos. 17Sinabi nila:
   Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat,
   nagpapasalamat kami sa inyo. Ikaw ang kasalukuyan,
   ang nakaraan at ang darating. Tinanggap mo ang dakilang
   kapangyarihan at ikaw ay naghari. 18Nagalit ang mga
   bansa. Ang poot mo ay dumating na. Dumating na ang
   panahon na hahatulan mo na ang mga patay. At
   gagantimpalaan mo na ang mga alipin mo na mga propeta
   at ang mga banal at sila na natakot sa iyong pangalan at
   ang mga hindi dakila at ang mga dakila. At pipinsalain
   mo na ang mga tao na namiminsala sa lupa.

   
 19Nabuksan ang templo ng Diyos sa langit. Nakita ng mga tao ang kaban ng tipan sa kaniyang templo. Nagkaroon ng mga kidlat at mga tinig at mga kulog at lindol at malakas na ulan ng graniso.

 

Pahayag 12

Ang Babae at ang Dragon

 1At lumabas ang isang dakilang tanda sa langit. Isang babaeng nararamtan ng araw. Ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa. Sa kaniyang ulo ay may isang putong na may labindalawang bituin. 2At siya ay nagdalangtao. Sumisigaw siya sa sakit ng panganganak dahil manganganak na siya. 3At lumabas ang isa pang tanda sa langit. At narito, isang dakilang pulang dragon. Ito ay may pitong ulo at sampung sungay. May pitong koronang panghari sa kaniyang ulo. 4Hinihila ng kaniyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit. Inihagis niya ang mga ito sa lupa. Nakatayo ang dragon sa harapan ng babae na manganganak na, upang kapag siya ay nakapanganak na, kakainin niya ang anak. 5Nagsilang siya ng isang batang lalaki. Siya ang magpapastol sa mga bansa sa pamamagitan ng isang pamalong bakal. Inagaw ang kaniyang anak patungo sa Diyos at sa kaniyang trono. 6Tumakas ang babae papuntang ilang. Naghanda ang Diyos ng dako para sa kaniya upang alagaan siya ng mga tao roon sa loob ng isang libo dalawangdaan at animnapung araw.

   
 7Nagdigmaan sa langit. Nakipagdigma si Miguel at ang kaniyang mga anghel laban sa dragon. Lumaban sa kanila ang dragon at ang mga anghel niya. 8Ngunit hindi sila nagtagumpay, ni wala nang lugar sa langit para sa kanila. 9Itinapon palabas ang isang napakalaking dragon. Siya iyong ahas na mula pa noong unang panahon na ang tawag ay Diyablo at Satanas. Siya yaong nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa at itinapon ding kasama niya ang kaniyang mga anghel.

   
 10Narinig ko ang isang malakas na tinig na nagsasalita sa langit. Sinabi nito:
   Dumating na ngayon ang kaligtasan at ang kapangyarihan
   at ang paghahari ng Diyos. Ang kapamahalaan ng kaniyang
   Mesiyas ay dumating sapagkat naihulog na nila ang
   sumasakdal sa ating mga kapatid. Siya iyong sumasakdal
   sa kanila sa harapan ng Diyos gabi at araw. 11Sila ay
   nilupig nila sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at sa
   pamamagitan ng salita ng kanilang mga patotoo. Hindi
   nila minahal ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan.
    12Dahil dito, magalak kayong mga langit at kayong mga
   nananahan sa langit. Kaabahan sa inyo na nananahan sa
   lupa at sa dagat sapagkat ang diyablo ay bumaba na sa
   inyo. Siya ay may matinding poot dahil alam niyang
   maikli na ang kaniyang panahon.

   
 13Nang makita ng dragon na inihagis siya ng Diyos sa lupa, inusig niya ang babae na nagsilang ng batang lalaki. 14Binigyan ang babae ng dalawang pakpak ng malaking agila upang lumipad siya sa ilang. Doon ay aalagaan siya sa loob ng panahon, ng mga panahon at kalahating panahon mula sa harap ng ahas. 15Pagkatapos, nagpadala ang ahas ng isang napakalaking ilog mula sa kaniyang bibig upang makuha ang babae. Ipinadala niya ito upang tangayin ang babae. 16Ngunit tinulungan ng lupa ang babae ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig, hinigop ang ilog na ipinadala ng dragon mula sa kaniyang bibig. 17Nagalit ang dragon sa babae. Yumaon siya upang makipagdigma sa mga naiwang anak na mula sa kaniya. Sila iyong mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at taglay ang patotoo ni Jesucristo.

 

Pahayag 13

Ang Mabangis na Hayop Mula sa Dagat

 1At ako ay tumayo sa buhanginan sa tabing dagat. Nakita kong umaahon ang isang mabangis na hayop mula sa dagat. Ito ay may pitong ulo at sampung sungay at sa bawat sungay ay may sampung pangharing korona at sa kaniyang korona ay may mapamusong na pangalan. 2Ang mabangis na hayop na aking nakita ay katulad sa isang leopardo. Ang mga paa nito ay katulad ng mga paa ng oso. Ang bibig nito ay katulad ng mga bibig ng leon. Ibinigay ng dragon ang kaniyang kapangyarihan at isang luklukan at dakilang kapamahalaan sa mabangis na hayop. 3At nakita ko na ang isa sa mga ulo ay nasugatan na maaring ikamatay. Ang sugat na ikamamatay ay gumaling. At ang lahat ng mga tao ay nanggilalas sa mabangis na hayop at sumunod dito. 4Sinamba nila ang dragon na nagbigay ng kapamahalaan sa mabangis na hayop. Sinamba nila ang mabangis na hayop. Sinabi nila: Sino ang katulad ng mabangis na hayop? Sino ang maaaring makipaglaban dito?

   
 5Binigyan siya ng isang bibig na nagsasalita ng dakilang salita at mga pamumusong. Binigyan siya ng kapamahalaan upang magpatuloy sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. 6At binuksan niya ang kaniyang bibig na namumusong laban sa Diyos at laban sa kaniyang pangalan at sa tabernakulo at sa mga nananahan sa langit. 7Binigyan ito ng kapamahalaan upang makipagdigma laban sa mga banal at upang lupigin sila. Binigyan niya ito ng kapamahalaan sa bawat lipi at wika at bansa. 8Ang lahat ng mga nakatira sa lupa ay sasamba sa kaniya, sila na ang kanilang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero. Ito ang Korderong pinatay mula ng itatag ang sanlibutan.

   
 9Ang may pandinig ay makinig: 10Ang sinumang magpapabihag ay dadalhin siya sa pagkabihag. Ang sinumang pumatay sa tabak ay sa tabak din sila papatayin. Ito ay nangangahulugan na ang mga banal ay dapat magkaroon ng pagtitiis at pananampalataya.

Ang Mabangis na Hayop Mula sa Lupa

 11At nakita ko ang isa pang mabangis na hayop na umahon mula sa lupa. Ito ay may dalawang sungay katulad ng isang kordero at kung magsalita ay katulad ng isang dragon. 12Ginagamit nito ang lahat ng kapamahalaan ng mabangis na hayop na naunang lumabas sa kaniya. Pinasasamba nito ang lupa at ang mga tao na nananahan rito sa unang mabangis na hayop na ang nakakamatay na sugat ay gumaling. 13Ang ikalawang mabangis na hayop ay gumawa nga ng mga dakilang tanda. Pinababa nito ang apoy na mula sa langit sa lupa at sa harapan ng mga tao. 14Inililigaw nito ang mga nananahan sa lupa. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng mga tanda na ipinagawa sa kaniya sa harapan ng unang mabangis na hayop. Sinabi nito sa mga tao na nakatira sa lupa, na gumawa sila ng isang larawan ng unang mabangis na hayop na nasugatan ng tabak at nabuhay ito. 15Binigyan ito ng kapangyarihan ang ikalawang mabangis na hayop upang bigyan niya ng hininga ang larawan ng mabangis na hayop. Ang larawan ng mabangis na hayop ay magsasalita at ipapapatay niya sa mga tao ang mga hindi sumasamba sa larawan ng mabangis na hayop. 16Ang mga dakila at mga hindi dakilang tao, ang mayayaman at mahihirap, ang mga malaya at ang mga alipin ay ipapatatakan niya sa kanilang kanang kamay o sa kanilang noo. 17Ang may tatak lamang ng mabangis na hayop ang makakabili o ang makakapagbili. Dapat ay taglay nila ang tatak o ang pangalan o ang bilang ng pangalawang mabangis na hayop.

   
 18Ito ang kaalaman: Ang may pang-unawa ay dapat bilangin ang bilang ng mabangis na hayop. Ang dahilan, ito ang bilang ng isang tao. Ang bilang ay anim na raan at animnapu't anim.

 

Pahayag 14

Ang Kordero at ang Isangdaan at Apatnapu't Apat na Libong Tao

 1At nakita ko, narito, ang Korderong nakatayo sa bundok ng Zion. Siya ay may kasamang isangdaan at apatnapu't apat na libong mga tao na nakatayo. May nakasulat na pangalan ng kaniyang ama sa kanilang mga noo. 2Ako ay nakarinig ng isang tunog na mula sa langit na katulad ng tunog ng maraming tubig. Ito ay katulad ng isang napakalakas na kulog. Narinig ko ang tunog ng maraming manunugtog ng kudyapi na tumutugtog ng kanilang kudyapi. 3Sila ay umawit ng isang bagong awit sa harapan ng trono at sa harapan ng apat na buhay na nilalang at ng mga matanda. Walang sinumang matututo ng awit na iyon. Ang matututo lamang nito ay ang isangdaan at apatnapu't apat na libong mga tao na tinubos ni Jesus sa lupa. 4Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang mga sarili sa mga babae. Sila ay mga birhen. Sila yaong mga sumusunod sa Kordero saan man siya pumaroon. Sila yaong mga tinubos ng Kordero bilang mga unang bunga para sa Diyos at para sa Kordero. 5Walang pandaraya sa kanilang mga bibig sapagkat wala silang anumang dungis sa harapan ng trono ng Diyos.

Ang Tatlong Anghel

 6At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit. Taglay nito ang walang hanggang ebanghelyo na ipapahayag sa mga nananahan sa lupa. Kabilang dito ang bawat bansa at lipi at wika at mamamayan. 7Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Matakot kayo sa Diyos sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom. Magbigay kayo ng papuri sa kaniya. Sambahin ninyo siya na gumawa ng langit at lupa at dagat at bukal ng mga tubig.

   
 8May isa pang anghel ang sumunod sa kaniya na nagsabi: Bumagsak na ang Babilonya! Bumagsak na ang dakilang lungsod ng Babilonya! Siya ay bumagsak dahil sa alak ng poot ng kaniyang pakikiapid na ipinainom niya sa lahat ng mga bansa.

   
 9Sumunod sa kanila ang pangatlong anghel. Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Ito ang mangyayari sa sinumang sasamba sa mabangis na hayop at sa kaniyang larawan. Ito ay mangyayari sa sinumang tumanggap ng tatak sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay. 10Siya ay iinom ng alak ng poot ng Diyos, na ibinuhos niya na walang halo sa saro ng kaniyang poot. Pahihirapan siya sa apoy at nagniningas na asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11Ang usok ng kanilang paghihirap ay pumailanlang magpakailan pa man. Ang mga sumamba sa mabangis na hayop at kaniyang larawan ay walang kapahingahan araw at gabi. Gayundin ang mga tumanggap ng tatak ng pangalan nito ay walang kapahingahan. 12Narito ang pagtitiis ng mga banal na tumutupad sa mga utos ng Diyos at nananampalataya kay Jesus.

   
 13At ako ay nakarinig ng isang tinig mula sa langit. Sinabi nito sa akin: Isulat mo ito. Pinagpala ang mga mamamatay sa Panginoon mula ngayon.
   Sinabi ng Espiritu: Oo, sila ay dapat na mamahinga mula sa kanilang mga pagpapagal. Susundan sila ng kanilang mga gawa.

Ang Ani sa Lupa

 14At nakita ko at narito, ang isang puting ulap at sa ibabaw ng ulap ay may isang nakaupo na katulad ng Anak ng Tao. Siya ay may gintong putong sa kaniyang ulo. Sa kaniyang kamay ay may hawak na isang matalas na karit. 15At may isa pang anghel na lumabas mula sa banal na dako. Siya ay sumigaw sa isang malakas na tinig sa nakaupo sa ulap na nagsasabi: Gamitin mo ang iyong karit at ipanggapas mo na. Ang dahilan ay dumating na ang oras upang ikaw ay gumapas. Ang aanihin sa lupa ay handa na. 16At inilagay ng nakaupo sa ibabaw ng ulap ang kaniyang karit sa lupa at ginapas ang anihin sa lupa.

   
 17At isa pang anghel ang lumabas mula sa banal na dako na nasa langit. Siya rin ay may taglay na isang matalas na karit. 18At may isa pang anghel ang lumabas mula sa dambana. Siya ay may kapamahalaan sa apoy. Tinawag niya sa isang malakas na tinig ang may taglay ng matalas na karit. Sinabi niya: Gamitin mo na ang matalas mong karit. Tipunin mo ang mga buwig ng ubas sa lupa sapagkat hinog na ang mga ubas sa lupa. 19Inilabas ng anghel ang karit at tinipon ang ubas sa lupa. Inihagis niya ang mga ubas ng lupa sa pisaang-ubas ng poot ng dakilang Diyos. 20Niyurakan nila ang mga ubas sa pisaang-ubas na nasa labas ng lungsod. Lumabas ang dugo mula sa pisaang-ubas. Ito ay kasinglayo ng bokado ng mga kabayo sa layong tatlong daang kilometro.

 

Pahayag 15

Pitong Anghel na may Pitong Salot

 1At nakita ko ang isa pang dakila at kamangha-manghang tanda sa langit. Pitong anghel ang may pitong huling salot. Ang poot ng Diyos ay malulubos sa kanila. 2At nakita ko ang isang bagay na katulad ng isang dagat na kristal at ito ay may kahalong apoy. Ang mga nagtagumpay sa mabangis na hayop ay nakatayo sa ibabaw ng dagat na kristal. Taglay nila ang mga kudyapi ng Diyos sa kanilang mga kamay. Sila ang mga nagtagumpay sa larawan ng mabangis na hayop at sa tatak nito at sa bilang ng pangalan nito. 3Inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos at ang awit ng Kordero. Sinabi nila:
   Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang
   iyong mga gawa ay dakila at kamangha-mangha. Ikaw na
   Hari ng mga banal, ang iyong mga daan ay matuwid at
   totoo. 4Panginoon, sino ang hindi matatakot sa iyo? Sino
   ang hindi magbibigay luwalhati sa iyong pangalan?
   Sapagkat ikaw lamang ang siyang banal, dahil ang lahat
   ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo sapagkat
   ipinakita mo ang iyong tuntunin.

   
 5Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko. Narito, ang banal na dako ng tabernakulo ng patotoo sa langit ay nabuksan. 6Lumabas mula sa banal na dako ang pitong anghel na may pitong salot. Sila ay nadaramtan ng malinis at maningning na lino. Isang gintong pamigkis ang nakapaikot sa kanilang mga dibdib. 7Binigyan ng isa sa mga apat na buhay na nilalang ang pitong anghel ng pitong gintong mangkok. Ang mga ito ay puno ng poot ng Diyos na nabubuhay magpakailan pa man. 8At ang banal na dako ay napuno ng usok na mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kaniyang kapangyarihan. Walang sinumang makakapasok sa banal na dako hanggang hindi nalulubos ang pitong mga salot ng pitong mga anghel.

 

Pahayag 16

Ang Pitong Mangkok ng Poot ng Diyos

 1Narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa banal na dako. Sinabi nito sa pitong anghel: Humayo kayo. Ibuhos ninyo ang poot ng Diyos na nasa mangkok sa ibabaw ng lupa.

   
 2Ang unang anghel ay lumabas at ibinuhos ang laman ng mangkok sa ibabaw ng lupa. At isang napakasama at napakatinding sugat ang dumapo sa mga taong may tatak ng mabangis na hayop at sa mga sumamba sa kaniyang larawan.

   
 3Ibinuhos ng pangalawang anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa dagat. At ito ay naging dugo, katulad ng dugo ng isang taong patay. Namatay ang lahat ng bagay na may buhay sa dagat.

   
 4At ibinuhos ng pangatlong anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig. Ang mga ito ay naging dugo. 5At narinig ko ang anghel ng mga tubig. Sinabi niya:
   Panginoon, matuwid ka dahil sa paghatol mo sa ganitong
   paraan. Ikaw ang nakaraan at ang kasalukuyan, at ikaw
   ay banal. 6Binigyan mo sila ng dugo na maiinom dahil
   pinadanak nila ang dugo ng iyong mga banal at mga
   propeta. Karapat-dapat sila para dito.

    7At ako ay nakarinig ng isa pang tinig na mula sa dambana. Sinabi nito:
   Oo, Panginoong Diyos na Makapangyayari sa lahat, ang
   iyong mga kahatulan ay totoo at matuwid.

   
 8Ibinuhos ng pang-apat na anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa araw. Binigyan siya ng kapangyarihan upang sunugin ang mga tao sa pamamagitan ng apoy. 9Sinunog nito ang mga tao sa pamamagitan ng matinding init. Nilapastangan nila ang pangalan ng Panginoon na siyang may kapamahalaan sa mga salot na ito. Hindi sila nagsisi upang magbigay ng kaluwalhatian sa kaniya.

   
 10Ibinuhos ng panglimang anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa ibabaw ng luklukan ng mabangis na hayop. Ang paghahari nito ay naging kadiliman. Kinagat ng mga tao ang kanilang dila dahil sa matinding sakit. 11Nilapastangan nila ang Diyos sa langit dahil sa sakit at mga sugat nila. Hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga ginawa.

   
 12Ibinuhos ng pang-anim na anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa dakilang ilog ng Eufrates. Ang mga tubig nito ay natuyo upang maihanda ang daan ng mga hari na mula sa silangan. 13At nakita ko ang tatlong karumal-dumal na espiritu na katulad ng mga palaka. Sila ay lumabas mula sa bibig ng dragon, mula sa bibig ng mabangis na hayop at mula sa bibig ng bulaang propeta. 14Sila ay ang mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda, na lumabas patungo sa mga hari sa lupa at patungo sa mga tao sa buong daigdig. Sila ay nagtungo roon upang tipunin silang sama-sama sa labanan ng dakilang araw na iyon ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

   
 15Narito, ako ay dumarating na katulad ng isang magnanakaw. Pinagpala ang mananatiling gising sa pagbabantay at nag-iingat ng kaniyang mga damit. Sa ganitong paraan, siya ay hindi maglalakad ng hubad at hindi makikita ng mga tao ang kaniyang kahihiyan.

   
 16At tinipon silang sama-sama sa dakong tinatawag ng mga tao na Armagedon sa wikang Hebreo.

   
 17Ibinuhos ng pangpitong anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa hangin. Isang malakas na tinig ang lumabas mula sa banal na dako ng langit, mula sa trono. Sinabi nito: Naganap na. 18Nagkaroon ng mga sigawan, mga kulog at mga kidlat. Nagkaroon ng napakalakas na lindol. Simula ng magkatao ang daigdig ay hindi pa nagkaroon ng lindol na kasinglaki at kasinglakas nito na nangyari sa lupa. 19Ang dakilang lungsod ay nahati sa tatlong bahagi. Ang mga lungsod ng mga bansa ay bumagsak. At naala-ala ng Diyos ang dakilang Babilonya upang ibigay ang saro ng alak ng galit ng kaniyang poot. 20Ang bawat pulo ay nawala. Walang sinumang makakakita ng anumang bundok. 21Bumagsak ang malalaking graniso sa mga tao na mula sa langit. Ang bawat isang piraso ay tumitimbang ng tatlumpu at limang kilo. Dahil sa napakalaking graniso, nilapastangan ng mga tao ang Diyos sapagkat ang salot ay napakatindi.

 

Pahayag 17

Ang Babaing Nakupo sa Mabangis na Hayop

 1Ang isa sa mga pitong anghel na may taglay ng pitong mga mangkok ay lumabas at nagsalita sa akin na sinasabi: Halika rito. Ipapakita ko sa iyo ang hatol sa dakilang patutot na umuupo sa ibabaw ng maraming tubig. 2Ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kaniya at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing ng alak ng kaniyang pakikiapid.

   
 3At dinala niya ako sa ilang sa Espiritu. Nakita ko ang isang babaeng umuupo sa ibabaw ng isang pulang mabangis na hayop. Ito ay puno ng mga pangalan ng pamumusong, at may pitong ulo at sampung sungay. 4Ang babae ay nakasuot ng ube at pulang mga damit. Siya ay nagayakan ng ginto at mamahaling mga bato at perlas. Siya ay may isang sarong ginto sa kaniyang kamay. Ito ay puno ng mga bagay na karumal-dumal at karumihan ng kaniyang pakikiapid. 5Sa kaniyang noo ay may nakasulat na isang pangalan: HIWAGA ANG DAKILANG BABILONYA. ANG INA NG MGA PATUTOT AT NG MGA KARUMAL-DUMAL SA LUPA. 6At nakita ko ang babae na nalasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.
   Nang makita ko siya, ako ay namangha ng labis na pamamangha. 7At sinabi ng anghel sa akin: Bakit ka namangha? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga tungkol sa babae at tungkol sa mabangis na hayop na nagdadala sa kaniya. Ang mabangis na hayop ay may pitong mga ulo at sampung mga sungay. 8Ang mabangis na hayop na iyong nakita ay ang sa nakaraan ngunit hindi ang sa ngayon. Siya ay aahon mula sa walang hanggang kalaliman at patungo sa kapahamakan. Ang mga taong nananahan sa lupa, sila na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay simula pa nang itatag ang sanlibutan, ay mamamangha patungkol sa mabangis na hayop, kapag nakita nila ang mabangis na hayop na ito, na siyang sa nakaraan ngunit hindi ang sa ngayon at siyang darating pa.

   
 9Dito ay kailangan ang isang kaisipan na may karunungan: Ang pitong ulo ay kumakatawan sa pitong mga bundok na kinauupuan ng babae. 10May pitong mga hari roon. Lima sa kanila ang bumagsak. Ang isa ay sa ngayon. Ang isa ay hindi pa dumating. At kapag siya ay dumating, siya ay kailangang mananatili sa sandaling panahon. 11Ang mabangis na hayop na siya ang sa nakaraan at hindi ang sa ngayon, siya rin ang pangwalong hari at mula sa pitong mga hari. Siya ay paroroon sa kapahamakan.

   
 12Ang sampung sungay na iyong nakita ay ang sampung mga hari. Hindi pa nila natanggap ang kaharian. Subalit sila ay tatanggap ng kapamahalaan mula sa mabangis na hayop upang maghari ng isang oras. 13Ang mga haring ito ay may iisang kaisipan. Ibibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa mabangis na hayop. 14Ang mga haring ito ay makikipagdigma laban sa Kordero. At lulupigin sila ng Kordero sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Ang mga tinawag niya at hinirang at ang mga tapat ay yaong makakasama niya.

   
 15Sinabi ng anghel sa akin: Ang mga tubig na iyong nakita na kinauupuan ng patutot ay mga tao at napakaraming tao at mga bansa at mga wika. 16Ang sampung sungay na iyong nakita sa mabangis na hayop ay mapopoot sa patutot at siya ay kanilang wawasakin, huhubaran, kakainin ang kaniyang laman at susunugin sa apoy. 17Ito ay sapagkat ilalagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin nila ang nais niya. Gagawin nila ito na may iisang kaisipan at ibibigay nila ang kanilang mga paghahari sa mabangis na hayop hanggang sa lubos na maganap ang mga sinalita ng Diyos. 18At ang babae na iyong nakita ay ang dakilang lungsod na naghahari sa mga hari sa lupa.

 

Pahayag 18

Bumagsak ang Babilonya

 1Pagkatapos ng mga bagay na ito, nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na may malaking kapamahalaan. Ang kaniyang kaluwalhatian ay nagliwanag sa lupa. 2Siya ay sumigaw sa isang napakalakas na tinig at sinabi niya:
   Bumagsak na! Ang dakilang Babilonya ay bumagsak na!
   Ito ay naging isang dakong tirahan ng mga demonyo. Ito
   ay naging isang bilangguan ng bawat karumal-dumal na
   espiritu at bawat karumal-dumal na ibon na kinapopootan
   ng mga tao. 3Ito ay sapagkat ang lahat ng mga bansa ay
   uminom ng alak ng poot ng kaniyang pakikiapid. Ang
   mga hari sa lupa ay nakiapid sa kaniya. Ang mga
   mangangalakal sa lupa ay yumaman sa kahalayan ng
   kaniyang kayamanan.

   
 4Pagkatapos, nakarinig ako ng isa pang tinig mula sa langit na sinasabi:
   Mga tao ko, lumayo kayo sa kaniya upang hindi kayo
   madamay sa kaniyang mga kasalanan, at upang hindi
   ninyo tanggapin ang kaniyang mga salot. 5Ang kaniyang
   mga kasalanan ay nagkapatong-patong hanggang langit
   at naalala ng Diyos ang kaniyang masasamang gawa.
    6Ibigay ninyo sa kaniya ang anumang naibigay niya sa
   inyo. At bayaran ninyo siya ng makalawang ulit ayon sa
   kaniyang mga gawa. Ang saro na kaniyang hinalo ay
   haluin mo ng makalawang ulit para sa kaniya. 7Sa
   halagang ipinangluwalhati niya sa kaniyang sarili at
   namuhay sa napakalaking kayamanan, sa gayunding
   halaga ay bigyan ninyo siya ng paghihirap at pananangis.
   Sapagkat sinasabi niya sa kaniyang puso: Ako ay umuupo
   bilang isang reyna at hindi bilang isang balo. At kailanman
   ay hindi ako makakakita ng pananangis. 8Kaya nga, sa
   isang araw ang kaniyang mga salot ay darating sa kaniya.
   Ang mga ito ay kamatayan, kalumbayan at kagutuman.
   Siya ay susunugin nila sa apoy sapagkat ang Panginoong
   Diyos ang hahatol sa kaniya.

   
 9At kapag makita nila ang usok na pumapailanglang mula sa pinagsusunugan sa kaniya, ang mga hari sa lupa ay tatangis at mananaghoy na para sa kaniya, sila yaong mga nakiapid sa kaniya at namuhay sa napakalaking kayamanan. 10Dahil natakot sila sa pahirap sa kaniya, sila ay tatayo sa malayo. Sasabihin nila:
   Aba! Aba! Ang dakilang lungsod! Ang Babilonya, ang
   malakas na lungsod! Sapagkat sa loob ng isang oras ang
   iyong kahatulan ay dumating.

   
 11At ang mga mangangalakal sa lupa ay tatangis at magluluksa para sa kaniya. Sila ay tatangis sapagkat wala nang bibili ng kanilang mga kalakal. 12Ang kanilang mga kalakal ay ginto, pilak, mamahaling mga bato at mga perlas. Kabilang dito ay mga kayong linong tela, kulay ubeng tela, sutlang tela, pulang tela at mabangong kahoy. Kabilang din ay mga bagay na ginawa mula sa garing at lahat ng uri ng bagay na ginawa mula sa napakamamahaling kahoy. Kabilang pa rin ay mga bagay na ginawa mula sa tanso, bakal at marmol. 13Ang kanilang mga kalakal ay kanela, insenso, pamahid, kamangyan, alak, langis at pinong harina, trigo, mga baka, mga tupa, mga kabayo, mga karuwahe, mga katawan at mga kaluluwa ng mga tao.

   
 14At sasabihin nila: Ang hinog na mga bunga na masidhing ninanasa ng iyong kaluluwa ay nawala sa iyo. Lahat ng matatabang bagay at ang mga maniningning na bagay ay nawala sa iyo. At kailanman ay hindi mo na makikita ang mga ito. 15Sapagkat natatakot sila sa pahirap sa kaniya, ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito ay tatayo sa malayo. Sila yaong mga yumaman dahil sa kaniya. Sila ay tatangis at magluluksa. 16At sasabihin nila:
   Aba! Aba! Ito ang dakilang lungsod na naramtan ng
   kayong telang lino, ubeng tela at pulang tela. Ginayakan
   niya ang kaniyang sarili ng ginto, mamahaling mga bato at
   mga perlas. 17Ito ay sapagkat sa loob ng isang oras ang
   gayon kalaking kayamanan ay mauuwi sa wala.
   Ang lahat ng kapitan at lahat ng may mga tungkulin sa mga barko, at ang mga magdaragat at lahat ng mga mangangalakal sa dagat ay nakatayo sa malayo. 18Nang makita nila ang usok mula sa pagkakasunog sa kaniya, sinabi nila: Anong lungsod ang kasingdakila ng lungsod na ito? 19At sila ay nagbuhos ng alikabok sa kanilang mga ulo. Sila ay tumatangis at nananaghoy at sumisigaw na sinasabi:
   Aba! Aba! Ito ang dakilang lungsod na nagpayaman sa
   atin. Tayo na may mga barko sa dagat ay yumaman dahil
   sa kaniyang kayamanan. Sapagkat sa loob ng isang oras
   siya ay nawasak. 20O magalak ka langit dahil sa kaniya!
   At kayong mga banal at mga apostol at mga propeta ay
   magalak. Siya ay hinatulan ng Diyos para sa inyong
   kapakanan.

   
 21Pagkatapos, isang malakas na anghel ang kumuha ng isang bato na katulad ng isang malaking gilingang bato. At inihagis niya ito sa dagat. Sinabi niya:
   Sa ganitong kabagsik na paraan, ihahagis ng Diyos ang
   dakilang lungsod ng Babilonya. At kailanman ay hindi na
   ito muling makikita. 22Wala nang sinumang makakarinig
   mula sa iyo ng tugtog ng mga manunugtog ng kudyapi, o
   mga musikero, o mga taga-ihip ng plawta o taga-ihip ng
   trumpeta. Wala nang manggagawa ang gagawa ng anumang
   pangangalakal sa iyo. Wala nang maririnig sa iyo na ingay
   ng gilingang bato. 23At ang liwanag ng isang ilawan ay
   hindi na magliliwanag sa iyo. Wala nang sinumang
   makakarinig sa iyo ng tinig ng lalaking ikakasal o tinig
   ng babaeng ikakasal. Ang iyong mga mangangalakal ay
   naging mga dakilang tao sa lupa. Iniligaw mo ang mga
   tao sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng iyong
   panggagaway. 24Sa kaniya ay natagpuan ng mga tao ang
   dugo ng mga propeta at mga banal. Natagpuan nila sa
   kaniya ang dugo ng lahat ng mga taong pinatay sa lupa.

 

Pahayag 19

Aleluya!

 1Pagkatapos ng mga bagay na ito, narinig ko ang malakas na tinig ng napakaraming bilang ng tao sa langit. Sinabi nila:
   Aleluya! At kaligtasan, kaluwalhatian, karangalan at
   kapangyarihan ay sa ating Panginoong Diyos. 2Sapagkat
   ang kaniyang mga kahatulan ay totoo at matuwid.
   Hinatulan niya ang dakilang patutot na sumira sa lupa sa
   pamamagitan ng kaniyang pakikiapid. Ipinaghiganti niya
   ang dugo ng kaniyang mga alipin na ibinuhos ng kamay ng
   dakilang patutot. 3Sila ay muling sumigaw: Aleluya! Ang
   kaniyang usok ay pumailanglang magpakailan pa man.

   
 4Ang dalawampu't apat na mga matanda at ang apat na buhay na nilalang ay nagpatirapa at sinamba ang Diyos na nakaupo sa trono. Sinabi nila:
   Siya nawa! Aleluya!

   
 5Isang tinig ang lumabas mula sa trono na sinasabi:
   Kayo na kaniyang mga alipin, purihin ninyo ang Panginoon
   nating Diyos. Kayong mga dakila at hindi mga dakilang
   tao na natatakot sa kaniya, purihin ninyo siya.

   
 6At aking narinig ang isang tunog na katulad ng tinig ng isang napakaraming bilang ng tao, katulad ng tunog ng maraming tubig at katulad ng tunog ng malalakas na kulog. Sinabi nito:
   Aleluya! Ito ay sapagkat ang Panginoon na Makapangyarihan
   ay naghari na. 7Tayo ay labis na magsaya at magalak
   at tayo ay magbigay ng kaluwalhatian sa kaniya sapagkat
   sumapit na ang kasal ng Kordero. At ang kaniyang
   kasintahang babae ay nakahanda sa kaniyang sarili.
    8At binigyan siya ng karapatan ng Diyos upang magsuot
   ng kayong lino na dalisay at makintab.

   Ang telang ito ay kumakatawan sa matutuwid na gawa ng mga banal.

   
 9At sinabi niya sa akin: Isulat mo ito. Pinagpala silang mga tinawag ng Diyos sa hapunang para sa kasal ng Kordero. At sinabi niya sa akin: Ang mga ito ay totoong mga salita ng Diyos.

   
 10At ako ay nagpatirapa sa harapan ng kaniyang mg paa upang sambahin siya. At sinabi niya: Huwag mong gawin iyan. Ako ay kapwa mo alipin at kapatid mong lalaki na taglay ang patotoo ni Jesus. Sambahin mo ang Diyos sapagkat ang patotoo tungkol kay Jesus ay ang espiritu ng paghahayag.

Ang Nakasakay sa Kabayong Puti

 11Nang bumukas ang langit, narito, nakita ko ang isang puting kabayo. At ang nakaupo roon, ay tinawag na Tapat at Totoo. Siya ay humahatol at nakikipagdigma ng matuwid. 12Ang kaniyang mga mata ay katulad ng alab ng apoy. Sa kaniyang ulo ay nakasuot ang maraming koronang panghari at nakasulat ang kaniyang pangalan na walang sinumang nakakaalam maliban sa kaniyang sarili. 13Siya ay nakasuot ng isang kasuotang itinubog sa dugo. Ang kaniyang pangalan ay Salita ng Diyos. 14At ang mga hukbo sa langit ay sumusunod sa kaniya na nakasakay sa mga puting kabayo. Sila ay nakasuot ng kayong lino na maputi at malinis. 15At isang matalim na tabak ang lumabas mula sa kaniyang bibig. Sinugatan niya ang mga bansa sa pamamagitan nito. Siya ay magpapastol sa kanila sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Niyuyurakan niya ang pisaang ubas ng kabagsikan ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16At sa kaniyang kasuotan at sa kaniyang hita ay naroon ang kaniyang pangalan na isinulat ng Diyos: HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON.

   
 17At aking nakita ang isang anghel na nakatayo sa araw. Siya ay sumigaw ng isang malakas na tinig. Siya ay nagsalita sa lahat ng mga ibon na lumilipad sa gitna ng langit at sinabi niya: Lumapit kayo at magtipun-tipon sa hapunan ng dakilang Diyos. 18Ito ay upang kainin ang laman ng mga hari at laman ng mga pinunong-kapitan at laman ng mga malalakas na tao, ang laman ng mga kabayo, laman ng mga nakaupo rito, laman ng lahat ng mga taong malaya at mga alipin o mga hindi dakila at mga dakila.

   
 19At nakita ko ang mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at kanilang mga hukbo. Sama-sama silang nagtipon upang makipagdigma laban sa kaniya na nakaupo sa kabayo na kasama ang kaniyang hukbo. 20At nahuli niya ang mabangis na hayop na kasama ang bulaang propeta na siyang gumawa ng mga tanda sa harap niya. Sa pamamagitan nito, nailigaw niya yaong mga tumanggap ng tatak ng mabangis na hayop at yaong mga sumasamba sa kaniyang pangalan. Inihagis niyang buhay ang dalawa sa lawa ng apoy na nagniningas sa asupre. 21At ang natira ay pinatay ng nakaupo sa kabayo sa pamamagitan ng kaniyang tabak na lumabas mula sa kaniyang bibig. Ang lahat ng mga ibon ay nabusog sa kanilang mga laman.

 

Pahayag 20

Ang Isang Libong Taon

 1At nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit. Siya ay may taglay na susi ng walang hanggang kalaliman. Siya ay may hawak na malaking tanikala. 2At hinuli niya ang dragon, na ito ay ang ahas noong matagal nang panahon. Siya ang diyablo at Satanas. Siya ay ginapos sa loob ng isang libong taon. 3Itinapon siya sa walang hanggang kalaliman upang hindi na siya makapagligaw ng mga bansa. Sinarhan niya siya at nilagyan ng selyo sa ibabaw niya. Siya ay mananatili roon hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos ng mga bagay na ito kinakailangang pakawalan siya ng Diyos sa maikling panahon.

   
 4At nakita ko ang mga luklukan. Nakaupo rito ang mga tao at binigyan sila ng kapamahalaan upang humatol. Nakita ko ang mga kaluluwa ng mga lalaking pinugutan ng ulo dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at dahil sa salita ng Diyos. At nakita ko ang mga hindi sumamba sa mabangis na hayop o sa kaniyang larawan. Hindi nila tinanggap ang kaniyang tatak sa kanilang mga noo at sa kanilang mga kamay. Ang mga taong ito ay nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon. 5Ngunit hanggang sa matapos ang isang libong taon, ang mga natira na mga namatay ay hindi muling nabuhay. Ito ang unang pagkabuhay muli. 6Pinagpala at banal ang mga kabilang sa unang pagkabuhay muli. Ang ikalawang kamatayan ay walang kapamahalaan sa mga taong ito. Ngunit sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ni Cristo at sila ay maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.

Ang Malagim na Kahihinatnan ni Satanas

 7At kapag matapos na ang isang libong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kaniyang kulungan. 8Ito ay upang linlangin ang mga bansa na nasa apat na sulok ng daigdig. Ito ay ang Gog at Magog. Titipunin niya sila sa pakikidigma. Ang bilang nila ay katulad sa bilang ng buhangin sa tabing dagat. 9Sila ay umahon hanggang sa kabila ng kalaparan ng lupa. Pinalibutan nila ang kampo ng mga banal at ang lungsod na pinakamamahal. At ang apoy ay bumaba mula sa langit at tinupok sila. 10At ang diyablo na nanglinglang sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at ng asupre, kung saan naroroon ang mabangis na hayop at ang bulaang propeta at doon sila ay pahihirapan araw at gabi, magpakailan pa man.

Hinatulan ni Cristo ang Mga Taong Patay

 11At nakita ko ang dakilang maputing trono at ang nakaupo rito. Ang lupa at ang langit ay tumakas mula sa kaniyang harapan. Wala ng lugar doon para sa kanila. 12At nakita ko ang mga taong patay, hindi dakila at dakila na nakatayo sa harapan ng Diyos. At binuksan ang mga aklat at ang isa pang aklat ang binuksan, ito ay ang aklat ng buhay. Hinatulan niya ang mga patay ayon sa nakasulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa. 13Pinakawalan ng dagat ang mga taong patay na taglay nito. At pinakawalan ng kamatayan at ng hades ang mga taong patay na nasa kanila. At hinatulan ng Diyos ang bawat tao ayon sa kanilang mga gawa. 14Itinapon ng Diyos ang kamatayan at hades sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan. 15At ang sinumang hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawang apoy.  

 

Pahayag 21

Ang Bagong Jerusalem

 1At nakita ko ang isang bagong langit at ang bagong lupa, sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na. Ang dagat ay wala na. 2At akong si Juan, nakita ko ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababang mula sa Diyos na buhat sa langit. Ito ay inihanda na katulad ng isang babaeng ikakasal na ginayakan para sa kaniyang magiging asawa. 3Narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa langit. Sinabi nito: Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao. Siya ay mananahang kasama nila. Sila ay magiging mga tao niya. Ang kanilang Diyos mismo ang sumakanila at siya ang kanilang magiging Diyos. 4Pupunasin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata. Mawawala na ang kamatayan, ang pagtangis, ang pag-iyak o ang kabalisahan. Ang mga bagay sa nakaraan ay lumipas na.
 5Ang nakaupo sa trono ay nagsabi: Tingnan ninyo, ginawa kong bago ang lahat ng bagay. At sinabi niya sa akin: Isulat mo ito sapagkat ang mga salitang ito ay totoo at tapat.

   
 6At sinabi niya sa akin: Ang lahat ay naganap na. Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas. Ibibigay ko ang tubig ng buhay na walang bayad sa sinumang nauuhaw. 7Ang magtatagumpay ay magmamana ng lahat ng bagay. Ako ay kaniyang magiging Diyos at siya ay magiging anak ko. 8Ngunit ang mga natatakot at ang mga hindi sumasampalataya, ang mga kinamumuhian ng Diyos, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga manggagaway, mga sumasamba sa diyos-diyosan at lahat ng mga sinungaling, ang bahagi nila ay sa lawa na nagniningas sa apoy at asupre. Ito ang ikalawang kamatayan.

   
 9Ang isa sa pitong anghel ay nagpakita sa akin. Sila ang mga anghel na may pitong mangkok na puno ng pitong huling mga salot at nagsalita sa akin: Halika rito. Ipapakita ko sa iyo ang babaeng ikakasal na asawa ng Kordero. 10Dinala niya ako sa Espiritu patungo sa isang dakila at mataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang isang dakilang lungsod, ang banal na Jerusalem. Ito ay bumababang buhat sa langit mula sa Diyos. 11Taglay nito ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang ningning nito ay katulad sa isang napakahalagang bato, katulad ng isang kristal na batong haspe. 12Ito ay may isang dakila at mataas na moog at labindalawang tarangkahan. Sa tarangkahan ay may labindalawang mga anghel. May nakaukit na pangalan sa tarangkahan. Ito ay ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak na lalaki ni Israel. 13Tatlong tarangkahan ang nasa gawing silangan. Tatlong tarangkahan ang nasa gawing hilaga. Tatlong tarangkahan ang nasa gawing timog. Tatlong tarangkahan ang nasa gawing kanluran. 14Ang pader ng lungsod ay may labindalawang saligan. Sa kanila ay ang labindalawang pangalan ng mga apostol ng Kordero.

   
 15Ang nagsalita sa akin ay may isang gintong panukat. Taglay niya ito upang sukatin niya ang lungsod, ang tarangkahan nito at ang pader nito. 16Ang lungsod ay parisukat. Ang haba nito ay katulad din ng luwang nito. Sinukat niya ang lungsod ng panukat. Ang haba, ang luwang at ang taas nito ay magkakasukat na dalawanglibo at dalawangdaang kilometro. 17Sinukat niya ang moog at ito ay isangdaan at apatnapu't apat na siko. Ito ang sukat ng haba ng siko ng isang tao, na siya ring sukat ng anghel. 18Ang pader ay yari sa haspeng bato. Ang lungsod ay yari sa dalisay na ginto, katulad ng malinaw na salamin. 19Ang mga saligan ng lungsod ay nagayakan ng lahat ng uri ng mga mahalagang bato. Ang una ay haspeng bato. Ang pangalawa ay sapirang bato. Ang pangatlo ay kalsedonyang bato. Ang pang-apat ay esmeraldang bato. 20Ang panglima ay batong onise. Ang pang-anim ay batong kornalina. Ang pangpito ay batong krisolito. Ang pangwalo ay batong berilo. Ang pangsiyam ay batong topasyo. Ang pangsampu ay batong krisopraso. Ang panglabing-isa ay batong hasinto. Ang panglabindalawa ay batong amatista. 21Ang labindalawang tarangkahan ay labindalawang perlas. Ang bawat tarangkahan ay isang perlas. Ang lansangan ng lungsod ay dalisay na ginto katulad ng salaming malinaw.

   
 22At wala akong nakitang anumang banal na dako dito. Ang dahilan ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ay ang mga banal na dako nito. 23Ang lungsod ay hindi nangailangan ng araw o buwan upang magliwanag dito sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbigay-liwanag dito. Ang Kordero ay ang ilawan nito. 24Ang mga bansa ng mga iniligtas ng Diyos ay maglalakad sa liwanag nito. Ang mga hari sa lupa ay magbibigay ng kanilang kaluwalhatian at karangalan dito. 25Kailanman ay hindi isasara ang tarangkahan nito sa araw sapagkat wala ng gabi roon. 26Dadalhin nila ang kaluwalhatian at karangalan ng mga bansa dito. 27Kailanman ay hindi makakapasok doon ang anumang marumi o ang ang sinumang gumagawa ng kinapopootan ng Diyos o ang gumagawa ng kasinunga-lingan. Ang makakapasok lamang doon ay yaong ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.

Pahayag 22

Ang Ilog na Nagbibigay Buhay

 1Ipinakita niya sa akin ang isang ilog na may dalisay na tubig na nagbibigay buhay. Ito ay nagniningning katulad ng kristal. Ito ay lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero. 2Sa kalagitnaan ng lansangan at sa magkabilang panig ng ilog, naroroon ang punong-kahoy na nagbibigay buhay. Ito ay nagbubunga ng labindalawang bunga. Bawat buwan ay magbibigay ng kaniyang bunga. Ang dahon ng punong-kahoy ay para sa pagpapagaling ng mga bansa. 3Doon ay hindi na magkakaroon ng sumpa. Ang trono ng Diyos at ng Kordero ay makikita sa lungsod. Ang kaniyang mga alipin ay maglilingkod sa kaniya. 4Makikita nila ang kaniyang mukha. Ang kaniyang pangalan ay nasa mga noo nila. 5Hindi na magkakaroon ng gabi roon. Hindi na nila kailangan ang isang ilawan o ang liwanag ng araw sapagkat ang Panginoong Diyos ang magliliwanag sa kanila. Sila ay maghahari magpakailan pa man.

   
 6Sinabi ng anghel sa akin: Ang mga salitang ito ay tapat at totoo. Ang Panginoong Diyos ng mga propetang banal ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita ang mga bagay na dapat nang mangyari kaagad.

Si Jesus ay Darating

 7Narito, malapit na akong dumating. Pinagpala ang tumutupad sa mga pahayag ng Diyos sa aklat na ito.

   
 8At akong si Juan na nakakita at nakarinig ng mga bagay na ito ay nagpatirapa sa paanan ng anghel, na siyang nagpakita sa akin ng mga bagay na ito, upang sambahin siya. 9Sinabi niya sa akin: Huwag mong gawin ito sapagkat ako ay iyong kapwa alipin at gayundin ang iyong mga kapatid na lalaki na mga propeta at sa mga tumutupad ng mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.

   
 10At sinabi niya sa akin: Huwag mong selyohan ang mga pahayag sa aklat na ito sapagkat nalalapit na ang panahon. 11Ang hindi matuwid ay magpapatuloy sa pagiging hindi matuwid. Ang masama ay magpapatuloy sa pagiging masama. Ang matuwid ay magpapatuloy sa pagiging matuwid. Ang banal ay magpapatuloy sa pagpapakabanal.

   
 12Narito, malapit na Akong dumating. Ang aking gantimpala ay nasa akin upang igawad sa bawat tao ayon sa kaniyang gawa. 13Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang una at ang huli.

   
 14Pinagpala ang mga tumutupad sa kaniyang mga utos. Sila ay magkakaroon ng karapatang kumain mula sa punong-kahoy ng buhay at pumasok sa mga tarangkahan ng lungsod. 15Ngunit sa labas ng mga ito ay mananatili ang mga aso, ang mga gumagawa ng panggagaway, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga mapagsamba sa diyos-diyosan at bawat gumugusto sa kasinungalingan at ang mga sinungaling.

   
 16Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang siya ay magpatotoo sa mga bagay na ito sa inyong mga nasa iglesiya. Ako ang ugat at ang anak ni David, ang maningning na tala sa umaga.

   
 17Ang Espiritu at dalagang ikakasal ay nagsabi: Halika. At ang nakarinig ay dapat magsabi: Halika. Ang nauuhaw ay dapat lumapit. Ang naghahangad ay dapat uminom ng walang bayad sa tubig na nagbibigay buhay.

   
 18Ang dahilan nito ay nagpapatotoo rin ako sa lahat ng nakakarinig ng mga pahayag ng Diyos sa aklat na ito. Sinabi ko: Kapag dinagdagan ng sinuman ang mga bagay na ito, idadagdag ng Diyos sa kaniya ang mga salot na aking isinulat sa aklat na ito. 19Kung binawasan ng sinuman ang mga salita sa aklat ng pahayag na ito, aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi sa aklat ng buhay. Aalisin din ang kaniyang bahagi sa banal na lungsod at mula sa mga bagay na isinulat sa aklat na ito.

   
 20Siya na nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsabi: Oo, ako ay malapit nang dumating.
   Siya nawa. Oo, Panginoong Jesus, dumating ka na.

   
 21Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay mapa-sainyo nawang lahat. Siya nawa!

The Tagalog New Testament in one file is hosted online at ccel.us